Mga unyon sa dekadenteng kapitalismo

Printer-friendly version

Ang pagbulusok-pababa ng kapitalismo

Sa pagpasok sa 20 siglo ang mga kondisyon para sa ekstra-ordinaryong paglawak ng kapitalismo ay nagsimulang maglaho. Ang paglikha ng pandaigdigang pamilihan ay nakamit na at sa paglaki ng antagonismo sa pagitan ng kapitalistang mga kapangyarihan para sa dominasyon ng merkado, habang ang kanilang pangangailangan ng merkado sa kanilang mga produkto ay lumampas sa kapasidad ng pandaigdigang pamilihan na kunin sila. Ang pag-unlad mismo ng kapital ang nagparami ng mga harang para sa kanyang patuloy na paglawak. ‘Napakarami ng mga kapitalista' para sa umiiral na pamilihan. Ang huling makapangyarihang mga bansa-estado na pumasok sa kompetisyon sa pandaigdigang pamilihan (sa partikular Alemanya, Italya at Rusya) ay nakapagbukas lamang ng merkado para sa sariling pag-unlad sa kapinsalaan ng dating nagharing kapangyarihan. Mula sa simula ng siglo, ang dumami ang alitan sa pagitan ng imperyalistang mga kapangyarihan.

Lalong gumulo ang pang-ekonomiya at panlipunang buhay ng bawat bansa. Para makahabol sa pag-aagawan na lumakas dahil sa kompetisyon ng mga kalakal para sa pandaigdigang pamilihan, kabilang na ang kompetisyong militar, binatak ang buong ekonomiya sa kanyang maksimum na limitasyon para mapababa ang gastos sa produksyon at mapalitaw ang kailangang rekurso para mapaunlad ang hukbo at makinaryang militar sa pinakamodernong tipo. Ang puwang ng maniobra na dati nagagamit ng mga pambansang kapital at siyang dahilan kung bakit maari pang makakuha ng mga reporma ang proletaryado sa loob ng burges na lipunan ay mabilis na kumikipot. Ang malupit na digmaan na ginagawa ng mga kapitalistang bansa ay natural na magbunga ng internal na digmaang inilunsad ng kapital laban sa anumang pag-unlad sa kondisyon ng pamumuhay ng uring manggagawa. Ang pang-ekonomiya at militar na kakayahan ng bawat pambansang kapital kumpara sa ibang pambansang kapital ay nakabatay sa walang katulad sa nakaraan sa kapasidad ng bawat isa na kumuha ng maksimum na labis na halaga mula sa pinagsamantalahang uri. Walang pambansang kapital na makapagbigay ng konsesyon sa kanyang proletaryado na hindi maiwanan sa internasyunal na arena.

Ang obhetibong pang-ekonomiyang pundasyon na nagtulak sa proletaryado na konsentrahan ang pagkilos para sa sistematikong pagkuha ng mga reporma ay hindi na napigilang nawasak, nalantad ang pundamental na makauring mga antagonismo sa pagitan ng proletaryado at burgesya  at pinalala sila sa kanila mismong limitasyon. Sa pampulitikang antas, ang pinaka-makapangyarihang sektor ng burgesya sa bawat pambansang kapital ay iginiit ang sarili laban sa kanilang mga kauri at dahan-dahan na kinonsentra ang kapangyarihan sa kamay ng ehekutibo ng estado. Sa proseso ang Parlyamento ay naging sunud-sunuran na lamang sa mga desisyon ng ehekutibo. Pinanatili lamang ang pag-iral nito sa tanging layunin na pampulitikang mistipikasyon.

Nagwakas na ang pasulong na kapitalismo at nabuksan na ang panahon ng kanyang pagbulusok-pababa.

Ang ganitong pundamental na pagbabago ay ganap na bumago sa kondisyon kung saan nakibaka ang proletaryado. Tapos na ang panahon kung saan nakipagtawaran ang proletaryado sa loob ng Parlyamento para sa pag-unlad ng kanyang pamumuhay; nagwakas na ang panahon kung saan maari nitong samantalahin ang alitan ng umiiral na iba't-ibang paksyon ng burgesya para ‘isulong ang kanyang sariling interes'; naglaho na ang panahon kung saan ang pag-unlad ng kanyang kalagayan ay naging pampasigla sa kapitalistang pag-unlad; wala na ang panahon kung saan ang proletaryado ay makaasa pa na magtagumpay ang kanyang ‘minimum na programa'. Mula ngayon haharapin ng proletaryado ang sentralisado, sumasalahat at makapangyarihang estado na walang maibigay sa proletaryado kundi papalaking pagsasamantala at pagrekrut sa kanila bilang pambala ng kanyon sa inter-imperyalistang tunggalian. Mula ngayon, ang inderiktang paraan sa pampulitikang pakikibaka, ang pagtatangka na ipresyur ang kapitalistang estado at baguhin ang kanyang mga polisiya sa pamamagitan ng mga unyon at parlyamentaryong partido, ay babagsak lamang sa harap ng pangangailangan-para-mabuhay ng bawat pambansang kapital. Anumang programa para sa reporma ay naging hindi makakamit na utopya, at ang lahat ng paraan ng pakikibaka na umunlad para umangkop sa pasulong na kapitalismo ay hadlang na para sa proletaryong interes.

Ang Unang Digmaang Pandaigdig, na naging palatandaan ng pagpasok ng kapitalismo sa kanyang dekadenteng yugto, ay marahas na hinarap ang proletaryado at ang kanyang mga organisasyon sa ganitong alternatiba: ‘Digmaan o Rebolusyon'; ‘Sosyalismo o Barbarismo. Alinman sa dalawa, ilunsad ng proletaryado ang direkta, rebolusyonaryo, pangmasang pakikibaka , ibig sabihin, iwananan ang kanyang luma, di-angkop na mga porma ng pakikibaka at organisasyon, o susuko ito sa kapitalistang barbarismo.

Ang dating unyon at parlyamentaryong istruktura ng Ikalawang Internasyunal, tadtad ang kaibuturan ng repormismo, halos walang pag-alinlangan. Buong-buo itong pumanig sa kampo ng burgesya, at agad naging sarhentong tagarekrut para sa imperyalistang digmaan.

Sa panahon ng rebolusyonaryong pagsabog na yumanig sa Uropa sa kataposan ng digmaan bumuo mismo ang mga manggagawa ng bagong mga porma ng pakikibaka at organisasyon: ang mga pangmasang pakikibaka na organisado sa mga konseho ay unang lumitaw sa simula ng siglo sa pakikibaka ng batang proletaryong Ruso. At katabi ng burgesya at parlyamentaryong mga partido, nakatayo ang mga unyon.

Ang mga unyon ay nasanib sa kapitalistang estado

Magmula Unang Digmaang Pandaigdig, itinulak ng dekadenteng kapitalismo ang sangkatauhan sa mabangis at paulit-ulit na serye ng krisis, digmaan, at rekonstruksyon. Pinalakas ng seryeng ito ang umiiral na istorikal na kondisyon, na nagbigay imposibilidad sa anumang pagtatanggol sa proletaryong interes sa pamamagitan ng repormistang mga pakikibaka, at pinilit ang anumang organisasyon na ibatay ang sarili sa ganitong tereyn para maging instrumento ng burgesya na nasanib sa makinarya ng estado. Ang mga kondisyong ito ang nagbibigay imposibilidad sa mga reporma at pag-unlad ng totalitaryanismo ng estado.

Ang imposibilidad ng mga reporma

Para maharap kapwa ang lumalalang internasyunal na kompetisyon, at para mapunan ang hindi produktibong gastusin na lalong lumalaki tulad ng proporsyon ng paglalim ng mga kontradiksyon ng sistema, kailangang gamitin ng burgesya ang sumusunod na mga mekanismo:

  1. Panatilihin ang palaki ng palaking mala-halimaw na administratibo at pangpolis na makinarya ng estado.
  2. Mala-higanteng gastusing produksyong militar (hanggang 50 porsyento sa badyet ng estado sa mga bansa tulad ng Rusya o USA).
  3. Subsidyo ng estado sa parami ng paraming bilang ng mga sektor na naghirap sa malalang depisit.
  4. Palakihin ang gastusin sa promosyon, publisidad, at sa pangkalahatan sa ‘ikatlong' sektor  para tangkaing pigain ang sistema para mapunan ang gastusin sa pang-ekonomiyang gastusin na naging napakataas, naging salungatan at kahibangan.
  5. At panghuli, permanenteng napilitan ang kapital na palakihin ang pagsasamantala sa proletaryado lagpas sa limitasyong matiis ito para mapondohan ang lahat ng hindi produktibong gastusin na siyang katangian ng bumubulusok-pababa na kapitalismo.

Sa ganitong sitwasyon, ang burgesya na kahit anong pamimilit ng pinaka-militanteng pakikibaka ng manggagawa, ay hindi magawang ibigay ang anumang tunay na mga reporma.

Malinaw na sa nagdaang labinlimang taon lahat ng pakikibaka para sa pagtataas ng sahod ay nauwi sa wala. Sa pang-ekonomiyang tereyn, ang pagtaas ng sahod ay ninakaw lamang sa patuloy na pagtaas ng presyo. Ang napanalunang pagtaas ng sahod sa Hunyo 1936 sa Matignon sa Pransya (12 porsyento) ay naglaho sa loob ng anim na buwan (mula Septyembre 1936 hanggang Enero 1937 ang presyo ay tumaas ng 11 porsyento). Ganun din, alam nating lahat pagkatapos ng isang taon walang natira sa pagtaas na binigay sa Hunyo 1968 sa Grenella (matapos ang Mayo-Hunyo 1968 na pangyayari sa Pransya).

Magkatulad na penomenon ang makikita sa usapin ng kalagayan ng paggawa. Habang sa panahon ng pasulong na yugto ng kapitalismo ang haba ng paggawa sa isang linggo ay epektibong bumaba dahil sa presyur ng pakikibaka ng manggagawa (mula 1850 hanggang 1900 ang haba ng isang linggong paggawa ay bumaba mula 72 sa 64.5 oras sa Pransya, at mula 63 sa 55.3 oras sa Amerika), sa ilalim ng dekadenteng kapitalismo ang haba ng oras ay nanatiling pareho na walang aktwal na pagtaas (hindi pa kasama ang oras na inilaan sa byahe patungo sa pagawaan). Sa Mayo-Hunyo 1968 naobligang nanalo ulit ang manggagawang Pranses sa ‘tagumpay' na nakuha nito sa 1936 (ang 40-oras kada linggo sa 1936 ay naging 44.3 sa 1949 at 45.7    sa 1962!).

Ang panahon ng rekonstruksyon, na nagsimula sa 1945 matapos ang kahirapan sa krisis at digmaan, ay nagdala sa karamihan na maniwala na posible ang pag-unlad sa kalagayan ng pamumuhay at paggawa. Ang relatibong kasaganaan na natamasa ng kapital ang dahilan na parsyal na muling kunin ang mga walang trabaho at magbigay ng ilang kasigurohan sa pagtrabaho. Kahit saan ang mga tagapagtanggol ng sistema ay naniwala sa maaliwalas na bukas sa isang kamangha-manghang pag-unlad sa istandard ng pamumuhay sa industriyalisadong mga bansa. Pero ano ang realidad sa likod ng ganitong bantog na ‘kaunlaran' na nagdala sa ilang tao na igiit na naglaho na ang proletaryado - na winasak diumano sa tinatawag na ‘lipunan ng konsyumador'?

Pagtindi ng pagsasamantala

Ang nagdetermina sa kondisyon ng pamumuhay ng mga manggagawa ay pangunahin ang haba ng oras na kailangang magtrabaho sila at ang antas ng intensipikasyon ng pagsasamantala sa kanila. Sa mga aspetong ito walang makabuluhang pag-unlad sa kalagayan ng pamumuhay ng mga manggagawa sa ilalim ng dekadenteng kapitalismo. Ang haba ng oras pagtrabaho ay opisyal na pinaiksi pero anumang pagbaba ay binawi sa sapilitang overtime at sa pagtaas ng oras pagbyahe: "Sa istriktong pang-ekonomiyang larangan ang sitwasyon ay walang kasing lubha kaysa ngayon...Sa maraming bansa ang pagtutol sa overtime ay kagyat na dahilan ng pagtanggal at kahit saan ang introduksyon sa tinatawag na ‘base rates of pay' na sinadyang mababa, at pabuya at bonuses batay sa produktibidsad, atbp...ay ‘boluntaryong' pinilit ng mga manggagawa ang sarili na magtrabaho ng sampu o labindalawang oras kada araw...Sa usapin ng pinaka-maliwanag na aspeto ng pagsasamantala -produktibidad bawat tao bawat oras - nasadlak ang proletaryado sa isang teribleng sitwasyon. Ang produksyon na kinuha sa kanya bawat araw ay pataas ng pataas. Una, kinuha ng teknikal na inobasyon sa manggagawa ang anumang mapanlikhang interbensyon ng kanyang paggawa, sinukat ang kanyang paggawa bawat segundo, at ginawa siyang buhay na robot katulad ng mga makina. Pagkatapos, sa pag-aaral sa oras at galaw, ang kagimbal-gimbal at nakakasukang bitag ay pumilit sa tao na paulit-ulit na magtrabaho gamit ang parehong instrumento at sa panahon ng unipormadong haba ng panahon. Panghuli, ang disiplina ng bawat pagawaan ay umabot sa suspensyon sa trabaho kahit ang pagsindi ng sigarilyo o anumang napakaliit na bagay. Ang produktong nakukuha mula sa bawat tao sa ganitong paraan ay napakalaki, sa parehong proporsyon, ang pisikal at mental na pagkasaid ng manggagawa", (G. Munis, ‘Unions against the Revolution', in Internationalism no. 3).

Pagtaas ng kapasidad na makabili

Ang naturang pagtaas, na lalong pinalaki ng mga umiidolo sa kapitalismo, ay simpleng pandaraya. Sa pangkalahatan, ang pagtaas ng kapasidad na makabili ay nagkahulugan ng makabili ng telebisyon, sasakyan, at ‘kaginhawaan' sa elektrikal na mga gamit. Pero ang ganitong pagtaas ay minimum na kapital lamang na pwersadong binigay para panatilihin ang pagsasamantala sa ilalim ng kalagayan ng modernong pamumuhay. Ang pinakamahusay na halimbawa nito ay ang telebisyon. Maliban sa isa sa pinakamalungkot na paraan para malimutan ng manggagawa ang kanyang labis na kapaguran sa natitirang tatlo o apat na oras matapos ang buong araw na pagtrabaho, ang telebisyon ay isa ring epektibong ideolohikal na sandata at matagal na itong kinikilala na ganito. Kung ayaw ng mga manggagawa ng telebisyon dahil napakamahal nito, ibibigay ito ng kapital ng libre. Ang mga sasakyan at iba pang mga gamit na nakatitipid-ng-paggawa ay mga paraan para ma-maksimisa ang ‘libreng' oras ng manggagawa para muli siyang makatrabaho ayon sa ritmo ng buhay kung saan lalupa siyang pinapagod ng kapital. Ang naturang mga gamit ay kasinghalaga ng may bayad na holidays para sa proletaryado para muling sisigla mula sa isang taon ng di-makataong paggawa. Lahat ng mga ganitong bagay na inilarawang luho ay simpleng kailangang minimum na rekisito sa modernong panahon.

Ang masarap pakinggan na asersyon ng mga tagapagtanggol ng kapital ay hindi maitago ang realidad na nararamdaman ng mga manggagawa araw-araw ng ilang dekada, na kailangang pababain ng kapitalismo ang kanilang kalagayan sa pamumuhay. Sa harap ng ganitong sitwasyon at sa harap ng sistematikong kabiguan ng mga pakikibaka para sa tunay na mga reporma, ano pa ang papel ng mga unyon? Para sa mga unyon na kilalanin ang tunay na sitwasyon ay nagkahulugan na kilalanin ang kanilang sariling kainutilan at kanilang sariling pagkawasak.

Kaya para makaligtas, dapat maging ‘tagapag-aliw' sila sa uring manggagawa katulad sa simbahan ilang siglo na ang nagdaan para sa mga magsasaka. Ngayon, habang hindi sila nangako ng langit, nag-imbento sila ng mga ‘tagumpay' kung saan ito ay isa lamang kabiguan. Nagsasalita sila ng pagkontrol ng manggagawa habang ang mayroon lamang ay pagpapalakas ng pagsasamantala, at ginawa nilang mapayapang demonstrasyon ang anumang pakikibaka ng manggagawa. Gaya ng simbahan sa Lumang Panahon, kumikilos ang mga unyon ngayon bilang tagapanguna ng nagharing uri sa loob ng pinagsamantalahang uri.

Sa panahon ngayon nakikita natin ang umuunlad na tunggalian sa pagitan ng mga kapitalista sa loob ng bawat bansa at sa pagitan ng iba't-ibang paksyon ng pandaigdigang kapital. Lumitaw din ang mga tunggalian sa pagitan ng antagonistikong mga uri. At sa pangkalahatan nakikita natin ang paglala ng pangkalahatang tunggalian sa pagitan ng pag-unlad ng produktibong pwersa at sa panlipunang balangkas na pinaglumaan nila. Ang kanyang sariling mekanismo ang nagdala sa dekadenteng kapitalismo sa kanyang dis-intergrasyon sa bawat larangan. At, tulad sa kaso ng dekadenteng yugto sa lipunang alipin at pyudal, ang totalitaryan na kapangyarihan ng estado sa pakikialam sa bawat antas ng lipunan - kinontrol ang lahat - naging esensyal na salik sa pagmintina sa luma at naaagnas na panlipunang edipisyo.

Kung sa panahon ng masaganang mga taon sa 19 siglo, posible pa ang ‘malayang kalakalan' at ‘walang interbensyon' sa ekonomiya, sa kanyang dekadenteng yugto pinaunlad ng kapital ang mas malakas na estado para ikoordina at direktang kontrolin ang bawat aspeto ng buhay panlipunan at higit sa lahat kontrolin ang panlipunang mga relasyon sa pagitan ng mga uri.

Nakikita ang lumalaking papel ng estado sa ekonomiya magmula Unang Digmaang Pandaigdig, sa pagdami ng mga batas na komukontrol sa relasyon sa pagitan ng kapital at paggawa, sa paglikha ng makipot na puwang sa ‘legalidad' kung saan itinali at binaog ang proletaryong pakikibaka. Ang mga batas na ito ay maaring sa diktadurang porma ng mga rehimeng Stalinista o pasista, o sa mas pino - pero kasing epektibo - na mga porma ng tinatawag na ‘demokratikong' mga rehimen. Pero anumang balatkayo ang gamitin nila, lilitaw na ang mga batas na ito ay isang ideyal na makinarya para pigilan ang mga pakikibaka ng uring manggagawa.

Sa kasalukuyang istorikal na kondisyon, anumang organisasyon ng unyon ay napilitan batay sa katangian ng kanyang papel na maghahanap ng legalidad. Lagi itong napailalim sa presyur. Ang naturang presyur ang nagtransporma sa unyon bilang daanan ng estado para sa laro na para lamang sa kanya. Ang laro ay gawing katanggap-tanggap ang kapitalistang mga batas sa mga manggagawa. Ang kapangyarihan ng integrasyon na hawak ng makinarya ng estado sa ilalim ng totalitaryanismo ng dekadenteng kapitalismo ay matatalo lamang sa direktang rebolusyonaryong aksyon laban sa estado mismo. Ang mga unyon, na walang kakayahan sa ganitong tereyn, ay walang rekurso laban sa estado.

Ang integrasyon ng mga unyon sa estado kadalasan ay makikita sa hayagan at direktang paraan. Opisyal sila na naging bahagi ng makinarya ng estado at sa maraming kaso ang unyonisasyon ng mga manggagawa ay inoobliga ng batas. Ito ang nangyari sa mga bansa na lumitaw mula sa mga ‘pakikibaka para sa pambansang pagpapalaya', mga bansa na nagpakita ng pinaka-ulyaning porma ng dekadenteng kapitalismo. Ito rin ang nangyari sa tinatawag na mga rehimeng pasista o ‘sosyalista'.

Sa ‘demokratikong' mga rehimen - sa partikular ang mga unyon na may kaugnayan sa mga oposisyon na partidong pulitikal (o kailangan nilang maging sekreto) - ang integrasyon sa makinarya ng estado ay hindi masyado hayag. Pero ang katotohanan na ang mga unyon ay tinanggap ang balangkas ng legalidad ng estado (o tangkaing tanggapin sila nito, tulad sa kaso ng mga sekretong unyon sa Espanya) ay nagkahulugan na nasanib sila sa baitang ng makinarya ng estado. Oposisyon sa pagitan ng iba't-ibang mga paksyon ng burges na pampulitikang makinarya ay nagsilbi lamang na mabigyan ang mga unyong ito ng maskara ng militansya, kahit sa pananalita lang, na nagpahintulot sa kanila na lilitaw na ‘organisasyon ng mga manggagawa'.

Ang pagsanib ginawa man sa marahas na paraan, o ginawa sa pamamagitan ng partisipasyon ng mga unyon sa burges na pampulitikang komedya, hindi maiwasang nasanib ang mga unyon sa estado sa ilalim ng dekadenteng kapitalismo. Sa punto na hindi na makairal ang mga unyon bilang organisasyon ng manggagawa dahil sa imposibilidad na magampanan ang kanilang orihinal na tungkulin, lumikha ang dekadenteng kapitalismo sa loob ng estado ng maraming tungkulin na perpektong angkop sa mga unyon: pagpigil sa uring manggagawa, pangasiwa sa pagbenta ng lakas-paggawa, pagkontrol at pagpakalma sa mga tunggalian sa pagitan ng kapital at paggawa, atbp. Kaya nakita natin sa unang bahagi ng teksto na kadalsan ang estado ay lumilikha ng mga unyon, pinagtanggol sila at binibigyan ng subsidyo, dahil nasa baitang lamang sila sa makinarya, na manatili ang mga unyon sa mundo kung saan imposible na ang kanilang orihinal na papel.

Mga unyon: polis ng estado sa mga pagawaan

Sa mga pagawaan at sa pagsabog ng makauring pakikibaka ang lugar na ang mga unyon ay napakahalaga sa kapitalistang estado. Nakalubog sa loob ng rebolusyonaryong uri, nasa pinakamahusay silang posisyon para pakalmahin, hatiin ang anumang rebolusyonaryong tendensya ng uri. Sa mga bansa kung saan umiiral ang lumang tradisyon ng unyonismo, bihasa na sila sa ganitong usapin.

Ang mayor na kahinaan ng anumang pinagsamantalahang uri ay kakulangan ng tiwala sa sarili. Lahat sa makauring lipunan ay kontrolado kaya nalagay sa isipan ng pinagsamantalahang uri ang ideya na hindi maiwasan ang kanilang kalagayan at inutil sila na ibagsak ang nagharing sistema. Ang unyonismo - na walang maibigay na kinabukasan sa uri liban sa ilusyon ng kaginhawaan sa kanyang pinagsamantalahang kalagayan, na permanenteng nagsasabi sa uri na ang makauring pakikibaka ay isang ‘teribleng sakripisyo para sa mga manggagawa', na ginawang tanging layunin ang negosasyon sa pakikibaka, na umaawit ng papuri sa ideyal na ‘mabuting manggagawa' na ama ng kanyang pamilya at responsable at seryoso sa kanyang trabaho - ay isa sa pinakamahusay na tagalako ng burges na ideolohiya sa loob ng uring manggagawa. Nagsaboy ang mga unyon ng diwa ng demoralisasyon at sariling pagkawasak, ang ganap na salungat sa militanteng diwa ng rebolusyonaryong uri.

Nangunguna ang mga unyon sa paghati sa anumang makauring pakikibaka sa pamamagitan ng pagbilanggo nito sa loob ng lubusang hindi epektibong mga porma ng pakikibaka (welga sa loob lamang ng ilang oras, ‘araw ng pagkilos', slow-down, atbp.) at sa paghiwalay ng anumang proletaryong pakikibaka sa bawat shop-floor, bawat pagawaan at bawat sektor. Pinakabihasa ang mga unyon na pigilan sa anumang paraan ang unipikasyon at paglawak ng makauring pakikibaka.

Panghuli, nang ang mga rebolusyonaryong elemento sa pagawaan ay kumalas sa lahat ng ito sa pamamagitan sa pagkwestyon sa mga unyon at sa kanilang aktibidad, ang burukrasya ng unyon ay gumanap ng mabuting papel bilang polis, nagsagawa ng pisikal na panunupil kung posible at sa ibang okasyon nagsagawa ng paninira sa pamamagitan ng pagtawag sa mga manggagawa na ahente probokador ng gobyerno, ahente ng CIA, atbp bilang tapat na tagabantay sa sistema.

Napakaraming libro ang maaring isulat sa maraming iba't-ibang paraang ginamit ang mga unyon para isabotahe ang mga pakikibaka. Sapat na ang magkwento sa mga pangyayari sa nagdaang mga dekada, pero hindi iyan ang layunin natin dito. Ang importanteng punto ay maunawaan bakit kumikilos ang mga unyon ng ganito, paano labanan ang bilangguan ng mga unyon, at higit sa lahat ano ang dapat hindi gawin.

Rebolusyonaryong sindikalismo

Kung tanggapin natin na ang kawalang kapasidad ng mga unyon na kumalas mula sa balangkas ng repormistang pakikibaka na nagdala sa kanila sa integrasyon sa burges na estado, paano natin unawain ang ideya na baka mayroong porma ng unyonismo na dahil may rebolusyonaryong layunin ay makaiwas na masanib sa estado? Ito mismo ang sinubukang gawin ng mga anarko-sindikalista mula pa sa simula ng siglong ito sa kanilang rebolusyonaryong sindikalismo.

Ang rebolusyonaryong sindikalismo ay reaksyon laban sa parlyamentaryong pagkabulok at repormismo ng mga unyon. Isa din itong pagpahayag, sa parsyal na paraan, sa tunay na tendensya sa loob ng kilusang manggagawa. Pero para malabanan ang parlyamentarismo, muling hinahawakan ng rebolusyonaryong sindikalismo ang lumang anarkistang ideya, na matinding nilabanan ni Marx, ang pagtaguyod sa pagtakwil sa pampulitikang pakikibaka, na nakikita sa kanya bilang pinanggalingan ng lahat ng repormistang pagkabulok. Sa kanyang pagsisikap na maging ‘di-pulitikal' muli itong sumama sa kanyang repormistang mga kaaway, na sa nakita natin pinagtanggol ang di-pulitikal na unyonismo, subalit sa ibang punto-de-bista. Ang sindikalismo at parlyamentarismo ay bahagi at kabilang sa isang porma ng pakikibaka na naaayon sa isang partikular na istorikal na yugto. Ang pagtakwil sa isa pero hindi ang isa pa ay hindi maiwasang mapunta sa kawalang patutunguhan.

Sa ilalim ng dekadenteng kapitalismo ang rebolusyonaryong pakikibaka ay hindi magkahugis sa unyonismo. Ang rebolusyonaryong pakikibaka ay pangmasa, malawakan, at direktang pakikibaka na hindi maaring bumalik sa balat ng isang organisasyonng itinayo para sa layuning permanente, at sistematikong pakikibaka para sa mga reporma, laluna dahil imposible na ang mga reporma. Dapat umangkop ang rebolusyonaryong sindikalismo sa pulitika para mapanatili ang unyon (at sa ilalim ng dekadenteng kapitalismo ay napunta sa kampo ng kapital) o lulusawin nito ang sarili bilang sindikalistang organisasyon para maisanib ang sarili sa rebolusyonaryong pakikibaka, o maglaho sa lipunan. Sa USA, naglaho ang IWW. Sa Pransya at Espanya, sa kabila ng matinding pagtutol, nahulog ang rebolusyonaryong sindikalismo, una sa paglahok sa imperyalistang digmaan at ikalawa sa partisipasyon sa gobyerno ng burges na Republika sa panahon ng Digmaang-Sibil sa Espanya.[1]

Sa lahat ng mga kaso, pinakita lamang ng karanasan ng rebolusyonaryong sindikalismo ang isang bagay: ang imposibilidad ng pagtatayo ng rebolusyonaryong unyonismo sa dekadenteng kapitalismo. Ibig sabihin sa imposibilidad ng pagtatayo ng tunay na unyon ng manggagawa.



[1] Ang Kastilang CNT, ang tanging halimbawa ng organisasyong unyon na nagtangka ng maraming beses na marealisa ang kanyang maksimum na programa, ang "panlipunang rebolusyon" (sa 1933 at 1934), matapos ang mga anarkista sa Iberian Anarchist Federa­tion (FAI) ay naglunsad ng matinding pakikibaka sa loob nito. Sa panahon ng diktadura ni Primo de Rivera, ang CNT, sa kabila ng kanyang ‘rebolusyonaryong apolitismo', ay nakipag-ugnayan sa lahat ng klase ng konspirador, tulad ni Macia, ang Republican Alliance, at iba pang mga elementong oposisyon.

Sa Hulyo 1927 itinayo ang FAI. Ang kanyang kasapian, itinakwil ang anumang taktikal na kompromiso, ay nagtangkang makabig ang CNT para marealisa ang panlipunang rebolusyon. Ang FAI ay naging sentro ng mga tumutol sa repormistang oryentasyon ng anarko-sindikalismo.

Sa Pambansang Kongreso sa 1930 nagtunggali ang dalawang tendensya. Sa isang banda, nariyan ang mga lider ng CNT, na nagdidiin higit sa lahat sa unyonismo ng CNT, at naghain ng alyansa sa ibang mga grupo at praksyon para maitayo ang Republika; sa kabilang banda tumindig ang mga ‘purista' ng FAI na gumigiit sa anarkismo ng Konpederasyon, itinakwil ang lahat ng kompromiso. Ang huli ang nanalo sa panahong iyon: pinalitan ang mga dating lider sa kanilang posisyon, pinaalis ang kanilang praksyon sa CNT. (Ang mga ‘trentistes' ay nag-organisa ng kanilang sariling mga unyon). Ito ang dahilan kung bakit hindi lumahok ang CNT sa binhi ng Prente Popular sa 1930.

Ang CNT, sa ilalim ng impluwensya ng FAI na komitido din sa ‘di-pulitikal' na linya, nagtangka hanggang 1936 na gamitin ang pangkalahatang welga bilang paghahanda sa insureksyon. Napahina dahil sa panunupil at nademoralisa sa sunod-sunod na kabiguan, nagbayad ang CNT dahil sa paniniwala sa posibilidad ng rebolusyonaryong unyonismo. Sa Kongreso sa 1935 bumalik ang mga ‘trentistes', habang pumasok sa lahat ng klase ng alyansa sa burgesya. Ang pagtangkang maka-Kanang insureksyon sa 18 Hulyo 1936 at ang proletaryong pag-alsa sa 19 ay bumasag sa maskara ng organisasyon. Umakyat sa kapangyarihan ang pwersa ng ‘mga manggagawa' sa pamumuno ng CNT at ng FAI. Sa Catalonia, sa kanyang balwarte, naging bahagi ang CNT sa Committee of Anti-Fascist Militias - na nasa hangganan mismo ng ‘Gobierno de la Generalidad'; pagkatapos pumasok ito sa huli, kaya nabigyan ito ng palamuti ng uring manggagawa na kailangang-kailangan nito. Nagtagumpay ang sindikalistang apolitismo! Ang mga ‘purista' ng FAI ay hindi nagtagal ay tinanggap ang mga posisyong ministeryal sa Republika na tinutulan nila noon.

Itong mga tagapagtaguyod ng ‘anti-awtoritaryan' ng ‘di-pulitikal na panlipunang rebolusyon', na kumikilos sa ngalan ng banal na moral na mga prinsipyo, ay hindi naintindihan ang pangangailangan sa pagwasak sa makinarya ng estado bilang pampulitikang pakikibaka laban sa kanyang makauring kaaway, ang burgesya.

Habang pinagtanggol ang ilang mga rebolusyonaryong prinsipyo (anti-prontismo, anti-parlyamentarismo) sa ngalan ng ideolohikal na pagkadalisay, hindi nila binigyang halaga ang paglabag sa mga prinsipyong ito sa ilalim ng panggigipit ng mga pangyayari, hangga't nanatiling ‘dalisay' ang ideolohiya. Kaya nakipag-alyado mismo ang CNT sa burges na mga partido, lumahok sa gobyerno ng burges na Republika, at pumayag na masakerin ang proletaryado sa Barcelona sa 1937 para hindi madisturbo ang ‘pagkakaisa' ng anti-pasistang prente. Sa madaling sabi pinatunayan nila ang halatang-halata ngayon: ang apolitisismo, ang pagtakwil sa makauring hangganan na malinaw na pampulitikang mga prinsipyo, ay burgesya lamang ang makinabang.

Matapos ang 1936, ang polisiya ng CNT na anti-pasistang pagkakaisa ang dahilan na pumapel ito katulad ng ibang repormistang mga unyon: kinukontrol ang uring manggagawa para magsilbi sa kapital. Sa kabila ng pagiging tapat ng kanyang mga militante, ang ‘di-pulitikal' na organisasyon ay sumanib sa hanay ng burgesya.

Ang dumanas ng napakatinding pakikibaka at nagsakripisyo ng napakaraming rebolusyonaryong militante, at nauwi lamang sa pagkamit ng ministeryal na mga posisyon sa Republika ay nakakalungkot na kapalaran ng ‘rebolusyonaryong di-pulitikal na sindikalismo'.

Sa pakipag-alyansa sa mismong mga pwersa na walang alinlangang bumaril sa mga rebolusyonaryong manggagawa (karamihan sa kanila ay kanyang sariling mga militante) inilibing ng CNT ang anarko-sindikalismo sa basurahan ng kasaysayan, katabi ng parlyamentaryong mga partido, mga repormistang unyon, mga Trotskyista, at ang mga Stalinista.