Boykot Eleksyon[1]: Marxistang Paninindigan sa Panahon ng Dekadenteng Kapitalismo

Printer-friendly version

Sa panahon na naharap ang mga manggagawa sa kawalang-trabaho, pagbawas ng sahod at hindi makataong kondisyon sa pagawaan, ang tanong ay paano maisulong ng mga manggagawa ang kanilang pakikibaka. Sa UK, habang nalalapit ang eleksyon, sinabihan tayo ng media na ito ay oportunidad para gamitin natin ang ating demokratikong karapatan. Ngunit, ang demokrasya ay hindi isang abstraktong prinsipyo na nangingibabaw sa lipunan – ito ay integral na bahagi ng kasalukuyang kaayusan. Ang kapitalismo ay isang makauring lipunan at tinatago ng demokratikong sirkus ano ang tunay na katotohanan na nasa likod ng parliyamento at eleksyon. Tulad ng sinulat ni Lenin sa Estado at Rebolusyon: "Para magpasya bawat ilang taon kung kaninong myembro ng naghaharing uri ang susupil at dudurog sa mamamayan sa pamamagitan ng parliyamento – ito ang tunay na esensya ng burges na parliyamentarismo – mga monarkiyang-konstitusyunal, at maging sa pinaka-demokratikong mga republika."

Ang ideya na maaring yakapin ang demokrasya ng mga manggagawa kasama ang mga nagsasamantala sa kanila ay isang panlilinlang na pinagsisikapan ng naghaharing uri.”

- (‘Against the trap of capitalist elections’, https://en.internationalism.org/wr/2010/333/lead) -

Eleksyon at Parliyamentarismo: Para sa Kapitalismo Laban sa Sosyalismo

Ang parliyamentarismo ay isang porma ng pampulitikang representasyon na pekulyar sa kapitalistang sistema. Ang prinsipyadong kritisismo ng mga rebolusyonaryong marxista sa parliyamentarismo at burges na demokrasya ay sa pangkalahatan tumutungo sa kongklusyon na ang prangkisang binigay sa lahat ng mamamayan ng lahat ng mga panlipunang uri sa pagpili ng mga kinatawan sa estado ay hindi nakapigil sa mga makinarya ng estado na maging komite para ipagtanggol ang interes ng naghaharing kapitalistang uri, at sa estado na organisahin ang sarili bilang istorikal na organo ng pakikibaka ng burgesya laban sa proletaryong rebolusyon.”

– Amadeo Bordiga, ‘Tesis sa Parliyamentarismo’ (1920), https://en.internationalism.org/wr/243_theses.htm

Noong Ikalawang Kongreso ng Komunistang Internasyunal (1920) ay nagkaroon ng mainit na debate hinggil sa partisipasyon o boykot sa burges na eleksyon. Minoriya ang mga komunistang nanindigan sa boykot at mayoriya ang para sa partisipasyon. Malaking bahagi ng huli ay nagtraydor sa proletaryong internasyunalismo at nagiging tuta ng stalinismo at imperyalismong USSR habang ang una ay matatag na lumalaban sa kapitalismo at digmaan noong WW II.

Ang kaliwa ng burgesya – maoista-stalinista, trotskyista, “marxista-leninista” at sosyal-demokrata – ay karay-karay pa rin ngayon ang malaking pagkakamali ng mayoriya ng Internasyunal na siyang isa sa mga dahilan ng pagkabuwag nito. Masahol pa, ginawa pa itong isa sa mga “batayang taktika” ng kaliwa.

Napatunayan na ng kasaysayan ng mga eleksyon na nilahukan ng mga “komunista” at “sosyalista”, sa halos 100 taon na ito ay hindi nakapaglakas sa rebolusyonaryong kilusan kundi kabaliktaran.

Progresibong Kapitalismo: Batayan ng Partisipasyon ng mga Rebolusyonaryo noong 19 Siglo

Ginagawang palusot ng mga traydor sa rebolusyon ang patakaran ng mga marxista noong 19 siglo upang bigyang katuwiran ang kanilang pagkanulo sa proletaryong kawsa. Totoo na sentral na taktika ng mga komunista noong 19 siglo ang pagpasok sa burges na parliyamento. Ang dahilan ay progresibo pa ang kapitalismo at may paksyon pa ng uring burges na rebolusyonaryo. Kaya sentral na patakaran ng Ikalawang Internasyunal noon ang paglahok sa eleksyon at pangangampanya para iboto ang mga komunistang kandidato.

Ang materyal na batayan ay may kapasidad pa ang sistema na magbigay ng mga makabuluhang reporma para sa ikabubuti ng masang anakpawis. Samakatuwid, pakikibaka para sa reporma ang taktika ng kilusang komunista noong 1800s; mga makabuluhang reporma na magagamit sa pagpapalakas ng komunistang kilusan. Hindi na ito ang sitwasyon sa panahon ng imperyalismo: wala ng kapasidad ang sistema na magbigay ng makabuluhang reporma para sa ikabubuti ng naghihirap na masa:

Ang partisipasyon sa eleksyon at parliyamentaryong aktibidad sa panahon na malayo pa ang posibilidad na maagaw ng proletaryado ang kapangyarihan at wala pa mesa ang usapin ng direktang paghahanda para sa rebolusyon at reyalisasyon ng diktadura ng proletaryado, ay nagbibigay ng maraming posibilidad para sa propaganda, ahitasyon at kritisismo. Sa kabilang banda, sa mga bansa na nagsisimula pa lang ang burgesya na buuin ang bagong mga institusyon, ang pagpasok ng mga komunista sa parliyamento, na kabubuo pa lang, ay may malaking impluwensya sa pagpapaunlad ng mga kondisyon na paborable para sa rebolusyon at tagumpay ng proletaryado.

Sa kasalukuyang istorikal na yugto, na nabuksan pagkatapos ng pandaigdigang digmaan at ang mga epekto nito sa panlipunang organisasyon ng burgesya – ang rebolusyong Ruso bilang unang reyalisasyon ng ideya ng pag-agaw ng kapangyarihan ng uring manggagawa, at ang pormasyon ng bagong Internasyunal na salungat sa mga traydor na sosyal-demokrasya – at sa mga bansa na matagal ng nangibabaw ang demokratikong kaayusan, wala na ang posibilidad na gamitin ang parliyamentarismo para sa rebolusyonaryong adhikain ng komunismo. Ang kalinawan ng propaganda na walang iba kundi paghahanda para sa ultimong pakikibaka para sa diktadurya ng proletaryado ay nangangailangan na ang mga komunista ay magpropaganda ng boykot sa eleksyon sa hanay ng mga manggagawa”[amin ang pagdidiin - Internasyonalismo]. - ‘Tesis sa Parliyamentarismo’

Ang argumentong “magagamit ang eleksyon at parliyamento” ay palusot pa rin ng lahat ng paksyon ng kaliwa ngayon. Hindi nila naunawaan o ayaw nilang unawain na ang konteksto ng boykot o partisipasyon ay nasa istorikal na ebolusyon ng kapitalismo sa pandaigdigang saklaw wala sa pambansang sitwasyon, sa pag-iral ng demokrasya o diktadurya o sa usapin ng kapasidad ng mga komunistang organisasyon na magpapanalo ng kanilang mga kandidato.

Oportunismo at Katrayduran ng Kaliwa sa Pilipinas: Nakakasuka!

Tulad ng nabanggit namin sa itaas, ang patakarang boykot ng mga marxista ay nakabatay sa istorikal na sitwasyon ng kapitalismo at hindi sa pambansang sitwasyon o partikularisasyon ng mga bansa tulad ng laging naririnig natin mula sa mga tagapagtanggol ng partisipasyon sa eleksyon. Ang iba naman sa kanila na nagyayabang ng kanilang “leninismo” ay dogmatikong ginagamit ang mga argumento ni Lenin sa panahon noong debate sa loob ng Komunistang Internasyunal. Mga argumento na napatunayan na ng kasaysayan na mali.

Subalit kung buhay pa si Lenin ngayon ay hindi lang niya ikakahiya kundi mariing tuligsain pa ang mga ginagawa ng kaliwa gamit ang kanyang pangalan sa paglahok sa eleksyon dahil kahit noong panahon ng una ay kasuklam-suklam na ang praktika ng huli ngayon.

Ang mismong mga “tapat” na “leninista” sa Pilipinas ang siya mismong nagbigay kahihiyan sa internasyunalista at komunistang si Lenin dahil sa paglahok nila sa eleksyon ay ginagawa nila pati ang kasuklam-suklam na gawain ng mga tradisyunal na trapo: pakikipag-alyansa sa mga malalaking kapitalistang pulitiko at partido at kadalasan ay pagpapailalim sa mga ito, pamimili ng boto, manipulasyon sa bilangan sa pamamagitan ng panunuhol sa COMELEC at pananakot gamit ang armas para lamang manalo!

Ang maoistang PKP naman sa pamamagitan ng kanyang mga legal na organisasyon ay lantaran pa ang katrayduran para lang manalo sa eleksyon ang kaniyang mga kandidato. Nakikipag-alyansa ito kay Manny Villar at sa kanyang Nacionalista Party noong 2010 at sinusuportahan nito ang kandidatura ng una bilang pangulo ng bansa! Noong 2013 ay nakipag-alyansa naman ito kay Senador Ramon Revilla Jr ng Lakas-NUCD ni Gloria Arroyo. Mas malala ito sa lokal na antas.

Ang sosyal-demokrata naman sa pangunguna ng Akbayan ay nakikipagpaligsahan sa maoistang kilusan sa kawalanghiyaan. Lantaran itong nakipag-alyansa sa paksyong Aquino at pumasok sa kanyang “inner circle”. Si Ronald Llamas ng BISIG (Bukluran sa Ikauunlad ng Sosyalistang Isip at Gawa)[2] ay siya mismong political adviser ng CEO ng kapitalistang gobyerno na si Benigno Aquino III!

Ang ibang paksyon naman katulad ng mga “leninista” (lagmanista) at trotskyista ay pinili na patago at halos sa lokal na antas o sa partylist lamang kumikilos dahil hindi nila kayang banggain ang malalaking paksyon ng kaliwa katulad ng mga maoista at sosyal-demokrata sa pambansang antas.

Ni katiting ay wala ng proletaryong moralidad ang mga paksyon ng kaliwa sa Pilipinas. Lantaran at sagad-saring na ang kanilang burges na moralidad: anumang paraan ay pwedeng gawin para makamit ang layunin.[3]

Imposible ng repormahin ang mga organisasyon ng kaliwa dahil ang kalikasan nila mismo ay nasa kampo na ng burgesya laban sa uring manggagawa. Ang kanilang mga “ninuno” ay ang mismong mga partido na nagtraydor sa proletaryong rebolusyon noong WW I at WW II. Ilusyon at demoralisasyon lamang ang maranasan ng ibang nagsusuring elemento sa Pilipinas na naniniwala pa na mareporma ang mga organisasyong ito sa pamamagitan ng pagkilos sa loob bilang “radikal na oposisyon”. At malaki pa ang peligro na lalamunin ang mga elementong ito sa kabulukan ng mga organisasyong sinasawsawan nila.

Lalupang Umiigting ang Bangayan ng mga Paksyon ng Naghaharing Uri

Noong 2010 ay relatibong nagtagumpay ang naghaharing uri na maghasik ng populismo sa mamamayan. Gamit ang pagkamatay ni dating pangulong Corazon Aquino at ang pagpaslang kay Ninoy Aquino ay naluklok sa Malakanyang ang kanyang anak na si Noynoy Aquino at ang Liberal Party.

Subalit, kung gaano kabilis ang pagiging popluar ni Aquino ay ganun din ka bilis ang pag-alingasaw ng baho hindi lang ng kanyang rehimen kundi ng buong naghaharing sistema. Kabi-kabilang mga iskandalo at katiwalian ang lumukob sa kanyang gobyerno na hindi kayang itago ng mga “anti-katiwalian” na kampanya nito sa pinalitang rehimen na paksyong Arroyo, sa pagpapatalsik kay Corona at pagbilanggo sa tatlong senador – Estrada, Enrile at Revilla. Ang pinakasikat na iskandalo ng katiwalin ng rehimeng Aquino ay ang DAP/PDAP.

Ang kapalpakan ng rehimeng Aquino ay hindi lang simple dahil kay PNoy at sa Liberal Party. Matagal ng palpak at bulok ang kapitalistang sistema sa Pilipinas bago pa man naupo ang kasalukuyang paksyon.

Kasabay ng kabulukan ng kasalukuyang administrasyon ay umalingasaw din sa baho ng korupsyon at pagpapayaman sa sariling pamilya ang oposisyon partikular sa pinakamalakas na manok nito ngayong 2016, si VP Jojimar Binay. Patunay lamang na administrasyon at oposisyon man ay bulok at tiwali.

Sila-sila na mismo ang naglantad sa baho ng kanilang mga karibal sa pulitika. Sa panahon ng dekadenteng kapitalismo hindi na kailangan ang mga radikal at progresibo sa loob ng parliyamento upang ilantad ang kabulukan ng sistema.

Kasabay ng pag-igting ng batuhan ng putik at tunggalian ng administrasyon at oposisyon ay sinisikap pa rin ng ilang seksyon ng naghaharing uri na iwasiwas muli ang populismo para malinlang ang tao. Kaya naman ilang mayayamang negosyante ang nag-udyok kay senadora Grace Poe at Davao City mayor Rody Duterte na tumakbong presidente sa 2016. Dahil hindi na mapigilan ang batuhan ng putik at nalalantad na ang pangunahing manok ng oposisyon na si Binay ay tiwali din pala, naghahanap ngayon ng “bago” at “malinis” na mukha ang ilang seksyon ng mapagsamantalang uri upang malinlang ang masa na sa 2016 ay may pag-asa pa.

Hindi na bago ang taktikang ito ng burgesya ng paglalako ng isang popular na tao para iboto. Ginawa nila ito sa Latin at Central Amerika kung saan mula pa sa kaliwa ng burgesya ang naghaharing paksyon sa estado. Nitong huli ay sa Gresya. Pero dahil kapitalismo pa rin ang pinagtatanggol, mabilis pa sa alas kwatro ang paglaho ng populismo.

Sa abanteng kapitalistang mga bansa sa Uropa ay ilang dekada ng bukas para sa kaliwa na mamuno sa estado ang naghaharing uri. Nauna pa sila sa Latin at Central Amerika.

Ang partikularidad lang sa atrasadong mga bansa tulad ng Pilipinas kung saan mahina ang burgesya kumpara sa Uropa ay mas malala at lantaran dito ang marahas na tunggalian ng mga paksyon ng mapagsamanlang uri. Kadalasan ay umabot sa armadong labanan at digmaan. Literal na ginagamit ng naghaharing uri sa mga atrasadong bansa ang sinabi ni Mao na “ang kapangyarihan ay nagmula sa baril”.

Kawalan ng Perspektiba: Sinasamantala Para Palakasin Ang Populismo ng Diktadurya ng Isang Tao

Isa sa negatibong epekto ng dekadenteng kapitalismo na nasa kanyang naaagnas (dekomposisyon) na yugto ay ang paglakas ng desperasyon at kawalang pag-asa sa hanay ng mahihirap na masa. Isa sa mga indikasyon nito ay ang lumpenisasyon ng isang seksyon ng masang anakpawis, pagdami ng nagpapatiwakal (suicides), kabulukan ng kultura ng kabataan at gangsterismo. Lahat ng ito ay manipestasyon ng lumalakas na diskontento ng masa sa sakalukuyang sistema pero hindi nila alam ano ang gagawin at ano ang ipapalit. Sa madaling salita, paglakas ng diskontento pero kawalan ng perspektiba sa hinaharap kaya lumalakas sa hanay ng ilang seksyon ng uring manggagawa ang “bawat isa para sa kanyang sarili” at “isa laban sa lahat” na mga ideolohiya ng nabubulok na uring burges.

Pero may mas masahol pang epekto ang kawalan ng perspektiba bunga ng demoralisasyon: pag-asa sa isang tao na siyang magliligtas sa karamihan mula sa kahirapan; pag-asa sa isang malakas at “mabuting” diktador. Wala itong kaibahan sa pag-asa sa isang “makapangyarihang diyos” na bababa sa lupa upang iligtas ang sangkatauhan na sumampalataya sa kanya at parurusahan ang hindi. Ang uring may dala ng ganitong kaisipan ay ang uring peti-burges.

Kung maalala natin, dahil sa pagtraydor ng stalinismo at Ikatlong Internasyunal noong 1920s at kombinasyon ng matinding krisis ng dekadenteng kapitalismo ay lumakas ang kaisipan ng isang malakas na diktador na magliligtas sa inangbayan. Ito ang dahilan ng paglakas ng diktador na si Hitler sa Alemanya at Mussolini sa Italya na itinutulak pareho ng peti-burgesya at malalaking burgesya. Ganito rin ang nangyari noong krisis ng 1960s-70s: paglitaw ng mga diktador laluna sa atrasadong mga bansa tulad ng Pilipinas.

Muli na naman itong pinalakas ng uring burges sa Pilipinas na suportado ng isang seksyon ng malalaking kapitalista gamit ang populismo. Kaya hindi nakapagtataka ang paglakas ng opinyong publiko laluna sa panggitnang pwersa na suportado ng kaliwa at kanan sa kandidatura nila Davao City mayor Rody Duterte[4] at senador Ferdinand Marcos Jr. Kung gawing batayan ang una, mapapansin natin ang pagkakaisa ng ilang seksyon ng mga maoista at anti-komunistang mga pulitiko sa Mindanao sa kandidatura ni Duterte. Wala pa mang opisyal na pampublikong pahayag ang mga legal na organisasyon ng maoistang kilusan pero naglabas na ng ilang pahayag ang “guru” ng maoismo sa Pilipinas na si Jose Ma. Sison pabor sa kandidatura ni Duterte.

Kung tatakbo si Duterte bilang pangulo sa 2016 at magpasya ang naghaharing uri sa Pilipinas na kailangan ng bansa ang isang diktador tulad noong panahon ni Marcos upang tangkaing isalba ang naghihingalong kapitalismo sa Pilipinas at lunurin sa takot at pagsuko ang masang mahihirap sa gobyerno, tiyak na mananalo siya. Sa huli, walang pakialam ang uring kapitalista lokal man o dayuhan kung anong klaseng pamamahala meron ang Pilipinas. Ang importante sa kanila ay magkamal ng tubo.

Kung ang demokratismo ay martilyo, maso naman ang diktadurya ng isang tao para durugin ang rebolusyonaryong kilusang paggawa sa Pilipinas na matagal ng sinasabotahe at pinahihina ng repormismo at oportunismo ng kaliwa at mga unyon.

Maliit na Komunistang Minoriya sa Pilipinas: Walang Ilusyon Habang Sinasalungat ang Malakas na Agos

Di hamak na napakaliit na minoriya pa lamang ang mga komunista at internasyunalista sa Pilipinas. Napakalimitado pa ng kanilang kakayahan sa paglunsad ng propaganda at komprehensibong paliwanag sa hanay ng masang manggagawa bakit kailangang boykot ang paninindigan at gawin.

Pero hindi ito balakid para sa mga komunista sa Pilipinas. Katulad ng mga “ninuno” nila na maliit na minoriya sa loob ng nabubulok na Ikalawa at Ikatlong Internasyunal, matatag na naninindigan sila sa kung ano ang tama at  rebolusyonaryong tindig sa kabila ng napakalakas na agos ng repormismo at katrayduran na bumabayo kahit sa loob ng kilusang paggawa.

Tiyak na sa darating na 2016 ay bubuhos sa mga presinto ang malaking bilang ng masang anakpawis sa ibat-ibang kadahilanan. Bubuhos sila dahil sa pagtutulungan ng kanan at kaliwa ng burgesya, ng estado, simbahan at media na dapat silang bomoto para ipakita na buhay ang burges na demokrasya sa Pilipinas.

Malakas pa man ang hatak ng repormismo at elektoralismo sa hanay ng masang api, hindi ibig sabihin na hindi dumarami sa kanilang hanay ang kritikal na nag-iisip at nagsusuri bakit sa ilang dekada nilang pagboto at pag-asa sa mga pangako ng lahat ng mga kandidato at pulitiko ay walang pagbabago sa kanilang hirap na kalagayan. At kasabay ng paglakas ng kanilang mga pakikibaka ay mas lalupa nilang makita ang kainutilan hindi lang ng eleksyon kundi ng mismong gobyerno at sistemang kapitalismo.

Ang makauring pakikibaka sa pandaigdigang saklaw ang ilaw na gagabay ng uring manggagawa sa Pilipinas upang muli nilang makita at maalala na ang mga manggagawa ay walang bansa at hindi nila alyado kundi mortal na kaaway ang lahat ng paksyon ng naghaharing uri kabilang na ang mga organisasyon na nagkukunwaring progresibo at rebolusyonaryo.

Sa kasalukuyan ay may lumitaw na na mga elemento mula sa kabataang manggagawa at estudyante sa Pilipinas na kritikal na nag-aaral at inuunawa ang kasaysayan ng internasyunal na kilusang komunista. Sila ang henerasyon na hindi kabilang sa anumang organisasyon ng kanan at kaliwa pero naghahanap ng mga kasagutan sa kanilang maraming tanong dahil nais nila ng tunay na panlipunang pagbabago.

Lubhang napakaliit man ang bilang nila kumpara sa mga aktibista ng mga paksyon ng kaliwa, mas mataas ang kalidad nila sa pag-aaral at pagsusuri sa reyalidad at tunggalian ng uri dahil marxismo ang kanilang gabay.

Mahina pa man ang panawagang BOYKOT sa eleksyon, ito naman ang tama at marxistang tindig para muling lalakas ang proletaryong rebolusyon.[5]

Internasyonalismo
Agosto 2015
 



[1] Pundamental na kaiba at salungat ang paninindigang boykot ng mga marxista sa boykot ng mga maoista sa Pilipinas noong panahon ng diktaduryang Marcos at maging sa mga maoista ng Peru at LLCO. Ang boykot ng una ay nakabatay sa istorikal na ebolusyon ng pandaigdigang kapitalismo at sa usapin ng kapasidad nito na magbigay ng makabuluhang reporma habang ang sa huli ay nakabatay sa burges na demokratismo at panatisismo sa gerilyang pakikidigma.
Kaya naman ng “bumalik ang demokrasya” sa Pilipinas ay agad-agad lumahok sa eleksyon ang mga maoista.

[2] Sa isip at gawa ay walang hibo ng sosyalismo ang BISIG.

[3] Ilan sa mga panatikong tagasunod ng maoismo ay gumagawa pa ng mga pang-iinsulto at diskriminasyon sa social media para lamang maipakita na anti-rehimeng Aquino sila. Kabilang na dito ang pagtawag kay Pnoy na abnormal, retarded at bakla; mga salitang malinaw na paninirang-puri sa mga special children/people at sa LGBT community. Para sa mga panatikong ito, ang mga may kapansanan at “kaiba” ang kasarian ay kaaway ng rebolusyon. Maaring magpalusot ang maoistang partido na hindi ito ang kanilang patakaran. Pero indikasyon ito na mismong sa kanilang hanay ay may mga tagasuporta (o malamang ang iba ay myembro pa) na may ganitong paniniwala. Indikasyon ng kabulukan ng maoismo sa Pilipinas.

[4] Pinagyabang ni Duterte ang kanyang diktaduryang pamamalakad sa Davao City at pagkakaroon niya ng sariling armadong grupo laban daw sa mga kriminal, ang Davao Death Squad (DDS) na karamihan ay mga dating mandirigma ng maoistang NPA. Nangako siya na kung siya ang maging presidente ay gagawin niya sa buong Pilipinas ang ginawa niya sa Davao City. Sabi pa niya sa isang interbyu sa media, “papupulahin niya ang Manila Bay sa dugo ng mga kriminal”. Halos ganito rin ang linya ng dating diktador na si Marcos sa kanyang “kilusang bagong lipunan” at “the Philippines can be great again”.

[5] Kailangang linawin na hindi lang ang paninindigang boykot sa eleksyon ang sukatan para mapabilang sa kampo ng proletaryong internasyunalismo. Marami pang mga usapin ng pagrerebolusyon ang kailangang tindigan para maging isang komunista sa panahon ng imperyalismo. Kabilang na dito ang usapin ng nasyunalismo/pambansang soberaniya, demokrasya at unyonismo. Importante rin ang usapin ng marxistang organisasyunal na prinsipyo para matawag na isang komunista.

 

Rubric: 

Eleksyon, Boykot