Submitted by ICConline on
Dahil ang komunismo ay hindi utopya, o isang abstraktong ideyal, ang ugat niya ay mula sa sinundang lipunan. Ang posibilidad ng at obhetibong mga kondisyon para sa komunismo ay nagmula kapwa sa internal na mga kontradiksyon ng kapitalismo, at sa pampulitikang kapasidad ng rebolusyonaryong uri na ibagsak ang kapitalistang lipunan. Kapwa nasa antas ng pag-unlad ng produktibong pwersa at sa kalikasan ng panlipunang relasyon na nasa proletaryado ang mga sustansya para lumago ang lipunan sa hinaharap. Kung hahantong lamang ang produktibong pwersa sa isang depinidong pag-unlad, kung saan wala ng posibilidad pa na uunlad ang naunang lipunan, dahil sa pag-unlad ng mga kontradiksyon sa pagitan ng kapitalistang mga relasyon ng produksyon at sa ibayong pag-unlad ng produktibong pwersa, ang komunismo at proletaryong rebolusyon ay isa ng obhetibong pangangailangan.
Sa pagkontrol ng lipunan sa lahat ng kagamitan sa produksyon ng lipunan "nagiging posible, nagiging isang istorikong pangangailangan, kung umiiral na ang materyal na kondisyon para mangyari ito. Tulad ng ibang panlipunang pagsulong, nagiging praktikal hindi sa pag-unawa na ang pag-iral ng mga uri ay salungat sa mga ideyal ng hustsisya at pagkapantay-pantay, atbp, ni sa pamamagitan ng simpleng determinasyon na wasakin ang mga uri, kundi sa pamamagitan ng depinidong bagong pang-ekonomiyang mga kondisyon." (Engels, Anti-Duhring, 1894)
Malinaw na pinakita ng bagong mga obhetinong kondisyon na ito na ang tanging panlipunang relasyon na magbigay-daan sa progresibong pag-unlad ng mga produktibong pwersa, na tutugon sa kasalukuyang pangangailangan ng sangkatauhan, ay yaong wawasak sa kaibahan ng kapital at paggawa; na wawasak sa kapital at sistemang sahuran, produksyon ng kalakal, at lahat ng pambansa at makauring pagkahati-hati.
Maari nating ipahayag ang sumusnod:
- Ang komunismo ay lipunan na walang mga uri, walang pagsasamantala ng tao sa kanyang kapwa, at walang anumang indibidwal o kolektibong pag-aari. Ang tanging posibleng dulo ng sosyalisasyon ng produksyon ng kapitalismo ay panlipunang pag-aari, ng buong lipunan, sa mga kagamitan ng produksyon. Tanging sa pagwasak ng makauring mga prebilihiyo at indibidwal na pag-aari ang makaresolba sa umiiral na mga kontradiksyon sa pagitan ng panlipunang katangian ng produksyon at sa kapitalistang kalikasan ng panlipunang mga relasyon.
- Ang panlipunang pag-aari na ito ng lahat ng produktibong pwersa at sa mga kagamitan ng produksyon ay tanging ang proletaryado lamang ang makagagawa: isang pinagsamantalahang uri, na walang pang-ekonomiyang pag-aari, at kumikilos bilang isang produktibong kolektibidad.
- Kaya ang komunistang lipunan ay nakabatay sa pagpawi ng kasalatan at sa produksyon ng pangangailangan ng sangkatauhan. Ang komunismo ay lipunan ng kasaganaan, na magbibigay satispaksyon sa lahat ng iba't-ibang pangangailangan ng sangkatauhan. Ang antas ng pag-unlad ng produktibong pwersa, ng syensya ng tao, teknolohiya at kaalaman, ang magbigay-daan sa emansipasyon ng tao mula sa dominasyon ng bulag na ekonomikong mga pwersa.
Sa unang pagkakataon sa kasaysayan, ang sangkatauhan, sa pamamagitan ng mulat na pagkontrol sa mga kondisyon na nagdetermina ng kanilang sariling buhay at reproduksyon, ay dadaan "mula sa paghari ng pangangailangan tungo sa paghari ng kalayaan."
Ang produksyong ito para sa pangangailangan ng tao, ang kalayaan ng sangkatauhan, ay ma-realisa lamang sa pandaigdigang saklaw, at sa pamamagitan ng rebolusyon sa lahat ng aspeto ng pang-ekonomiya at buhay panlipunan. Kaya, wawasakin ng komunismo ang batas ng halaga. Ang komunistang produksyon, sosyalisado at planado sa lahat ng antas ng lahat ng tao, ay eksklusibong nakabatay sa produksyon ng halaga-sa-gamit, kung saan ang kanyang sosyalisado at direktang distribusyon ay walang palitan, pamilihan, at pera.
- Mula sa lipunan ng pagsasamantala ng tao sa kanyang kapwa, sa ekonomiyang kompetisyon at ekonomikong anarkiya, at sa mga tunggalian at kompetisyon sa pagitan ng mga indibidwal at uri, sa ilalim ng komunismo ang sangkatauhan ay nasa isang lipunan na dominado ng komunidad ng tao.
Sa komunidad na ito lahat ng mga porma ng pampulitikang kapangyarihan (mga gobyerno, estado, polis...), na nagmimintina ng dominasyon ng isang uri sa iba, ay maglalaho kasabay ng pagsasamantala at pagkakahati sa mga uri. Ang pag-iral ng mga gobyerno, sa lahat ng paraan na sumusupil sa sangkatauhan at sa pagkamalikhain ng tao, ay magbigay-daan sa simpleng pangangasiwa ng mga bagay, tungo sa "asosasyon ng mga malayang prodyuser".
Ang mga katangiang ito ng komunismo ay minimum na punto na maaring ibalangkas. Lagpas dito (tandaan ang sinasabi natin sa itaas) anumang dagdag na deskripsyon ay limitado sa pangkalahatang pagsalarawan. Dagdag pa, sa maiksing deskrispyon na ito hindi pinaksa ang bunga ng bagong mga relasyon ng tao. Ni ang mga implikasyon sa pagpawi sa pagkahati-hati at pagbukod-bukod sa loob ng lipunan, sa pagitan ng tao ...
Ganun pa man, pinakita ng pangkalahatang balangkas na ito ang napakalaking pagkakaiba na naghiwalay sa mundo sa hinaharap mula sa kapitalistang lipunan at sa nagdaang mga lipunan.
Isang lipunan na walang pagsasamantala! Kung saan nabubuhay tayo batay sa ating pangangailangan at kagustuhan! Kung saan walang pagkakaiba sa pagitan ng intelektwal at manwal na paggawa! Kung saan ang kalayaan ay higit pa sa kalayaan na ibenta ang lakas-paggawa!... Imposible!
Kahit hindi pa natin maunawaan ang anumang ditalye sa napakalaking pag-igpaw na gagawin ng sangkatauhan, isang bagay ang malinaw: wala pa sa kasaysayan ng tao na mayroong ganitong kinakailangang kalitatibong pag-igpaw.
Dalawa ang mahalagang talas ng pahayag na ito. Dahil malinaw na ang ganitong igpaw ay magagawa lamang ng isang uri na ganap na mulat sa kanyang istorikal na misyon. Pero ang uri na may kapasidad na maabot ang ganitong antas ng kamulatan, ang uring manggagawa, ay ang uri mismo na nakaranas ng pinakamsahol na pagkakait, ng pinakamarahas na pagsasamantala, at sa walang humpay na panggihipit ng burges na ideolohiya.
Kaya ang lahat ng kalidad ng komunismo, na siyang dahilan na mas mataas ang antas nito kaysa lahat na nagdaang mga lipunan, ay nakasalalay mismo sa kahinaan, sa pagkakait, at sa di-makataong pag-iral ng proletaryado. Dahil "ang buong di-makataong sosyal na pag-iral ay nasa kondisyon ng pag-iral ng proletaryado sa konsentradong porma", ang uring manggagawa ay "hindi mapalaya ang sarili na hindi sinusupil ang lahat ng di-makataong aspeto ng kasalukuyang lipunan na konsentrado sa kanyang sariling kalagayan." (Marx, Engels The Holy Family 1844). Ang posisyon ng proletaryado bilang pinagsamantalahang uri ang pipilit sa kanya na palayain ang buong lipunan, na itayo ang isang lipunan na walang mga uri o pagsasamantala.
- Ang proletaryado, na pinagkaitan ng lahat ng pang-ekonomiyang kapangyarihan sa loob ng lipunan, pinagsamantalahan sa produksyon, ay aasa lamang sa sarili para sa kanyang sariling emansipasyon. Malabanan lamang niya ang kapitalismo sa kanyang sariling pagkakaisa at sa kanyang sariling kamulatan: dalawang sandata na siya mismong katangian ng lipunan sa hinaharap.
- Subalit ang katotohanang ito ay nagkahulugan din na ang proletaryong oposisyon sa burges na lipunan ay napakahina at mabuway. Dahil walang pang-ekonomiyang prebilihiyo na maging batayan sa kanyang pakikipaglaban sa burges na lipunan, napakabulnerable ng proletaryado sa palagiang panggigipit ng burges na ideolohiya, na ang layunin ay ilayo ang proletaryado sa daan ng kanyang huling pakikibaka para sa emansipasyon.
ITO ANG DAHILAN KUNG BAKIT ANG DAAN TUNGO SA KOMUNISMO AY MAARING MAPIGILAN. ANG KOMUNISMO AY BUNGA NG MATAAS AT MASAKLAP NA PAKIKIBAKA. ITO ANG DAHILAN KUNG BAKIT, sa kabila ng ekstra-ordinaryong rebolusyonaryong potensyal ng proletaryado, na walang mawawala kundi ang kanyang kadena, at may mundo na dapat ipagwagi, WALANG ABSOLUTONG GARANTIYA SA TAGUMPAY NG REBOLUSYON, NI MAYROONG DETERMINISTIKONG BISYON PARA SA KANYANG PAG-UNLAD. PERO KUNG HINDI MAKAMIT ANG BAGONG ISTORIKAL NA PANAHONG ITO, ANG SANGAKATAUHAN AY MAHUHULOG SA WALANG KATULAD NA BARBARISMO, MALAMANG SA KANYANG TULUYANG PAGKAWASAK.
Kaya ang daan tungong komunismo, ang makauring pakikibaka, ay serye ng mga tagumpay at kabiguan; ng mga pag-atras na sinundan ng panibagong mga pagsulong. Nagkakahugis ito sa porma ng tensyon sa pagitan ng determinasyon at kamulatan, sa patuloy na pagtatasa at pagpuna sa sarili.