Submitted by Internasyonalismo on
Umatras diumano si Gloria at ang tuta niya na kongreso sa garapalang con-ass nila. Natakot diumano si GMA-JDV sa pagtutol ng CBCP at El Shaddai. Ayon pa sa propaganda ng mga Kaliwa sa media : ITO AY TAGUMPAY NG KILUSANG MASA.
Suriin natin ng mabuti ang mga pangyayari mula sa teleskopyo ng Marxismo.
Nagkakaisa ang buong uring kapitalista na kailangang isalba ang naghihingalong sistema. At ang tanging paraan na nakikita nila ay pahigpitin ang kontrol ng estado sa buhay panlipunan. Ito ang nagyayari ngayon sa mga bansa sa buong mundo laluna na sa mga malalaking imperyalistang bansa gaya ng USA, France, Britain at gayundin sa China, Vietnam, Venezuela at iba pang bansa sa Latin America kung saan nanalo sa burges na eleksyon ang mga Kaliwang kandidato.
Sa panahon ng dekadenteng kapitalismo, ang tanging solusyong nakikita ng uring kapitalista ay ang lubusang sentralisasyon ng lahat ng kapangyarihan sa estado — sa anyo ng pasismo o demokrasya. Isang awtoritaryan na estado. Solusyon na napatunayan ng bangkarota at hindi nakapigil sa tuloy-tuloy na pagbulusok ng kapitalismo. Ang Stalinismo (kapitalismo ng estado na nagbalatkayong "sosyalismo") ang "pinakamagandang modelo" ng sentralisasyon ng estado sa panahon ng dekadenteng yugto ng mapagsamantalang sistema.
Ganito din ang ginagawa ng burgesya sa Pilipinas. Ang pagbabago sa Konstitusyon ay nagsisilbi sa pagsisikap na isalba sa bulok na sistema. Kaya lang, may iba pang layunin ang paksyong Arroyo : pahigpitin ang hawak ng kanyang paksyon sa kapangyarihan at ilagay sa segundaryo kundiman hindi bibigyan ng posisyon ang mga karibal na paksyon.
Nagkabuhol-buhol lang ang ganitong layunin dahil hindi nagkaisa ang Kanan at Kaliwa ng burgesya kung paano ito gagawin at kung saang direksyon ito dadalhin. Ang paksyong anti-GMA ay ayaw sumayaw sa chacha ni Gloria dahil siguradong malagay lamang sila sa segundaryong posisyon. Ang Kaliwa naman ay tutol dahil pinuproteksyunan nila ang pambansang kapitalismo na sa tingin nila ay dudurugin diumano ng dayuhang kapitalismo sa chacha ni GMA.
Ang argumento ng Kaliwa na nag-aastang progresibo ay walang kaibahan sa mga argumento ng Kanan. Ang resulta tuloy ay nahatak ang kaliwa sa burges na linya sa usaping chacha : NO CHACHA UNDER GLORIA. Kaya may "malawak" na pagkakaisa ang Kaliwa at Kanan laban sa chacha ni Gloria.
Ang linyang NO CHACHA UNDER GLORIA ay nagpapahiwatig na sang-ayon ang Kaliwa sa chacha kahit pa ang kabilang paksyon ng kapitalistang uri ang hahawak ng kapangyarihan basta huwag lang si GMA.
Kaya naman hindi nakumbinsi ng nagkakaisang Kaliwa at Kanan ang daang libo o milyong manggagawa na matagal ng nasusuklam hindi lang kay Gloria kundi mismong sa kapitalismo na bumuhos sa kalsada. Kahit sabihin pa ng iba na "napapagod" o "nawawalan na ng pag-asa" ang masa sa kakamartsa sa kalsada, ay hindi pa rin maitago ang paglitaw ng makauring tindig ng manggagawa na natutunan nito sa nagdaang dalawang "Edsa People Power Revolution" : isang malaking pagkakamali na sumama sa mga kilos-protesta laban kay Gloria na kasama at pinangungunahan ng isang paksyon ng burgesya. Ang aral na ito ang binabalewala ng Kaliwa sa Pilipinas.
Hindi rin simpleng pagbabago sa Konstitusyon ang nais ng uring manggagawa kundi ang pagbabago sa bulok na sistema mismo na hindi makukuha sa pamamagitan ng con-ass o concon kundi sa pamamagitan ng proletaryong rebolusyon na dudurog sa burges na estado.
Naghahanap ng alternatiba ang manggagawang Pilipino. Alternatiba na hindi nila makikita sa Kanan at Kaliwa ng burgesya.
Sosyalistang Rebolusyon Hindi Pagbabago sa Burges na Konstitusyon
Con-ass o Concon. Sa ilalim ni GMA o sa ibang paksyon ng naghaharing uri. Ang ganitong linya ay nagbibigay lamang ilusyon sa uring manggagawa na may pag-asa pa na magbabago ang buhay nila ilalim sa dekadenteng kapitalismo.
Walang kapasidad ang Kaliwa sa Pilipinas na ituro ang tamang landas sa uri dahil unang-una na, ay hindi naman sila kumikilos sa balangkas ng makauring pakikibaka kundi sa balangkas ng burges na nasyonalismo at demokrasya. Kahit pa nag-aaway ang Kaliwa : Maoismo laban sa "Leninismo" o iba pang "ismo" gaya ng Trotskyismo at Anarkismo, ay pare-pareha lang silang lahat na naniniwala na posible pa ang burges na rebolusyon sa dekadenteng kapitalismo.
Matagal ng pinasinungalingan ng Marxismo at sa karanasan ng internasyonal na pakikibaka ng manggagawa simula 1914 ang do0gmatismo at Stalinismo ng Kaliwa. Isama na natin ang peti-burges na ideolohiya ng mga Anarkista laban sa kapitalismo.
Sosyalistang rebolusyon at pagdurog sa kapitalismo sa pandaigdigang sakjlaw ang tanging solusyon. At ang tanging uri na rebolusyonaryo at progresibo sa panahon ngayon ay ang uring manggagawa lamang. Ang porma ng organisasyon ng manggagawa para durugin ang kapitalismo ay ang mga konseho ng manggagawa at mga asembliya nito. Sa ganitong mga organisasyon lamang maipakita ng uri ang kanyang independyenteng paglaban para sa kanyang sariling interes.
Ang usapin ng Con-ass o Concon ay isang patibong sa uring manggagawa para ilihis sila sa tamang daan tungo sa pagbabago ng sistema. Walang magbabago sa api at pinagsamantalahang kalagayan ng uri sa ilalim ng 1987 Konstitusyon, GMA Konstitusyon o anumang Konstitusyon habang isang burges na kaayusan ang nangingibabaw sa lipunan. Nakikita na ito ng masang manggagawa. Ang kailangan na lang ay sistematiko itong ipaliwanag ng isang proletaryong partido sa harap mismo ng masa. Wala sa alin man sa mga grupo o partido ng Kaliwa sa Pilipinas ang tumindig sa proletaryong linya. (Tess, 12/20/2006)