Submitted by Internasyonalismo on
Live on TV (sa government channel) ang unang araw ng imbestigasyon ng Senado kung saan dumalo ang mga membro ng Gabinete ni Arroyo na may kaugnayan sa anomalosong mahigit $300 million ZTE Contract.
Ginisa ng mga senador ang mga membro ng Gabinete sa ZTE Contract. Sa panlabas, (sa kanilang mga pananalita) makikita kaagad na depensiba ang mga bataan ni Arroyo habang ang mga ‘magigiting’ na senador ang nagpa-impress sa mata ng publiko na ‘tagapagtanggol’ ng kapakanan ng taumbayan. Halimbawa: Si senador Richard Gordon na dating mayor ng Olangapo sa panahon ng diktadurang Marcos at masigasig na tagapagtanggol ng US Military Bases dahil malaki daw ang maitutulong nito sa kaunlaran ng bansa ay naging ‘tagapagtanggol’ ng interes ng bayan laban sa interes ng mga kapitalistang Tsino. Si senador Juan Ponce Enrile, dating Ministro ng National Defense ng diktadurang Marcos at isang malaking kapitalista (bantog sa karahasan ang kanyang malaking kompanya ng logging sa Northern Luzon at Mindanao) kung saan ginamit ang kanyang posisyon noon hanggang ngayon para sa kanyang negosyo ay ‘kinondenna’ ang paggamit ni Jose de Venecia III sa posisyon ng kanyang ama na si Speaker Jose de Venecia.
Sa esensya, ang nais ipakita ng estadong kapitalista kakutsaba ang institusyong lehislatibo sa publiko ay ganito: ‘walang sinasanto ang demokrasya at ang mga batas nito’. Gamit ang media laluna ang government channel, lumilikha ito ng impresyon na ‘kalahok’ ang publiko sa imbestigasyon ng Senado. Nakakatuwang moro-moro ng buong uring burgesyang Pilipino (administarsyon man o oposisyon). Pero dapat bang sumabay sa pagtawa ang malawak na naghihirap na masa sa komedya sa susunod pa nilang imbestigasyon hinggil sa ZTE?
Ang nakatagong katotohanan sa moro-moro ng Senado
1. Isang imperyalistang bansa ang China na determinadong palalakihin ang impluwensya sa Pilipinas na kontrolado ng imperyalistang US.
Sa panahon ng imperyalismo at dekadenteng kapitalismo, ang patakaran ng makapangyarihang imperyalistang mga bansa ay muling hahatiin ang mundo sa pamamagitan ng digmaan para makaalpas sa matinding pandaigdigang krisis ng sistema. Subalit dahil hindi na nagawang hatakin ng mga imperyalistang kapangyarihan ang uring manggagawa para sa isa pang karumal-dumal at barbarikong ikatlong digmaang pandaigdig (na malamang panghuli na dahil mawawasak na ang mundo dahil sa antas ng teknolohiyang militar) tulad ng nangyari sa nagdaang dalawang pandaigdigang digmaan, ay nagkasya na lang muna sila sa lokalisadong imperyalistang mga digmaan sa ngalan ng ‘digmaan para sa pambansang pagpapalaya’ at ‘trade wars’.
Ang ZTE contract ay bahagi ng umiigting na ‘trade wars’ ng China at Amerika. Katunayan, sumali ang huli (Arescom) sa bidding pero nagulangan lang ng una. Ang dapat maunawaan na ang layunin ng China sa kanyang iba’t-ibang economic relations at projects sa gobyerno ng bansa ay para maagaw sa US/Japan ang Pilipinas dahil kailangan ng imperyalistang China ng dagdag na markets at mangyayari lamang ito sa pamamagitan ng pag-agaw ng markets ng ibang imperyalistang kapangyarihan.
Sa pandaigdigang saklaw, inisyal na naungusan ng imperyalistang China ang ibang mga imperyalistang bansa sa pagkuha ng mas malaking impluwensya sa buong kontinente ng Aprika. Kung sa Aprika at Gitnang Silangan nagkainteres ang China, dito pa kaya sa Asya.
Kaaway ng buong uring manggagawa ang buong imperyalistang sistema kabilang na ang imperyalistang ambisyon ng sariling bansa gaya ng Pilipinas at hindi lamang ng isang partikular na kapangyarihan gaya ng Amerika na siyang lagi nating naririnig sa mga Kaliwa sa buong mundo.
2. Ang malalaking kontrata at kasunduan ng gobyerno ng Pilipinas sa makapangyarihang mga bansa magmula pa noong unang republika hanggang ngayon ay punong-puno ng korupsyon.
Nakakatawa at nakakainis ang ipokrasya ng iba’t-ibang paksyon ng nagharing uri laluna ang kaslaukuyang oposisyon na nagmamalinis gayong noong sila pa ang nasa kapangyarihan ay kasing-kurakot at kasing-sakim sa super-tubo tulad ng kasalukuyang administrasyon.
Lahat ng mga paksyon ng nagharing uri, nasa kapangyarihan man o wala ay magnanakaw at mandarambong sa kabang-yaman na likha ng masang anakpawis. Kaya isang oportunistang taktika ang ‘choose the lesser evil’ o ‘tactical or temporary alliance with the lesser evil’. Kaya nakakasuka ang ginagawa ng mga Kaliwa ng Pilipinas kung saan nakipag-alyansa sila kay Gloria noon at kay Erap na naman ngayon.
3. Lalupang lumala ang pagkahati-hati ng nagharing uri.
Isa sa kongkretong manipestasyon na ang sistema ay nasa kanyang dekadenteng yugto na ay ang permanenteng antagonismo ng mga paksyon sa loob ng nagharing uri. Ang imbestigasyon ng Senado sa ZTE contract ay hindi dahil ang institusyong ito ay kakampi ng uring pinagsamantalahan kundi dahil marami sa mga membro nito ay nasa kabilang paksyon ng nagharing uri.
Ang paglala ng tunggalian sa loob ng nagharing uri ay hindi maiwasang samantalahin ng China para maka first step sa kanyang imperyalistang ambisyon. Hindi nakapagtataka na may paksyong inalagaan ang China o alinmang imperyalistang kapangyarihan na karibal ng imperyalistang US bagama’t maaring sabihin na mahina pa at hindi pa solido ang ugnayan kumpara sa mga paksyong inalagaan ng Amerika.
Ang konstrobersya sa ZTE Contract ay tiyak palalakihin ng isang paksyon o mga paksyon ng nagharing uri para sa kani-kanilang interes, ipagtanggol man o patalsikin ang kasalukuyang nagharing paksyon; sa pamamagitan man ng ‘legal’ na proseso o ‘ekstra-legal’. At tiyak, ang mga imperyalistang kapangyarihan na may malaking interes sa Pilipinas ay hindi lang manonood kundi gagawa din ng mga hakbang para sa kanilang interes, hayagan man ito o patago. Kaya hindi nakapagtataka kung ang ‘expose’ ni de Venecia III ay may ‘bendisyon’ mula sa imperyalistang US, ganun din ang ‘banta’ ni Chief of Staff Gen. Esperon, na isang American boy na ang ZTE controversy ay maaring pagmulan ng de-istabilisasyon o kaya ang planong pagpapatalsik kay JDV bilang speaker of the house.
Ang mahalaga sa lahat ay walang kampihan ang uring manggagawa sa kanila at hindi magpagamit sa mga mobilisasyon at pagkilos na ipanawagan nila. Sa halip, ilunsad ang mga pagkilos at mobilisasyon kasama ang iba pang aping uri at sektor ng lipunan na HIWALAY at INDEPENDYENTE sa pagkilos ng anumang paksyon ng burgesya.
4. Ang National Broadband project ng estado hawak man ito ng China o ng US o anumang imperyalistang kompanya ay kabilang sa layunin ng burgesyang Pilipino na palakasin ang estado para lubusang makontrol nito hindi lang ang mga ahensya at empleyado ng pamahalaan sa buong bansa kundi ang buong buhay ng lipunan sa ilalim ng maskarang ‘pagpapasinop’ ng serbisyo sa lipunan. Kahit pa masusunod ang pa-pogi points ng mga ipokritong ‘makabayang’ mga senador at komentarista na walang dayuhan sa broadband project ganun pa rin ang isa sa mga layunin nito: palakasin ang kontrol ng estado.
Ang pagpapalakas ng estado ang di-maiwasang katangian nito sa panahon ng paghihingalo ng kapitalismo dahil siya na lamang ang huling depensa ng sistema para hindi lubusang bumagsak. Ang pagpapalakas ng ‘rule of law’ sa anyo man ng diktadura o ‘demokrasya’, ang pagsupil sa mga rebolusyonaryo, ang pagkontrol sa nagiging marahas na tunggalian ng mga paksyon sa loob ng nagharing uri, at ang paghahanda para sa digmaan para ipagtanggol ang pambansang interes ay kailangan ng isang malakas na estado.
Ang pagpapasinop ng komunikasyon, koordinasyon at monitoring sa buong burukrasya ng estado ay bahagi ng pagpapalakas nito.
Ang mortal na kaaway ng uring manggagawa at masang maralita sa Pilipinas ay hindi lamang ang mga dayuhang kapitalista kundi ang mismong buong uring kapitalistang Pilipino. Ganap lamang na maglaho ang anumang tipo ng korupsyon, pagnananakaw at pandarambong sa kabang-yaman ng lipunan kung ganap ng mawasak ang sistemang kapitalismo sa pandaigdigang saklaw.
Hangga’t patuloy na humihinga ang naaagnas na kapitalistang sistema sa mundo, anumang tipo ng estado ang iiral – hayagang kapitalista man ito o nagbalatkayong ‘sosyalista’ na nakatago sa maskarang ‘estadong sosyalista’ o ‘estado ng bayan’ — ay tiyak na hindi makaiwas sa korupsyon, pagnanakaw at pandarambong. Tanging ang independyenteng kapangyarihan lamang ng mga konseho ng manggagawa sa bawat bansa at higit sa lahat, sa internasyunal na saklaw ang makapigil at sa huli, lubusang wawasak sa mga ito.
Hindi mawawasak ang kapitalistang estado sa pamamagitan ng ‘tactical alliance sa isang paksyon ng burgesya’ o ‘choose the lesser evil’ o ‘one enemy at a time’ kundi sa sabay-sabay na pagdurog sa lahat ng mga paksyon ng nagharing uri. Ang tanging pagkakaisa na kailangan ay ang pagkakaisa ng buong uring manggagawa sa Pilipinas at buong mundo at ang paghikayat sa iba pang aping mga uri sa lipunan na suportahan ang proletaryong rebolusyon laban sa kapitalismo.