MANGGAGAWA SA BUONG MUNDO: ISANG URI, ISANG PROBLEMA, ISANG LABAN!

Printer-friendly version

Pahayag ng Internasyonalismo sa Internasyunal na Araw ng Manggagawa 2011

Manggagawa sa mundo magkaisa!

Nagulantang ang mga naghaharing uri sa mundo sa sunod-sunod na mga pag-alsa ng mga manggagawa at mamamayan sa Gitnang Silangan at Hilagang Aprika. Matapos ang pag-alsa sa Tunisia, parang apoy na lumawak ito mula Ehipto hanggang Libya. Niyanig din ng mga malawakang protesta ang Gaza, Jordan, Iraq, Iran, Yemen, Bahrain, Syria, at Saudi Arabia. Habang sinusulat ang artikulong ito ay hindi pa humupa ang lagablab ng apoy ng mga pag-aaklas.

Pero hindi lang sa Gitnang Silangan at Hilagang Aprika naramdaman ang malakas na lindol ng mga pag-aalsa. Maraming welga ng manggagawa ang pumutok sa Tsina. Sa Uropa nitong mga huling buwan ng 2010 ay nagkaroon ng malawakang protesta ang mga kabataang estudyante sa Britanya at Italya at maging sa Pilipinas din at Puerto Rico laban sa pagbawas ng estado sa badyet para sa edukasyon at mga benepisyo. Ganito rin ang nangyari sa Pransya laban sa pagbawas sa pensyon ng manggagawa. Kahalintulad din ang mga kaganapan sa Portugal, Espanya at Greece. Hindi rin nagpahuli ang mga manggagawang Amerikano laluna sa Wisconsin.

Sa madaling sabi, kapwa niyanig ng napakalakas na lindol ng pag-aklas ang atrasado at abanteng mga bansa, ang imperyalista at "semi-kolonyang" mga nasyon tulak ng matinding kahirapan, kawalan ng trabaho at pagbawi ng mga gobyerno sa mga napanalunan ng mga manggagawa sa kanilang pakikibaka sa nakaraan.  

Ang mga kaganapan sa taong 2010-2011 ay walang katulad sa lawak at dami ng mga lumahok na manggagawa at mamamayan. Magkatulad ito o lampas pa nga sa lawak na naabot noong unang rebolusyonaryong alon ng 1917-23 kung dami ng mga bansa ang pag-uusapan.

Ang mga problemang pinasan ng mga manggagawa sa mga bansang ito ay magkatulad sa pangkalahatan: kahirapan, kawalan ng trabaho, hindi sapat na sahod, mapanupil na mga rehimen, atbp.

Hindi lang mga mahirap na bansa gaya ng Pilipinas ang dumaranas ng matinding kahirapan at panunupil. Ganito din ang naranasan at pinapasan ng mga manggagawa at mamamayan sa Gitnang Silangan na pinupuntahan ng maraming manggagawang Pilipino[1] at sa mga mayayamang bansa gaya ng Britanya, Pransya, Italya at Amerika.

Muling napatunayan ang katumpakan ng sinabi ng Manipesto ng Komunista na "manggagawa sa mundo, magkaisa!" hindi lamang dahil ang uring manggagawa ay ang tanging rebolusyonaryong uri sa lipunang kapitalista kundi dahil komon ang mga problemang dinaranas ng proletaryado sa buong mundo at iisa lamang ang dahilan ng kanilang kahirapan: sistemang kapitalismo. Mas lalong lumitaw at luminaw na walang kaibahan ang kalagayan ng mga manggagawa saan mang bansa sila nakatira at anong kategorya ng kapitalista at estado ang nang-aapi at nagsasamantala sa kanila: ito man ay diktador, demokratiko, "anti-imperyalista", "sosyalista" o "komunista"[2].

Laban natin, tayo ang magpasya!

Salungat sa kadalasang narinig at nabasa natin sa burges na media at sa propaganda ng Kaliwa, sa pangkalahatan ang mga pag-alsang naganap ay nagsimula bilang ispontanyong kilusan pero nakitaan ng mga binhi ng pag-oorganisa sa sarili ng manggagawa at mamamayan sa batayang antas[3]. Patunay lamang ito na may kapasidad ang masang api na organisahin ang sarili at magpasya sa kanyang sariling laban na independyente sa kontrol ng anumang organisasyon ng burgesya at unyon. Sa kalagitnaan at huling bahagi na nagawang kontrolin ng isang paksyon ng burgesya ang mga kilusang ito[4]. Salamat sa indirektang tulong ng Kaliwa at unyon doon[5], nagtagumpay ang isang paksyon ng naghaharing uri na gamitin ang galit ng masa para sa kanilang pansariling interes.

Mas litaw ito sa digmaang sibil na pumutok ngayon sa Libya. Ang isang kilusan na sa simula ay tunay na kilusang masa laban sa rehiment Khadaffy ay nakontrol na ngayon ng magkabilang paksyon ng naghaharing uri. Kapwa ang "oposisyon"[6] (mga "balimbing" na mga berdugo ng rehimeng Khadaffy ay biglang naging mga "lider" ng "demokratikong" pag-alsa) at ang diktadurang Khadaffy ay sinasakripisyo ang buhay ng daang libong mamamayan para sa kanilang ganid na interes sa kapangyaihan. Salamat sa "makataong" digmaan ng mga imperyalistang kapangyarihan sa Kanluran[7] sa Libya, mas lalupang naghirap ang mamamayang Libyan at ang mga manggagawa na galing sa ibang bansa (kasama na ang OFWs) sa digmaang wala silang kinalaman.

Demokrasya at nasyunalismo kontra proletaryado!

Mas malakas ang ilusyon ng demokrasya sa mga bansang pinaghaharian ng diktadura o ng mga lider at pamilya nila na ilang dekadang nakaupo sa kapangyarihan. Ito ang nangyari sa Pilipinas, Libya at Tunisia[8]. Walang duda na ang kahirapan at pang-aapi na ilang dekada na nilang tinitiis ang dahilan kung bakit nag-aklas ang mamamayan sa Gitnang Silangan at Hilagang Aprika. At mas lalo itong pinalala ng bangis na pang-aapi at pagsupil ng mga awtoritaryan at totalitaryan na mga rehimen gaya ng sa Libya.

Salamat sa propaganda ng imperyalistang kapangyarihan at Kaliwa sa demokrasya mayoriya ng masa ang naniniwalang gaganda ang kanilang kalagayan kung maalis na sa kapangyarihan ang mga Ben Ali, Mubarak at Khadaffy. Ganito din ang paniwala ng malawak na masa sa Pilipinas noong 1986 "People Power" o ang tinagurian ng burgesyang Pilipino na "yellow revolution".

Gaya ng nangyari sa Pilipinas matapos bumagsak si Marcos noong 1986, mabilis na nalantad sa mata ng masa sa Tunisia at Ehipto na ang mga rehimeng pumalit matapos ang "demokratikong rebolusyon" ay walang kaibahan sa pinalitan: mapang-api at mapanupil[9].

Malinaw din na ang pag-alsa sa Tunisia ang naging mitsa ng mga pag-aklas na ito sa maraming bansa. Pero dapat suriin ito sa balangkas ng internasyunal na serye ng mga pakikibakang masa na nagsimula pa noong 2006-2007 sa Greece, ng malawakang welga sa Pransya at pag-alsa ng mga estudyante sa Britanya noong 2010. Sa madaling sabi, ang mga kaganapan ngayon sa Gitnang Silangan at Hilagang Aprika ay bahagi ng internasyunal na pagsulong ng pakikibaka laban sa kapitalismo mula ng pumutok ang pinakamalalang krisis ng sistema noong 2007.

Malaking bahagi ng kabuuang OFWs ay nasa Gitnang Silangan bilang mga manggagawa sa pabrika, planta, opisina at domestic helpers. Madaling mabuo ang diwa ng pakikiisa ng OFWs sa nakibakang masa doon dahil ang mga ipinaglalaban nila ay siya ring dahilan kung bakit nangibang bayan at iniwan ng mga OFWs ang mga pamilya nila dito sa Pilipinas: kahirapan, mababang sweldo, mapanupil at kurakot ang gobyerno.

Bagamat una sa karanasan ang manggagawang Pilipino laban sa diktadura at "demokratikong rebolusyon", mas mayaman sa aral ang Gitnang Silangan at Hilagang Aprika.

Sa Tunisia at Ehipto patuloy na nakibaka ang masang manggagawa laban sa pumalit na rehimen. Bagamat malakas pa rin ang impluwensya ng burges na demokrasya sa naturang mga rehiyon, patuloy na sinusulong ng kilusang manggagawa doon ang mga makauring kahilingan sa lansangan. Salungat sa Pilipinas kung saan nanawagan ang maoistang Partido Komunista at oposisyon ng suporta sa pumalit na rehimeng Aquino sa 1986. Magkaiba man ang dahilan ng maoistang partido at oposisyon[10] sa pagsuporta sa rehimeng Corazon Aquino, magkatulad pa rin ang kanilang balangkas: isang popular na lider na iniluklok sa pamamagitan ng "demokratikong" pag-alsa ang pumalit sa diktadurang Marcos.  

Anti-imperyalismo: anti-kapitalismo, anti-pambansang burgesya!

Hinubaran mismo ng mga pag-alsa ngayon sa Gitnang Silangan ang bangkarotang "anti-imperyalistang" linya ng Kaliwa, kasama na ang iba't-ibang paksyon ng Kaliwa sa Pilipinas. Kapwa target ng kilusang protesta ang mga rehimen na anti-US at maka-US. Ang "anti-imperyalistang" gobyerno ng Iran ay naharap sa kilusang protesta at welga mula ng manalo sa eleksyon si Ahmadinejad. Pinaghuhuli at minasaker din ng rehimeng Ahmadinejad ang mga Iranian na nais magtipon upang suportahan ang pangmasang pag-aklas sa karatig na mga bansa. Brutal na minasaker ng "sosyalista" at "anti-impeyalistang" rehimeng Khadaffy ang kanyang sariling mamamayan. Ganito din ang naganap sa Gaza at West Bank na kontrolado ng "anti-imperyalistang" Hamas at PLO. Kaya naman tahimik ang Kaliwa sa mga krimen ng kanilang mga alyadong rehimen ng inakusahan nito ang mga nag-aklas na "ahente ng imperyalismo"[11] habang nagsusumigaw ng "demokratikong rebolusyon" sa mga kilusan para ibagsak ang mga rehimen sa Tunisia, Ehipto, Yemen, Saudi Arabia at Bahrain na alyado ng Amerika.

Ni katiting ng marxistang pag-unawa sa imperyalismo bilang sistema ng pandaigdigang kapitalismo na nasa kanyang dekadenteng yugto mula pa noong 1914 ay walang alam ang Kaliwa maliban sa kanilang obsesyon at pagkamuhi sa imperyalistang Amerika.

Mangagawang Pilipino, mahigpit na panghawakan ang internasyunalismo!

Bagamat mahirap hulaan ang kahihinatnan ng mga kasalukuyang pakikibaka sa Gitnang Silangan at Hilagang Aprika dahil mabilis na nagbago-bago ang balanse ng pwersa habang umiigting ang pakikibaka, inspirasyon para sa manggagawang Pilipino ang mga pag-aklas ngayon doon[12]. Napakahalagang aral din ang makukuha nila sa mga pakikibaka doon. At isa na dito ang walang alyansa o anumang suporta sa alinmang paksyon ng naghaharing uri ito man ay administrasyon o oposisyon. Isa pang aral ay ang kapasidad ng uring pinagsamantalahan na organisahin ang sarili at magpasya sa direksyon ng laban na hindi sumasandal sa mga unyon o alinmang organisasyon ng Kanan at Kaliwa. Subalit ang pinakamahalagang aral sa lahat ay ang pagtakwil ng mga ideolohiyang burges na demokrasya at nasyunalismo dahil hinahatak lang nito ang pakikibaka tungo sa pagkatalo at panunumbalik ng sistemang siyang dahilan ng kahirapan at kaguluhan sa mundo: kapitalismo.

Wala sa pagsandal sa burges na oposisyon, sa burges na parliyamento, sa demokrasyang burges, sa pakikidigmang gerilya at estadong kapitalista ang kinabukasan ng uring proletaryado kundi nasa kanilang mga kamay mismo, nasa mga asembliya ng manggagawa at armadong pag-aalsa para ibagsak ang estado.

Kailangan ang pakikiisa ng manggagawang Pilipino sa pakikibaka ng mga kapatid na manggagawa sa Gitnang Silangan, Hilagang Aprika, Amerika at Uropa. Ito ang diwa ng internasyunalismo, ang tunay na diwa ng Mayo Uno, ang internasyunal na araw ng manggagawa sa buong mundo.

Ang ibig sabihin ng pakikiisa ay pagtakwil sa alinmang paksyon ng naghaharing uri na naglalabanan doon laluna sa Libya kung saan nagaganap ang digmaang sibil. Ang pakikiisa ay ang pagsama ng ating mga kapatid na OFWs sa pakikibaka ng mga manggagawa doon para sa trabaho, sahod at benepisyo na binabawi ngayon ng uring kapitalista. Dapat lumahok ang mga OFWs doon sa mga asembliya ng manggagawa (kung meron man) para pag-usapan ang direksyon ng laban at ang perspektiba ng pakikibaka.

Sa loob ng Pilipinas, ang ekspresyon ng pakikiisa ay isulong ang makauring pakikibaka laban sa mga atake ng pambansang kapital. Hindi ito makamit sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa mga buwayang kongresista para isabatas ang P125 dagdag-sahod o tanggalin ang polisyang kontraktwalisasyon. Lalunang hindi ito maipanalo sa pagpunta sa kabundukan para sa gerilyang pakikidigma. Makukuha ito sa lansangan, sa mga malawakang demonstrasyon at welga ng maraming pabrika, sa mga asembliya ng manggagawa, hanggang sa armadong rebolusyon ng uri para ibagsak ang gobyerno.

Ang panawagan ng Kaliwa na tulungan ng gobyerno ng Pilipinas na pauwiin ang mga OFWs doon at bigyan ng sapat na trabaho dito ay walang batayan sa realidad. Matagal ng walang kapasidad ang estado ng Pilipinas na bigyan ng sapat na trabaho at sahod ang manggagawang Pilipino. Wala ng kapasidad ang pambansang kapitalismo para bigyan ng magandang kinabukasan ang masang proletaryado. Kaya nga naging patakaran na ng mga gobyerno sa Pilipinas mula pa sa nakaraan hanggang sa kasalukuyan na itaboy ang mga mahihirap na manggagawa sa ibang bansa dahil isa ito sa mahalagang pinagkukunan ng pera ng parasitikong estado. Samakatuwid ang mga gobyerno sa atrasado at mahirap na mga bansa gaya ng Pilipinas ay siyang naging tagarekrut mismo ng manggagawa para magtrabaho sa ibang bansa. Kahit Kaliwa pa ang nasa tuktok ng kapitalistang estado sa Pilipinas, wala pa rin itong kapasidad na bigyan ng sapat na trabaho at sahod ang manggagawang Pilipino sa loob ng bansa dahil ang nasa matinding krisis ay ang pandaigdigang kapitalismo mismo kung saan lubusan ng integrado ang lahat ng mga pambansang ekonomiya sa mundo.

Sa loob man ng bansa o labas nagtatrabaho, parehas lamang ang kalagayan ng mga manggagawa sa buong mundo dahil ang pandaigdigang sistema mismo ay bangkarota na. Ang solusyon sa problema ng mga manggagawa ay hindi "pambansang rebolusyon" kundi pandaigdigang rebolusyon para ibagsak ang kapitalismo.

Nais lamang hatakin ng Kanan at Kaliwa ang uring manggagawa sa ideolohiyang nasyunalismo para tiisin ang hirap at pagsasamantala ng kani-kanilang pambansang burgesya sa ngalan ng "pagmamahal sa inang bayan". Ito ang nangyari sa Hilagang Korea, Byetnam, Venezuela at Cuba.

Ngayong Mayo Uno, kailangang magdiskusyon at magmuni-muni ang lahat ng militanteng manggagawa at nagsusuring elemento sa Pilipinas: May ibang pagpipilian pa ba sa kasalukuyan maliban sa komunistang rebolusyon o pagkawasak ng mundo? Daan pa ba patungong sosyalismo ang demokrasya at nasyunalismo sa mga atrasadong bansa gaya ng Pilipinas? Paano ibagsak ang kapitalismo at itayo ang komunismo sa kasalukuyang krisis ng dekadenteng kapitalismo? Ito ang mga tanong na kailanagang sagutin hindi ng mga "teoretisyan" ng "kilusan" kundi ng masang manggagawa at maralita mismo.

Mayo 1, 2011



[1] Sa 2009 may naitalang kabuuang 669,042 land-based OFWs ang nasa Gitnang Silangan kung saan 10,383 dito ang nasa Libya (POEA, 2009 Overseas Employment Statistics)

[2] Sa Gitnang Silangan kapwa ang "anti-imperyalistang" Iran at Libya at maka-imperyalistang Ehipto ay niyanig ng mga malawakang protesta ng manggagawa at mamamayan dahil sa pang-aapi at panunupil. Ang "komunistang" Tsina at "sosyalistang" rehimen ng Espanya at Greece ay naharap sa mga welga ng manggagawa. Ang diktador na si Ben-Ali sa Tunisia at ang demokratikong Britanya at Amerika ay kapwa walang pagkakaiba sa pagsasamantala sa kanilang mga manggagawa at mamamayan.

[3] Sa Tunisia at Ehipto mas klaro ang pangunguna ng masang manggagawa sa mga kilusang protesta at welga sa pagpatalsik sa gobyerno ni Ben Ali at Mubarak. Sa simula hindi ito kontrolado ng unyon o ng anumang pampulitikang organisasyon ng burgesya, nasa Kanan man o Kaliwa. Sa Ehipto naman ay umusbong ang mga binhi ng pag-oorganisa sa sarili ng mamamayan sa ilang mga komunidad para ipagtanggol ito laban sa mga magnanakaw na suportado ng pulisya ni Mubarak. Noong huling bahagi ng pag-alsa sa Ehipto, sa Tahrir (? sakto ba ang spelling?), kung saan daang libong manggagawa at mamamayan ang nagdemonstrasyon ng ilang araw, litaw doon ang independyenteng mga diskusyon, debate at koordinasyon ng masa. May ganitong tipo din ng asembliya ng manggagawa ang nabuo sa pakikibaka ng manggagawang Pranses sa 2010 laban sa pagbawas ng pension at katunayan ay nagpatuloy pa ang mga asembliyang ito ngayon para halawin ang aral sa pakikibaka laban sa atake ng gobyerno. Minorya man ang bilang ng mga lumahok sa mga asembliya, ito ay binhi na para payabungin pa sa susunod na mga laban ng uring manggagawa. 

[4] Nangyari ito dahil sa pangkalahatan ay malakas pa ang impluwensya ng burges na ideolohiyang demokrasya at nasyunalismo sa hanay ng masa na ilang dekadang sinasalaksak sa kanilang kaisipan ng naghaharing uri.

[5] Sa kabila ng radikal na lenggwahe ng "rebolusyon" at "sosyalismo", palagiang taktika ng Kaliwa ang pakikipag-alyansa sab urges na oposisyon upang ibagsak ang naghaharing paksyon. Ayon sa kanila, ang taktikang ito ay "mas lalakas" daw ang kilusang masa. Salungat naman ito sa naging resulta na pinakita ng kasaysayan: laging ang masa ang nagamit ng naghaharing uri at sa huli, paksyon pa rin ng mga mapagsamantala at mapang-api ang naluklok sa kapangyarihan. Kahit saang bahagi ng mundo laluna sa abanteng mga bansa ang papel ng unyon at Kaliwa ay para kontrolin ang kilusang masa at ibaling ang galit nito sa repormismo at parliyamentarismo.

[6] Ang "oposisyon" na nakabase sa Al-Baida ay pinamunuan ng dating Ministro sa Hustisya ni Khadaffy na si Mustafa Mohamed Abud Ajleil habang ang isa pang paksyon ng "oposisyon" na nakabase sa Benghazi ay pinamunuan ni Ghoga, isang sikat na abogado para sa karapatang pantao. Magkaribal man ang mga ito komon naman ang kanilang programa: ipagpatuloy ang kapitalismo sa Libya at ang mga lider ay mga dating berdugo ng rehimen sa loob ng 40 na taon. Ang NATO ay pumusta sa "oposisyon" na nakabase sa Benghazi. Kinilala na ito ng Pransya bilang "bagong gobyerno" sa Libya.

[7] Ang "makataong" digmaan ay tabing lamang sa tunay na digmaang nangyari ngayon sa Libya: imperyalistang digmaan. Sa pangunguna ng imperyalistang Britanya at Pransya, at sa segundaryong papel ng imperyalistang Amerika, sinusulsulan nila ang "oposisyon" para ibagsak ang rehimen ni Khadaffy. Habang ang imperyalistang Tsina at Rusya naman, kasama ang Kaliwa (kasali na dito ang maoistang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) at ang "leninistang" Partido ng Manggagawang Pilipino (PMP) ay kritikal ang suporta sa gobyernong Khadaffy.

[8] Sa Tunisia ang diktador na si Ben Ali ay naghari ng 30 taon. Sa Pilipinas ang diktador na si Marcos ay naghari ng 16 taon. Sa Libya ang diktador na si Khadaffy ay naghari ng 40 taon. Ito rin ang nangyayari sa mga kapitalistang bansa na malakas pa ang labi ng pyudal na pampulitikang kaayusan gaya ng Saudi Arabia. Pero halata agad ang ipokrasya ng Kaliwa laluna ang mga maoista: nagsisigaw ng nepotismo sa mga lider na maka-USA pero bulag at pipi naman sa mga bansang "sosyalista" o "anti-imperyalista" gaya ng Hilagang Korea, Cuba at Libya.

[9] Sa Ehipto na pinasikat ng Kaliwa na "tagumpay ng demokratikong rebolusyon" ay nagdeklara ang rehimeng militar ng kriminalisasyon sa mga protesta at welga.

[10] Para sa maoistang partido sa Pilipinas isang mayor na pagkakamali ang polisyang boykot sa eleksyon. Ibig sabihin dapat partisipasyon ang patakaran nito sa snap eleksyon noong 1986 kaya ang pagtuwid nila sa kanilang "pagkakamali" ay kritikal na suporta sa pumalit na rehimen. Ang burges na oposisyon naman ni Marcos ay buo ang suporta sa paksyong Aquino.

[11] Hindi maipagkaila na mayroong mga lider ng oposisyon o ang buong oposisyon mismo ay may direktang kaugnayan sa mga imperyalista sa Kanluran sa digmaang sibil sa Libya. Pero hindi ang kabuuang mga manggagawa at mamamayan na nag-alsa laban sa pang-aapi at panunupil. Dagdag pa, alin ba sa mga mahihinang bansa sa mundo ang hindi nakasandal sa mga imperyalistang kapangyarihan? Lahat sila nakasandal ito man ay ang imperyalistang Amerika o karibal nito na imperyalistang kapangyarihan gaya ng Tsina, Iran o Venezuela sa kasalukuyan o sa dating imperyalistang USSR sa nakaraan.

[12] Maaring ang kahihinatnan ng mga pakikibaka ay ibayong susulong ito patungo sa tuluyang pagbagsak ng mga kapitalistang estado at pag-agaw ng uring mangagawa sa kapangyarihang pampulitika o kaya lubusang manaig ang isang paksyon ng naghaharing uri - oposisyon - at tuluyang malunod sa ilusyon ng demokrasya, eleksyon at parliyametarismo ang masa o kaya manaig ang mga rehimeng nais ibagsak ng taumbayan matapos dadanak ang maraming dugo sa isang imperyalistang digmaan. Napakahalaga ang maging papel ng kilusang manggagawa sa Uropa upang magtuloy-tuloy ang pakikibaka sa pagbagsak ng lahat ng paksyon ng naghaharing uri.