Sa ikalawang kalahati ng 2025, ilang mga bansa sa Asya, Aprika at Latin America, kung saan ang lalim ng pandaigdigang krisis sa ekonomiya ay nangangahulugan na ang kahirapan ay matindi at laganap, ay tinamaan ng mga popular na pag-aalsa. Nagsimula ang mga protesta sa Indonesia noong Agosto na sinundan ng Nepal at Pilipinas noong Setyembre. Pagkatapos ay kumalat sila sa mga bansa mula sa Latin America (Peru), hanggang sa Africa (Morocco, Madagascar, at Tanzania). Sa kabuuan, walong pag-aalsa sa loob lamang ng ilang buwan. Ang galit ay pinalakas ng mga isyu tulad ng kawalan ng pagkakapantay-pantay, katiwalian at kawalan ng pananagutan sa mga bansang tinamaan nang husto ng instabilidad ng ekonomiya ng pandaigdigang kapitalismo. Sinamantala ng mainstream media ang mga protestang ito, na sinasabing ang mga kabataan, na tinatawag na Gen Z[1], ay nakatakdang baguhin ang mundo. Ngunit ang gayong mga pag-aalsa ay magdudulot ba ng tunay na pagbabago sa isang mundo na bumubulusok tungo sa sa barbarismo?
Ang tatlong bansang pinagtutuunan ng artikulong ito ay nahaharap sa malalim na kahirapan sa ekonomiya. Ang Nepal ay isa sa pinakamahirap na bansa sa mundo at sinasalot ng mataas na inflation, kawalan ng trabaho, at mababang pamumuhunan. Ang ekonomiya ay nananatiling lumalago pangunahin dahil sa mga remittance na ipinadala ng daan-daang libong kabataan na nagtatrabaho sa ibang bansa. Ang ekonomiya ng Indonesia ay nasa matinding presyur, na may mga indikasyon na ang bansa ay malapit na sa isang financial breaking point na magdudulot ng malawakang tanggalan sa sektor ng industriya at mga sambahayan na nahaharap sa isang malupit na krisis sa gastos ng pamumuhay. Ang populasyon ng Pilipinas ay nakikipagpunyagi sa talamak na antas ng kahirapan, malaking hindi pagkakapantay-pantay ng kita, kawalan ng trabaho, at nagbabantang krisis sa pagkain.
Sa lahat ng tatlong bansa, tumataas ang bilang ng mga kabataan. Sa Pilipinas halos 30 porsiyento ng populasyon ay wala pang 30 taong gulang; sa Indonesia humigit-kumulang kalahati ng kabuuang populasyon na 270 milyon at sa Nepal higit pa sa kalahati ng kabuuang populasyon na 30 milyon ay nasa ilalim din ng 30. Sa Indonesia ang mga kabataang walang trabaho ay higit sa 15 porsyento, sa Nepal higit sa 20 porsyento. Para sa malaking bahagi ng mga kabataan ang kinabukasan ay lubhang madilim. Isa ito sa mga pangunahing paliwanag bakit maraming mga kabataan ang lumahok sa mga popular na pag-aalsa.
Lahat ng tatlong bansa ay sinasalot din ng mataas na antas ng katiwalian sa kabila ng pagpasa ng komprehensibong batas laban sa katiwalian. Ang mga senior civil servants, politiko at business manager ay regular na kinakasuhan ng mga paglabag sa katiwalian. Ngunit hindi kailanman nabawasan ang katiwalian. Sa "Transparency International's 2024 Corruption Perceptions Index" ang tatlong bansa ay nasa ranggo pa rin sa mga pinaka-corrupt: ang Indonesia ay nasa ika-99, ang Nepal ay ika-107 at ang Pilipinas ay ika-114 sa 180 mga bansa. Sa mga protesta sa Nepal, Indonesia, at Pilipinas, isa sa mga pangunahing isyu ang patuloy na katiwalian ng naghaharing pangkatin.
Sa Indonesia, ang mga protesta noong Agosto 25 ay simindihan ng anunsyo na ang mga miyembro ng parlyamento ay bibigyan ng allowance sa pabahay na 50 milyong rupiah bawat buwan. Ang anunsyo na ito ay ginawa laban sa background ng malawakang tanggalan ng higit sa 80,000 manggagawa, ng pagtaas ng higit sa 100% sa buwis sa ari-arian, pati na rin ang mga pagbawas sa mga gastusin ng estado, na may pinakamalalim na pagbawas na naramdaman sa edukasyon, pampublikong imprastruktura at pangangalagang pangkalusugan. Sa paglawak ng protesta, sinubukan ng Coalition of Labor Unions (KSPI) na kontrolin ang sitwasyon sa pamamagitan ng pangkalahatang welga noong Agosto 28, na naghain ng mga kahilingang pang-ekonomiya tulad ng pagtataas ng pambansang minimum na sahod, pag-aalis ng outsourcing, pagtigil sa mga redundancy, pagreporma ng mga buwis sa paggawa, kabilang ang pagbabago ng mga batas na idinisenyo upang pigilan ang katiwalian. Gayunpaman, noong Agosto 29, isang courier ang napatay ng isang sasakyan ng pulis, na nagpaalab sa sitwasyon, na nagpakawala ng mga kaguluhan sa loob ng isang linggo sa buong bansa. Sa takbo ng mga kaguluhang ito dose-dosenang opisyal at pribadong gusali ang nasunog at mahigit 2000 katao ang naaresto.
Sa Nepal, ang kagyat na nagsindi ng mga protesta ay ang pagbabawal ng gobyerno sa 26 na social media platform noong Setyembre 4. Ang pagharang sa social media ay nakita bilang isang pagtatangka na protektahan mula sa pananagutan ang katiwalian ng mga elite sa politika. Ang mga banner at placard sa mga protesta ay tungkol sa mga isyu tulad ng nepotismo, korapsyon, kultura ng impunity. Para sa isang henerasyong nakikibaka sa kawalan ng trabaho, inflation, at pagkadismaya sa mga tradisyonal na partido, ang nepotismo at katiwalian ay kumakatawan sa personipikasyon ng isang nabigong sistema. Lumawak ang mga protesta nang magsimulang gumamit ng mga live ammunition ang riot police noong Setyembre 8 at 9, na ikinamatay ng mahigit 70 nagpoprotesta at ikinasugat ng mahigit 2000. Pagkatapos nito, ang mga reaksyon ng mga kabataan ay naging lantarang marahas, na nagsagawa ng panununog at pagnanakaw, na sinunog ang gusali ng parlyamento, at hinabol at binugbog ang mga pulitiko at sinunog ang kanilang mga bahay.
Sa Pilipinas, ang mga protesta ay sinindihan ng isang iskandalo ng korapsyon na may kaugnayan sa mga programa para sa pagkontrol ng baha. Isang imbestigasyon sa libu-libong proyekto ang nagsiwalat na marami sa mga ito ay hindi pa natatapos at ang iba ay hindi pa nga umiiral. Sa kabila ng taunang pagtaas ng mga badyet para sa pagkontrol ng baha, daan-daang komunidad ang patuloy na walang proteksyon mula sa pagtaas ng tubig. Naglunsad ang estado ng Pilipinas ng agarang imbestigasyon upang matuklasan ang lawak ng korapsyon ng mga opisyal ng estado at mga pulitiko sa mga proyektong ito. Samantala, lalong tumindi ang galit nang kumalat sa social media ang mga larawan at video ng marangyang pamumuhay ng mga anak ng mga pulitiko at mayayamang pamilya, na kilala bilang "nepo babies". Ang lahat ng ito ay nagdulot ng mga protesta laban sa korapsyon noong ika-21 ng Setyembre nang sa Manila lamang, 150,000 katao ang lumbas sa mga lansangan. Ang mobilisasyong ito ay tinawag sa ilalim ng islogan na “Kung walang korap, walang mahirap”. Noong Nobyembre 16, sinundan ito ng isa pang malawakang pagkilos ng mahigit kalahating milyong tao.
Ang tatlong bansang ito ay tinatamaan ng mga epekto ng maraming krisis. Sa Pilipinas, halimbawa, ang regular na nagaganap na matinding lagay ng panahon ay kaakibat ng instabilidad ng ekonomiya, ng umuunlad na krisis sa pagkain at ang matagal na epekto ng pandemya ng COVID-19. Ang pinagsama-samang epekto ng mga krisis na ito ay nagpapalala sa kanila kaysa sa kabuuan ng kanilang mga bahagi, kung saan ang pinakamahihirap na sektor ng uring manggagawa ang pinakamalaking biktima. At bawat taon ang mga epekto ng pagkaagnas ng kapitalismo ay may mas malaking epekto sa pang-araw-araw na buhay sa mga bansang ito.
Taliwas sa pananaw ng mga nagprotesta, ang maling pamamalakad ng estado o ang katiwalian ng politikong ito o ng paksyon ng burges na iyon, na gayunpaman ay totoong-totoo, ay sintomas lamang ng pagkabulok ng buong sistemang kapitalista na nakakaapekto rin sa ekonomiya. Ang pagdurusa at paghihirap sa mga bansang ito ay saligan dahil sa kapitalistang ekonomiya na nasa walang katulad na pinakamalalim na krisis at nagsasakripisyo ng higit at maraming bahagi ng populasyon ng mundo sa pagtatangkang patagalin ang paghihingalo nito. Ang makasaysayang krisis ng kapitalismo ay nagreresulta sa isang ganap na kawalan ng isang epektibong perspektiba para sa masa ng populasyon at lalo na para sa milyun-milyong kabataan na dumaranas ng malawakang kawalan ng trabaho.
Ang mga popular na pag-aalsa ay walang ispisipikong makauring katangian at sa kahulugan ay magkakaiba. Wala silang kakayahang bumuo ng anumang perspektiba maliban sa ilusyon ng eliminasyon ng mga likas na pang-aabuso ng pambansang estado. Ang mga popular na pag-aalsa ay hindi direktang naglalayon laban sa burges na estado kundi laban lamang sa mga negatibong epekto ng paghahari nito sa lipunan. Kapag ang mga kahilingan ng mga popular na protesta ay hindi kaagad o kasiya-siyang natutugunan, karahasan ang likas na tugon. Sa ganitong diwa ang mga ito ay dramatikong ekspresyon kung paano ang kawalan ng kapangyarihan at desperasyon ay maaaring maging bulag na galit.
Ngunit ang mga komprontasyon sa mga mapanupil na pwersa, ang pag-okupa sa mga gusali ng gobyerno, ang paghabol sa mga miyembro ng gobyerno at maging ang malawakang partisipasyon ng mga manggagawa sa mga pagkilos na ito ay hindi nagbibigay sa mga pag-aalsang ito ng isang potensyal na rebolusyonaryong katangian, anuman ang nais ng dulong-kaliwa ng kapital na paniwalaan natin.[2] [1]
Sa Indonesia, namumuo ang diskontento sa loob ng maraming buwan at nang tumanggi ang pangulo na gumawa ng anumang konsesyon sa mga hinihingi noong Agosto 28, sapat na ang isang maliit na kislap upang mag-alab ang mga kaguluhan sa lawak na hindi nakita sa ilang dekada. Binalingan ng galit ang mga simbolo ng burges na estado. Ngunit ang pagkasira ng mga istasyon ng pulisya, ng mga gusali ng parlyamento ng rehiyon, ng mga istasyon ng bus at tren, ay syempre, hindi nagbigay ng solusyon sa kanilang paghihirap. Hindi, dahil ang mga protestang ito ay regular na pinagsasamantalahan, minamanipula ng mga pangkating burges at ginagamit para sa kanilang sariling bentaha. Ang pakikibaka laban sa korapsyon sa Pilipinas, laban sa hindi pagkakapantay-pantay ng kita sa Indonesia o laban sa pagbabawal sa social media sa Nepal, lahat ng mga isyu na ito ay nag-aalok sa mga burgis na organisasyon ng isang mahusay na payong para kapaghiganti sa kanilang mga karibal, tulad ng nangyari halimbawa sa protesta laban sa katiwalian noong Nobyembre 17 sa Manila, na na-hijack ng isang sekta ng Kristiyano na pabor sa pangkating Duterte.[3] [1]
Ang lahat ng mga demonstrasyong ito ay nagbunga ng isang hungkag na tagumpay, kapag ang lumang paksyon ng burgesya ay pinalitan ng isang bago, o tahasang panunupil ng estado, o pareho. At ang tugon ng estado sa mga protestang ito ay karaniwang brutal; sa Nepal nagresulta ito sa higit sa 70 pagkamatay at daan-daang nasugatan, at sa Indonesia sa libu-libong pag-aresto. Ang mga popular na pag-aalsa ay sumasalamin sa isang mundong walang kinabukasan, isang nangingibabaw na katangian ng yugto ng pagkaagnas ng sistema, at maaari lamang magpalaganap ng paghihirap ng nabubulok na kapitalismo.[4] [1]
Ang mga kahilingan sa mga protesta ay nananatiling mababaw at hindi tumutugon sa mga ugat ng kahirapan: ang kapitalistang ekonomiya, ang batayan ng buhay panlipunan sa ilalim ng kapitalismo.
Samakatuwid, ang anumang mga konsesyon sa mga hinihingi ng mga popular na protesta ay hindi nagbabago sa partikular na sitwasyon ng pinakamahihirap na layer ng populasyon o sa pangkalahatang sitwasyon sa bansa, dahil ang mga nagpoprotesta ay kailangang mabilis na pumayag, kahit pa labis silang dismayado. Ang tanging solusyon sa lumalalang paghihirap ay ang pagpapabagsak ng kapitalismo ng pandaigdigang proletaryado.
Ang mga popular na protesta ay hindi bumubuo ng isang tuntungan patungo sa pakikibaka ng uring manggagawa. Ang mga ito ay bumubuo bilang seryosong balakid at sa pinakamalala, isang mapanganib na patibong. Ang mga kahilingang inihaharap sa mga kilusang ito ay "pinalalabnaw ang proletaryado bilang bahagi ng buong populasyon, nagpapalabo sa kamulatan ng istorikal na pakikibaka nito, isinusuko ito sa lohika ng kapitalistang dominasyon at binabawasan ito sa kawalan ng kapangyarihang pampulitika". [5] Lahat mawawala sa proletaryado kung pahintulutan nito ang sarili na madala sa alon ng mga popular na protesta na ganap na ganap na binubulag ng mga demokratikong ilusyon tungkol sa posibilidad ng isang 'mas malinis' na kapitalistang estado.
Sa halip na lumahok sa mga pag-aalsang ito, dapat igiit ng mga manggagawa ang kanilang sariling mga islogan at mag-organisa ng sarili nilang mga pagpupulong bilang bahagi ng kanilang sariling kilusan. Ang proletaryado ang tanging puwersa sa lipunan na may kakayahang mag-alok ng alternatibo para sa lalong hindi mabata na kalagayan ng isang lipas na kapitalismo. Ngunit hindi ito magtatagumpay sa loob ng mga hangganan ng iisang bansa, lalo na kapag ang proletaryado ay bumubuo lamang ng isang maliit na bahagi ng kabuuang populasyon, kung saan ang mga konsentrasyon ng proletaryado ay malamang na nakakalat at ang mga manggagawa ay walang karanasan sa paglaban sa burges na demokrasya at sa maraming mga bitag na itinakda ng uri na ito para sa kanila. Sa pamamagitan lamang ng pagbuo ng isang komon na pakikibaka sa masang manggagawa ng mga bansang nasa puso ng kapitalismo, na may mahabang kasaysayan sa paglaban sa demokratikong mistipikasyon, mailalatag ang pundasyon para sa kinakailangang pagbagsak ng kapitalismo at pagpapalaya ng sangkatauhan.
Dennis, Nobyembre 2025
[1] Ayon sa burgesya, isang rebolusyon ng Gen Z ang lumalaganap sa mundo. Saludo ito sa mga protesta na nagtagumpay sa pagpapabagsak sa mga umiiral na pamahalaan na walang pundamental na pagbabagong ginawa sa kapitalistang lipunan. Sa pamamagitan ng pagtutumbas ng mga ganitong pangyayari sa isang rebolusyon, nilalayon nitong baluktutin ang tunay na perspektiba ng uring manggagawa.
[2] Ang seksyong Ingles ng Revolutionary Communist International (dating IMT)ay pinamagatan ang isa sa mga artikulo nito ng: “Mula Italya hanggang Indonesia, Madagascar hanggang Morocco: isang alon ng rebolusyon, rebelyon, at pag-aalsa ang lumalaganap sabuong mundo.”
[3] “ Malaking protesta laban sa katiwalian sa Pilipinas na na-hijack ng sektang evangelical”, Europe Solidaire Sans Frontières
[4] Umiiral din sa proletaryong pampulitikang kampo ang mga ilusyon sa potensyal na magkaroon ng rebolusyonaryong katangian ang gayong mga pag-aalsa. Ipinakita ng Internationalist Communist Tendency (ICT) ang kanyang tahasang oportunismo sa pamamagitan ng hindi kritikal na paglalathala ng isang Statement on the Protests in Nepal na nilagdaan ng No War But the Class War South Asia, na umaapela sa Gen Z sa Nepal na "isagawa ang pulitikal at marahas na pakikibaka", aktwal na nananawagan sa kanila na maglunsad ng mga adbenturistang aksyon katumbas ng pagpapakamatay!
[5] Ang "mga popular na pag-aalsa" ay hindi sagot sa pagbulusok ng pandaigdigang kapitalismo sa
krisis at paghihirap [1]" International Review 163.
Source URL:https://en.internationalism.org/content/17746/effects-decomposition-are-major- [2]obstacle- [2] working-class-struggle [2]
[1] https://en.internationalism.org/content/16772/popular-revolts-are-no-ans... [3] world-capitalms-dive-crisis-and-misery
Links
[1] https://en.internationalism.org/content/17746/effects-decomposition-are-major-obstacle-working-class-struggle/print/book/export/html/17746
[2] https://en.internationalism.org/content/17746/effects-decomposition-are-major-obstacle-working-class-struggle/content/17746/effects-decomposition-are-major-obstacle-working-class-struggle
[3] https://en.internationalism.org/content/16772/popular-revolts-are-no-answer-