Submitted by Internasyonalismo on
Tuloy-tuloy ang paglala ng krisis pampulitika sa bansa dahil sa lalupang paglala ng pandaigdigang krisis ng kapitalismo.
Ang tumitinding bangayan sa loob ng nagharing uri – kampong maka-GMA at kampong anti-GMA – ay ginagatungan ng mga alitan sa loob ng kampong maka-Gloria at ganun din, sa loob ng kampong anti-GMA. Ang mga alitang ito sa loob ng magkabilang kampo ng nagharing uri ay pinaliliyab ng pang-ekonomiyang krisis na kongkretong makikita sa pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan na nabunga ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Ito ang hindi maiwasang mangyari sa nagharing uri sa panahon ng permanenteng krisis ng sistema – “isa laban sa lahat”.
Ang mga isyu ng korupsyon, panunuhol, katiwalian, paglabag sa karapatang-pantao at iba pa ay PAREHONG ginagawa at patuloy na gagawin ng administrasyon at oposisyon. Walang pagkakaiba ang Lakas-CMD at Kampi sa PMP ni Erap, sa United Opposition ni Binay at maging sa nabubuong United Forces. Ito ang naranasan ng masang maralita sa nagdaang tatlong “Edsa Revolution” — ang dating oposisyon ay nalagay sa administrasyon at ang dating administrasyon ay naging oposisyon – subalit walang kaginhawaang naranasan ang mga manggagawa at maralita.
Hindi malulutas ng administrasyon at oposisyon ang mga mabibigat na problemang pinapasan ng mga manggagawa at maralita – patuloy na pagtaas ng presyo, mababang sweldo, kontraktwalisasyon, kawalang trabaho, pabahay, panlipunang serbisyo at iba pa. Kapwa ang administarsyon at oposisyon ay may parehong layunin – ipagtanggol ang mapagsamantala at nabubulok na kapitalistang sistema.
Isang bitag ang “fighting one enemy at a time” o “choosing the lesser evil”. Isang ilusyon ang paniniwala na ang pakipag-alyansa sa isang paksyon ng burgesya ay makapagpahina sa buong nagharing uri. Ang tunay na makapagpahina sa nagharing uri hanggang sa tuluyan itong maibagsak ay ang paglakas ng independyenteng kilusan ng manggagawa at maralita.
Ang panawagan ng iba’t-ibang grupo ng burges na oposisyon at Kaliwa ng “pagkakaisa” ng lahat ng grupo laban sa paksyong GMA ay walang ibig sabihin kundi ang ilagay sa Malakanyang bilang kapalit ng paksyong GMA ay isa na namang paksyon ng mapagsamantalang uri na “suportado” ng malawak na masa. Hindi na dapat pumasok ang masa sa ganitong patibong ng burgesya dahil tiyak na mauuwi na naman ito sa kapahamakan ng mga mahihirap at muling makapagpalakas sa ilusyon at demoralisasyon sa kanilang hanay.
Nararapat lamang na muling babangon ang militansya at diwang palaban ng uring manggagawa at maralita para sa tunay na pagbabago sa kanilang aping kalagayan. Nararapat lamang na muling magtiwala ang malawak na masang api sa kanilang sariling pagkakaisa at lakas sa pakikibaka. Subalit ang enerhiya ng militansya ay kailangang nakatuon sa pagpapalakas sa SARILING kilusan ng uring manggagawa at maralita na HIWALAY sa alinmang paksyon ng nagharing uri – administrasyon man o oposisyon.
Nasa paglakas ng INDEPENDYENTENG KILUSAN ng masang api ang pwersa para mahatak ang panggitnang uri sa tamang daan para sa pagbabago ng lipunan. Ang kongkretisasyon ng independyenteng kilusang ito ay makikita sa sumusunod:
- Isang kilusan na nakahiwalay sa kampo ng administarsyon at oposisyon. Higit sa lahat, isang kilusan na hayagang naglalantad na ang lahat ng mga paksyon ng burgesya kabilang na ang mga partido at grupo nila ay KAAWAY ng buong uring api dahil ang lahat ng mga paksyon ng mapagsamantalang uri ay NAGKAKAISA LABAN sa mga manggagawa at maralita. Kaya, walang anumang pakipag-alyansa alinman sa mga paksyong ito, temporaryo man o estratehiko.
- Isang kilusan na pangunahing nakibaka sa mga isyung direktang may kaugnayan sa pang-araw-araw na buhay ng malawak na masa at itinataas ang mga ito sa pag-agaw ng pampulitikang kapangyarihan ng mga manggagawa mismo.
- Isang kilusan na ang mga organisasyon ng pakikibaka ay mga asembliya at konseho ng mga manggagawa – regular, kontraktwal, walang trabaho, nasa pribado man o publikong sektor, unyonista man o hindi – sa mga pagawaan at komunidad kung saan ang otoridad ng pagkilos ay nasa kapasyahan ng mga asembliyang ito at wala sa mga unyon. Ang mga konsehong ito ang siyang dapat maging organo ng kapangyarihan pagkatapos maibagsak ang paksyong Arroyo.
- Isang kilusan na nagtatakwil na may magagawa ang kongreso at senado para sa kapakanan ng uring pinagsamantalahan sa harap ng tumitinding krisis ng pandaigdigang kapitalismo.
- Isang kilusan na nagtatakwil sa inter-classist na “caretaker government”, “transitional government” o “coalition government”.
Ang sentral na mga islogan ng kilusang ito ay:
ISULONG ANG KILUSANG MASA LABAN SA ADMINISTRASYON AT OPOSISYON!
GAWING PAMPULITIKANG PAKIKIBAKA ANG MGA PANG-EKONOMIYANG PAKIKIBAKA!
ITAYO ANG MGA KONSEHO NG MANGGAGAWA BILANG MGA ORGANO NG KAPANGYARIHAN MATAPOS MAIBAGSAK ANG PAKSYONG ARROYO!
Sa ganitong mga islogan lamang hindi na mauulit ang masaklap na karanasan ng nagdaang tatlong “Edsa Revolution” kung saan pinaaasa ang mga mahihirap na ang kanilang kaligtasan ay nasa mga popular na burges na lider ng oposisyon at rebeldeng militar.
INTERNASYONALISMO