Mga masaker at digmaan sa Israel, Gaza, Ukraine, Azerbaijan... Ang kapitalismo ay naghahasik ng kamatayan! Paano natin ito mapipigilan? (Internasyunal na Polyeto)

Printer-friendly version

"Pagkasindak", "mga masaker", "terorismo", "teror", "krimen ng digmaan", "humanitarian catastrophe", "pagpatay ng lahi"... mga salita na tumilamsik sa mga unang pahina ng internasyonal na media ay malinaw na naglalarawan sa lawak at barbaridad sa Gaza.

Noong 7 Oktubre, pinatay ng Hamas ang 1,400 Israeli, at tinutugis ang mga matatandang lalaki, babae at bata sa kanilang mga tahanan. Mula noon, ang Estado ng Israel ay naghiganti at maramihang pumatay. Ang delubyo ng mga bomba na umuulan araw at gabi sa Gaza ay naging sanhi na ng pagkamatay ng higit sa 10,000 Palestino, kabilang ang 4,800 mga bata. Sa gitna ng mga gumuhong gusali, ang mga nakaligtas ay pinagkaitan ng lahat: tubig, kuryente, pagkain at mga gamot. Mismong sa mga sandaling ito, dalawa't kalahating milyong Gazans ang nanganganib na mamatay sa gutom at epidemya, 400,000 sa kanila ay mga bilanggo sa Gaza City, at araw-araw ay daan-daan ang namatay, na pinasabog ng mga missile, na dinurog ng mga tangke, na pinaslang ng mga bala.

Ang kamatayan ay nasa lahat ng dako sa Gaza, tulad ng sa Ukraine. Huwag nating kalimutan ang pagwasak ng Marioupol ng hukbong Ruso, ang paglikas ng mga tao, ang trench warfare na ibinaon ng buhay ang mga tao. Hanggang ngayon, halos 500,000 katao ang inaasahang namatay. Kalahati sa bawat panig. Ang isang buong henerasyon ng mga Russians at Ukrainians ay ngayon ay isinasakripisyo sa altar ng pambansang interes, sa ngalan ng pagtatanggol sa tinubuang lupa. At marami pang darating: sa katapusan ng Setyembre, sa Nagorno Karabakh, 100,000 katao ang napilitang tumakas sa harap ng hukbong Azerbaijan at sa banta ng pagpatay ng lahi. Sa Yemen, ang tunggalian na hindi pinag-uusapan ay nagbunga ng higit sa 200,000 biktima at nagdurusa sa malnutrisyon ang 2.3 milyong mga bata. Ang parehong kakila-kilabot ng digmaan ay isinasagawa sa Ethiopia, Myanmar, Haiti, Syria, Afghanistan, Mali, Niger, Burkina Faso, Somalia, Congo, Mozambique... At bumubukal ang komprontasyon sa pagitan ng Serbia at Kosovo.

Sino ba ang may kagagawan ng lahat ng barbaridad na ito? Hanggang saan kaya lumaganap ang digmaan? At higit sa lahat, anong puwersa ang makakapigil dito?

Lahat ng estado ay mga kriminal sa digmaan

Sa oras ng pagsulat, ang lahat ng mga bansa ay tumatawag sa Israel na "huminahon" o "suspindihin" ang opensiba nito. Ang Russia ay humihingi ng isang tigil-putukan, na inatake ang Ukraine na may parehong kabangisan isang taon at kalahati na ang nakalipas, at pinaslang ang 300,000 sibilyan sa Chechnya noong 1999 sa pangalan ng parehong "paglaban sa terorismo". Sinabi ng Tsina na nais nito ng kapayapaan, ngunit pinupuksa nito ang populasyon ng Uighur at binantaan ang mga naninirahan sa Taiwan ng mas malaking delubyo ng apoy. Nais ng Saudi Arabia at mga kaalyado nitong Arabo na wakasan ang opensiba ng Israel habang nililipol nila ang populasyon ng Yemen. Tutol ang Turkey sa pag-atake sa Gaza habang nangangarap na puksain ang mga Kurd. Tungkol naman sa mga pangunahing demokrasya, matapos suportahan ang "karapatan ng Israel na ipagtanggol ang sarili", nanawagan sila ngayon para  sa "isang makataong tigil-putukan"  at  "paggalang sa internasyonal na batas", habang ipinakita ang kanilang kadalubhasaan sa maramihang masaker na may kapansin-pansin na regularidad mula pa noong 1914.

Ito ang pangunahing argumento ng Estado ng Israel: "ang pagpuksa sa Gaza ay lehitimo": ganun din ang sinabi tungkol sa mga bomba nukleyar na pinakawalan sa Hiroshima at Nagasaki, at sa carpet-bombing sa Dresden at Hamburg. Isinagawa ng Estados Unidos ang mga digmaan sa Afghanistan at Iraq na may parehong mga argumento at parehong mga pamamaraan tulad ng Israel ngayon! Lahat ng estado ay mga kriminal sa digmaan! Malaki man o maliit, kontrolado o makapangyarihan, maliwanag na warmongering o mahinahon, lahat sila, ang totoo ay nakibahagi sa imperyalistang digmaan sa pandaigdigang arena, at lahat sila ay itinuturing ang uring manggagawa bilang pambala ng kanyon.

Ang mga mapagkunwari at mapanlinlang na tinig na ito ay nagnanais na papaniwalain tayo ngayon sa kanilang pagsusulong ng kapayapaan at solusyon: ang pagkilala sa Israel at Palestina bilang dalawang malaya at awtonomiyang mga estado. Ang Palestinian Authority, Hamas at Fatah ay nagpakita kung ano ang magiging kalagayan ng estadong ito: tulad ng iba, sasamantalahin nito ang mga manggagawa; tulad ng iba, sinusupil nito ang masa; Tulad ng lahat ng iba pa, ito ay pupunta sa digmaan. Mayroon nang 195 "independyente at awtonomiyang" estado sa planeta: magkasama, gumugol sila ng mahigit 2,000 bilyong dolyar kada taon sa "pagtatanggol"! At sa taong 2024, ang mga badyet na ito ay nakatakdang mas lalaki pa.

Kasalukuyang mga digmaan: patakaran ng walang-awang paglipol

Kaya bakit ngayon lang nagdeklara ang UN: "Kailangan natin ng agarang makataong tigil-putukan. Tatlumpung araw na po. Tama na. Kailangang tumigil ito ngayon"? Malinaw, nais ng mga kaalyado ng Palestina na wakasan ang opensiba ng Israel. Tungkol naman sa mga kaalyado ng Israel, ang mga "dakilang demokrasya" na nagsasabing iginagalang ang "internasyonal na batas", hindi nila maaaring hayaan ang hukbo ng Israel na gawin ang gusto nito nang walang katuwiran. Ang mga masaker ng IDF ay lahat ay kitang-kita. Lalo na dahil ang "mga demokrasya" ay nagbigay ng suporta militar sa Ukraine laban sa "pagsalakay ng Russia" at ang "mga krimen sa digmaan" nito. Ang barbaridad ng dalawang  "agresyon" ay hindi dapat payagan na lumitaw na masyadong magkatulad.

Pero may mas malalim pang dahilan: lahat ay nagsisikap na limitahan ang pagkalat ng kaguluhan, dahil lahat ay maaaring maapektuhan, lahat ay may mawawala kung ang alitang ito ay masyado ng kumalat. An pag-atake ng Hamas at ang reaksyon ng Israel ay may pagkapareho: patakaran ng walang-awang paglipol. Ang teroristang masaker kahapon at ang carpet bombing ngayon ay maaring humantong sa walang tunay at pangmatagalang tagumpay. Pinalubog ng digmaang ito ang Gitnang Silangan sa panahon ng destabilisasyon at komprontasyon.

Kung patuloy na paguhuin ng Israel ang Gaza sa lupa at ilibing ang mga naninirahan dito sa ilalim ng mga guho, may panganib na ang West Bank ay maguguho din, na hatakin ng Hezbollah ang Lebanon sa digmaan, at sa huli ang Iran ay direktang makialam. Ang pagkalat ng kaguluhan sa buong rehiyon ay hindi lamang magiging isang dagok sa impluwensya ng Amerika, kundi pati na rin sa pandaigdigang ambisyon ng Tsina, kung saan ang mahalagang Silk Road ay dumadaan sa rehiyon.

Ang banta ng ikatlong digmaang pandaigdig ay nasa labi ng lahat. Bukas itong pinagtatalunan ng mga mamahayag sa telebisyon. Sa totoo lang, mas nakakapinsala ang kasalukuyang sitwasyon. Walang dalawang bloke, maayos na nakaayos at disiplinado, na nakaharap sa isa't isa, tulad ng nangyari noong 1914-18 at 1939-45, o sa buong Cold War. Bagama't lalong malupit at mapang-api ang kumpetisyon sa pagitan ng Tsina at Estados Unidos sa ekonomiya at digmaan, ang iba pang mga bansa ay hindi yumuyuko sa mga utos ng isa o iba pang dalawang dambuhalang ito; Sila ay naglalaro ng kanilang sariling laro, sa kaguluhan, hindi malaman ang susunod na mangyari at kaligaligan. Sinalakay ng Russia ang Ukraine laban sa payo ng mga Tsino. Dinudurog ng Israel ang Gaza laban sa payo ng Amerika. Ang dalawang alitang ito ay nagpapahiwatig ng panganib na nagbabanta sa lahat ng sangkatauhan ng kamatayan: ang pagpaparami ng mga digmaan na ang tanging layunin ay destabilisasyon o lipulin ang kaaway; walang katapusang kadena ng mga di-makatwiran at nihilistikong mga aksyon; bawat tao para sa kanyang sarili, na kasingkahulugan ng hindi mapigilan na kaguluhan.

Para sa ikatlong digmaang pandaigdig, kailangang maging handa ang mga proletaryo ng Kanlurang Europa, Hilagang Amerika at Silangang Asya na isakripisyo ang kanilang buhay sa ngalan ng Amang Bayan, mag-armas at patayin ang isa’t-isa para sa watawat at pambansang interes, na absolutong hindi nangyayari ngayon. Ngunit kung ano ang nasa proseso ng pag-unlad ay hindi nangangailangan ng suporta na ito, ang paglahok ng masa. Mula noong unang bahagi ng 2000s, ang mas malawak na nasasakupan ng planeta ay nahulog sa karahasan at kaguluhan: Afghanistan, Iraq, Syria, Libya, Lebanon, Ukraine, Israel at Palestine... Ang gangrenang ito ay unti-unting kumakalat, sa bawat bansa, sa bawat rehiyon. Ito lamang ang posibleng kinabukasan ng kapitalismo, ang dekadente at nabubulok na sistemang ito ng pagsasamantala.

Upang wakasan ang digmaan, kailangang ibagsak ang kapitalismo

Kaya ano ang dapat nating gawin? Hindi dapat mag-ilusyon ang mga manggagawa ng bawat bansa tungkol sa diumano'y posibleng kapayapaan, tungkol sa anumang solusyon mula sa  "internasyunal na komunidad", UN, o anumang grupo ng mga magnanakaw. Ang kapitalismo ay digmaan. Mula noong 1914, halos hindi ito tumigil, na nakakaapekto sa isang bahagi ng mundo at pagkatapos ay sa isa pa. Ang istorikal na panahon sa harap natin ay makikita ang nakamamatay na dinamiko ng pagkalat at pagpapalakas na ito, na may lumalaking hindi maarok na barbaridad.

Kaya kailangang ang mga manggagawa ng bawat bansa ay dapat tumangging maakit, kailangan nilang tumangging pumanig sa isang burges na kampo laban sa karibal nito, sa Silangan, sa Gitnang Silangan, at sa lahat ng dako. Kailangan nilang tumangging magpaloko sa retorika na humihiling sa kanila na magpakita ng "pakikisa" sa "mga mamamayang Ukrainian na inaatake", sa "Russia na nasa peligro", sa "masang Palestino na pinaslang", sa "sinusupil na mga Israelis"...  Sa lahat ng digmaan, sa magkabilang panig ng mga hangganan, laging pinamunuan ng estado na papaniwalain ang mga tao na may tunggalian sa pagitan ng mabuti at masama, sa pagitan ng barbarismo at sibilisasyon. Sa totoo lang, ang lahat ng digmaang ito ay laging isang komprontasyon sa pagitan ng mga magkakatunggali na bansa, sa pagitan ng mga karibal na burgesya. Ito ay mga tunggalian kung saan namamatay ang mga pinagsamantalahan para sa kapakanan ng mga nagsasamantala sa kanila.

Kaya ang pakikiisa ng mga manggagawa ay hindi dapat para sa mga "Palestino" tulad ng hindi ito para sa mga "Israeli", "Ukrainians", o "Russians", dahil sa lahat ng mga nasyonalidad na ito ay may mga mapagsamantala at pinagsamantalahan. Ito ay dapat para sa mga manggagawa at walang trabaho ng Israel at Palestine, ng Russia at Ukraine, tulad ng para ito sa mga manggagawa ng bawat iba pang mga bansa sa mundo. Hindi sa pamamagitan ng pagpapakita ng "para sa kapayapaan", hindi sa pagpili na suportahan ang isang panig laban sa kabilang panig ay maipakita natin ang tunay na pakikiisa sa mga biktima ng digmaan, sa mga sibilyang populasyon at sa mga sundalo ng magkabilang panig, sa mga proletaryong naka uniporme na ginawang pambala ng kanyon, sa mga indoktrinado at panatikong mga batang sundalo. Ang tanging pakikiisa ay pagkondena sa LAHAT ng kapitalistang estado; sa LAHAT ng partidong nanawagan sa atin na mag-rally sa likod ng ganito o ganoong pambansang watawat, ng ganito o ganoong kawsa ng digmaan; sa LAHAT ng mga taong nanlilinlang sa atin sa ilusyon ng kapayapaan at  "mabuting relasyon" sa pagitan ng mga tao.

Ang pakikiisa ay higit sa lahat ay nangangahulugan ng pagpapaunlad ng ating pakikibaka laban sa kapitalistang sistema na siyang responsable sa lahat ng digmaan, paglaban sa pambansang burgesya at sa kanilang estado.

Ipinakita ng kasaysayan na ang tanging puwersang makapagwakas sa kapitalistang digmaan ay ang uring pinagsamantalahan, ang proletaryado, ang direktang kaaway ng uring burgesya. Ganito ang nangyari nang ibagsak ng mga manggagawa ng Rusya ang burges na estado noong Oktubre 1917 at naghimagsik ang mga manggagawa at sundalo ng Alemanya noong Nobyembre 1918: ang mga dakilang kilusan ng pakikibaka na ito ng proletaryado ay pinilit ang mga pamahalaan na lagdaan ang pagtigil ng digmaan. Ito ang nagwakas sa Unang Digmaang Pandaigdig: ang lakas ng rebolusyonaryong proletaryado! Kailangang makamit ng uring manggagawa ang tunay at depinitibong kapayapaan sa lahat ng dako sa pamamagitan ng pagbagsak sa kapitalismo sa pandaigdigang saklaw.

Ang mahabang daang ito ay nasa ating harapan. Ngayon, nangangahulugan ito ng pagbuo ng mga pakikibaka sa isang makauring tereyn, laban sa lalong malupit na pag-atake sa ekonomiya na inilatag sa atin ng isang sistemang nahulog sa isang di-madaraig na krisis. Dahil sa pagtanggi sa pagkasira ng ating pamumuhay at kalagayan sa pagtatrabaho, sa pagtanggi sa walang hanggang sakripisyong ginawa sa ngalan ng pagbalanse ng badyet, pagiging mapagkumpitensya ng pambansang ekonomiya o pagsisikap sa digmaan, nagsisimula tayong manindigan laban sa pundasyon ng kapitalismo: ang pagsasamantala ng tao sa tao.

Sa mga pakikibaka, tayo ay magkasamang naninindigan, tayo ay nagpapaunlad ng ating pagkakaisa, tayo ay nagdedebate at nagiging mulat sa ating lakas kapag tayo ay nagkakaisa at organisado. Sa kanyang makauing pakikibaka, ang proletaryado ay nagdadala sa loob nito ng isang mundo na eksaktong kabaligtaran ng kapitalismo: sa isang banda, ang pagkakahati-hati sa mga bansang nakikibahagi sa kumpetisyon na tulad ng ekonomiya at digmaan hanggang sa punto ng pagkawasak ng isa't isa; sa kabilang banda, isang potensyal na pagkakaisa ng lahat ng pinagsamantalahan ng mundo. Sinimulan na ng proletaryado ang pagtahak sa mahabang daang ito, upang gumawa ng ilang hakbang:  sa panahon ng "galit sa tag- init"  sa United Kingdom sa 2022, sa panahon ng panlipunang kilusan laban sa reporma sa pensyon sa Pransya sa unang bahagi ng 2023, sa panahon ng makasaysayang welga sa sektor ng kalusugan at sasakyan sa Estados Unidos sa mga nakaraang linggo. Ang internasyunal na dinamikong ito ay nagmarka ng makasaysayang pagbabalik ng paglaban ng mga manggagawa, ang lumalaking pagtanggi na tanggapin ang permanenteng pagkasira ng kalagayan ng pamumuhay at pagtatrabaho, at ang tendensiyang magpakita ng pagkakaisa sa pagitan ng mga sektor at sa pagitan ng mga henerasyon bilang mga manggagawa na nakibaka. Sa hinaharap, ang mga kilusan ay kailangang pag-ugnayin ang krisis sa ekonomiya at digmaan, sa pagitan ng mga sakripisyong hinihingi at ng pagbuo ng mga badyet at patakaran ng armas, sa pagitan ng lahat ng mga salot na dala-dala ng kapitalismo, sa pagitan ng mga krisis sa ekonomiya, digmaan at klima na nagpapalala sa bawat isa.

Laban sa nasyonalismo, laban sa mga digmaan na nais tayong hilahin ng mga nagsamantala sa atin, ang mga lumang islogan ng kilusang manggagawa na nasa Manipesto ng Komunista ng 1848 ay mas may kahalagahan ngayon kaysa dati:

“Ang mga manggagawa ay walang bansa!

Mga manggagawa ng lahat ng mga bansa, magkaisa!”

Para sa pagpapaunlad ng makauring pakikibaka ng internasyunal na proletaryado!

Internasyunal na Komunistang Tunguhin, 7 Nobyembre 2023

 

Source URL: https://en.internationalism.org/content/17421/massacres-and-wars-israel-gaza-ukraine-azerbaijan-capitalism-sows-death-how-can-we

Rubric: 

Hindi Israel o Palestine