Submitted by Internasyonalismo on
Kung noon nagdarasal ang mga Pilipino na walang bagyo, ngayon nagdarasal na naman na magkaroon ng lakas ng ulan.
Nagpalabas ng "obligatory prayer for rain" ang simbahang Katoliko bilang panawagan sa mga nanampalaya na magdasal para umulan. Huling nanawagan ng ganito ang simbahan noong 1998, panahon ng matinding tagtuyo na kagagawan ng El Nino.
Bumababa sa kritikal na antas ang mga dam (Angat, Magat, atbp) na nagsusuplay ng tubig sa Metro Manila at ilang bahagi ng Luzon. Ito ay mga maniepstasyon ng lumalalang sitwasyon ng bansa sa usapin ng krisis sa tubig.
Inamin mismo ng DENR na sa 2010 (tatlong taon mula ngayon) ay makaranas ang bansa ng mas malalang krisis sa fresh water. Ang 1,907 cubic meters sa bawat tao kada taon na fresh water ay naglagay sa Pilipinas sa pangalawa sa pinakamababa sa buong Southeast Asia.
Inutil ang gobyerno
Pagtitipid sa tubig ang panawagan ng gobyerno sa mga mamamayan. Ibig sabihin wala itong magagawa sa problema ng krisis sa tubig kaya ang mahirap na mamamayan ang kailangang magsakripisyo habang ang mga mayayaman ay patuloy na naliligo sa sobra-sobrang suplay ng tubig. Atas ng estado: "huwag mag-akasaya ng tubig; "mas konting tubig ang magagamit, mas mainam". subalit, kailangan nating maintindihan na ang ugat ng kasalukuyang krisis sa tubig ay ang lumalalang pagkasira ng kalikasan.
Inutil ang gobyerno dahil ito mismo ang isa sa dahilan bakit nagkaroon ng krsis sa tubig. Ang pagsuporta ng estado sa walang habas na paninira ng mga kapitalista sa kalikasan para sa super-tubo at diumano "kaunlaran" ang isa sa mayor na mga dahilan ng pagkasira ng kalikasan. Inutil ang estado dahil ang sistemang kapitalismo mismo ang ugat ng pagkasira ng kalikasan na popular na tinatawag ngayon na global warming.
Ang estado ay hindi "nyutral" gaya ng laging naririnig natin. Ang estado, ay instrumento ng naghaharing uring mapagsamantala. Ito ay protektor sa mga interes ng kapitalista, sa pambansang kapitalismo.
Ang natural na katangian ng kapitalismo ay kompetisyon — sa pagitan ng indibidwal na kapitalista at sa pagitan ng pambansang mga kapital. Ang kompetisyon para sa tubo, para sa pamilihan ang katangian ng kapitalismo na protektado ng estado, ang siya mismong sisira sa kanyang sarili.
Dahil sa batas ng kompetisyon at pag-aagawan ng pamilihan para sa tubo, sinisira ng kapitalismo ang kalikasan. Bilang instrumento ng uring kapitalista, gumagawa ang estado ng mga patakaran at batas para magsilbi sa nakamamatay na batas ng kompetisyon at tubo sa kabila ng bukambibig nito na "pagsisikap" na "pangalagaan" ang kalikasan. Isang halimbawa nito ay ang Mining Act at ang "selective" logging na nagkahulugan ng patuloy na pag-logging at pagtatayo ng mga edipisyo para sa industriya.
Lahat ng mga paksyon ng burgesya — administarsyon man o oposisyon — ay walang maibigay na anumang solusyon sa problema ng mamamayan sa pagkasira ng kalikasan dahil ang mga ito ay nagsisilbi sa interes ng bulok na sistema.
Pandaigdigan ang Problema
Hindi lang ang gobyerno sa Pilipinas ang inutil kundi ang lahat ng mga gobyerno sa iba’t-ibang mga bansa sa buong mundo — kontrolado man ng Kaliwa o Kanan.
Maging ang mga abanteng bansa gaya ng Amerika at Britanya ay nanalasa ang galit ng kalikasan sa paninira ng bulok na sistema para lamang sa tubo. Hindi pa natin nalimutan ang mapaminsalang Huricane Katrina sa Amerika sa Ameika at ngayon naman ang malalaking mga baha sa Britanya at India kung saan daan-daan na ang namatay at milyun-milyong halaga ang nasira.
Dahil pandaigdigan ang sistemang kapitalismo, lahat ng mga bansa ay sakop ng kanyang nakamamatay na katangian — kompetisyon at kahayukan sa tubo. Kung ang estado ng Pilipinas ay instrumento ng pambansang kapital, ganun din ang iba’t-ibang mga estado sa lahat ng mga bansa — atrasado o abante, maliit o malaki. Ang tumitindi at lumalalim na kompetisyon ng mga pambansang kapital ay nagkahulugan din ng tumitindi at lumalalim na kompetisyon ng mga pambansang estado at dahil dito lalo pang napinsala ang kalikasan na kung hindi mapigilan ay tiyak na hahantong sa pagkawasak ng mundo pati na ang sangkatauhan.
Wasakin ang kapitalismo: Tanging solusyon para mailigtas ang kalikasan
Milyun-milyong piso ang ginastos ng estado at ng mga kapitalista para "pangalagaan ang kalikasan" at linlangin ang mamamayan na ang kanilang mga industriya ay "enivironment-friendly". Seryoso man o hindi ang bawat kapitalista o estado sa usapin ng pangangalaga sa kalikasan, ito ay natatabunan ng mapanirang katangian mismo ng kapitalismo na siyang pinagsisilbihan ng lahat ng mga estado.
Mat tatlong malalaking kasinungalingan na pinalaganap ang mga estado sa buong mundo para hindi makita ng mga manggagawa at sangkatauhan ang tunay na dahilan at ugat ng pagkasira ng kalikasan. Unang malaking kasinungalingan, lahat tayo ay pare-pareho ang bigat ng kasalanan sa pagkasira ng kalikasan dahil lahat tayo ay inaabuso ang paggamit ng mga likas na rekurso ng mundo. Lahat tayo ay mga ganid kaya dapat lang na maghirap. Pangalawang malaking kasinungalingan, na may magagawa pa tayo para iligtas ang kalikasan na hindi winawasak ang kapitalismo, kailangan lang nating magtipid at lalupang magsakripisyo. Pangatlong malaking kasinungalingan, na ang nagharing uri ay gumagawa ng solusyon sa lumalang problema ng pagkasira ng kalikasan.
Maraming mga "nagmalasakit" sa kalikasan ang naniwala sa mga kasinungalingan ng estado. Kaya, ang kanilang mga pagkilso ay nakatuon sa paggawa ng mga batas at paghikayat o "pagpilit" sa estado na "tunay" na proteksyunan ang kalikasan. Samakatwid, pakikibaka para sa reporma sa ilalim ng kapitalistang paghari ang linya ng mga grupong ito. Isa sa mga grupong ito ay ang grupong Green Philippines at ang mga kaalyado nitong mga organisasyon at NGOs.
Ang tanging solusyon sa pagkasira ng kalikasan ay wasakin ang batas ng kompetisyon at sistemang sahuran para sa tubo. At ang ibig sabihin nito ay wasakin mismo ang sistemang kapitalismo. Mawawasak lamang ang sistemang kapitalismo kung mawawasak ang estado ng mga kapitalista na siyang tagapagtanggol nito. Ang tanging uri na may misyon at may kapasidad na wasakin ang mapaminsalang panlipunang sistema at iligtas mula sa ganap na pagkapinsala ang kalikasan at sangkatauhan ay ang uring manggagawa.
Dalawa lamang ang pagpipilian ng sangkatauhan ngayon: WASAKIN ANG KAPITALISMO o MAWAWASAK ANG MUNDO. Mabilis na nauubos ang oras para magdesisyon.
Subalit, may liwanag ng pag-asa. Simula 2003 ay nagsimula ng magkaisa at lumaban ang mga manggagawa sa buong mundo laban sa kapitalismo. Mga paglaban ng uri na independyente at internasyunal. Mga paglaban ng manggagawa na hindi kontrolado ng mga anti-manggagawang unyon at ng isang paksyon ng burgesya. Ang pagtuloy-tuloy at paglawak ng pagkakaisa at paglaban ng manggagawa sa pandaigdigang saklaw ang siyang maging malakas na pwersa para madurog ang naaagnas na sistema.