Submitted by Internasyonalismo on
Rumaragasa ngayon sa maraming bahagi ng mundo ang militanteng paglaban ng uring manggagawa laban sa mga atake ng kapital para subukang isalba ang wala ng solusyon na krisis ng sistema.
Nito lang pagsabog ng panibagong krisis ng kapitalismo mula 2007, sinagot ito ng mga militanteng paglaban ng proletaryado. France, Britain, Germany, Italy, Greece, Egypt, Bangladesh, South Korea ay iilan lamang sa mga bansang sumabog ang pagkakaisa at galit ng manggagawa laban sa estado at sistema.
Ang pinakahuli ay ang malawakang rali at demonstrasyon ng mahigit 50,000 manggagawa sa garment industries sa export processing zones sa Bangladesh ilang araw pa lang ang lumipas.
Nakitaan ang mga paglabang ito ng manggagawa ng mga sumusunod:
1. Pagsuway sa mga maka-kapitalistang batas ng estado na ang tanging layunin ay pigilan o kaya ay takutin ang manggagawa na magkaisa at lumaban. Ang sagot dito ng uri ay wildcat strikes o "ilegal" na mga welga o work stoppage.
2. Paglunsad ng mga asembliya bilang organo ng pakikibaka. Sa asembliya ay lumahok ang mga regular at di-regular na manggagawa; mga manggagawa na galing sa iba't-ibang sektor.
3.Mariin at lantarang pagkondena sa estado at mga institusyon nito bilang utak sa hirap at aping kalagayan ng masang anakpawis.
Manggagawang Pilipino: Unti-unting sumasabay sa kompas ng pandaigdigang paglaban sa bulok na sistema
Habang abalang-abala ang iba't-ibang paksyon ng naghaharing uri sa Pilipinas - Kanan at Kaliwa - sa kanilang bangayan kung ngayon na ba babaguhin ang kanilang Saligang Batas, pinakita naman ng maliit na posyon (maliit pa lang sa ngayon) ng manggagawang Pilipino ang makauring larangan ng labanan - laban para sa kanilang makauring interes at laban na sa tereyn ng uri: ang lansangan at sama-samang pagkilos.
Pumuputok sa ilang pabrika ang wildcat strikes. Sinusuway ng manggagawa ang mga mapanupil na batas ng estado.
Ito ang nangyari sa Giardini del Sole sa Cebu, sa kasalukuyang laban ng mga manggagawa sa Paul Yu sa Mactan Cebu Export Processing Zone at sa Keppel Cebu Shipyard. Nasa ganitong konteksto din ng militanteng paglaban ang ginagawa ng mga manggagawa sa Triumph International sa Taguig, Metro Manila.
Sa mga manggagawa sa Cebu, lumalaki ang papel ng kanilang mga asembliya bilang organo ng pakikibaka. Sa mga asembliya sila nagdiskusyon at nagdesisyon sa kanilang laban. Ang burukrasya ng unyonismo ay unti-unting naisantabi at lumalaki ang papel ng demokrasya ng manggagawa.
Iba-iba man ang partikular na isyu, komon ang ipinaglalaban ng mga manggagawa - seguridad sa trabaho at sapat na sahod. Hindi tinanggap ng mga manggagawang nag-aklas ang separation pay o kaya ang dahilan ng mga kapitalista na nalulugi sila dahil sa pandaigdigang krisis.
Ganito din sa pangkalahatan ang laman ng mga demanda ng manggagawang lumalaban sa iba pang bahagi ng mundo.
Sa mga pang-ekonomiya at kagyat na mga labanang ito mabilis na lumilinaw sa malawak na manggagawa ang papel ng estado sa kanilang aping kalagayan bilang tangi at numero unong tagapagtanggol sa mapagsamantalang sistema.
Nahuhubaran din sa mga labanang ito ang tunay na katangian ng administrasyon at oposisyon. Habang dakdak ng dakdak sila sa usaping Chacha at eleksyon ay pipi naman silang lahat sa nangyayaring pang-aapi sa masang anakpawis sa mga pabrika. Hindi ito nakapagtataka dahil iisa lang naman ang uri ng administrasyon at oposisyon - mapagsamantala at mapang-aping uri. Ang administrasyon at oposisyon ay kapwa mortal na kaaway ng masang anakpawis at kailan man ay hindi maaring maging kaibigan nila para sila lumaya. Ang parliyamento at iba pang institusyon ng estado ay instrumento ng paghahari nila at hindi na "rebolusyonaryong entablado" gaya noong 19 siglo.
Kung papansining maigi, karamihan sa mga lumalaban ngayon ay mga kabataang manggagawa at mga manggagawa na walang karanasan sa pananabotahe ng unyonismo noon. Sila ang mga bagong henerasyon ng kilusang paggawa hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.
Mistipikasyon ng unyonismo, burges na demokrasya at nasyunalismo
Bagamat nanatiling malakas ang impluwensya ng burges na ideolohiya sa hanay ng kilusang paggawa sa Pilipinas - unyonismo, demokrasya at nasyunalismo - sumisibol naman ang binhi ng pangangailangan ng malawakang pagkakaisa at pakikibaka. Nasa binhing ito, na dinidiligan ng pandaigdigang pagsulong ng mga pakikibaka ng uri, ang magbigay bigwas sa hinaharap sa mga burges na ideolohiyang pumipigil at lumilihis sa pakikibaka ng proletaryado laban sa kapitalismo at para sa sosyalismo.
Habang lumalakas ang sigaw ng proletaryado para sa malawakang pagkakaisa at pakikibaka ay mabilis naman na mahuhubaran ang pagiging reaksyunaryo ng unyonismo, burges na demokrasya at nasyunalismo. Habang tumataas ang antas ng militanteng paglaban ng uri, mabilis nitong makikita na ang estado ay hindi nirereporma o pinapasok kundi winawasak para makamit ang makauring kalayaan mula sa pagsasamantala at pang-aapi.
Habang kapwa ang Kanan at Kaliwa ay nagpapaligsahan kung sino ang "tunay na makabayan" at "tunay na demokratiko", mahuhubaran naman ito sa mata ng masang api at makikita ang tunay na mga anyo nito: ang interes ng bansa ay makauring interes ng burgesya; ang demokrasya ay isang mapanlinlang na mukha ng diktadura ng mapagsamantalang uri sa kapitalistang lipunan.
Walang makapagsasabi kung ano ang kahihinatnan ng kasalukuyang militanteng paglaban ng maliit na bahagi ng manggagawang Pilipino. Kung matibay nila na tindigan ang pangangailangang palawakin ang pakikibaka sa mas maraming pabrika, malaki ang posibilidad na may makukuha silang tunay na mga makabuluhang konsesyon sa laban.
Anu't-anuman, pinakita na ng mga kapatid nating manggagawa ang tamang daan tungo sa tagumpay: malawakang pagkakaisa at malawakang pakikibaka hindi lang sa antas pambansa kundi higit sa lahat, sa pandigdigang antas.
Kung sakaling matalo man ang mga pakikibaka nila ngayon, ang mga aral na mahahalaw dito ay hindi matatawaran dahil napakahalaga nito para sa susunod na mga labanang magaganap habang mabilis na bumubulusok-pababa ang pandaigdigang kapitalismo.
Ang karanasan mismo ng uri ang matabang lupa upang tataas ang kanilang kamulatan at antas ng pag-oorganisa sa sarili. Ang kamulatang ito rin ang magtuturo sa kanila na ang Kanan at Kaliwa, kabilang na ang kanilang mga ideolohiya ay hadlang para sa tagumpay ng pandaigdigang komunistang rebolusyon.
Mas lalong lumilinaw ngayon ang dalawang tunguhin ng daigdig sa ilalim ng bulok na kapitalistang sistema: KOMUNISMO o PAGKAWASAK NG MUNDO. Bumibilis ang takbo ng orasan. Tanging nasa kamay lamang ng internasyunal na rebolusyonaryong proletaryado ang kaligtasan ng sangkatauhan.