Krisis ng ekonomiya sa daigdig: Ang kataposan ng pagpapautang

Printer-friendly version

Hindi iiral ang kapitalismo kung walang pangungutang. Ito na ang kalakaran ng sistema mula 18 siglo.

Mas lumala ang kalakarang ito ng ganap ng nasaid ang kapitalistang pamilihan ng sobrang produksyon mula huling bahagi ng 1960s. Kaya mula noon ay gumagalaw na lamang ang pandaigdigang ekonomiya mula sa pangungutang, hanggang sa humantong sa tinaguriang "pinansyalisasyon" ng ekonomiya: stock exchange.

Ganun pa man, maraming organisasyon ng Kaliwa gaya ng Freedom from Debt Coalition ang nanindigan na maari at may kapasidad ang sistema na pawiin ang pangungutang. Kaya ang kahilingan nila ay "debt moratorium" hanggang sa "debt abolition". Sa madaling sabi, huwag bayaran ang utang. Ito ang komon na kahilingan ng iba't-ibang paksyon ng Kaliwa sa mga mayayamang bansa: Pawiin ang utang ng mga mahihirap na bansa para uunlad ito. Sa madaling sabi, para maging "makatao" ang kapitalismo.

Ang lohika ng ganitong pananaw: "maraming naghihirap na mga bansa dahil lubog sa utang", "mas yumayaman ang mayayamang mga bansa dahil ito ang nagpapautang kaya napagsamantalahan nila ang mahihirap na mga bansa". Kung ang isang estado ay "matatag na manindigan na hindi bayaran ang utang o kaya saka na lang bayaran kung uunlad na ang ekonomiya nito" tiyak na hindi ito mapagsamantalahan ng mayayamang mga estado.

Dahil sa kahirapan kaya napilitang mangutang ang mahihirap na mga bansa. Kahit sa sitwasyon ng ordinaryong manggagawa ay ito ang realidad: dahil hindi sapat ang sahod ay napilitan itong malubog sa utang. Pero hindi ito ang ugat ng pinagmulan ng pangungutang at kung bakit lubog sa utang ang halos lahat ng mga bansa ngayon: "mayaman" man o mahirap.

Sa 18 siglo hanggang kalagitnaan ng 19 siglo ang pagpapautang/pangungutang ay ekspresyon ng lumalagong ekonomiya ng sistema dahil nasa yugto pa ito ng pagpapalawak. Nangutang ang mga kapitalista sa mga bangko dahil kulang ang kanilang kapital para sa pagpapalawak ng kanilang negosyo. Ang mga negosyo nila ay tiyak ang merkado. Tiyak din na mabayaran nila ang kanilang inutang. Sa ganitong sitwasyon naibabalik ang balanse ng kalakalan ayon sa tunay na galaw ng ekonomiya.

Radikal na nagbago ito ng pumasok ang pandaigdigang kapitalismo sa kanyang imperyalistang yugto. Lalong naging mahirap mabayaran ang utang dahil malaking bahagi ng mga produkto ng kapitalista ang hindi na maibenta sa pamilihan dahil sa sobrang produksyon.

Ang pagpapautang ay bunga ng krisis ng sobrang produksyon na sumabog noong huling bahagi ng 1960s. Said na ang pandaigdigang pamilihan. Nag-umapaw na ito ng mga produktong hindi na kayang bilhin ng populasyon at pambansang ekonomiya dahil sa kahirapan. Kaya nakahanap ng "solusyon" ang internasyunal na burgesya: gumawa ng artipisyal na pamilihan para mabili ang sobrang produkto. At ang artipisyal na pamilihang ito ay malikha lamang sa pamamagitan ng pagpapautang. At ito nga ang nangyari sa loob ng apat na dekada, hanggang sa sumabog ito noong 2007.

Ang "solusyon" noon ay nalantad na isa palang lason ngayon. Ang pagpapautang/pangungutang ay naging bangugot na sa kapitalismo. At imposibleng magising ang sistema sa kanyang bangungot dahil hindi ito isang panaginip kundi isang realidad. Kaya naman ang "solusyon" ng mga estado sa krisis ng 2007 ay dagdag na pagpapautang/pangungutang sa pangunguna mismo ng mga ito para isalba ang mga pribadong kompanya partikular ang mga bangko sa tuluyang pagkalugi. Resulta: ang mga estado na mismo ngayon ang nasa bingit ng pagkabangkarota. Ang tangi at nalalabing tagapagligtas sa naghihingalong sistema ang siya ngayong malapit na ring mamamatay.

Ang nasa ibaba ay salin mula sa English. Ito ay isang pagsusuri ng World Revolution, seksyon ng IKT sa Britanya hinggil sa pangungutang/utang.

Isang ilusyon at tahasang repormismo ang kahilingang "debt moratorium" o "debt abolition". Ang mga ito ay pagsisikap na iligtas ang sistema sa desperadong paraan, isang paraan na imposible dahil hindi iiral ang kapitalismo kung walang pangungutang.

Ang tunay na solusyon sa krisis ng sistema ngayon ay walang iba kundi tuluyan itong ibagsak. Hindi ito babagsak sa pamamagitan ng mga repormista, elektoralista o parliyamentaristang paraan kahit pa sabihin ng Kaliwa na ito ay mga "taktika" lamang para susulong ang rebolusyon. Katunayan, kabaliktaran ang nangyari. Hindi rin babagsak ang naghihingalong sistema sa pamamagitan ng ultra-kaliwang paraan gaya ng gerilya-ismo o "pulang terorismo".

Babagsak lamang ang sistema sa pamamagitan ng rebolusyon ng uring manggagawa na magsimula sa mga malawakang welga hanggang sa pangmasang welga at magtuloy-tuloy hanggang sa armadong pag-aalsa na pamumunuan ng mga konseho at asembliya ng manggagawa. Babagsak lamang ang kapitalismo kung mayroong internasyunal na koordinasyon ang mga manggagawa sa abanteng mga bansa at atrasadong mga bansa sa kanilang pakikibaka laban sa kapital. Ang nakikita nating malawakang pag-aalsa sa Gitnang Silangan at Hilagang Aprika ang magiging hitsura ng panimulang hakbang ng isang rebolusyon. Ang malaking kakulangan ng mga pag-aalsa doon ay hindi ito napamunuan sa pangkalahatan ng uring manggagawa at nakulong ito sa iba't-ibang ilusyon ng demokrasya at nasyunalismo. Kaya ang pangkalahatang resulta ay paksyon pa rin ng burgesya ang nakaupo sa kapangyarihan matapos mapatalsik ang labis na kinamumuhiang mga rehimen.

Kung napakahina ang independyenteng kilusang manggagawa, tiyak na mahahatak ito sa paksyunal na digmaan ng burgesya gaya ng nangyari sa Libya ngayon.

Komunismo o barbarismo. Ito ang hinaharap ng sangkauhan ngayon. Kung hindi babagsak ang kapitalismo sa pamamagitan ng proletaryong rebolusyon, tiyak na hahatakin hindi lang ang sistema kundi ang buong sangkauhan sa isang barbnariko at napakagulong hinaharap.

May liwanag sa dulo ng tunnel para sa rebolusyon ng manggagawa: Patuloy na lumalaban ang uri laban sa mga atake ng kapital. Patuloy na nagmuni-muni ang masang manggagawa sa kanilang aktwal na karanasan sa mga kilusang makabayan at demokratiko, sa mga unyon at sa parliyamento. Puputok ang rebolusyon kung darating ang panahon na makumbinsi ang masang manggagawa na walang saysay ang nasyunalismo, burges na demokrasya, parliyamentarismo, unyonismo at kapitalismo ng estado ("sosyalismo" ng Venezuela, Cuba, North Korea, Tsina, atbp). Sa madaling sabi, sasabog ang rebolusyon kung lubusan ng itakwil ng uring manggagawa ang mga ideolohiya ng Kanan at Kaliwa ng burgesya. Kung mangyari ito, tiyak na magtagumpay na ang ganap na paglaya ng sangkatauahan mula sa pang-aapi at pagsasamantala.

Internasyonalismo

Mayo 24, 2011

 

Krisis ng ekonomiya sa daigdig: Ang kataposan ng pagpapautang

Kung mortal na kasalanan ang pagsinungaling, matagal ng namatay ang naghaharing uri.

Kahit saan ay sinisigaw nito mula sa mga TV, radyo, pahayagan at lathalain: Tingnan ninyo: isang liwanag sa dulo ng tunnel! Ang katibayan: bumaba ang tantos ng mga walang trabaho. Tila nga. Sa US at Pransya, sa nagdaang ilang buwan ang tantos ng mga walang trabaho ay pinakamalaki ang ibinaba mula ng pumutok ang krisis sa 2007. Sa Alemanya, pinakamababa ito mula 1992! At pinaparada ng malalaking internasyunal na mga institusyon ang kanilang optimismo. Ayon sa IMF, sa 2011, aabot sa 4.4% ang pandaigdigang paglago. Tinataya ng Asian Development Bank na ang tantos ng paglago ng Tsina ay 9.6% at 8.2% sa India. Aabot sa 2.5%, 1.6% at 2.8% ang paglago sa Alemanya, Pransya at US sa ganung pagkasunod-sunod. Tinataya mismo ng IMF ang 1.7% na paglago sa Hapon ngayong taon, sa kabila ng lindol at nukleyar na kalamidad!

Ang mapagpasyang argumento ng panunumbalik ng mas mabuting kalagayan: tumaas ang stock exchange...

Kung ganon, ang silahis ba ng liwanag ay hudyat ng napipintong muling pagbangon ng ekonomiya? O ito ay isang pagdidiliryo ng isang naghihingalo?

Kahirapan, kahirapan

Sa US, tila gumaganda ang sitwasyon. Nawala na ang multo ng pagbulusok sa 1929. Imposible ng maranasan ang walang kataposang pila sa labas ng mga opisinang nagbibnigay ng trabaho na bangungot ng 1930s. Ganon lang...sa kataposan ng Marso, i-nanunsyo ng McDonald ang kamangha-manghang rekrutment para sa 50,000 trabaho sa isang araw. Sa 19 Abril, mayroong tatlong milyong taong naghihintay sa harapan ng mga restaurant! At kinuha ng kompanya ang 62,000.

Ang realidad ng kasalukuyang krisis ay nalantad sa natamong pagdurusa ng uring manggagawa. Opisyal ngang bumaba ang kawalan ng trabaho sa Amerika, pero ang istatistika ng estado ay napakalaking pandaraya. Halimbawa, hindi nila isinama ang nasa kategoryang "NLF" (Not in the Labor Force). Ito ay ang mga matatanda na natanggal, matagal ng walang trabaho na huminto na sa paghahanap, mga estudyante at kabataan, mga walang trabaho na nasa mga iskemang naghahanap ng trabaho....sa madaling sabi, sa Enero 2011, 85.2 milyon tao. Inamin mismo ng estado na ang bilang ng mahihirap na tao ay 15% sa populasyon ng Amerika at patuloy na tumataas.

Ang pagsabog ng kahirapan sa kalupaan ng nangungunang kapangyrahihan sa mundo ay ang tunay na kalagayan ng internasyunal na ekonomiya. Sa buong mundo, mas lalong naging hindi makatao ang kalagayan ng pamumuhay. Ayon mismo sa tantya ng World Bank, mga 1.2 bilyon tao ang nasa linya ng kahirapan (1.25 dolyar kada araw). Pero mas kahabag-habag ang hinaharap. Sa papalaking bahagi ng sangkatauhan, ang panunumbalik ng inplasyon ay nagkahulugan ng mas mahirap ang magkaroon ng bahay o makakain. Ang pandaigdigang presyo ng pagkain ay tumaas ng 36% kumpara noong nakaraang taon. Ayon sa huling isyu ng Food Price Watch, na inilathala ng World Bank, sa bawat 10% pagtaas ng pandaigdigang presyo ay mayroong sa minimum dagdag na 10 milyon taong naitulak sa linya ng kahirapan. 44 milyon tao ang opisyal na nahulog sa kahirapan mula noong 2010. Sa kongkreto, ang presyo ng batayang pangangailangan ay naging mas mahirap bilhin: ang mais ay tumaas ng 74%, palay ng 69%, soya ng 36%, asukal ng 21%.

Ang pagbulusok ng sistema: Isang panibagong kabanata ng istorikal na krisis ng kapitalismo ang nabuksan sa ating harapan

Mula sa tag-init ng 2007 at sa pagsabog ng bula ng ‘sub-prime' sa Amerika, hindi napigilan ang bilis ng paglala ng krisis sa daigdig, na walang nakita kahit anino ng solusyon ang burgesya. Mas malala pa, ang mga pagsisikap nito na harapin ang problema ay paghahanda lamang para sa mas matinding mga kombulsyon. Ang kasaysayan ng ekonomiya sa nagdaang ilang taon ay isang mala-impyernong pag-inog, isang ipu-ipo na humahatak pababa. At ito ang dramang namumuo sa nagdaang 40 taon.

Mula sa kataposan ng 1960s hanggang sa tag-init ng 2007, gumagalaw ang ekonomiya ng daigdig sa pamamagitan ng sistematiko at papalaking pagsandal sa pangungutang. Bakit ganito? Kailangan ang maiksing teoretikal na paliwanag.

Gumagawa ang kapitalismo ng mas maraming kalakal kaysa kayang ibenta ng kanyang pamilihan. Ito ay halos paulit-ulit:

Pinagsamantalahan ng kapital ang kanyang manggagawa - sa ibang salita, ang kanilang sahod ay mas mababa kaysa tunay na halagang nilikha nila sa pamamagitan ng kanilang paggawa.

Kaya pwedeng ipagbili ng Kapital ang kanyang kalakal na may tubo. Pero ang tanong: kanino?

Syempre, bumibili ang manggagawa sa mga kalakal na ito...hangga't kaya ng kanilang sahod. Mayroon pa ring malaking bahagi na hindi mabili, batay sa hindi binayaran sa manggagawa ng ginawa nila ito, ang bahagi na may dagdag na halaga, isang labis na halaga, na siya lamang may mahika sa paglikha ng tubo para sa Kapital.

Bumibili din ang mga kapitalista ng kalakal, at sa pangklahatan alam natin na kaya nila ito...Pero hindi nila kayang bilhin ang lahat ng kalakal na may labis na halaga. Sa pangkalahatan walang saysay sa Kapital kung bilhin nila ang kanilang sariling kalakal para magkaroon ng ganansya: katulad ito sa pagkuha ng pera sa kaliwang bulsa para ilagay sa kanang bulsa. Kahit sinong mahirap na tao ay pagsabihan ka na hindi ka yayaman sa ganyang paraan.

Para makaipon, para uunlad, kailangan ng Kapital na makahanap ng mga bibili liban sa mga manggagawa at kapitalista. Sa ibang salita, mahalaga na makahanap siya ng merkado labas sa kanyang sistema, kung hindi mabigatan siya sa mga hindi nabiling kalakal at isang pamilihan na sinasakal. Ito ang bantog na ‘krisis ng sobrang produksyon'.

Itong ‘panloob na kontradiksyon', itong natural na tendensya tungong sobrang produksyon at obligasyon para sa walang hintong paghahanap ng panlabas na pamilihan ay isa rin sa mga ugat ng kamangha-manghang dinamismo ng sistema. Nangalakal ang kapitalismo sa lahat ng larangan ng ekonomiya na walang isinasantabi: ang mga dating naghaharing uri, mga magsasaka at artisano sa buong mundo. Ang kasaysayan ng huling bahagi ng 18 siglo at ang buong 19 siglo ay kasaysayan ng kolonisasyon, ng pagsakop ng kapitalismo sa buong mundo. Hayok ang burgesya para sa bagong mga teritoryo kung saan pinipilit nito, gamit ang iba't-ibang paraan, ang populasyon na bilhin ang kanyang kalakal. Sa paggawa nito, binabago din nito ang lumang mga ekonomiya; unti-unti, sila ay pinapasok nito sa kanyang sistema. Ang mga kolonya ay dahan-dahang naging mga kapitalistang bansa mismo. Hindi lang ang mga ekonomiya nila ay unti-unting nahirapang maging merkado ng mga kalakal mula sa Uropa at Amerika: sila mismo ay gumagawa ng kanilang sobrang produksyon. Para uunlad, muling napilitan ang Kapital na maghanap ng panibagong mga teritoryo.

Walang kataposan ang istoryang ito pero ang ating mundo ay isang bilog lamang: sa kanyang malaking kamalasan, ganap ng nasakop ng Kapital ang mundo sa loob lamang ng 150 taon. Sa pagpasok ng 20 siglo, lahat ng pangunahing mga teritoryo ay nasakop na, ang malalaking kapitalistang mga bansa sa kasaysayan ay pinaghatian na ang mundo. Mula noon hindi na usapin ang paghahanap ng panibago kundi ng pag-agaw ng mga teritoryo ng karibal na mga bansa. Ang Alemanya, ang pinakamahirap sa bilang ng kolonya, ay naging agresibo at pinasabog ang Unang Pandaigdigang Digmaan, tulak ng pangangailangan na hayagang sinabi ni Hitler sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig: "Eksport o Mamatay".

Mula noon, ang kapitalismo, matapos ang 150 taong pagpalawak, ay naging isang bulok na sistema. Ang lagim ng dalawang digmaang pandaigdig at ang Bantog na Depresyon sa 1930s ay dramatiko at hindi mapasubaliang patunay. Subalit, sa kabila nito, sa panahon ng 1950s, sinira nito ang hindi-kapitalistang pamilihan na umiiral pa (tulad ng mga magsasaka sa Pransya), hindi bumagsak ang kapitalismo sa mortal na krisis ng sobrang produksyon. Bakit? Balikan natin ang panimulang ideya na nais naming ipaliwanag: kung ang  "Kapitalismo ay gumagawa ng mga kalakal na hindi kayang mabenta sa pamilihan", nagawa nitong lumikha ng artipisyal na pamilihan: "Mula kataposan ng 1960s hanggang sa tag-init ng 2007, ang ekonomiya ng mundo ay gumagalaw lamang dahil sa sistematiko at papalaking pagsandal sa utang".

Ang nagdaang apatnapung taon ay masuma bilang serye ng mga resesyon at pagbangon na pinopondohan ng pagpapautang. Sa bawat hayagang krisis, ang Kapital ay lalupang sumasandal sa pangungutang. At hindi na ito usapin ng pagsuporta sa ‘pangunsumo ng pamilya' sa pamamagitan ng tulong mula sa estado...hindi, ang mga estado mismo ay nalubog sa utang para panatilihin ang kompitesyon ng kanilang ekonomiya laban sa ibang mga bansa (sa pamamagitan ng direktang pagpondo sa imprastruktura, pag-utang sa mga bangko sa pinakamababang interes para may maipautang sila sa mga pamilya at negosyo...). Sa madaling sabi, ng buksan ang pintuan ng pagpapautang, napuno ang mundo ng pera at ang lahat ng sektor ng ekonomiya ay naging mangungutang: bawat araw bagong utang ang naganap para ibayad sa utang sa nakaraan. At hindi maiwasang napunta ito sa sukdulan.

At binuksan ng tag-init ng 2007 ang panibagong yugto ng kasaysayan ng bumubulusok na kapitalismo. Nasa limitasyon na ang kapasidad ng burgesya na pabagalin ang paglala ng krisis sa pamamagitan ng malakihang pangungutang. Ngayon, sunod-sunod ang walang patid na mabilis mabilis na mga kombulsyon. Halata ang pagiging inutil ng burgesya sa sitwasyong ito. Sa 2007, sa pagsabog ng bula ng sub-prime, at sa 2008 sa pagbagsak ng higanteng bangkong Lehman Brothers, isa lamang ang nagawa ng mga estado sa buong mundo: abonohan ang sektor ng pinansya at hayaang sumabog ang pampublikong utang. At hindi lang ito isahang beses. Mula 2007, ang ekonomiya ng mundo, ang mga bangko at ang stock exchange ay umuusad lamang sa pamamagitan ng permanenteng paglagay ng pera mula sa publiko na galing sa panibagong pangungutang o kaya mula sa pag-imprinta ng pera. Isang halimbawa: ang Amerika. Sa 2008, para iligtas ang sektor ng pinansya mula sa pangkalahatang pagkalugi, inilunsad ng Pederal na bangko ng Amerika ang inisyal na yugto ng pag-imprinta ng pera - QE1, o Quantitative Easing 1 - na nagkahalaga ng mahigit 1400 bilyon dolyar. Dalawang taon pagkatapos nito, sa Enero 2010, inulit ito ng ilunsad ang QE2: 600 bilyon ang dinagdag, salamat sa pag-imprinta ng dagdag na namang dolyar. Pero hindi pa rin ito sapat. Halos 6 na buwan pagkatapos, sa tag-init ng 2010, muling binili ng Fed ang mga utang na umabot na sa huling araw ng pagbayad, sa 35 bilyon kada buwan. Sa kabuuan, mula ng nagsimula ang pinakahuling yugto ng krisis, mahigit 2300 bilyon dolyar ang inilabas ng bangko sentral ng Amerika. Kasing laki ito ng GNP ng bansang Italya o Brazil! Pero syempre hindi huminto ang kwento. Sa tag-init ng 2011, maobligang ilunsad ng Fed ang QE3, tapos ang QE4[1]...

Ang ekonomiya ng mundo ay naging walang hanggang hukay, o mas angkop, isang black hole: papalaking hinihigop nito ang astronomikal na mga kantitad ng pera/utang.

Ang hinaharap? Inplasyon at resesyon!

Isang pagkakamali na sabihing walang epekto ang napakalaking perang inilabas ng mga estado sa mundo ngayon. Tiyak, kung wala ang mga ito, talagang sasabog na ang sistema. Pero mayroong ikalawang resulta: ang walang patumanggang paglaki ng dami ng pera sa pandaigdigang saklaw, partikular ng dolyar, ang tutunaw sa sistema, bilang isang lason. Ang kapitalismo ay naging isang pasyenteng naghihingalo na binubuhay na lang ng droga. Kung wala ito, tiyak patay na siya, pero bawat panibagong turok ay mas lalong lumala ang kanyang kalagayan. Kaya habang ang mga turok mula sa mga taong 1967-2007 ay nagawang buhayin pa ang ekonomiya, ngayon ang kailangang dami ng droga ay nagpapabilis para tuluyang mamatay ang pasyente.

Sa kongkreto, ang pag-imprinta ng pera ng iba't-ibang bangko sentral ay mulat na paggawa, ayon sa tawag ng mga ekonomista, ng ‘nakakatawang pera'. Kung ang dami ng pera ay lalaki ng mas mabilis kaysa kanyang tunay na aktibidad, nawawala ang kanyang halaga. Bilang resulta, tataas ang presyo at magkaroon tayo ng inplasyon.[2]

Syempre, sa larangang ito, ang kampyon ay ang Amerika. Alam nila na ang kanilang pera ang sandalan ng istabilidad ng ekonomiya mula sa kataposang ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Hanggang ngayon wala pa ring makakahigit sa dolyar. Ito ang dahilan kung bakit mula 2007 ang Amerika ang may pinakamaraming kantidad ng pera para suportahan ang kanilang ekonomiya. Kung hindi pa naisantabi ang dolyar, ito ay dahil ang Tsina, Hapon, atbp ay naobligang bumili ng dolyar. Pero itong peligrosong balanse ay malapit na ring umabot sa sukdulan. Paliit ng paliit ang mga bumibili ng US Treasury Bonds dahil alam ng lahat na wala naman itong halaga. Mula 2010, ang Fed na mismo ang bumibili ng kanilang sariling T-Bonds para panatilihin ang halaga nito! Higit sa lahat, nagsimula ng mamuo ang inplasyon sa Amerika (sa pagitan ng 2 at 105 depende kung saan mo nakuha ang datos, kung saan naramdaman na ito ng mga manggagawa ng bumili sila ng pagkain). Ang Presidente ng Fed sa Dallas, Richard Fisher, na umupo sa taong ito sa komite ng monetary policy, ay nagpahayag ng risgo ng isang hyperinflation kahalintulad sa nangyari sa Republika ng Weimar sa 1923.

Ito ang pundamental na tendesnya. Lumalaki ang inplasyon sa lahat ng bansa. At lalong nawalan ng tiwala ang mga kapitalista sa lahat ng pera. Ang mga lindol na darating, ang posibleng pagbagsak ng mga bangko at ng buong mga estado, ang malaking katanungan sa buong internasyunal na sistemang pinansyal. Ang bunga nito ay nakikita: ang presyo ng ginto ay sobrang taas. Matapos ang 29% pagtaas sa 2010, mas lalupang tumindi ang paghahanap ng ginto ngayon, sa unang pagkakataon lumundag ito sa 1500 dolyar - limang beses kaysa noong nakaraang sampung taon. Ganon din ang nangyari sa pilak, ngayon ay nasa kanyang pinakamataas na antas sa loob ng 31 taon. Ang Unibersidad ng Texas, na nagsasanay ng mga ekonomista, nitong nakaraan lamang ay pinalitan ng ginto ang kanyang buong bilyong dolyar na treasury. Makita natin dito ang tiwala ng burgesyang Amerikano sa kanyang sariling pera! At hindi lang ito simpleng haka-haka. Ang mga bangko sentral mismo ay bumili ng ginto sa 2010 kaysa kanilang benenta, kauna-unahan mula 1988. Lahat ng ito ay nagkahulugan ng kataposan ng kasunduang Breton Woods (hindi opisyal pero de facto) kung saan matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay bumuo ng isang internasyunal na sistema ng pera na nakabatay sa istabilidad ng dolyar.

Alam mismo ng burgesya ang peligro. Walang kapasidad na pigilan ang daloy ng pangungutang, para pigilan ang pag-imprinta ng dagdag na pera, nagsisikap itong limitahan ang delubyo at bawasan ang utang sa pamamagitan ng pagpataw ng marahas na patakarang paghigpit-sinturon unang-una para sa uring manggagawa. Halos lahat ng lugar, pinapako ang sahod o binabawasan sa pribado at pampublikong sektor, tinagpas ang mga benepisyong pangkalusugan at panlipunan. Sa madaling sabi, tumataas ang kahirapan. Sa Amerika, nagpahayag si Obama na bawasan ang utang ng Amerika ng 4000 bilyon dolyar sa loob ng 12 taon. Walang katulad ang sakripisyo na ipapataw sa populasyon. Pero hindi talaga solusyon ang solusyong ito. Sa Greece, Portugal, Ireland, Spain...sunod-sunod ang mga planong paghigpit-sinturon at patuloy ang paglaki ng depisit. Ang tanging epekto ng polisiyang ito ay pagbulusok pa ng ekonomiya tungo sa mas malalim na resesyon. Iisa lamang ang ibubunga nito: matapos ang pagkalugi ng pamilyang Amerikano sa 2007, ng mga bangko sa 2008, ang mga estado na mismo ngayon ang nalulugi. Maaring may ilusyon dito: hindi mapigilan ang hindi na pagbayad ng utang ng mga bansang gaya ng Greece. Kahit ang mga estado sa Amerika tulad ng California ay tinablan at maraming mga tanong kung may halaga pa ba ang pangungutang ng ekonomiya ng Amerika sa kabuuan. Ang mga epekto ng mabilis na pandaigdigang krisis ay walang katulad: pagsabog ng euro, deregulasyon sa mga pera, hyper-inflation....

Hindi posible na magkaroon ng eksaktong prediksyon, para makita kung kailan at saan lilitaw ang susunod na biyak sa pandaigdigang ekonomiya. Ang sigalot ba na tumama sa Hapon (kung saan bumaba ng 15% nitong ang produksyon ng ikatlong ekonomikong kapangyarihan sa mundo) ang mitsa? Ano ang epekto ng de-istabilisasyon sa Gitnang Silangan? Makita ba natin ang pagbagsak ng dolyar o pagkalugi ng Greece o Espanya? Walang makapagsabi. Iisa lamang ang tiyak: makikita natin ang sunod-sunod na mas brutal na mga resesyon. Matapos ang mabagal na paglala ng krisis sa ekonomiya ng mundo sa pagitan ng 1967 at 2007, nasa panibagong yugto na tayo ngayon ng pagbulusok ng kapitalismo, na markado ng walang tigil na mga kombulsyon ng sistema at pagsabog ng kahirapan.  

Pawel 30/4/11

 

 


[1] Subalit, tiyak na gawin na itong hindi opisyal sa susunod para maiwasang aminin ang hayagang kabiguan ng kanilang nagdaang mga hakbangin!

[2] Ang nagmamasid na mambabasa ay maaring magsabi: "Pero lumaki ang dami ng pera noong 1990 hanggang 2000 na walang malaking inplasyon". Tama at ang dahilan ay simple: ang pagkasaid ng tunay na merkado ang nagtulak sa kapital na lumayas papunta sa birtuwal na ekonomiya (stock exchange). Sa ibang salita, lumaki ang dami dami ng pera higit sa lahat sa larangan ng pinansya, kaya hindi ang presyo ng kalakal kundi ang sapi ang tumataas. Pero ang ispekulasyong ito, gaano man ka baliw at walang koneksyon sa realidad, ay sa huling pagsusuri nakabatay pa rin sa negosyo na gumagawa ng halaga. Nang nasa peligro ang huli ng malawakang pagkalugi (partikular ang mga bangko na pumopondo sa kanila), itong buong laro ng casino ay nabunyag sa sikat ng araw. Ito ang nangyari sa 2008: ang pagbagsak, at darating pa ang mas malalaking pagbagsak. Ito ang dahilan kung bakit ang mga negosyante ay desperado ngayong naghahanap ng ginto at produktong pagkain para may ‘mapagtagoang' halaga. Babalikan natin ito.