Submitted by Internasyonalismo on
Sa panahon na ang mundo ay naharap sa pagsubok ng pandemiya ng Covid-19, kami sa IKT ay nasa masakit na pagluluksa sa pagpanaw ng aming kasamang si Kishan noong 26 ng Marso, 2020. Ito ay malaking kawalan sa IKT at sa kanyang seksyon sa India, at matindi ang aming pangungulila sa kanya. Malaki ang ambag ni Kishan sa buhay ng IKT at isang kasama na matibay ang mapanlabang diwa hanggang sa kanyang huling hininga.
Si Kishan ay ipinanganak sa1939 sa liblib na pook ng West Bengal sa India. Pumasok siya sa unibersidad sa 1960s, sa panahon bago muling lumitaw ang uring manggagawa sa entablado sa welga ng 9 milyon manggagawa sa Pransya sa 1968, na sinundan ng Hot Autumn sa Italya sa 1969, sa pakikibaka ng mga manggagawang Polish sa 1970, na nagkahulugan ng pagtatapos ng yugto ng kontra-rebolusyon. Ang 1960s ay panahon ng mga protesta sa mga unibersidad sa buong mundo, partikular laban sa digmaan sa Vietnam at rasismo. Ang mga kabataan na lumahok sa mga kilusang ito ay sinsiro sa kanilang adhikain para sa ‘rebolusyonaryong’ pagbabago, pero kumilos pangunahin sa tereyn ng peti-burgesya na may ilusyon ng “kagyat na pagbabago sa buhay’. Subalit, pareho bago at pagkatapos ng 1968 may mga organisasyon ng kaliwa, i.e. mga burges na organisasyon, na handang rekrutin ang kabataan at hadlangan ang kanilang interes sa posisyon ng uring manggagawa. Ito ang pandaigdigang sitwasyon kung saan nahigop si Kishan sa kilusang Naxalite. Sa panahon ng 1963-65 siya ay nag-aaral ng MSc sa physics sa North Bengal University. Natapos niya ang kanyang Masters na may first-class degree. Habang siya ay nagtapos na estudyante, naging bahagi siya ng kabataang henerasyon na nabighani sa kilusang Naxalite. Unti-unti ang terminong Naxalismo ay naging kasing kahulugan ng Maoismo. Bilang kabataan-estudyante, inilublob niya ang sarili sa uliuli ng kilusan, iniwang hindi tapos ang kanyang pananaliksik at nabilanggo dahil sa kanyang pagkilos. Matapos ang walong taong pagkabilanggo, pinalaya siya noong 1978. Ang hindi mailarawan na tortyur sa bilibid ay nakasira sa kanyang katawan hanggang sa kanyang kamatayan. Sa makipot na selda at hindi sapat, minsan bulok na pagkain, nagkaroon ng tuberculosis si Kishan at itong impeksyon sa baga ay dala-dala niya hanggang sa kanyang huling hininga. Sa kanyang panahon sa loob ng bilibid, partikular na inaral niya si Marx at nakatulong ito sa kanya na maging bukas sa diskusyon sa mga marxistang ideya ng kaliwang komunista ng matagpuan niya ang mga ito.
Si Kishan ay isa sa napakaliit na iilan na nahigop sa Maoismo, isang partikular na masamang porma ng burges na ideolohiya ng kaliwa, na nagawang ganap na kumalas mula dito at inilaan ang kanyang buhay sa proletaryado sa pamamagitan ng pagsanib sa sarili sa tradisyon ng kaliwang komunista. Ang naturang pagkalas ay hindi maiwasang nangangailangan ng klaripikasyon sa pamamagitan ng mahaba at pasensyosong diskusyon sa IKT sa panahon ng 1980s at 1990s. Sa taong 1989, ang pormasyon ng nukleyus ng IKT sa India ay naging pampasigla sa dinamiko ng klaripikasyon. Sa pakikipag-ugnayan ni Kishan sa IKT, naunawaan niya ang tunay na kasaysayan ng kaliwang komunista. Nagulat siya ng kanyang naintindihan sa pamamagitan ng teoretikal na elaborasyon ng IKT na ang Maoismo ay walang iba kundi isang porma ng burges na ideolohiya, isang kontra-rebolusyonaryong pampulitikang tendensya. “Walang kinalaman ang Maoismo sa pakikibaka ng uring manggagawa, ni sa kanyang kamulatan, ni sa kanyang mga rebolusyonaryong organisasyon. Wala itong kinalaman sa marxismo: ito ay hindi tendensya sa loob ni pag-unlad ng rebolusyonaryong teorya ng proletaryado. Kabaliktaran, ang Maoismo ay walang iba kundi isang garapal na palsipikasyon sa marxismo; ang kanyang tanging papel ay ilibing ang bawat rebolusyonaryong prinsipyo, lituhin ang proletaryong kamalayan at palitan ito ng pinaka-istupido at makitid na nasyunalistang ideolohiya. Bilang ‘teorya’, ang Maoismo ay isa lang sa mga porma na inampon ng burgesya sa kanyang dekadenteng yugto ng kontra-rebolusyon at imperyalistang digmaan”[1]. Ang paliwanag ng IKT sa Maoismo ay nakagkaroon ng napakahalagang epekto kay kasamang Kishan. Ang pulitikal aktitud na magsagawa ng lubos na pagpuna sa kanyang nakaraan ay mahalaga para kay Kishan upang maging militante ng isang tunay na rebolusyonaryong organisasyon.
Ang Partido Komunista sa India ay itinatag sa 1925, sa panahon na ang Komunistang Internasyunal ay nabubulok na at ang pinaka-importanteng mga pakikibaka ng rebolusyonaryong alon ay natalo na, partikular ang mga rebolusyon sa Rusya at Alemanya. Ang oryentasyon ng PK sa India ay maging kilusang anti-kolonyal, anti-Britanya, na nakaugnay sa maraming iba pang makabayang kilusan. May malaking epekto ang nasyunalismo at patriyotismo sa PK sa India. Dumaranas ang uring manggagawa sa India ng kakulangan sa tradisyon at pagpapatuloy ng kaliwang komunista. Ito ay nagbigay-diin sa mahalagang responsibilidad ng IKT sa India upang mas makilala ang istorikal na pamana ng kaliwang komunista.
Sa pamamagitan ng malalimang pag-aaral at tuloy-tuloy na mga diskusyon, dahan-dahan na naging militante ng IKT si Kishan sa India. Ang kanyang katapatan sa IKT at sa pakikibaka ng internasyunal na proletaryado ay kongkretisasyon na siya ay isang tunay na proletaryong internasyunalista. Lagi niyang pinagtanggol ang mga posisyon ng IKT ng may matinding dedikasyon. Determinado siya na lumahok sa mga internasyunal na debate ng IKT at sa loob ng aming seksyon sa India sa pamamagitan ng kanyang madalas na mga kontribusyon. Iniambag ni kasamang Kishan ang kanyang pasyon sa buhay ng IKT sa maraming antas. Naglakbay siya sa buong bansa sa paghahanap ng panibagong mga bookshops na posibleng pagbentahan ng mga literatura ng IKT. Lumahok siya sa mga sirkulo ng diskusyon at pampublikong pulong hanggat maari. Malaki ang papel niya sa pagdami ng mga subscriber sa literatura ng IKT. Lumahok siya at malaki ang aktibong papel sa ibat-ibang Internasyunal na Kongreso ng IKT kabilang na ang mga kumperensyang teritoryal ng seksyon sa India. Ang kanyang mahalaga at talagang pinag-iisipan na mga kontribusyon ay nakadagdag ng talim sa proseso ng pampulitikang klaripikasyon. Ang kanyang pinaka-dakilang kalakasan ay ang pagtatanggol sa aming organisasyon laban sa lahat ng mga atake at paninira.
May kakayahan si kasamang Kishan na pangibabawan ang maraming hamon ng buhay. Ang kanyang matibay na konbiksyon sa pulitika ng IKT at kanyang optimistikong aktitud ay nakatulong sa kanya upang maging matatag sa pinaka-mahirap na mga pampulitikang sitwasyon. Mahirap ang angkop na pagtasa sa kontribusyon ni Kishan sa pulitikal na pakikibaka para sa emansipasyon ng uring manggagawa sa pamamagitan ng isang maikling teksto ng parangal. Dagdag din namin na si Kishan ay napaka-magiliw at simple. Maraming kasama ng IKT, galing man sa ibang bansa o mula sa ibang bahagi ng India, ay nakaranas sa magiliw na kabaitan niya. Ipahayag namin ang aming rebolusyonaryong pagsaludo at pakikisa sa kanyang pamilya. Lubos ang pakikidalamhati at pakikiisa ng IKT sa kanyang anak na babae at asawa.
IKT, Oktubre 2020
[1] Tingnan ang artikulo ‘Maoism, a monstrous offspring of decadent capitalism’ on our website. https://en.internationalism.org/ir/094_china_part3.html#_ftnref4
Source URL: https://en.internationalism.org/content/16926/homage-our-comrade-kishan