Submitted by ICConline on
Laman
Dahil sa hayagang anti-manggagawang papel ng mga unyon, dumarami ang mga wildcat strikes, mga welga laban sa mga unyon saan mang dako. Pinahayag nila sa praktika ang antagonismo ng proletaryado sa mga unyon at pinakita ng mas malinaw ang kamulatan sa loob ng uri sa kapitalistang katangian ng mga organisasyong ito. Pero ano ang laman ng naturang mga welga? Ang katotohanan na hindi na kayang magbigay ng kapitalismo ng anumang tunay na kaginhawaan sa mapagsamantalang kalagayan ay pinababa ang proletaryong pakikibaka sa depensibang pakikibaka laban sa permanenteng atake ng kapital sa istandard ng pamumuhay ng mga manggagawa. Ang mga halimbawa sa 1936 at 1968 sa Pransya ay nagpakita paano binawi kaagad ng kapital ang anumang konsesyon na nakuha ng malawakang pakikibaka ng uri. Pero ang 1936 at 1968 ay sitwasyon kung saan ang pagtaas sa sahod ay sinundan ng pagtaas ng presyo; sa parehong mga kaso sila ay eksepsiyon sa lumalakas na malawakang pakikibaka. Ang normal na kalakaran ng kapitalismo ngayon ay hindi ang pagtaas ng presyo ay sumunod sa pagtaas ng sahod kundi ang kabaliktaran. Hindi ito usapin ng kapital na laging naghahabol sa nakuha ng manggagawa sa kanya, kundi ang manggagawa ang laging nagsisikap labanan ang anumang intensipikasyon ng pagsasamantala.
Ang laman ng pakikibaka ng manggagawa sa ilalim ng dekadenteng kapitalismo ay hindi mismong ito ay depensibang pakikibaka (ito ang komon na katangian ng proletaryong pakikibaka magmula ng unang nilabanan ng mga manggagawa ang nagsasamantala sa kanila), kundi unang-una na ang mga pakikibaka ay depensiba na walang anumang pag-asa sa tunay na tagumpay gaya ng nangyari sa 19 siglo at pangalawa ang katotohanan na ang pakikibaka ng manggagawa ay agad inilagay sa harapan ang usapin ng pag-iral mismo ng mapagsamantalang sistema (i.e. ang kanilang tendensya na maging rebolusyonaryo).
Ang paglaban ng manggagawa sa ilalim ng dekadenteng kapitalismo ay hindi na makaligtas sa dalawang alternatiba. Dahil sa pagsisikap ng sistema na iligtas ang sarili, tanggapin ng proletaryado na itali ang kanyang pakikibaka sa lubusang ekonomiyang tereyn, na magbunga sa kawalang patutunguhan sa kanilang pakikibaka dahil hindi na makapagbigay ang kapitalismo ng anumang makabuluhang reporma, o kailangang igiit ng manggagawa ang sariling kapangyarihan. Kung tanggapin ng manggagawa ang unang alternatiba, ang naturang kawalang patutunguhan ay magbunga ng pinakamahusay na kondisyon kung saan maipataw ng burgesya ang kanyang pangunahing sandata laban sa pakikibaka ng uring manggagawa. Ang mga sandatang ito ay ang ekonomismo, makitid na lokalismo, ilusyon sa pangangasiwa-sa-sarili, atbp. Ang mga mistipikasyong ito ay laging nauuwi sa pagkatalo at demoralisasyon. Pero kung hawakan ng proletaryado ang pangalawang alternatiba, kagyat na lagpasan nito ang lubusang pang-ekonomiyang balangkas sa kanyang pakikibaka at maipakita ang kanyang pampulitikang katangian sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng makauring pagkakaisa at harapin ang batayan mismo ng burges na legalidad, na magsimula sa kinatawan ng estado sa loob ng pagawaan: ang mga unyon.
Wala ng anumang pampulitikang konsilyasyon sa pagitan ng kapital at paggawa. Ang kanilang pundamental na antagonismo sa ilalim ng dekadenteng kapitalismo, ay umabot na sa kasukdulan. Kaya anumang tunay na makauring pakikibaka ay kailangang hindi maiwasan at kagyat na gawin mismong pulitikal at rebolusyonaryong pakikibaka. Ang rebolusyonaryong laman ng pakikibaka ay sasabog sa malaki o mababang antas depende kung ang pakikibaka ay tugon sa lumalalim na krisis at kung ang pampulitikang makinarya na hinarap ng manggagawa ay ang mga ‘shock-absorbers' ng lipunan (unyon, partido ng ‘manggagawa', liberalismong pulitikal, atbp). Sa mga bansa na wala ang mga shock-absorbers na ito o kaya hindi pleksible para matagumpay na magampanan ang papel nila, ang pakikibaka ng manggagawa, habang madalang, ay mabilis na nagkaanyo sa hayagang rebolusyonaryo. Nangyayari ito sa mga bansang gaya ng Francoistang Espanya o sa mga bansa sa bloke ng Silangan kung saan ang mga welga ng mga manggagawa ay naging insureksyunal na pakikibaka na sumakop sa maraming mga syudad at madaling natransporma sa malawakang komprontasyon sa mga pwersa ng estado - halimbawa sa Vigo, Pamplona, at Vitoria sa Espanya, at Gdansk at Szczecin sa Poland sa 1970.
Subalit anuman ang eksaktong mga sirkumstansya, at gaano man kaigting ang pakikibaka, ang paglaban ng uring manggagawa sa panahong ito ay hindi maigiit ang sarili na hindi agad tahakin ang rebolusyonaryong landas. Sa bagong katangian ng pakikibaka ng manggagawa magmula sa pagsabog ng Unang Digmaang Pandaigdig ang nagdala sa mga rebolusyonaryo na iproklama na ang dating kaibahang ginawa ng Sosyal-Demokrasya sa pagitan ng ‘minimum na programa' (mga reporma na kunin sa loob ng kapitalismo) at sa ‘maksimum programa' (komunistang rebolusyon), ay hindi na balido. Mula 1914 pataas, tanging ang maksimum na programa ang nagdadala ng interes ng uring manggagawa. Dahil ang posibilidad na makakuha ng reporma sa kapitalismo ay naging utopyan, tanging ang rebolusyonaryo lamang ang bahagi ng uring manggagawa, tanging ang direksyon lamang tungong rebolusyon ang tunay na may proletaryong katangian.
Nagkahulugan ba ito na iwanan na ng uring manggagawa ang kanyang pang-ekonomiyang pakikibaka, gaya ng ipinayo sa uri ng mga ‘ganap na rebolusyunista' mula kay Proudhon pataas, na kinikilala ang pang-ekonomiyang pakikibaka na walang saysay na pagkilos dahil nasanib ito sa buhay at nagtatanggol sa kapital? Hindi, ang ganyang pananaw ay hindi rebolusyonaryo. Isang uri ang proletaryado, isang grupo ng mga tao ayon sa pang-ekonomiyang kriterya (i.e. ang posisyon na kinalagyan nila sa proseso ng produksyon). Kaya ang ipagbunyi ang pag-iwan sa kanyang pang-ekonomiyang pakikibaka ay nagkahulugan sa kongkreto na sabihan ang manggagawsa na iabandona ang anumang pakikibaka at manatiling pasibo sa harap ng pagsasamantala sa kanya, o malunod sa lahat ng klase ng ‘di-makauring' pakikibaka (kooperatiba, peminismo, ekolohiya, rehiyonalismo, anti-rasismo, atbp.) at malusaw ang sarili sa eklektiko, halu-halo, walang gulugod na ‘mabubuting' tao at iba pa na matakaw na naghahanap sa ‘hustisya ng sangkatauhan'. Wala itong patutunguhan kundi ang lumang panawagan ng burgesya sa proletaryado na "Iwanan ang makauring pakikibaka!".
Ang mga tao lamang na hindi nakaintindi bakit isang rebolusyonaryong pwersa ang uring manggagawa ang aabot sa naturang kongklusyon. Hindi dahil ang uring manggagawa ay may tatak ng katakaman sa mga ideya at ‘mabuting adhikain' kaya siya lamang ang may kapasidad na iluwal at irealisa ang komunistang lipunan. Tulad ng lahat ng mga rebolusyonaryong uri sa kasaysayan, ang proletaryado ang wawasak sa nagharing sistema sa tanging dahilan na ang pagtatanggol niya sa kanyang kagyat na interes ang obhetibong magtulak sa kanya na gawin ito. At gaya ng anumang uri, ang interes ng proletaryado ay pundamental na pang-ekonomiya. Ito ay dahil ang pagwasak sa kapitalistang sistema ang tanging daan ng uring manggagawa para maiwasan ang lumalalang pagbaba ng kondisyon ng kanyang pamumuhay kung saan ang kanyang pakikibaka para uunlad ang kanyang pang-ekonomiyang kalagayan ay naging pakikibaka para sa pagdurog mismo sa sistema.
Ang rebolusyonaryong pakikibaka ng proletaryado ay hindi pagbalewala sa pang-ekonomiyang katangian ng kanyang pakikibaka kundi resulta ng kanyang ganap na pag-unawa sa realidad ng naturang pakikibaka. Sa mulat na pagyakap sa pampulitikang katangian ng kanyang pang-araw-araw na pang-ekonomiyang pakikibaka, sa pagpapalalim nito hanggang sa huli ay madurog ang burges na estado at maitayo ang komunistang lipunan, hindi iiwanan ng proletaryado ang pagtatanggol sa kanyang pang-ekonomiyang interes. Sa halip angkinin niya mismo ang lahat ng kahulugan at bunga ng naturang pakikibaka. Hangga't umiiral ang proletaryado, hanggang sa at pagkatapos maagaw ang rebolusyonaryong kapangyarihan, ang makauring pakikibaka ay patuloy na magkaroon ng pang-ekonomiyang katangian. Ang pang-ekonomiyang batayan ng istorikal na aktibidad ng tao ay maglalaho lamang kung uunlad na ang komunistang lipunan, sa madali salita kung ang lahat ng mga uri - at kabilang din ang proletaryado - ay maglalaho. Sa ngayon, hindi mapigilan, hindi maiwasan, hinahasa ng uring manggagawa ang mga sandata para sa kanyang rebolusyonaryong pakikibaka sa pamamagitan ng kanyang araw-araw na paglaban sa kapitalistang pagsasamantala. Ito ang magdadala at mag-obliga sa uri na magkaisa bilang uri at kaya sa kaigtingan ng ganitong pakikibaka na maabot ng proletaryado ang kamulatan ng pangangailangan para sa, at ang posibilidad sa, komunistang rebolusyon.
Ang dapat iwanan ng proletaryado ay hindi ang pang-ekonomiyang katangian ng kanyang pakikibaka (isang imposible kung lalaban ito bilang uri), kundi ang lahat ng ilusyon sa posibilidad sa hinaharap na matagumpay nitong depensahan ang kanyang interes, kahit ang pinaka-kagyat, na hindi iwanan ang istriktong pang-ekonomiyang balangkas ng pakikibaka at walang mulat na pulitikal, pandaigdigan at rebolusyonaryong pag-unawa sa kanyang pakikibaka. Naharap sa hindi mapigilang panandaliang kabiguan sa kanyang depensibang pakikibaka sa ilalim ng dekadenteng kapitalismo, ang kailangang kongklusyon ng uri ay hindi na ang mga pakikibakang ito ay walang kabuluhan, kundi ang tanging paraan na may kabuluhan ito sa proletaryong adhikain ay maunawaan sila at mulat na itransporma sila para matuto at paghahanda sa mga pakikibaka na mas malawakan, mas organisado, at mas mulat sa hindi maiwasang huling laban ng proletaryado sa mapagsamantalang sistema. Sa panahon ng pagbulusok-pababa ng kapitalismo, sa panahon na nasa istorikal na agenda na ang komunistang rebolusyon, ang epektibidad ng pang-araw-araw na pakikibaka ng uring manggagawa ay hindi na masusukat, o maunawaan, sa kagyat na resulta. Ang kanilang epektibidad ay maunawaan lamang sa loob ng pandaigdigang istorikal na perspektiba ng komunistang rebolusyon.
Mga porma ng organisasyon
Sa lubusang pagkawala ng mga unyon, naharap ang uring manggagawa sa problema ng paghahanap ng panibagong porma ng organisasyon. Pero hindi ito madali sa ilalim ng dekadenteng kapitalismo. Ang kalakasan ng mga unyon ay nagmula sa kanilang abilidad na kilalanin bilang tanging porma ng organisasyon para sa pakikibaka ng manggagawa. Kaya ang mga kapitalista at gobyerno ay walang ibang kinilalang ‘tagapagsalita' para sa uring manggagawa kundi ang mga unyon. Araw-araw, walang tigil, sa mga polyeto, prensa, radyo at telebisyon, sistematikong tinatambol ng kapital ang mensahe sa ulo ng mga manggagawa: "ang mga unyon ay organisasyon ninyo". Walang pinalampas sa kanyang pagsisikap na palakasin ang kakayahan ng mga unyon para mistipikahin ang uring manggagawa. Ganun pa man, ang operasyong ito ay hindi laging matagumpay: sa mga bansa gaya ng Pransya kung saan partikular na marahas ang papel ng mga unyon, isa lamang sa limang manggagawa ang may interes sumali sa unyon. Ngayon pinalaki ng pinalaki ang papel ng ‘kaliwang' mga organisasyon para palakasin ang kredibilidad ng kapitalistang organong ito sa mata ng mas militanteng mga manggagawa. Laging binabayo ng mistipikasyong ito, ang mga bansa na nagyabang ng ‘kalayaan sa pag-unyon' ang may malaking kahirapan sa pagsalarawan sa posibilidad sa pag-oorganisa ng kanilang pakikibaka labas sa tradisyunal na makinarya. Kailangan munang uunlad ang isang hindi na makayanang sitwasyon para magkaroon sila ng lakas na hayagang tutulan ang napakalakas na makinarya ng estado at ng kanyang mga partido at unyon. Ito ang katangian at nagpapahirap sa pakikibaka ng proletaryado sa ilalim ng dekadenteng kapitalismo. Sa paglaban sa mga unyon, hindi lamang kakaharapin ng uring manggagawa ang iilang mga burukrata ng unyon. Ang kapitalistang estado mismo ay nasa panig nito. Pero ang kahirapang ito mismo ang nagbigay ng malakaing kahalagahan sa bawat pakikibaka ng uri labas sa mga unyon. Ito ang dahilan na ang usapin ng porma ng organisasyon labas sa mga unyon ay napakahalaga. Ang problema ng porma ng organisasyon ng uring manggagawa ay hindi independyente o hiwalay mula sa problema ng kanyang laman. Mayroong mahigpit na inter-relasyon sa pagitan ng rebolusyonaryong laman ng mga pakikibaka ng manggagawa sa panahon ng dekadenteng kapitalismo at sa mga porma ng organisasyon nito.
Sa panahon ng pakikibaka
Sa kanyang bantog na mga rebolusyonaryong pakikibaka sa siglong ito, nagtayo ng bagong porma ng organisasyon ang proletaryado na angkop sa kanyang rebolusyonaryong misyon: ang mga sobyet o konseho ng manggagawa - asembliya ng mga delegado na may mandato mula sa mga asembliya ng mga manggagawa. Ang mga organong ito ng sentralisasyon at pagkakaisa na nilikha ng uri ay mga instrumento para maipon, sa kaigtingan ng pakikibaka, ang materyal at teoretikal na mga pwersang kailangan para sa kanyang atake laban sa estado. Pero ang porma mismo ng mga sobyet o konseho ay nagbibigay sa kanila ng partikular na katangian. Dahil asembliya sila ng mga delegado na hinalal ng hindi-permanenteng mga pangkalahatang asembliya, ang kanilang pag-iral ay nakasandal sa pag-iral ng malawakang makauring pakikibaka. Kung ang uri ay hindi nakibaka sa lahat ng mga pagawaan, kung walang mga pangkalahatang asembliya ng mga manggagawa sa mga lugar na may pakikibaka, hindi iiral ang mga konseho. Magiging permanente lamang ang mga konseho ng manggagawa kung ang malawakang hayag na pakikibaka ng uri ay maging permanente; ibig sabihin sa panahon mismo ng rebolusyonaryong proseso. Ang mga konseho ng manggagawa ay ang ispisipikong mga organo ng proletaryong kapangyarihan.
Paano kung gayon organisahin ng uring manggagawa ang sarili kung nakibaka ito laban sa estado at sa kanyang galamay na mga unyon, pero ang pakikibaka ay hindi pa umabot sa yugto ng malawakang insureksyon? Ang karanasan ng libu-libong welgang wildcat sa loob ng mahigit limampung taon ay nagbigay ng malinaw na sagot sa katanungang ito. Sa apat na sulok ng planeta at sa ilalim ng iba't-ibang hiyograpikal at istorikal na kondisyon, ang mga welgang anti-unyon ay ispontanyong nagkaroon ng partikular na simpleng porma ng organisasyon: pangkalahatang asembliya ng mga welga na koordinado ng mga komite ng halal na delegado na permanenteng mananagot sa mga asembliya. Parehong organisasyunal na batayan ang makikita sa mga welgang ito sa mga konseho. Magkaugnay ang mga porma at laman. Gaya ng ang pinakamahalagang mga welga sa dekadenteng kapitalismo ay naglalaman sa loob nito ng mga binhi ng malawakang rebolusyonaryong pakikibaka, ganun din sa kanilang porma o organisasyon na may binhi ng organisasyunal na mga porma ng mga organo ng rebolusyon - ang mga konseho.
Sa labas ng mga pakikibaka
Naharap sa pagkamatay ng unyon na porma ng pakikibaka naresolba sa praktika ng uring manggagawa sa kanyang sariling karanasan ang usapin ng porma ng organisasyon na kailangang gamitin nito para maipanalo ang kanyang pakikibaka. Pero hindi lang gumanap ang mga unyon bilang porma ng organisasyon ng uri sa panahon ng kanyang pakikibaka. Bilang permanenteng organisasyon ginamit din ito ng mga manggagawa sa panahon ng katahimikan. Kasama ng pangmasang partido, bumubuo sila sa isang tunay na permanenteng instrumento sa pag-organisa ng uri. Matapos maglaho ang mga unyon bilang proletaryong organisasyon, naharap ang uri sa problema na malaman at paano maorganisa ang sarili sa makauring batayan, sa paghina ng pakikibaka. Ang pangkalahatang nangyari kung hunihina ang pakikibaka ay naglalaho ang mga komite ng welga kasama ang mga pangkalahatang mga asembliya. Bumabalik ang mga manggagawa sa pagiging masa ng mga indibidwal, atomisado at bigo, humigit-kumulang tinatanggap ang mga unyon bilang kinatawan nila. Ang naturang pagbalik sa pasibidad ay matagalan o madaling mangyari, pero sa anumang kaso kung walang pagputok ng panibagong hayag na pakikibaka hindi ito mapigilan. Sa pagtatangkang mapigilan ang naturang panghihina, kadalasang mangyari na sa paghina ng pakikiba ang pinaka-militanteng mga manggagawa ay nagsisikap manatiling organisado para malikha ang isang permanenteng organisasyon na mag-oorganisa sa uri matapos ang pakikibaka. Ang kawalan ng pakikibaka ay sistematikong nagpawalang-bisa sa naturang pagtatangka.
Maaring lusawin ng organisasyon sa pagawaan ang sarili matapos ang takdang panahon, mademoralisa dahil sa kabiguang ma-organisa ang lahat ng manggagawa (nangyari ito sa AATJ sa Alemanya, haimbawa, matapos ang mga pakikibaka sa 1919-1923 at ganun din sa lahat ng mga Action Committees na sumubok manatili sa mga pagawaan sa Pransya matapos ang mga pagkilos sa Mayo-Hunyo, 1968[1]), o manatili at matransporma bilang bagong unyon. Ang pagbalik sa unyonismo ay sa ilang kaso ay halatado. Ang mga pasimuno ng mga grupong ito sa pagawaan ay simpleng nagsasabi sa pagtayo ng bago at mas ‘radikal', hindi-masyado ‘burukratiko', ‘mas demokratikong' unyon. Ito, halimbawa, ang nangyari sa komite ng welga na sinubukang panatilihin ng mga Trotskyista sa 1947 matapos welga sa Renault sa Pransya. At magkahalintulad ang mga ‘Komisyon ng Manggagawa' sa Espanya ay naging tunay na istruktura ng unyon sa kataposan ng dekada 60, at naging instrumento ng mga burges na partido sa ‘demokratikong' oposisyon.
Dahil sa dahan-dahang pagkalantad sa mistipikasyon ng unyon, ang pagbabalik ng unyon ay naging mas patago, mas nakakalitong porma ng organisasyon - na nagbalatkayo sa anti-unyon na lenggwahe. Sa takbo ng hayagang mga pakikibaka, laluna kung nilalabanan nito ang makinarya ng unyon, lumilinaw na hindi maaring ihiwalay ang kagyat na pang-ekonomiyang pakikibaka mula sa istorikong rebolusyonaryong pakikibaka. Kadalasan, sa kasagsagan ng mga welga, tumatak sa ilang manggagawa ang ideya na subukang ‘mag-imbento' ng panibagong porma ng permanenteng organisasyon, na tulad ng asembliya ng mga welgista, na hindi ‘pang-ekonomiya' o ‘pampulitikang' organisasyon.
Pero hindi sapat ang ‘kagustuhan' sa isang bagay na maging posible ito. Sa kagustuhang mapanatili ang dalawang pangunahing katangian ng unyon (na isang unitaryong organisasyon na may kapasidad na organisahin ang lahat ng manggagawa at isang permanenteng organisasyon na iiral labas sa hayag na pakikibaka) ang mga pagtatangkang ito ay laging nagtatapos, matapos ang maiksi o mahabang panahon, sa kabiguan. Ang kabiguan ay napupunta sa hindi maiwasang pagbalik sa unyonistang kretinismo. Pagkatapos, habang naglalaho ang kasiglahan, ang naturang mga organisasyon - walang kapangyarihan sa harap ng de-mobilisasyon ng mga manggagawa - ay dahan-dahang muling nagpokus sa paghahanap ng ‘kongkreto' at ‘realistikong' mga kahilingan para ‘muling mapaaktibo ang masa'. Madali silang tumungo sa punto na makipagkompetinsya sa mga kahilingan ng pangunahing mga unyon (36-oras na pagtrabaho kada linggo sa halip na 40, pagtaas ng 200 francs sa halip na 100, ‘kalitatibong kahilingan' sa halip na kantitatibo, atbp.) at nagsisikap na itatak sa kamulatan ng manggagawa ang alamat ng ‘kagyat na mga tagumpay'. Sa proseso, ang pangkalahatang rebolusyonaryong mga ideya ay naging tila napaka-abstrakto na maunawaan ng mga manggagawa'.
Sa usaping pulitikal, ang naturang mga organisasyon ay naghahanap ng paraan para mapag-iba ang kanilang sarili sa tradisyunal na mga unyon. Gumagamit sila ng mas radikal na ‘kaliwang' lenggwahe at pampulitikang islogan na naghahapag ng ‘imposibleng mga kahilingan' o nakakatawang pangangasiwa-sa-sarili. Kaya, pagkatapos ng maiksing panahon, ang isang tipo ng organissyon na nagnanais na ‘hindi maging unyon o pampulitikang organisasyon' ay nauwi lamang sa paglitaw ng isang mas pulitikal na unyon: isang kaliwang unyon, kadalasan napakaliit at mas nalilito, na ang tanging kaibahan ay ang kanyang kawalang kapasidad na kilalanin ang sarili kung ano siya - isang unyon. Ilang mga kaliwa ay naging espesyalista ngayon sa ganitong mga aktibidad. Ang Autonomia Operaia sa Italya at Plataformas anti-capitalistas sa Espanya ang malamang ang pinaka-tipikal na halimbawa sa ganitong kahiya-hiyang porma ng unyonismo.
Bakit nangyari ang ganitong mga kabiguan?
Ang pinag-usapan natin na German ‘Unionen' (AAU) sa pagitan ng 1919 at 1923, ang Action Committees sa Pransya sa 1968-1969, ang Unitary Base Committees at Autonomous Assemblies sa Italya, o ang Workers' Commissions sa Espanya, lahat sila ay nagmula sa mga sirkulo ng manggagawa na itinayo ng pinaka-militanteng mga manggagawa.
Lahat ng naturang mga sirkulo ay ekspresyon ng pangkalahatang kilusan ng uri para sa organisasyon. Pero kabaliktaran sa iniisip ng mga kaliwang estudyante na nagsisikap umimbento ng panibagong mga porma ng organisasyon para sa uri (mula sa naturang mga eksperimento tulad ng Cahiers du Mai sa Pransya hanggang sa ‘Autonomous Assemblies' sa Italya ngayon), may limitasyon ang bilang ng posibleng organisasyunal na mga porma na bukas sa proletaryong pakikibaka. Ang porma ng organisasyon ay kailangang angkop sa bawat layunin na ipinaglalaban nito. Sa madaling sabi, sa bawat layunin mayroong angkop na porma ng organisasyon na pinaka-epektibo at pinaka-angkop sa kanya. Ngayon hindi na nakibaka sa maraming mga layunin. Isa na lang: ang pakikibaka laban sa pagsasamantala, kapwa ang kanyang mga epekto at mga dahilan. Sa pakikibakang ito, dalawa lamang ang sandata ng proletaryado: ang kanyang kamulatan at kanyang pagkakaisa. Kaya nang mag-organisa ang mga manggagawa labas sa panahon ng hayag ng pakikibaka para tulungan ang pangkalahatang pakikibaka ng kanilang uri, magagawa lamang nila ito kung mapatupad nila mismo ang dalawang batayang tungkulin : kontribusyon sa pagpapalalim at pagpapalawak sa rebolusyonaryong kamulatan sa loob ng uri at kontribusyon sa pagkakaisa ng uri.
Ang proletaryadong porma ng organisasyon ay kailangang nakabatay sa pangangailangan na ipatupad ang dalawang tungkuling ito. Pero narito ang problema: ang dalawang tungkuling ito ay dalawang aspeto sa isang pangkalahatang tungkulin, dalawang kontribusyon sa iisang laban. Pero sa kabilang banda may nagsasalungatang katangian. Para magkaisa ang uri kailangang may organisasyon kung saan ang bawat manggagawa ay kasama anuman ang kanyang pampulitikang mga ideya, sa simpleng dahilan na siya ay manggagawa. pero para uunlad ang kamulatan ng uri sa kabuuan, ang pinaka-abanteng mga manggagawa ay hindi maaring maghintay na lang na mangyari ito. Tungkulin nila na palaganapin ang kanilang paninindigan, magsagawa ng propaganda, at lumahok dala ang kanilang pampulitikang mga posisyon sa loob ng kanilang uri. Hangga't umiiral ang uring manggagawa bilang pinagsamantalahang uri (at kung hindi na siya pinagsamantalahan ay hindi na rin siya isang uri), mayroon sa loob niya ng napakaraming pagkakaiba sa kamulatan at rebolusyonaryong determinasyon sa kanyang mga membro. Sa takbo ng pakikibaka, lahat ng manggagawa dahil sa kanilang posisyon sa produksyon ay tutungo sa rebolusyonaryong kamulatan. Pero hindi pantay ang pag-unlad ng kamulatan ng mga manggagawa. Laging mayroong mga indibidwal at praksyon ng uri na mas determinado at mas mulat sa pangangailangan para at sa mga paraan ng rebolusyonaryong aksyon, habang ang iba ay mas takot, mas nag-aalangan, at mas nadadala sa ideolohiya ng nagharing uri. Tanging sa mataas na proseso ng makauring pakikibaka na maging malawakan ang rebolusyonaryong kamulatan. Ang interbensyon ng pinakaabanteng mga elemento sa uri ay aktibong salik sa prosesong ito. Pero ang ganitong aktibidad ay nangangailangan ng esensyal na pampulitikang pagkakasundo sa bahagi ng mga gumagawa nito. Dagdag pa, kailangang gawin ito sa organisadong paraan. Kaya ang organisasyong may ganitong tungkulin ay dapat itayo sa batayan ng isang pampulitikang programa. Kung tanggapin ng naturang organisasyon ang lahat ng pampulitikang tendensya na umiiral sa uri; ibig sabihin kung hindi ito mismo ang magpaliwanag ng isang pampulitikang plataporma na nagsusuma sa lahat ng mga aral mula sa karanasan ng dalawang siglo ng makauring pakikibaka, hindi niya magampanan ang kanyang mga tungkulin. Sa kawalan ng istriktong pampulitikang kriterya hinggil sa pagsapi, ang organisasyon ay magiging daluyan ng kalituhan.
Pagkakaisa sa sarili at pagtataas ng antas ng kamulatan ay ang dalawang tungkulin na kailangang isagawa ng uri sa organisadong paraan. Pero hindi niya ito magagawa sa iisang tipo lang ng organisasyon. Kaya lagi itong nagtatayo ng dalawang porma ng organisasyon:
- pangkalahatang makauring organisasyon na ang tungkulin ay organisahin ang lahat ng mga manggagawa anuman ang kanilang pampulitikang mga ideya (mga unyon sa panahon ng pasulong na kapitalismo, mga konseho at pangkalahatang asembliya sa panahon ng pagbulusok-pababa).
- pampulitikang organisasyon na nakabatay sa isang pampulitikang plataporma at walang panlipunang kriterya sa pagsapi (pampulitikang partido at grupo).
Halos lahat ng pagtatangka na likhain ang buong uring organisasyon labas sa panahon ng hayag na pakikibaka ay kinatangian ng lantarang kagustuhan ng mga partisipante na lumikha ng organisasyon na kapwa magkasabay na unitary at pulitikal - isang organisasyon na bukas sa lahat ng mga manggagawa habang sabay na gumagampan ng tungkuling ipagtanggol ang pampulitikang mga posisyon sa loob ng uri, partikular hinggil sa mga unyon.
At iyang ang prinsipal na dahilan para sa sistematikong kabiguan ng naturang mga pagtatangka. Nakita na natin bakit ang isang pampulitikang organisasyon ay hindi ‘bukas' - tulad ng unitaryong organisasyon - na hindi panggagalingan ng kalituhan sa loob ng uri. Pero ang batayang dahilan ng kanilang sistematikong kabiguan ay ang pangkalahatang imposibilidad sa loob ng dekadenteng kapitalismo para sa uri na organisahin ang sarili sa isang buong-uring katangian labas sa mga panahon ng hayag na pakikibaka; isang katotohanan na paulit-ulit na nadiskubrehan ng uri para sa sarili.
Sa 19 siglo, ang mga unyon ng manggagawa ay maaring permanente at buong-uri na organo dahil ang sa tungkuling gagampanan nila: ang sistematikong pakikibaka para sa mga reporma ay maari at maging permanente. Ang mga manggagawa ay epektibong naoorganisa sa ganitong pakikibaka at lumikha ng buhay na sentro para sa pag-unlad ng makauring kamulatan, napapalakas sa kongkretong mga resulta. Pero ng ang pakikibakang ito ay naging imposible at hindi na epektibo, nang ang pakikibaka ng uring manggagawa ay maipahayag lamang mismo sa pamamagitan ng hayag na pakikibaka, hindi na sila ang maging pokus para sa pangkalahatang pag-oorganisa sa uri sa labas ng hayag na pakikibaka. Hindi maoorganisa ng masa ang sarili sa matagalang pagkilos na walang kagyat na mga resulta.
Ang tanging aktibidad na maka-engganyo sa isang istableng organisasyon sa tereyn ng uri labas sa panahon ng hayag na pakikibaka ay isang aktibidad na naglalagay sa sarili sa loob ng balangkas ng istorikal at pandaigdigang pakikibaka ng uri at ang ganung aktibidad ay para sa proletaryong pampulitikang organisasyon. Ang kanyang tungkulin ay halawin ang mga aral mula sa istorikal na karanasan ng uring manggagawa, ipalaganap ang komunistang programa at sistematikong ilunsad ang pampulitikang interbensyon sa makauring pakikibaka. Pero ang tungkuling ito ay para sa minorya ng uri, na hindi maaring bumuo sa tunay na batayan para sa malawak, buong uri na pag-oorganisa sa uri.
Ang mga pagtatangkang itayo ang mga organisasyon na kapwa unitaryo at permanenteng mga organo ng uri ay kagyat na nahulog sa kapahamakan. Sa isang banda ang naturang mga organisasyon ay walang kapasidad sa pagiging tunay na buong-uri na mga organo; sa kabilang banda tiyak ang kabiguan nila bilang pampulitikang organisasyon maliban kung iwanan nila ang anumang pretensyon sa pagiging buong-uri. Makondena sila sa pagka-lusaw o manatili sa tanging aktibidad na magbibigay sa kanila ng ilusyon na patuloy na mabuhay - ang pagiging mga unyon.
Ang mga grupo ng manggagawa, na nabuo sa labas ng hayagang pakikibaka, ay hindi maari kundi maging temporaryong sentro ng diskusyon kung saan masimulan ng mga manggagawa ang pagpalalim sa kanilang makauring kamulatan. Anumang pagtatangka na baogin sila sa pamamagitan ng pagtransporma sa kanila tungo sa hindi dapat, ibig sabihin istableng mga organisasyon, ay mauuwi sa kawalang patutungahan gaya ng naipaliwanag na natin.
Ang interbensyon ng mga rebolusyonaryo
Sa darating na mga taon ang mga unyon ay tatawagin para magpatupad ng pangunahing papel sa pampulitikang entablado ng makauring pakikibaka. Sila ang pangunahing harang kung saan sa likod nito magtatangka ang kapital na ipagtanggol ang sarili mula sa mga atake ng proletaryado. Para sa uring manggagawa, sila ang kumakatawan sa unang kaaway na dapat talunin, ang unang harang na dapat wasakin. Kaya ang pagtakwil sa mga unyon ang isa sa pangunahing mga tungkulin sa interbensyon ng mga rebolusyonaryo. Kailangang paulit-ulit na ipaliwanag ng mga komunista sa kanilang uri na ang mga tao ngayon na nasa unahan sa prosesyon ng unyon at labis na nabahala sa pananatili ng kaayusan ay sila din sa hinaharap, ang mag-alsa laban sa mga manggagawa. Kailangan ding walang pagod na itakwil ng mga rebolusyonaryo ang ideolohiya ng pangangasiwa-sa-sarili, at lahat ng iba pang buwitre ng dekadenteng kapitalismo na nakatago sa mga islogan gaya ng ‘dalawahang katangian ng mga unyon', ng ‘nagkakaisang prente ng mga manggagawa', at iba pang porma ng ‘kritikal na suporta' para ipresenta ang mga organong ito ng kapital bilang mga organisasyon ng manggagawa.
Hindi pinagtanggol ng mga komunista ang partikular na mga kahilingan, hindi tulad ng mga tao na imimbento at nagtutulak ng ‘mas radikal', ‘mas hindi maaabot' o ‘mas transisyunal' na mga kahilingan bilang karot para maengganyo ang proletaryado na ‘lagpasan ang pang-ekonomiyang pakikibaka tungo sa pampulitikang pakikibaka'. Sinuportahan ng mga komunista ang lahat ng mga kahilingan ng uri kung nagpahayag ito ng pagtutol ng proletaryado sa tumitinding pagsasamantala. Ang kanilang tungkulin ay ipakita na sa loob ng dekadenteng kapitalismo, hindi na maibigay ng kapitalismo ang anumang matagalang satispaksyon sa mga kahilingan ng mga manggagawa na kakatawan sa tunay na kaginhawaan sa kalagayan ng pamumuhay ng mga manggagawa; na wala ng pakikibaka laban sa mga epekto ng pagsasamantala na hindi magiging pakikibaka sa kanyang mga sanhi; na walang tunay na tagumpay sa depensibang pakikibaka, maliban sa pagkamit sa mga paraan na tiyak na wawasak sa sistema mismo.
Ang pagtakwil sa mga unyon ay kasabay sa pagtatanggol sa mga porma ng organisasyon na angkop sa proletaryong pakikibaka sa ilalim ng dekadenteng kapitalismo: mga pangkalahatang asembliya, komite sa pagawaan, at konseho ng manggagawa.
Pero sa kanilang sarili lamang ang mga porma ng organisasyon ay hindi sapat na kondisyon na garantiya sa tunay na awtonomiya ng pakikibaka ng uri. Alam na alam ng burgesya paano alagaan ang mga porma ng organisasyon na itinakwil ng uri sa kanyang pakikibaka, at paano gamitin sila para sa kanyang sariling mga layunin. Dagdag pa, sa pamamagitan ng pagpahayag sa usapin bilang problema ng organisasyon, sa pamamagitan ng paghati sa mga manggagawa sa ganitong usapin, ang organisasyon ay naging paraan para salamangkahin ang problema ng laman ng pakikibaka sa pamamagitan ng pagpirmi at pagharang sa rebolusyonaryong proseso sa partikular na bulnerableng yugto. Ang mga porma ng organisasyon ay kinakailangang kondisyon para umunlad ang prosesong ito, pero ang kanilang paglitaw ay napaka-ispontanyong produkto sa aksyon ng masa sa halip na interbensyon ng mga rebolusyonaryo. Pero sa sandaling lumitaw na ang mga pormang ito, ang pagpapatuloy ng rebolusyonaryong proseso ay hindi na manatili sa ispontanyong antas kundi kailangang nakabatay sa laman ng pakikibaka. Sa tereyn na ito ang interbensyon ng mga rebolusyonaryo ay absolutong mahalaga.
Kailangang kondenahin ng mga rebolusyonaryo ang mga tao, na sa bawat hakbang ng proletaryado sa kanyang pakikibaka, ay sinasabing ang mga pagsulong ay depinidong mga tagumpay, at nagtangkang pigilan ang pag-unlad ng rebolusyonaryong proseso.
Sa bawat yugto ng pakikibaka inilagay sa unahan ng mga rebolusyonaryo ang istorikong perspektiba at pandaigdigang katangian ng proletaryong pakikibaka.
Ang pagwasak sa mga unyon ay isa lamang aspeto sa pandaigdigang pagdurog sa kapitalistang estado. Mapaunlad lamang ang kanilang pakikibaka sa pamamagitan ng pandaigdigang paghawak sa tunay na laman, ang istorikong pakikibaka para sa pandaigdigang komunistang rebolusyon.
******
Ang artikulong ito ay unang lumitaw sa Nobyembre/Disyembre 1974 bilang ‘Les Syndicats Contre La Class Ouvrier' sa no.12 ng Revolution Internationale, ang publikasyon sa Pransya ng Internasyunal na Komunistang Tunguhin. Ito ay muling sinulat at pinaunlad na bersyon sa ‘Greves Sauvages et Syndicats' sa Revolution Internationale, no.3 (Old Series), Disyembre 1969. Ang bersyon ng artikulo ay lumitaw sa English sa ilalim ng titulong ‘Unions and Wildcats' sa Internationalism, no.1 (ang publikasyon sa Amerika ng IKT), at pinarami ng Workers' Voice sa 1974. Ang pampletong ito ay pagsasalin sa mas nirebisa at pinaunlad na teksto na inilathala ng Internasyunal na Komunistang Tunguhin sa Pranses sa pormang pampleto, sa titulong ‘Les Syndicats Contre la Classes Ouvriere'.
[1] Kadalasan ang pagkalusaw ay nangyayari sa pinaka-lunos-lunos na porma ng pagkaagnas. Habang nakikita ng orihinal na bag-as na bumaba ang kanyang kasapian, hanggang sa iilang nabukod na mga indibidwal na lang ang natira, nangingibabaw sa kanila ang kawalang pag-asa at nagtulak sa kanila sa histirikal na aktibismo na kadalasan ay nagbunga sa indibidwalistang tipo ng pagkilos: sabotahe, terorismo, o maging sa lokalisado, ‘kagyat na transpormasyon sa pang-araw-araw na buhay'. Sa Italya, halimbawa, kung saan sa 1969 nangyari ang pinaka-malawak na anti-unyon na mga welga sa Kanlurang Uropa, maraming ganung klaseng pagkaagnas ang nangyari.