Ang kapitalismo ay hahantong sa pagkawasak ng sangkatauhan... Tanging ang pandaigdigang rebolusyon ng proletaryado ang makakapagwakas dito

Printer-friendly version

130 taon na ang nakalipas, nang lumala ang tensyon sa pagitan ng mga kapitalistang kapangyarihan sa Uropa, inilahad ni Frederick Engels ang naging problema para sa sangkatauhan: Komunismo o Barbarismo.

Ang alternatibong ito ay nakongkreto sa Unang Digmaang Pandaigdig na sumiklab noong 1914 at nagdulot ng 20 milyong patay, hindi pa kasama ang 20 milyong naging imbalido, at sa kaguluhan ng digmaan ay nagkaroon ng pandemya ng ‘Spanish Flu’ na may higit sa 50 milyong patay.

Ang rebolusyon sa Rusya noong 1917 at ang mga rebolusyonaryong pagtatangka sa ibang bansa ay binigyang-wakas ang patayan at ipinakita ang kabilang panig ng istorikal na problema na iniharap ni Engels: ang pagpabagsak ng kapitalismo sa pandaigdigang saklaw ng rebolusyonaryong uri, ang proletaryado, na magbubukas ng posibilidad ng isang komunistang lipunan.

Gayunpaman, ang sumunod ay:

- ang pagkatalo ng pandaigdigang rebolusyonaryong pagtatangka na ito, ang malupit na kontra-rebolusyon sa Russia na ginawa ng Stalinismo sa ilalim ng bandila ng "komunismo",

- ang masaker ng proletaryado sa Alemanya, na sinimulan ng Sosyal-Demokrasya[1] at tinapos ng Nazismo,

- ang pagsuko ng proletaryado sa Unyong Sobyet, ang masaker sa proletaryado sa bansang iyon, at

- ang pagsuko ng proletaryado sa likod ng mga bandila ng anti-pasismo at pagtatanggol sa "sosyalistang" amang bayan na humantong noong 1939-45 sa isa pang bagong palatandaan ng barbarismo, ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, na may 60 milyong patay at walang katapusang karugtong ng pagdurusa: ang mga ‘concentration camps’ ng Nazista at Stalinista; ang pambobomba ng ‘Allied’ sa Dresden, Hamburg at Tokyo (Enero 1945); ang paghulog ng bomba atomika sa Hiroshima at Nagasaki ng USA.

Mula noon, hindi tumigil ang digmaan sa pagkitil buhay sa bawat kontinente.

Ang una ay ang komprontasyon ng mga bloke ng US at Rusya, ang tinatawag na Cold War (1945 89), na may walang katapusang kadena ng mga lokal na digmaan at ang banta ng delubyo ng mga bomba nukleyar na nakasabit sa buong planeta.

Matapos ang bumagsak ang USSR noong 1989-91, ang mga magulong digmaan ay nagpadugo sa planeta: Iraq, Yugoslavia, Rwanda, Afghanistan, Yemen, Syria, Ethiopia, Sudan... Ang digmaan sa Ukraine ay ang pinaka-malubhang krisis sa digmaan mula noong 1945.

Ang barbaridad ng digmaan ay sinamahan ng paglaganap ng mga mapanirang pwersang nagpalala sa isa't isa: ang COVID pandemya na malayo pa sa pagkalutas at nagbukas sa mga bagong pandemya; ang bumibilis at lumakas na kalamidad sa ekolohiya at kapaligiran, na kasama ang pagbabago ng klima, nagiging sanhi ng lalong hindi mapigilan at nakamamatay na mga sakuna: tagtuyot, baha, bagyo, tsunami, atbp, at isang walang katulad na antas ng polusyon ng lupa, tubig, hangin at kalawakan; Ang matinding krisis sa pagkain ay nagdudulot ng mga gutom na kasing lawak sa nasa Bibliya. Sa nakalipas na apatnapung taon, ang sangkatauhan ay nanganganib na maglaho dahil sa Ikatlong Digmaang Pandaigdig, ngayon maaari itong lipulin sa pamamagitan ng simpleng pagtitipon at nakamamatay na kumbinasyon ng mga pwersa ng pagkawasak na kasalukuyang gumagana: "Sa huli, lahat ay pareho lang kung tayo ay malipol sa ulan ng mga bomba ng thermonuclear, o sa pamamagitan ng polusyon,  radio-activity mula sa mga nuclear power station, taggutom, epidemya, at ang mga masaker ng napakaraming maliliit na digmaan (kung saan maaaring gamitin din ang mga armas nukleyar). Ang tanging pagkakaiba sa pagitan ng dalawang anyo ng pagpuksa ay ang isa ay mabilis, samantalang ang isa pa ay mas mabagal, at magdudulot pa rin ng higit na pagdurusa"[2] (Tesis ng Dekomposisyon).

Ang problema na iniharap ni Engels ay naging mas malala: KOMUNISMO o ANG PAGKAWASAK NG SANGKATAUHAN. Seryoso ang kasalukuyang istorikal na yugto, at kailangang pagtibayin ito ng mga internasyunalistang rebolusyonaryo nang walang pag aalinlangan sa ating uri, dahil tanging ang ating uri lamang ang makapagbukas ng komunistang perspektiba sa pamamagitan ng permanente at walang humpay na pakikibaka.

Ang imperyalistang digmaan ay paraan ng pamumuhay ng kapitalismo

Pinalsipika at minaliit ng mass media ang katotohanan ng digmaan. Sa maagang yugto, nakatuon ang media sa digmaan sa Ukraine 24 oras sa isang araw. Ngunit sa paglipas ng panahon, ang digmaan ay hindi na pinapansin, kahit gumawa ng mga headline, ang mga alingawngaw nito ay hindi lumagpas sa nagbabanta mga pahayag, nanawagan para sa mga sakripisyo upang "magpadala ng mga armas sa Ukraine", maghagupit ng kampanyang propaganda laban sa kaaway, pekeng balita, ang lahat ay nagsilbi sa walang kabuluhan pag-asa ng mga "negosasyon" ...

Ang pagmaliit sa digmaan, ang masanay sa mabahong amoy ng mga bangkay at mga usok ng guho, ay para maging bulag sa lahat ng malubhang panganib na nagbabanta sa sangkatauhan, na permanenteng nakasabit sa ating mga ulo.

Milyun-milyong tao, sa Aprika, Asya o Sentral Amerika, ay walang ibang alam na realidad kundi ang DIGMAAN; Mula sa kuna hanggang sa libingan ay nabuhay sila sa karagatan ng barbarismo kung saan laganap ang lahat ng uri ng kalupitan: mga sundalong bata, nagpapahirap na mga operasyong militar, hostage taking, atake ng mga terorista, maramihang ebakwasyon ng buong populasyon, walang pinipili na pambobomba.

Habang ang mga digmaan ng nakaraan ay limitado sa mga front line at mga combatants, ang mga digmaan ng ika-20 at ika-21 siglo ay TOTAL WARS na sumasaklaw sa lahat ng bahagi ng buhay ng lipunan at ang kanilang mga epekto ay kumalat sa buong mundo, hinihila pababap ang lahat ng mga bansa, kabilang ang mga na hindi direktang sangkot. Sa mga digmaan ng ika-20 at ika-21 siglo, walang naninirahan o lugar sa planeta ang maaaring makatakas sa kanilang nakamamatay na epekto.

Sa front line, na maaaring umabot sa libu-libong kilometro at umaabot sa lupa, dagat at hangin... at sa kalawakan! ... Ang buhay ay kinitil sa pamamagitan ng mga bomba, pagbaril, mina, at kahit, sa maraming mga kaso, sa pamamagitan ng "friendly fire" ... Nasakop ng nakakamatay na kabaliwan, sapilitan sa pamamagitan ng sindak na ipinataw ng mas mataas na ranggo, o nakulong sa matinding sitwasyon, ang lahat ng mga kalahok ay napilitang magsagawa ng pinaka-nakakamatay, kriminal at mapanirang mga aksyon.

Sa isang bahagi ng larangang militar ay may "remote warfare" na walang humpay na pagdedeploy ng mga ultra-modernong makina ng pagkawasak: mga eroplano na nagbabagsak ng libu-libong bomba nang walang pahinga; mga drone na kinokontrol mula sa malayo upang atakehin ang mga target ng kaaway; mobile o fixed na walang humpay na panganganyon sa kaaway; missiles na sumasaklaw sa daan-daan o libu-libong kilometro.

Ang tinatawag na home front ay nagiging isang permanenteng teatro ng digmaan kung saan ang populasyon ay hinostage. Kahit sino ay maaaring mamatay sa pana-panahon na pambobomba ng buong lungsod... Sa mga sentro ng produksyon, ang mga tao ay nagtatrabaho na tinutukan ng baril, sa ilalim ng kontrol ng pulisya, partido, unyon at lahat ng iba pang mga institusyon sa paglilingkod sa "pagtatanggol ng sariling bayan", habang kasabay nito ay na panganib sila na madurog ng mga bomba ng kaaway. Ang trabaho ay nagiging mas malaking impiyerno kaysa sa pang-araw-araw na impiyerno ng kapitalistang pagsasamantala.

Ang dramatikong rasyon ng pagkain ay isang marumi, mabahong sopas... Walang tubig, walang kuryente, walang pampainit... Milyun-milyong tao ang nakaranas na ang kanilang pag-iral ay tulad ng mga hayop. Ang mga shell ay bumabagsak mula sa kalangitan, na pumapatay ng libu-libong tao o nagdulot ng kakila-kilabot na pagdurusa, sa lupa, walang katapusang mga checkpoint ng pulisya o militar, ang panganib na madakip ng mga armadong masasamang-loob, mga mersenaryo ng estado na tinutukoy bilang "mga tagapagtanggol ng sariling bayan" ... Kailangan mong tumakbo para magtago sa kanlungan ng marumi, maraming daga na pasilongan ... Paggalang, ang pinaka-elementarya ng pakikiisa, tiwala, rasyunal na pag iisip ... ay winalis ng kapaligiran ng sindak na ipinataw hindi lamang ng gobyerno, kundi pati na rin ng Pambansang Unyon kung saan ang mga partido at unyon ay nakibahagi nang walang awang kasigasigan. Ang pinaka-walang katuturang mga balita, ang pinaka-hindi kapani-paniwala na balita ay kumakalat nang walang tigil, na nagiging sanhi ng isang hysterical na kapaligiran ng pagtuligsa, walang pini-pili na paghihinala, matinding pagod at pogrom.

Ang digmaan ay isang barbarismong sinadya at binalak ng mga gobyerno na nagpapalala nito sa pamamagitan ng mulat na pagpapalaganap ng poot, takot sa "iba", mga labanan at pagkahati-hati sa pagitan ng mga tao, walang kwentang kamatayan, institusyonalisasyon ng tortyur, pagsuko, relasyon sa kapangyarihan, bilang tanging lohika ng ebolusyon ng lipunan. Ang marahas na labanan sa paligid ng Zaporizhzhia nuclear power plant sa Ukraine ay nagpapakita kung paano ang dalawang panig ay walang pag-aalinlangan tungkol sa panganib radioactive catastrophe na mas masahol pa kaysa Chernobyl at may napakalaking epekto sa populasyon ng Uropa. Ang banta ng paggamit ng mga armas nukleyar ay nakakatakot na unti-unting lumilitaw.

Ang ideolohiya ng digmaan

Ang kapitalismo ang pinaka-mapagkunwari at mapang-uyam na sistema sa kasaysayan. Ang buong sining ng ideolohiya nito ay binubuo ng pagpapasa ng interes nito bilang "interes ng mamamayan" na pinalamutian ng pinakamatayog na mithiin: katarungan, kapayapaan, pag-unlad, karapatang pantao...!

Lahat ng estado ay gumagawa ng isang IDEOLOHIYA NG DIGMAAN na dinisenyo upang bigyang katwiran ito at gawing mga hyena ang kanilang “mamamayan” na nakahandang pumatay. "Ang digmaan ay sistematiko, organisado, malakihang pagpatay. Ngunit sa normal na tao ang sistematikong pagpatay na ito ay posible lamang kapag ang kalagayan ng pagkalango ay nalikha na. Ito ang laging subok at napatunayan na paraan ng mga gumagawa ng digmaan. Ang kalupitan ng pagkilos ay dapat makahanap ng isang pinagsamang kalupitan pag-iisip at pandama; ang huli ay naghahanda para sa at sumama sa una" (Rosa Luxemburg, The Junius Pamphlet).

Ang mga dakilang demokrasya ay may KAPAYAPAAN bilang pundasyon ng kanilang ideolohiya sa digmaan. Ang mga demonstrasyon "para sa kapayapaan" ay palaging paghahanda para sa mga imperyalistang digmaan. Noong tag-init ng 1914 at noong 1938-39 milyon-milyong tao ang nagmartsa "para sa kapayapaan" sa isang walang lakas na sigaw ng "mga taong may mabuting kalooban", mga mapagsamantala at pinagsamantalan ay magkahawak-kamay, kung saan ang “demokratikong” kampo ay kailanman hindi tumigil na gamitin ito upang bigyang katwiran ang pagpapabilis ng paghahanda sa digmaan.

Noong Unang Digmaang Pandaigdig, pinakilos ng Alemanya ang hukbo nito sa "pagtatanggol sa kapayapaan", na "winasak ng pagsalakay ng Sarajevo sa kaalyado nitong Austria". Ngunit ang kalabang panig, ang Pransya at Britanya ay lumahok sa patayan sa ngalan ng kapayapaan na "winasak ng Alemanya". Sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang Pransya at Britanya ay nagkunwaring nagsisikap para sa "kapayapaan" sa Munich sa harap ng ni Hitler, habang sabik na sabik na naghanda para sa digmaan, at ang pagsakop sa Poland sa pamamagitan ng pinagsamang pagkilos nina Hitler at Stalin ay nagbigay sa kanila ng perpektong dahilan upang lumahok sa digmaan... Sa Ukraine, sinabi ni Putin hanggang ilang oras bago ang pagsalakay sa 24 Pebrero na gusto niya ng "kapayapaan", habang ang Estados Unidos ay walang humpay na tinuligsa ang warmongering ni Putin ...

Ang bansa, pambansang pagtatanggol at lahat ng ideolohikal na sandata na umiinog sa paligid nito (rasismo, relihiyon atbp) ang kawit upang mapakilos ang proletaryado at ang buong populasyon sa imperyalistang masaker. Ipinapahayag ng burgesya sa panahon ng "kapayapaan" ang "pantay-pantay na pag-iral ng mga tao", ngunit ang lahat ay nawala sa imperyalistang digmaan, at pagkatapos ay hinubad ang mga maskara at lahat ay nagpapalaganap ng poot sa dayuhan at sa matatag na nagtatanggol sa bansa!

Lahat sila ay nagpahayag ng kanilang mga digmaan bilang "depensa". Isang daang taon na ang nakararaan, ang mga ministro na namamahala sa barbarismong militar ay tinawag na "mga ministro ng digmaan"; Ngayon, na may pinakamatinding pagkukunwari, ang tawag sa kanila ay "ministri ng depensa". Ang pagtatanggol ay balatkayo ng digmaan. Walang mga inaatake na bansa at mga bansang umaatake, lahat sila ay aktibong kalahok sa nakakamatay na makinarya ng digmaan. Ang Rusya sa kasalukuyang digmaan ay lumitaw bilang “mananakop” dahil siya ang nag-inisyatibang lumusob sa Ukraine, ngunit bago pa nito, ang Estados Unidos, sa Machiavellian na paraan, ay pinalawak ang NATO sa imaraming bansa ng dating Warsaw Pact. Hindi posibleng tingnan ang bawat kawing na hiwa-hiwalay, kinakailangang tingnan ang madugong kadena ng imperyalistang komprontasyon na mahigit isang siglo nang sumusunggab sa buong sangkatauhan.

Lagi nilang pinag uusapan ang isang "malinis na digmaan", na sumusunod (o dapat sumunod) sa "mga makataong panuntunan" "alinsunod sa internasyonal na batas". Ito ay isang karumal-dumal na pandaraya, na walang pigil na naglilingkod na may pangungutya at pagkukunwari! Ang mga digmaan ng dekadenteng kapitalismo ay nabubuhay na walangf ibang batas kundi ang ganap na pagkawasak ng kaaway, at kabilang iyan sa pagsindak sa mga nasasakupan ng kaaway sa pamamagitan ng walang awang pambobomba ... Sa digmaan ang relasyon ng puwersa ay KAHIT ANO PWEDE, mula sa pinaka-brutal na panggagahasa at parusa sa populasyon ng kaaway, hanggang sa pinaka-walang pinipiling paninindak laban sa kanilang sariling "mamamayan". Ang pambobomba ng Rusya sa Ukraine ay sumusunod sa mga yapak ng pambobomba ng US sa Iraq, ang mga Amerikano tulad ng mga gobyerno ng Rusya sa Afghanistan o sa Syria at bago nito ang Vietnam; pagbomba ng Pransya sa mga dating kolonya nito, tulad ng Madagascar at Algeria; ang pagbomba sa Dresden at Hamburg ng "mga demokratikong kaalyado"; at ang barbarikong nukleyar ng Hiroshima at Nagasaki. Ang mga digmaan ng ika-20 at ika-21 siglo ay sinamahan ng mga pamamaraan ng pangmasang pagpuka na ginagamit ng lahat ng panig, bagaman ang demokratikong panig ay karaniwang nag-iingat na i-subcontract ito sa mga kahina-hinalang indibidwal na siyang pinagbintangan ng sisi.

Nangahas silang magsalita ng "mga makatarungan digmaan"!!! Ang panig ng NATO na sumusuporta sa Ukraine ay nagsasabi na ito ay digmaan para sa demokrasya laban sa despotismo at ang diktador na rehimen ni Putin. Sinabi ni Putin na "i-denazify" ang Ukraine. Parehong mga tahasang kasinungalingan. Ang panig ng mga "demokrasya" ay may napakaraming dugo sa mga kamay nito: dugo mula sa napakaraming digmaang direktang nilikha nila (Vietnam, Yugoslavia, Iraq, Afghanistan) o di-direkta (Libya, Syria, Yemen...); dugo mula sa libu-libong migrante na napatay sa dagat o sa frontier hotspots ng USA o sa Uropa... Ang estado ng Ukraine ay gumagamit ng sindak upang ipataw ang lenggwahe at kultura ng Ukraine; pinapatay nito ang mga manggagawa dahil sa tanging krimen ng pagsasalita ng Ruso; pinilit nito na maging sundalo ang sinumang kabataang mahuli sa lansangan o kalsada; ginagamit nito ang populasyon, pati na ang mga nasa ospital, bilang kalasag; nagdedeploy ito ng mga neo-pasistang gang para takutin ang populasyon... Sa kanyang panig, bukod pa sa mga pambobomba, panggagahasa at summary execution, libu-libong pamilya ang inilagay sa mga kampo ng konsentrasyon sa liblib na lugar; nagpapataw ng sindak sa mga "napalayang" teritoryo at inilista ang mga Ukrainian para sa hukbo sa pamamagitan ng pagpapadala sa kanila sa bakbakan sa front line.

Ang tunay na mga dahilan ng digmaan

Sampung libong taon na ang nakalipas isa sa mga paraan bakit nabuwag ang primitibong komunismo ay ang digmaan ng mga tribo. Mula noon, sa ilalim ng pangangasiwa ng mga mode ng produksyon batay sa pagsasamantala, ang digmaan ay naging isa sa pinakamasamang kalamidad. Ngunit may ilang digmaan na may progresibong papel sa kasaysayan, halimbawa, sa pag unlad ng kapitalismo, pagbuo ng mga bagong bansa, pagpapalawak ng pandaigdigang pamilihan, pagpapasigla ng pag unlad ng mga produktibong pwersa.

Subalit, mula noong Unang Digmaang Pandaigdig, ang mundo ay lubusan ng nahati sa mga kapitalistang kapangyarihan, kaya ang tanging paraan para sa bawat pambansang kapital ay ang mang-agaw ng mga pamilihan, mga sona ng impluwensya, mga estratehikong lugar mula sa mga karibal nito. Dahil dito ang digmaan at lahat ng kaakibat nito (militarismo, higanteng akumulasyon ng armas, diplomatikong alyansa) ay naging PERMANENTENG BUHAY ng kapitalismo. Ang palagiang imperyalistang presyur na sumusunggab sa mundo at humihila sa lahat ng bansa, malaki man o maliit, anuman ang kanilang ideolohikal na maskara at alibi, oryentasyon ng mga naghaharing partido, kanilang komposisyon ng lahi o ang kanilang pamana sa kultura at relihiyon. LAHAT NG MGA BANSA AY IMPERYALISTA. Ang katha-kathang "mapayapa at nyutral" na mga bansa ay purong pandaraya. Kung ang ilang bansa ay magpatibay ng "nyutral" na patakaran, ito ay para samantalahin ang hidwaan sa pagitan ng pinakamatigas na magkalabang kampo, upang mang-agaw ng kanilang sariling sona ng imperyalistang impluwensya. Noong Hunyo 2022, ang Sweden, isang bansang opisyal na nyutral sa loob ng mahigit 70 taon, ay sumapi sa NATO ngunit hindi ito "nagtaksil sa anumang mga ideyal", ipinagpatuloy nito ang sariling imperyalistang patakaran "sa ibang paraan".

Ang digmaan ay tiyak na magandang negosyo para sa mga korporasyon na nakikibahagi sa paggawa ng armas, at maaaring pansamantala pa itong makinabang sa partikular na mga bansa. Ngunit, para sa kapitalismo sa kabuuan, ito ay isang kalamidad sa ekonomiya, isang irasyunal na pag-aaksaya, isang MINUS na pampabigat sa pandaigdigang produksyon na hindi maiwasan at maging negatibong dahilan na magdulot ng pagkakautang, implasyon at pagkasira ng ekolohiya, hindi kailanman isang PLUS na makadagdag sa kapitalistang akumulasyon.

Bilang hindi maiwasan na pangangailangan para manatili ang bawat bansa, ang digmaan ay isang nakamamatay na pabigat sa ekonomiya. Bumagsak ang USSR dahil hindi nito kinaya ang kabaliwan ng paligsahan sa armas laban sa USA at nakontrol ng huli hanggang sa ultimong deployment ng Star Wars program noong 1980s. Ang Estados Unidos, na pinakamalaking nagwagi sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig at nagtamasa ng kahanga-hangang pag-unlad ng ekonomiya hanggang sa huling bahagi ng 1960s, ay nakatagpo ng maraming balakid sa pagpapanatili ng imperyalistang hegemonya nito, siyempre mula nang mabuwag ang mga bloke, na pumabor sa paglitaw ng dinamiko ng panibagong imperyalistang pagnanasa - lalo na sa mga dating 'kaalyado' nito - ng pagtatalo at bawat isa para sa kanilang sarili,  kundi dahil din sa napakalaking pagsisikap militar na kinailangan ng mga pwersang Amerikano sa loob ng mahigit 80 taon at sa magastos na operasyong militar na kinailangan nitong isagawa upang mapanatili ang katayuan nito bilang nangungunang kapangyarihan sa mundo.

Dinadala ng kapitalismo sa kanyang mga gene, sa kanyang DNA, ang pinaka-malalang kumpetisyon, ang BAWAT ISA LABAN SA LAHAT at ang LAHAT PARA SA KANILANG SARILI, para sa bawat kapitalista, pati na rin sa bawat bansa. Ang "organikong" tendensiyang ito ng kapitalismo ay hindi malinaw na lumitaw sa kanyang abanteng yugto dahil ang bawat pambansang kapital ay nagtamasa pa rin ng sapat na mga lugar para sa kanyang pagpapalawak nang hindi na kailangang komprontahin ang mga karibal nito. Sa pagitan ng 1914-89 ito ay humihina dahil sa pagkabuo ng malalaking imperyalistang bloke. Dahil sa malupit na paglaho ng brutal na disiplinang ito, hinuhubog ng mga tendensiyang sentripugal ang mundo ng nakakamatay na kaguluhan, kung saan ang anumang imperyalismo na may pandaigdigang ambisyon para sa pandaigdigang dominasyon, gayundin ang mga imperyalismo na may mga rehiyunal na ambisyon, at mas maraming lokal na imperyalismo ay napilitang sundin ang kanilang lumalawak na pagkagahaman at pansariling interes. Sa ganitong senaryo, sinisikap ng Estados Unidos na pigilan ang sinuman na mas higitan ito sa pamamagitan ng walang humpay na pag deploy ng napakalakas na kapangyarihang militar nito, walang humpay na pagtatayo nito, at sa pamamagitan ng paglunsad ng palagian, malakas na mapanirang mga operasyong militar. Ang pangako noong 1990, matapos bumagsak ang USSR, na "Bagong Kaayusan ng Mundo", ng kapayapaan at kasaganaan ay agad na pinabulaanan ng Digmaan sa Gulpo at pagkatapos ay ng mga digmaan sa Gitnang Silangan, Iraq at Afghanistan, na gumagatong sa mga tendensiyang kahalintulad ng digmaan kung saan ang "pinaka-demokratikong imperyalismo sa mundo", ang USA,  ay naging pangunahing ahente ngayon sa pagpapalaganap ng parang digmaan na mga kaguluhan at de-istabilisasyon ng sitwasyon ng mundo.

Lumitaw ang Tsina bilang pangunahing karibal upang hamunin ang pamumuno ng Amerika. Ang hukbo nito, sa kabila ng modernisasyon nito, ay malayo pa rin sa lakas at karanasan kumpara sa karibal nitong Amerika; ang teknolohiya nito sa digmaan, bilang pundasyon ng mga sandata at epektibong deployment ng militar, ay limitado at mahina pa rin, malayo pa kumpara sa US; Ang Tsina ay napapaligiran sa Pasipiko ng isang kadena ng mga makapangyarihang kaaway (Japan, South Korea, Taiwan, Australia, atbp), na humaharang sa imperyalistang pagpapalawak nito sa karagatan. Sa harap ng hindi kanais-nais na sitwasyong ito, sinimulan nito ang isang napakalaking imperyalista-ekonomikong kalakalan, ang Silk Road, na naglalayong magtatag ng pandaigdigang presensya at pagpapalawak sa kalupaan sa pamamagitan ng Gitnang Asya na isa sa mga pinaka-hindi matatag na lugar sa mundo. Ito ay isang pagsisikap pero walang katiyakan na resulta ngunit nangangailangan ng napakalaling pamumuhunang ekonomiya at militar at pampulitika-panlipunang mobilisasyon na lampas na sa kapasidad nito ng pagkontrol, na sa esensya ay nakabatay sa pampulitikang paghihigpit ng makinarya ng estado nito, isang napakabigat na pamana ng Stalinistang Maoismo: ang sistematiko at brutal na paggamit ng mga pwersang mapanupil, pamimilit at pagsuko sa higante,  ultra-burukratikong makinarya ng estado, tulad ng nakita sa lumalaking bilang ng mga protesta laban sa patakaran ng pamahalaan na "zero Covid". Ang abnormal na oryentasyong ito at ang akumulasyon ng mga kontradiksyon na malalim na nagpahina sa pag unlad nito ay maaaring sa huli ay makasira sa mala-putik na pundasyon ng Tsina. Ito, at ang brutal at nagbabantang tugon ng US, ay naglalarawan ng antas ng nakakamatay na kabaliwan, ng bulag na paglipad patungong barbarismo at militarismo (kabilang ang lumalaking militarisasyon ng buhay panlipunan), kung saan inabot na ng kapitalismo ang mga sintomas ng pangkalahatang kanser na kumakain sa mundo at ngayon ay direktang nagbabanta sa hinaharap ng mundo at buhay ng sangkatauhan.

Ang mapangwasak na ipo-ipo na nagbabanta sa mundo

Ang digmaan sa Ukraine ay hindi bagyo mula sa kalangitan; sumunod ito sa pinaka-malalang pandemya (sa ngayon) ng ika-21 siglo, ang COVID, na may mahigit sa 15 milyong patay, at ang mga pinsala ay nagpatuloy sa mabangis na lockdown sa China. Gayunman, ang dalawang ito ay dapat tingnan sa konteksto ng, kundi nagpapasigla rin, sa isang kadena ng mga kalamidad na humahampas sa sangkatauhan: pagkawasak ng kapaligiran; pagbabago ng klima at ang maraming epekto nito; taggutom na gutom na malakas na bumabalik sa Africa, Asia at Central America; ang hindi kapani-paniwalang ng mga refugee, na noong 2021 ay umabot sa walang-katulad na 100 milyong tao na nawalan ng tirahan o lumikas; ang kaguluhan sa pulitika sa mga sentral na bansa tulad ng nakita natin sa mga gobyerno sa Britanya o ang bigat ng populismo sa Estados Unidos; ang pag-usbong ng mga pinaka-reaksyunaryong ideolohiya...

Inilatag ng pandemya ang mga kontradiksyon na nagpahina sa kapitalismo. Ang isang sistema ng lipunan na ipinagmamalaki ang kahanga-hangang mga pagsulong sa syensya ay walang ibang paraan kundi ang sinaunang paraan ng quarantine, habang ang mga sistemang pangkalusugan nito ay gumuho at ang ekonomiya nito ay paralisado sa loob ng halos dalawang taon, na lalo pang nagpalala sa napakabilis na krisis sa ekonomiya. Ang isang panlipunang kaayusan na umaangkin na ang progreso ay bandila nito pero nagluwal ng pinaka-atrasado at irasyonal na mga ideolohiya na sumabog sa paligid ng pandemya na may katawa-tawang mga teorya ng pagsasabwatan, marami sa mga ito mula sa mga bibig ng "mga dakilang pinuno ng mundo".

Ang pandemya ay ang direktang resulta ng pinaka-masamang pagkasira ng ekolohiya na nagbanta sa sangkatauhan sa loob ng maraming taon. Tulak ng tubo at hindi sa satispaksyon ng pangangailangan ng tao, naging mandaragit ang kapitalismo sa likas na yaman, tulad ng paggawa ng tao, ngunit, kasabay nito, sinisirta nito ang mga natural na balanse at proseso, binabago ang mga ito sa magulong paraan, tulad ng apprentice ng mangkukulam, na nag-udyok ng lahat ng uri ng mga kalamidad na may mas mapanirang epekto:  Ang global warming, nag-trigger ng tagtuyot, baha, sunog, pagkatunaw ng mga glacier at iceberg, maramihang pagkawala ng mga species ng halaman at hayop na may hindi inaasahang mga epekto at nagpahayag mismo ng pagkawala ng species ng tao na siyang direksyon ng kapitalismo. Ang pagkasira ng ekolohiya ay pinalala ng mga pangangailangan ng digmaan, ng mga operasyong pandigma mismo (ang paggamit ng mga armas nukleyar ay malinaw na ekspresyon) at sa pamamagitan ng paglala ng pandaigdigang krisis sa ekonomiya kung saan pinipilit ang bawat pambansang kapital na lalo pang desperadong wasakin ang maraming lugar sa paghahanap ng mga hilaw na materyales. Ang tag-init ng 2022 ay isang nakasisilaw na paglalarawan ng malubhang banta na kinakaharap ng sangkatauhan sa antas ng ekolohiya: pagtaas ng average at maximum na temperatura - ang pinakamainit na tag-init mula ng internasyunal na i-rekord ito – malawakang tagtuyot na nakaapekto sa mga ilog tulad ng Rhine, Po at Thames, mapaminsalang sunog sa kagubatan, baha tulad ng sa Pakistan na nakaapekto sa isang katlo ng kalupaan ng bansa,  mga landslide... at, sa gitna ng mapaminsalang panorama ng kalamidad na ito, binawi ng mga pamahalaan ang kanilang katawa-tawang 'environmental protection' sa ngalan ng digmaan!

"Ang ultimong resulta ng kapitalistang moda ng produksyon ay kaguluhan", sabi ng Plataporma na pinagtibay ng unang Kongreso ng Komunistang Internasyunal noong 1919. Ito ay pagpapatiwakal at irasyunal, salungat sa lahat ng mga pamantayang siyentipiko, para isipin na ang lahat ng mga pinsala ay suma-total lang ng mga dumaraang penomena, bawat isa ay resulta ng magkaibang kadahilanan. Mayroong isang pagpapatuloy, isang akumulasyon ng mga kontradiksyon, na nagiging komon na madugong sinulid, na nagbubuklod sa kanila, na nagsasama sa isang nakakamatay na ipo-ipo na nagbabanta sa sangkatauhan:

  • Nasaksihan natin ang pagbilis ng lahat ng kontradiksyon ng kapitalismo na nagsama-sama at nag-uudyok ng dumaraming epekto sa mga salik ng pagkawasak at kaguluhan;
  • Ang ekonomiya ay nalulubog hindi lamang sa krisis kundi pati na rin sa dumaraming kaguluhan (constant supply bottlenecks, pag-uugnayan ng mga sitwasyon ng sobrang produksyon at kakulangan ng mga kalakal at paggawa);

- Ang pinaka-industriyalisadong mga bansa, na dapat ay mga oases ng kasaganaan at kapayapaan, ay nagiging de-istabilisado at sila mismo ay nagiging pangunahing dahilan ng nakakahilong pagtaas ng internasyonal na instabilidad.

Tulad ng sinabi natin sa Manipesto ng ating ika-9 na Kongreso (1991): "Hindi kailanman nakita ng lipunan ng tao ang pagpatay sa ganoon kalawak sa panahon ng huling dalawang Digmaang Pandaigdig. Hindi kailanman ginamit ang pag-unlad ng siyensya sa ganoon kalawak sa paglilingkod ng pagkawasak, kamatayan, at paghihirap ng tao. Hindi pa nangyari sa nakaraan na ang akumulasyon ng yaman ay kasabay ng, katunayan ay lumilikha ng, taggutom at pagdurusa ng mga bansa sa Ikatlong Daigdig noong mga nakaraang dekada. Ngunit tila hindi pa lumubog ang sangkatauhan sa kailaliman. Ang dekadenteng kapitalismo ay nagkahulugan ng masakit na kamatayan ng sistema, ngunit ang paghihirap na ito mismo ay may kasaysayan: ngayon, naabot na natin ang huling yugto nito, ang yugto ng pangkalahatang dekomposisyon. Nabubulok na ang lipunang kinatatayuan ng tao."[3]

Ang tugon ng proletaryado

Sa lahat ng uri sa lipunan, ang pinaka-apektado at pinakamahirap na tinamaan ng digmaan ay ang proletaryado. Ang "modernong" digmaan ay isinasagawa ng isang higanteng industriyal na makina na humihiling ng matinding pagpapaigting ng pagsasamantala sa proletaryado. Ang proletaryado ay isang internasyunal na uri na WALANG SARILING BAYAN, ngunit ang digmaan ay ang pagpatay sa mga manggagawa para sa tinubuang lupa na nagsasamantala at nagpapahirap sa kanila. Ang proletaryado ang uri ng kamulatan; ang digmaan ay irasyonal na komprontasyon, ang pagtakwil sa lahat ng mulat na pag iisip at repleksyon. Ang proletaryado ay may interes na hanapin ang pinakamalinaw na katotohanan; sa mga digmaan ang unang nasawi ay katotohanan, nakakadena, binusalan, sinakal ng mga kasinungalingan ng imperyalistang propaganda. Ang proletaryado ay ang uri ng pagkakaisa sa anuman ang lenggwahe, relihiyon, lahi o nasyonalidad; Ang nakakamatay na komprontasyon sa digmaan ay nagtulak para sa paghiwa-hiwalay, sa pagkahati-hati, sa komprontasyon sa pagitan ng mga bansa at populasyon. Ang proletaryado ay ang uri ng internasyunalismo, ng tiwala at pagkakaisa sa isa't isa; Ang digmaan ay humihingi ng paghihinala, takot sa "dayuhan", ang pinaka-kasuklam-suklam na pagkamuhi sa "kaaway".

Dahil ang digmaan ay humahampas at pinagputol-putol ang pinakabuod ng proletaryong identidad, ang kinakilangang matalo muna ang proletaryado bago ang pangkalahatang digmaan. Nangyari ang Unang Digmaang Pandaigdig dahil ang mga dating partido ng uring manggagawa, ang mga partidong sosyalista, kasama ang mga unyon, ay nagtaksil sa ating uri at sumapi sa kanilang burgesya sa balangkas ng PAMBANSANG UNYON laban sa kaaway. Ngunit hindi sapat ang pagtataksil na ito. Noong 1915, ang Kaliwa ng sosyal na demokrasya ay nagsama-sama sa Zimmerwald at itinaas ang bandila ng pakikibaka para sa pandaigdigang rebolusyon. Nag-ambag ito sa paglitaw ng mga pangmasang pakikibaka na nagbigay-daan sa Rebolusyon sa Rusya noong 1917 at sa pandaigdigang alon ng proletaryong pag-alsa noong 1917-23, hindi lamang laban sa digmaan bilang pagtatanggol sa mga prinsipyo ng proletaryong internasyunalismo, kundi laban sa kapitalismo sa pamamagitan ng paggigiit ng kapasidad nito bilang nagkakaisang uri na ibagsak ang isang barbariko at di-makataong sistema ng pagsasamantala.

Isang walang hanggang aral ng 1917-18! Ang Unang Digmaang Pandaigdig ay hindi natapos sa pamamagitan ng diplomatikong negosasyon o sa pamamagitan ng mga pananakop ng imperyalismong ito o iyon, ITO AY NATAPOS SA PAMAMAGITAN NG INTERNASYUNAL NA REBOLUSYONARYONG PAG-ALSA NG PROLETARYADO. TANGING ANG PROLETARYADO LAMANG ANG MAKAPAGBIBIGAY WAKAS SA BARBARISMONG MILITAR SA PAMAMAGITAN NG TRANSPORMASYON NG MAKAURING PAKIKIBAKA NITO SA PAGWASAK NG KAPITALISMO.

Upang mabuksan ang daan tungo sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig, tiniyak ng burgesya hindi lamang ang pisikal kundi pati na rin ang ideolohikal na pagkatalo ng proletaryado. Ang proletaryado ay sumailalim sa walang-awang teror saanman ang mga rebolusyonaryong pagtatangka nito ay halos hindi umiiral: sa Alemanya sa ilalim ng Nazismo, sa Rusya sa ilalim ng Stalinismo. Ngunit, kasabay nito, ito ay ideolohikal na na-rekrut, sa likod ng mga bandila ng anti-pasismo at pagtatanggol sa "Sosyalistang Amangbayan", ang USSR.  "Hindi makapaglunsad ng sariling opensiba ang uring manggagawa ay inaakay, nakatali ang kamay at paa, sa ikalawang imperyalistang digmaan. Hindi tulad ng Unang Digmaang Pandaigdig, ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay hindi nagbigay sa uring manggagawa ng mga paraan upang mag-alsa sa rebolusyonaryong paraan. Sa halip ay pinakilos ito sa likod ng mga dakilang 'tagumpay' ng kilusang 'Paglaban', 'anti-pasismo', at kolonyal at pambansang 'pagpapalaya'." (Manipesto ng Unang Internasyunal na Kongreso ng IKT, 1975).

Mula nang istorikal na pagbabalik ng makauring pakikibaka noong 1968, at sa buong panahon kung saan ang mundo ay nahati sa dalawang imperyalistang bloke, ang uring manggagawa sa mga pangunahing bansa ay tumangging gawin ang mga sakripisyong hinihingi ng digmaan, lalo na sa pagpunta sa prontera upang mamatay para sa Amangbayan, kaya isinara ang pinto sa isang Ikatlong Digmaang Pandaigdig. Ang sitwasyong ito ay hindi nagbago mula noong 1989.

Ang paglaban sa implasyon at ang paglaban sa digmaan

Subalit, HINDI SAPAT ang "hindi pagkilos" ng proletaryado sa mga sentral na bansa para sa digmaan. Lumitaw ang ikalawang aral mula sa mga makasaysayang pangyayari mula noong 1989: ANG SIMPLENG PASIBIDAD SA MGA OPERASYON NG DIGMAAN, AT SIMPLENG PAGLABAN SA KAPITALISTANG BARBARISMO AY HINDI SAPAT. ANG MANATILI SA YUGTONG ITO AY HINDI MAKAPIGIL SA LANDAS TUNGO SA PAGKAWASAK NG SANGKATAUHAN.

Kailangang humakbang ang proletaryado sa pampulitikang tereyn ng pangkalahatang internasyunal na opensiba laban sa kapitalismo. "Malabanan lang ng uring manggagawa ang mga atake ng kapital sa pamamagitan ng direktahang komprontasyon, at sa huli ay maglunsad ng opensiba at ibagsak ang barbarikong sistemang ito salamat sa: (-) kamulatan kung ano ang nakataya sa kasalukuyang istorikal na sitwasyon, at sa partikular sa mortal na panganib na taglay ng panlipunang dekomposisyon sa sangkatauhan; (-) ang determinasyon nitong ipagpatuloy, paunlarin at pagkaisahin ang makauring pakikibaka nito; (-) ang kakayahan nitong iwasan ang maraming patibong na, gaano man kabulok ang burgesya, ilalagay nito sa kanyang landas."  (Tesis ng Dekomposisyon, tesis 17).

Ang nasa likod ng akumulasyon ng pagkawasak, barbarismo at mga kalamidad na tinutuligsa natin ay ang hindi na maaayos na krisis pang-ekonomiya ng kapitalismo na siyang ugat ng paggana nito. Mula 1967 pumasok ang kapitalismo sa isang krisis pang-ekonomiya kung saan, makalipas ang limampung taon, hindi ito makatakas. Kabaligtaran, tulad ng ipinakita ng mga pang-ekonomiyang kaguluhan na nagaganap mula noong 2018 at ang lumalaking paglawak ng implasyon, na lalo pang lumala, na may mga epekto nito sa kahirapan, kawalan ng trabaho, kawalan ng seguridad at taggutom.

Nakaapekto ang kapitalistang krisis sa mismong pundasyon ng lipunang ito. Implasyon, kawalan ng seguridad, kawalan ng trabaho, mala-impyerno at kondisyon ng pagtrabaho na sumisira sa kalusugan ng mga manggagawa, hindi abot kayang pabahay... lahat ay nagpatotoo sa hindi mapigilan na pagkasira ng buhay ng uring manggagawa at, bagama't sinisikap ng burgesya na lumikha ng lahat ng maiisip na pagkahati-hati, nagbigay ng "mas pribilehiyong" kondisyon sa ilang kategorya ng mga manggagawa, ang nakikita natin sa kabuuan nito ay, sa isang banda, kung ano ang posibleng magiging PINAKAMALALANG KRISIS sa kasaysayan ng kapitalismo, at, sa kabilang banda,  ang kongkretong realidad ng ABSOLUTONG KAHIRAPAN ng uring manggagawa sa mga sentral na bansa, ay ganap na nagpatunay sa katumpakan ng prediksyon na ginawa ni Marx hinggil sa istorikal na perspektiba ng kapitalismo at labis na kinutya ng mga ekonomista at iba pang ideolohista ng burgesya.

Ang hindi mapigilang paglala ng krisis ng kapitalismo ay isang mahalagang pampasigla para sa makauring pakikibaka at makauring kamulatan. Ang pakikibaka laban sa mga epekto ng krisis ang batayan ng pag-unlad ng lakas at pagkakaisa ng uring manggagawa. Ang krisis sa ekonomiya ay direktang nakaapekto sa imprastraktura ng lipunan; kaya naman inilatag nito ang ugat ng lahat ng barbarismong nakasabit sa lipunan, na nagbibigay daan sa proletaryado para maging mulat sa pangangailangang tuluyang wasakin ang sistema at hindi na subukang pagbutihin ang ilang aspeto nito.

Sa pakikibaka laban sa brutal na pag-atake ng kapitalismo at lalo na laban sa implasyon na tumatama sa kabuuan ng mga manggagawa sa pangkalahatan at walang pinipili na paraan, mapaunlad ng mga manggagawa ang kanilang pakikibaka, magagawa nilang simulan ang pagkilala sa kanilang sarili bilang isang uri na may lakas, awtonomiya at istorikal na papel na gagampanan sa lipunan. Ang pampulitikang pag unlad na ito ng makauring pakikibaka ang magbibigay sa kanila ng kapasidad na wakasan ang digmaan sa pamamagitan ng pagwawakas sa kapitalismo.

Nagsimula nang lumitaw ang perspektibang ito: "sa harap ng mga atake ng burgesya, nabubuo ang galit at ngayon, ipinapakita ng uring manggagawa sa Britanya na muli itong handang ipaglaban ang dignidad nito, tanggihan ang mga sakripisyong palaging hinihingi ng kapital. Bukod pa rito, nagpahiwatig ito ng internasyonal na dinamiko: noong nakaraang taglamig, nagsimulang lumitaw ang mga welga sa Espanya at US; ngayong tag-init, nakaranas din ng walkout ang Germany at Belgium; at ngayon, hinuhulaan ng mga komentarista ang 'isang pagsabog sa sitwasyong panlipunan' sa Pransya at Italya sa mga darating na buwan. Hindi mahuhulaan kung saan at kailan muling babangon ang napakalawak na pakikibaka ng mga manggagawa sa malapit na hinaharap, ngunit isang bagay ang tiyak: ang lawak ng kasalukuyang mobilisasyon ng mga manggagawa sa Britanya ay isang makabuluhang pangyayari sa kasaysayan. Ang mga araw ng pasibidad at pagsuko ay lumipas na. Ang mga bagong henerasyon ng manggagawa ay itinaas na ang ulo" (“The ruling class demands further sacrifices, the response of the working class is to fight!” ICC International Leaflet August 2022)

Nakikita natin ang pagkabasag ng mga taon ng pasibidad at dis-oryentasyon. Ang muling pagbalik ng pakikibaka ng mga manggagawa bilang tugon sa krisis ay maaaring maging pokus ng kamulatan na pinasigla ng interbensyon ng mga komunistang organisasyon. Malinaw na ang bawat manipestasyon ng kabulukan ng lipunan ay nagawa nitong pabagalin ang mga pagsisikap ng mga manggagawa sa pakikibaka, o sa simula ay naparalisa sila: tulad ng nangyari sa kilusan sa Pransya 2019, na tinamaan ng pagsiklab ng pandemya. Nangangahulugan ito ng karagdagang kahirapan para sa pag-unlad ng mga pakikibaka. Gayunpaman, walang ibang paraan kundi makibaka, ang pakikibaka mismo ay ang unang tagumpay. Ang pandaigdigang proletaryado, kahit na ang dadaanan nito ay puno ng mga silo at patibong na itinakda ng mga makinaryang pampulitika at unyon ng kanyang makauring kaaway, kahit pa may mga mapait na pagkatalo, ay nanatiling buo ang kanyang kakayahan upang mabawi ang kanyang makauring pagkakakilanlan at sa wakas ay maglunsad ng isang internasyonal na opensiba laban sa naghihingalong sistemang ito.

Ang mga balakid na kailangang malampasan ng makauring pakikibaka

Kung gayon, malaki ang magiging kahalagahan ng dekada 20 ng ika-21 siglo sa makasaysayang ebolusyon ng makauring pakikibaka ng kilusang manggagawa. Ipinakita nila - tulad ng nakita na natin mula noong 2020 - mas malinaw kaysa sa nakaraan, ang perspektiba ng pagkawasak ng sangkatauhan na hinahawakan ng kapitalistang dekomposisyon. Sa kabilang panig, sisimulan ng proletaryado ang paggawa ng mga unang hakbang, na kadalasan nag-aatubili at puno ng mga kahinaan, tungo sa kanyang istorikal na kapasidad na maglahad ng komunistang perspektiba. Ang dalawang poste ng alternatibo, ang Pagkawasak ng Sangkatauhan o Komunistang Rebolusyon, ay malalahad, bagama't malayo pa ang huli at naharap sa napakalaking mga balakid upang igiit ang sarili.

Isang pagpapatiwakal para sa proletaryado na subukan at itago o maliitin ang mga napakalaking balakid na nagmula kapwa sa aktibidad ng Kapital at mga estado nito at sa nabubulok na paligid na kontaminado ang panlipunang kapaligiran ng buong mundo:

1: Nahalaw ng burgesya ang mga aral ng MALAKING PAGKABIGLA sa inisyal na tagumpay ng Rebolusyon sa Rusya at ng pandaigdigang rebolusyonaryong alon ng 1917-23 na pinakita "sa praktika" ang pahayag ng Manipesto ng Komunista noong 1848: "Isang multo ang nagmumulto sa Uropa — ang multo ng komunismo... Ang burgesya ay lumilikha... ng sarili nitong sepultorero ...  ang proletaryado".

  1. NAGTUTULUNGAN ito sa INTERNASYUNAL na antas laban sa proletaryado na nakita sa harap ng rebolusyon sa Rusya 1917[4][4] at Alemanya noong 1918 o laban sa pangmasang welga sa Poland noong 1980.
  2. Nakabuo ito ng isang higanteng makinarya ng pagkontrol, paglilihis at pagsabotahe sa mga pakikibaka ng mga manggagawa na binubuo ng mga unyon at partido na may iba't ibang kulay pulitikal, mula sa sukdulang kanan hanggang sa sukdulang kaliwa.
  3. Ginagamit at gagamitin nito ang lahat ng instrumento ng estado nito at ng mass media sa paglunsad ng palagiang kampanyang ideolohikal at koordinasyon ng mga maniobra sa pulitika na naglalayong kontrahin at hadlangan ang kamalayan at pakikibaka ng proletaryado.

2: Ang pagkabulok ng kapitalistang lipunan ay nagpalala sa kawalan ng tiwala sa hinaharap. Sinisira rin nito ang tiwala ng proletaryado sa sarili at sa lakas nito bilang tanging uri na may kakayahang ibagsak ang kapitalismo, na nagbunga ng "bawat tao para sa kanyang sarili", pangkalahatang kompetisyon, pagkahati-hati ng lipunan sa magkasalungat na mga kategorya, korporatismo, lahat ay malaking balakid sa pag unlad ng mga pakikibaka ng manggagawa at higit sa lahat ang kanilang rebolusyonaryong pulitikalisasyon.

3: Sa kontekstong ito, nanganganib ang proletaryado na mahila sa mga interklasistang pakikibaka o pira-pirasong mobilisasyon (peminismo, anti-rasismo, klima o mga usaping pangkapaligiran...), na pawang nagbukas ng pintuan para ilihis ang pakikibaka nito sa tereyn komprontasyon sa pagitan ng mga paksyon ng burgesya.

4: "Gipit na sa panahon ang uring manggagawa. Hangga't ang lipunan ay nanganganib na wasakin ng tanging imperyalistang digmaan lang, ang katotohanan ay tanging ang proletaryong pakikibaka ay sapat na upang hadlangan ang daan tungo sa pagkawasak na ito. Ngunit, hindi tulad ng imperyalistang digmaan, na nakasalalay sa pagsunod ng proletaryado sa mga "ideyal" ng burgesya, ang panlipunang dekomposisyon ay maaaring makasira sa sangkatauhan nang hindi kinokontrol ang uring manggagawa. Sapagkat bagama't kayang tutulan ng mga pakikibaka ng mga manggagawa ang pagbagsak ng ekonomiya, wala silang kapangyarihan, sa loob ng sistemang ito, upang hadlangan ang pagkabulok. Kaya, bagama't ang banta na dulot ng pagkabulok ay tila mas malayo kaysa sa pandaigdigang digmaan (noon umiral ang mga kondisyon para dito, na hindi nangyayari ngayon), ito ay sa kabaligtaran ay mas  mapanlinlang." (Tesis ng Dekomposisyon, Tesis 16)

Hindi tayo dapat matulak sa patalismo dahil sa napakalaking panganib na ito. Ang lakas ng proletaryado ay ang kamulatan sa kanyang mga kahinaan, mga paghihirap, mga balakid na iniharang ng kaaway o ng sitwasyon mismo laban sa kanyang pakikibaka. "Ang mga proletaryong rebolusyon ... ay patuloy na pinupuna ang kanilang sarili, patuloy na ginugulo mismo ang kanilang sariling landas, bumalik sa tila tapos ng nagawa, upang makapagsimulang muli; walang awang pinagtawanan nila ang mga hindi kompletong hakbangin, kahinaan, at kahirapan ng kanilang mga unang pagtatangka, tila bumagsak na ang kanilang mga kalaban upang ang huli ay makakuha ng bagong lakas mula sa mundo at muling bumangon sa kanilang harapan nang higit na malakas kaysa dati, patuloy na magbalik mula sa kawalang-katiyakan ng kanilang sariling mga mithiin – hanggang sa magkaroon ng sitwasyon na ginagawang imposible ang lahat ng pagbalik, at ang mga kondisyon mismo ang nagsisigaw: Hic Rhodus, hic salta!"  (Marx: “18th Brumaire of Louis Bonaparte”).

Ang tugon ng Kaliwang Komunista

Sa mga seryosong istorikal na sitwasyon tulad ng mga signipikanteng digmaan tulad ng sa Ukraine, makikita ng proletaryado kung sino ang mga kaibigan nito at kung sino ang mga kaaway nito. Ang mga kaaway na ito ay hindi lamang ang mga pangunahing personahe tulad nina Putin, Zelensky o Biden, kundi pati na rin ang mga partido ng dulong kanan, kanan, kaliwa at dulong kaliwa, na may malawak na hanay ng mga argumento, kabilang ang pasipismo, ay sumusuporta at nagbibigay katwiran sa digmaan at pagtatanggol ng isang imperyalistang kampo laban sa isa pa.

Sa loob ng mahigit isang siglo tanging ang Kaliwang Komunista lamang ang kumilos at may kakayahang tutulan ang imperyalistang digmaan nang sistematiko at tuloy-tuloy, ipagtanggol ang alternatibo na makauring pakikibaka ng proletaryado, ng oryentasyon nito na wasakin ang kapitalismo sa pamamagitan ng pandaigdigang proletaryong rebolusyon.

Ang pakikibaka ng proletaryado ay hindi lamang limitado sa mga depensibong pakikibaka o pangmasang welga. Ang isang napakahalaga, permanente at hindi maihiwalay na bahagi nito ay ang pakikibaka ng mga komunistang organisasyon nito at, kongkreto, sa loob ng isang siglo ngayon, ng Kaliwang Komunista. Ang pagkakaisa ng lahat ng grupo ng Kaliwang Komunista ay mahalaga sa harap ng kapitalistang dinamiko ng pagkawasak ng sangkatauhan. Tulad ng pinagtibay na namin Manipesto mula sa aming unang kongreso (1975): "Sa pagtalikod sa monolitismo ng mga sekta, nananawagan ang Internasyunal na Komunistang Tunguhin sa mga komunista ng lahat ng bansa na maging mulat sa kanilang napakalaking responsibilidad, talikuran ang mga bogus na pagtalo-talo na naghiwa-hiwalay sa kanila, upang malampasan ang mapanlinlang na pagkahati-hati na ipinataw sa kanila ng lumang mundo. Nanawagan ang IKT sa kanila na makiisa sa pagsisikap na ito na buuin (bago ilunsad ng uri ang mapagpasyang pakikibaka nito) ang pandaigdigan at nagkakaisang organisasyon ng kanyang taliba. Ang mga komunista bilang pinakamulat na praksyon ng uri, ay dapat ipakita nito ang daan sa pamamagitan ng kanilang islogan: 'Mga rebolusyonaryo ng lahat ng bansa, magkaisa!'"

IKT (Disyembre 2022)

 
 

[1] Naharap sa rebolusyonaryong pagtatangka sa Alemanya noong 1918, sinabi ng sosyal demokrata na si Noske na handa siyang maging espiya ng kontra rebolusyon.

[4] Ang alyadong mga hukbo ng Estados Unidos, Pransya, Britanya at Hapon ay nagkutsabahan mula Abril 1918 sa natirang hukbo ng Tsar sa kakila-kilabot na Digmaang-Sibil na kumitil ng 6 milyong buhay.

 

Source URL:https://en.internationalism.org/content/17284/capitalism-leads-destruction-humanity-only-world-revolution-proletariat-can-put-end-it

Rubric: 

Ikatlong Manipesto ng IKT