Submitted by Internasyonalismo on
Attachment | Size |
---|---|
polyeto_uk.pdf | 83.73 KB |
"Tama na". Ito ang sigaw na umalingawngaw sa mga welga nitong nagdaang ilang linggo sa UK. Ang napakalaking kilusang ito, na binansagang "Ang Tag-init ng Galit", na tumukoy sa nakaraang "Taglamig ng Galit" sa 1979, na nilahukan ng mga manggagawa ng dumaraming mga sektor bawat araw: mga riles, ang London Underground, British Telecom, ang Post Office, mga manggagawa sa pantalan ng Felixstowe (isang susing pantalan sa timog-silangan ng Britanya), mga manggaagwa sa basurahan at mga drayber ng bus sa iba’t-ibang bahagi ng bansa, ang Amazon, atbp. Ngayon, mga manggagawa sa transportasyon, bukas malamang mga manggagawa sa kalusugan at guro.
Lahat ng mga reporter at komentarista ay kinilala ito bilang pinakamalaking pagkilos ng uring manggagawa sa Britanya sa loob ng ilang dekada; tanging ang napakalaking mga welga sa 1979 ang nagluwal ng isang mas malaki at mas malawak na pagkilos. Ang pagkilos ng ganito kalawak sa isang bansa na kasing laki tulad ng Britanya ay hindi lang mahalaga sa antas lokal, ito ay kaganapan na may internasyunal na kahalagahan, isang mensahe para sa mga pinagsamantalahan ng bawat bansa.
Sa mga atake sa istandard ng pamumuhay ng lahat ng pinagsamantalahan, makauring pakikibaka ang tanging sagot
Bawat dekada, katulad sa ibang maunlad na mga bansa, ang sunod-sunod na mga gobyerno sa Britanya ay walang humpay na inaatake ang kalagayan ng pamumuhay at trabaho na iisa ang kinalabasan: gawin ang kalagayan na mas walang katiyakan at pleksible para mapabuti ang pagiging mapagkumpitensya ng bansa at tubo. Ang mga atakeng ito ay umabot nitong nakaraang mga taon sa antas kung saan ang mortalidad ng mga sanggol sa Britanya ay “walang katulad na pagtaas mula 2014” (ayon sa medical journal BJM Open[[1]]).
Kaya ang kasalukuyang pagtaas ng inplasyon ay isang tunay na tsunami. Sa 10.1% na pagtaas ng presyo sa Hulyo, 13% ay inaasahan sa Oktubre, 18% sa Enero, ang pinsala ay mapangwasak. Nagbabala ang NHS na "Maraming mamamayan ang mapilitang pumili sa pagitan ng hindi kakain para mapainit ang kanilang mga tahanan, o manirahan sa malamig o mamasa-masa ". Sa pagtaas ng gas at elektrisidad ng 54% sa Abril at 78% sa Oktubre 1, ang sitwasyon ay talagang hindi makatuwiran.
Ang lawak ng mobilisasyon ng mga manggagawa sa Britanya ngayon ay sa wakas katumbas sa mga atake na kinaharap nila, habang sa nagdaang mga dekada, nagdurusa sa mga kabiguan sa panahon ni Thatcher, wala silang lakas na makibaka.
Sa nakaraan, ang mga manggagawa sa Britanya ay nakahanay sa pinaka-militante sa mundo. Ang "Taglamig ng Galit" sa 1979, batay sa naitalang mga araw ng welga, ay ang pinaka-malaking kilusan sa anumang bansa matapos ang Mayo 1968 sa Pransya, malamang mas malaki sa "Mainit na Taglagas " sa 1969 sa Italya. Pangmatagalang nasupil ng gobyerno ni Thatcher ang napakalaking pakikibaka ng manggagawa sa pamamagitan ng bigwas ng serye ng mga masaklap na pagkatalo nito, partikular sa panahon ng welga ng mga minero sa 1985. Ang pagkatalong ito ay tanda ng matagalang paghina ng pakikibaka ng mga manggagawa sa UK; nagpahayag din ito ng panglahatang paghina ng pakikibaka ng mga manggagawa sa buong mundo. Sa sumunod na limang taon, sa 1990, sa pagbagsak ng USSR, mapanlinlang na inilarawan na "sosyalistang" rehimen, ang pekeng pahayag ng “kamatayan ng komunismo” at ang “na tagumpay ng kapitalismo”, isang makamatay na suntok ang tumama sa mga manggagawa ng mundo. Simula noon, inalisan ng perspektiba, nabura ang kanilang tiwala at makauring identidad, ang mga manggagawa sa Britanya, mas malala kaysa saan man, ay nagdurusa sa mga atake ng sunod-sunod na mga gobyerno na walang tunay na paglaban.
Pero, sa harap ng mga atake ng burgesya, naipon ang galit at ngayon, muling pinakita ng uring manggagawa ng Britanya na handa silang lumaban para sa kanilang dignidad, itakwil ang mga sakripisyo na laging hinihingi ng kapital. Dagdag pa, ito ay pahiwatig ng internasyunal na pagbabago: sa nakaraang taglamig, nagsimulang lumitaw ang mga welga sa Espanya at Amerika; nitong tag-init, nakaranas ng mga walkout sa Alemanya at Belgium; at ngayon, nakikinita ng mga komentarista ang "isang eksplosibong panlipunang sitwasyon " sa Pransya at Italya sa susunod na mga buwan. Hindi maaaring makita saan at kailan muling lilitaw ang malawak na pakikibaka ng manggagawa sa malapit na hinaharap, subalit ang tiyak: ang kasalukuyang pagkilos ng mga manggagawa sa Britanya ay isang signipikanteng istorikal na kaganapan. Lipas na ang mga araw ng pagiging pasibo at pagsuko. Itinaas na ng bagong henerasyon ng mga manggagawa ang kanilang mga ulo.
Ang makauring pakikibaka sa harap ng imperyalistang digmaan
Ang kahalagahan ng kilusang ito ay hindi lang tinapos nito ang mahabang panahon ng kawalang-kibo. Lumitaw ang mga pakikibakang ito sa panahon na ang mundo ay naharap sa malawak na imperyalistang digmaan, isang digmaan ng Rusya laban sa Ukraine pero may pandaigdigang epekto, na sa partikular, mobilisasyon ng mga myembrong bansa ng NATO. Hindi lang pangako ng mga armas kundi sa antas rin ng ekonomiya, diplomatiko at ideolohikal. Sa Kanlurang mga bansa, nanawagan ang mga gobyerno ng mga sakripisyo para “ipagtanggol ang kalayaan at demokrasya". Sa kongkretong termino, ito ay nagkahulugan na ang mga proletaryado ng mga bansang ito ay kailangang higpitan ang kanilang mga sinturon para “ipakita ang pakikiisa sa Ukraine" – sa katotohanan, sa burgesya ng Ukraine at naghaharing uri sa mga bansa ng Kanluran.
Ang mga gobyerno ay walang hiyang binigyang katuwiran ang kanilang mga atake sa pamamagitan ng palusot sa paninira ng global warming at risgo ng kakulangan sa enerhiya at pagkain ("pinakamalalang krisis sa pagkain " ayon sa UN Secretary General). Nanawagan sila ng "pagtitimpi" at nagpahayag ng kataposan ng "kasaganaan" (kung gamitin ang buhong na mga salita ng Presidente ng Pransya na si Macron). Pero kasabay nito pinalakas nila ang ekonomiya para sa digmaan: ang pandaigdigang gastos sa militar ay umabot sa $2,113 bilyon sa 2021! Habang ang UK ay nasa unang lima sa mga estado sa gastos militar, simula ng digmaan sa Ukraine, bawat bansa ng mundo ay pinabilis ang kanyang paligsahan sa armas, kabilang na ang Alemanya, na kauna-unahan mula 1945!
Nanawagan ang mga gobyerno ngayon ng “mga sakripisyo para labanan ang inplasyon”. Ito ay masamang biro dahil ang ginagawa nila ay pinalala ito dahil itinaas nila ang gastusin sa digmaan. Ito ang kinabukasan ng kapitalismo at pinapangako ng kanyang magkaribal na mga pambansang burgesya: mas maraming digmaan, mas maraming pagsasamantala, mas maraming paninira, mas maraming kahirapan.
At saka, ito ang itinuturo ng mga welga ng manggagawa sa Britanya, kahit pa hindi ganap na mulat ang mga manggagawa dito: ang tumanggi sa karagdagang sakripisyo para sa interes ng naghaharing uri, ang tumanggi na magsakripisyo para sa pambansang ekonomiya at para sa digmaan, ang tumanggi na tanggapin ang lohika ng sistemang ito na aakay sa sangkatauhan tungo sa malaking kapahamakan at, sa huli, sa kanyang pagkawasak. Malinaw ang mga alternatiba: sosyalismo o pagkawasak ng sangkatauhan.
Ang pangangailangan na iwasan ang patibong ng burgesya
Ang kakayahan ng mga manggagawa na panindigan ito ay napakahalaga dahil ang uring manggagawa sa UK ay sinampal sa nagdaang mga taon ng populistang ideolohiya, kung saan pinag-away-away ang mga pinagsamantalahan sa isa’t-isa, hinati sila sa ‘katutubo’ at ‘banyaga’, itim at puti, lalaki at babae, hanggang sa punto na naniwala sila na ang makitid na pag-atras sa Brexit ay solusyon sa kanilang mga problema.
Pero may iba pa, mas mapaminsala at mapanganib na mga patibong ng burgesya sa daan ng pakikibaka ng uring manggagawa.
Napakalaking mayoriya ng kasalukuyang mga welga ay panawagan ng mga unyon, na kinatawan ang sarili bilang pinaka-epektibong organo para organisahin ang pakikibaka at nagtatanggol sa pinagsamantalahan. Pinaka-epektibo ang mga unyon, oo, pero tanging sa pagtatanggol sa burgesya at organisahin ang pagkatalo ng uring manggagawa.
Sapat na isipin na naging posible ang tagumpay ni Thatcher salamat sa sabotahe ng mga unyon. Sa Marso 1984, kung saan biglaang inanunsyo ang 20,000 tinanggal sa trabaho sa industriya ng uling, mabilis ang reaksyon ng mga minero: sa unang araw ng welga, 100 mga hukay sa 184 ang isinara. Pero ang unyon ng korset ng bakal ay agad-agad pinalibutan ang mga welgista. Ang mga unyon sa tren at seamen ay simbolong suporta lang sa welga ang binigay. Ang makapangyarihang unyon sa pantalan ay nahuli ng dalawang beses sa panawagan ng welga. Tumanggi ang TUC (ang pambansang kongreso ng mga unyon) na suportahan ang welga. Tutol naman ang mga unyon ng elektrisyan at bakal. Sa madaling sabi, aktibong sinabotahe ng mga unyon ang anumang posibilidad ng komon na pakikibaka. Pero higit sa lahat, ang unyon ng mina, ang NUM (National Union of Mineworkers), ay kinumpleto ang pananabotaheng ito sa pamamagitan ng pagtakda sa mga minero sa walang saysay na labanan sa kapulisan para pigilan ang transportasyon ng uling mula sa coking depots (tumagal ito ng mahigit isang taon!). Salamat sa pananabotahe ng unyon, sa mga baog at walang kataposang kumprontasyon sa kapulisan, ang panunupil sa welga ay naging matindi at marahas. Ang pagkatalong ito ay pagkatalo ng buong uring manggagawa.
Kung ngayon, sa UK, ang parehong mga unyon ay gumagamit ng radikal na lenggwahe at nagkunwaring sumusuporta sa pagkakaisa ng iba’t-ibang sektor, nag-aamba ng banta ng pangkalahatang welga, ito ay dahil minamatyagan nila ang mga problema ng uring manggagawa at nais nilang kontrolin ang pagkilos ng mga manggagawa, ang kanilang galit, ang kanilang pakikibaka at ang kanilang damdamin na dapat magkaisa tayo sa pakikibaka, para mas maayos nilang mabaog at mailihis ang dinamikong ito. Sa realidad, sa batayang antas, hiwa-hiwalay nila na minamanipula ang mga welga; sa likod ng iisang islogan ng mas mataas na sahod para sa lahat, nakulong sa magka-iba-ibang sektor at nagkahiwa-hiwalay sa antas-kompanya na mga negosasyon; higit sa lahat, binabantayan talaga nila na mapigilan ang anumang tunay na diskusyon sa pagitan ng mga manggagawa mula sa iba’t-ibang sektor. Walang anumang inter-industriya na mga pangkalahatang asembliya. Kaya huwag magpaloko sa sinabi ni Liz Truss, ang nangungunang pampalit kay Boris Johnson, na "hindi hahayaan na ang Britanya ay maging pantubos ng mga militanteng unyonista" kung siya na ang magiging Primero Ministro. Sinusunod lang niya ang yapak ng kanyang modelo, si Margaret Thatcher; binibigyan niya ng kredibilidad ang mga unyon sa pamamagitan ng pagsabing sila ang pinaka-militanteng kinatawan ng mga manggagawa para sa mas maayos, nagkakaisa, na pamunuan ang uring manggagawa tungo sa pagkatalo.
Sa Pransya, sa 2019, naharap sa tumataas na militansya at silakbo ng pagkakaisa sa pagitan ng mga henerasyon, ginamit na ng mga unyon ang katulad na estratehiya sa pamamagitan ng panawagan ng "salubongan ng pakikibaka", bilang panghalili sa nagkakaisang pagkilos, kung saan ang mga demonstrador na nagmartsa sa lansangan ay nakagrupo bawat sektor at bawat kompanya.
Sa UK, at kahit saan, para mabuo ang balanse ng pwersa upang malabanan natin ang walang puknat na mga atake sa ating pamumuhay at pagtrabaho, na mas maging marahas sa hinaharap, kailangan natin, saan man posible, na magtipon-tipon para magdebate at maglatag ng mga paraan sa pakikibaka upang maging malakas ang uring manggagawa, na magbigay kapasidad, sa tiyak na mga yugto sa kanyang kasaysayan, na yanigin ang burgesya at ang kanyang sistema, sa pamamagitan ng:
- paghahanap ng suporta at pagkakaisa lampas sa “ating” pabrika, "ating" kompanya, "ating" sektor ng pagkilos, "ating" syudad, "ating" rehiyon, "ating" bansa;
- ang nagsasariling organisasyon ng mga pakikibaka ng manggagawa, sa partikular sa pamamagitan ng mga pangkalahatang asembliya, at pigilan na makontrol ang pakikibaka ng mga unyon, ang "tinatawag na mga espesyalista" sa organisasyon ng mga pakikibaka ng mga manggagawa;
- paunlarin ang pinaka-malawak na posibleng diskusyon sa pangkalahatang pangangailangan ng pakikibaka, sa mga positibong aral na nahalaw mula sa nagdaang mga pakikibaka – kabilang na ang mga pagkatalo, dahil mayroon talagang mga pagkatalo, pero ang pinaka-malaking pagkatalo ay magdurusa sa mga atake na walang paglaban; ang pagpasok sa pakikibaka ang unang tagumpay ng pinagsamantalahan.
Kung ang pagbabalik ng malawakang mga welga sa UK ay tanda ng panunumbalik ng militansya ng pandaigdigang proletaryado, mahalaga rin na ang mga kahinaan na naging dahilan ng pagkatalo sa 1985 ay mapangibabawan: kaisipang antas pabrika at ilusyon sa unyonismo. Ang pagsasarili ng pakikibaka, ang kanyang pagkakaisa at solidaridad ay napakahalagang sukatan sa paghahanda para sa mga pakikibaka sa hinaharap!
At para dito, dapat kilalanin natin ang ating mga sarili bilang mga myembro ng parehong uri, isang uri na ang pakikibaka ay pinag-isa sa pamamagitan ng pagkakaisa: ang uring manggagawa. Ang mga pakikibaka ngayon ay napakahalaga hindi lang dahil ipinagtatanggol ng uring manggagawa ang sarili laban sa mga atake kundi dahil itinuturo rin nito ang daan para manumbalik ang makauring identidad sa buong daigdig, sa paghahanda para ibagsak ang kapitalistang sistema, na nagbibigay lang sa atin ng kahirapan at lahat ng klaseng mga pinsala.
Walang anumang solusyon sa loob ng kapitalismo: ito man ay pagwasak ng planeta, mga digmaan, kawalan ng trabaho, kontraktwalisasyon, o kahirapan. Tanging ang pakikibaka lang ng pandaigdigang proletaryado na suportado ng lahat ng inaapi at pinagsamantalahan sa mundo mabuksan ang alternatibang daan.
Ang malawakang mga welga sa Britanya ay panawagan na makibaka ang mga manggagawa sa lahat ng dako
Internasyunal na Komunistang Tunguhin, 27 Agosto 2022