Submitted by ICConline on
Imposibleng masagot ang tanong na ito ng tumpak. Unang-unang na, ang panggigipit ng burges na ideolohiya ang nagpahirap na obhetibong isalarawan ang lipunan sa hinaharap. Ang layunin ng burges na ideolohiya ay ipakita na walang hanggan ang kapitalismo. Tinagpas-tagpas at sinira ng presyur ng burges na ideolohiya ang lahat ng pagsisikap na isalarawan ang komunismo at proletaryong rebolusyon.
Kaya para sa maraming manggagawa ang komunismo ay ang ‘paraiso' ng kapitalismo ng estado at militarisasyon sa paggawa na nakikita sa Rusya, Tsina, Cuba, at iba pang diumano ‘sosyalistang' mga bansa. Subalit dagdag pa, ang katangian mismo ng komunismo ang dahilan kung bakit imposible ang ditalyado o tumpak na deskripsyon.
"Katunayan, para sa amin ang komunismo ay hindi isang KALAGAYAN NG MGA BAGAY na itatayo, isang IDEYAL kung saan aangkop ang realidad mismo. Tinatawag namin ang komunismo na isang TUNAY na kilusan na wawasak sa kasalukuyang kalagayan ng mga bagay." (Marx; German Ideology)
Ano ang ibig sabihin nito? Simple itong nagkahulugan na ang komunistang lipunan ay hindi abstraktong layunin na iniluwal mula sa imahinasyon ng iilang ‘mulat' na tao. Hindi ito abstraktong ‘perpektong' ideyal. Kabaliktaran sa pananaw ni Hegel (pilosopong Aleman sa maagang bahagi ng 19 siglo na pinagbatayan ng diyalektikal na pamamaraan ni Marx), ang kasaysayan ay hindi progresibong realisasyon ng Ideya (ang Ideya ng tao, o ang Ideya ng komunismo.) Ang komunismo ay hindi kagagawan ng ispiritu, isang pantasya na naging layunin ng sangkatauhan. Ang komunistang lipunan ay isang makasaysayang panahon: totoo, makatao at obhetibo. Lumitaw ito mula sa mga kontradiksyong nasa loob ng lipunan at bilang kinakailangang resulta sa pag-unlad ng naturang lipunan.
Subalit, maaring mapigilan ang komunismo. Bagama't produkto ito ng tunay at obhetibong mga kondisyon, sa pag-unlad ng ekonomiko at panlipunang mga kontradiksyon sa loob ng kapitalismo, ang komunistang lipunan higit sa lahat ay ang praktikal, likha ng kolektibong mulat na sangkatauhan. Sa unang pagkakataon ng kasaysayan ang panlipunang uri ang siyang kokontrol ng kanyang kapalaran. Pero magagawa lamang niya ito sa organisado at mulat na paraan. Kaya ang komunismo ay hindi isang intelektwal na ‘proyekto', ni bulag at mekanikal na hindi mapigilan. Ang komunismo ay bunga ng mulat at progresibong transpormasyon sa lumang mundo ng komunidad ng tao, matapos ang marahas na pagwasak sa dating mga relasyong panlipunan.
Kaya, ang suhetibo at obhetibong mga kondisyon na nangasiwa sa tunay na kilusang ito tungo sa komunismo ay produkto ng mga kondisyong umiiral ngayon. Kung posible na ang komunismo sa istorikal na sitwasyon, ang realisasyon ng posibilidad na ito ay nakasasalay sa suhetibong pag-unlad, sa pag-unlad ng kamulatan ng kasalukuyang panahon. Ito ay dahil, tulad ng komunismo, ang rebolusyon mismo ay kailangang isang mulat na pampulitikang pagkilos, kung saan ang tagumpay ay nakasalalay sa antas ng organisasyon at kamulatang nakamit ng proletaryado. Sa batayang ito ang komunidad ng tao ay maging realidad, at hindi lang simpleng isang obhetibong posibilidad.
Kaya, kahit alam natin na imposibleng ipinta ang ditalyadong larawan ng komunistang lipunan, tingin namin mahalaga na ilatag ang pangunahing mga aspeto ng komunistang rebolusyon, at ang ultimong layunin ng rebolusyong ito.
Dahil ang komunistang rebolusyon ay isang kilusan na mulat sa sarili, ang mga katangian ng bagong mga panlipunang relasyon na inilatag ng komunismo ang mismong nagdetermina ng pag-unlad ng makauring kamulatan at organisasyon ng proletaryado. Babalikan natin ang dalawang pundamental na usaping ito sa susunod na mga tsapter.