Submitted by Internasyonalismo on
Nitong nakaraang mga buwan maraming mga bansa sa Uropa ang nagdaos ng kani-kanilang mga eleksyon. At sa darating na Nobyembre 2024 ay magaganap ang pambansang halalan sa Amerika, ang numero unong imperyalistang kapangyarihan sa mundo at balwarte ng burges na demokrasya.
Lahat ng paksyon ng burgesya – kanan, dulong-kanan, populista, kaliwa at dulong-kaliwa – ay nagtulong-tulong upang himukin ang pinakamaraming manggagawa at mamamayan na bomoto.
Sa Pilipinas, sa susunod na taon (2025) ay idadaos ang mid-term elections at sa 2028 ang pambansang halalan kung saan kabilang ang posisyon ng Presidente at Bise-Presidente. Pero ngayon pa lang ay naghahanda na ang lahat ng paksyon ng burgesya kasama na ang Kaliwa para dito.
Katulad ng ginagawa ng burgesya sa buong mundo, ginagawa ng burgesyang Pilipino ang lahat, kakutsaba ang Kaliwa at Kanan na mobilisahin ang uring manggagawa at mahirap na mamamayan na bomoto. Subalit, mas matindi ang kabulukan ng eleksyon sa Pilipinas dahil halos patay ang “party system”. Ang bulok na pulitika sa bansa ay dominado at kontrolado ng malalaking pampulitikang angkan sa pangunguna ng angkang Marcos at Duterte. Ang pampulitikang tunggalian ng dalawang malalaking paksyon na ito ang humuhugis sa halalang 2025 at 2028. Nais ng naghaharing uri na pag-away-awayin ang mga manggagawa sa isyung “maka-Duterte” at “maka-Marcos” para itago ang dilat na katotohanan na anumang paksyon ng naghaharing uri ay mortal na kaaway ng proletaryado. Dagdag pa, ang sentral na isyu kung saan pinalalakas ng naghaharing paksyon ay ang isyung “maka-Tsina” at “maka-Pilipinas”, “pasismo” at “demokrasya”. Ang mga makauring isyu ng masang manggagawa ay ginawa lang palamuti at pang-engganyo sa kanila para suportahan ang isang paksyon ng burgesya laban sa karibal nito.
Sa madaling sabi, nais ng kaaway sa uri na hati-hatiin at mas pahinain ang pagkakaisa ng proletaryado laban sa kapitalismo gamit ang ideolohiya ng burgesya: nasyunalismo at demokrasya. Nais ng uring kapitalista na ang tanging pagpipilian lang ng masang manggagawa ay kung alin sa magkaribal na malalaking paksyon ng mapagsamantalang uri ang “mas makabayan” at “mas demokratiko” o kaya “laban sa pagmamahal sa bansa” at “laban sa demokrasya”.
Ang artikulo sa ibaba ay ang marxistang pagsusuri sa tunay na esensya at kawalang kabuluhan ng eleksyon para sa tunay na pagbabago sa lumalalang hirap na kalagayan ng uring manggagawa at iba pang pinagsamantalahang uri ng kapitalistang sistema. Hindi eleksyon ang solusyon kundi internasyunal na rebolusyon ng uring manggagawa para ibagsak ang kapitalistang moda ng produksyon at palitan ng komunistang sistema.
Para sa mga nagsusuring elemento sa Pilipinas, kailangang suriin kung may kabuluhan pa ba ang burges na eleksyon para sa pakikibaka ng uring manggagawa.
INTERNASYONALISMO
seksyon ng IKT sa Pilipinas
Agosto 4, 2024
**********************************
Hindi mababago ang lipunan sa pamamagitan ng eleksyon
Sa Britanya, tulad ng sa Pransya, EU at nalalapit na eleksyon sa USA, todo-bwelo na ang palabas ng halalan. Maglathala kami ng iba't ibang artikulo na sumusuri sa mga implikasyon ng mga ito at iba pang eleksyon bilang pagpapahayag ng lumalaking pagkawala ng kontrol ng burgesya sa makinarya nito sa pulitika. Ngunit una ay nais naming muling pagtibayin ang batayang makauring posisyon na binuo lalo na ng Kaliwang Komunista mula nang pumasok ang kapitalismo sa kanyang panahon ng pagbagsak sa mga unang taon ng ika-20 siglo: na taliwas sa propaganda ng naghaharing uri, hindi mapipigilan ng eleksyon o parliyamento ang pagbulusok ng sistemang ito tungo sa krisis pang-ekonomiya, digmaan at pagsira sa sarili.
*******************************************************
Nais ng burgesya na bomoto tayo
Ang mga argumento na iniharap ng mga partidong pampulitika o mga kandidato upang kumbinsihin ang mga botante na iboto sila ay sa pangkalahatan ay masusuma sa: ang elekyon ay panahon kung saan ang mga mamamayan ay nahaharap na pipili kung saan nakasalalay ang pag-unlad ng lipunan at, dahil dito, ang kanilang kalagayan sa pamumuhay sa hinaharap. "Lahat ng tao ay ipinanganak na malaya at pantay pantay sa karapatan", ipinapahayag ng Universal Declaration of Human Rights. Salamat sa demokrasya, sinabi sa atin, ang bawat mamamayan ay may parehong pagkakataon na lumahok sa mga pangunahing pagpipilian sa lipunan. Gayunpaman, sa totoo lang, hindi ito ang kaso, dahil ang lipunan ay nahahati sa mga uri ng lipunan na may mga antagonistikong interes. Isa sa kanila, ang burgesya, ay sa kabuuan nagsasagawa ng dominasyon sa lipunan sa pamamagitan ng pag-aari nito ng kayamanan at, salamat sa estado nito, sa buong demokratikong aparato, sa media, atbp. Sa gayon ay maaari nitong ipataw ang kaayusan, ideya at propaganda nito sa uring manggagawa at sa lahat ng inaapi. Sa kabilang banda, ang uring manggagawa ang tanging uri na, sa pamamagitan ng pakikibaka nito, ay may kakayahang hamunin ang hegemonya ng burgesya at ng sistema ng pagsasamantala nito.
Sa ganitong kalagayan, lubos na isang ilusyon na isipin na posibleng baguhin ang estado, kabilang na ang mga demokratikong institusyon, upang gamitin sila sa paglilingkod sa pinakamalaking mayoriya ng lipunan. Kaya naman lahat ng partido na naghahanap ng boto ng mga pinagsasamantalahan, na nagsasabing ipinagtatanggol ang kanilang interes, ay nagtutulungan upang mapanatili ang ilusyon na ito. Sa parehong paraan, ang alternatibong "kaliwa-kanan" ay tunay na isang maling pagpipilian dahil dinisenyo ito upang itago ang katotohanan na, sa likod ng elektoral at parliyamentaryong daldalan, tanging ang burgesya lamang ang talagang may kapangyarihan ng desisyon. Ang pagkakaiba ng mga partido ng kaliwa at kanan ay walang kwenta kumpara sa pagkakatulad nila: ang pagtatanggol sa pambansang kapital. Sa paglilingkod ng layuning ito, nagagawa nilang malapitang makipagtulungan, lalo na sa likod ng mga saradong pintuan ng mga komite ng parliyamento at sa pinakamataas na antas ng aparato ng estado. Sa katunayan, ang mga pampublikong debate sa parliyamento ay maliit lamang at kadalasang walang halaga na bahagi ng burges na debate.
Dahil nga sa imposible ang anumang pagbabago sa kalagayan ng pamumuhay ng uring pinagsamantalahan sa pamamagitan ng balota kaya masigasig ang burgesya na kumbinsihin tayo kung hindi man sa pamamagitan ng paghagupit ng mensahe: "oo, posible ang ibang patakaran... kung boboto ka ng maayos".
May impluwensya ba ang resulta ng eleksyon kung lumala o bumuti ba ang sitwasyon ng mga pinagsamantalahan?
Kahit hindi pwedeng gamitin ang balota para magtatag ng lipunan kung saan talagang matutugunan ang pangangailangan ng tao, hindi ba't may mga pagpapabuti sa kalagayan ng pamumuhay sa pamamagitan ng eleksyon? Mas disente pa rin, hindi ba ang isang partikular na pagpipilian sa halalan ay gagawing posible na limitahan ang mga pag-atake sa hinaharap?
Kung, sa loob ng halos isang siglo, walang eleksyon na humantong sa tunay na pag-unlad ng lipunan, ito ay dahil ang mga pagpipilian sa lipunan ay hindi na nakabase sa resulta ng eleksyon. Ang paglala sa kalagayan ng pamumuhay ng uring manggagawa ay unang nakabase sa lalim ng krisis ng kapitalismo at sa kakayahan ng bawat pambansang burgesya na bayaran ito ng pinagsamantalahan, upang ipagtanggol ang kakayahang makigkompitensya ng pambansang kapital sa pandaigdigang arena. Ito ang dahilan kung bakit tanging ang pagputok ng makauring pakikibaka ang may kakayahang hadlangan ang mga pag-atake ng burgesya at igiit ang interes ng proletaryado.
Ito rin ang dahilan kung bakit laging burgesya ang nananalo sa eleksyon at ang mga proletaryo ay wala, absolutong wala, ng maaasahan mula sa palabas na ito. Walang parliyamentaryong pakikibaka, anuman ang anyo, ang may kakayahan, sa kasalukuyang yugto ng buhay ng kapitalismo, na mapabuti ang kalagayan ng uring manggagawa. Ang mga ilusyon ng paksang ito na inaaaliw ng lahat ng sektor ng burgesya ay batay sa isang realidad na ang kapitalismo ay lipas na:
"Sa pasulong na yugto ng kapitalismo, ang parliyamento ang pinakaangkop na anyo para sa organisasyon ng burgesya. Bilang isang partikular na burges na institusyon, hindi ito kailanman naging pangunahing arena para sa aktibidad ng uring manggagawa at ang paglahok ng proletaryado sa aktibidad ng parliyamentaryo at mga kampanyang elektoral ay naglalaman ng maraming tunay na panganib, na laging nagbabala ang mga rebolusyonaryo noong nakaraang siglo sa uri. Gayunman, sa panahong wala pa sa agenda ang rebolusyon at kaya pang makakuha ng proletaryado ng mga reporma mula sa loob ng sistema, dahil sa pakikilahok sa parliyamento, magagamit ito ng uri sa pagsusulong ng mga reporma, paggamit ng mga kampanyang elektoral bilang paraan ng propaganda at ahitasyon para sa proletaryong programa, at gamitin ang parliyamento bilang entablado para tuligsain ang kahihiyan ng burges na pulitika. Ito ang dahilan kung bakit ang pakikibaka para sa unibersal na pagboto ay sa buong ikalabingsiyam na siglo sa maraming bansa ang isa sa pinakamahalagang isyu kung saan inorganisa ng proletaryado.
Nang pumasok ang kapitalistang sistema sa dekadenteng yugto nito, hindi na instrumento ang parliyamento para sa mga reporma. Tulad ng sinabi ng Komunistang Internasyunal sa Ikalawang Kongreso nito: 'Ang sentro-de-grabidad ng pampulitikang buhay ay ganap at pinal na inalis na lampas sa mga hangganan ng parliyamento'. Ang tanging papel na maaaring gawin ng parliyamento mula noon, ang tanging bagay na nagpapanatili sa buhay nito, ay ang papel nito bilang isang instrumento ng mistipikasyon. Sa gayon natapos ang anumang posibilidad na gamitin ng proletaryado ang parliyamento sa anumang paraan. Ang uri ay hindi maaaring makakuha ng imposibleng mga reporma mula sa isang organo na kung saan ay nawala na ang anumang tunay na pampulitikang tungkulin. Sa panahong ang pangunahing tungkulin nito ay wasakin ang lahat ng institusyon ng burges na estado at sa gayon ay parliyamento; sa panahon na kapag kailangan nitong itayo ang sariling diktadura sa mga guho ng unibersal na pagboto at iba pang mga labi ng burges na lipunan, ang paglahok sa mga institusyong parliyamentaryo at elektoral ay maaaring magbigay lamang ng buhay sa bulok na mga institusyong ito, anuman ang intensyon ng mga nagtataguyod ng ganitong uri ng aktibidad". (Plataporma ng IKT)
Paano tayo dapat lumaban? Hiwa-hiwalay sa mga sentro ng botohan o sa pamamagitan ng isang nagkakaisa, kolektibo at napakalaking pakikibaka?
Alam na alam ng burgesya na wala itong dapat ikatakot sa kamulatan ng mga manggagawa kapag sila ay mga pasibong manonood sa mga elektoral na debate na nagtatampok ng mga tunay na propesyunal sa pulitika na walang kinalaman sa interes ng uring manggagawa. Wala rin itong dapat ikatakot sa kanilang pagkilos kapag sila ay nahahati sa napakaraming hiwa-hiwalay na mamamayan sa mga sentro ng botohan. Sa kabilang banda, alam nito na lubusan nitong ikatakot ang kolektibong lakas at nagkakaisang pagkilos ng manggagawa, na ipinahayag sa pamamagitan ng talakayan at organisasyon ng pakikibaka sa lugar ng trabaho, sa pangkalahatang mga pagtitipon at sa mga lansangan. Sa ganitong paraan lamang, at hindi sa pamamagitan ng pasibong pakikinig ng mga talumpati sa halalan at pagmamarka ng iyong balota, na hiwa-hiwalay sa mga sentro ng botohan, tunay na maipahayag lamang ang buhay ng uring manggagawa.
Sa mga pangkalahatang asembliya ng pakikibaka, ang entablado ay ibinabahagi, ang mga debate ay bukas at praternal at, higit sa lahat, ang mga nahalal na delegado ay mababawi. Ang pagpapawalang-bisa ng mga delegado ang paraan kung saan nananatili ang kontrol ng asembliya sa pakikibaka lalo na sa harap ng mga pagtatangka na alisin ito sa kanila ng mga "propesyonal ng pakikibaka", ang mga unyon. Ang eleksyon at pagbawi ng mga delegado ay magtitiyak na ang mga kakatawan sa mga asembliya ay permanenteng produkto ng kanilang pakikibaka. Ang mga karanasan ng napakalaking mobilisasyon ng uring manggagawa, tulad noong 1905 sa Rusya, noong mga taong 1917-23 sa maraming bansa sa kontinente ng Uropa at Amerika, at mas kamakailan lamang sa panahon ng pakikibaka sa Poland noong Agosto 1980, ay ang pinakamagagandang paglalarawan ng katotohanan na ang sandata ng uring manggagawa ay kolektibong pagkilos at hindi ang balota.
Kaya nasa kapasidad ng uring manggagawa na kumilos sa makauring tereyn nito ayon sa sariling paraan ng pakikibaka, para ipagtanggol ang interes nito, laban sa mga atake ng kapital, ang magtatakda ng kapasidad nitong labanan ang mga atake, at hindi ang malawakang pagboto para sa alinmang partido o kandidato sa panahon ng eleksyon.
Walang mapapala ang uring manggagawa sa paglahok sa eleksyon, maliban sa ilusyon!
Hindi lamang ang eleksyon ay hindi paraan ng pakikibaka ng uring manggagawa, kundi pinapayagan din nito ang burgesya na gawing mamamayang botante ang mga manggagawa, palabnawin sila sa masa ng populasyon sa pamamagitan ng paghihiwalay sa kanila sa isa't isa at, sa huli, upang mas maging mahina sila sa propaganda nito.
At dahil ang elektoral at demokratikong mistipikasyon ay isang pangunahing ideolohikal na sandata kaya ginagawa ng burgesya ang lahat ng makakaya nito upang mapanatili at muling maging epektibo sa pamamagitan ng iba't ibang pakana:
- ang mga klasikong instigador at mapanlinlang na pangako na hindi kailanman matutupad;
- ang pagtuligsa sa mga taong, dahil hindi na nila nakitang kapaki-pakinabang ang eleksyon, ay inakusahan ng pagyurak sa mga sakripisyong ginawa ng mga nakaraang henerasyon ng mga manggagawa na nakipaglaban upang manalo ang unibersal na karapatang bomoto (karaniwang itinatago ang katotohanan na ang mga kinatawan ding ito ng burgesya, na ngayon ay umaabot pa sa pamimilit na bomoto sa ilang mga bansa, ay tutol sa unibersal na karapatang bomoto sa nakaraang panahon);
- ang pagsasamantala sa naramdamang kawalang-kasiguruhan ng populasyon - na bunga mismo ng kawalang-kasiguruhan dulot ng kapitalismo at ng demokrasya nito na siyang nagpalubog sa buong lipunan. Ang isang malinaw na halimbawa nito ay ang paraan ng iba't ibang mga partido na naglalayong ilihis ang isang bahagi ng uring manggagawa para bomoto sa populista at dulong-kanan, habang ang iba ay nanawagan sa mga manggagawa na lumahok sa mga eleksyon upang "harangan ang daan patungo sa dulong-kanan";
- pagsasamantala sa mga ala-ala ng matinding dalamhati na iniwan ng pasismo, na pinaniwala ang mga tao na ang paghina ng sistemang elektoral at demokrasya ang nagbigay daan sa pasismo, gayong sa katunayan ay kabaligtaran ang totoo. Sa Alemanya, halimbawa, ito ang pagkatalo ng uring manggagawa, kasunod ng madugong pagdurog ng mga sosyal-demokrata sa rebolusyon noong 1919-23, na nagbigay-daan sa legal at ganap na demokratikong pag-akyat sa kapangyarihan ni Hitler at ng partidong Nazi.
Ngayon sa Britanya, isang kamakailang survey ng Office for National Statistics[1] ang nagpakita na maraming kabataan ang hindi boboto sa darating na halalan dahil lumalaki ang pagkadismaya sa mga umiiral na partidong pampulitika. Ipinapakita rin ng parehong survey na ang kawalang interes ay hindi lang ang pangunahing isyu dito: marami sa mga nainterbyu ang nagpahayag ng tunay na pag-alala para sa kanilang kinabukasan at sa hinaharap ng planeta ngunit nagkaroon ng matinding pag-alinlangan kung ang pagboto sa alinman sa mga partido ay magkaroon ng anumang pagbabago. Ito ay isang mahalagang "simula ng karunungan", bagaman patuloy nating nakikita ang pag-usbong ng mga "bagong" partido na nangangako ng tunay na radikal na mga panukala, na naghahangad na mabawi at baluktutin ang naturang mga paunang hakbang sa kamulatan. Ang mahalaga ay ang pagkakaroon ng malinaw na pagkaunawa na ang problemang kinakaharap ng uring manggagawa ay hindi lamang ang paghihiganti ng mga pulitiko o ang pagkukunwari ng kanilang mga partido, kundi ang pag-iral ng buong sistema ng produksyon na naging hadlang sa pag-unlad ng sangkatauhan.
WR
Source URL:https://en.internationalism.org/content/17525/you-cant-change-society-ballot-paper