Submitted by Internasyonalismo on
Digmaan o rebolusyon. Barbarismo o sosyalismo. Ito ngayon ang tanging pagpipilian ng internasyunal na kilusang manggagawa.
Dahil pinili namin ang rebolusyon at sosyalismo, kami sa grupong Internasyonalismo sa Pilipinas ay pumaloob sa IKT. Para maging realidad ang pandaigdigang proletaryong rebolusyon at makamit ang komunismo , kailangang may organisasyon ang mga komunista na pandaigdigan ang saklaw at antas. Higit sa lahat, isang organisasyon na may malinaw na marxistang plataporma.
Dumaan kami sa mahabang proseso ng seryoso at kolektibong teoretikal na klaripikasyon batay mismo sa karanasan ng internasyunal na kilusang manggagawa at sa karanasan din namin sa Pilipinas bilang mga militante sa loob ng kilusang proletaryo. Hindi ito naging madali sa amin laluna sa Pilipinas ay walang anumang impluwensya ng kaliwang-komunismo sa loob ng mahigit 80 taon. Sa loob ng halos isang siglo, sinalaksak sa aming mga utak at sa buong hanay ng kilusang paggawa na ang Stalinismo-Maoismo ang "teorya ng komunismo".
Para sa amin, pinakamahalaga ang teoretikal na klaripikasyon at diskusyon para sa pag-oorganisa ng mga rebolusyonaryo. Walang saysay ang dami ng isang organisasyon kung hindi ito nakabatay sa malinaw at matatag na teoretikal na pundasyon mula sa mahigit 200 taong karanasan ng proletaryado sa buong mundo.
Isang igpaw para sa mga rebolusyonaryong minorya ang maunawaan ang teorya ng dekadenteng kapitalismo para matatag na panghawakan ang buhay na marxismo sa panahon ng imperyalismo. Ang teorya ng dekadenteng kapitalismo ang pundasyon para makumbinsi kami na ang IKT ang may pinakawasto at pinakamatatag na marxistang plataporma na umaayon sa aktwal na ebolusyon ng kapitalismo at pagsusuma sa mga aral ng praktika ng internasyunal na proletaryado sa loob ng mahigit dalawang siglo.
Subalit, hindi patay ang plataporma ng IKT. Ito ay buhay na plataporma na sinusubukan sa aktwal at dinamikong pakikibaka ng uri at ebolusyon ng kapitalismo. Kaya naman napakahalaga ng tuloy-tuloy at malawakang internal na debate hindi lang sa loob ng IKT kundi sa proletaryong kampo sa pangkalahatan. Nakita namin kung paano ito pinanghawakan at isinapraktika ng IKT.
Maaring hindi pa kasinglalim ang aming pagkaunawa sa kaliwang-komunismo kumpara sa aming mga kasamahan sa Uropa kung saan naroon ang pinakamatagal at pinakamayamang karanasan ng uri. Pero may tiwala kami na sapat na ang naabot naming teoretikal na klaripikasyon para pumaloob sa isang internasyunal na komunistang organisasyon.
Bilang bagong seksyon ng isang nagkakaisa at sentralisadong internasyunal na organisasyon - IKT - magiging mas organisado, sentralisado at malawak ang tuloy-tuloy at buhay na mga debate at diskusyon ng mga komunista para suriin at aralin ang mga mahahalagang usapin ng pagsusulong ng pandaigdigang komunistang rebolusyon. Higit sa lahat, mas maging epektibo ang interbensyon ng rebolusyonaryong minorya sa pakikibaka ng aming uri.
Alam namin na malaking risgo ang aming haharapin sa Pilipinas dahil sa aming paninindigan para sa internasyunalismo at komunistang rebolusyon. Kapwa ang Kanan at Kaliwa ng burgesya sa Pilipinas, na may sariling armadong organisasyon, ay namumuhi sa mga marxistang rebolusyonaryo dahil hadlang kami sa kanilang mga mistipikasyon para iligaw ang pakikibaka ng manggagawang Pilipino palayo sa internasyunal na proletaryong rebolusyon. Lahat ng paksyon ng burgesyang Pilipino ay mortal na kaaway ang mga kaliwang-komunista.
Ito ngayon ang hamon ng mga internasyunalistang-komunista sa Pilipinas: pangingibawan ang mga balakid at ituloy-tuloy ang teoretikal na klaripikasyon, interbensyon sa pakikibaka ng manggagawa sa Pilipinas at pakikipag-ugnayan sa mga kapatid na komunista sa ibang bansa laluna sa Asya.
Nais din naming ipaabot ang buong pusong pagbati sa mga kasamahan sa Turkey (EKS) sa kanilang pagpasok sa IKT bilang bagong seksyon sa naturang bansa. Ang pagkakabuo ng bagong dalawang seksyon ng IKT sa Pilipinas at Turkey sa panahon na nakaranas ngayon ng pinakamatinding krisis ang sistema at malawakang lumalaban ang uring manggagawa ay kongkretong indikasyon ng pagdami ng mga elemento at grupong naghahanap ng rebolusyonaryong alternatiba sa dekadente at naaagnas na kapitalismo sa iba't-ibang panig ng mundo; mga elementong namumulat sa mga panlilinlang at mistipikasyon ng nasyunalismo, demokrasya, parlyamentarismo at unyonismo.
INTERNASYONALISMO
Pebrero 13, 2009