Laban sa “gamot” ng paghihigpit: Makauring pakikibaka!

Printer-friendly version

Isinalin namin ang internasyunal na polyeto ng Internasyunal na Komunistang Tunguhin (International Communist Current) mula sa wikang English[1] para sa pakikiisa sa kasalukuyang pakikibaka ng mga manggagawa sa Greece laban sa paghihigpit ng kanilang "sosyalistang" estado. Ang paghihigpit na ito ay nagdulot ng dagdag hirap sa ating mga kapatid na manggagawa doon.

Pero hindi lang ito. Ang nangyari ngayon sa Greece ay patunay lamang na bangkarota na ang pandaigdigang kapitalistang sistema. Ang panibagong krisis ng sistema ay pumutok noong 2007. At sa kabila ng pagyayabang ng burgesya na "naampat" na nito ang krisis, lalo pang nagliyab ang apoy na sinindihan mismo ng mga internal na kontradiksyon ng kapitalismo.

Napapanahon din ang polyetong ito para sa Pilipinas dahil nag-uumapaw ngayon ang ilusyon ng populismo dahil sa napipintong pag-upo ni Benigno "Noynoy" Aquino III bilang bagong Chief Executive Officer (CEO) ng kapitalistang estado. Malaking bahagi ng populasyon ang naniwalang "maiahon" ni Noynoy ang Pilipinas mula sa kahirapan dahil sa kanyang programang "anti-korupsyon" at "malinis" na pamahalaan. Dapat maunawaan ng mga nagsusuring elemento sa Pilipinas na ang krisis sa Greece ay bahagi lamang ng paglaganap ng krisis sa buong mundo na tiyak aabot sa Pilipinas. At bilang napipintong bagong CEO, gagawin din ni Aquino ang ginagawa ngayon ng iba't-ibang kapitalistang estado para tangkaing isalba ang naghihingalong sistema: atakehin at pahirapan pang lalo ang masang anakpawis.

Tulad ng ibang kandidato at partido ng burgesya sa Pilipinas, si Benigno "Noynoy" Aquino III at ang kanyang Partido Liberal (LP) ay kaaway ng manggagawa at maralitang Pilipino.

Kaya naman ang kontra-rebolusyonaryong linya ng Kaliwa na "pambansa-demokratikong pakikibaka", "nagkakaisang prente", unyonismo, elektoralismo at parliyamentarismo ay tumutulong upang ilayo ang uring proletaryo sa tamang landas ng pakikibaka laban sa mga atake ng kapital: internasyunal na komunistang rebolusyon.

Dapat nating suportahan ang pakikibaka ng ating mga kapatid na manggagawa sa Greece. Ilunsad din natin ang mga pakikibaka laban sa sistema at estado mismo. Itakwil natin ang bangkarotang linya ng Kaliwa na lantay anti-Gloria Arroyo o laban lamang sa isang paksyon ng naghaharing uri habang nakikipaglampungan sa burges na oposisyon tulad ng ginawa ng maoistang Bayan Muna at sosyal-demokratikong Akbayan.

Sa minimum, nanawagan kami sa mga nagsusuring elemento sa Pilipinas na ipamahagi at talakayin ang polyeto ng IKT.

Internasyonalismo, 5/30/10

-------------------------------------------------------

Sa Greece, nagaganap ang malawak na galit at pagsabog ng panlipunang sitwasyon. Sa ngayon, inuulan ng atake ang uring manggagawa. Matinding tinamaan ang lahat ng henerasyon, lahat ng sektor ng uri. Mga manggagawa sa pribadong sektor, sa pampublikong sektor, walang trabaho, pensyonado, mga estudyanteng nagtatrabaho bilang kontraktwal... Walang pinatawad. Ang buong uring manggagawa ay nasa peligro ng kalunos-lunos na kahirapan.

Sa harap ng mga atake, nagsimulang lumaban ang uring manggagawa. Sa Greece, tulad sa ibang lugar, lumabas ito sa lansangan, nagwelga, pinakita na hindi ito handa sa hinihinging sakripisyo ng kapitalismo.

Subalit sa ngayon, ang pakikibaka ay hindi pa talaga naging malawak. Dumadaan ang mga manggagawa sa Greece sa mahirap na yugto. Ano ang gagawin kung ginigiit ng lahat ng media at lahat ng politiko na walang alternatiba liban sa paghigpit ng sinturon at iligtas ang bansa para hindi mabangkarota? Paano labanan ang halimaw na estado? Anong mga paraan ng pakikibaka ang gamitin para ang balanse ng pwersa ay papabor sa pinagsamantalahan?

Lahat ng mga katanungang ito ay hindi lang kinakaharap ng mga manggagawa sa Greece, kundi ng mga manggagawa sa buong mundo. Walang ilusyon: ang "trahediyang Griyego" ay ang sitwasyong naghihintay sa uring manggagawa sa buong mundo. Kaya ang "istilong Griyego na mga pakete ng paghihigpit" ay opisyal ng inanunsyo sa Portugal, Rumania, Japan at Spain (kung saan binawasan ng gobyerno ang sahod ng mga manggagawa sa pampublikong sekor ng 5%!) Sa Britain, ang bagong gobyernong koalisyon ay nagsimula ng ipakita ang mga pagbabawas na gagawin nito. Lahat ng mga atakeng ito, na sabay-sabay na ginagawa, ay patunay muli na ang mga manggagawa, anuman ang kanilang nasyunalidad, ay bahagi ng isa at iisang uri na kahit saan ay parehas ang interes at magkatulad ang kaaway. Pinilit ng kapitalismo ang proletaryado na tiisin ang mabigat na kadena ng sahurang paggawa, pero ang kadena ding ito ang nag-uugnay sa mga manggagawa sa lahat ng mga bansa, lagpas sa lahat ng mga hangganan.

Sa Greece, ang ating mga kapatid sa uri ang inaatake at nagsimulang lumaban. Ang kanilang pakikibaka ay ating pakikibaka.

Pakikiisa ng mga manggagawa sa Greece! Isang uri, isang pakikibaka!

Dapat nating itakwil ang lahat ng dibisyon na ipinataw ng burgesya sa atin. Laban sa lumang prinsipyo ng lahat ng naghaharing uri - "hatiin at harian" - dapat nating ibandila ang sigaw ng pinagsamantalahan: "manggagawa sa lahat ng mga bansa, magkaisa!"

Sa Uropa, ang iba't-ibang pambansang burgesya ay nagsikap na papaniwalin tayo na dahil sa Greece ay dapat tayong maghigpit ng sinturon. Ang pagsisinungaling ng mga taong namuno sa Greece, na hinayaang mabuhay ang bansa sa utang ng ilang dekada at kinurakot ang pera ng bayan, sila ang pangunahing dahilan ng "internasyunal na krisis ng tiwala" sa euro. Sa kabilang banda, ginagamit ng mga gobyerno ang kasinungalingang ito para ipaliwanag ang pangangailangan ng pagbawas ng depisit at ipatupad ang mala-halimaw na hakbanging paghihigpit.

Sa Greece, lahat ng mga opisyal na partido, sa pangunguna ng Partido Komunista, ay winasiwas ang damdaming makabayan, sinisisi ang "mga dayuhang kapangyarihan" sa mga atake. "Ibagsak ang IMF at ang European Union!" "Ibagsak ang Germany!" - ang mga islogang ito ang ibinabandila sa mga demonstrasyon ng kaliwa at dulong-kaliwa, ginagamit nila ang lahat para ipagtanggol ang pambansang kapitalismong Griyego.

Sa USA, kung babagsak ang stock market, ito ay dahil sa instabilidad ng Eropean Union; kung nagsasara ang mga kompanya, ito ay resulta ng paghina ng euro, na nakakagulo sa dolyar at eksport ng US...

Sa madaling sabi: bawat pambansang burgesya ay sinisisi ang kanilang kapitbahay at tinatakot ang pinagsamantalahang manggagawa: "tanggapin ang mga sakripisyo, kung hindi ang bansa ay hihina at samantalahin ito ng ating mga karibal laban sa atin". Sa ganitong paraan nagsisikap na naghaharing uri na isalaksak sa atin ang nasyunalismo, na peligrosong lason sa makakauring pakikibaka.

Ang mundo ng pagkakahati sa pagitan ng nagbabangayang mga bansa ay hindi atin. Walang mapapala ang uring manggagawa sa pagkatali sa kapital sa bansang tinitirhan niya. Ang pagtanggap ng mga sakripisyo ngayon sa ngalan ng "pagtatanggol ng pambansang ekonomiya" ay paraan lamang para ihanda ang pundasyon para sa mas mabigat na sakripisyo sa hinaharap.

Kung ang Greece ay nasa bingit ng bangin; kung ang Spain, Italy, Ireland at Portugal ay malapit na rin; kung ang Britain, France, Germany, ang US ay nasa malalim na krisis din, ito ay dahil naghihingalo na ang kapitalismo. Lahat ng mga bansa ay lalupang masadlak sa kagukuhang ito. Sa loob ng nagdaang 40 taon ang pandaigdigang ekonomiya ay nasa krisis na. Sunod-sunod ang resesyon. Ang desperadong pangungutang lamang hanggang ngayon ang dahilan ng anumang antas ng paglago. Subalit ang resulta ngayon ay ang mga pamilya, kompanya, bangko at estado ay nasadlak sa bigat ng utang. Isa lamang karikatura ang bangkarotang Greece sa pangkalahatan at istorikal na bangkarotang mapagsamantalang sistema.

Kailangan ng naghaharing uri na hatiin tayo: kailangan natin ng pagkakaisa! Ang lakas ng uring manggagawa ay nasa pagkakaisa!

Ang planong paghihigpit na inaanunsyo ngayon ay harapan, pangkalahatang atake sa kondisyon ng ating pamumuhay. Ang tanging posibleng sagot ay malawakang pagkilos ng mga manggagawa. Imposibleng labanan ang mga atakeng ito kung sa sarili mo lang bakod, sa sariling pabrika, eskwelahan o opisina, naiilang at nag-iisa. Kailangan ang malawakang paglaban. Ito lamang ang tanging alternatiba para hindi hiwa-hiwalay na madurog at magdusa sa kahirapan.

Pero ano ang ginawa ng mga unyon, yaong opisyal na mga 'espesyalista' sa pakikibaka? Nag-oorganisa sila ng mga welga sa maraming pagawaan ... na walang pagsisikap na pagkaisahin sila. Aktibo silang silang nambuyo ng seksyunal na dibisyon, laluna sa pagitan ng pribado at pampublikong manggagawa. Pinakilos nila ang mga manggagawa sa nakakabaog na ‘mga araw ng aksyon'. Sila ay tunay na mga espesyalista sa paghati-hati sa uring manggagawa. Bihasa din ang mga unyon sa pagsalaksak ng nasyunalismo. Isang halimbawa: ang pinaka-komon ng islogan ng mga unyong Griyego magmula kalagitnaan ng Marso ay "bumili ng produktong Griyego!"

Ang pagsunod sa mga unyon ay laging nagkahulugan ng pagsunod sa daan tungo sa pagkahati-hati at pagkatalo. Kailagang hawakan ng mga manggagawa ang kanilang pakikibaka sa kanilang mga kamay, sa pamamagitan ng pag-organisa ng mga pangkalahatang asembliya at magpasya sa mga kahilingan at islogang ibabandila, sa pamamagitan ng pagpili ng mga delegado na anumang oras ay maaring tanggalin at sa pamamagitan ng pagpapadala ng maramihang delegasyon sa ibang mga grupo ng mangggawa, sa pinakamalapit na mga pagawaan, opisina, eskwelahan at ospital, na may layuning himukin sila na sumama sa kilusan.

Labas sa unyonismo, mangahas na kontrolin ang pakikibaka, maghanap ng paraan na puntahan ang ibang sektor ng manggagawa... lahat ito ay parang mahirap. Isa ito sa mga hadlang sa pag-unlad ng pakikibaka ngayon: kulang ng tiwala sa sarili ang uring manggagawa. Hindi pa ito mulat sa napakalaking kapangyarihan nasa kanyang mga kamay. Sa ngayon, ang marahas na mga atake na inihambalos ng kapitalismo, ang brutalidad ng pang-ekonomiyang krisis, ang kakulangan ng proletaryado ng tiwala sa sarili - lahat ng ito ay nakakaparalisa ang epekto. Ang tugon ng mga manggagawa, kahit sa Greece, ay mababa pa rin kumpara sa hinihinging bigat ng sitwasyon. At ganun pa man, ang bukas ay nasa uring manggagawa pa rin. Laban sa mga atake, ang tanging paraan para sumulong ay ang pag-unlad ng lumalaking malawakang mga paglikos.

Nagtatanong ang ilang tao: "bakit maglunsad pa ng ganoong pakikibaka? Saan sila patungo? Dahil bangkarota ang kapitalismo, at walang reporma na posibleng mangyari, ibig ba sabihin na wala ng solusyon?" At totoo, sa loob ng sistema ng pagsasamantala, wala ng solusyon. Pero ang pagtutol na ituring bilang aso at kolektibong lumaban ay nagkahulugan na lumaban na may dignidad. Nagkahulugan na ang realisasyon ng pagkakaisa ay umiiral talaga sa mundo ng kompetisyon at pagsasamantala at tunay na may kapasidad ang uring manggagawa na isabuhay ang makataong damdaming ito. At ang posibilidad ng ibang mundo ay magsimulang lilitaw, isang mundo na walang pagsasamantala, mga bansa o hangganan, isang mundo para sa sangkatauhan at hindi para sa tubo. Kaya at kailangan ng uring manggagawa na magtiwala sa sarili. Siya lamang ang may kapasidad na itayo ang bagong lipunan at ibalik ang sangkatauhan sa kanyang sarili sa pamamagitan ng pagtupad sa sinabi ni Marx na "ang pag-igpaw mula sa mundo ng pangangailangan tungo sa mundo ng kalayaan".

Bangkarota na ang kapitalismo, pero posible ang ibang mundo: komunismo!

Internasyunal na Komunistang Tunguhin, 24 Mayo 2010

 


 

[1] Ang wikang English ay nandito: https://en.internationalism.org/icconline/2010/05/against-austerity-clas...