Submitted by Internasyonalismo on
Sa buong mundo ang mga estado at naghaharing burges ay nalantad bilang uri na wala ng maibigay na magandang kinabukasan sa sangkatauhan sa gitna ng pananalasa ng covid-19 pandemic. Ang naghaharing paksyong Duterte sa Pilipinas ang isa sa kongkretong manipestasyon ng pagiging inutil ng gobyerno laban sa pandemic.
Hindi simpleng “natural” na kadahilanan ang pagkalat ng virus sa buong mundo na kumitil na ng mahigit 285,760 buhay at nakahawa ng mahigit 4,137,193 sa loob lang ng mahigit apat na buwan mula ng nalaman ng mundo ang nangyari sa imperyalistang Tsina.1 Sa Pilipinas, mahigit 11,086 na ang nahawa at mahigit 726 na ang namatay.2
Kumalat ang virus pangunahin dahil sa simula ay pilit itong itago ng mga apektadong bansa laluna ng Tsina at ng inamin na, ay minamaliit ng ibang mga bansa. Pagkatapos, ng hindi na talaga kayang itago ang pagkalat ay biglang kambyo ang mga gobyerno: lockdowns at paggamit ng karahasan ng estado.
Ganito ang naging aktitud ng gobyerno ng Pilipinas: minamaliit at pagkatapos ay biglang kambyo sa paggamit ng kontrol, karahasan at pananakot “para sa kabutihan ng mamamayan”.3
Nahubaran ang estado sa kawalan ng kahandaan at pagiging inutil
Sa buong mundo, napakaraming hindi maitagong datos ng katotohanan ng kawalan ng kahandaan ng mga kapitalistang gobyerno dahil sa pandaigdigang pagtapyas sa badyet sa kalusugan.
Sa halip na bigyang prayoridad ang kalusugan o edukasyon, mas binigyan ng mas malaking badyet ang gastos sa pambansang pagtatanggol at militar. Tumaas ng 4% ang pandaigdigang badyet sa militar sa 2019 kumpara sa 2018. Para sa USA at Tsina mahigit 6% ang pagtaas at sa Alemanya ay mahigit 9%. Habang ang badyet para sa CDC (Centre for Disease Control) sa USA ay binawasan mula $10.8 bilyon sa 2010 sa $6.6 bilyon na lang sa 2020, habang ipinasa ang badyet para sa armas na aabot sa $738 bilyon. Ang taunang badyet ng militar ng Tsina ay tinatayang aabot sa $250 bilyon habang aabot lang ang badyet ng WHO sa $5.1 bilyon sa 2016-2017.4 Sa Pilipinas, tinapyasan ng P10 bilyon ang badyet sa kalusugan sa 20205 sa kabila ng pandemic tulad ng measles at polio.
Tulad ng ginawa ng ibang mga kapitalistang gobyerno, hindi prayoridad ng administrasyong Duterte ang kalusugan. Ang prayoridad ng kapitalismo ay magkamal ng tubo mula sa pagsasamantala sa lakas-paggawa ng manggagawa hindi ang kalusugan ng populasyon.
Naagnas na kapitalismo: ang pinagmulan ng pandemic
Bagamat hindi maitatago na pinabilis ng kawalan ng kahandaan, pagiging inutil ng mga gobyerno at talamak na katiwalian ang pagkalat ng virus, ang mga ito ay hindi ang ugat ng pandemic.6 Ang pandemic ay nagmula sa kabulukan na mismo ng sistema ng kapital at hindi simpleng “natural” na kalamidad.7 Siglo 20 ng pumasok ang pandaigdigang kapitalismo sa kanyang dekadenteng yugto at 1980s ng pumasok na ang dekadenteng kapitalismo sa kanyang naagnas na yugto.8
Noong 19 siglo kung saan progresibo at sumusulong pa ang kapitalismo ay sumusulong din ang pananaliksik sa kalusugan at mga sakit kabilang na ang komunikasyon at koordinasyon sa ibat-ibang syentipikong pananaliksik. Kaya naman umunlad ang medisina, kalinisan at bakuna. Dumami rin ang mga ospital. Dahil dito tumaas ang haba ng buhay ng tao – mula sa 30-40 taon sa simula ng 19 siglo sa 50-65 taon sa 1900.
Pero kabaliktaran na ang sitwasyon ng magbago ang sitorikal na yugto mula progresibong kapitalismo tungong eaksyunaryo o dekadenteng kapitalismo pagpasok ng 20 siglo. Kaya hindi aksidente ang paglitaw ng unang pandemic sa yugto ng dekadenteng kapitalismo noong 1918-1919 sa panahon ng katatapos lang na unang pandaigdigang imperyalistang digmaan, ang tinawag na "Spanish flu". Ito ay kumitil ng 50 milyong buhay.
Ang covid-19 pandemic ay mahigpit na nakaugnay sa napakaraming problema sa kalusugan ng sangkatauhan. Mas maging grabe ang sitwasyon kung mananatiling hindi makatao at komersyalisado ang sistema ng kalusugan sa 21 siglo. Ang pinagmulan ng mga sakit ngayon ay hindi pa dahil sa kakulangan ng kaalaman o teknolohiya. Halimbawa: sa loob lang ng dalawang linggo matapos madiskubre ang sakit, ang mga laboratoryo ay matagumpay ng nakita ang virus ng Covid-19. Ang hadlang sa mabilisang pagdiskubre ng epektibong bakuna ay ang moda ng produksyon na ang nakinabang lang ay ang mapagsamantalang maliit na minoriya ng populasyon. Ang nakikita natin ay sa halip na koordinasyon at pagtutulungan ng mga laboratoryo ang nangingibabaw ay marahas na kompetisyon sa pagitan ng mga laboratoryo kung alin ang magkamal ng mas malaking tubo.
Dagdag pa dito ang pagdami ng mga mahihirap bunga ng pagsasamantala, digmaan at pagsira ng kalikasan sa ngalan ng tubo. Milyun-milyon ang nagsisiksikan sa mga pook ng mga dukha9 na wala o malubha ang kakulangan sa sanitasyon at tubig. Milyun-milyon ang naging internal refugees at nagpumilit lumayas sa kani-kanilang magulong mga bansa dahil sa mga digmaan. Isa ito sa mga dahilan sa mabilis na pagkalat ng virus.
Dahil sa kabulukan ng kapitalismo ang namayani ay bawat isa para sa kanyang sarili, bawat bansa para sa kanyang sarili na umabot sa punto na walang hiyang nagnakaw na ang bawat bansa sa isat-isa!10 Hanggat kapitalismo ang naghari sa mundo na nasa kanyang bulok na yugto na, marami pang darating na pandemics na magbigay peligro sa buhay at kabuhayan ng sangkatauhan.
“Solusyon” ng mga gobyerno: Dulot ay ibayong kahirapan at kaguluhan sa lipunan
Ang “solusyon” – lockdowns - ng kapitalismo sa pandmeic na siya mismo ang may gawa ay nagdulot ng ibayong kahirapan sa uring manggagawa at maralita. Sila na ang unang biktima sa virus kasama ang mga manggagawa sa kalusugan, sila pa rin ang ginawang sakripisyo ng kapital sa altar ng tubo. Dagdag pa, kakambal ng “solusyon” ng gobyerno ang karahasan ng estado. Ilang daang mahihirap ang hinuli at ang ilan ay pinatay dahil “lumabag” sa batas ng lockdown samantalang ang mga pulitiko at mataas na opisyal ng gobyerno at militar na lumabag sa kanila mismong batas ay dumaan sa “due process” at kabaitan ng hustisya.11
Ayon mismo sa International Labor Organisation (ILO) posibleng may madagdag na 25 milyon sa 188 milyon na walang trabaho sa 201912 dahil sa pandemic. Sa Pilipinas, tinatayang madodoble ang mga walang trabaho.13
Aasahan natin ang mas matinding mga atake sa kabuhayan ng manggagawa sa susunod na mga buwan at taon.
Dagdag pa, mas tumindi ang imperyalistang tunggalian sa panahon ng pandemic. Sa halip na internasyunal na koordinasyon at pagtutulungan, kompetisyon at “bawat pambansang kapital para sa kanyang sarili” ang umiiral. Sisihan, turuan kung sino ang may sala gayong ang kapitalismo mismo na pinagtatanggol nila ang pangunahing may pananagutan sa pagkalat ng pandemic.
Maghanda sa pakikibaka laban sa mga atake ng kapital
Nais ng mga gobyerno na suportahan ng uring manggagawa ang panawagan nila na “magkaisa para sa bayan” at “magkaisa sa digmaan laban sa covid-19”. Ang panawagan para sa “pambansang pagkakaisa” ay walang ibang kahulugan kundi tanggapin nating mga manggagawa ang mga atake ng kapital sa ating kabuhayan para iligtas ang bulok na kapitalismo. Kailangang magsakripisyo tayong mga manggagawa para sa tubo ng kapitalismo!
Hindi “pambansang pagkakaisa” ang kailangan ng uring manggagawa kundi makauring pagkakaisa ng mga manggagawa sa buong mundo laban sa punot-dulo, sa ugat ng pandemic: ang bulok na sistemang kapitalismo. Ang makauring pagkakaisa ay kailangang magsimula sa mga pakikibaka laban sa mga patakaran ng gobyerno na tayo ang magsakripisyo sa mga kapalpakan at krimen na kagagawan ng sistema. Nakikinita na natin ang ilang mga palatandaan na ayaw ng uring manggagawa na isakpripisyo ang kanilang sarili para iligtas ang kapitalismo sa krisis nito.14 Kabilang sa paghandaan natin ang mas iigting pa na karahasan ng estado laban sa mga protesta at welga gamit ang katuwiran na “social distancing” at “para sa kalusugan”.
Subalit alam ng mga rebolusyonaryong organisasyon na may negatibong epekto sa kamulatan ng mga manggagawa ang pandemic at ang kampanya ng “pambansang pagkakaisa”. Mas mahirapan ang uri na muling diskubrehin ang kanyang makuring identidad, pagkakaisa at pakikibaka dahil sa mas malakas na hatak ng idelohiyang nasyunalismo at mga “pakikibaka” ng halu-halong mga uri (interclassist revolts) kung saan ang mga manggagawa ay kalahok hindi bilang isang uri kundi bilang atomisadong “mamamayan ng bansa”. Ganun pa man, alam din ng mga rebolusyonaryong organisasyon na ang pagtindi ng krisis sa ekonomiya bunga ng dekomposisyon ang magtulak sa mga sahurang-alipin na mag-isip, magdiskusyon at makibaka.
Bilang paghahanda sa mga darating na pakikibaka, kailangan natin ang mga diskusyon para suriin at unawain ang mga kaganapan sa ating paligid at itakwil ang mga kasinungalingan at dis-impormasyon na ginagawa ng gobyerno at burges na midya para ilihis ang ating pakikibaka at hati-hatiin tayong mga manggagawa. Sa pamamagitan ng mga diskusyon ay malinawan tayo sa mga tamang kasagutan sa ating mga katanungan hinggil sa ating sitwasyon bilang mga manggagawa. Kamulatan at organisasyon ang ating makapangyarihang sandata laban sa kapitalismo.
Hindi eleksyon at/o gerilyang pakikidigma o “makataong kapitalismo”, “maka-kalikasan na kapitalismo”, kapitalismo ng estado sa ilalim ng maskarang “sosyalismo” na inilako ng lahat ng paksyon ng kaliwa at unyon bilang solusyon sa pandemic at krisis ng kapitalismo. Lalong hindi solusyon ang burges na programa na binalotan lang ng mga “radikal” o “sosyalistang” retorika15.
Kailangang masusi nating subaybayan ang darating na mga kaganapan at pagbabago ng pandaigdigang sitwasyon. Walang duda na hindi na maaring ibalik ng uring burges ang “dating normal” at papasok na ang mundo sa “bagong normal” sa panahon ng patuloy na kabulukan ng kapitalismo. Hindi na kayang maghari ng uring kapitalista sa dating paraan. Kaya ang uring manggagawa ay kailangang aangkop sa “bagong normal” sa kanyang pakikibaka para ibagsak ang kapitalismo at itayo ang komunistang lipunan sa pandaigdigang saklaw.
Alex, 05-14-2020
1 https://www.ecdc.europa.eu/en/publications-data/european-respiratory-virus-surveillance-summary-erviss
2 https://www.who.int/docs/default-source/wpro---documents/countries/philippines/emergencies/covid-19/who-phl-sitrep-30-covid-19-11may2020.pdf?sfvrsn=fc3d6664_2
6 Oposisyon o kaliwa man ang nasa pampulitikang kapangyarihan, inutil pa rin ang estado sa pagharap sa mga pandemic dahil ang panlipunang sistema na pinagtatanggol nito ay bulok na, ganap ng hadlang sa ibayong pag-unlad ng mga pwersa ng produksyon.
7 https://en.internationalism.org/content/16823/covid-19-pandemic-symptom-terminal-phase-capitalist-decadence
8 Para maunawaan ano ang dekadenteng kapitalismo basahin dito: https://en.internationalism.org/pamphlets/decadence
Para maunawaan ano ang naaagnas na kapitalismo basahin dito: https://en.internationalism.org/ir/107_decomposition
9 Ang malubhang siksikan sa pook ng mga dukha o iskwater ay pangunahin dahil sa kahirapan at pagdurog ng kapitalismo sa kanayunan na nagbunga ng kahirapan at pakipagsapalaran sa kalunsuran at pangalawa dahil sa kapalpakan ng gobyerno sa kanyang proyektong pabahay na ang pangunahing layunin ay tubo hindi panlipunang serbisyo.
https://www.rappler.com/philippines/260299-coronavirus-pandemic-metro-manila-housing-problem-collide/
11 Marami ang hinuli (at may pinatay pa) dahil “lumabag” sa batas kabilang na ang napilitang lumabas dahil naghahanapbuhay para may makain ang pamilya nila, mga nagprotesta dahil sa kawalan ng ayuda, mga health workers at iba pa. Samantalang napakabait ng gobyerno sa lumabag na mga kaalyado nito tulad nila senador Koko Pimentel, Mocha Uson at NCRPO Director na si Major Gen. Debold Sinas.
12 https://www.rappler.com/business/255080-novel-coronavirus-impact-unemployment-income-un-assessment-march-18-2020/
13 “The latest LFS result puts the country’s unemployment rate at 5.3% and the underemployment rate at 14.8%, both of which were the lowest among the January rounds of the LFS since 2005.
This would most likely not be the case this year, economists said.
“Definitely unemployment figures will rise. Even if temporary, we might see a double-digit increase,” UP’s Mr. Ofreneo said.”
https://www.bworldonline.com/editors-picks/2020/03/30/285850/pandemic-expected-to-weaken-job-market/
14 https://en.internationalism.org/content/16855/covid-19-despite-all-obstacles-class-struggle-forges-its-future
15 Burges-demokratiko ang programa ng lahat ng paksyon ng kaliwa sa Pilipinas tulad ng maoistang CPP-NPA at ‘leninistang’ Laban ng Masa.