Submitted by ICConline on
Mayroong binigyang katwiran ang pagsuporta sa mga prente para sa pambansang pagpapalaya sa pagsabi na ang anumang ibang polisiya ay kinukondena ang proletaryado sa Ikatlong Daigdig na pasibong maghintay na durugin ng ang proletaryado sa abanteng mga bansa ang imperyalistang kadena sa kanyang sentro. Ang iba, na ayaw madumihan ang kanilang mga kamay sa pagsuporta sa burges na mga paksyon, ay simpleng itinanggi ang rebolusyonaryong potensyal ng uring manggagawa sa hindi maunlad na mga bansa, at magsabing walang magagawa hangga't magkaroon ng rebolusyon sa abanteng mga bansa.
Parehong ang mga pananaw na ito ay pagtraydor sa kawalan ng kapasidad na unawain ang kapital bilang pandaigdigang panlipunang relasyon at ang uring manggagawa bilang isang pandaigdigang uri. Sa kanyang sariling mga pakikibaka pinakita ng proletaryado sa Ikatlong Daigdig na wala itong intensyon na pasibong maghirap hangga't puputok ang rebolusyon sa mayor na imperyalistang sentro. Habang wala tayong intensyon na ‘hulaan' saan puputok ang rebolusyon, walang a priori na dahilan bakit ang rebolusyonaryong bwelo ay hindi magmula sa isang bansa sa Ikatlong Daigdig o kontinente. Syempre, hindi mamintina ang rebolusyon doon ng matagal, pero sa huli, ang sa Amerika ay ganun din sa Venezuela o Byetnam. Nasa pandaigdigang katangian ng krisis ang magbubukas ng posibilidad para sa pandaigdigang paglawak ng rebolusyon, gaya sa 1917 nang ang rebolusyong alon ay nagsimula sa ‘atrsadong' Rusya. (Mahalagang makita na maraming bahagi sa Ikatlong Daigdig - Brazil, Argentina, Venezuela, India, Ehipto, Timog Korea, Taiwan, atbp - na may mahalagang mga industriya at mataas ang konsentrasyon ng proletaryado, gaya ng sa Rusya sa bisperas ng rebolusyong Oktubre. Kahit sa mga bansa na walang signipikanteng mga industriya mayroong malaking proletaryadong agrikultural at manggagawa sa daungan, manggagawa sa transportasyon, manggagawa sa konstruksyon, atbp. Na maging batayan ng rebolusyonaryong pagsulong. Subalit, hindi maipagkaila na ang oportunidad sa rebolusyonaryong bwelo ay napakalayong magmula sa segundaryong kategorya ng mga bansa sa Ikatlong Daigdig.)
Walang kwestyon na napakaraming problemang haharapin ang diktadura ng proletaryado sa Ikatlong Daigdig. Haharapin ng proletaryado sa naturang mga rehiyon ang pagpakain sa libu-libong mga lumpenproletaryado at walang lupang mga magsasaka; haharapin nito ang magsasakang natali sa ideya ng kanyang sariling pag-aari at sa pamumuhay sa agrikultura; maaring bantaan ito ng kagyat na atake ng isang malaking imperyalista o malamang ng kanilang lokal na kontroladong estado. Malinaw na sa ganung sitwasyon ang tanging paraan ay ang pagsisikap na mapalawak ang rebolusyon sa pinakamadaling panahon sa abanteng kapitalistang mga bansa, kung saan ang materyal na rekurso at konsentrasyon ng proletaryado ay absolutong mahalaga para sa tagumpay ng rebolusyon at pagbuo ng sosyalismo. Kung mamintina lamang ang ganitong palabas na galaw maaring posible sa proletaryado na maipagtanggol ang kanyang kapangyarihan sa dagat ng mga magsasaka at iba pang hindi-proletaryadong istrata. Malamang na ang mga manggagawa ay mapilitang magbigay ng mga konsesyon sa mga magsasaka at mayroong maraming mga peligro sa naturang mga konsesyon. Malaki ang matutunan mula sa negatibong karanasan ng mga Bolshevik sa usaping ito. Kaya ang mga manggagawa ay mangumbinsi ng kolektibisasyon sa halip na hatiin ang lupa, at sa halip na ideklara ang isang ‘gobyerno' ng ‘maggagawa' at ‘magsasaka' pigilan ng mga manggagawa ang magsasaka mula sa pagtatangkang ‘makisosyo sa kapangyarihan' kasama ang proletaryado. (Ang pampulitikang representasyon ng istrata gaya ng magsasaka ay sa pamamagitan ng mga konsehong teritoryal, na kakatawan sa mga magsasaka bilang mga indibidwal, hindi isang buong panlipunang uri na may kanyang kapanyarihang sobyet.) Sa anumang kaso, anumang hakbanging ipatupad ng mga manggagawa para pantimbang sa hindi maiwasang mga konsesyon ay magsisilbi para mapanatili ang balanse ng pwersa pabor sa uring manggagawa kung ang rebolusyon ay patuloy na lumalawak. Walang anumang solusyon sa problema ng ibang panlipunang istrata sa loob ng isang bansa. Ang pandaigdigang proletaryong rebolusyon lamang ang tunay na may kapasidad sa integrasyon ng lahat ng mga uri sa komunistang asosasyon ng sangkatauhan.
Mahalagang maintindihan ang mga haharaping problema ng isang balwarte sa Ikatllong Daigdig at kilalanin ang sentral na papel ng proletaryado sa abanteng mga bansa. Sa hindi maunlad na mga bansa ang proletaryado ay maaring maliit na minorya sa populasyon, pero gaya ng pagkilala ni Lenin sa 1919:
"Ang lakas ng proletaryado sa anumang kapitalistang bansa ay walang hanggang mas malaki kaysa proporsyon ng kanyang populasyon. Ito ay dahil ang proletaryado ang may pang-ekonomiyang komand sa sentro at sentral na operasyon ng sistema ng kapitalistang ekonomiya, at dahil din sa larangang pulitikal at ekonomiya, pinahayag ng proletaryado, sa ilalim ng kapitalistang dominasyon, ang tunay na mga interes ng malaking mayorya ng masang anakpawis." (Lenin, Works, vol.16)
Dagdag pa, sa kahinaan at kawalan ng kakayahan ng burgesya sa maraming atrasadong mga bansa ay maaring mas madali sa uring manggagawa ang pag-agaw ng kapangyarihan kaysa abanteng kapitalistang mga bansa kung saan ang burgesya ay mas may karanasan at mas handa sa pagharap sa kaguluhan. Sa pandaigdigang saklaw, ang interbensyon ng mayor na mga imperyalista laban sa isang rebolusyon sa Ikatlong Daigdig ay maaring maantala o mapigilan sa malalim na krisis at makauring pakikibaka sa abanteng kapitalistang mga bansa. Ang burgesyang Amerikano o Ruso ay hindi mapakilos ang ‘kanilang' mga manggagawa laban sa balwarte ng manggagawa, kahit hindi pa naagaw ng mga manggagawa ang kapangyarihan ng kanilang mga bansa. Sa anumang kaso, ang magkakaugnay na katangian ng pandaigdigang ekonomiya ang dahilan na ang rebolusyon mismo ay nagtutulungan din. Ang mga manggagawa sa abanteng mga bansa ay kailangan ang rebolusyon sa atrasadong mga bansa gaya ng ang huli ay kailangan din na maibagsak ang mayor na mga kapangyarihan. Iisa lamang ang rebolusyon.
Sa abanteng mga bansa man o sa Ikatlong Daigdig puputok ang proletaryong rebolusyon, isa ang tiyak; ang pagtayo ng diktadura ng proletaryado saan mang dako ay magbukas sa yugto ng pandaigdigang digmaang sibil sa pagitan ng proletaryado at burgesya.
Ang pandaigdigang digmaang sibil ay hindi nagkahulugan na ang nag-iisang proletaryong balwarte ay may ‘tagapagligtas' na tungkulin sa pagpapalawak ng rebolusyon na siya lang, sa pagsagupa sa buong pandaigdigang burgesya sa isang direktang komprontasyong militar. Liban sa katotohanan na ito ay isang estratehikong utopya, ang kawalan ng posibilidad na ‘mag-eksport ng rebolusyon' sa pamamagitan ng simpleng pagsakop sa karatig na kapitalistang mga bansa ay pinakita sa 1920, nang sinakop ng Pula Hukbo ang Warsaw nagtagumpay lamang ito sa pagtulak sa mga manggagawang Polish sa kandungan ng kanilang sariling burgesya. Ang isang proletaryong balwarte ay walang duda na magsagawa ng depensang militar; ipagtanggol ang teritoryong kakayanin habang magsikap na palawakin ang rebolusyon sa ibang paraan.
Ang salitang ‘digmaang sibil' ay nagkahulugan na sa panahong ang usapin ng pag-agaw ng kapangyarihan ay kongkretong nasa agenda na, magsimula ng lumaban ang proletaryado hanggang kamatayan sa kapital. At totoo ito hindi lang sa seksyon ng proletaryado na umagaw ng kapangyarihan, kundi sa buong pandaigdigang uri. Para sa proletaryado sa balwarte ng mga manggagawa nagkahulugan ito na temporaryo ang pagmintina ng kanilang balwarte sa loob ng pandaigdigang kapitalistang sistema. Maaring magpatuloy ito bilang ekspresyon ng patuloy na rebolusyonaryong pakikibaka ng uring manggagawa, o sumuko ito sa kamay ng kontra-rebolusyon, mula sa loob o sa labas.
Sa dahilang ito, lahat ng pagsisikap ng mga manggagawa sa kanilang balwarte ay kailangang nakadireksyon sa ekstensyon ng rebolusyon sa pandaigdigang pag-agaw ng kapangyarihan ng uring manggagawa. Ang kinakailangang mga hakbangin ng sosyalisasyon na isagawa ng proletaryado na nasa kapangyarihan sa isang lugar ay, sa yugtong ito, ay pundamental na para sa layuning ito.
Ang pangunahing behikulo para sa ekstensyon ng rebolusyon, ang pangunahing sandata ng proletaryado sa digmaang sibil, ay ang makauring kamulatan ng pandaigdigang proletaryado. Ibig sabihin ang pangunahing estratehiya ng proletaryado na nasa kapangyarihan sa isang rehiyon ay palawakin ang pampulitikang kondisyon para sa rebolusyon. Kailangang umapela ito sa mga manggagawa sa buong daigdig na tulungan ito sa pamamagitan ng paglunsad ng rebolusyon sa kani-kanilang mga bansa. Kailangang aktibo nitong tulungan at armasan ang rebolusyonaryong manggagawa saan mang dako. Kailangang maglunsad ito ng isang matinding kampanya ng ahitasyon at propaganda sa loob ng pandaigdigang uri, at tumulong para mabigyan ng organisasyonal na mga paraan ang komunistang interbensyon sa lahat ng bansa. (Ang pinakamalaking kontribusyon ng mga Bolshevik sa ekstensyon ng rebolusyon ay ang pagtatag ng Ikatlong Internasyunal.)
Sa pangkalahatang balangkas ng pampulitikang konsiderasyon kailangang ibatay ng proletaryado ang usapin ng ekstensyong militar ng rebolusyon. Tiyak na mayroong mga opensibang militar ang diktadura ng proletaryado, pero ang mga opensibang ito ay napailalim sa pampulitikang kriterya at pangmilitar din: ang antas ng rebolusyonaryong matyuridad ng proletaryado sa ibang mga bansa, ang lakas ng burgesya o makabayang ideolohiya, atbp. Hindi na kailangang sabihin na ang naturang mga opensiba ay walang anumang bahid ng marahas na pamamaraan ng imperyalistang digmaan. Sa lahat ng pagkakataon ang armadong proletaryado ay magsisikap na makumbinsi ang mga manggagawa sa ibang mga bansa para sa rebolusyonaryong laban; hindi nito sila tatakutin para sumama sa rebolusyon at lubusang itakwil ang lahat ng paraan na naglalayong kontrolin ang sibilyan na populasyon sa pamamagitan ng marahas na pwersa - pambobomba at panganganyon sa mga distritong residensyal, pangmasang panggaganti, atbp. Walang anumang sirkumstansya na gagamit ito ng sandatang nukleyar o bacteriological warfare o anumang nakakasindak na teknika ng pangmasang masaker na inimbento ng dekadenteng kapitalismo.
Subalit habang hindi maaring magtangka ang proletaryado na nasa kapangyarihan na isanib ang mga bansa sa kanyang hurisdiksyon sa pamamagitan ng pwersa ng baril, hindi maaring sa ganung dahilan magpigil ito sa pagpadala ng kanyang armadong hukbo sa ganito o ganung rehiyon dahil sa pagrespeto sa anumang ‘pambansang karapatan', kung hinihingi ng sitwasyon. Sa panahon ng digmaang sibil, sa ekstensyon ng rebolusyon, walang konsesyon sa nasyunalismo o anumang karapatan diumano sa pambansang sariling pagpapasya. Sa halip na ipatupad ang nakakapinsalang patakaran ng mga Bolshevik sa atomisasyon ng proletaryado sa mga teritoryo na kontrolado ng tinatawag na ‘inaaping' burgesya, gagawin ng proletaryong kapangyarihan ang lahat ng makakaya para bigkisin ang uri sa pamamagitan ng panawagan sa bawat praksyon ng pandaigdigang proletaryado na mag-alsa laban sa kanyang sariling burgesya at sumama sa pagtatayo ng internasyunal na kapangyarihan ng mga konseho ng manggagawa. Kung ang ganito o ganung praksyon ng proletaryado ay mayroon pang makabayang mga ilusyon, hindi ito palalakasin sa pamamagitan ng mga pangako ng pambansang kalayaan kundi labanan ito ng todo-todo. Ang proletaryong balwarte ay magbigay ng maksimum na tulong at himukin ang mga manggagawa na kumalas mula sa nasyunalismo, at sa pangkalahatan ay manawagan sa makauring interes ng lahat ng manggagawa. Bayan o uri? Kapitalistang pagkaalipin o komunistang rebolusyon? Ito ang tanging mga alternatiba na maaring ibigay ng pinakadeterminadong mga praksyon ng uring manggagawa sa kanilang mga kapatid sa uri.