Submitted by ICConline on
Pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang mga makabayang kilusan sa mga kolonya ay bumalangkas sa dalawang paraan, kapwa pagpapatuloy sa dating proseso ng nagdaang mga dekada. Unang-una, ang mga taon pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay nakitaan ng malawakang tunguhin tungo sa relatibong mapayapang de-kolonisasyon; kahit pa sa pag-iral ng malakas at minsan marahas na mga makabayang kilusan sa India, Aprika, at iba pang dako, ang mayorya sa lumang mga kapangyarihang kolonyal ay agad pumayag sa ‘pambansang' kalayaan sa halos lahat ng kanilang mga dating kolonya. Sa artikulong sinulat sa 1952, ang grupong Pranses na Internationalisme (tumiwalag mula sa Kaliwang Italyano sa 1944 sa usapin ng pagtayo ng partido sa gitna ng lumalalim na kontra-rebolusyon) ay sinuri ang sitwasyon na:
"Dati pinaniwalaan ng kilusang manggagawa na ang mga kolonya ay mapalaya lamang sa loob ng konteksto ng sosyalistang rebolusyon. Tiyak ang kanilang katangian bilang ‘pinakamahinang kawing sa kadena ng imperyalismo' dahil sa malalang kapitalistang pagsasamantala at panunupil sa mga lugar na iyon, ay partikular sila na bulnerable sa panlipunang mga kilusan. Ang kanilang kalayaan ay laging nakaangkla sa rebolusyon sa abanteng mga bansa.
Nitong huling mga taon ay nakitaan, sa kabilang banda, na halos lahat ng mga kolonya ay naging malaya na: pinalaya ng kolonyal na burgesya ang kanilang mga sarili, humigit-kumulang mula sa abanteng mga bansa. Ang penomenon na ito, gaano man ito ka limitado sa realidad, ay hindi maintindihan sa konteksto ng lumang teorya, na simpleng nakikita lamang ang kolonyal na kapitalismo bilang tuta ng imperyalismo, isang taga-pamagitan.
Ang katotohanan ay hindi na kumakatawan ang mga kolonya bilang isang ekstensyon ng kapitalistang pamilihan para sa abanteng mga bansa; naging bagong kapitalistang mga bansa na sila. Naglaho na ang kanilang katangian bilang pamilihan, na naging dahilan para humina ang pagtutol ng lumang mga imperyalista sa mga kahilingan ng kolonyal na burgesya. Kailangang idagdag na ang mismong mga problemang imperyalismo ay paborable - sa takbo ng dalawang pandaigdigang digmaan - sa ekspansyon ng ekonomiyang ng mga kolonya. Nasira mismo ang constant capital sa Uropa, habang ang produktibong kapasidad ng mga kolonya o semi-kolonya ay lumaki, na humantong sa pagputok ng lokal na nasyunalismo (Timog Aprika, Argentina, India, atbp). Mahalagang mapansin na itong mga bagong mga kapitalistang bansa, ng mabuo bilang malayang mga bansa, ay humantong sa kapitalismo ng estado, na may parehong mga aspeto ng ekonomiya na naghahanda para sa digmaan tulad ng nangyari sa ibang lugar.
Nadurog ang teorya nila Lenin at Trotsky. Isinanib ng mga kolonya ang kanilang mga sarili sa kapitalistang mundo, at sinusuportahan pa ito. Wala na ang sinasabing ‘pinakamahinang kawing': ang dominasyon ng kapital ay pantay na nahati-hati sa buong mundo." (‘Ang Ebolusyon ng Kapitalismo at ang Bagong Perspektiba', Internationalisme, no.45, 1952.)
Ang mga burgesya sa dating mga kolonyal na Imperyo, na napahina sa mga pandaigdigang digmaan, ay wala ng kapasodad na panatilihing kolonya ang mga kolonya nito. Ang ‘mapayapang' pagkawasak ng Imperyo ng Britanya ang pinakamahusay na halimbawa nito. Pero ang pangunahing dahilan ay ang mga kolonyang ito ay hindi na maaring magsilbi bilang batayan para sa pagpalaki ng reproduksyon ng pandaigdigang kapital, nang sila mismo ay naging kapitalista na, nawalan na sila ng kahalagahan para sa mayor na mga imperyalista (katunayan ang mas atrasadong kolonyal na kapangyarihan na lang gaya ng Portugal ang matigas na kumapit sa kanilang mga kolonya). Ang de-kolonisasyon ay pormalidad na lamang sa umiiral na kalakaran: wala ng maaring akumulasyon ng kapital sa pamamagitan ng pagpalawak sa hindi-pa-kapitalistang mga rehiyon, kundi sa dekadenteng batayan ng rotasyon ng krisis, digmaan, at rekonstruksyon, sa pamamagitan ng aksayang produksyon, at iba pa.
Pero ang pagkakaroon ng pampulitikang kalayaan ng mga dating kolonya ay hindi kumakatawan ng kanilang tunay na kalayaan vis a vis sa pangunahing imperyalistang kapangyarihan. Matapos ang kolonyalismo lumitaw ang penomenon ng ‘neo-kolonyalismo': nanatili ang epektibong dominasyon ng mayor na mga imperyalista sa atrasadong mga bansa sa pamamagitan ng pang-ekonomiyang kontrol sa kanila: ang pagpataw ng hindi pantay na tantos ng palitan, ang pag-eksport ng kapital ng mga korporasyong ‘multi-nasyunal' o ng estado, at ang kanilang pangkalahatang dominasyon sa pandaigdigang pamilihan na pumilit sa mga bansa sa Ikatlong Daigdig na pagsilbihin ang kanilang mga ekonomiya sa pangangailangan ng abanteng mga kapitalistang bansa (sa pamamagitan ng ‘isang-pananim', murang paggawa ng mga industriyang pang-eksport ng dayuhang kapital, atbp). At syempre, nasa likod ng lahat ng ito ay ang armadong kapangyarihan ng mayor na mga imperyalistang bansa, ang kanilang kapasyahang manghimasok sa pulitikal at militar na paraan para ipagtanggol ang kanilang pang-ekonomiyang interes. Byetnam, Guatemala, ang Dominican Republic, Hungary, Czechoslovakia - ang mga ito at iba pang mga bansa ay naging pook ng direktang panghimasok ng mayor na mga imperyalista para protektahan ang kanilang mga interes mula sa hindi matanggap na pagbabagong pampulitika o pang-ekonomiya .
Katunayan ang ‘mapayapang' de-kolonisasyon ay mas panlabas lamang kaysa realidad. Nangyari ito sa loob ng isang mundo na dominado ng mga blokeng imperyalista-militar, at ang balanse ng pwersa sa pagitan ng mga blokeng ito ang nag-determina sa posibilidad ng mapayapang de-kolonisasyon. Ang abanteng mga kapitalistang bansa ay handang sumang-ayon sa pambansang kalayaan hangga't ang kanilang dating mga kolonya ay manatiling napailalim sa dominasyon ng imperyalistang blokeng kinabibilangan nila. Dahil ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay redibisyon lamang sa said na pandaigdigang pamilihan, mauuwi lamang ito sa panibagong pandaigdigang komprontasyon sa pagitan ng mga kapangyarihan na nasa tuktok pagkatapos humupa ang masaker: sa kasong ito, pangunahin ng Amerika at Rusya. Bilang resulta, ang pangalawang mayor na tunguhin matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay sa pangkalahatan ang panibagong pagdami ng makabayang mga digmaan kung saan sa pamamagitan nito pinagtanggol o pinalawak ng mayor na mga imperyalistang bansa ang kanila impluwensya na probisyunal na napagkasunduan matapos ang pandaigdigang gera.
Ang mga digmaan sa Tsina, Korea, Byetnam, Gitnang Silangan, at iba pang dako, ay lahat produkto ng balanse ng pwersa matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, kabilang na ang patuloy na kawalan ng kapasidad ng kapitalismo na mabigyan ang sangkatauhan ng batayang mga pangangailangan, at ang matinding panlipunang pagkabulok ng kolonyal na mga rehiyon. Sa mga digmaang ito ang pangunahing mga imperyalistang bansa ay halos walang direktang komprontasyon sa isa't-isa: ang mga lokal na digmaan ay nagsilbi bilang tagapamagitan para sa nangingibabaw na digmaan sa pagitan ng mga ‘Super Powers'. Halos katulad ng pandaigdigang digmaan mismo, pinakita ng mga digmaang ito ang patuloy na kawalang kapasidad ng lokal na burgesya na labanan ang dominasyon ng isang imperyalistang kapangyarihan na hindi umaasa sa ibang imperyalista. Kung ang isang makabayang burgesya ay makalaya mula sa mga galamay ng isang bloke, mahulog agad ito sa bunganga ng iba.
Ilang mga halimbawa:
Sa Gitnang Silangan ang mga Zionista na ang armas ay mula sa mga Ruso at Czech ay nakipaglaban sa suportado ng Britanya na mga hukbong Arabo , pero ang plano ni Stalin na makuha ang Israel sa impluwensya ng Rusya ay nabigo, at pumasok ang Israel sa ligiran ng US. Mula noon, ang pakikipaglaban ng mga Palestino sa Zionismo, na dati ay umaasa sa imperyalismong Britanya at Alemanya, ay napilitanag mapunta sa mga kamay ng imperyalistang kapangyarihan na galit sa US o Israel: Ehipto, Syria, Saudi Arabia, Rusya, at Tsina;
- Sa Byetnam, tumulong si Ho Chi Minh sa mga Pranses at British na talunin ang mga Hapon; mula noon sa ilalim ng proteksyon ng Rusya at Tsina tinalo niya ang mga Pranses, at nagbigay ng matinding sugat sa mga Amerikano;
- Sa Cuba, si Castro ay tumiwalag sa ligiran ng US at hayagang napunta sa mga kamay ng imperyalismong Rusya.
Walang duda ang indibidwal na imperyalistang kapangyarihan ay mapahina doon at dito sa mga digmaan at muling pagkakahanay. Subalit sa bawat imperyalistang kapangyarihan na mapahina, ang iba ay mapalakas. Ang mga nagsasabi lamang na may ‘hindi-imperyalista' sa Stalinistang mga rehimen ang magsasabing may progresibo sa pagpunta ng isang bansa mula sa isang imperyalistang bloke tungo sa isa pa. Pero anumang teoritikal na rebisyon at mga pantasya ng Trotskyismo, Maoismo, et al, sa tunay na mundo ang kadena ng imperyalismo ay nanatiling hindi napuputol.
Hindi ibig sabihin na ang lokal na burgesya ay palaging simpleng tuta ng mga ‘Super Powers'. Ang lokal na burgesya ay may sariling mga interes at ang mga ito ay imperyalista din. Ang ekspansyon ng Israel sa mga teritoryong Arabo, pagsakop ng Hilagang Byetnam sa Timog at ang ekspansyon sa mga bahagi ng Cambodia, alitan ng India at Pakistan sa Kashmir at Bengal - lahat ng ito ay kinakailangan sa bakal na batas ng kapitalistang kompetisyon sa panahon ng imperyalistang pagkaagnas. Dagdag sa pagiging ahente sa malalaking imperyalismo sa pamamagitan ng pagtanggap ng tulong, payo, at armas, ang mga paksyon ng lokal na burgesya ay naging imperyalista sa panahon na makontrol na nila ang estado. Dahil walang bansa na maging ganap na umaasa-sa-sarili kundi sa pamamagitan ng pagpalawak sa kapinsalaan ng mas atrasadong mga bansa, kaya nagpapatupad ng mga patakaran ng pagsanib, hindi patas nga palitan, atbp. sa panahon ng dekadenteng kapitalismo, ang bawat bansa-estado ay isang imperyalistang kapangyarihan. Ganun pa man, nanatiling ang mga lokal na tunggaliang ito ay magaganap lamang sa loob ng pandaigdigang tunggalian ng mga pangunahing imperyalistang bloke. Ang mas maliit na mga bansa ay dapat sumunod sa mga kahilingan ng mayor na kapangyarihan para makuha ang kanilang tulong sa pagsusulong ng kanilang sariling lokal na mga interes. Sa ilang eksepsyunal na mga kaso, ang isang dati mahina na kapangyarihan ay maabot ang isang antas na konsiderableng mahalaga sa pandaigdigang imperyalistang . Ang Tsina, dahil sa kanyang laki at likas na yaman ay isang halimbawa, habang ang isang bansa gaya ng Saudia Arabia, para sa isang napakalimitadong panahon, ay isa ding halimbawa. Subalit hindi napahina ng paglitaw ng bagong mayor na imperyalista ang kontrol ng imperyalismo sa kabuuan. At maging ang huling mga halimbawa, ang pundamental na kompetisyon sa pagitan ng US at Rusya ay patuloy na nagdidikta sa pandaigdigang polisiya. Ang Tsina halimbawa, tumiwalag sa Rusya sa maagang bahagi ng dekada 60 at sa maiksing panahon nagtangkang isulong ang ‘umaasa-sa-sarili' na patakaran. Pero ang paglalim ng pandaigdigang krisis, na ang resulta ay napalakas ang dalawang pangunahing mga bloke, ang malakas na humatak sa Tsina na sumanib sa bloke ng US.
Lahat ng mga nangyayari sa matapos-ang-digmaan ay ganap na patunay na mali ang taktikang suportahan ang mga kilusan ng pambansang pagpapalaya para mapahina ang imperyalismo sa panahon ngayon. Sa halip na mapahina ang imperyalismo, ang mga kilusang ito ay nagsilbi lamang para mapahigpit ang kontrol nito sa daigdig, at para mobilisahin ang mga seksyon ng pandaigdigang proletaryado sa pagsisilbi sa iba't-ibang imperyalistang bloke.