Tutulan ang mga masaker, walang suporta sa anumang imperyalistang kampo! Walang mga pasipistang ilusyon! Para sa proletaryong internasyonalismo!

Printer-friendly version

Ang kasalukuyang imperyalistang masaker sa Gitnang Silangan, ay pinakahuli lamang sa mahigit isang siglo ng halos permanenteng digmaan na naging katangian ng pandaigdigang kapitalismo mula pa noong 1914.

Ang multi-milyong pagpaslang sa mga walang depensang sibilyan, ang mga pagpatay ng lahi, ang pagwasak ng mga syudad, maging ang pagdurog ng buong bansa ay walang naidulot maliban sa pangako ng higit pa at mas masahol pang kalupitan na darating.

Ang mga katwiran o 'solusyon' na iminungkahi ng iba't ibang nagtutunggaliang imperyalistang kapangyarihan, malaki man o maliit, hanggang sa kasalukuyang patayan, tulad ng lahat ng nauna rito, ay katumbas ng isang napakalaking panlilinlang upang pakalmahin, hatiin at ihanda ang pinagsamantalang uring manggagawa para sa mabangis na patayan upang suportahan ang isang pambansang burgesya laban sa isa pa.

Ngayon ay inulan ng delubyo ng apoy at bakal ang mga taong naninirahan sa Israel at Gaza. Sa isang kampo, Hamas. Sa kabilang kampo, ang hukbo ng Israel. Sa gitna, ang mga manggagawa ay binobomba, binaril, pinatay at hinostage. Libu-libo na ang namatay.

Sa buong mundo, nanawagan ang burgesya na pumili tayo ng panig. Para sa pakikibakang Palestino laban sa pang-aapi ng Israel. O para sa tugon ng Israel sa terorismo ng Palestino. Tinuligsa ng bawat isa ang barbaridad ng katunggali upang bigyang katwiran ang digmaan. Ang estado ng Israel ay inaapi ang mga mamamayang Palestino sa loob ng ilang dekada, na may mga pagharang, panliligalig, mga checkpoint at pagpapahiya. Ang mga organisasyong Palestino ay pumapatay ng mga inosenteng tao sa pamamagitan ng mga pag-atake ng kutsilyo at pambobomba. Bawat panig ay nananawagan na patayin ang kalaban.

Ang nakamamatay na lohika na ito ay lohika ng imperyalistang digmaan! Ang ating mga mapagsamantala at ang kanilang mga estado ang laging naglulunsad ng walang awang digmaan para ipagtanggol ang kanilang sariling interes. At tayo, ang uring manggagawa, ang pinagsasamantalahan, ang laging nagbabayad, ng ating buhay.

Para sa atin, mga proletaryo, walang panig na pipiliin, wala tayong sariling bayan, walang bansang ipagtatanggol! Sa magkabilang panig ng hangganan, iisa ang uri natin! Hindi Israel, hindi Palestine!

Tanging ang nagkakaisang internasyunal na proletaryado ang makapagbigay wakas sa tumitinding mga masaker na ito at sa mga imperyalistang interes na nasa likod nito. Ang natatangi, internasyonalista, na solusyong ito, na inihanda ng iilang komunista ng Kaliwa ng Zimmerwald, ay pinatunayan noong Oktubre 1917 nang ibagsak ng rebolusyonaryong pakikibaka ng uring manggagawa ang kapitalistang rehimen at itinatag ang sariling kapangyarihang pampulitika ng uri. Sa pamamagitan ng halimbawa nito, ang Oktubre ay nagbigay inspirasyon sa mas malawak at internasyonal na rebolusyonaryong kilusan na pinilit tapusin ang Unang Digmaang Pandaigdig.

Ang tanging pampulitikang tendensya na nakaligtas sa pagkatalo ng rebolusyonaryong alon na ito at pinanatili ang militanteng pagtatanggol sa internasyunalistang prinsipyo ay ang Kaliwang Komunista. Noong dekada tatlumpu, iningatan nito ang pundamental na linya ng uring manggagawa na ito noong panahon ng digmaang Espanyol at digmaang Tsino-Hapon samantalang pinili ng iba pang pampulitikang tendensya tulad ng mga Stalinista, Trotskyista o Anarkista ang kanilang imperyalistang kampo na siyang nag-udyok sa mga tunggaliang ito. Pinanatili ng Kaliwang Komunista ang internasyunalismo noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig habang ang iba pang mga tendensya ay lumahok sa imperyalistang patayan na binihisan bilang labanan sa pagitan ng 'pasismo at anti-pasismo' at/o pagtatanggol sa Unyong 'Sobyet'.

Sa kasalukuyan, ang kakaunting organisadong militanteng pwersa ng Kaliwang Komunista ay mahigpit pa rin na sa internasyunalismo ngunit ang kanilang kakarampot na kapasidad ay lalong nanghina dahil sa pagkawatak-watak sa ilang iba't ibang grupo at diwang magkagalit at sektaryan.

Kaya naman, sa harap ng tumitinding paglala ng imperyalistang barbarismo ang mga magkahiwalay na pwersang ito ay kailangang gumawa ng nagkakaisang laban sa lahat ng imperyalistang kapangyarihan, laban sa mga panawagan para sa pambansang pagtatanggol na sumusuporta sa mga mapagsamantala, laban sa mapagkunwari na pagsamo para sa 'kapayapaan', at para sa proletaryong makauring pakikibaka patungo sa komunistang rebolusyon.

MGA MANGGAGAWA NG MUNDO, MAGKAISA!

International Communist Current
Internationalist Voice

Oktubre 17, 2023

————————————————-

Bakit ganito ang panawagan?

20 buwan pa lang ang nakalipas, matapos ang pagsalakay ng Rusya sa Ukraine, isang katulad na nagkakaisang pahayag ang iminungkahi ng ICC sa mga grupong Kaliwang Komunista. Ang mga grupong lumagda dito bukod sa ICC – Istituto Onorato Damen, Internationalist Voice, International Communist Perspective (South Korea) – ay nasundan ng paglathala ng dalawang Discussion Bulletins ng mga Grupo ng Komunistang Kaliwa para magdebate sa kani-kanilang mga posisyon at pagkakaiba-iba at nagdaos ng mga nagkakaisang pampublikong pulong.

Gayunpaman, tumanggi ang ibang grupong Kaliwang Komunista na lagdaan ang apela (o ipinagwalang-bahala na lang) kahit na sumang-ayon sila sa mga internasyunalistang prinsipyo nito. Dahil mas kagyat na nagkakaisang ipagtanggol ang prinsipyong ito ngayon, hinihiling namin sa mga grupong ito na nakalista sa ibaba - na muling pag-isipan at lagdaan ang apela na ito.

Ang isang argumento laban sa paglagda sa nagkakaisang pahayag sa Ukraine ay masyadong malaki ang pagkakaiba sa pagitan ng mga grupo para magkaroon ng nagkakaisang pahayag. Hindi maikakaila ang pagkaroon ng mga mahalagang pagkakaiba, sa usapin man ng pagsusuri, usapin sa teorya, pagbuo ng pampulitikang partido, o maging sa mga kondisyon ng pagiging militante. Pero ang pinakakagyat at pundamental na prinsipyo ng proletaryong internasyunalismo, ang makauring demarkasyon para makilala ang mga rebolusyonaryong pampulitikang organisasyon, ay pinakamahalaga. At ang nagkakaisang pahayag sa usaping ito ay hindi nangangahulugan na ang iba pang mga pagkakaiba ay nakalimutan. Sa kabaligtaran, ang Discussion Bulletins ay nagpakita na posible at kailangan ang isang porum para sa debate.

Ang isa pang argumento ay kailangan ang mas praktikal na impluwensya ng internasyunalistang pananaw sa uring manggagawa, na mas malawak kaysa apela lamang na limitado sa Kaliwang Komunista. Siyempre lahat ng internasyunalistang militanteng komunistang organisasyon ay gusto ng mas maraming impluwensya sa uring manggagawa. Ngunit kung ang mga internasyunalistang organisasyon ng Kaliwang Komunista ay hindi man lang praktikal na kumikilos nang sama-sama sa kanilang pundamental na prinsipyo sa mga krusyal na sandali ng imperyalistang tunggalian paano sila makaasa na seryosohin sila ng mas malawak na seksyon ng proletaryado?[1]

Ang kasalukuyang labanan ng Israel at Palestine, mas mapanganib at magulo kaysa sa lahat ng nauna, na nangyari wala pang dalawang taon matapos ang muling paglitaw ng imperyalistang digmaan sa Ukraine, at kasama ang marami pang imperyalistang mga kontrabersya na kamakailan lamang ay muling nabuhay (Serbia/Kosovo, Azerbaijan/Armenia, at ang tumitinding tensyon sa pagitan ng US at China sa Taiwan) ay nangangahulugan na mas kailangan ang isang nagkakaisang internasyonalistang pahayag kaysa nakaraan.

Kaya naman tuwiran at hayagan naming hinihiling sa mga sumusunod na grupo na ipakita ang kanilang kahandaang lumagda sa pahayag laban sa imperyalistang digmaang nakalimbag sa itaas, at kung kinakailangan ay maaaring amyendahan o modipikahin ayon sa nagkakaisang layuning internasyonalista nito:

Para sa:

ICT (Internationalist Communist Tendency)

PCI (Programma Comunista)

PCI (Il Partito Comunista)

PCI (Le Prolétaire, Il Comunista)

IOD (Istituto Onorato Damen)

Ang iba pang mga grupo sa labas ng Kaliwang Komunista na sumasang-ayon sa mga internasyunalistang posisyon na ipinagtanggol sa apela na ito ay maaaring ipahayag ang kanilang suporta sa apela na ito at ipamahagi ito.

 

Source URL: https://en.internationalism.org/content/17416/down-massacres-no-support-...

 

Rubric: 

Panawagan ng Kaliwang Komunista sa Digmaan sa Gitnang Silangan