Submitted by ICConline on
Sa loob ng mundo ng unyonismo may umiiral na ‘kritikal' na kampo: ang mga kaliwa. Nagpasimuno sa pangunahing mga pagkakamali ng Ikatlong Internasyunal, pinagtanggol nila ngayon ang taktikal na paglahok at pagsuporta sa unyonismo - habang pinupuna din ang ‘pagkakamali' ng mga unyon. Pero kinikilala ng Kaliwa ang mga unyon bilang organisasyon ng mga manggagawa, kung saan may tungkulin silang ‘tanggalin ang burukratismo' sa pamamagitan ng pag-agaw sa liderato.
May dalawahang papel ba ang mga unyon?
Para bigyang katwiran ang kanilang ‘kritikal' na suporta sa unyon, ang kaliwang tendensya ay nagpahayag ng ideya na ang mga unyon ay may dalawahang papel: sa panahon ng ‘panlipunang katahimikan' kung saan walang mahalagang mga pakikibaka, pinagtanggol ng mga unyon ang uring manggagawa laban sa mga kapitalista; sa panahon ng panlipunang pakikibaka, pinagtanggol nila ang mga kapitalista laban sa uring manggagawa. Ang mga unyon ay ‘laban sa rebolusyon' pero hindi ‘laban sa uring manggagawa'. Ang pangatwirang ito ay isang patagong paraan para pagtibayin ang paniniwala sa mga unyon habang nagbibigay ng impresyon na laban sa kanila. Pinagkatiwalaan ang mga unyon pero itinakwil sila. Halimbawa, ito ang posisyon ng grupong Pouvoir Ouvrier sa Mayo 1968 sa Pransya, na iginiit sa kanilang pampulitikang plataporma na: "Sa kasalukuyang panahon, sa halos lahat ng mga kapitalistang bansa, ang mga unyon ay gumagampan ng dalawahang papel: - pinagtanggol nila ang kagyat na interes ng sahurang manggagawa laban sa mga kapitalista; pinagtanggol nila ang kapitalistang lipunan na tinatanggap nila, laban sa anumang makauring kilusan na nagbibigay pahirap dito", (Pouvoir Ouvrier, no. 90, May 1968).
Ang ideyang ito ay kasinglinaw tulad ng ang pulis ay nagtatanggol sa interes ng mga manggagawa kung iniligtas sila mula sa pagkalunod sa dagat, at hindi na nagtatanggol sa kanila ng paluin sila panahon ng welga (ibig sabihin nagsisilbi sa interes ng mga kapitalista).
Ang makauring katangian ng isang organisasyon ay hindi itinakda sa kanyang aktitud sa panahon ng panlipunang katahimikan, kung saan pasibo ang proletaryado, pumapailalim sa ekonomiya at ideolohiya sa kapangyarihan ng burgesya. Sa panahon ng hayagang komprontasyon ng mga uri kailangang husgahan ang makauring katangian ng isang organisasyon.
Naging maliwanag ang papel ng mga unyon sa panahon ng malawakang makauring pakikibaka, nakikita sila na humahadlang sa ugnayan ng mga manggagawa sa iba't-ibang pagawaan, pinalsipika ang mga kahilingan ng mga manggagawa, gumamit ng kasinungalingan at paninira para bumalik sa trabaho ang mga manggagawa, sinabihan sila na sa ibang mga pagawaan na nakibaka ‘bumalik na ang mga manggagawa' at hindi nila kayang ‘magpatuloy na mag-isa'. Naging malinaw ang papel ng mga unyon ng gumampan sila bilang taga-buwag ng welga. Sa panahong iyon lumitaw ang kanilang makauring katangian na kasinglinaw ng sikat ng araw. Ang depensibang komedya na araw-araw nilang ginawa sa panahon ng panlipunang katahimikan, na inilagay ang sarili bilang tagapagtanggol ng uri sa moro-morong kolektibong pakipagtawaran, maingat na paglapat sa karapatang magtrabaho, at ang buong hanay ng patakaran sa pagsasamantala sa paggawa, ay hindi gumawa sa kanila bilang kinatawan ng uri laban sa kapital, kundi naging tagapangasiwa sila ng kapital na responsable sa araw-araw na pagsasamantala sa loob ng uring manggagawa. Ang luha-ng-buwaya ng mga unyon sa pinakamasahol na pang-aabuso ng kapital (‘isang oras na protesta-welga', pagkatali sa problema ng indibidwal na manggagawa sa pagawaan, lahat ng ‘maliliit na tungkulin') ay ang pundasyon kung saan nakasandal ang opisyal na alamat na ang mga unyon ay para sa interes ng uring manggagawa. Ang alamat na ito ang pinaniwalaan ng Kaliwa sa kanilang ‘krtirikal' na paraan, pero ito talaga ay kinakailangang kondisyon para mapigilan ng unyon ang tunay na pagsabog ng makauring pakikibaka.
Gaya ng kailangang isalba ng polis ang nalulunod na tao at pangasiwaan ang trapiko para mabigyang katwiran ang kanilang pag-iral kung dumating ang panahon na supilin ang pakikibaka ng manggagawa sa ngalan ng ‘pampublikong interes', kailangan din ng unyon na gumampan bilang ‘tagapangalaga' sa mga manggagawa at kumilos bilang balbula sa loob ng uri para kung darating ang panahon ng tunay na pakikibaka nasa mas magandang posisyon sila na gumanap bilang tagaharang at tagasupil sa ngalan ng interes ng manggagawa.
Pagsabotahe sa pakikibaka ng manggagawa at opisyal na kinatawan ng mga manggagawa sa loob ng balangkas ng kapitalistang pagsasamantala ay hindi magkaibang mga bagay - o nagsalungatang - mga tungkulin ng mga unyon sa ilalim ng dekadenteng kapitalismo. Ang dalawa ay parehong mga aspeto ng isa at parehong anti-proletaryong tungkulin.
Ang burukratisasyon ng mga unyon at ang ilusyon na maagaw silang muli
Isa pang argumento na paulit-ulit na ginamit ng mga Kaliwa para mabigyang katwiran ang kanilang ‘kritikal' na suporta at partisipasyon sa mga unyon, ay ipakita na ang unyon bilang organisasyon ay mahalagang organisasyon sa pakikibaka ng manggagawa, pero naligaw lamang ng landas dahil sa burukratisasyon at ‘masamang pamunuan'. Kaya para sa mga kaliwa ang usapin ay ‘muling pag-agaw' sa mga unyon sa pamamagitan ng paggawa sa kanila na mas demokratiko (kahilingan sa karapatang magpaksyon) at sa pagpalit sa ‘tiwaling liderato' sa tuktok ng tunay na mga lider ng manggagawa.
Sa halip na tingnan ang burukrasya at ‘masamang' mga lider na hindi maiwasang produkto ng kapitalistang katangian ng mga unyon, ang mga tao na kumapit sa naturang mga ilusyon ay tiningnan sila kapwa bilang dahilan ng mga ‘pagkakamali' at ‘pagtraydor' ng mga unyon.
Ang burukratisasyon ng organisasyon ay hindi nagmula sa kapangyarihang magdesisyon ng kanyang mga sentral na organo. Kabaliktaran sa iniisip ng mga anarkista, ang sentralisasyon ay hindi parehas sa burukratisasyon. Kabaliktaran, sa organisasyon na pinasigla ng kamulatan, sa marubdob na aktibidad ng bawat isa ng kanyang mga kasapi, ang sentralisasyon ang pinakamahusay na paraan para mahimok ang partisipasyon ng bawat kasapi sa buhay ng organisasyon. Ang katangian ng burukrasya ay ang buhay ng organisasyon ay hindi na nakaugat sa aktibidad ng kanyang kasapian kundi sa artipisyal at pormalistiko na pinatupad ng kanyang ‘bureaux', sa kanyang sentral na mga organo, wala ng iba pa.
Kung ang naturang penomenon ay komon sa lahat ng mga unyon sa ilalim ng dekadenteng kapitalismo ito ay hindi dahil sa pagiging ‘masama' ng mga lider ng unyon; o ang burukratisasyon ay isang hindi maipaliwanag na misteryo. Kung sumakop man ang burukrasya sa mga unyon ito ay dahil ang mga manggagawa ay hindi na sumusuporta sa anumang buhay o pasyon sa mga organisasyon na hindi na kanila. Ang kawalang interes ng mga manggagawa sa buhay-unyon ay hindi, gaya ng iniisip ng mga kaliwa, patunay ng mababang kamulutan ng mga manggagawa. Kabaliktaran, ito ay ekspresyon ng kamulatang pagsang-ayon sa loob ng uring manggagawa sa kawalang kapasidad ng mga unyon na ipagtanggol ang kanilang interes at maging ang kamulatan na ang mga unyon ay nasa panig na ng makauring kaaway.
Ang relasyon sa pagitan ng mga manggagawa at unyon ay hindi ng isang uri sa kanyang makauring instrumento. Kadalasan ito ay relasyon sa pagitan ng indibidwal na may indibidwal na mga problema at serbisyong pangkagalingan (‘na alam paano makipag-usap sa mga kapitalista'). Burukratiko ang mga unyon dahil wala at hindi magkaroon ng proletaryong diwa sa kanila.
Ang mga kaliwa sa loob ng mga unyon ay nagbigay ng tungkulin sa sarili (liban pa sa iba) na muling pasiglahin ang buhay-unyon. Nagtagumpay lamang sila na mademoralisa at umalis ang kabataang militanteng unyonista na sa simula ay naniwala sa unyon, (maliban kung naging ‘kapanalig' na rin siya). Ang tanging nakamit lamang ng kaliwa ay paatrasin ang kamulatan ng uri sa kapitalistang katangian ng mga organisasyong ito. Ang Leif-motif na binubuga ng mga kaliwa: "ito ay masamang organisasyon ng mga manggagawa, pero organisasyon pa rin ng mga manggagawa" ay pinakamagaling na depensa ng mga unyon sa harap ng lumalaking pagdududa ng mga manggagawa sa kanila. Ang mga burukrata sa unyon ay natagpuan sa mga ‘panatiko' na komitido sa ‘positibong kritisismo' sa mga unyon ang pinakamagaling na alyado at itinanghal sa mga manggagawa na ‘naligaw sa anti-unyonismo'.
Hinggil sa taktika sa ‘muling pag-agaw' sa liderato ng mga unyon para gawin silang tunay na organisasyon ng uri, na simpleng nagbigay-diin sa parehong makitid na pananaw, ay hindi lang simpleng balatkayo sa marahas na burukratisasyon. Ang anti-manggagawang aksyon ng mga unyon ay hindi usapin ng mabuti at masamang mga lider. Hindi aksidente na sa mahigit limampung taon ang mga unyon ay palaging may masamang mga lider.
Hindi dahil sa masamang liderato na ang mga unyon ay hindi lumahok sa tunay na pakikibaka ng uring manggagawa; kabaliktaran, ito ay dahil ang mga unyon bilang organisasyon, ay wala ng kakayahang paglingkuran ang pangangailangan ng makauring pakikibaka kaya naging masama ang kanilang mga lider. Gaya ng pagtingin ni Pannekoek: "Ang paulit-ulit na sinabi ni Marx at Lenin hinggil sa estado, sa kabila ng pag-iral ng pormal na demokrasya hindi ito magagamit bilang instrumento ng proletaryong rebolusyon, ay ganun din sa mga unyon. Ang kanilang kontra-rebolusyonaryong pwersa ay hindi maaring tanggalin o kontrolin sa pamamagitan ng pagpalit ng liderato, sa pamamagitan ng pagpalit sa reaksyonaryong mga lider ng mga tao sa ‘kaliwa' o ng mga ‘rebolusyonaryo'. Ang porma mismo ng organisasyon ang siyang dahilan ng kawalang kapangyarihan ng masa at pumipigil sa kanila na gamitin ito bilang instrumento ng kanilang sariling determinasyon", (Pannekoek).