Submitted by Internasyonalismo on
Mula ng pumasok ang pandaigdigang kapitalismo sa kanyang dekadenteng yugto at nangingibabaw na ang tendensya ng kapitalismo ng estado sa halos lahat ng mga bansa, ang mga unyon na dati organisasyon ng uring laban sa kapital noong 19 siglo ay ganap ng naging instrumento ng kapitalistang estado laban sa interes ng proletaryado.
Wala ng mas malinaw na patunay nito kundi ang paglahok ng mga unyon at pagtulak ng mga ito sa masang manggagawa na magpatayan sa dalawang imperyalistang pandaigdigang digmaan na kumitil ng mahigit 100 milyong buhay.
Sa kasalukuyan, ang mga unyon ay ginamit ng magkabilang kampo ng
naghaharing uri (Kanan at Kaliwa, administrasyon at oposisyon) upang
hatiin at ilihis ang mga manggagawa sa rebolusyonaryong landas.
Magmula
ng umusbong ang unyonismo sa Pilipinas, maraming mga ehemplo na maari
nating ihapag kung paanong sinabotahe nito ang pakikibaka ng uri para
ibagsak ang kapitalistang gobyerno. Ang pinakamaliwanag nito sa
kasaysayan ay ang linyang “tunay, palaban, makabayang unyonismo” na
sinisigaw ng Kaliwa. Wala itong ibig sabihin kundi igapos ang masang
proletaryo sa kadena ng nasyunalismo at pakikipag-alyansa sa pambansang
burgesya.
Nitong nakaraang mga araw, nalathala sa Manila Indymedia at sa mga lokal na pahayagan ng Cebu ang pakikibaka ng mga manggagawa sa Giardini del Sole, isang Italian-owned furniture-export industry. Ang isyu ay ang temporary shutdown ng kompanya dahil sa pandaigdigang krisis pinansyal.
Nagbunyi ang Partido ng Manggagawa (PM) sa sinasabi nitong “tagumpay” ng mga manggagawa sa kanilang laban sa “pamumuno” ng unyon na kasapi nito.
Ano ba ang sinabi ng Kaliwa at ng unyon na “tagumpay” ng mga manggagawa sa Giardini del Sole?
1. Ang unyon ay naging partner ng DOLE at management para pag-usapan kung paano ipatupad ang rotation work. Ibig sabihin, kung paano ipatupad ang pagbawas ng araw-pagtrabaho ng mga manggagawa!
2. Ang pakikipag-usap ng unyon sa kapitalista kung paano magtulungan para itayo ang isang “kooperatiba” ng manggagawa na siyang magpapatakbo ng kompanya. Sa madaling sabi, “workers’ control” o “self-management”.
Sa pangkalahatan, hindi lang ang PM ang may ganitong repormistang linya. Lahat ng mga Kaliwang organisasyon na karibal ng PM ay ganito din ang takbo ng utak: “workers’ control”, bail-out ng kapitalistang estado sa uring manggagawa.
Kabiguan ng pakikibaka ng mga mangagawa sa Giardini
Hindi totoong tagumpay ang nalasap ng mga manggagawa sa Giardini kundi MALAKING KABIGUAN AT PAGKATALO.
1. Ang rotation work o pagbawas ng oras-trabaho ay walang ibig sabihin kundi tinanggap ng mga manggagawa na mabawasan ang kanilang kita. Wala itong ibig sabihin kundi ibayong paghihirap ng masang matagal ng pinagsamantalahan at inaapi ng kapitalista. Kulang na kulang na nga ang sahod nila noong 6 na araw kada linggo at 8 oras kada araw ang kanilang trabaho, mas lalupa itong kukulangin sa pang-araw-araw na gastusin ngayon dahil rotation work na nga! Nasaan ngayon ang “tagumpay” na sinasabi ng Kaliwa at ng unyon?
Ang kagyat na hinihingi ng mga manggagawa ay permanenteng trabaho at sapat na sweldo para mabuhay na disente sa ilalim ng kapitalismo hindi rotation work o contractual work!
Kung ang palusot naman ng Kaliwa ay “buti na lang ang rotation work kaysa tuluyan ng mawalan ng trabaho”, wala itong kaibahan sa hibang na argumento na “mabuti na ang alipin basta walang makakain”.
2. Ang “workers’ control” ay walang ibig sabihin kundi pagsamantalahan ng mga manggagawa ang kanilang sarili dahil sa hungkag na katuwirang “amin ang pabrika at responsibilidad namin na paunlarin ito”. Huridikal lamang na pag-aari ng mga manggagawa ang pabrika pero malinaw ang katotohanan na kapitalistang mga relasyon ang iiral para mapatakbo at “uunlad” ang “pabrika ng manggagawa”. Para “uunlad”, kailangang tutubo ang pabrika. Ang tubo sa kapitalismo ay makukuha lamang sa pagsasamantala sa mga manggagawa!
Katunayan, nagpahiwatig na ang PM at unyon na hihingi ng tulong sa kapitalistang gobyerno para magkaroon ng puhunan kung sakaling papayag sila sa “kooperatiba ng manggagawa”.
Maraming ehemplo na ng “workers’ control” at “self-management” sa iba’t-ibang bansa na pumalpak. Pumalpak dahil sa maigting na kompetisyon sa pagitan ng mga kapitalista at kakulangan ng puhunan na bunga na rin sa kompetisyon. Kung meron mang iilang “umunlad”, ito ay dahil sa maksimisadong pagsasamantala sa mga manggagawang “may-ari” ng pabrika.
Walang ibang solusyon kundi ibagsak ang kapitalismo
Kailangang maintindihan ng mga manggagawa sa Giardini na TALO ang kanilang pakikibaka. Kung napilitan man silang tanggapin ang kanilang kasalukuyang kalagayan hindi dahil sa ito ay “tagumpay” gaya ng panlilinlang ng PM at ng unyon kundi dahil HINDI SAPAT ANG KANILANG LAKAS upang labanan ang uring kapitalista at ang estado. Hindi sapat dahil sila lang ang nakibaka habang ang ibang mga manggagawa sa ibang pabrika ay hindi pa.
Upang manalo sa pakikibaka, kailangang lalahukan ito ng maraming
pabrika; hindi lang ng ilang daang manggagawa kundi ng libu-libo o daang
libong manggagawa. Upang lubusang manalo sa laban, kailangang ibagsak
ng uring manggagawa ang kapitalistang gobyerno at ang sistemang
kapitalismo.
Kung nais ng mga manggagawa na manalo, kailangan nilang
itakwil ang pamumuno ng mga unyon at hawakan ang laban sa sariling mga
kamay sa pamamagitan ng mga asembliya nila hindi lang sa antas pabrika
kundi sa antas syudad hanggang pambansa. Kung nais ng mga manggagawa na
ganap na magtagumpay laban sa kapitalismo, kailangan nila ang suporta ng
mga kapatid na manggagawa sa buong mundo hindi ng kapitalistang
gobyerno o ng mga politiko.
Kailangang tanggapin ng mga manggagawa ang katotohanan na pinagkanulo sila ng “kanilang” unyon dahil sa simula pa lang, ang unyon ay hindi naman organisasyon nila kundi instrumento ng kapitalistang estado sa hanay nila. Ang papel ng unyon sa panahon ng dekadenteng kapitalismo ay ilihis ang pakikibaka ng uri.
Wala ng kapasidad pa ang kapitalismo ngayon na bigyan ng disenteng pamumuhay ang proletaryado. Nabubuhay ang kapitalismo sa kasalukuyan sa pamamagitan ng ibayong pagsasamantala at pagpapahirap sa masang anakpawis. Wala ng ibang paraan para makalaya mula sa pang-aalipin kundi ang ibagsak ang kapitalistang gobyerno at agawin ng manggagawa ang kapangyarihan.
Sana maging aral sa ibang mga manggagawa ang pagkatalo ng mga
manggagawa sa Giardini dahil sa unyonismo.