Submitted by ICConline on
Sa maagang bahagi ng 1920s ang proletaryong reaksyon laban sa paghina ng Ikatlong Internasyunal ay pampulitikang pinahayag ng mga grupong tinawag na ‘ultra-kaliwa'. Kinundena ng Kaliwang Komunista ang Comintern sa paggamit ng mga taktika sa lumang panahon kung saan ang pangangailangan para sa kagyat na pag-agaw ng proletaryado sa kapangyarihan ang dahilan na lipas na at reaksyunaryo ang nasabing mga taktika. Nang ang rebolusyon ay nasa kagyat na agenda pa sa abanteng mga bansa sa Kanluran, ang pinakamahalagang pagtatalo sa pagitan ng Ikatlong Internasyunal at sa kanyang kaliwang kampo ay tungkol sa problema sa proletaryong diktadura sa mga bansang ito. Ang usapin sa unyonismo, sa relasyon ng partido at sa uri, sa parlyamentarismo at pakikipag-isang prente ay siyang naging mainit na mga isyu. Sa maraming usaping ito ipinatagtanggol ng mga Kaliwang Komunista ang isang matatag na kalinawan na mahirapang lagpasan ng kilusang komunista mula noon.
Kumpara sa mga isyung ito, ang pambansa at kolonyal na usapin ay hindi masyadong may kagyat na importansya, at sa pangkalahatan hindi malinaw sa mga Kaliwang Komunista ang problemang ito kagaya ng iba. Si Bordiga, sa partikular, ay patuloy na nagpahayag sa Leninistang tesis ng ‘progresibong' kolonyal na pag-aalsa na nakaugnay sa proletaryong rebolusyon sa abanteng mga bansa, ideya na mababaw na pinagtanggol ng karamihan sa ‘Bordisitang' mga disipulo ngayon. Ang Kaliwang Aleman ay mas malinaw kaysa kay Bordiga. Marami sa mga militante ng KAPD (Communist Workers' Party of Germany) ay patuloy na nagtatanggol sa Luxemburgistang posisyon sa kawalan ng posibilidad ng mga digmaan para sa pambansang kalayaan. Si Gorter, sa serye ng mga artikulong ‘Ang Pandaigdigang Rebolusyon', na inilathala sa English ng Kaliwang Komunistang pahayagan, The Workers' Dreadnought (February 9, 16, 23; March 1, 15, 29; May 10, 1924), ay inatake ang islogang Bolshevik sa pambansang sariling pagpapasya at inakusahan ang Ikatlong Internasyunal:
"Kayo ... Sinuportahan ang umuusbong na kapitalismo sa Asya: tinutulak ninyo na pagsamantalahan ang Asyatikong proletaryado sa kanilang lokal na kapitalismo."
Pero nagsasabi din si Gorter sa hindi maiwasan ang burges na mga rebolusyon sa atrasadong mga bansa at binigyang diin ang pag-agaw ng proletaryado sa kapangyarihan sa Alemanya, Britanya, at Hilagang Amerika. Hinggil sa maraming paninindigan ng KAPD sa pagtatanggol ng makauring posisyon, ang pagtakwil sa mga digmaan sa pambansang paglaya ay mas nakabatay sa buhay na makauring kalikasan kaysa malalim na teoritikal na pagsusuri sa pag-unlad ng kapital bilang isang panlipunang relasyon na pumasok sa panahon ng pagbulusok-pababa sa pandaigdigang saklaw. Ang katotohanan ay ang kalituhan sa rebolusyonaryong yugto ay humadlang sa mga rebolusyonaryo para magagap ang lahat ng mga implikasyon ng bagong yugto; kaso lang marami sa mga implikasyong ito ang hindi malinaw na naintindihan hanggang ang kontra-rebolusyon ay mahigpit ng humarang sa lahat ng mga bansa.
Sa kabiguan ng rebolusyonaryong alon sa 1917-23 at ang paggalaw ng kapital tungo sa bagong imperylistang redibisyon sa pandaigdigang pamilihan, napilitan ang mga rebolusyonaryo na malalim na magmuni-muni sa mga dahilan ng kabiguan at sa bagong pag-unlad ng kapitalismo. Ang tungkulin ng pagmuni-muni ay ginawa ng mga praksyon na nakaligtas sa pagkawatak-watak ng kilusang Kaliwang Komunista sa kalahati at huling bahagi ng dekada 20.
Ang mga natira sa pinatapon na Kaliwang Italyano na nasa rebyung Bilan ay nakagawa ng pinakamahalagang kontribusyon sa pag-unawa sa pagbulusok-pababa ng kapitalistang sistema, inilapat ang pagsusuri ni Luxemburg sa pagkatigmak ng pandaigdigang pamilihan sa kongkretong realidad ng bagong yugto at kinilala ang hindi maiwasang bagong imperyalistang digmaan maliban kung mapahinto ng interbensyon ng proletaryong rebolusyon.
Ang kabiguan ng proletaryadong Tsino, na para sa Bilan pinakamatalas na pinakita ang pangangailangang rebisahin ang dating kolonyal na mga taktika. Sa Shanghai sa 1927 ang mga manggagawa ay naglunsad ng isang matagumpay na insureksyon kung saan nakontrol nila ang buong syudad sa gitna ng isang sitwasyon ng paghihimagsik sa buong Tsina. Pero ang Partido Komunistang Tsino, na taimtim na sumusunod sa linya ng Comintern na suportahan ang ‘pambansa-demokratikong rebolusyon' laban sa imperyalismo, ay nauwi sa pagsuko ng mga manggagawa sa syudad sa umaabanteng hukbo ni Chiang Kai-Chek, na noon ay pinarangalan ng Moscow bilang bayani ng pambansang mapagpalayang Tsino. Sa tulong ng lokal na mga kapitalista at mga bandidong kriminal (at mainit na pinapalakpakan ng lahat ng mga imperyalistang kapangyarihan), dinurog ni Chiang ang mga manggagawa sa Shanghai sa pamamagitan ng malakihang masaker. Para sa Bilan ang mga pangyayaring ito ay nagpapatunay na:
"Ang Tesis ni Lenin sa Ikalawang Kongreso (ng Ikatlong Internasyunal) ay kailangang kompletuhin sa pamamagitan ng radikal na pagbabago sa laman nito. Ang mga Tesis na ito ay naniniwala sa posibilidad na suportahan ng proletaryado ang mga kilusang anti-imperyalista, hangga't bumubuo ito ng mga kondisyon para sa independyenteng proletaryong kilusan. Mula ngayon dapat kilalanin, pagkatapos ng karanasang ito, na ang lokal na proletaryado ay hindi magbibigay ng suporta sa mga kilusang ito: mapamunuan nito ang anti-imperyalistang pakikibaka kung ito mismo ay makipag-ugnayan sa internasyunal na proletaryado para magawa sa mga kolonyal ang isang paglukso tulad ng ginawa ng mga Bolsheviks na nagawang pamunuan ang proletaryado mula sa pyudal na rehimen tungong diktadura ng proletaryado." (‘Resolution on the International Situation', Bilan, no.16, February/March, 1935)
Na-realisa ng Bilan na ang kapitalistang kontra-rebolusyon ay pandaigdigan at ang mga kolonya tulad sa saan mang dako, ay susulong lamang ang kapital sa pamamagitan ng "korupsyon, karahasan at digmaan para pigilan ang tagumpay ng kaaway na isinilang mismo nito: ang proletaryado sa kolonyal na mga bansa" (‘Problems of the Far East", Bilan, no.11, September 1934).
Subalit mas mahalaga nito ay ang pangkalahatang pag-unawa ng Bilan na, sa konteksto ng isang mundong dominado ng imperyalistang kompetisyon at hindi mapigilang gumagalaw tungo sa panibagong pandaigdigang digmaan, ang mga pakikibaka sa mga kolonya ay magsilbing pagsubok para sa panibagong pandaigdigang pagliliyab. Kaya konsistent na tumanggi ang Bilan na suportahan ang alinmang panig sa lokal na anti-imperyalistang mga pakikibaka sa 1930s: sa Tsina, Ethiopia, at Espanya. Sa harap ng paghahanda ng burgesya para sa panibagong pandaigdigang digmaan, iginiit ng Bilan na:
"ang posisyon ng proletaryado sa bawat bansa ay kailangang buuin ng isang walang awang pakikibaka laban sa lahat ng pampulitikang mga posisyon na nagsikap itali ito sa adhikain ng isa o ibang imperyalistang grupo, o sa adhikain ng ganito o ganung kolonyal na bansa, isang adhikaing may tungkuling itago sa proletaryado ang tunay na katangian ng panibagong pandaigdigang masaker"
(‘Resolution on the International Situation', Bilan, no.16).
Halos nag-iisa kasama ng Kaliwang Italyano sa pagtangging matali sa imperyalistang nakamamatay na bitag sa dekada 30 ay ang Council Communists ng Holland, America, at sa iab pang dako. Sa 1935-6, sinulat ni Paul Mattick ang isang mataas na artikulong ‘Luxemburg vs. Lenin' (ang unang bahagi nito ay lumabas sa The Modern Monthly September 1935, ang ikalawa ay sa International Council Correspondence, vol.11, no.8, July 1936). Dito sinuportahan ni Mattick pang-ekonomiyang teorya ni Lenin laban sa teorya ni Luxemburg, pero matibay na pinagtanggol ang pampulitikang posisyon ni Luxemburg sa pambansang usapin laban kay Lenin.
Ang kritisismo ni Luxemburg sa pambansang patakaran ng mga Bolshevik, ayon sa kanya, ay diumano napatunayang mali. Sa panahong nakipagtalo si Luxemburg laban sa pambansang polisiya ng mga Bolshevik, ang pangunahing banta sa kapangyarihang Sobyet ay diumano galing sa atake-militar ng imperyalistang mga kapangyarihan: ang argumento ni Luxemburg ay ang pambansang patakaran ng mga Bolshevik ay direktang nagbubukas para pisikal na durugin ng mga imperyalista ang rebolusyon. Katunayan, nilabanan ng mga Bolshevik ang imperyalistang panghimasok at ang nagpapatuloy na polisiya ng Partido Komunistang Ruso na suportahan ang pambansang mga kilusan ay nakatulong para lalong mapalakas ang estadong Ruso, pero, tulad ng sinabi ni Mattick napakataas ng katumbas nito kung saan ang kritisismo ni Luxemburg sa huli ay napatunayang tama:
"Tiyak na iiral pa rin ang Bolshevistang Ruso; pero hindi na ito tulad ng dati, hindi bilang simula ng pandaigdigang rebolusyon, kundi bilang balwarte laban dito" (Paul Mattick, The Modern Monthly).
Nagpatuloy ang estadong Ruso, pero sa batayan lamang ng kapitalismo ng estado; lumitaw ang kontra-rebolusyon mula sa loob hindi sa labas. Para sa internasyunal na rebolusyonaryong kilusan ang ‘taktika' ng pagsuporta sa mga digmaan para sa pambansang pagpapalaya na ginamit ng Ikatlong Internasyunal ay naging madugong armas laban sa uring manggagawa:
"Ang ‘napalayang' mga bansa ay bumuo ng pasistang grupo palibot sa Rusya. Ang ‘napalayang' Turkey ay pinagbabaril ang mga komunista sa mga armas na binigay sa kanya ng Rusya. Ang Tsina, ang kanyang pambansang pakikibaka ay sinuportahan ng Rusya at ng Ikatlong Internasyunal para sa kalayaan, sinakal ang kanyang kilusang paggawa sa paraang magunita sa Komyun ng Paris. Libu-lbong bangkay ng mga manggagawa ang testimonya sa kawastuhan ng pananaw ni Rosa Luxemburg na ang katagang karapatan sa sariling pagpapasya ng mga bansa ay walang iba kundi peti-burges na panlilinlang". Ang antas ng "pakikibaka para sa pambasang kalayaan ay isang pakikibaka para sa demokrasya" (Lenin) ay tiyak na nahubaran sa makabayang adbenturismo ng Ikatlong Internasyunal sa Alemanya, adbenturismo na nag-ambag sa mga kondisyon para sa tagumpay ng pasismo. Ang sampung taong kompetisyon kay Hitler para sa titulong tunay na nasyunalismo ang mismong dahilan na naging pasista ang mga manggagawa. At nagdiwang ang Litvinov sa Liga ng mga Bansa sa tagumpay ng Leninistang ideya sa sariling pagpapasya ng mga mamamayan sa okasyon ng plebisito sa Saar. Totoo, sa ganitong pangyayari, talagang nakapagtataka ang mga taong tulad ni Max Shachtman na hanggang ngayon ay nagawa pang magsalita na: ‘Kahit pa sa matalas na kritisismo na binato ni Rosa sa mga Bolshevik sa kanilang pambansang patakaran matapos ang rebolusyon, subalit kinumpirma ng mga resulta ang huli'." (Mattick, The Modern Monthly. The quote by Shachtman appeared in The New International, March 1935.)
Ang tanging bagay na ‘nakumpirma ng mga resulta' ay ang kawastuhan ng mga Luxemburgista at ng mga Kaliwang Komunista sa pagtutol sa lumang Leninistang posisyon. Tulad ng prediskyon kapwa ng Bilan at ni Mattick, ang pambansang mga pakikibaka sa dekada 30 ay talagang nagpatunay na ito mismo ay preparasyon para sa panibagong pandaigdigang imperyalistang digmaan; isang digmaan kung saan ang Rusya tulad ng kanilang prediksyon, sumali bilang ‘pantay na kakutsaba' sa masaker. Ang mga nanawagan sa proletaryado na kumampi sa iba't-ibang makabayang gera sa dekada 30 ay ngayon walang alinlangang sumali sa ikalawang digmaang pandaigdig. Ang mga Trotskyista, na nanawagan sa mga manggagawa na suportahan si Chiang laban sa Hapon, sa Republika laban kay Franco, atbp, ay nagpatuloy sa kanilang anti-pasista at maka-pambansang pagpapalayang pananalita sa buong takbo ng imperyalistang kaguluhan, at nagdagdag ng bagong porma ng pambansang pagtatanggol sa pamamagitan ng kahilingang suportahan ang ‘nanghihinang estado ng manggagawa'. Syempre lahat ng ‘pagtatanggol' na ito ay maipatupad lamang sa pamamagitan ng pagbibigay suporta, kahit pa ‘kritikal', sa ‘demoktratikong' imperyalismo.
Masaklap na pinakita ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang kalinawan gaano ka imposible para sa mga kilusan ng ‘pambansang pagpapalaya' laban sa isang imperyalismo ng hindi sila makipag-alyado sa iba. Ang ‘dakilang anti-pasistang paglaban' sa Italya at Pransya at sa iba pang dako, mga partisano ni Tito, mga ‘popular' na hukbo nila Ho Chi Minh at Mao Tse Tung - lahat ng ito at iba pa ay kumikilos bilang mahalagang sanga sa mayor na Allied imperialisms laban sa imperyalismong Alemanya, Italya, at Hapon. At lahat sila sa panahon ng digmaan at agad pagkatapos ay pinakita ang kanilang marahas na anti-manggagawang katangian ng manawagan sa mga manggagawa na patayin ang isa't-isa, ng tumulong na wasakin ang mga welga at pag-alsa ng manggagawa, ng tugisin ang mga militanteng komunista. Sa Byetnam, tinulungan ni Ho ang mga ‘dayuhang imperyalista' sa pagwasak sa komyun ng mga manggagawa sa Saigon sa 1945. Sa 1948, nagmartsa si Mao patungo sa mga syudad ng Tsina, nag-atas na ang trabaho ay normal na magpatuloy, at pinagbawal ang welga. Sa Pransya, kinundena ng Stalinistang Maquis bilang mga ‘pasistang kolaboreytor' ang iilang mga internasyunalistang komunista na aktibo sa buong okupasyon at sa ‘Kalayaan' na nanawagan sa uring manggagawa na labanan ang dalawang bloke. At pagkatapos agad ng digmaan, ang mga ‘rebolusyonaryong' Maquis pa rin ang sumama sa gobyernong De Gaulle at kinundena ang mga welga bilang "sandata ng mga kartel".