Ang pakikibaka ay nasa ating harapan!

Printer-friendly version

Sa nakalipas na taon, sumiklab ang mga mayor pakikibaka ng mga manggagawa sa mga mayor na bansa ng pandaigdigang kapitalismo at sa buong mundo. Ang serye ng mga welga na ito ay nagsimula sa UK noong tag-init ng 2022, at ang mga manggagawa sa maraming iba pang mga bansa ay mula noon ay sumama sa pakikibaka: Pransya, Alemanya, Espanya, Netherlands, Estados Unidos, Korea... Kahit saan, ang uring manggagawa ay nagtaas ng ulo sa harap ng matinding paglala ng kalagayan ng pamumuhay at paggawa, nakakahilo na pagtaas ng presyo, sistematikong kawalan ng seguridad at kawalan ng trabaho ng masa, dahil sa paglala ng destabilisasyong sa ekonomiya, mga pagkasira sa ekolohiya at pag-igting ng militarismo na nakaugnay sa barbarikong digmaan sa Ukraine.

Isang alon ng pakikibaka na walang katulad sa loob ng tatlong dekada

Sa loob ng tatlong dekada, hindi nakita ng mundo ang gayong alon ng sabay-sabay na pakikibaka sa napakaraming bansa, o sa loob ng ganoong mahabang panahon. Ang pagbagsak ng bloke ng Silangan noong 1989 at ang mga kampanya tungkol sa diumano'y "kamatayan ng komunismo" ay nagbunsod ng malalim na paghina ng makauring pakikibaka sa pandaigdigang antas. Ang mayor na pangyayaring ito, ang pagkabuwag ng Stalinistang imperyalistang bloke at ng isa sa dalawang pinaka-malaking kapangyarihan sa mundo, ang USSR, ang pinakakagila-gilalas na ekspresyon ng pagpasok ng kapitalismo sa bago at mas mapanirang yugto ng kanyang pagka-dekadente, ang pagkabulok nito[1]. Ang pagkabulok ng lipunan sa pundasyon nito, sa lumalaking karahasan at kaguluhan nito sa lahat ng antas, ang kawalang pag-asa at desperado na kapaligiran, ang posibilidad patungo sa panlipunang atomisasyon ... Ang lahat ng ito ay nagkaroon ng napaka-negatibong epekto sa pakikibaka ng uri. Kaya nasaksihan natin ang isang malaking paghina ng mapanlabang diwa kumpara sa nakaraang panahon, simula noong 1968. Ang pag-atras na tumama sa uring manggagawa sa Britanya sa loob ng mahigit tatlong dekada, isang proletaryado na may mahabang karanasan sa pakikibaka, ay naglarawan ng katotohanan ng pag-urong na ito. Sa harap ng mga pag-atake ng burgesya, lubhang malupit na "mga reporma", napakalaking de-industriyalisasyon at malaking pagbagsak ng antas ng pamumuhay, ang mga manggagawa ng bansa ay walang nakitang makabuluhang pakikibaka mula ng makaranas ng matinding pagkatalo ang mga minero sa panahon ni Thatcher noong 1985.

Habang paminsan-minsan ay nagpakita ang uring manggagawa ng mga palatandaan ng pagiging mapanlaban at sinubukang muling gamitin ang mga sandata ng pakikibaka nito (ang paglaban sa Contrat de Premier Emploi (CPE) sa Pransya noong 2006, ang kilusang Indignados sa Espanya noong 2011, ang unang mobilisasyon laban sa reporma sa pensyon sa Pransya noong 2019), na nagpapatunay na sa anumang paraan ay hindi ito nawala sa entablado ng kasaysayan,  Ang mga mobilisasyon nito ay halos hindi nasundan, na walang kakayahang muling ilunsad ang mas pandaigdigang kilusan. Bakit nga ba ganito? Dahil hindi lamang nawalan ng mapanlabang diwa ang mga manggagawa sa paglipas ng mga taon, dumanas din sila ng malalim na pagbaba ng makauring kamulatan sa kanilang hanay, na pinaghirapan nilang makuha noong dekada 70 at 80. Karamihan sa mga manggagawa ay nakalimutan ang mga aral ng kanilang mga pakikibaka, ang kanilang mga komprontasyon laban sa mga unyon, ang mga patibong na itinakda ng "demokratikong" estado, pagkawala ng kanilang tiwala sa sarili, ang kanilang kakayahang magkaisa, upang lumaban ng nagkakaisa... Halos nakalimutan pa nila ang kanilang identidad bilang uri na mortal na kaaway ng burgesya at dala-dala ang sariling rebolusyonaryong perspektiba. Sa lohikang ito, tila parang tunay na ngang patay ang komunismo dahil sa mga kakila-kilabot na pangyayari sa Stalinismo, at tila naglaho na ang uring manggagawa.

Pagsambulat ng dinamiko ng makauring pakikibaka

At gayon pa man, sa harap ng malakihang pagbilis ng proseso ng pagkabulok[2] mula noong pandaigdigang pandemya ng Covid 19, at laluna sa mga masaker ng digmaan sa Ukraine at sa kadena ng mga epekto nito sa antas ekonomiya, ekolohiya, panlipunan at pulitika, itinaas ng uring manggagawa ang ulo nito sa lahat ng dako, naglunsad ng pakikibaka at tumangging tanggapin ang mga sakripisyo sa ngalan ng tinatawag na "kagalingan para sa lahat ". Nagkataon lang ba ito? Minsanan lang na mababaw na reaksyon laban sa atake ng burgesya? Hindi! ang islogan na "Tama na!" sa konteksto ng malawakang destabilisasyon ng kapitalistang sistema ay malinaw na naglarawan na ang tunay na pagbabago ng pag-iisip ay nagaganap sa loob ng uri. Ang lahat ng mga pagpapahayag na ito ng pagiging mapanlaban ay bahagi ng isang bagong sitwasyon na nagbubukas para sa pakikibaka ng uri, isang bagong yugto na bumasag sa pagiging pasibo, dis-oryentasyon at kawalan ng pag-asa sa loob ng nagdaang huling tatlong dekada.

Ang sabay-sabay na pagsabog ng mga pakikibaka sa nakalipas na taon ay hindi nagmula sa kawalan. Ang mga ito ay produkto ng isang buong proseso ng pagmuni-muni sa loob ng uri sa pamamagitan ng isang serye ng mga nakaraang pagtatangka sa pagsubok at pagkakamali. Na, sa unang pagkilos sa France laban sa “reporma” sa pensiyon sa kataposan ng 2019, natukoy ng ICC ang pagpahayag ng matinding pangangailangan ng pagkakaisa sa pagitan ng mga henerasyon at iba't ibang sektor. Ang kilusan na ito ay sinamahan din ng iba pang mga pakikibaka ng mga manggagawa sa buong mundo, sa Estados Unidos pati na rin sa Finland, ngunit nahinto dahil sa pagsabog ng Covid pandemic noong Marso 2020. Kahalintulad nito, noong Oktubre 2021, sumiklab ang mga welga sa Estados Unidos sa iba't ibang sektor, ngunit naputol ang momentum ng pakikibaka, sa pagkakataong ito dahil sa pagsiklab ng digmaan sa Ukraine, na sa simula ay naparalisa ang mga manggagawa, partikular sa Uropa.

Ang mahabang prosesong ito ng pagsubok at pagkakamali at materyalisasyon ay humantong mula sa tag-init ng 2022 hanggang sa isang determinadong reaksyon ng mga manggagawa sa kanilang sariling makauring tereyn sa harap ng mga pag-atake na nagmula sa destabilisasyon ng kapitalismo. Ang mga manggagawang Briton ay nagbukas ng bagong yugto sa internasyunal na pakikibaka ng mga manggagawa, na tinawag na "galit sa tag-init". Ang islogan na "tama na" ay naging simbolo ng buong proletaryong pakikibaka sa United Kingdom. Ang islogan na ito ay hindi nagpahayag ng mga ispisipikong kahilingan na matutugunan, kundi isang malalim na paghihimagsik laban sa mga kondisyon ng pagsasamantala. Ipinakita nito na ayaw na ng mga manggagawa na lunukin ang mga kalunus-lunos na kompromiso, ngunit handa na silang ipagpatuloy ang pakikibaka na may determinasyon. Ang kilusang manggagawa ng Britanya ay partikular na simboliko sa kadahilanang ito ang unang pagkakataon mula noong 1985 na ang sektor na ito ng uring manggagawa ay pumagitna sa entablado. At sa pagtindi ng implasyon at krisis sa buong mundo, na lubhang pinalala ng digmaan sa Ukraine at ng pag-igting ng ekonomiya ng digmaan, ang mga manggagawang pangkalusugan sa Espanya at Estados Unidos ay naglunsad rin ng opensiba, na sinundan ng isang alon ng mga welga sa Netherlands, isang "megastreik" ng mga manggagawa sa transportasyon sa Alemanya, higit sa 100 mga welga laban sa hindi pagbayad ng sahod at mga redundancies sa Tsina, isang welga at demonstrasyon pagkatapos ng isang kakila-kilabot na pag-crash ng tren sa Greece, mga guro na humihingi ng mas mataas na sahod at mas mahusay na mga kondisyon sa pagtatrabaho sa Portugal, 100,000 empleyado ng gobyerno na humihingi ng mas mataas na sahod sa Canada, at higit sa lahat, isang napakalaking kilusan ng proletaryado sa Pransya laban sa reporma sa pensyon.

Ang  napakahalagang katangian ng mga mobilisasyong ito laban sa kapitalistang pagtitipid ay nasa katotohanan na, sa katagalan, kabilang na din dito ang pagtutol sa digmaan. Tunay ngang kung ang direktang pagpapakilos sa mga manggagawa laban sa digmaan ay artipisyal, pinupunto na ng ICC noong Pebrero 2022 na ang reaksyon ng mga manggagawa ay makikita sa paglaban sa mga pag-atake sa kanilang kapasidad bumili, na magresulta sa pagpapaigting at pagkakaugnay-ugnay ng mga krisis at kalamidad, at ito rin ay magiging kontra sa mga kampanyang nanawagan ng pagtanggap ng mga sakripisyo upang suportahan ang "magiting na paglaban ng mga mamamayang Ukrainian". Ito rin ang dinadala ng mga pakikibaka nitong nakaraang taon, kahit hindi pa lubos na naunawaan ng mga manggagawa: ang pagtanggi na lalupang magsakripisyo para sa interes ng naghaharing uri, ang pagtanggi na magsakripisyo para sa pambansang ekonomiya at para sa pagsisikap sa digmaan, ang pagtanggi na tanggapin ang lohika ng sistemang ito na siyang nagtulak sa sangkatauhan tungo sa lalupang mapaminsalang sitwasyon.

Kailangan nating makibaka na nagkakaisa at para sa pakikiisa!

Sa mga pakikibakang ito, nagsimulang lumitaw sa isipan ng mga manggagawa ang ideya na "lahat tayo ay nasa iisang bangka". Sa mga picket line sa UK, sinabi sa amin ng mga welgista na nadama nila na nakibaka sila para sa isang bagay na mas malaki kaysa sa mga korporaristang kahilingan ng mga unyon. Ang banderang  "Para sa ating lahat" kung saan naganap ang welga sa Alemanya noong 27 Marso ay partikular na makabuluhan sa pangkalahatang pakiramdam na umuunlad sa uri:  "lahat tayo ay nakibaka para sa isa't isa".  Ngunit sa Pransya pinakamalinaw na pinakita ang pangangailangan ng nagkakaisang pakikibaka. Sinubukan nga ng mga unyon na hatiin at gawing bulok ang kilusan sa bitag ng "strike by proxy" sa likod ng diumano'y "estratehikong" mga sektor (tulad ng energy o rubbish collection) para "huminto ang Pransya". Ngunit hindi maramihang nahulog sa bitag ang mga manggagawa, at nanatiling determinado na magkasamang lumaban.

Sa labintatlong araw na mobilisasyon sa Pransya, ang ICC ay namahagi ng mahigit 150,000 polyeto: ang interes sa nangyayari sa UK at sa ibang lugar ay hindi kailanman nanghina. Para sa ilang mga demonstrador, ang kaugnayan sa sitwasyon sa UK ay tila naging malinaw:  "ito ay pareho sa lahat ng dako, sa bawat bansa". Hindi nagkataon na ang mga unyon sa "Mobilier national" ay kailangang magsagawa ng welga sa panahon ng (kinansela) na pagbisita ni Charles III sa Paris sa ngalan ng "pakikiisa sa mga manggagawang British". Sa kabila ng kawalang pleksibilidad ng pamahalaan sa Pransya, sa kabila ng mga kabiguan na paatrasin ang burgesya o makuha ang mas mataas na sahod sa Great Britain o sa ibang lugar, ang pinakamalaking tagumpay ng mga manggagawa ay ang pakikibaka mismo at ang kamulatan, na walang duda ay kakasimula pa lang at nalilito, na tayo ay bumuo ng iisang puwersa,  na lahat tayo ay pinagsamantalahang mga tao na, atomisado, bawat isa sa kanilang sariling sulok, ay walang magagawa laban sa kapital ngunit, nagkakaisa sa pakikibaka, ay maaring maging pinakamalaking puwersa ng lipunan sa kasaysayan.

Aminado, hindi pa rin muling nagtiwala ang mga manggagawa sa kanilang sariling lakas, sa kanilang kakayahang kontrolin ang pakikibaka sa kanilang sariling mga kamay. Ang mga unyon sa lahat ng dako ay napanatili ang kontrol sa mga kilusan, nagsasalita ng isang mas mapanlabang lenggwahe para mas maging isterilisado ang pangangailangan para sa pagkakaisa, habang pinapanatili ang matibay na paghihiwalay sa pagitan ng iba't ibang mga sektor. Sa Great Britain, nanatiling nakahiwalay ang mga manggagawa sa mga picket line ng kanilang mga kumpanya, bagaman napilitan ang mga unyon na mag-organisa ng ilang nakakatawang diumano'y "nagkakaisang" mga demonstrasyon. Gaun din sa Pransya, kapag ang mga manggagawa ay nagsama-sama sa mga napakalaking demonstrasyon, ito ay palaging nasa ilalim ng ganap na kontrol ng mga unyon, na nagpapanatili sa mga manggagawa na nakapiit sa likod ng mga bandera ng kanilang mga kumpanya at sektor. Sa kabuuan, ang koproratistang pagkapiit ay nanatili sa karamihan ng mga pakikibaka.

Sa panahon ng mga welga, patuloy na ibinuhos ng burgesya, partikular ng mga kaliwang paksyon nito, ang kanilang mga kampanyang ideolohikal sa paligid ng ekolohiya, anti-rasismo, pagtatanggol sa demokrasya at iba pa, na idinisenyo upang panatilihin ang galit at indignasyon sa tereyn ng ilusyon ng burgesya na "mga karapatan" at hatiin ang pinagsamantalahan sa pagitan ng mga puting tao at mga taong may kulay, lalaki at babae, bata at matanda... Sa Pransya, sa gitna ng kilusan laban sa reporma sa pensyon, nakita natin ang pag-unlad ng parehong mga kampanyang environmentalist sa paligid ng pag-unlad ng "mega pool" at demokratikong kampanya laban sa panunupil ng pulisya. Bagaman ang karamihan sa mga pakikibaka ng mga manggagawa ay nanatili sa makauring tereyn, ibig sabihin, ang pagtatanggol sa materyal na kalagayan ng mga manggagawa sa harap ng implasyon, kalabisan, mga hakbang sa pagtitipid ng gobyerno, atbp, ang panganib na dala ng mga ideolohiyang ito sa uring manggagawa ay nanatiling malaki.

Paghahanda sa mga pakikibaka sa hinaharap

Nabawasan ang mga pakikibaka sa ilang bansa sa kasalukuyan, ngunit hindi ito nangangahulugan na ang mga manggagawa ay pinanghinaan ng loob o natalo. Nagpatuloy ang alon ng mga welga sa UK sa loob ng isang buong taon, habang ang mga demonstrasyon sa Pransya ay tumagal ng limang buwan, sa kabila ng katotohanan na ang malaking karamihan ng mga manggagawa ay may kamulatan mula sa simula na ang burgesya ay hindi agad magpapaubaya sa kanilang mga kahilingan. Linggu-linggo sa Netherlands, buwan-buwan sa Pransya at sa loob ng isang buong taon sa UK, tumanggi ang mga manggagawa na sumuko. Malinaw na ipinakita ng mga mobilisasyong ito ng mga manggagawa ang determinasyon na huwag tanggapin ang anumang karagdagang paglala ng kondisyon ng kanilang pamumuhay. Sa kabila ng lahat ng kasinungalingan ng naghaharing uri, hindi titigil ang krisis: hindi titigil ang pagtaas ng halaga ng pabahay, heating at pagkain, magpatuloy ang mga redundancies at kontratang kontraktwal, ipagpatuloy ng mga gobyerno ang kanilang pag-atake...

Walang duda, itong bagong dinamiko ng pakikibaka ay kakasimula pa lamang at, para sa uring manggagawa, "Nanatili ang lahat ng kanyang istorikal na balakid, ang kakayahan nitong mag-organisa ng sariling mga pakikibaka at lalo na sa pagiging mulat sa rebolusyonaryong proyekto nito ay napakalayo pa rin, ngunit ang lumalaking pakikibaka sa harap ng malupit na dagok na ibinibigay ng burgesya sa pamumuhay at kalagayan ng paggawa ay ang matabang lupa kung saan muling matuklasan ng proletaryado ang makauring pagkakakilanlan nito, muling magkaroon ng kamulatan kung ano ito, sa lakas nito kapag nakibaka, kapag nagpakita ng pakikiisa at nagkaroon ng pagkakaisa. Ito ay isang proseso, isang pakikibaka na nagpapatuloy pagkatapos ng mga taon ng pasibidad, isang potensyal na iminumungkahi ng kasalukuyang mga welga."[3].Walang nakakaalam kung saan o kailan lilitaw ang makabuluhang mga bagong pakikibaka. Ngunit tiyak na kailangang patuloy na lumaban ang uring manggagawa saanman!

Milyun-milyon sa atin ang lumalaban, na nadarama ang sama-samang lakas ng ating uri habang nakatayo tayo nang magkatabi sa mga lansangan - mahalaga iyan, ngunit hindi ito sapat. Ang pamahalaang Pranses ay umatras noong 2006, sa panahon ng pakikibaka laban sa CPE, hindi dahil mas maraming mga mag-aaral at kabataan ang nasa mapanganib na kontrata sa mga lansangan, kundi dahil nakontrol nila ang kilusan mula sa mga unyon, sa pamamagitan ng soberano, napakalaking pangkalahatang mga pagtitipon, bukas sa lahat. Ang mga asembleyang ito ay hindi mga lugar kung saan ang mga manggagawa ay nakakulong sa kanilang sariling sektor o kumpanya, kundi mga lugar kung saan ang nagpadala ng malalaking delegasyon sa pinakamalapit na mga kumpanya upang aktibong humingi ng pagkakaisa. Ngayon, ang kawalan ng kakayahan ng uring manggagawa na aktibong hawakan ang pakikibaka sa pamamagitan ng paghahangad na maipaabot ito sa lahat ng sektor ang dahilan kung bakit hindi umatras ang burgesya. Gayunpaman, ang pagbawi ng identidad nito ay nagbigay daan sa uring manggagawa upang simulan ang pagbawi ng kanyang nakaraan. Sa mga martsa sa Pransya, dumami ang mga pag-alaala sa Mayo '68 at sa pakikibaka ng 2006 laban sa CPE. Ano ang nangyari noong '68 ? Paano natin napaatras ang gobyerno noong 2006 ? Sa minorya ng uri, isinasagawa ang proseso ng repleksyon, na mahalagang paraan ng paghalaw ng mga aral ng mga kilusan sa nakaraang taon at paghahanda sa mga pakikibaka sa hinaharap na kailangang lampasan kaysa noong 1968 sa Pransya o noong 1980 sa Poland.

Tulad ng mga kamakailang pakikibaka na produkto ng isang proseso ng nakatagong pagkahinog na umuunlad sa loob ng ilang panahon, gayon din ang mga pagsisikap ng minorya na malaman ang mga aral ng mga kamakailang pakikibaka ay magbunga sa mas malawak na mga pakikibaka na nasa ating harapan. Makikilala ng mga manggagawa na ang paghihiwalay ng mga pakikibaka na ipinataw ng mga unyon ay madaraig lamang kung muling matuklasan nila ang mga awtonomiyang porma ng organisasyon tulad ng mga pangkalahatang asembleya at mga halal na komite ng welga, at kung gagawin nila ang inisyatibo upang palawakin ang pakikibaka sa kabila ng lahat ng mga dibisyon ng korporasyon.

A & D, 13 Agosto 2023

 


Source URL: https://en.internationalism.org/content/17390/struggle-ahead-us

 

 

[1]Cf. “Theses on decomposition”; (May 1990)", International Review n°107 (2001).

[2] Tingnan "Update of the Theses on Decomposition (2023)", International Review n°170 (2023).

[3]Report on class struggle for the 25th ICC congress”, International Review n°170 (2023).
 

Rubric: 

Matapos ang isang taon na pakikibaka ng mga manggagawa sa buong mundo