Submitted by Internasyonalismo on
Ang administrasyon ni Trump ay nagdulot na ng nakakahiya pero nakamamatay na kapahamakan para sa burgesya ng US – hindi bababa sa pamamagitan ng aktibong pagpapalala sa pandemiya ng Covid sa 2020 – subalit laging may pag-asa sa hanay ng mas matinong mga paksyon ng naghaharing uri sa Amerika na ang pagkaroon ng isang walang kakayahan na narsisista ay isa lang padaan na bangungot, na maya-maya lang ay magigising na sila. Pero ang elektoral na tagumpay ng Democratic Party ay hindi landslide tulad ng inaasahan – ito man ay sa bagong administrasyon ni Joe Biden o ng bagong Kongreso.
Mas malala pa, isang naka-telebisyon na riot ang nangyari sa Kapitolyo, ang sagradong lugar ng demokrasya sa US, na sinulsulan ng papalitan na pangulo ng estado na itinakwil ang opisyal, pinagtibay, na resulta ng eleksyong presidensyal! Isang grupo ng manggugulo ang nagtangkang marahas na pigilan ang demokratikong paghalili, na hinimok mismo ng nakaupong pangulo – tulad ng sa banana republic na kinilala ni George W Bush. Tunay na ito ay pantukoy na yugto ng dekomposisyon ng pandaigdigang kapitalismo. Ang mapaminsala-sa-sarili na populismo sa UK sa pamamagitan ng Brexit ay parang kakatuwa para sa ibang mga bansa, dahil ang Britanya ay isang segundaryong kapangyarihan, subalit ang banta ng instabilidad na kinatawan ng insureksyon sa Capitol Hill ng US ay nagdulot ng pagkabigla at takot sa buong internasyunal na burgesya.
Ang kasunod na pagtangkang ipalitis si Trump sa ikalawang pagkakataon ay malamang muling mabigo, at posibleng magpasigla sa kanyang milyun-milyon na tagasuporta sa populasyon, kabilang na ang malaking bahagi ng Republican party.
Ang inagurasyon ng bagong Presidente sa Enero 20, na kadalasan ay okasyon ng pagpapakita ng pambansang pagkakaisa at rekonsilyasyon, ay hindi mangyari: si Trump ay hindi dadalo, na kabaliktaran sa tradisyon ng papalitan na mga presidente, at ang Washington DC ay isailalim sa lockdown ng militar para pigilan ang anumang armadong pagtutol ng mga tagasuporta ni Trump. Ang perspektiba kung gayon ay hindi ang maayos, pangmatagalang muling pagtatag ng tradisyunal na demokratikong kaayusan at ideolohiya ng administrasyong Biden, kundi ang pagbibigay-diin - sa lumalaking marahas na kalikasan – ng dibisyon sa pagitan ng klasikal na burges-demokrasya at populismo, ang huli ay hindi maglalaho sa pagtatapos ng rehimeng Trump.
Ang US – mula sa pinakamalakas na makapangyarihan sa mundo patungong sentro ng pagkabulok
Mula 1945 ang demokrasya sa US ay naging puno ng pandaigdigang kapitalismo. Dahil sa mapagpasyang papel sa tagumpay ng Allied sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at may malaking kontribusyon upang mapigilang bumagsak ang Uropa at Japan, nagawa nitong hatakin ang mundo mula sa pagkasira at muling binuo ayon sa kanyang sariling imahe sa panahon ng Cold War. Sa 1989, sa pagkatalo at pagkawasak ng karibal na totalitaryan na bloke ng Rusya, tila naabot na ng US ang rurok ng kanyang dominasyon at katanyagan. Nagpahayag si George Bush Snr na darating ang Bagong Pandaigdigang Kaayusan matapos bumagsak ang bloke ng Rusya sa 1989. Iniisip ng Washington na mapanatili niya ang kanyang dominasyon sa pamamagitan ng pagpigil sa anumang lilitaw na bagong kapangyarihan bilang seryosong kalaban sa kanyang pamumuno sa mundo. Pero sa halip, ang paggigiit ng kanyang superyoridad-militar ay nagpabilis sa pandaigdigang kaguluhan sa walang saysay na mga tagumpay (Kuwait, ang Balkans sa 1990s) at magastos na bigong patakarang-panlabas sa Iraq, Afghanistan at Syria. Mas pinahihina ng US ang mga alyansa kung saan nakasalalay ang kanyang dating pamumuno sa mundo at dahil dito nahimok ang ibang mga kapangyarihan na kumilos ayon sa kagustuhan nila.
Dagdag pa, hindi napahina ng kapangyarihan at yaman ng US ang dumaraming mga kombulsyon sa pandaigdigang ekonomiya: ang tilamsik ng apoy ng krisis sa 2008 na nanggaling sa Wall Street at nilamon ang US at ang mundo sa pinaka-seryosong pagbulusok mula ng muling lumitaw ang hayag na krisis sa 1967.
Ang mga panlipunan at pulitikal na bunga ng mga pag-atras ng US, at kawalan ng mga alternatiba, ay mas pinalaki ang dibisyon at kaguluhan sa burges na estado, at sa populasyon sa pangkalahatan, na humantong sa dumaraming pagkasira sa establisadong pampulitikang pamantayan ng demokratikong pampulitikang sistema ng US.
Ang nagdaang pangulohan nila Bush at Obama ay bigong buuin ang pangmatagalang konsensus sa tradisyunal na demokratikong kaayusan sa hanay ng populasyon sa kabuuan. Ang ‘solusyon’ ni Trump sa problemang ito ay hindi para resolbahin ang pagkawatak-watak kundi mas lalo pa itong patingkarin sa pamamagitan ng bastos at magulong polisiya ng bandalismo na mas lalo pang gumutay-gutay sa lokal na pampulitikang konsensus at pinunit ang mga kasunduang militar at ekonomiya sa kanyang dating mga alyado sa pandaigidgang arena. Lahat ng ito ay ginawa sa ilalim ng banderang ‘Una ang Amerika’ – pero sa realidad nagsilbi ito para palakihin ang pagkawala ng istatus ng USA.
Ibig sabihin, ang nagpapatuloy na pampulitikang krisis ng demokrasya sa US, na sinimbolo ng pagsalakay sa Kapitolyo, ay nakadagdag sa magulo at makasira-sa-sarili na mga resulta ng imperyalistang polisiya ng US at mas naging malinaw na ang nanatiling pinaka-malakas na kapangyarihan sa mundo ay nasa sentro ng, at may mayor na papel sa, pagkabulok ng pandaigdigang kapitalismo sa lahat ng antas.
Hindi kaya ng Tsina na punan ang puwang
Ang Tsina, sa kabila ng kanyang lumalaking kapangyarihan sa ekonomiya at militar, ay hindi kayang punan ang puwang ng pamumuno sa daigdig na nilikha ng dis-oryentasyon ng US. Ito ay dahil ang huli ay nanatiling may kapasidad at determinadong pigilan ang paglaki ng impluwensya ng Tsina bilang mayor na layunin mayroon o walang Trump. Halimbawa, isa sa mga plano ng Administrasyong Biden ay palakasin ang polisiyang anti-Tsina sa pagbuo ng D10, isang alyansa ng mga demokratikong kapangyarihan (ang G7 kasama ang Timog Korea, India, at Australia). Hindi na kailangang ipaliwanag ang magiging papel nito sa pagpapalala ng imperyalistang tensyon.
Subalit ang mga tensyon na ito ay hindi maaring maging daan sa pagbuo ng panibagong mga bloke dahil sa maliwanag na mga kadahilanan. Dahil sa paglala ng dekomposisyon ng kapitalismo lumalaki ang posibilidad na hindi mangyari ang pangkalahatang pandaigdigang digmaan.
Mga peligro para sa uring manggagawa
Sa 1989 tinataya namin na ang bagong yugto ng dekomposisyon ng kapitalismo ay magdadala ng dumaraming kahirapan sa proletaryado.
Ang kamakalilan lang na mga kaganapan sa US ay muling pinatunayan ang prediksyong ito.
Ang pinakamahalaga sa mga ito sa relasyon ng kasalukuyang sitwasyon sa US ay ang peligro na mga seksyon ng uring manggagawa na ma-mobilisa sa likod ng lumalaking marahas na paligsahan ng magkasalungat na mga paksyon ng burgesya, ie, hindi lang sa elektoral na larangan kundi maging sa mga lansangan. Ang mga bahagi ng uring manggagawa ay maaring maligaw sa populismo at pagtatanggol sa demokrasya, ang dalawang maling alternatiba na inaalok ng kapitalistang pagsasamantala.
Konektado dito ay ang katotohanan na sa kasalukuyang sitwasyon ang ibang saray ng hindi-nagsasamantalang populasyon ay mas lalupang itinutulak para sa pampulitikang aksyon ng buong serye ng mga salik: ang mga epekto ng krisis sa ekonomiya, ang paglala ng pagkasira ng ekolohiya, ang paglakas ng panunupil ng estado at ng kanyang rasistang kalikasan, na humantong upang sila ay kumilos bilang daluyan ng mga burges na kampanya tulad ng kilusang Black Lives Matter, o bilang daluyan ng mga pakikibaka ng halu-halong mga uri.
Gayunpaman, sa internasyunal na antas ang uring manggagawa sa yugto ng dekomposisyon ay hindi pa natalo katulad ng sa 1930s. Ang kanyang mapanlabang mga reserba ay nanatiling buo at ang darating na karagdagang mga pang-ekonomiyang atake sa istandrad ng kanyang pamumuhay – kasama na ang paniningil sa pang-ekonomiyang pinsala ng pandemiya ng Covid – ay mapwersa ang proletaryado ng makibaka sa kanyang makauring larangan.
Ang hamon para sa mga rebolusyonaryong organisasyon
Ang rebolusyonaryong organisasyon ay may limitado pero napaka-importanteng papel sa kasalukuyang sitwasyon dahil, habang maliit pa ang impluwensya nito, at maging sa mahabang panahon na darating, ang sitwasyon ng uring manggagawa sa kabuuan ay magdadala ng maliit na minoriya sa rebolusyonaryong mga posisyon, na kapansin-pansin sa US mismo.
Ang matagumpay na transmisyon sa maliit na minoriyang ito ay nakasalalay sa maraming pangangailangan. Signipikante sa kasalukuyang konteksto ay ang kombinasyon, sa isang banda, ng isang mahigpit na pangmatagalang programa at kalinawan, na nakaugnay sa kabilang banda sa kapasidad ng organisasyon para sa isang rasyunal, umuunlad na pagsusuri sa buong sitwasyon ng daigdig: ang kanyang istorikal na pundasyon at perspektiba.
Ang pandaigdigang sitwasyon sa nagdaang taon ay dumarami ang binasag na bagong rekord sa pagkabulok ng pandaigdigang kapitalismo – ang pandemiya ng covid, ang krisis sa ekonomiya, ang krisis sa pulitika sa US, ang pagkasira ng ekolohiya, ang kalagayan ng mga bakwit, ang paghihikahos ng lumalaking bilang ng populasyon sa mundo. Ang dinamiko ng kaguluhan ay bumibilis at nagiging mas mahirap matantya, na nag-aalok ng bago, mas madalas na mga hamon sa ating pagsusuri at nangangailangan ng kakayahan na magbago o umangkop ayon sa bilis nito na hindi kinakalimutan ang ating mga simulain.
IKT, 16.01.2021