Submitted by Internasyonalismo on
Lahat ng paksyon ng mapagsamantalang uri (administrasyon o oposisyon, Kanan o Kaliwa) ay laging bukambibig ang “kapayapaan” at “para sa kaayusan”. Subalit sa mahigit 100 taon ay nasaksihan ng sangkatauhan ang mga mababangis at mapaminsalang digmaan na kumitil ng milyun-milyong buhay at sumira ng mga ari-arian. Hindi pa kasama dito ang pagkasira ng kalikasan.
Ang mga paksyon naman ng Kaliwa na nahumaling sa digmaan ay binigyang katuwiran pa ito sa argumentong “para magkaroon ng kapayapaan ay kailangang mayroong digmaan”. Saksi tayo sa mahigit 50 taon na armadong pakikibaka ng mga ibat-ibang gerilyang pwersa ng Kaliwa.
Sa panig ng mga komunista at internasyunalistang organisasyon tulad ng Internasyunal na Komunistang Tunguhin (IKT/ICC), malinaw na ang mga digmaang nangyari mula noong WW I at ang mga pambansa at rehiyonal na digmaan ay hindi nagdulot ng kapayapaan kundi mas lumalalang kaguluhan at pagdurusa ng sangkatauhan. Sa ngalan ng “anti-imperyalismo”, “pambansang kalayaan” at “demokrasya” milyun-milyong mamamayan ang naghirap at nagdurusa.
Sa kabilang banda, kailangan din ilantad ang linyang “anti-digmaan” o “anti-armadong pakikibaka” ng mga repormista at “nagmamahal sa kapayapaan”. Ginawa nilang alibi ang “pagtutol” sa digmaan para tutulan mismo ang rebolusyonaryo at marahas na pagbagsak ng uring manggagawa sa estado at kapitalismo.
Habang ang mga ekstremistang paksyon ng Kaliwa ay naghasik ng militarista at banggardistang linya ng digmaan, ang mga repormista naman ay nagsaboy ng ilusyon sa mapayapang solusyon sa kahirapan at pagdurusa ng sangkatauhan sa pamamagitan ng mga reporma (parliyamentarismo at eleksyon) at ilusyon na posible pang maging makatao ang kapitalismo.
Kaya naman ang mga repormista (kabilang na ang mga ekstremista) ay nahumaling sa mga sektoral, isyu por isyu at hiwa-hiwalay na solusyon dahil sa mekanikal at hindi diyalektikal na pananaw na “ang maraming kantitad kung maipon ay magkaroon ng pangkalidad na pagbabago”. Binastardo nila ang materyalismong istoriko kung saan malinaw na nanindigan sa rebolusyonaryong karahasan para ibagsak ang luma at lipas na umiiral na panlipunang kaayusan.
Sa ilalim ng pandaigdigang dekadenteng kapitalismo, ang tanging pagpipilian ng sangkatauhan ay komunistang rebolusyon o pagkawasak ng mundo. Wala ng iba pa.
Ang isinalin namin na artikulo sa ibaba ay hindi lang naglalarawan sa karumal-dumal na mga epekto ng digmaan kundi nagpapaliwanag sa istorikal na prosesong dinaanan ng digmaan sa panahon ng kapitalismo at ang kaibahan ng mga digmaan sa panahon ng dekadenteng kapitalismo laluna sa yugto ng dekomposisyon.
Internasyonalismo
Nobyembre 7, 2014
-----------------------------------------------------------------------------
Isang daang taon ang nakaraan, sa Agosto 1914, pumutok ang Unang Digmaang Pandaigdig. Ang opisyal na namatay sa digmaang ito ay 10 milyon at 8 milyon ang sugatan. Matapos pirmahan ang ‘kapayapaan’, sumumpa ang burgesya na nasa puso ang kamay na ito na ang ‘huli sa lahat ng mga digmaan’. Malinaw na isang kasinungalingan. Katunayan iyon ay ang unang madugong kaguluhan sa pagbukas ng dekadenteng kapitalismo. Ang kasaysayan ng 20 siglo at ang batang 21 siglo ay puno ng walang humpay na mga imperyalistang kumprontasyon. Ang Unang Pandaigdigang Digmaan ay nasundan ng Pangalawa, at nasundan ng Cold War, at ang Cold War ay nasundan ng marami at walang katapusang bangayan sa buong mundo mula 1990s. Ang kasalukuyan, hindi man kasing ispektakular sa kumprontasyon ng dalawang bloke, ng dalawang super-powers, ay naglalaman ng kasing bigat na banta sa sangkatauhan dahil ang dinamismo ay mas magulo, patungo hindi sa panibagong pandaigdigang digmaan kundi sa pagiging pangkalahatan ng mga digmaan at barbarismo. Ang digmaan sa Ukraine, tanda ng pagbabalik ng digmaan sa Uropa, ang istorikal na puso ng kapitalismo, ay isang kalitatibong hakbang tungo sa ganitong direksyon.
Bumalik ang digmaan sa Uropa
Matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig na mayroong 50 milyon patay, nahati agad ang Uropa sa brutal na tunggalian sa pagitan ng mga blokeng militar ng silangan at kanluran. Sa panahon ng mahabang yugto ng kaguluhan ng Cold War, ang pamamaslang ay nangyari sa mga gilid ng kapitalismo sa pamamagitan ng mga proxy wars sa pagitan ng USA at Russia. Ang madugong digmaan sa Vietnam ay malinaw na ilustrasyon nito. Subalit pagkatapos bumagsak ng Berlin Wall, agad nagsimula na naman ang isang bagong yugto ng kaguluhan.
Sa 1991, ang USA, na nasa unahan ng makapangyarihan pero pilit na koalisyon, ay ginamit ang alibi ng pagsakop ng Iraq sa Kuwait para ilunsad ang isang digmaan. Ang pangunahing layunin ay pigilan ang pagkawasak ng kanyang bloke sa pamamagitan ng pagpapakita ng pwersang militar na magpatibay ng kanyang pandaigdigang liderato. Ang ideya ay tiyakin ang pagsilang ng isang ‘bagong pandaigdigang kaayusan’. Sa kabila ng pagdurusa ng sangkatauhan at pagkasira ng maraming ari-arian (mahigit 500,000 ang patay), higit sa lahat sa malawakang pambobomba at pagsabog na nakasira ng baga, itong tinatawag na ‘surgical war’ ay magdadala daw ng bagong yugto ng kapayapaan at kasaganaan. Pero mabilis na nalantad ang kasinungalingang ito. Halos kasabay, isang bagong digmaan ang pumutok sa pintuan mismo ng Uropa, sa ex-Yugoslavia. Isang mabagsik na bangayan ilang oras mula sa Paris, akumulasyon ng mga masaker, tulad ng sa Srebrenica, na kagagawan ng French Blue Helmets, kung saan 6000-8000 Bosnians ang pinatay.
At ngayon, muli, ang gangrena ng militarismo ay umabot na sa mga pintuan ng Uropa. Sa Ukraine dinudurog ang burgesya. Armadong mga milisya, na kontrolado ng mga gobyerno ng Rusya at Ukraine, ay nagpapatayan kung saan ginawang hostage ang populasyon. Ang digmaang ito, batay sa nasyunalismo na inalagaan ng ilang dekada, ng isa sa mga buwitre: ang pangunahing mga bida, tulad ng dati, ang malalaking kapangyarihan, ng USA, Russia, France at iba pang mga bansa sa kanlurang Uropa.
Ang dramatikong sitwasyon sa Ukraine ay malinaw na tanda ng kalitatibong hakbang ng pagdurusa ng sistema. Ang katotohanan na ang digmaang ito ay tinutulak ng magkakaibang interes at napakalapit sa Uropa, na siyang naging pokus ng mga pandaigdigang digmaan sa nagdaang siglo, ay nagpakita na naabot na ng distema ang isang antas ng pagkawasak.
Ang pag-unlad ng bawat isa para sa kanyang sarili
Ang pagbagsak ng Berlin Wall at pagkawaak ng USSR ay bumasag sa disiplina ng dating bloke at nagbukas ng isang tunay na Pandora’s Box. Sa kabila ng maiksing ilusyon matapos ang unang Gulf war, napilitan ang USA na ipagpatuloy ang panghihimasok, ng mas madalas at sa mas maraming lugar, at kadalasan ay nagsasarili: Somalia, Bosnia, Kosovo, Afghanistan at Iraq. Itong imperyalistang polisiya ay ekspresyon ng istorikal na pagkainutil at malinaw na nabigo. Sa bawat panibagong pagpapakita ng pwersa ng isang humihinang super-power ay nagbunga ng paglaki ng kawalan ng kontrol sa mga larangan ng digmaan na kanyang pinaghihimasukan. Sa paghina ng panginoon, pumasok na tayo sa sitwasyon ng kaguluhan, ng paglaki ng imperyalistang pagkaganid, paglakas ng nasyunalismo, paglawak ng mga kaguluhang relihiyoso at etniko.
Ang mga pwersa sa sentro na ginatungan ng pagkaganid ay nagpalakas sa mga digmaan na nagpakita ng panlipunang kabulukan, na nagbunga ng pagkawasak ng mga gobyerno, paglitaw ng mga pinaka-mabagsik na mga warlords, ng mga adbenturistang tipong mafia na gumagawa ng lahat ng klase ng kasamaan. Ang prosesong ito ay lumimlim ng maraming dekada. Sa ikalawang hati ng 1980s, sunud-sunod na mga teroristang atake ang nangyari sa mga syudad ng Uropa tulad ng Paris, London at Madrid. Ang mga ito ay hindi kagagawan ng maliit na mga grupo kundi ng mga malalakas na estado. Ito ay mga aksyon ng digmaan na naglalarawan sa mga atake sa New York noong Setyembre 2001. Ang pinakamadilim na ekspresyon ng kabangisan, na dati nasa mga gilid lamang ng sistema, ay nagsimula ng bumalik sa mga sentro, sa mga lugar kung saan ang presensya at potensyal ng proletaryado ang tanging hadlang sa tunay na pagbulusok tungo sa isang bangungot.
Lumalaking barbarismo
Bawat araw, ang mga bakwit mula sa magulong mga bansa ay namamatay sa pagtatangkang makaabot sa Mediterranean. Nagtitipon sa mga bangka na malaki ang potensyal na malunod, sila ay nasa pinaka-desperadong byahe. Ayon sa UN Refugee Agency, ang bilang ng mga bakwit at naghahanap ng asylum, sa mga taong bakwit sa loob mismo ng kanilang mga bansa, ay lagpas na 50 milyon mula Ikalawang Pandaigdigang Digmaan. Sa katapusang bahagi noong nagdaang taon sa digmaan sa Syria lang ay mayroong 2.5 milyon bakwit at 6.5 milyon internal bakwit. At lahat ng mga kontinente ay apektado.
Sa halip na humina ang pangkalahatang tendensya ng dekadenteng kapitalismo, pinalakas ng dekomposisyon at pinalala ang lumalaking irasyunal na mga aspeto. Ang pintuan ay nabuksan para sa baliw na paksyon ng burgesya, na pinataba ng nabubulok na lipunan at ng nihilismo. Ang paglitaw ng mga Islamistang grupo tulad ng Al Qaida, Islamic State at Boko Haram ay bunga ng proseso ng intelektwal at moral na pag-atras, ng walang humpay na pagkasira ng kultura. Noong 29 Hunyo, inihayag ng IS ang muling pagtatag ng isang ‘Caliphate’ sa mga rehiyon na kontrolado nito at inihayag ang kapalit ni Mohammed. Tulad ng kapareha nito na Boko Haram sa Nigeria, nakilala ito sa pagpaslang ng kanilang mga bilanggo at pagdukot at pag-alipin sa mga batang babae.
Itong mga oskurantistang organisasyon ay walang sinusunod at ginagabayan ng kombinasyon ng mistikal na kabaliwan at These obscurantist organisations at nakapandidiring interes ng mafia. Sa Syria at Iraq, sa mga sona na kontrolado ng Islamic State, walang bagong estado na mabubuhay. Kabaliktaran, ang pangunahing tendensya ay tungo sa pagkawasak ng mga estadong Syrian, Lebanese at Iraqi.
Itong nakakatakot na barbarismo, na partikular na ginagawa ng mga jihadists, ay nagsisilbi ngayon na alibi para sa panibagong krusadang militar at kampanyang pambobomba ng kanluran. Para sa malalaking imperyalistang kapangyarihan, posible ito para takutin ang populasyon at ang uring manggagawa na hindi malaki ang gastos para sa kanila habang nagkukunwaring sibilisadong tagapamayapa. Pero ang Islamic State ay sa isang bahagi inaarmasan ng US at mga paksyon ng burgesya ng Saudi Arabia, hindi pa kasama ang pakikipagsabwatan ng Turkey at Syria. Kumawala na sa kontrol ng kanyang mga amo ang islamistang organisasyon na ito. Sa kasalukuyan ay kinubkub nito ang lungsod ng Kobane sa Syria, ilang kilometro mula sa hangganan ng Turkey, sa rehiyong Kurdish. Hindi katulad ng unang Gulf war, ang mga malalaking kapangyarihan, US ang nasa unahan, ay naghahabol sa mga kaganapan na walang anumang pampulitikang perspektiba, simpleng tumutugon lamang sa kagyat na sitwasyong militar. Isang halu-halong koalisyon ng 22 gobyerno, na may magkakaibang interes sa isat-isa, ay nagpasyang bombahin ang ilang bahagi ng lungsod na nakontrol ng IS. Ang US, ang namuno sa pekeng koalisyon ay walang kapasidad na magpadala ng tropa sa ibaba at pilitin ang Turkey, na matindi ang takot sa pwersang Kurdish na kontrolado ng PKK at PYD, na manghimasok sa larangang militar.
Lahat ng mga magulong lugar sa planeta ay nagliliyab. Kahit saan ang mga makapangyarihang bansa ay natutulak sa apoy. Ang hukbong Pransya ay natali sa Mali. Walang inabot ang negosasyon para sa ‘kapayapaan’ sa pagitan ng gobyernong Mali at mga armadong grupo. Mayroong permanenteng digmaan sa rehiyong sub-Saharan. Sa hilaga ng Cameroon at Nigeria, kung saan lugar ng pangangaso ng Boko Haram, mas dumami ang mga armadong labanan at teroristang mga aksyon. Kung ikonsidera natin ang lumalaking kapangyarihan ng Tsina sa Asya, makikita natin na parehong tensyon, parehong mala-mafiang paraan ay kumakalat sa buong mundo.
Naging mas irasyunal ang mga imperyalistang digmaan
Sa 19 siglo, kung saan umuunlad pa ang kapitalismo, ang mga digmaan para magtayo ng mga bansa-estado, mga kolonyalista o imperyalistang digmaan ay mayroong pang-ekonomiya at pampulitikang rasyunalidad. Ang digmaan ay mahalagang paraan para sa pag-unlad ng kapitalismo. Kailangan nitong sakupin ang mundo; nakamit ito sa pamamagitan ng kanyang pang-ekonomiya at pampulitikang kapangyarihan, tulad ng sabi ni Marx, “dugo at putik”.
Sa Unang Pandaigdigang Digmaan, radikal na nagbago ang lahat. Sa pangkalahatan ang pangunahing makapangyarihan ay humina dahil sa ilang taong digmaan. Sa kasalukuyan, sa yugto ng dekomposisyon ng sistema, isang totoong sayaw ng kamatayan, kabaliwan, ang humihila sa mundo at sangkatauhan tungo sa ganap na pagkawasak. Pagwasak-sa-sarili ang dominanteng katangian sa mga sona ng digmaan.
Walang kagyat na solusyon sa mala-impyernong sitwasyon, pero may isang rebolusyonaryong solusyon para sa hinaharap. At ito ang pasensyoso nating gagawin. Lipas na ang kapitalistang lipunan; hindi lang ito hadlang sa pag-unlad ng sibilisasyon kundi banta sa kanyang buhay. Noong nagdaang siglo ang komunistang rebolusyon sa Rusya at kanyang alingayngay sa Germany, Austria, Hungary at sa ibang lugar para mapahinto ang Unang Pandaigdigang Digmaan. Sa kasalukuyang istorikal na yugto, tanging ang pakikibaka lamang ng proletaryado magwakas ang bulok na pandaigdigang sistema.
Antonin 5.11.14