Submitted by ICConline on
Ang mga tanong na ito ang sinagot ng ating pampleto ng una itong lumabas sa 1974. Pinaliwanag nito ang posisyon ng IKT na nasa ating Plataporma:
"Sa ika-19 siglo, sa panahon ng pinakamatinding kasaganaan ng kapitalismo, ang uring manggagawa, kadalasan sa masaklap at madugong mga pakikibaka, ay nagtayo ng permanenteng mga organisasyon na ang papel ay ipagtanggol ang kanyang pang-ekonomiyang mga interes: ang mga unyon.
Ang mga organong ito ay gumampan ng esensyal na papel sa pakikibaka para sa mga reporma at para sa substansyal na kagalingan sa kabuhayan ng mga manggagawa, na makakaya pa ng sistema noon. Sila din ang pokus para sa muling pag-organisa ng uri, para umunlad ang kanyang pagkakaisa at kamulatan ng sa gayon ang mga rebolusyonaryo ay makapamagitan sa loob nito at tulungang magsilbi sila bilang ‘paaralan ng komunismo'. Bagama't ang pag-iral ng mga organong ito ay nakaugnay sa matibay na pag-iral ng sahurang paggawa, at bagama't sa panahong ito kadalasan ay naging burukratiko na sila, sa kabilang banda ang mga unyon ay tunay na mga organo ng uri dahil ang abolisyon ng sahurang paggawa ay wala pa sa istorikal agenda.
Nang pumasok na ang kapitalismo sa kanyang dekadenteng yugto, hindi na nito kayang magbigay ng mga reporma at kagalingan sa uring manggagawa. Dahil nawala na ang lahat ng posibilidad na magampanan pa nila ang kanilang inisyal na tungkuling ipagtanggol ang interes ng uring manggagawa, at naharap sa isang istorikal na sitwasyon kung saan tanging sa abolisyon ng sahurang paggawa at kasama dito ang paglaho ng mga unyon ay nasa agenda, ang mga unyon ay naging tunay na tagapagtanggol ng kapitalismo, ang mga ahensya ng burges na estado sa loob ng uring manggagawa. Ito lamang ang tanging paraan na manatili sila sa bagong yugto. Ang ebolusyong ito ay tinulungan ng burukratisasyon ng mga unyon bago ang pagbulusok-pababa at sa pursigidong tendensya sa loob ng pagbulusok-pababa na isanib ng estado ang lahat ng istruktura ng buhay panlipunan.
Ang anti-manggagawang papel ng mga unyon ay mapagpasyang pinakita sa unang pagkakataon sa panahon ng Unang Digmaang Pandaigdig kasama ng mga sosyal-demokratikong partido, tumulong sila para pakilusin ang mga manggagawa sa imperyalistang masaker. Sa rebolusyonaryong alon na sumunod sa digmaan, ginawa ng mga unyon ang lahat para sakalin ang pagtatangka ng proletaryado na wasakin ang kapitalismo. Magmula noon binubuhay sila hindi ng uring manggagawa, kundi ng kapitalistang estado kung saan gumagampan sila ng maraming mahalagang tungkulin:
-
aktibong lumalok sa pagsisikap ng kapitalistang estado na bigyang katwiran ang ekonomiya, pangasiwaan ang pagbenta ng lakas-paggawa at patindihin ang pagsasamantala;
- mananabotahe ng makauring pakikibaka mula sa loob sa pamamagitan ng paglihis sa mga welga at pag-alsa tungo sa seksyonal na pagkatalo, o hayagang supilin ang independyenteng kilusan."
(Platform and Manifesto of the ICC. 1980. Point 7).
Ito ang esesnyal na laman ng pampletong ito. Pero ang pagsusuri ba nito ay napatunayan sa mga dekada magmula 1974? Ang nagdaang 30 taon ay napakagulo dahil sa maraming mga digmaan, gutom, pang-ekonomiyang krisis, mga welga at pag-aalsa. Ang yugto ay tampok sa pagbagsak ng bloke sa Silangan sa 1989, na tumapos sa Cold War at nagpakawala ng panibagong yugto sa mas malaking internasyunal na instabilidad at imperyalistang alitan. Pero sa ilalim ng ganitong mga pagbabago, at sa huli dinitermina sila, ng gradwal, subalit hindi mapigilan, na paglala ng pandaigdigang kapitalistang ekonomiya. Ang malalim na mga kontradiksyon sa puso ng kapitalismo na nagtulak sa kanya sa yugto ng pagbulusok-pababa mga 90 taon na ang nakaraan ay nagpapatuloy. Isa sa pundamental na mga bunga nito ay ang lumalalim na antagonismo sa pagitan ng prinsipal na mga uri sa lipunan: ang proletaryado at ang burgesya. Sa kabila ng lahat ng pagsisikap ng nagharing uri, ang absolutong di-mapagkasundong tunggalian sa pagitan ng lohika ng kapitalistang ekonomiya at ang mga pangangailangan kapwa ng uring manggagawa, at sa sangkatauhan sa kabuuan, ay mas lalong nalalantad.
Lahat ng mga elemento ng realidad, lahat ng esensyal na mga tendensya ng dekadenteng kapitalismo at ang makauring pakikibaka kung saan nakabatay ang mga pagsusuri ng pampletong ito, ay napatunayan sa kabila ng paghupa at pag-igting ng makauring pakikibaka sa pang-araw-araw na antas:
- ang imposibilidad na repormahin ang kapitalismo para sa bentahe ng uring manggagawa;
- ang pangangailangan ng malakihan, radikal at pulitikal na tugon mula sa mga manggagawa;
- ang imposibilidad ng mabuting unyonismo;
- ang istorikong responsibilidad ng uring manggagawa sa kinabukasan ng sangkatauhan.
Pinanatili ng ating pampleto ang lahat ng kanyang katumpakan. Ang mga halimbawa na binigay sa 1974 para isalarawan ang ating posisyon ay ang makukuha sa panahong iyon, pero makakita tayo ng marami pa sa sumunod na yugto na kapani-paniwala din.[1] Kahit pa ang mga halimbawa mula sa panahong ito ay hindi na masyadong naalala ngayon, nakatulong sila sa atin na makita ang papel ng mga unyon bilang kaaway ng proletaryado at ang pamamaraan na ginamit nila sa pagtatanggol sa burges na kaayusan ay hindi nagbabago hanggang ngayon. Dagdag pa, ang pampleto ay bahagi din ng pagsisikap ng bagong henerasyon ng mga militante na lumitaw sa mga pakikibaka sa 1968 sa muling pagtuklas sa pampulitikang mana ng kaliwang komunista at ilapat ito sa panahon nila. Kaya ito mismo ay may istorikal na kahalagahan.
Ganun pa man, para sa atin mahalaga na maikling ipakita paanong ang ating pagsusuri ay napatunayan sa nagdaang tatlumpung taon sa pamamagitan ng pagkonsidera sa bawat punto na nasa itaas batay sa praktikal na karanasan ng makauring pakikibaka sa nagdaang mga dekada.
1. Ang imposibilidad na repormahin ang kapitalismo sa bentahe ng uring manggagawa
Ang nagdaang tatlumpung taon ay nakitaan ng patuloy na paglalim ng pang-ekonomiyang krisis ng kapitalismo at pagkaubos ng lahat ng mga ‘solusyon' na ginawa ng nagharing uri, ma Keynesianismo sa 70s, Reaganomics sa 80s o ang ‘dot.com revolution' sa 90s.[2] "Pumasok ang kapitalismo sa kanyang ika-anim na yugto ng resesyon magmula sa pagbangon ng krisis sa kataposan ng 60s: 1967, 1970-71, 1974-75, 1980-82, 1991-93 at 2001-?, hindi pa kasama ang pagbagsak ng mga bansa sa Timog-silangang Asya, sa Brazil, atbp sa mga taong 1997-98. Magmula sa 60s, ang bawat dekada ay nakitaan ng paglago na mas mababa sa nasundan nito:
1962-69 | 5.2% |
1970-79 | 3.5% |
1980-89 | 2.8% |
1990-99 | 2.6% |
2000-02 | 2.2% |
(International Review no. 114, "The reality of ‘economic prosperity' laid bare by the crisis")
Sa ilang dekada ngayon, nanatili lamang ang kapitalismo sa pamamagitan ng klase-klaseng manipulasyon sa pera at pinansya na sa huli ay sumira lamang sa kanyang pundasyon mismo. Sa partikular, ang patuloy na akumulasyon ng utang, habang nagbibigay ng ilang pang-ekonomiyang kasiglahan ngayon, ay nagpalala lamang sa matinding mga problema na nagbigay panganib sa buhay mismo ng kapitalismo at nagbabanta ng mas malalang krisis sa hinaharap.
Absolutong kahirapan
Para sa uring manggagawa hindi na usapin ang kawalan ng makukuhang matagalang kagalingan mula sa kapitalismo, kundi ang palaging inaatake ang kanyang istandard ng pamumuhay sa buong daigdig. Hindi na lang ang pag-igting ng pagsasamantala ang kailangang labanan ng uring manggagawa, kundi ang pagkawala ng katiting na inakala nitong ‘naipagwagi'. Pumalya ang kapitalistang makina. Lalupang hindi na nito makayanang bigyan ng trabaho ang mas maraming manggagawa at itaboy sa lansangan ang hindi na niya makunan ng labis na halaga para mamatay sa kahirapan at gutom. Nangyari ito sa di-maunlad na mga bansa sa loob ng ilang dekada at ngayon ay lalupang naging totoo na din sa industriyalisadong pusod ng kapital.
"Ang pangunahing sukatan sa paglala ng krisis ay ang pagbaba ng kalagayan ng pamumuhay ng uring manggagawa...Para mapanatili ang antas ng utang, para mabalanse at pawiin ang lahat ng walang tubong aktibidad, at palayain ang nangangalit na kompetisyon, lahat ng kapitalistang mga bansa ay itinulak ang pinakamalalang krisis sa uring manggagawa. Magmula 80's ang pamumuhay ng ‘pribilihiyadong' mga manggagawa sa sentral na mga bansa - hindi tayo nag-uusap dito sa nakakatakot na kalagayan ng kanilang mga kapatid sa Ikatlong Daigdig! - ay tinatakan ng nag-aapoy na bakal ng maramihang kawalan ng trabaho, naging temporaryo ang permanenteng mga manggagawa, ang pagdami ng mababang sahod na part-time na trabaho, ang pagtaas ng araw-paggawa sa pamamagitan ng maraming mga maniobra kasama na ang ‘35 oras kada linggo', ang pagbawas ng mga subsidyo at panlipunang gastusin, ang grabeng pagtaas ng mga aksidente sa pagawaan.
"Ang kawalan ng trabaho ang pangunahin at siguradong sukatan sa istorikal na krisis ng kapitalismo. Naunawaan ng nagharing uri sa pangunahing industriyalisadong mga bansa ang bigat ng problema at pinaunlad ang polisiyang pulitikal na ikubli ang kawalang trabaho, para maitago ito sa mga mata ng mga manggagawa at mamamayan. Kinondena ng polisiyang ito ang maraming mga manggagawa sa isang nakamamatay na merry-go-round (temporaryong trabaho, maraming buwan na walang trabaho, part-time na trabaho, iskema ng pagsasanay, isang yugto na naman ng kawalang trabaho...pabalik-balik) kasama ang iskandalosong manipulasyon sa istatistika, kung saan inanunsyo nila ang ‘permanenteng tagumpay' sa pagpawi sa kawalang trabaho.
"Ang pag-aaral sa porsyento ng kawalang trabaho sa pagitang ng 25 at 55 taong gulang ay nagbibigay ng mas saktong datos kaysa datos ng pangkalahatang kawalang trabaho na hinalo sila sa mga kabataan (18-25 taong gulang) na karamihan sa kanila ay nag-aaral at mga manggagawa na maagang nagretiro (56-65 taong gulang):
Antas ng walang trabaho sa pagitan ng 25 at 55 taong gulang (1988-95)
France
11.2%
Great Britain
13.1%
USA
14.1%
Germany
15.0%
"Sa Britanya patuloy na tumataas ang porsyento ng mga pamilya na lahat ng mga membro ay walang trabaho:
1975 | 6.5% |
1976 | 16.4% |
1977 | 19.15% |
(International Review no. 106, "Report on the economic crisis")
Para sa may trabaho ang realidad ay tumataas ang oras-trabaho at pasaning trabaho at pababa ang tunay na sahod: "Patuloy na bumaba ang sahod sa mahigit sampung taon...‘Ang average na isang linggong sahod - inayos para sa inplasyon - ng 80% sa mga manggagawa sa Estados Unidos ay bumaba ng 18% sa pagitan ng 1973 at 1995 mula $315 sa $285 kada linggo... Kinumpirma ang mga datos na ito sa nagdaang limang taon: bumaba ang halaga ng paggawa ng US ng 0.8% sa pagitan ng Hulyo 1999 at Hunyo 2000. Sa 1973 ang average na por oras na sahod ay $11.50 subalit sa 1999 ito ay $10. Pursigidong tumaas ang antas ng pagsasamantala sa: para makuha ang magkatulad na antas ng sahod (hindi kasama ang inplasyon) dapat magtrabaho ang mga manggagawa ng 20% dagdag oras sa 1999 kaysa 1980" (ibid).
Ang bunga nito ay pagtaas ng kahirapan: "Naglabas ang UNO ng index na tinawag na Index of Human Poverty (IHP). Ang datos sa 1998 sa porsyento ng populasyon na namuhay ng mababa sa minimum na IHP ay:
USA | 16.5% |
Great Britain | 15.1% |
France | 11.9% |
Italy | 11.6% |
Germany | 10.4%" |
(ibid).
Isa sa kamakailan lamang na pag-aaral sa Britanya, gamit ang iba't-ibang paraan sa pagsukat sa kahirapan, ay nakitang sa 1999/2000 25% sa populasyon ay nabubuhay sa kahirapan (Poverty: the facts. Child Poverty Action Group 2001).
Mayor na pokus sa atake sa kalagayan ng uring manggagawa ay ang sahod. Sa US milyun-milyon ang walang kakayahang magpagamot: "sa 2001, ayon sa New York Times, 1.4 milyon ka tao, 800,000 sa kanila ay sumasahod ng mahigit $75,000 ay nawalan ng health insurance" (Le Monde Diplomatique December 2003 - English language edition). "Sa Britanya ang pagrarasyon ng health care dahil sa kakulangan ng pondo at mahabang listahan ng mga naghihintay ay nagkait na mapangalagaan ang milyun-milyon. Sa Pransya nasa proseso ang paggawa ng plano para signipikanteng baguhin ang pondo sa healthcare, tinutulak ang gastusin sa pasyente" (ibid).
Habang sinusulat ito, ang pinakahuling atake ay sa pensyon ng mga manggagawa. Sa buong maunlad na mundo naniniwala ang burgesya na ang mga manggagawa ay nabubuhay ng matagal at nabibigyan ng labis na pera. "Ang kaso sa Britanya ay ehemplo na maraming matutunan kung ano ang aasahan ng uring manggagawa: magmula sa "mga taon ni Thatcher", 20 taon na ang nagdaan, ang pensyon ay nakabatay sa pribadong pondo ng pensyon. Pero lalong lumala ang sitwasyon mula noon. Sa pagtransporma ng pensyon sa pribadong pondo, may pagtingin na ang mga sapi ng pondong ito ay magbibigay ng maraming pera dahil tumaas ang stock exchange. Kabaliktaran ang nangyari. Sa pagbagsak ng presyo ng sapi, daang libong manggagawa ang naghirap (ang batayang pensyon ng estado ay mga €120 kada linggo). Mga 20% sa mga pensioners ay nabubuhay ng mababa sa sukatan ng kahirapan, tinutulak ang marami sa kanila na patuloy na magtrabaho kahit lampas 70 na ang edad, sa pangkalahatan mababang sahod at di-permanenteng trabaho" (International Review no. 114 "The massive attacks of capital demand a mass response from the working class"). Nahaharap ang mga manggagawa na magtrabaho pa rin sa edad na 70 o higit pa, sa pagbabayad ng mas malaki sa kontribusyon sa pensyon, o pasanin ang mas matinding kahirapan sa katandaan. Lumikha ang kapitalismo ng di-makataong mundo kung saan nakakatakot ang mabuhay ng matagal.
Sosyalismo o barbarismo: ang pagpipilian ng uring manggagawa
Maaring masuma ang tunay na pagbilis ng istorikal na pagbulusok-pababa ng kapitalismo sa dalawang datos: sa kalagitnaan ng 80s mahigit 30 milyon tao ang namamatay sa gutom sa buong mundo (higit pa sa apat na taong Unang Digmaang Pandaigdig!) habang ang pandaigdigang gastusing militar ay higit pa sa isang milyong dolyar kada minuto! Sa panahon ito, ang produksyon para sa ikabubuhay ng bawat bansa ay binawasan dahil sa sobrang produksyon.
Bumilis ang tendensya ng kapitalismo tungo sa barbarismo sa huling dalawang dekada nang pumasok ito sa kanyang yugto ng pagkaagnas. Lumitaw mula sa kawalang kapasidad ng nagharing uri na ipataw ang kanyang solusyon sa ekonomiyang krisis sa porma ng digmaan, sa isang banda, at sa kawalang kapasidad ng uring manggagawa na ipataw ang kanyang solusyon na rebolusyon sa kabilang banda, nagkapatung-patong ang lahat ng mga kontradiksyon ng kapitalismo. Walang anumang perspektiba para sa kinabukasan, lahat ng pinakamasamang katangian ng kapitalismo ay pinalaki sa digmaan ng isa laban sa lahat: "...gaya ng kanyang pangalan, ang pagkaagnas ay panlipunang dislokasyon at pagkabulok, sa kawalan. Sa kanyang sariling pamamaraan, dadalhin nito ang sangkatauhan sa magkatulad na kapalaran ng pandaigdigang digmaan. Sa huli, pare-pareho lang kung maglaho tayo sa isang rain of thermonuclear bombs, o sa polusyon, radioactivity mula sa nuclear power stations, gutom, epidemya, at masaker sa di-mabilang na maliliit na mga digmaan (kung saan maari ding gamitin ang mga armas nukleyar). Ang tanging kaibahan lamang ng dalawang pormang ito ng anihilasyon ay ang isa ay madali, habang ang kabila ay mabagal, at magbunga ng mas malalang pagdurusa" (International Review no. 62, "Decomposition, final phase in the decadence of capitalism").
Hindi, ang huling mga dekada ay hindi pinasinungalingan ang batayang ideya ng pampleto, na hindi na posibleng mareporma ang kapitalismo o makakuha dito ng matagalang mga reporma para sa kagalingan ng pinagsamantalahan. Habang sa ika-19 siglo, sa panahon ng pasulong na kapitalismo, ang naturang mga reporma ay posible, hindi na ito ang kaso sa panahon ng kanyang pagbulusok-pababa. Ngayon ang ganap na kontradiskyon sa pagitan ng lohika ng kapitalistang mga batas at sa pinakasimpleng interes ng uring manggagawa ay lalupang lumalalim.
Palaki ng palaki, ang pananatili ng kapitalismo ay magbunga ng absolutong matinding kahirapan ng proletaryado; palaki ng palaki, ang pananatili mismo ng proletaryado ay humihiling na ang makauring pakikibaka ay mas pandaigdigan ang antas, mas nagkakaisa at mas radikal. Sa huli, ang pagpipilian ng uring manggagawa at ng buong sangkatauhan ay sosyalismo o barbarismo.
2. Ang pangangailangan ng malawakan, radikal at pulitikal na tugon ng uring manggagawa
Kinumpirma ba ng makauring pakikibaka nitong huling mga dekada hindi lang ang pangangailangan, kundi ang posibilidad ng ganung pagtugon ng uring manggagawa?
Sa huling pagsusuri, ang tanging tugon ng proletaryado para tiyak na mahinto ang makina na araw-araw na dumudurog at nang-aapi sa kanya, ay ang ganap na panlipunang rebolusyon: ang pagdurog mismo sa makina ng pagsasamantala, ang pagbubuo ng bagong panlipunang mga relasyon na nakabatay sa pangangailangan ng tao sa halip na para sa akumulasyon ng kapital. Sa huli, wala ng iba pang alternatiba.
Ang malakas na proklamasyon na "posible ang ibang mundo", mula sa mga bunganga ng kasalukuyang kilusang anti-globalisasyon, ay batay sa kanilang ilusyon sa kapasidad ng estado na magtanggol laban sa napakasamang mga korporasyong multi-nasyunal at transnasyunal at ang ideolohiyang ‘neo-liberalismo'. Ang naisip lamang nila ay ang alternatibong kapitalistang mundo, isang nakakalungkot na bisyon ng Keynesianismo at nangangalagang estado, ignorante sa katotohanan na sila ang ninuno ng kasalukuyang hayagang pagsasamantala. Ang naturang bisyon ay bitag para sa uring manggagawa, dahil inilagay ang kanyang pakikibaka sa loob ng kapitalismo, pinagpipilian ang ‘sosyal' at ‘neo-liberal' na mga modelo, na dalawang mukha lamang ng iisang barya.
Esensyal na maintindihan, tulad ng lahat ng dakilang mga rebolusyonaryo, mula kay Marx, hanggang kay Lenin at Luxemburg, na ang kagyat na mga pakikibaka ng proletaryado ngayon ay mahalagang kawing sa kanyang rebolusyonaryong pakikibaka sa hinaharap. Ang paghiwalayin ang dalawa, ibalewala ang pang-araw-araw na pakikibaka tulad ng ginagawa ng diumano ‘dalisay' na mga rebolusyonaryo, o ang nakikita lamang ay ang pang-araw-araw na pakikibaka tulad ng mga repormista, kabilang na ang kilusang anti-globalisasyon, ay binabaog ang uring manggagawa.
Hindi ‘pinapalitan' ng rebolusyon ang pang-araw-araw na pakikibaka ng pinagsamantalahang uri: ito ang lohikal na resulta nito. Pinalalakas ng pang-araw-araw na pakikibaka ang pagkakaisa ng uring manggagawa; pinalalim nito ang pag-unawa sa kanyang pakikibaka at sa kanyang kaaway, at kaya paghahanda ito para sa darating na rebolusyonaryong pakikibaka.
Ngayon, ang uring manggagawa ay tuloy-tuloy at pinaiigting na inaatake ng nagharing uri sa loob ng ilang taon. Iba-iba ang porma ng atake - sa ilang mga bansa ay gradwal, pira-pirasong paraan ay matagumpay na nagamit, sa iba mas hayag, marahas na paraan ang ginamit - pero ang resulta ay laging paglala ng kalagayan ng uring manggagawa.
Ano ang maaring gawin ng uring manggagawa para malimitahan at mapaatras, kahit pansamantala, ang opensiba ng burgesya?
Hindi makikinig ang nagharing uri sa mga apela, na tanda ng kahinaan. Aatras lamang ito kung kaharap nito ang pwersa na mapanganib na nagbabanta sa de-istabilisasyon ng kanyang pampulitikang kapangyarihan.
Ang ganitong balanse ng pwersa ay gumagalaw kapwa sa istorikal na antas at sa mas kagyat na antas, pero pinakaimportante ang una. Sa istorikal na antas, ang ganitong balanse ng pwersa ang nagdetermina sa direksyon na patutunguhan ng kasaysayan, tungo sa pandaigdigang digmaan o tungo sa komprontasyon ng burgesya at proletaryado: ito ang sinasabi ng IKT na daraanan ng kasaysayan. Nagawang ilunsad ng burgesya ang una at ikalawang pandaigdigang digmaan dahil natalo ang proletaryado. Ang una dahil sa internal na pagkawasak ng malaking bahagi ng Ikalawang Internasyunal dahil sa bigat ng repormismo at oportunismo, sa ikalawa dahil sa pagkatalo ng rebolusyonaryong alon na nagsimula sa 1917 at ang sumunod na pisikal at ideolohikal na pagwasak sa rebolusyonaryong proletaryado. Nang lumitaw ang bagong henerasyon ng mga manggagawa matapos ang mga masaker sa 1939-45, at ang muling paglitaw ng hayag na krisis pagkatapos ng rekonstruksyon, saka pa muling tumungo ang daraanan ng kasaysayan sa mapagpasyang komprontasyon sa pagitan ng mga uri, sa muling pagbubukas ng perspektiba ng komunismo. Ang mga welga sa 1968 at sa sumunod na mga taon ay ekspresyon ng pagbabago. Hindi na nabaliktad ang daraanan ng kasaysayan magmula noon, sa kabila ng partikular na pagbagsak ng bloke sa Silangan at sa bunga nitong pag-atras ng pakikibaka ng uring manggagawa.
Sa loob ng ganitong balangkas mayroong pagpihit sa balanse ng makauring pwersa pero walang anumang mapagpasyang pagbabago. Katunayan, ang ganitong relatibong istelmeyt sa pagitan ng mga uri ay ang ugat ng kasalukuyan, at huling yugto sa buhay ng kapitalismo, ang kanyang pagkaaganas. Sa kabilang banda, ang ganitong istelmeyt ay hindi tanda ng paghina ng panlipunang tunggalian kundi ng kanilang pagtaas at pagdami. Ang mga taon magmula 1989, nang ang uring manggagawa ay tila umaatras, ay nagpakita ng halos magkatulad sa nakaraan, nang ang uring manggagawa ay naglunsad ng mga alon ng pakikibaka, na ang tanging lenggwaheng posible sa pagitan ng dalawang antagonistikong mga uri sa lipunan, ay ang pwersa, ng makauring karahasan. Ang posibilidad na maibigay ng daraanan ng kasaysayan sa uring manggagawa at sa buong sangkatauhan ay makikita sa pang-araw-araw na pakikibaka ng uring manggagawa sa pamamagitan ng determinadong pagsisikap na mabuo ang paborableng balanse ng makauring pwersa. Makamit lamang ito kung ang proletaryado ay
- tumanggi sa anumang pasibong aktitud;
- bibigyan ang sarili ng mga paraan para magkaisa ang kanyang pwersa lagpas sa mga kategoryang propesyunal, lahi at pambansa;
- dadalhin ang kanyang laban direkta sa sentro ng kapangyarihan ng nagharing uri: sa kanyang estado at sa kanyang pamahalaan;
- unawain ang kanyang pakikibaka bilang isang uri laban sa isa pa, at depensahan ang kanyang sariling interes laban sa pang-ekonomiyang lohika ng sistema.
Pinatunayan ng mga pakikibaka ng manggagawa magmula 1968 ang ganitong realidad. May pag-atras o paghinto sa pakikibaka kung hindi ito lalawak, o ma-radikalisa; may tagumpay kung, kabaliktaran, lalawak ang pakikibaka, na nagbibigay sa kanyang sarili ng isang balangkas ng nagkakaisa, awtonomos na organisasyon, koordinado at sentralisado, kung ang pakikibaka ay matatag na nanatili sa kanyang sariling makauring tereyn sa pamamagitan ng malinaw na pagpatibay ng kanyang makauring katangian, at kung dadalhin nito ang komon at nagkakaisang mga kahilingan.
Tatlumpung taong pakikibaka
Sa unang labinlimang taon matapos lumabas ang pampletong ito, dumaan ang pakikibaka ng uring manggagawa sa mga yugto ng malalakas at mahihinang intensidad sa loob ng isang istorikal at internasyunal na galaw ng umuunlad na pakikibaka. Sa sumunod na labinlimang taon, matapos bumagsak ang bloke sa Silangan sa 1989, dumaan sa seryosong pag-atras ang makauring pakikibaka at naranasan ng uring manggagawa ang malaking dis-oryentasyon at pagkawala ng tiwala, na nasa proseso pa rin sa muling pagbangon. Subalit sa pinakamasamang panahon, hindi naglaho ang kanyang potensyal at hindi huminto sa pagbabanta sa nagharing uri sa istorikal na antas. Sa ganitong mga pagbabago sinikap ng IKT na maunawaan ang balanse ng makauring pwersa at ang perspektiba ng makauring pakikibaka sa internasyunal at istorikal na antas. Sa 1988, sa ika-20 anibersaryo ng Mayo 1968, nirepaso natin ang ebolusyon ng makauring pakikibaka sa sumunod na dalawang dekada:
"Sa mga taong ito ang makauring pakikibaka ay hindi umunlad sa tuwid na paraan. Kabaliktaran, dumaan ito sa komplikado, di-patas na pag-unlad, puno ng mga pagsulong at pag-atras, dumaan sa sunod-sunod na mga alon na hinaluan ng mga yugto ng katahimikan at kontra-opensiba ng burgesya. Kung titingnan ang dalawampung taong pakikibaka sa pandaigdigang saklaw - ang tanging paraan para mahawakan ang galaw ng proletaryong pakikibaka - makita ang tatlong mayor na mga alon sa pakikibaka ng mga manggagawa.
Ang unang alon, binuksan ng Mayo '68, nagtagal hanggang 1974. Sa 5 taon, sa halos lahat ng mga bansa, kapwa sa industriyalisado at sa di-masyado maunlad, sa silangan ganun din sa kanluran, dumaan sa panibagong pag-unlad ang mga pakikibaka ng mga manggagawa. Sa 1969 sa Italya (ang ‘mainit na taglagas'), isang makapangyarihang alon ng mga welga kung saan dumami ang sagupaan sa pagitan ng mga manggagawa at mga unyon, ang nagpatunay na nagsimula na nga sa Mayo '68 ang isang panibagong internasyunal na kilusan ng makauring pakikibaka. Sa parehong taon sa Argentina (Cordoba, Rosario) naglunsad ang uring manggagawa ng malakihang pakikibaka. Sa 1970 sa Poland, ang pakikibaka ng manggagawa ay umabot sa panibagong taas: sa malawakang komprontasyon sa lansangan ng milisya, napilit ng uring manggagawa na paatrasin ang pamahalaan. Para sa mga manggagawa sa mga bansa ng bloke sa Silangan nagpatunay ito na posibleng labanan ang totalitaryanismo ng estado; para sa mga manggagawa sa buong mundo, ang alamat ng maka-manggagawang katangian ng mga bansa sa bloke sa silangan ay nakatanggap ng matinding hambalos. Sa ganitong internasyunal na konteksto ng makauring militansya, partikular na signipikanteng mga pakikibaka ang nangyari sa Espanya (Barcelona 1971), sa Belgium at Britanya (1972).
Subalit, matapos sa 1973 nagsimulang humina ang mobilisasyon ng mga manggagawa. Sa kabila ng mahalagang mga pakikibaka ng mga manggagawa sa Portugal at Espanya kung saan dumaan sa demokratisasyon ang mga bansang ito (1974-77), sa kabila ng panibagong alon ng mga welga sa Poland sa 1976, sa pandaigdigang saklaw - at sa partikular sa kanlurang Uropa - mayroong malinaw na pagbaba sa antas ng mobilisasyon ng mga manggagawa.
Pero sa 1978 isang panibagong alon ng pakikibaka ng manggagawa ang sumabog sa internasyunal na saklaw. Mas maiksi kaysa nasundan nito, nakita natin, sa pagitan ng 1978 at 1980, isang panibagong deployment ng proletaryong pwersa, mapapansin ang kanyang internasyunal na pagkasabay-sabay. Ang malakihang welga ng mga manggagawa ng langis sa Iran sa ‘78, sa mga manggagawa ng bakal sa Alemanya at Brazil sa ‘78 at ‘80; ang pakikibaka ng mga minero sa USA sa 79 at ang welga ng transportasyon sa New York sa ‘80; ang marahas na pakikibaka ng mga manggagawa sa bakal sa Pransya sa ‘79 at sa welga ng mga daungan sa Rotterdam sa parehong taon; ang ‘maligalig na taglamig' sa Britanya sa 78/79 na nagpabagsak sa pamahalaang Labour, at ang malaking welga sa bakal sa simula ng 1980; ang mga welga sa Togliattigrad sa USSR sa ‘80 at ang pakikibaka sa Timog Korea sa parehong panahon ... lahat ng ito ay nagpatunay na ang panlipunang katahimikan sa kalagitnaan ng 70s ay temporaryo lamang. At sa Agosto ‘80, ang pinakamahalagang pakikibaka ng manggagawa magmula 1920s ay pumutok sa Poland. Hinalaw ang mga aral sa karanasan sa ‘70 at ‘76, nagpakita ang uring manggagawa ng ekstra-ordinaryong antas ng militansya, ng organisasyon, ng kontrol sa kanyang sariling pwersa. Pero ang kasiglahan ay naudlot dahil sa dalawang nakamamatay na balakid: una, ang ilusyon na dala ng mga manggagawa sa silangan sa ‘demokrasya sa kanluran' at partikular sa unyonismo; at pangalawa, ang pambansang balangkas. Ang Solidarnosc, ang panibagong ‘demokratikong' unyon, na itinayo sa ilalim ng mapagbantay na mga mata ng ‘demokratikong' mga pwersa sa bloke sa kanluran, na masigasig na nagpropaganda sa nakatanim na makabayang ideolohiya, ay nangunguna sa pagdalisay at paglinang ng lasong ito. Ang kabiguan ng pangmasang welga sa Poland, bunga ng kudetang militar ni Jaruzelski sa Disyembre 1981, ay malinaw na nagpahayag ng usapin ng responsibilidad ng proletaryado sa sentral na mga bansa, ang seksyon ng uri na may napakalaking istorikal na karanasan: hindi lang sa antas ng kanilang kapasidad na isulong ang internasyunalisasyon ng pakikibaka ng manggagawa, kundi dahil din sa maiambag nito sa pagtakwil sa mga ilusyon sa ‘demokrasya sa kanluran' na nanatiling malaki ang impluwensya sa maraming mga bansa.
Ang pagbagsak ng pamahalaang Labour sa Britanya sa harap ng alon ng mga welga ay naglarawan ano ang tugon ng burgesya sa ikalawang alon: nasira ang ‘maka-kaliwang' gobyerno. Mahalaga na ilagay ang kaliwa sa oposisyon kung saan maisagawa nito ang pananabotahe mula sa loob ng mga pakikibaka, nagbigay pagkakataon sa gobyerno, kadalasan hawak ng kanan, na magsalita sa lenggwahe ng ‘katotohanan'. Ang estratehiyang ito ay nanatiling epektibo.
Matapos ang yugto ng paghupa sa internasyunal na makauring pakikibaka matapos matalo ang, isang panibagong alon ng mga pakikibaka ang nagsimula sa huling bahagi sa ‘83 sa welga sa pampublikong sektor sa Belgium. Sa Hamburg sa Alemanya mayroong okupasyon sa pagawaan ng mga barko. Sa 1984 sa Italya nangyari ang makapangyarihang alon ng mga welga laban sa pagpawi sa sliding scale, na rumurok sa isang demonstrasyon ng halos isang milyong manggagawa sa Roma.
Sa Britanya mayroong malaking welga ng mga minero na tumagal ng isang taon at kung saan, sa kabila ng kanyang pambihirang determinasyon at militansya, ay nagpakita ng kawalang epektibidad sa ating panahon ng anumang pakikibaka na nakahiwalay at matagal. Sa parehong taon may mahalagang mga pakikibaka sa India, USA, Tunisia at Morocco.
Sa 1985 mayroong malawakang welga sa Denmark, at mga alon ng mga welgang wildcat ay yumanig sa ibang ‘sosyalistang paraiso': Sweden; ang unang malaking mga welga sa Japan (perokaril); mga welga sa Sao Paolo nang ang Brazil ay nasa ganap na transisyon tungong ‘demokrasya'; mayroon ding mga mahalagang pakikibaka sa Argentina, Bolivia, South Africa, at Yugoslavia. Markado ang 1986 ng malawakang welga sa tagsibol sa Belgium, naparalisa ang buong bansa at lumawak ito sa kabila ng paninikis ng mga unyon. Sa huling bahagi ng ‘86 at sa unang bahagi ng ‘87 ang mga manggagawa sa perokaril sa Pransya ay kapansin-pansing nagpaunlad ng organisadong pakikibaka na independyente sa mga unyon. Sa tagsibol sa ‘87 mayroong buong serye ng mga welga sa Espanya na direktang tumutol sa mga plano ng ‘sosyalistang' gobyerno. Mayroong mga pakikibaka ng mga minero sa Timog Aprika, ng mga manggagawa sa elektrisidad sa Mexico at alon ng mga welga sa Timog Korea.
Mayroon ding mga pakikibaka sa mga manggagawa sa eskwelahan sa Italya na nag-organisa labas at laban sa mga unyon. Panghuli, ang bago pa lang na mobilisasyon ng mga manggagawa sa Ruhr sa Alemanya at ang muling pagbangon ng mga welga sa Britanya sa 1988...ay nagpatunay na itong internasyunal na alon ng pakikibaka ng mga manggagawa, na tumagal ngayon ng mahigit apat na taon, ay hindi pa tapos". (International Review 53, "20 years since May 68 - Class struggle: the maturation of the conditions for revolution").
Kinilala din ng artikulo ang mga aral na nahalaw ng proletaryado sa panahong ito: "pagkawala ng mga ilusyon sa pampulitikang pwersa ng kaliwa ng kapital at una sa lahat sa mga unyon kung saan ang mga ilusyon ay nauwi sa kawalan ng tiwala at lumalaking hayagang pagkamuhi...ang lumalaking tendensya na iwanan ang di-epektibong mga porma ng mobilisasyon, ang laging talo na ginamit ng mga unyon sa maraming pagkakataon para ilibing ang militansya ng mga manggagawa, gaya ng ilang araw na mga aksyon, pakitang-tao na mga demonstrasyon, matagalan at nakahiwalay na mga welga...ang pagsisikap na palawakin ang pakikibaka...ang pagsisikap ng mga manggagawa na kontrolin ang pakikibaka ..." (ibid). Nagtapos ang artikulo sa pagsasabi, habang "hindi madali ang magsalita ng rebolusyon sa 1988 kaysa 1968", hindi lang pinagtibay ang rebolusyonaryong layunin kundi "ang mga kondisyon para sa kanyang realisasyon ay hindi huminto sa pagkahinog" (ibid).
Isang taon pagkatapos, sa harap ng pagbagsak ng bloke sa Silangan, kinilala ng IKT ang malaking pagbabago sa sitwasyon:
"Ang istorikal na krisis ng Stalinismo at ang pagbagsak ng bloke na dominado nito, ay bumubuo ng pinaka-istorikal na katotohanan magmula ang ikalawang digmaang pandaigdig. Ang isang pangyayari na ganun kalawak ay hindi maaring walang mga implikasyon, at nagkaroon na nga, sa kamulatan ng uring manggagawa, na mas grabe dahil ito ay isang ideolohiya at pampulitikang sistema na sa mahigit kalahating siglo ay kinikilala ng lahat ng mga sektor ng burgesya bilang ‘sosyalista' o ‘maka-manggagawa'. Ang paglaho ng Stalinismo ay ang paglaho ng simbolo at lider ng pinaka-teribleng kontra-rebolusyon sa kasaysayan. Pero hindi ibig sabihin na natulungan nito ang pagtaas ng kamulatan ng pandaigdigang proletaryado. Kabaliktaran. Kahit sa kanyang kamatayan, nakapagbigay pa ng huling serbisyo ang Stalinismo sa dominasyon ng kapital; sa pagkaagnas, patuloy na nilalason ng kanyang bangkay ang hangin na nilalanghap ng proletaryado. Para sa dominanteng mga sektor ng burgesya, ang ganap na pagbagsak ng Stalinistang ideolohiya, ang ‘demokratiko', liberal at makabayang kilusang na rumaragasa sa mga bansa sa silingan, ay nagbibigay ng ginintuang oportunidad para pakawalan at patindihin ang kanilang kampanya ng mistipikasyon. Ang sistematikong paghalintulad ng Stalinismo at komunismo, ang kasinungalingan na inulit-ulit ng ilang libong beses, at ngayon, mas lalupang winasiwas, na ayon dito mabibigo lamang ang proletaryong rebolusyon, ay sa matagal na panahon magkaroon ng epekto sa hanay ng uring manggagawa. Kaya inaasahan natin ang temporaryong pag-atras sa kamulatan ng proletaryado. (...) Sa partikular, magkaroon ng mabigat na impluwensya ang repormistang ideolohiya sa pakikibaka sa hinaharap, na tutulungan ng malaki ng mga aktibidad ng mga unyon. (...) Dahil sa istorikal na kahalagahan sa mga pangyayari, ang kasalukuyang pag-atras ng proletaryado - bagama't wala itong epekto sa istorikal na daraanan o sa pangkalahatang perspektiba na makauring komprontasyon - ay mas malalim ang epekto kaysa dala ng pagkatalo sa 1981 sa Poland." ("Theses on the economic and political crisis in the eastern countries", International Review no. 60).
Sa ilalim, at nagtutulak ng ganitong pagbabago, ay ang pagdaan ng kapitalismo sa panibagong istorikal na yugto: ang kanyang internal na pagkaagnas, ng kanyang internal na dekomposisyon. Kinilala na ng IKT ang pag-iral ng penomenong ito bago ang 1989, pero ang pagbagsak ng bloke sa Silangan ang nagpalalim sa kanyang pagsusuri: "Ang ganitong yugto ng pagkabulok ay pundamental na tiniyak ng walang katulad at di-inaasahang istorikal na mga kondisyon: isang sitwsyon ng temporaryong ‘panlipunang pagkapatas' dahil sa mutwal na ‘nyutralisasyon' ng dalawang pundamental na mga uri, bawat isa ay pumipigil sa isa't-isa na makapagbigay ng tiyak na tugon sa kapitalistang krisis" (International Review no. 62, "Decomposition, final phase in the decadence of capitalism"). Nagbibigay ito ng seryosong panganib sa uring manggagawa:
"Sa katunayan kailangang malinaw sa atin ang panganib ng pagkaagnas sa kapasidad ng proletaryado na itaas ang sarili sa antas ng kanyang istorikal na tungkulin. Gaya ng pagputok ng imperyalistang digmaan sa pusod ng ‘sibilisadong' mundo ay ‘isang pagdurugo na [maaring] matinding nakapagpahina sa kilusang manggagawa sa Uropa', na ‘nagbantang ilibing ang perspektiba ng sosyalismo sa ilalim ng natambak na mga guho ng imperyalistang barbarismo' sa pamamagitan ng ‘pagpatay sa larangan ng digmaan (...) sa pinakamahusay ng pwersa (...) ng internasyunal na sosyalismo, ang talibang hukbo ng buong pandaigdigang proletaryado' (Rosa Luxemburg, The Crisis in the Social-Democracy), ganun din ang dekomposisyon ng lipunan, na lalo lamang lalala, malamang sa darating na mga taon ay papatay sa pinakamahusay na mga pwersa ng proletaryado at tiyak na makompromiso ang perspektibang komunismo. Dahil ito sa pagkaagnas ng kapitalismo, nahawa ng lason ang lahat ng mga elemento sa lipunan, kabilang na ang proletaryado.
"Sa partikular, bagama't ang paghina ng kontrol ng burges na ideolohiya bunga ng pagpasok ng kapitalismo sa pagbulusok-pababa ang isa sa mga kondisyon para sa rebolusyon, ang dekomposisyon ng naturang ideolohiya gaya ng nangyayari ay sa esensya isang harang sa pag-unlad ng proletaryong kamulatan.
" (...) Ang iba't-ibang mga elemento na bumubuo sa lakas ng proletaryado ay direktang kinaharap ang iba't-ibang mukha ng ganitong ideolohikal na pagkaagnas:
- pagkakaisa at kolektibong pagkilos ay katunggali ang atomisasyon ng ‘paghahanap ng pagiging numero uno';
- ang pangangailangan ng organisasyon ay katunggali ang panlipunang dekomposisyon, ang pagkawasak ng mga relasyon na siyang batayan ng lahat ng buhay panlipunan;
- ang tiwala ng proletaryado sa hinaharap at sa kanyang sariling lakas ay laging pinahihina ng malawakang desperasyon at nihilismo sa loob ng lipunan;
- kamulatan, kalinawan, lohika at nagkakaisang kaisipan, ang pagkauhaw sa teorya, ay mahirapang makasulong sa gitna ng mga ilusyon, droga, sekta, mistisimo, pagtakwil o pagkawasak ng kaisipan na siyang katangian ng ating panahon" (ibid).
Ang ganitong pagsusuri ay ganap na pinatunayan sa mga pagbabago sa huling isang dekada at kalahati. Sa unang tatlong taon ay mayroong malinaw na pag-atras sa makauring pakikibaka habang matindi ang tama sa kampanya ng ‘kamatayan ng komunismo' at sa ‘tagumpay ng kapitalismo'. Subalit sa 1992 may mga palatandaan na ang uring manggagawa ay hindi nawalan ng kapasidad o determinasyon sa pakikibaka. Sinimulan ng malaking mobilisasyon sa Italya sa taglagas sa 1992, na isang milyong manggagawa ang lumahok sa isang welga, ang muling pagbangon ay kumalat sa maraming mga bansa. Sa Oktubre mayroong pakikibaka sa Britanya laban sa pagsara. Sa huling bahagi ng 1993 mayroong mga kilusan sa Alemanya, Belgium, Espanya, at muli sa Italya. Sa kabilang banda, habang pinakita ng mga pakikibakang ito ang muling pagbangon ng militansya na bumasag sa tahimik na panahon magmula 1989, markado sila ng seryosong kalituhan: "...ang pangunahing katangian ng muling pagbangon na ito ay ang kontrol ng mga unyon sa kasalukuyang pakikibaka, ang halos kawalan ng inisyatibang awtonomiya sa bahagi ng mga manggagawa, ang katotohanan na napakahina ang pagtakwil sa unyonismo. Kung sa kabilang banda ay malabo ang kamulatan, ang posibilidad ng pagpabagsak sa kapitalismo ay wala, ang militansya ay mahulog sa bitag. Pinipigilan sa paggawa ng mga kahilingan sa loob ng kapitalistang balangkas, nakikita nito ang kanyang sarili sa kandungan ng unyonismo." (International Review no. 76, "The difficult resurgence of the class struggle").
Naharap sa hamon mula sa uring manggagawa, pinatindi ng burgesya ang kanyang kampanya. Magmula ng bumagsak ang bloke sa Silangan nagsisikap ito na sirain ang ideya mismo ng komunismo, ang katotohanan na mayroong alternatiba sa kapitalismo, sa kasinungalingan na ang Stalinismo ay katumbas ng komunismo at ang rebolusyonaryong pakikibaka ng uring manggagawa ay mauuwi lamang sa madugong diktadura. Ngayon nagtatangka itong pigilin ang galit at militansya na napapansin nito sa uring manggagawa kung saan masimulan nitong mapangibabawan ang kanyang kalituhan at dis-oryentasyon. Tinatangka ng burgesya na gamitin ang militansya na namumuo sa uring manggagawa laban sa pag-unlad ng kanyang kamulatan sa pamamagitan ng pagkulong nito sa loob ng kapitalistang balangkas. Higit sa lahat, nagkahulugan ito na palakasin ang kontrol ng mga unyon. Sa ganitong layunin inilunsad ang buong serye ng mga maniobra para ipresenta ang mga unyon bilang natatanging tagapagtanggol ng uring manggagawa. Nasa unahan nito ang mga welga sa Pransya sa 1995 kung saan, sa pamamagitan ng serye ng probokasyon, nagawa ng nagharing uri na hatakin ang substansyal na bahagi ng uring manggagawa sa mga pagkilos sa ilalim ng mga unyon at lumikha ng ilusyon na may tagumpay na nakuha. Pinalabas na radikal ang mga unyon, pinamunuan ang isang kilusan kung saan mayroong pangmasang mga asembliya at delegasyon at kung saan may namunong papel ang ‘radikal' na karaniwang mga unyonista. Sinundan ito ng mga kilusan sa ibang mga bansa. Ang ilan, gaya ng Alemanya at Belgium, ay sinundan ang halimbawa ng Pransya, habang ang iba, gaya ng welga ng mga manggagawa sa daungan sa Britanya at welga sa UPS sa Amerika ay mas umangkop sa mga sirkumstansya sa partikular na bansa.
Ito ang naglatag ng padron ng kampanya para sa sadyang probokasyon na laging isa sa pinaka-importanteng sandata sa arsenal ng burgesya. Sa kabilang banda, kahit sa kanyang pinakamatagumpay, hindi ito nagkahulugan na nakontrol na ng nagharing uri ang uring manggagawa: "Ang lawak ng mga ganitong maniobra ay walang epekto sa katotohanan na muling bumangon ang makauring pakikibaka. Katunayan, maaring sabihin na ang mga maniobrang ito, na laging ang burgesya ay una ng isang hakbang sa mga manggagawa, manulsol ng mga kilusan sa hindi paborableng kondisyon at kadalasan sa di-totoong mga isyu,ay sukatan ng panganib mula sa uring manggagawa..." (International Review no. 96 "Report on the class struggle"). Pinakita nito ang pangangailangan ng nagharing uri na iangkop ang kanyang sandata, para makahabol sa ebolusyon ng makauring pakikibaka. Sa 1998 500,000 manggagawa ang lumahok sa mga welga sa Denmark (na may 2 milyon kabuuang bilang ng manggagawa): "Sa kabila ng pagkatalo sa welga at mga maniobra ng burgesya, ang kahalagahan ng kilusang ito ay hindi tulad ng sa Disyembre 1995 sa Pransya. Sa partikular, habang sa Pransya ang pagbalik sa trabaho ay sinabayan ng kasiyahan, pakiramdam na nanalo, kung saan walang puwang na magduda sa unyonismo, ang pagtatapos ng welgang Danish ay sinabayan ng pakiramdam na natalo at konting ilusyon sa mga unyon. Sa panahong ito, ang layunin ng burgesya ay hindi ilunsad ang malaking operasyon para muling ibalik ang kridibilidad ng mga unyon sa internasyunal na antas, gaya ng sa 1995, kundi ‘basain ang pulbos',aasahan ang diskontento at tumataas na militansya na unti-unting ginigiit ang sarili sa Denmark, gaya ng sa ibang mga bansa sa Uropa" (International Review no. 94 "Against the poverty and barbarity of capital. One answer: international proletarian struggle").
Sa ganitong antas nangyari ang makauring pakikibaka sa nagdaang mga taon. Ang proseso ay hindi mga alon ng pakikibaka gaya ng sa pagitan ng 1968 at 1989, kundi mas kalat-kalat at salungatan na pakikibaka kung saan ang tunay na potensyal ng makauring pakikibaka ay mas makikita sa patuloy na mga maniobra ng nagharing uri kaysa mga panahon ng hindi opisyal na mga pagkilos ng uring manggagawa, na mahalaga din. Kung paulit-ulit na pinakita ng nagharing uri na lagi siyang nauuna ng isang hakbang sa indibidwal na mga pakikibaka, o kahit sa partikular na mga bahagi ng uring manggagawa, hindi ito nakapagbigay ng mapagpasyang dagok o matagalang hambalos laban sa militansya ng uring manggagawa sa kabuuan. Sa kabilang banda, sa antas ng kanyang kamulatan, sa kanyang pag-unawa sa relasyon ng mga uri, sa mga paraan ng pakikibaka ang pinakamahirap sa proletaryado. Ang dis-oryentasyon at kawalan ng tiwala na naranasan ng uring manggagawa matapos ang 1989 ay nanatiling malaki ang impluwensya sa kanya, gaya din sa mga ilusyon sa demokrasya at sa posibilidad na makakuha ng mga tagumpay mula sa kapitalismo na hinahamon nito pero hindi nayanig sa pagitan ng 1968 at 1989. Subalit, ang paglalim ng pang-ekonomiyang krisis, ang mas direktang atake sa uring manggagawa kabilang na ang rebelasyon ng kawalang kinabukasan ng kapitalismo na pinakita sa kasalukuyang paglaganap ng mga digmaan, ay muling lumikha ng mga kondisyon para maunawaan ng uring manggagawa ang kapitalismo.
"Isinalarawan ng Manipesto ng Komunista ang makauring pakikibaka bilang ‘humigit-kumulang may talukbong na digmaang-sibil'. Ang burgesya, sa pagtatangkang likhain ang ilusyon ng panlipunang kaayusan kung saan ang makauring tunggalian ay bagay sa nakaraan, ay sa kabilang banda napilitang pabilisin ang mismong mga kondisyon na humati sa lipunan sa dalawang kampo,nahati sa di-magkasundong mga antagonismo. Ang burgesya na mas lalong nasadlak sa kanyang paghihingalo, ay mas lalong natanggal ang talukbong na lumukob sa ‘digmaang sibil' na ito. Naharap sa lumalaking ekonomiko, sosyal at militar na mga kontradiksyon, naobliga ang burgesya na patindihin ang kanyang totalitaryan na kontrol sa lipunan, ipagbawal ang anumang humahamon sa kanyang kaayusan, humihingi ng palaki ng palaking mga sakripisyon para sa paliit na paliit na gantimpala." (International Review no. 99 "Report on the class struggle")
Ang nagdaang tatlumpung taon sa kabuuan ay nagpatunay hindi lang ang pangangailangan ng malawakan, radikal at pulitikal na tugon mula sa uring manggagawa kundi ito ay realistikong posibilidad. Nanatili ang militansya ng mga manggagawa. Habang ang panahon sa pagitan ng 1968 at 1989 ay markado ng mga tendensya sa loob ng proletaryado na hinahamon ang mga unyon, at kontrolin ang kanyang pakikibaka, nanatiling kulang ang esensyal na pampulitikang pang-unawa sa kanyang kaaway, at sa mas malawak na konteksto at mga layunin ng kanyang pakikibaka. Ngayon, ang paglalim ng krisis at pagtalas ng polarisasyon sa pagitan ng mga uri na aktwal na umiiral, ay lumikha ng mga kondisyon para maging posibilidad ang tunay na pulitikalisasyon ng kamulatan; pero sa ngayon ito ay sitwasyon na nagsimula pa lang. "Ang malawakang mobilisasyon sa tagsibol sa 2003 sa Pransya at Austria ay kumakatawan ng pagpihit sa makauring pakikibaka magmula 1989. Sila ay unang mahalagang hakbang sa muling pagbangon ng militansya matapos ang napakataas na yugto ng paghupa magmula 1968...ang sabay-sabay na mga kilusan sa Pransya at Austria, at ang katotohanan na pagkatapos nila ang mga unyon sa Alemanya ay nag-organisa ng pagkatalo sa mga manggagawa ng bakal sa silangan bilang naunang pampigil sa proletaryong pakikibaka, nagpakita ng ebolusyon ng sitwasyon magmula sa pagpasok ng bagong milenyo. Sa realidad, dinadala ng mga pangyayaring ito ang imposibilidad para sa uri - sa kabila ng pagpapatuloy ng kanyang kakulangan ng tiwala - na iwasan ang pangangailangan ng pakikibaka sa harap ng dramatikong paglala ng krisis at sa lumalaking paglawak at paglaganap ng mga atake" (International Review no. 117, "The evolution of the class struggle...") Esensyal na mahawakan ang importansya ng ganitong pagbabago: "Ang kahalagahan ng mga pakikibaka ngayon ay maaring maging eksena sila ng pag-unlad ng makauring kamulatan. Ang batayang isyu na nakataya - ang muling pagbangon ng makauring identidad - ang pinakamahalaga. Subalit sa likod ng makauring identidad, ay ang usapin ng makauring pagkakaisa - ang tanging alternatiba sa baliw na lohika ng burges na kompetisyon na bawat isa para sa kanyang sarili. Sa likod ng makauring identidad ay ang posibilidad na mahalaw ang mga aral sa nakaraang mga pakikibaka, at muling pasiglahin ang kolektibong memorya ng proletaryado" (ibid).
Ngayon, may kapasidad ang uring manggagawa hindi lang sa pagpapatuloy ng makauring pakikibaka kundi dalhin ito sa mas mataas na antas, kung saan esensyal ang pampulitikang pang-unawa kung nais nitong tumungo mula sa depensa tungo sa opensa, mula sa pakikibaka para mabuhay tungo sa rebolusyonaryong transpormasyon ng lipunan.
3. Ang imposibilidad ng mabuting unyonismo
Ang pagsanib ng mga unyon sa kapitalistang estado
Ang mga unyon ay nilikha bilang organo ng pakikibaka ng mga manggagawa laban sa kapitalismo. Ngayon umiiral sila bilang organo ng estado sa loob at laban sa uring manggagawa. Ang pagbabagong ito ng kanilang katangian ay malinaw na pinakita sa panahon ng Unang Digmaang Pandaigdig ng ang mga unyon ay nagdeklara ng tigil-putukan sa makauring digmaan para maipasok ang uring manggagawa sa imperyalistang digmaan. Magmula noon, sa lahat ng mga bansa, sa kapayapaan at digmaan, sentral ang mga unyon sa plano ng burgesya para kontrolin ang uring manggagawa at pangasiwaan ang krisis. Habang ang antas ng direktang integrasyon ng mga unyon sa estado ay iba-iba sa mga bansa, sa bawat bansa pinaka-epektibo silang nagsilbi sa nagharing uri sa pamamagitan ng pananabotahe sa mga pakikibaka ng manggagawa mula sa loob.
Partisipasyon sa pangangasiwa sa kapitalistang krisis
Nang ipataw ng burgesya ang mga sakripisyo sa manggagawa, para mapresrerba ang kanyang tubo, ang mga unyon sa pangkalahatan ay nagdeklara sa simula na ‘Walang sakripisyo', pagkatapos biglang magsabi: ‘maliban lang kung papasanin ito ng buong populasyon'. Sa kongkreto, nagtatapos ito sa isang ispektakular na mga negosasyon sa pagitan ng gobyerno at unyon[3], kahit pa sa pamamagitan ng opisyal na mga tagapamagitan kaysa direkta sa gobyerno. Ang usapin ay hindi ‘sakripisyo o hindi', kundi palaging: ‘paano organisahin ang pagpataw sa mga sakripisyo'. At ang huling eksena ng iskrip, na ilang daang beses ng ginagawa, ay laging pareho: panibagong mga sakripisyo ng mga manggagawa para sa tubo ng pambansang kapital. At sumisigaw ang mga unyon ng tagumpay dahil... ‘Mas malala kung wala kami'.
Ang opisyal na mga tagapagsalita ng gobyerno, opisyal na mga kinatawan ng mga manggagawa, ang mga unyon ay opisyal na nakipagtawaran sa anti-manggagawa na mga batas at pirmahan ang opisyal na mga dokumentong pilit ipataw ang mga kahilingan ng estado para mapanatili ang pagkamit ng tubo ng pambasnsang kapital sa kapinsalaan ng kondisyon ng pamumuhay ng mga manggagawa.
Nangatwiran ang mga unyon sa batayan ng pambansang kapitalistang ekonomiya. Binatay ang kanilang mga aksyon sa lohika ng dominanteng pang-ekonomiyang sistema. Kung ang lohika ng kapitalistang makinarya ay humihingi ng mas maraming sakripisyo, gawain ng mga unyon na ipresenta ito sa mga manggagawa sa ngalan ng realismo na sa katunayan pagkonsidera lamang sa pang-ekonomiyang krisis bilang isang ‘natural na kalamidad' - gaya ng lindol o biglang pagyelo - at ang kapitalismo bilang eternal na bigay ng kalikasan.
Sa 1980s sa ngalan ng sinasabing ‘realismo' ang mga unyong Pranses ay pumirma, una sa gobyerno ng Kanan, pagkatapos sa gobyerno ng Kaliwa, ng kasunduan na sistematikong bawasan ang bayad sa mga walang trabaho at marami pang mga benepisyo. Laging sa pagtatanggol ng ‘realismong' ito na ang mga unyon ay direkta o indirektang kasama sa pagpapaliwanag sa lahat ng pampulitika at pang-ekonomiyang hakbangin laban sa uring manggagawa. Sa kooperasyon ng mga unyong Aleman binawasan ng gobyerno ang alawans ng pamilya; katabi ang mga unyon sa Espanya sinimulan ng ‘Sosyalistang' gobyerno ang pagbawas sa pensyon; dahil sa mga ‘eksperto' ng mga unyon sa Britanya na naihanda ng Konserbatibong pamahalaan ang kalahating milyon na pagbawas ng trabaho sa pampublikong sektor, at dahil sa mga unyon sa Italya ang ‘sentro-kaliwa' na pamahalaan na organisahin ang pagwasak sa sliding scale ng sahod. Dahil sa FGTB (Belgian Socialist union) ang gobyerno ay nagpataw ng 10% bawas sa bayad ng mga walang trabaho.
Patuloy ang mga ginagawa ng unyon hanggang ngayon. Sa Mayo 2005 naharap ang istap ng British Broadcasting Company ng maramihang tanggalan. Naglunsad ng kampanya ang mga unyon laban dito sa anyo ng pagtayo labas ng kompanya suot ang mga tsapa sa panahon ng tanghalian at naglunsad ng isang araw na welga, humihiling sa pangasiwaan na maging ‘realistiko'. Tulad ng pahayag ng isa sa mga unyon na lumahok: "Tutulan ng mga unyon ang lahat ng sapilitang tanggalan. Sa susunod na mga buwan titindig kami laban sa antas at lawak ng pagbabawas, at kikilos sa larangang pampubliko kasama ang mga nagbabayad ng Licence Fee, politiko, at komentarista, para magbigay ng pinakamabuting alok na pera ang British broadcasting." (dinagdag ang pagdidiin). Ang resulta? Tanggalan ayon sa plano.
Sabotahe sa mga pakikibaka
Imposibleng isa-isahin ang isang libo't isang maniobra ng mga unyon sa Uropa na ginamit para idiskaril ang mga welga at mag-ahita ng nakakalasong nasyunalismo sa nagdaang ilang dekada, para makontrol ang anumang ekspresyon ng proletaryong pag-aalsa sa pagkatalo:
- ilihis ang laman ng pakikibaka tungo sa makabayang pagkatalo;
- ihiwalay ang pakikibaka sa bawat bansa o lokalidad;
- dis-organisahin ang anumang posibilidad ng pagkakaisa;
- direktahan ang militansya tungo sa kawalang saysay at nakademoralisa na mga aksyon;
- pagmaliit sa praktika ng makauring pagkakaisa.
Hindi ito nawawalan ng kongkretong mga halimbawa:
- Sa 1979 nilihis ng makinarya ng unyon ang militansya ng mga manggagawa sa bakal ng Pransya sa makabayang aksyon laban sa iron ore ng Alemanya sa panawagang ‘Gumawa tayo para sa Pransya'.
- Hiniwalay nila ang welga ng mga minero sa Britanya sa pamamagitang ng pagpresenta nito bilang pakikibaka ng isang sektor laban sa iba. Sinuma ito sa islogang "coal not dole". Ang unyon ng mga minero, ang NUM, ay nagpakita lamang sa kanyang radikal na lenggwahe para mabigyang kredibilidad ang ‘makauring katangian ng mga unyon'... at ganun din ang ‘makauring katangian' sa pagtanggi ng lahat ng ibang opisyal na mga unyon na aktibong suportahan ang welga ng mga minero.
- Binukod nila ang mga manggagawa ng bakal sa Lorraine sa 1984 sa pag-utos sa kanila na magbarikada sa mga daanan sa rehiyon, na hindi lang naghiwalay sa kanila sa mga manggagawa sa ibang rehiyon, kundi higit pa, binukod ang mga sarili sa isa't-isa.
- Sa Kanlurang Alemanya, ‘nag-organisa' sila ng napakalaking kampanya para sa 35-oras paggawa kada linggo subalit sa praktika ay dis-organisahin ang militansya ng uring manggagawa; isang welga na maingat na kontrolado at dinirehe ng mga unyon, ‘paikot-ikot', bawat lungsod, bawat rehiyon, bawat oras, para maiwasan ang anumang pagpalaki ng akumulasyon ng pwersa.
- Sa Italya nilihis nila ang galit ng uring manggagawa tungo sa ispektakular at walang pag-asa na mga aksyon, mula sa pagharang sa mga treyn hanggang sa pag-organisa ng ‘Martsa sa Roma' (Marso 84) na nag-ipon ng halos isang milyong manggagawa sa isang nakadismayang paglalakd sa mga lansangan ng syudad.
- Sa panahon ng welga ng mga minero sa Britanya binago nila ang mga kilusan ng pagkakaisa na namumuo sa loob ng kilusang manggagawa sa pamamagitan ng koleksyon ng pinansya at ‘pagbebenta para...' bilang panghalili sa aktibong pagkakaisa sa pamamagitan ng partisipasyon sa pakikibaka.
Ang tanging pinakamalinaw na halimbawa paano sinabotahe ng mga unyon ang pakikibaka ng mga manggagawa ay ang pangmasang welga sa Poland sa 1980. Sa kanyang mga unang araw muling pinagtibay ng welga ang rebolusyonaryong katangian ng proletaryado. Nagsimula sa isang welga sa isang pabrika kumalat ang mga welga sa Hulyo 1980 at sumabog bilang pangmasang kilusan sa Agosto. Itinayo ang mga komite ng welga ay nagkakaugnay sa pamamagitan ng inter-pabrika na komite: "Ang komite ng welga sa una ay may 400 membro, dalawang representante bawat pabrika; sa rurok ng kilusan mayroong 800-1,000 membro. Pabalik-balik ang mga delegasyon mula sa kanilang mga pabrika tungo sa sentral na komite ng welga, minsan gumagamit ng cassettes para i-rekord ang mga diskusyon. Ang komite ng welga sa bawat pabrika ang nangasiwa sa ispisipikong mga demanda, ang kabuuan ay koordinado ng sentral na komite ng welga" (International Review no. 23, "Mass strikes in Poland 1980: the proletariat opens a new breach"). Sa likod ng pangmasang welga ang mga nagtaguyod ng ‘makabayang' unyonismo ay pumunta sa unahan. Nagsalarawan ng mga ilusyon sa mga manggagawa ng demokrasya at diumano independyenteng mga unyon nakontrol nila ang kilusan, una dinala ito sa walang saysay na pagbuo ng unyong Solidarity at pagkatapos sa mga kamay ng estado. "Mas malakas ang proletaryado kung walang mga unyon, kung ang mga asembliya ng manggagawa na nakibaka ang may responsibilidad sa pagpapatakbo ng pakikibaka, sa pagpili, pagkontrol, at, kung kailangan, sa pagtanggal ng mga halal na delegado sa sentral na mga organo ng kilusan.
"Ang paglikha at pag-unlad ng Solidarity ay nagbunsod ng sumusunod na sitwasyon: ang pagbaba ng istandard ng pamumuhay na mas malala kaysa siyang nagtulak ng mga welga sa tag-init sa 1980 ay sinalubong ng mga manggagawa na mas mahina at mas kalat-kalat na pagtutol. Nakamit ng Solidarity ang hindi nagawa ng mga dating unyon: napatanggap sa mga manggagawa ang pagtaas ng isang linggong pagtrabaho (isinuko ang ‘libreng Sabado'), tatlong beses na pagtaas ng presyo ng tinapay at malawakang pagtaas ng presyo ng ibang batayang pangangailangan, at lumalaking kakulangan ng pangangailangan. Ang Solidarity ang nagpakana na itulak ang mga manggagawang Polish sa walang silbing pangangasiwa-sa-sarili, kung saan halos wala silang interes sa nakaraang taon, at nagbigay sa kanila ng ‘karapatang' magdesisyon - hangga't umaayon ito sa pananaw ng nagharing partido - na siyang responsable sa pagsasamantala sa kanila. Ang Solidarity sa pamamagitan ng de-mobilisasyon sa maraming pakikibaka, ang naghahanda para mailunsad ng nasa kapangyarihan ang kasalukuyang opensiba sa isyu ng pagbabawal at panunupil" (International Review no. 27, "One Year of Workers' Struggles in Poland"). Sa Disyembre 1981 ang estadong Polish sa pangunguna ni General Jaruzelski ay naglunsad ng kudeta, muling iginiit ang kanyang awtoridad at itinapon ang mga lider ng Solidarity, gaya ni Lech Walesa, sa bilangguan. Nahiwalay ang manggagawang Polish sa kanilang mga kasama sa uri sa ibang bansa, sa partikular mula sa kanluran dahil ang kanilang pakikibaka ay inilarawan na laban sa ‘komunismo', para sa ‘tunay'na Poland, kabilang ang simbahang Katoliko at, higit sa lahat para sa kalayaan at demokrasya ng kanluran at para sa independyenteng unyonismo. Naganap ang ika-25 anibersaryo sa welga habang tinatapos ang introduksyong ito at ginamit ng burgesya para ulitin ang lahat ng mga kasinungalingan. Nangatwiran ang burgesya na ang Solidarity, na hinikayat ng namatay na papa at pinamunuan ng kanyang altar-boy na si Walesa, ang nagsimula ng proseso na nagbunga ng kataposan ng ‘komunismo'.
Habang hindi magkatulad ang antas, magkatulad na pagkilos ang nagpatuloy ngayon:
- Sa 1995-6 ang mga manggagawa sa daungan ng Liverpool ay lalupang nahiwalay dahil sa ‘internasyunal na pagkakaisa' na pinamunuan ng mga unyon. Ang pagkakaisang ito ay limitado sa panawagan sa mga manggagawa sa daungan sa ibang bahagi ng mundo na ‘i-black list' ang rehistradong mga barko ng Britanya, pinabayaan ang mga manggagawa sa daungan ng Liverpool na mag-isang ipagpatuloy ang welga, kung saan ang lahat ng kapangyarihan ay isinuko sa mga unyon.
- Sa Britanya sa 2002 hiniwalay ng Fire Brigades Union ang militansya ng mga bombero sa pamamagitan ng paglarawan sa kanila na isang ‘espesyal na kaso', na may karapatan ng pagtaas ng sahod na lubusang mas mataas kaysa ibang manggagawa.
Ang radikalisasyon ng mga unyon at ang patibong ng unyonismo mula sa ibaba
Ang pwersang pampulitika at pang-unyon ng burgesya, sa partikular sa industriyalisadong mga bansa ay may malawak na karanasan. Kinilala nila na ang kanilang paulit-ulit na atake sa uring manggagawa at pagsabotahe sa pakikibaka ng manggagawa ay mauuwi sa kawalan ng tiwala sa hanay ng manggagawa, laluna yaong may malalim na pag-unawa sa istorikal na layunin ng pakikibaka ng proletaryado. Sinikap nilang ilihis ang kawalang tiwala tungo sa liderato ng mga unyon na ‘nahiwalay' sa masang manggagawa, ‘repormista' o ‘burukratiko'. Kaya hinimok nila ang ilusyon na maari kayong magkaroon ng ‘isang mabuting unyon'.
Maaring magkahugis ito sa ‘radikalisasyon' ng mga unyon, sa pagkahalal ng ‘maka-kaliwang' liderato at ang promosyon ng radikal na mga kahilingan, gaya ng napakalaking pagtaas ng sahod o pagbabago sa patakaran ng pamahalaan at iba pa. Sa mga welga sa Pransya sa 1995 gumampan ang mga unyon ng napaka-kritikal, antagonistiko pa nga na aktitud sa gobyerno. Sa Britanya, nang umupo sa kapangyarihan ang New Labour, mayroong hayagang pagdistansya ang mga unyon sa pamahalaan at nitong huli, marami sa mga unyon ay nagbawas ng kanilang kontribusyon sa partido o nagbantang humiwalay dito.
Maari din itong magkaporma sa ‘kritikal', ‘anti-liderato' o maging ‘anti-unyon' na tendensya. Iba-iba ang porma at pangalan ng mga ito - ‘base unionism', ‘rank and file', ‘co-ordinations' - pero nagkaisa sila sa pagtatanggol sa batayang porma ng unyonismo. Sila ang pinaka-mapaminsalang porma ng pagtatanggol sa unyon.
Sa dekada 70, ang pangkalahatang tendensya ng iba't-ibang pampulitikang maskara na ginamit ng burgesya para kontrolin ang proletaryado ay kinabibilangan ng pagbuo ng mga ‘gobyerno ng kaliwa' (Labour sa Britanya, Democrats sa USA, Social-Democracy sa Kanlurang Alemanya), o sa minimum pagbibigay ng oryentasyon sa kanyang pwersa sa ‘kaliwa' sa perspektiba ng partisipasyon sa pamahalaan (‘Istorikal na Kompromiso' ng Partido Komunista sa Italya, ‘Komon na Programa' ng mga Partido Komunista at Sosyalista sa Pransya). Ang ‘opisyal' na mga representante ng manggagawa ay pumasok sa pamahalaan sa pananaw na hihingi ng ‘temporaryong sakripisyo' mula sa manggagawa kapalit ng mas magandang kinabukasan. Ang mga ‘organisasyon ng manggagawa' na nasa loob ng pamahalaan ay magsilbing garantiya na ang bunga ng mga sakripisyong ito ay malaking ganansya ng uring manggagawa.
Pero hindi dumating ang magandang bukas at ang pang-ekonomiyang krisis at atake sa manggagawsa sa halip na gumaan ay lumala lang. Pinakita ng alon ng mga pakikibaka sa ‘78-‘80, para sa burgesya, na ang paglahok (o kaugnayan) ng kanyang mga pwersa sa kaliwa sa gobyerno - na may suporta ng mga unyon - ay hindi na makapigil sa pakikibaka ng manggagawa, kundi mabawasan ang kanilang kapasidad bilang polis sa hanay ng manggagawa, dahil hayagan na silang lumitaw bilang responsable sa sitwasyong kinaharap ng mga manggagawa.
Nagsimula sa dekada 80s ang pagbaliktad ng oryentasyon ng burgesya sa pangunahing industriyalisadong mga bansa. Ang mga partido ng ‘manggagawa' (Socialist, Social-Democratic o Democratic sa mga bansa gaya ng Britanya, Alemanya o sa Estados Unidos; mga Partido Komunista sa mga bansa sa ‘Latina') ay bumalik sa pagiging oposisyon, muling gumampan ng ‘radikal', ‘matatag', kahit ‘rebolusyonaryo' na lenggwahe para subukang makuha muli ang mahalagang kredibilidad para sa kanilang tungkulin bilang mananabotahe sa pakikibaka ng manggagawa.
Sa Pransya, sa kalaunan naranasan ng proletaryado ang ‘kaliwa sa gobyerno'. Pero sa maiksing panahon, pinataw ang parehas na realidad: matapos ang 3 taong partisipasyon ng PCF (Partido Komunista ng Pransya) sa gobyerno at ang mabilis na paglaho ng kredibilidad ng CGT (General Workers Union - istorikal na malapit sa Partido Komunista): ang huli ay kumalas sa gobyerno para bumalik sa pagiging oposisyon dahil nanganganib na mawala ang kontrol nito sa pakikibaka.
Tandaan natin na ang ganitong ‘radikalisasyon ng lenggwahe' ay hindi pangkalahatan sa lahat ng mga unyon, o maging sa isang unyon. Sa realidad, sa bawat bansa, alam ng mga istruktura ng unyon paano hatiin ang responsibilidad: mayroong mga ‘radikal' na unyon at mayroon ding mga ‘realista', pagkatapos sa loob ng bawat unyon mayroong ‘militante' ang tendensya at mayroong mas ‘maingat'. Ang mga ito ang dalawang komplementaryong mga bahagi sa sipit ng unyon. Kaya,
- ang welga ng mga minero sa Britanya ay nahati sa pagitan ng ‘radikalisasyon' ng mga unyon ng minero at sa kanilang lider na si Scargill sa isang banda, at sa ‘realismo' ng buong makinarya ng Trade Union sa kabilang banda;
- ang mga pakikibaka ng manggagawang Aleman sa ‘84, sa pagitan ng ‘radikalismo' ng IG Metal at ang ‘kalmadong' makinarya ng DGB;
- ang welga ng mga manggagawa sa Talbot sa Pransya sa simula ng ‘84, sa pagitan ng ‘radikalismo' ng CFDT at ng ‘maingat' na CGT;
- ang reaksyon ng mga manggagawa sa Belgium sa pagpasok ng ‘84, sa pagitan ng ‘matapang' na tono ng FGTB at ng ‘konsilyanistang' (Christian) CSC.
Ang ganitong distribusyon ng papel sa pagitan ng mga unyon ay sinamahan ng isa pang dibisyon ng trabaho, sa pagitan ng opisyal na mga unyon at ang iba't-ibang tipo na ‘kritikal' na mga tendensya ng unyon, sa loob o sa labas man nila. Ang mga tendensyang ito ang sistematikong nilabanan ng proletaryado sa mga taon bago ang 1989 nang tumungo sila sa pagkalas sa balangkas ng liderato ng unyon. Ang lalupang pagluwag ng direktang kontrol ng opisyal na unyon sa pakikibaka, ay lalupang paglaban sa ‘kahiya-hiyang unyonismo' na ito, itong unyonismo ng ispektakular at maingay na mga aksyon na walang ibang tungkulin kundi pakintabin ang larawan ng mga unyon, na walang silbing organisasyon na nababagay sa nakaraan. Ang unyonismo sa ibaba ay pinupuna lamang ang ‘liderato' para mapabuti ang pagtatanggol sa posibilidad na ‘baguhin' at ‘muling palakasin' ang mga unyon - at sa gayon lumalaban sila sa loob nito; pinupuna lamang nito ang opisyal na unyonismo para lalupang ipagtanggol ang ideya ng ‘dalisay' na mga unyon.
Ang mga organisasyon ng ‘kaliwa' na Trotskyista, ‘awtonomos' o anarkista at Maoista ay nagpakabihasa sa ganitong tipo ng gawain. Ang kanilang mga militante ang kadalasang bumubuhay sa huling labi ng buhay ng unyon sa mga pabrika sa panahon ng panlipunang katahimikan at pinaka-magaling at sopistikadong mananabotahe sa pakikibaka sa panahon ng tunggalian.
Ang ‘shop-stewards' na unyon (delegado sa pabrika) sa Britanya, ang mga ‘konseho ng unyon' sa Italya, ang mga ‘asembliyesta' sa Espanya, o ang kilusang ‘Longwy 79-84' sa Pransya, ang ‘militanteng' mga tendensya sa loob ng Solidarity, ay sa realidad lahat bumubuo ng napakahalagang komplemento sa liderato ng unyon at sa ‘opisyal' na mga unyon.
Ang ‘co-ordinations', isang bagong tipo ng unyonismo sa ibaba
Ang penomenon ng mga co-ordinations ay unang lumitaw sa Pransya at Italya. Maipaliwanag ito sa katotohanan na dumanas ang tradisyunal na unyonismo ng pinaka-matinding pagkasira ng reputasyon sa mga bansang ito. Sa Italya, nagsimulang masira ang reputasyon ng mga unyon sa malalaking welga sa 1969 (nakilala na ‘ang mainit na taglagas'). Pagkatapos niyon, dahil ang pakikibaka ng proletaryadong Italyano ang isa sa pinaka-mahalagang pakikibaka ng pandaigdigang proletaryado, ang patuloy na paggamit ng burgesyang Italyano sa mga unyon para masabotahe ang pakikibaka ay lalupang naging dahilan para hindi sila pagtiwalaan ng mga manggagawa.
Sa panahon ng makapangyarihang kilusan ng sektor sa edukasyon sa Italya sa 1987, ang malinaw na pagkasira ng reputasyon ng opisyal na mga unyon ang dahilan na lumitaw ang "Cobas" (mga komite sa ibaba) na umusbong bilang tunay na mga organo ng pakikibaka na naglalayong pag-isahin ang pakikibaka sa ilalim mismo ng kontrol ng uring manggagawa, hindi ng mga unyon. Bagama't nagsimula ang mga Cobas bilang organo ng uring manggagawa, ang pagtatangka nila na permanenteng iiral matapos mamamatay ang pakikibaka ay hindi naiwasang nagdala sa kanila sa tereyn ng tradisyunal na unyonismo: korporatismo, at sa pangkalahatan sa kahandaang tanggapin ang nais ng mga kapitalista. Habang naglalaho ang buhay ng tunay na tatak manggagawa sa kanila, nadominahan ang Cobas ng mga kaliwa at natransporma bilang sandata ng pananabotahe sa pakikibaka.
Sa Pransya, ang kawalang tiwala ng mga manggagawa sa mga unyon ay lumaki bunga ng ang kaliwa ay nasa pamahalaan, na suportado ng mga unyon, sa pagitan ng 1981 at 1986. Ang gobyernong ito ang responssable sa walang kaparis na mga atake sa uring manggagawa (laluna ang maramihang tanggalan sa mga industriya ng bakal, sasakyan at barko). Ang aral sa paraan na nagamit ang mga Cobas para pigilan ang paglawak ng pakikibaka sa labas ng isang partikular na negosyo o industriya, habang pinanatili ang balatkayo na "kontrolado ng manggagawa", ay hindi nawawala sa mga unyon sa ibang mga bansa. Sa Pransya nakamit ng co-ordinations ang rurok ng tagumpay, una sa malaking welga sa perokaril sa Disyembre 1986 at pagkatapos sa welga sa mga ospital sa taglagas sa 1988.
Isa sa mga aspeto ng anti-manggagawang aktibidad ng co-ordinations (kadalasan binigyang buhay ng mga kaliwang grupo o ng dyed-in-the-wool na mga unyonista na tutol sa pangunahing mga unyon para manatiling makontrol ang sitwasyon) ay ang pagbibigay ng impresyon sa mga manggagawa na ang umiiral na mga unyon ay hindi nagtatanggol sa kanilang interes dahil organisado sila sa ibat-ibang sangay ng industriya. Sa pamamagitan ng paglikha ng mga organo na nakabatay sa partikular na sektor ng trabaho (halimbawa ang mga konduktor ng tren, mga drayber ng tren, o mga nurses, atbp.) ang nakibakang manggagawa ay diumano mas may kontrol sa kanila at maipagtanggol ang kanilang ispisipikong sariling interes na hindi nalunod ang kanilang mga kahilingan sa ibang mga sektor. Dagdag pa, ang galit ng liderato ng malalaking unyon sa kanila ay naging dahilan para ipresenta ng co-ordinations ang kanilang sarili bilang ‘ibang' tipo ng organisasyon dahil tunay nilang kinakatawan ang interes ng manggagawa. Sa realidad, ang esensyal na papel ng co-ordinations ay paghiwa-hiwalayin ang mga manggagawa sa iba't-ibang linya ng negosyo, at palakasin ang lahat ng ilusyon ng manggagawa sa ‘partikularidad' ng kanilang trabaho (halimbawa, ang mataas na ‘kwalipikasyon' ng mga nurses sa kilusan sa ospital, o ang matagal ng paghihiwalay ng mga drayber at ibang linya ng negosyo sa perokaril). Sa ganitong punto, sila ay isang tipo ng unyonismo sa ibaba, nilikha para pumalit sa tradisyunal na unyonismo sa pagsabotahe sa mga pakikibaka kung ang militansya ng manggagawa ay nagbabantang lagpasan ang huli.
Magmula sa panahon ng ikalawang hati ng 1980s, naglaho ang co-ordinations pangunahin dahil sa paghupa na dinanas ng makauring pakikibaka. Sa kabilang banda, hindi malayong muli silang lilitaw sa takbo ng pakikibaka sa hinaharap. Kung nais maiwasan ng proletaryado ang parehong patibong na ginawa ng burgesya sa nakaraan, dapat maunawaan nito ang mga aral mula sa ikalawang hati ng 1980s. Ang mga aral mula sa karanasan ng co-ordinations ay masuma sa artikulo sa International Review mula sa huling bahagi ng 1988:
"Ang pangangailangan na pagkaisahin ang pakikibaka, na mas lalong nararamdaman ng mga manggagawa mismo, ay lulundag laban sa maraming mga maniobrang naglalayong hatiin ang uring manggagawa at pira-pirasuhin ang kanyang mga pakikibaka, kung saan kasama ang dibisyon ng paggawa sa hanay ng lahat ng pampulitikang pwersa ng burgesya, at laluna ang kaliwa, ang mga unyon, at ang kaliwang mga organisasyon. Ang napatunayan ng mga pangyayari sa Pransya, ay ang isa sa pinakamapanganib na sandata ng nagharing uri ay ang mga ‘co-ordinations', na lalupang gagamitin habang nasisira ang reputasyon ng mga unyon at ang mga manggagawa ay lalupang naging handa para kontrolin ang kanilang pakikibaka.
"Laban sa mga maniobra ng burgesya na naglalayong itali ang mga pakikibaka sa kontrol ng mga co-ordinations', kailangang maging mulat ang uring manggagawa na ang kanyang tunay na lakas ay wala sa tinatawag na mga ‘nagsesentralisang' mga organismo, kundi una sa lahat ay nasa kanilang sariling pangkalahatang mga asembliya o mga pangmasang pulong. Ang sentralisasyon ng militansya ng uri ay mahalagang elemento sa kanyang lakas, pero ang labis na pagmamadaling sentralisasyon, na hindi kabilang ang lahat ng manggagawa sa pagkontrol sa pakikibaka, ay mauuwi lamang sa pagkontrol ng mga pwersa ng nagharing uri (laluna ang mga organisasyon ng kaliwa) at pagkahiwalay, i.e. ang dalawang elemento ng pagkatalo. Pinakita ng istorikal na karanasan nakung lalong tataas ang antas ng piramide ng mga organong nilikha ng uri para isentralisa ang kanyang militansya, mas lalong matatanggal ang antas kung saan direktang kasama ang lahat ng manggagawa, mas madali para sa kaliwang pwersa ng burgesya na kontrolin ito at ipraktika ang kanilang mga maniobra. Totoo din ito kahit sa rebolusyonaryong mga yugto. Nangyari ito sa Rusya, kung saan karamihan sa 1917 na Komiteng Tagapagpaganap ng mga Sobyet ay kontrolado ng mga Mensheviks at Social-Revolutionaries, kung saan sa isang panahon ay nangatwiran ang mga Bolsheviks na dapat ang lokal na mga Sobyet ay hindi magpatali sa patakarang ginawa ng nagsesentralisang organong ito. Ganun din sa Alemanya sa Nobyembre 1918, ang Kongreso ng mga Konseho ng Manggagawa ay walang kabutihang ginawa kundi isuko ang kapangyarihan sa mga Social Democrats, na kumampi na sa kaaway, sa gayon nagpahintulot sa kamatayan mismo ng mga Konseho.
"Alam na alam ito ng burgesya. Kaya sistematiko itong nanghihimok sa paglitaw ng ‘nagsesentralisang' mga organismo, na madaling makontrol hangga't ang uring manggagawa ay hindi pa sapat ang pag-unlad at karanasan. At para mas maprotektahan ang sarili, hangga't maari una nilang lilikhain ang mga organong ito, laluna sa tulong ng mga kaliwa, pagkatapos bibigyan ng ‘legalidad' sa pamamagitan ng pekeng mga pulong-masa, para tiyakin na ang mga pulong na ito ay hindi makalikha ng kanilang sentralisadong mga organo: halal at maaring tanggalin ng mga komite sa welga sa mga pabrika, sentral na mga komite sa welga sa antas syudad o rehiyonal, atbp."
(International Review no. 56, "France: The Co-ordinations in the vanguard of sabotaging the struggles").
Imposible na ang mabuting mga unyon sa ating panahon. Hindi dahil ang liderato sa unyon ay bulok na at ‘binenta ang sarili' na wala ng puwang ang mga unyon sa pakikipaglaban ng manggagawa sa kasalukuyan. Kabaliktaran, ito ay dahil ang unyonismo - ibig sabihin ang pakikibaka para sa mga reporma kaugnay sa dominanteng pang-ekonomiyang mga batas - ay hindi na epektibo at lipas na sa pagbulusok-pababa ng kapitalismo, na ang mga unyon - malaki o maliit, opisyal o di-opisyal - ay hindi maiwasang nasanib sa estado. Lahat ng mga tendensyang nagtatanggol sa posibilidad ng isang ‘mabuting makauring unyonismo' - anuman ang orihinal na motibasyon ng mga pasimuno - ay hinaharangan lamang ang tanging posibleng daan ng makauring pakikibaka: ang pangmasang welga, radikal, politikal at nag-oorganisa sa sarili. Sila ang huling harang na dapat gibain ng pakikibaka ng manggagawa para mapalaya ang sarili mula sa moog ng unyonismo.
4. Ang istorikal na responsibilidad ng uring manggagawa para sa kinabukasan ng sangkatauhan
Matapos bumagsak ang bloke sa Silangan nangako ang burgesya ng isang ‘bagong pandaigdigang kaayusan' ng kapayapaan, kasaganaan at demokrasya. Ngayon ang mga pangakong iyon ay gumuho. Sa halip na kapayapaan ay ang labing-anim na taong walang hintong digmaan kung saan komon ang barbarismo, ito man ay ‘ethnic cleansing' sa dating Yugoslavia at Rwanda, ang pamimilit sa mga magulang na pagputol-putulin ang kanilang mga anak sa Demokratikong Republika ng Congo (ang dating Zaire) o ang high-tech na pagmasaker sa umaatras na mga rekrut ng Iraq sa unang Digmaan sa Gulpo. Sa halip na kasaganaan milyun-milyon ang namatay sa gutom sa kabila ng kasaganaan at namatay sa magagamot na mga sakit sa ‘di-maunlad' na mundo, habang milyun-milyon ang lalupang nalunod sa kahirapan at desperasyon sa naaagnas na pusod ng kapitalismo. Hinggil sa demokrasya, talagang kumalat ito sa buong mundo, sa pamamagitan ng pera ng dating Stalinistang Mafia sa Rusya, sa mga tangke ng Amerika sa Afghanistan at Iraq at sa iba't-ibang kulay na rebolusyong ‘bayan' sa mga bahagi ng dating bloke sa Silangan. Permanenteng digmaan, lumalalang kahirapan at pagbulusok tungo sa barbarismo - ito ang kinabukasan ng kapitalismo para sa sangkatauhan.
Pero ang kapitalistang moda ng produksyon ay hindi isang eternal na realidad ng kalikasan gaya ng alipin at pyudalismo. Tulad ng lahat ng mapagsamantalang sistema ng pagsasamantala, ang kapitalismo ay nilikha ng tao, isang koleksyon ng panlipunang mga relasyon na pinataw ng antas ng pag-unlad ng produktibong pwersa at ng pang-ekonomiya at pampulitikang kapangyarihan ng isang uri sa iba. Ang kanyang pananatili ay nakaasa sa resulta ng patuloy na tunggalian sa pagitan ng prinsipal na mga uri sa lipunan.
Sa loob ng mahigit dalawang siglo na pakikibaka, pinakita ng pandaigdigang uring manggagawa na ang kanyang militansya ay hindi simpleng kalat-kalat na labanan na walang pagpapatuloy. Ang mga pakikibaka ng manggagawa ngayon ay pagpapatuloy ng pakikibaka ng mga manghahabi ng seda sa Lyon sa 1834, sa mga manggagawa sa Komuna ng Paris sa 1871, sa rebolusyong Ruso sa 1905 at 1917 at sa mga manggagawang Aleman sa panahon ng insureksyon sa 1919. Ito ay pakikibaka na may istorikong pagpapatuloy at may sariling lohika, ang tanging dulo nito ay ang total, panglipunang rebolusyon, na nagdadala ng bagong lipunan na sa huli ay lubusang maunawaan ang kanyang produktibong pwersa at kanyang istorikal na patutunguhan: komunismo.
"Sa likod ng bawat welga, nakatago ang galamay ng rebolusyon" sabi ni Lenin. Alam niya, tulad ng sabi ni Marx, "hindi lang tingnan ang kahirapan na kahirapan". Ang aktwal na pag-unlad ng pakikibaka ng manggagawa sa buong mundo sa nagdaang mga dekada, at sa kabila ng mga pag-atras matapos ang 1989, ay nagpatunay na ang rebolusyonaryong potensyal ng uring manggagawa ay nanatiling buo. Pinakita nito na posible ang ibang mundo. Ito ang pag-asa ng sangkatauhan.
Sa kabila ng pananabotahe ng unyon, sa kabila ng malalaking kampanya ng ideolohikal na lason, sa kabila ng panunupil ng polisya, sa kabila ng banta ng kawalang trabaho na permanenteng pinapasan ng bawat manggagawa, sa kabila ng kooperasyon ng buong internasyunal na burgesya na naharap sa proletaryong panganib, ang mga pakikibaka sa nagdaang mga dekada ay nagpapakita ng walang patid na militansya. Sa pagitan ng 1968 at 1989 kadalasan ang pakikibaka ay ispektakular na umunlad. Ang mga pakikibaka ng mga manggagawa sa Poland sa 1980 ang pinakamahalagang proletaryong manipestasyon magmula sa internasyunal na rebolusyonaryong alon sa kataposan ng Unang Pandaigdigang Digmaan; ang mga welga sa pampublikong sektor sa Belgium at Holland ang pinakamahalaga sa sektor na ito sa mga bansang ito sa buong kasaysayan nila; ang atake ng mga manggagawang Pranses sa bakal sa himpilan ng Partido Sosyalista sa Longwy sa 1984 ay walang katulad na pangyayari sa bansang ito; ang okupasyon sa mga daungang naval ng mga manggagawang Aleman sa 1984 ay unang pangyayari magmula sa 20s at ang mobilisasyon para sa 35 oras kada linggo, ang pinakamahalaga sa parehong panahon; ang welga ng mga minero sa Britanya sa 1984-85 ang pinakamalaki sa bansang ito magmula sa Pangkalahatang Welga sa 1926.
Pagkatapos sa 1989 ang makauring pakikibaka ay tila naglaho, subalit bumalik lamang ito sa kanyang pinagmulan, lumitaw ulit ito, katumbas sa mga tungkulin sa hinaharap at nakahandang muling sagupain ang kaaway. "Ang mga proletaryong rebolusyon, sa kabilang banda, tulad noong sa ika-19 siglo, ay palaging ginagawa ang pagpuna-sa-sarili, at paulit-ulit na ginagawa sa kanilang pakikibaka. Bumalik sila sa tila nagawa na nila noon para simulan ulit ang tungkulin; na walang awang komprehensibong itinakwil ang kakulangan, kahinaan at nakapinsalang mga aspeto sa kanilang unang mga pagtatangka: tila naigupo na nila ang kanilang kaaway para lamang makita na siya ay nagpanibagong lakas at muling bumangon sa harapan nila, mas malakas kaysa nakaraan; lumiit sila ng lumiit sa harapan ng lumalabo nilang sariling mga layunin, hanggang dumating ang sitwasyon na imposible na ang anumang pag-atras, at sumisigaw mismo ang kondisyon: Hic Rhodus, his salta" (Marx, The 18th Brumaire of Loius Napoleon Bonaparte)
Nasa ibayo pang pag-unlad ng kasalukuyang mga pakikibaka makikita ang tanging pwersang may kapasidad na basagin ang mapaminsalang lohika ng dekadenteng kapitalismo at magbibigay ng kinabukasan sa sangkatauhan.
Nasa militansya ng paglaban naghahanda ang pandaigdigang proletaryado para magampanan ang kanyang istorikal na mga responsibilidad.
Pero hindi mapalaya ng proletaryado ang sarili, o kahit man lang maipagtanggol ang pinaka-kagyat na mga interes, kung wala ang pinakamalaking pagkakaisa at wala ang pinaka-malalim at pinaka-matibay na kalinawan. Ang mga unyon at unyonismo sa ating panahon ay dinis-armahan ang uring manggagawa sa pamamagitan ng paghati-hati at pagbulag sa kanya. Hindi mapaunlad ng uring manggagawa ang kanyang lakas at kanyang kamulatan kung hindi makibaka sa labas at laban sa mga unyon. Ang ideyang ito, na siyang batayan ng pampleto, ay nanatiling kinakailangan sa kasalukuyan.
Septyembre 2005
[1] Para sa huling mga halimbawa dapat tingnan ng mga mambabasa ang mga artikulo sa International Review at partikular sa pahayagang pangteritoryo ng IKT.
[2] Tingnan "Thirty years of the open crisis of capitalism" sa International Review nos. 96, 97 and 98
[3] Klasikal at pangkalahatang taktika ng mga unyon na gawing pangunahing layunin ng pakikibaka mismo ang nangyayaring negosasyon, iniwanan at iniiwasan ang tunay na mga kahilingan na siyang pinagmulan ng mobilisasyon.