Submitted by Internasyonalismo on
Ang yugto ng transisyon ay hindi isang moda ng produksyon sa pagitan ng kapitalismo at komunismo. Ito ay temporaryo at matindi ang labanan sa pagitan ng mga nalalabing kapitalistang relasyong panlipunan na pinapawi at sa komunistang relasyong panlipunan na pinauunlad. Ang yugto ng transisyon ay matagal at dadaan sa pasikut-sikot na mga proseso dahil ilang libong taon na naghari ang makauring sistema sa sangkatauhan at hindi madaling lubusang wasakin ang lahat ng mga labi at impluwensya ng makauring lipunan kahit pa hawak na ng uri ang kapangyarihan.. Kung luluwag ang internasyunal na diktadura ng proletaryado, hindi imposible na babalik ang kapitalismo.
Bakit imposible mangyari ang transisyonal na yugto sa isang bansa o grupo ng mga bansa?
Magsimula tayo sa pag-unawa na ang kapitalismo ay isang pandaigdigang sistema laluna sa yugto ng imperyalismo at pagbulusok-pababa nito (decadence). Pandaigdigan ang saklaw ng kapitalistang relasyong panlipunan. Mula dito, madali nating maunawaan na ang komunismo ay pandaigdigan din dahil pandaigdigan ang pagwasak sa kapitalismo. Ibig sabihin, kasama sa wawasakin sa yugto ng transisyon ay ang mga pambansang hangganan at ang katangian mismo ng bansa.
Ang paniniwala ng Kaliwa na ang sosyalismo (period of transition) ay posible sa isang bansa ay napatunayan sa karanasan na MALI at sa esensya ay pagtatanggol sa kapitalistang sistema. Bakit?
Sa konseptong “socialism in one country” ang naturang “sosyalistang bansa” ay mapilitang magpapatupad ng mga kapitalistang relasyon para manatili siya bilang bahagi ng kapitalistang mundo. Imposible na hihiwalay siya na mag-isa. Ito ay utopyanismo.
Ang mga produktong ginagawa niya ay nakabatay sa halaga ng palitan at para sa pamilihan laluna sa pandaigdigang pamilihan. Kailangan niyang makalikum ng kapital, na walang ibig sabihin kundi patuloy niyang pagsamantalahan ang kanyang mga manggagawa at maging ang mga manggagawa sa ibang mga bansa.
Isang kahibangan na ang “sosyalistang” estado ang mangunguna para maabot ang komunismo, isang lipunan na walang estado. Kabaliktaran ang nangyari, sa halip na unti-unting maglalaho ang “sosyalistang” estado ng isang bansa ay lalupa itong lumakas at absolutong kinontrol ang lahat ng buhay sa lipunan. At ito ang pinaniwalaan ng Kaliwa na “sosyalismo”.
Ang pambansang pagmamay-ari (state ownership) ay nanatiling nakabatay sa halaga ng palitan at batas ng halaga, para sa pamilihan. Ibig sabihin, para sa kapitalistang mga relasyon. Ang indibidwal o pribadong kapitalismo ay natransporma lamang tungo sa estado/kolektibang kapitalismo na nagbalatkayong “sosyalismo”.
Ganito talaga ang mangyari kung ang hawakan ay ang MALING konsepto na matatalo ang imperyalismo o ang pandaigdigang kapitalismo sa pamamagitan ng “pagkokonsolida sa sosyalistang bansa”. Ang mangyari kasi nito ay dapat diumano dadami ang sosyalistang mga bansa hanggang “lahat” ng mga bansa ay maging sosyalista na. Pag nangyari na ito, makakamit na daw ang komunismo. Ang balangkas ay nasa bansa, kung saan sa istorikal na pananaw ang bansa ay interes ng burgesya at hindi ng proletaryado.
Lahat ng mga grupo ng Kaliwa, mula sa mga maoista hanggang sa mga leninista at trotskyista ay hanggang ngayon MALI pa rin ang pinaniwalaang "tamang" linya.
Ano naman ito sa karanasan?
Ang “socialism in one country” ay nagmula sa kontra-rebolusyonaryong pananaw sa pakikibaka para sa “pambansang kalayaan” at sa paghahati sa mundo sa dalawa — bulok na kapitalismo sa 1st world na mga bansa at progresibong kapitalismo sa 3rd world. Kaya, sa maling pananaw na ito, pambansang pagpapalaya ang linya sa 3rd world habang sosyalistang rebolusyon naman sa 1st world. Kapwa ang direksyon ng 1st world at 3rd world ay itayo ang “sosyalismo” sa kani-kanilang mga bansa sa pamamagitan ng estado. Hindi ito marxismo kundi kontra-rebolusyonaryong stalinismo.
Ang mga bansa sa 3rd world na nakamit ang “pambansang kalayaan” sa pamumuno ng mga “partido komunista” ay hindi naging mga sosyalistang bansa kundi naging mga kapitalista (na nanatiling atrasado o nahirapang umunlad dahil wala na talagang uunlad pa na mga bagong bansa sa panahon ng dekadenteng kapitalismo). Naging bahagi sila sa pandaigdigang kapitalistang kompetisyon at kontrolado ng malalaking kapitalistang mga bansa o kaya nagnanais maging imperyalista na hinahamon ang kapangyarihan ng mga karibal. Tingnan na lang natin ang nangyari sa Tsina at Byetnam, dati mga “haligi” ng anti-imperyalismo at “digmaan para sa pambansang pagpapalaya” sa ilalim ng isang “partido komunista” pero ngayon ay kasing ganid na sa tubo tulad ng mga dating kalaban nito.
Ang “socialism in the 21st century” ni Hugo Chavez sa Beneswela ay isa na namang mistipikasyon ng burgesya para ilihis ang proletaryado sa tamang linya na pandaigdigang rebolusyon. Ang Chavismo sa Beneswela ay walang kaibahan sa maoismo sa Tsina at Stalinismo sa Rusya.
Sa panahon ng dekadenteng kapitalismo imposible na ang pag-unlad ng isang di-industriyalisadong bansa tungo sa pagiging industriyalisado. Sa halip, tiyak na ang uunlad ay ang military-industrial complex para sa paghahanda ng bawat bansa sa mga imperyalistang digmaan. At ito ay hindi tunay na industriyalisasyon kundi paglaki ng hindi produktibong gastos.
Nangyari ito dahil itinakwil ng Kaliwa na ang transisyonal na yugto ay pandaigdigan at imposible sa bawat bansa.
Ano pala ang gawin sa isang bansa na unang mananalo ang kanyang proletaryong rebolusyon sa gitna ng dagat ng pandaigdigang kapitalismo?
MALI at utopyanismo kung maghintayan ang bawat bansa sa paglunsad ng sosyalistang rebolusyon para maging “pandaigdigan” lamang ito. Kumbaga, sabay-sabay dapat na magrebolusyon o sabay-sabay na manalo ang mga bansa. Ito ay mekanikal na pag-unawa sa proletaryong rebolusyon. May mauuna talaga at may mahuhuli na mananalo.
Pero ang pangunahin at pundamental na reksito sa paglunsad ng rebolusyon ay ang pag-aaral sa balanse ng pwersa hindi sa kanya-kanyang bansa kundi sa pandaigdigang antas. Ibig sabihin, ang proletaryong rebolusyonaryong opensiba ng isang bansa ay dapat nakabatay sa pandaigdigang rebolusyonaryong sitwasyon. Mauuwi lamang sa pagkatalo o pagbalik sa kapitalismo kung mag-iisa lamang na mag-opensiba ang isang bansa habang ang buong mundo ay wala pa sa rebolusyonaryong sitwasyon.
Pumutok at nanalo ang rebolusyong Oktubre sa Rusya dahil nasa panahon ang rebolusyon niya sa isang pandaigdigang pag-aalsa ng mga manggagawa sa buong mundo. Nahiwalay at bumalik siya sa kapitalismo sa panahong natalo at paatras ang pandaigdigang rebolusyon.
Sa ilalim ng isang pandaigdigang rebolusyonaryong sitwasyon, ang tungkulin ng unang nanalong bansa o ilang bansa ay gamitin ang lahat ng makakaya nito para lalupang paliyabin ang pandaigdigang rebolusyon hanggang sa magsunod-sunod na manalo ang ibang bahagi ng internasyunal na proletaryado. Ang “pambansang interes” ng nanalong bansa ay kailangang ipailalim at magsilbi sa pagsusulong ng pandaigdigang rebolusyon. Dito nagkamali hanggang sa natulak ang partidong Bolshevik sa Rusya sa pagiging kontra-rebolusyonaryo sa ilalim ng Stalinismo. Sa halip na maging pangunahing tungkulin ang pagsusulong ng pandaigdigang rebolusyon ay ang pambansang interes ng Rusya ang inatupag ng partido na nasa loob ng estado. Ginawa lamang nitong mga papet ang ibang mga “sosyalistang” bansa pati na ang “pambansa-demokratikong” kilusan sa 3rd world para sa interes ng estadong Ruso.
Sa pagsusulong ng internasyunal na rebolusyon, napakahalaga ang papel ng sentralisadong internasyunal na partido ng uring manggagawa. Isa ito sa mga garantiya na mananalo ang rebolusyon. Ang sentral na papel nito ay ang pandaigdigang rebolusyon at hindi para gamitin ng isang bansa gaya ng nangyari sa 3rd International sa panahon ng Stalinismo.
Ang MALI sa “socialism in one country” ay walang konsiderasyon sa pandaigdigang balanse ng pwersa bago ilunsad ang rebolusyonaryong opensiba sa isang bansa. MALI ang estratehiya dahil MALI ang pananaw sa usapin ng proletaryong rebolusyon.
Sa pagsusuma: Mangyari lamang ang transisyon kung maagaw na ng proletaryado ang kapangyarihan sa pandaigdigang saklaw at maagaw lamang nito ang kapangyarihan sa ilalim ng isang pandaigdigang rebolusyon sa sentralisadong paggabay ng internasyunal na partido at hindi sa isang pambansang rebolusyon sa gabay ng isang pambansang partido.
2. Ang usapin ng lenggwahe at kultura sa panahon ng transisyon at komunismo
Ngayon, ipagpalagay natin na naagaw na ng proletaryado ang pandaigdigang kapangyarihan at nasa yugto na siya ng transisyon. Paano na ang iba’t-ibang lenggwahe at kultura na namana mula sa naibagsak na kapitalistang mundo at sa buong kasaysayan ng makauring lipunan?
Dalawang mahalagang punto ang ating i-konsidera dito: Una, mataas na internasyunalistang kamulatan ng uring manggagawa. At pangalawa, ang napakataas, napakatagal at pasikut-sikot na prosesong dadaanan para lubusang maglaho ang mga uri sa mundo
Dahil mataas na ang kamulatang internasyunalista ng uri, idagdag pa ang abanteng teknolohiya na naabot ng mundo (sa kabila ng anumang plano o pagtatangka ng kapitalismo na wasakin ito), hindi mahirap na magkaintindihan ang mga tao na iba-iba ang lenggwaheng nalalaman. Ang uring manggagawa mismo ang lilikha ng isang pandaigdigan na lenggwahe sa kalaunan at may kapasidad sila nito. Kung ipagpalagay natin na Ingglis (pwede din namang hindi) nga ang maging pandaigdigan na lenggwahe, sa sitwasyon na naagaw na ng internasyunal na uri ang kapangyarihan, tiyak ang unang gawin nito ay gawing pangmasa at libre ang edukasyon. Kaya, ang pag-aaral sa Ingglis ay hindi na mahirap kahit doon sa pinakasulok na bahagi ng mundo.
Kung nagkaintindihan ang uring manggagawa ngayon sa buong mundo sa kanilang pakikibaka laban sa kapitalismo, mas laluna sa panahon ng transisyon kung saan naibagsak na nila ang paghahari ng kapital. Ang Tore ng Babel ay aplikabol lamang sa sinaunang panahon at sa panahong naghari ang mapagsamantalang mga uri.
Ganun din sa kultura. Ang lahat ng mga kultura at sining na namana mula pa sa sinaunang panahon hanggang ngayon ay pauunlarin ng uri para mabuo ang isang tunay na makataong kultura at sining na hindi na naka-base sa uri.
Ang isang komunista, makatao at pandaigdigan lenggwahe at kultura ay kailangan ng linangin sa panahon pa lang ng transisyonal na yugto. Bagama’t hindi ito madaling gawin, pero ang pundasyon para magawa ito ay umiiral na — nasa kamay na ng uring manggagawa ang kapangyarihan batay sa internasyunal na pagkakaisa at kamulatan. Ang mga ito ang pundamental na rekisito para magtuloy-tuloy ang yugto ng transisyon tungo sa komunismo.