Ang nakatagong pamana ng kaliwa ng kapital (II): paraan ng pag-iisip na nagsisilbi sa kapitalismo

Printer-friendly version

Sa unang bahagi ng serye1 nakita natin na ang programa ng mga partido ng kaliwa at dulong-kaliwa para sa transpormasyon ng kapitalismo tungo sa isang "bagong lipunan" ay walang iba kundi isang ideyalisadong reproduksyon ng kapitalismo mismo.2 Pinakamasama pa, ang pananaw sa uring manggagawa na pinakilala nila ay ganap na pagtanggi sa rebolusyonaryong katangian nito.

Sa pangalawang artikulong ito, ipakita namin ang pag-iisip ng mga partidong ito at kanilang paraan sa pagsusuri, laluna yaong kinikilala ang sarili na “pinaka-radikal”.

Ang pagkakaisa sa pagitan ng programa, teorya, pagkilos at moralidad.

Sa unang artikulo, tinuligsa namin ang programa ng mga manlilinlang na nagtatanggol sa kapital; ngayon ay ang ibang bagay naman ang talakayin namin: ang paraan ng kanilang pag-iisip, ang relasyon sa pagitan ng mga kasapi, kanilang organisasyunal na pagkilos, kanilang bisyon ng moralidad, kanilang konsepto ng debate, kanilang bisyon ng militansya at panghuli, ang buong karanasan sa pagkilos sa loob ng mga partidong ito. Ang lumaya mula sa ganitong pananaw ay mas mahirap kaysa paglantad sa inilako nilang pampulitikang panlilinlang, dahil kontrolado ng mga organisasyong ito ang pag-iisip at nilason ang aktitud, at may impluwensya ito sa organisasyunal na pagkilos.

Ang mga rebolusyonaryong organisasyon ng kaliwang komunista, na marupok, maliit ang bilang ng mga militante, ay dapat harapin ang krusyal na usaping ito. Nagawang itakwil ng mga organisasyon ang programa ng kaliwa at dulong-kaliwa na mga kapitalistang organisasyon, pero ang kanilang nakatagong mukha, ang kanilang pag-iisip, kanilang pagkilos at gawi, kanilang pananaw sa moralidad, atbp., lahat ng ito ay kasing reaksyunaryo ng kanilang programa, na minamaliit at hindi dumaan sa walang puknat at radikal na kritisismo.

Kaya hindi sapat ang pagtuligsa sa programa ng kaliwa at dulong-kaliwa ng kapital; kailangan din tuligsain at labanan ang nakatagong organisasyunal at moral na mukha na kinopya nila sa kanan at dulong-kanan.

Ang rebolusyonaryong organisasyon ay higit pa sa programa; ito ay unitaryong sintesis ng programa, teorya at moda ng pag-iisip, moralidad at organisasyunal na pagkilos. May pagkakaisa sa pagitan ng mga elementong ito. "Ang aktibidad ng rebolusyonaryong organisasyon ay maintindihan lamang bilang isang tanging kabuuan, na ang mga sangkap ay hindi hiwa-hiwalay kundi nagtutulungan: 1) ang kanyang teoretikal na gawain, ang elaborasyon nito na kailangan ang palagiang pagpupunyagi at hindi permanente o kompleto na. Ito ay kailangan at hindi mapalitan; 2) interbensyon sa ekonomiya at pampulitikang pakikibaka ng uri. Mas mahusay na praktika ng organisasyon kung ang teorya ay natransporma sa pagiging armas para sa pakikibaka sa pamamagitan ng propaganda at ahitasyon; 3) organisasyunal na aktibidad para paunlarin at palakasin ang kanyang mga organo at sa preserbasyon sa kanyang mga natamong organisasyunal, kung wala ito ang kantitatibong pag-unlad (kasapian) ay hindi matransporma sa kalitatibong pag-unlad3

Malinaw na hindi natin makamit ang komunismo sa pamamagitan ng kasinungalingan, paninirang-puri at maniobra. May pagkakaugnay-ugnay sa pagitan ng mga aspeto na nasambit sa itaas. Larawan sila ng kabuuang buhay at panlipunang organisasyon ng komunismo at hindi maaring kasalungat nito.

tulad ng sinabi namin sa tekstong "Ang organisasyunal na pagkilos ng IKT":

"Ang usapin ng organisasyon ay nakapokus sa buong serye ng mga esensyal na aspeto na pundamental sa rebolusyonaryong perspektiba ng proletaryado: 1) ang pundamental na mga katangian ng komunistang lipunan at relasyon sa pagitan ng mga myembro ng huli; 2) ang pagiging proletaryado bilang isang uri na nagdadala ng komunismo; 3) ang katangian ng makauring kamulatan, ang mga katangian ng kanyang pag-unlad, pagpapalalim at paglawak sa loob ng uri; 4) ang papel ng komunistang organisasyon para mamulat ang proletaryado."4

Ang kaliwa at dulong-kaliwa ng kapital, tagapagmana ng palsipikasyon sa marxismo ng Stalinismo

Masasabi na ang mga grupo ng kaliwa at dulong-kaliwa ng kapital ay mga pampulitikang salamangkero. Nagsilbi sila sa mga pampulitikang posisyon ng kapital na may lenggwaheng “proletaryado” at “marxista”. Pinagsalita nila sila Marx, Engels, Lenin at iba pang proletaryong militante na salungat sa gusto nilang sabihin. Tinabingi, ginulo at minanipula nila ang ang mga posisyon na pinagtatanggol nila sa isipisipikong yugto ng kilusang manggagawa, para maging absolutong salungat sa kanila. Kumuha sila ng mga sipi mula kina Marx, Engels o Lenin at pinagsalita sila na ang kapitalistang pagsasamantala ay mabuti, na pinaka-mahalaga ang bansa, na dapat maging tagasuporta tayo ng imperyalistang digmaan at tanggapin na ang estado ay ating tagapagtangkilk at tagapagtanggol, atbp.

Sila Marx, Engels at Lenin, na nakibaka para wasakin ang estado, parang mahika, para sa mga grupong ito, ay naging pinaka-masigasig na tagapagtanggol. Sila Marx, Engels, Lenin, na lubos na mandirigma ng internasyunalismo, ay naging mga kampyon ng "pambansang kalayaan" at tagapagtanggol ng bansa. Sila Marx, Engels, Lenin, na nag-udyok sa depensibang pakikibaka ng proletaryado, ay naging mga kampyon ng produktibismo at pabor na isakripisyo ng mga manggagawa ang sarili para sa kapital.

Namuno sa pagpalaganap ng palsipikasyon ay ang Stalinismo5. Sistematikong pinamunuan ni Stalin ang kasuklam-suklam na transpormasyong ito. Maari nating sanggunian ang libro ni Ante Ciliga, The Russian Enigma para ilarawan ito6. Ditalyadong inilarawan ang prosesong ito na nagsimula sa kalahating bahagi ng 1920s:

"Ang natatanging panlipunang rehimen na umunlad sa Rusyang Sobyet ay nagawang ikintal ang kanyang sariling ideolohiya sa lahat ng sangay ng syensya. Sa madaling salita, pinagsama niya ang sariling pandaigdigang pananaw sa estabilisadong syensa, kabilang na ang tradisyunal na ideolohiya ng marxismo at mga bagong syentipikong diskubre" (pahina 103 PDF edisyon sa Espanyol).

Para ipaliwanag ito, gununita niya na "Pinakita ni Hegel (..) na maaring manatili ang porma ng isang penomenon habang ganap na nagbago ang kanyang nilalaman; (...) hindi ba madalas sinabi ni Lenin na ang kapalaran ng bantog na mga tao ay magsilbi bilang rebulto matapos silang mamatay, habang ang kanilang mapagpalayang mga ideya ay pinapalsipika para bigyang katuwiran ang bagong panunupil at pang-aalipin?" (pahina 109).

Sa panahon na siya ay nasa "Komunistang Akademiya" sa Moscow, nabanggit niya na "bawat taon nagbago ang kurikulum, ang istorikal na mga datos at kanilang kahalagahan ay walang pasubaling pinalsipika. Ginawa ito hindi lang sa kamakailan na kasaysayan ng rebolusyonaryong kilusan sa Rusya, kundi pati na rin ang mga kaganapan ng Komuna sa Paris, ang rebolusyon ng 1848 at ang unang Rebolusyong Pranses. (...) At ang kasaysayan ng Comintern? Bawat bagong publikasyon ay may bagong interpretasyon, na karamihan ay naiiba mula sa mga nauna" (p. 100), "Dahil ang mga palsipikasyong ito ay ipinakilala sa lahat ng mga sangay ng edukasyon, may palagay ako na hindi sila mga aksidente, kundi isang sistematikong transpormasyon ng kasaysayan, pampuitikang ekonomiya at iba pang mga syensya ayon sa interes at pandaigdigang pananaw ng burukrasya (...) Katunayan, isang bagong paaralan, ang burukratikong paaralan ng Marxismo, ay itinatayo sa Rusya." (p. 101)

Alinsunod, ang kaliwa at dulong-kaliwa ng kapital ay gumagamit ng tatlong paraan:

- sinamantala ang mga pagkakamali ng mga rebolusyonaryo;

- pinagtatanggol ang mga posisyon na tama sa nakaraan, pero hindi na balido ngayon at naging kontra-rebolusyonaryo na;

- pinapurol ang rebolusyonaryong katangian ng mga posisyong ito sa pamamagitan ng paggawa sa kanila na hindi mapaminsalang abstraksyon.

Ang mga pagkakamali ng mga rebolusyonaryo

Sila Marx, Engels, Lenin, Rosa Luxemburg, ay hindi perpekto. Nagkamali sila.

Salungat sa mekanistikong pananaw ng burges na kaisipan, kadalasan hindi maiwasan ang mga pagkakamali at kinakailangang hakbang tungo sa katotohanan na hindi absoluto mismo, kundi may istorikal na katangian. Para kay Hegel, ang mga pagkakamali ay kailangan at sumusulong na yugto ng katotohanan.

Mas malinaw ito kung kinukonsidera natin na ang proletaryado ay parehong pinagsamantalahan at rebolusyonaryong uri at, bilang isang pinagsamantalahang uri, ay nakaranas ng buong bigat ng dominanteng ideolohiya. Kaya, ng ang proletaryado - o ang bahagi nito - ay mangahas mag-isip, magbalangkas ng teorya at magharap ng mga kahilingan at maglatag ng sariling mga layunin, ito ay lumalaban sa pagsawalang-kibo at pagkatuliro na ipinataw ng kapitalistang sintido komon; pero kasabay nito ay makagawa rin ng seryosong maling desisyon at umatras sa pagtanggap sa mga ideya na ang panlipunang ebolusyon miso o ang mismong dinamika ng makauring pakikibaka ay napangibabawan na o naisantabi.

Sila Marx at Engels ay naniwala sa 1848 na hinog na ang kapitalismo para palitan ng komunismo at nagtaguyod ng “intermediyang” kapitalistang programa na magsilbing plataporma para sa sosyalismo (ang teorya ng "permanenteng rebolusyon").

Subalit, dahil sa kanilang kritikal na pag-iisip ay humantong sila sa pagtakwil sa ganitong ispekulasyon, na inabandona nila sa 1852. Kahalintulad, naniwala sila na ang kapitalistang estado ay dapat agawin at gamitin para sa rebolusyon, pero ang buhay na karanasan ng Komuna sa Paris ang nakatulong para makumbinsi sila na ito ay isang pagkakamali at sa kapasyahan na kailangang wasakin ang kapitalistang estado.

Marami pang pwede naming gawing halimbawa, pero ang gusto naming ipakita ay paano ginamit ng mga grupo ng kaliwa ang mga kamaliang ito para bigyang katuwiran ang kanilang kontra-rebolusyonaryong programa. Si Lenin ay isang komitidong internasyunalista, subalit hindi sapat ang kanyang kalinawan sa usapin ng pambansang kalayaan at nakagawa ng seryosong pagkakamali. Ang mga kamaliang ito, kinuha na hiwalay sa kanilang istorikal na konteksto, na hiwalay sa internasyunalistang pakikibaka niya, at ginawang mga “batas” na balido sa lahat ng panahon7. Ang mga pagkakamaling ito ay binago, ipokrikong ginamit sa pagtatanggol sa kapital.

Bakit naging posible ang ganitong palsipikasyon? Isa sa mga pinaka-importanteng paraan ay ang pagsira sa kritikal na pag-iisip ng mga militante. Ang may kalinawan na mga marxista ay sumasang-ayon sa pinakamagaling na ginagawa ng syensya: kritikal na pag-iisip, ibig sabihin, ang kapasidad na kwestyunin ang mga posisyon, na sa ibat-ibang kadahilanan, ay sumasalungat na sa realidad at pangangailangan ng proletaryong pakikibaka. Ang Marxismo ay hindi hanay ng mga dogma mula sa utak ng mga henyo na hindi maaring baguhin; ito ay mapanlaban, buhay, nagsusuri at sa paraang palaging umuunlad, at sa dahilang ito, pundamental sa kanya ang kritikal na pag-iisip. Pangunahing tungkulin ng mga grupo ng kaliwa ang pagsupil sa kritikal na pag-iisip, tulad ng kanilang mga Stalinistang amo na, tulad ng sinabi ni Ciliga sa kanyang panahon sa "Komunistang Unibersidad" sa Leningrad, hinggil sa mga mag-aaral at lider ng partido sa hinaharap, "kung hindi nakasulat sa manwal, para sa kanila hindi ito umiiral. Hindi kinukwestyon ang programa ng Partido. Kontrolado ang buhay ispirituwal. Nang sinubukan kong itulak sila palabas sa makipot na kagiliran ng programa, para pukawin ang kanilang mapang-usisa at kritikal na pag-iisip, nanatili silang bingi. Tila naging mapurol ang kanilang panlipunang kahusayan." (p. 98).

Kaya, sa harap ng bulag na pagsunod na tinataguyod ng mga grupo ng kaliwa (mula sa mga Stalinista hanggang sa mga Trotskyista at maraming anarkista), kailangang makibaka ang mga proletaryong militante at rebolusyonaryong grupo na manatiling buhay ang kanilang kritikal na pag-iisip, ang kanilang kapasidad na maging kritikal-sa-sarili; dapat lagi nilang usisain ang mga datos at, batay sa istorikal na pagsusuri, alamin paano muling tasahin ang mga posisyon na hindi na balido.

Ang mga posisyon na dati tama ay pwedeng magiging walang kabuluhang kasinungalingan

Isa pang katangian ng paraan ng kaliwa ay ang pagtatanggol sa dati mga tamang rebolusyonaryong posisyon na pinawalang-bisa na o hindi na produktibo batay sa mga istorikal na kaganapan. Halimbawa, ang pagsuporta nila Marx at Engels sa mga unyon sa pagawaan. Pinagtibay ng kaliwa na, kung ang mga unyon ay organo ng proletaryado sa panahon nila Marx at Engels, ganun din sa lahat ng panahon. Gumagamit sila ng abstrakto at walang hanggan na paraan. Tinago nila ang katotohanan na sa dekadenteng kapitalismo, ang mga unyon sa pagawaan ay nagiging organo na ng burges na estado laban sa proletaryado.8

May mga rebolusyonaryong militante na kumawala sa mga posisyon ng kaliwa, pero bigong kumawala sa kanilang iskolastikong paraan. Kaya, halimbawa, binaliktad lang nila ang posisyon ng kaliwa hinggil sa unyonismo: kung ang posisyon ng kaliwa na ang unyonismo ay palagiang nagsisilbi sa uring manggagawa, pinagtibay ng mga rebolusyonaryong militanteng ito na ang unyonismo ay palagiang laban sa uri. Para sa kanila ang posisyon sa unyonismo ay hindi nagbabago, walang kataposan, kaya, kahit tila kumawala sila sa kaliwa, nanatili silang bilanggo dito.

Ganun din sa sosyal-demokrasya. Mahirap isipin na ang mga ‘sosyalistang partido’ na umiiral ngayon ay mga partido ng uring manggagawa sa panahon mula 1870 hanggang 1914, na nakaambag sila sa pagkakaisa, kamulatan at pakikibaka nito. Sa harap nito, ang kaliwa, laluna ang Trotskyismo, ay nagpasya: ang mga sosyal-demokratikong partido ay nanatili at hindi tumigil sa pagiging mga partido ng manggagawa, sa kabila ng kanilang mga kontra-rebolusyonaryong aksyon.

Subalit, may mga rebolusyonaryo na kahalintulad ang sinabi, pero sa salungat: kung sabi ng mga Trotskyista na ang sosyal-demokrasya ay partido at mananatiling partido ng manggagawa, naghinuha naman sila na ang sosyal-demokrasya ay isang kapitalista at mananatiling ganito. Pinagwalang-bahala nila na ang oportunismo ay isang sakit na nakaapekto sa kilusang manggagawa at maaring magtulak sa mga partido nito na magtraydor at pumasok sa kapitalistang estado.

Bilanggo sa kanilang pamana mula sa kaliwa, pinalitan nila ang istorikal at diyalektikal na paraan ng iskolastikang paraan, na hindi naintindihan na isa sa mga prinsipyo ng diyalektika ay ang transpormasyon ng magkasalungat: ang isang bagay na umiiral ay pwedeng matransporma na kikilos ng salungat sa kung ano siya. Ang mga proletaryong partido, dahil sa pagkabulok bunsod ng impluwensya ng burges na ideolohiya at ng peti-burges, ay mabago sila tungo sa kanilang kabaliktaran: magiging tapat na tagasilbi sa kapitalismo9.

Ito ay isa sa resulta ng paraan ng kaliwa: itinakwil nila ang istorikal na elemento ng makauring posisyon at ang proseso na binalangkas sila. Inalis nito ang isa pang esensyal na sangkap sa proletaryong pamamaraan. Bawat henerasyon ng manggagawa ay nakinabang sa nagdaang henerasyon: ang mga aral na nahalaw mula sa makauring pakikibaka at teoretikal na pagsisikap ay nagbigay ng mga kongklusyon na nagsilbi bilang panimulang punto pero hindi huling punto. Ang ebolusyon ng kapitalismo at ang mismong karanasan ng makauring pakikibaka ang nagtulak sa pangangailangan ng panibagong pagpapaunlad o kritikal na koreksyon sa dating mga posisyon. Itinanggi ng kaliwa ang istorikal na pagpapatuloy sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng isang dogmatiko at hindi istorikal na bisyon.

Mula 17 hanggang 19 siglo, ang mga palaisip na nagpahayag ng burges na rebolusyon ay nagpaliwanag ng materyalismo na rebolusyonaryo sa panahong yaon dahil walang puknat na sinaway nito ang pyudal na ideyalismo. Subalit, ng nakontrol na ang kapangyarihan sa pangunahing mga bansa, ang kaisipang burges ay naging konserbatibo na, dogmatiko at hindi istorikal. Ang proletaryado, sa kabilang banda, sa kanyang naturalesa na kritikal at istorikal na pag-iisip, isang abilidad na hindi manatiling nakakulong sa mga kaganapan sa isang ispisipikong yugto, gaano man sila kahalaga, at ginagabayan hindi sa nakaraan o kasalukuyan kundi ng perspektiba ng rebolusyonaryong hinaharap kung saan ito ang nagdadala. "Ang kasaysayan ng pilosopiya at kasaysayan ng panlipunang syensya ay malinaw na pinakita na ang marxismo ay salungat sa ‘sektaryanismo’ sa punto ng doktrina na makasarili at naninigas, lumitaw sa mahabang pag-unlad ng sibilisasyon ng tao. Kabaliktaran, si Marx, ang tao, ay malikhain sa pagsagot niya sa mga tanong na iminumungkahi na ng abanteng sangkatauhan."10

Ang patibong ng abstraksyon

Tulad ng burges na kaisipan, ang ideolohiya ng kaliwa ay dogmatiko at ideyalista sa isang banda, at relabistiko at pragmatiko sa kabilang banda. Itinaas ng kaliwa ang kanyang kaliwang kamay at nagpahayag ng ilang mga “prinsipyo” na itinaas sa hanay ng mga unibersal na dogma, balido sa lahat ng mga mundo at sa lahat ng panahon. Subalit, sa kanyang kanang kamay, ay nanawagan ng mga “taktikal na konsiderasyon”, inilagay lang niya ang mga sagradong prinsipyo sa kanyang bulsa dahil "hindi pa tama ang kondisyon”, "hindi maintindihan ng mga manggagawa", "hindi pa napapanahon”, atbp.

Ang dogmatismo at taktika-ismo ay hindi magkatunggali kundi nagtutulungan. Ang dogma na nanghihimok sa mga tao na lumahok sa eleksyon ay tinutulungan ng mga “taktika” na “gamitin ang mga ito” para “makilala tayo” o “hadlangan ang kanan”, atbp. Kaya ang dogmatismo ay tila teoretikal, pero sa realidad ito ay isang abstraktong pananaw, na inilagay sa labas ng istorikal na ebolusyon. Ang mga “taktika”, gayunman, ay parang "praktikal" at “kongkreto” pero sa totoo lang ay isang krudo at istupidong bisyon, tipikal sa burges na pag-iisip, na hindi nagmula sa malinaw na mga posisyon kundi mula sa purong pangongopya at oportunismo sa araw-araw na gawain.

Humantong ito na maunawaan natin ang pangatlong katangian ng paraan ng pag-iisip ng kaliwa: kailangang gawing abstrakto ang mga tamang posisyon ng mga rebolusyonaryo, unawain na wala sa konteksto, para papurulin ang kanilang rebolusyonaryong talas; tulad ng sinabi ni Lenin, gawin silang hindi banta sa kapital sa pamamagitan ng pagiging abstrakto at walang saysay ang mga “prinsipyo”. Kaya ang komunismo, diktadura ng proletaryado, konseho ng manggagawa, internasyunalismo…. ay naging malabong retorika at mapang-uyam na salita kung saan mismong ang mga lider ay hindi naniwala, pero walanghiyang ginagamit para manipulahin ang kanilang tapat na mga tagasunod. Si Ciliga, sa nabanggit na libro, binigyang-diin "ang kapasidad ng komunistang burukrasya na gawin ang kabaliktaran sa kung ano ang sinasabi nito, para itago ang pinakamasamang mga krimen sa ilalim ng maskara ng pinaka-progresibong mga islogan at pinaka-magaling na mga pangungusap" (pahina 52).

Sa mga organisasyon ng kaliwa, walang mga prinsipyo. Ang kanilang bisyon ay purong pragmatiko at nagbabago ayon sa mga sirkumstansya, ibig sabihin, ayon sa pulitikal, ekonomiko at ideolohikal na pangangailangan ng pinagsilbihan nilang pambansang kapital. Ang mga prinsipyo ay umaangkop sa mga sirkumstansya at ispisipikong mga yugto, tulad ng panahon ng mga kumperensya ng partido at mayor na mga anibersaryo; at ginamit bilang rason para akusahan ang mga militante na “lumabag sa mga prinsipyo”; ginamit rin sila bilang sandata sa bangayan sa pagitan ng mga paksyon.

Itong bisyon ng mga “prinsipyo” ay radikal na salungat yaong sa rebolusyonaryong organisasyon, na nakabatay sa "pag-iral ng programa na balido sa buong organisasyon. Itong programa, na sintises ng karanasan ng proletaryado kung saan bahagi ang organisasyon at dahil nagmula ito sa isang uri na hindi lang may kagyat na pag-iral kundi may istorikal din na hinaharap, na nagpahayag sa hinaharap na ito sa pamamagitan ng pagbalangkas ng mga layunin ng uri at ang paraan para makamit ang mga ito; na pinagsama ang mga esensyal na posisyon na kailangang ipagtanggol ng organisasyon sa uri; na magsilbing batayan sa pagsapi sa organisasyon".11

Ang rebolusyonaryong programa ang pinagmulan ng aktibidad ng organisasyon, ang kanyang teoretikal na gawain ang pinagmulan ng inspirasyon at pampasigla ng pagkilos. Kaya kailangan seryoso itong panghawakan. Ang militante na nagmula sa kaliwa at hindi na nakawala mula dito, kadalasan hindi mulat na naniwala, na ang programa ay isang palabas lang, isang koleksyon ng mga simpleng kataga na tinatawag sa taimtim na mga okasyon, kaya gusto niya na tanggalin ang retorika dito. Sa ibang pagkakataon, kung galit siya sa isang kasama o iniisip niya na inihiwalay siya ng sentral na organo, “sinisi sila” nito sa pamamagitan ng paggamit ng programa para igiit ang kanyang punto.

Laban sa dalawang maling pananaw na ito, inamin namin na ang esensyal na papel ng programa sa proletaryong organisasyon ay ito ay sandata ng pagsusuri na sinag-ayonan ng lahat ng mga militante at kung saan lahat ay komitido para paunlarin ito; ito ay paraan ng interbensyon sa proletaryong pakikibaka, isang oryentasyon at aktibong kontribusyon sa kanyang rebolusyonaryong hinaharap.

Ang pragmatiko at “malikhaing” palusot ng kaliwa ay mas nakasira dahil ginawa nilang mahirap ang pandaigdigang pamana para kumilos mula sa pangkalahatan patungo sa kongkreto, mula sa abstrakto tungo sa kagyat, mula sa teoretikal tungo sa praktikal. Sinira ng paraan ng kaliwa ang pagkakaisa ng dalawang mukha ng proletaryong pag-iisip, sa pamamagitan ng pagpigil sa aktwal na realisasyon ng pagkakaisa sa pagitan ng kongkreto at pangkalahatan, ng kagyat at istorikal, ng lokal at pandaigdigan. Ang tunguhin at presyur ay tungong unilateral na kaisipan. Ang kaliwa ay lokalista bawat araw, pero nagpakita ng pagiging “internasyunalista” sa mga pampublikong bakasyon. Ang nakikita lang ng kaliwa ay ang kagyat at pragmatiko, pero nilagyan niya ito ng palamuti ng ilang “istorikal” na reperensya at sumasaludo sa “mga prinsipyo”. Naging kahabag-habag na “kongkreto” ang kaliwa sa panahon ng pagsagawa ng abstraktong pagsusuri at naging abstrakto kung kinakailangan na ang kongkretong pagsusuri.

Ang mapanirang epekto ng teoretikal na paraan ng kaliwa

Nakita natin, sa napaka-sintetikong paraan, ang ilan sa mga katangian ng kaisipan ng kaliwa at ang mga epekto nito sa posisyon ng mga militanteng komunista.

Nakita natin ang ilan sa mga ito. Ginamit ng Ikatlong Internasyunal ang isang pormula na may katuturan lang sa ilalim ng tiyak na istorikal na mga kondisyon: "sa likod ng bawat welga ay ang haydra ng rebolusyon".

Ang pormulang ito ay hindi balido kung ang balanse ng pwersa sa pagitan ng mga uri ay paborable sa burgesya. Kaya, halimbawa, iskematikong ginamit ito ni Trotsky, sa pagkonsidera sa 1936 na mga welga sa Pransya at ang matapang na tugon ng proletaryado sa Barcelona sa Hulyo 1936 laban sa pasistang kudeta na "nagbukas ng pintuan ng rebolusyon". Hindi nito sinaalang-alang ang hindi mapigilan na tunguhin ng imperyalistang digmaan, ang pagdurog sa proletaryong Aleman at Ruso, ang pagpasok ng mga manggagawa sa bandera ng anti-pasismo. Hindi niya pinansin itong istorikal at pandaligdigang analisis at inilapat lang ang walang laman na resipe ng "sa likod ng bawat welga ay ang haydra ng rebolusyon".12

Isa pang epekto ay ang bulgar na materyalismo na tumagos sa bag-as ng ekonomismo. Lahat ay pinagpasyahan ng ekonomiya, na sumasalamin sa napakakitid na pananaw. Ang penomena tulad ng digmaan ay inihiwalay mula sa imperyalista, sa mga ugat na estratehiko at militar, sa pagtatangkang hanapin ang pinaka-pantastikong pang-ekonomiyang paliwanag. Kaya, ang Islamic state, na isang mafia gang, barbariko na produkto ng imperyalismo, ay maaring katumbas ng kompanya ng langis.

Panghuli, isa pang resulta ng manipulasyon ng kaliwa sa marxistang teorya na ito ay nilikha ng mga espesyalista, eksperto, magaling na lider. Lahat ng sinabi ng mga marunong na lider na ito ay dapat sundin ng mga “ordinaryong kasapi at aktibista” na walang papel sa teoretikal na pagpapaunlad dahil ang kanilang misyon ay mamahagi ng mga polyeto, magbenta ng pahayagan, pamamahala sa mga pulong, mandikit ng paskil... i.e. magsilbing lakas-paggawa o pambala ng kanyon ng mga “minamahal na pinuno”.

Ang ganitong konsepto ay mahalaga para sa kaliwa dahil ang kanilang tungkulin ay guluhin ang kaisipan nila Marx, Engels, Lenin, atbp. at para dito kailangan nila ang mga militante na bulag na maniwala sa kanilang mga istorya. Subalit, mapaminsala at mapanira kung ang naturang pananaw ay makapasok sa mga rebolusyonaryong organisasyon. Ang kasalukuyang rebolusyonaryong organisasyon "ay mas impersonal kaysa 19 siglo, at hindi na organisasyon ng mga lider na gumagabay sa masa ng mga militante. Tapos na ang yugto ng mga tanyag at bantog na mga teoretisyan. Naging tunay na kolektibong tungkulin ang teoretikal na pagpapaunlad. Tulad ng milyun-milyong ‘hindi kilala’ na proletaryong mandirigma, ang kamulatan ng organisasyon ay lalago sa pamamagitan ng integrasyon at mahigitan ang indibidwal na kamulatan tungo sa komon at kolektibong kamulatan”.13

C Mir, 27.12.17

 

 

 

 

 


1  https://en.internationalism.org/content/16603/hidden-legacy-left-capital-part-one-false-vision-working-class

2  Ang kaliwa at dulong-kaliwa ng kapital ay umaayon sa sipi ng Manipesto ng Komunista para sa burges na sosyalismo: "Hangad nila ang umiiral na kaayusan ng lipunan pero wala ang mga elementong rebolusyonaryo at mapaminsala. Nais nila ang burgesya na wala ang proletaryado. Natural na iniisip ng burgesya ang ang isang mundo na sila ang nangingibabaw at pinakamagaling; at ganap na pinaunlad ng burges na sosyalismo ang kaisipang ito bilang isang sistema. Inutusan nito ang proletaryado na sundin ang naturang sistema at tuloy-tuloy na lumakad papunta sa lipunan ng Bagong Jerusalem, sa realidad inatasan nito ang proletaryado na manatili sa umiiral na sistema at itakwil lahat ng mga galit na ideya laban sa burgesya. (...) Masusuma ito sa kasabihang: ang burges ay burges - para sa kabutihan ng uring manggagawa."

3  “Report on the function of the revolutionary organisation”, (International Review 29), https://en.internationalism.org/specialtexts/IR029_function.htm

4  “The question of organisational functioning in the ICC”(International Review 107) https://en.internationalism.org/ir/109_functioning

5  Inspirasyon ng Stalinismo ang maruming gawain ng sosyal-demokrasya, na nagtraydor sa proletaryado sa 1914. Si Rosa Luxemburg, sa 'Our Program and the political situation; Address to the Founding Congress of the German Communist Party (Spartacus League)', 31 December 1918, 1 January 1919, ay kinondena ito: "Makita ninyo sa kanilang mga kinatawan saan ang paninindigan ng Marxismo ngayon: ito ay inalipin at inalagaan ng mga Ebert, David at iba pa. Dito nakita natin ang mga opisyal na kinatawan ng doktrinang ito na sa ilang dekada, ay ipinasa na puro, tunay na marxismo. Hindi. Hindi ito tunay na marxismo na namuno sa atin, kundi patungo sa kampo ng mga Scheidemanns at kampo ng kontra-rebolusyonaryong pulitika. Ang tunay na Marxismo ay lumalaban sa mga gustong pumalsipika nito.”

6  Si Ante (or Anton) Ciliga (1898-1992) at taga Croatia. Sumapi siya sa Partido Komunista ng Yugoslavia at nanirahan sa Rusya mula 1925, kung saan naging mulat siya sa kontra-rebolusyonaryong pagkabulok ng USSR. Sumama siya sa kaliwa ng Trotskyistang Oposisyon. Una siyang inaresto sa 1930 at pinadala sa Siberia at pinalaya sa 1935. Pagkatapos nito nanirahan siya sa Pransya kung saan napakalinaw niyang sinulat ang lahat na nangyari sa USSR, sa Ikatlong Internasyunal at sa CPSU, sa librong binanggit sa itaas. Ang PDF bersyon sa Espanyol kung saan isinalin ang mga sipi ay makita sa: marxismo.school/files/2017/09/Ciliga.pdf. Sa dakong huli si Ciliga ay mas lalupang lumalayo sa proletaryong posisyon, tungo sa pagtatanggol sa demokrasya,laluna pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

7  Sa paksang ito tingnan ang: "Communists and the national question (1900-1920) Part 1" (International Review 37, 1983) https://en.internationalism.org/ir/037_natqn_02.html

8  Tingnan ang aming pampleto, Unions against the Working Class https://en.internationalism.org/pamphlets/unions.htm

9  Tingan https://en.internationalism.org/internationalreview/201502/12081/1914-how-2nd-international-failed

10  Lenin, The Three Sources and the Three Component Parts of Marxism (1913)

11  "Report on the structure and functioning of revolutionary organisations", International Review No. 33 (1983), point 1

12  Ang kamaliang ito ni Trotsky ay ginamit ng Trotskyismo para ilarawan ang anumang sitwasyon ng pag-alsa at maging ang nakabase-sa-gerilya na kudeta tulad ng sa Cuba sa 1959 na isang "rebolusyon".

13  “Report on the function of the revolutionary organisation”

Rubric: 

Kaliwa