Submitted by Internasyonalismo on
Sa kabila ng maliitan, hiwa-hiwalay na mga pakikibaka, dahan-dahang sumasabay ang maliit na bahagi ng manggagawang Pilipino sa pangkalahatang tendensya ngayon ng internasyunal na proletaryado - militanteng paglaban sa mga atake ng kapital na nasa pinakamasahol na krisis magmula 1929.
Krisis ng pandaigdigang kapitalismo, ramdam ng manggagawang Pilipino
Ramdam na ramdan ng manggagawang Pilipino ang krisis ng sobrang produksyon na nanalasa ngayon sa buong mundo. Ang bunga nito - kompetisyon sa pagbabawas ng gastos sa produksyon na walang ibig sabihin kundi atake sa pamumuhay ng masang anakpawis - ay tuloy-tuloy na ginagawa ng kapitalistang Pilipino at dayuhan. Tanggalan at pagbabawas ng sahod sa anyo ng work rotation ang pinapasan ngayon ng uring manggagawa hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.
Sa ngayon, tinatayang umabot na sa mahigit 300,000 manggagawang Pilipino ang natanggal sa trabaho at daan-daang libo ang naghihirap sa pagbabawas ng sahod dahil sa work rotation simula 2007. Subalit, may maliit na bahagi ng uri ang hindi basta-basta tinanggap ang mga atakeng ito ng kanilang kaaway.
Lumalaban ang bagong henerasyon ng mga manggagawa
Iba-iba ang ekspresyon ng paglaban ng uri: pagsampa ng kaso sa maka-kapitalistang Department of Labor and Employment (DOLE), pangmasang delegasyon para kausapin ang management, demonstrasyon at piket hanggang sa "iligal" na mga welga at paghinto sa trabaho o kombinasyon ng mga ito.
Nakitaan ang mga paglabang ito ng binhi ng pag-oorganisa sa sarili: pagbubuo mismo ng mga manggagawa ng mga grupo na nag-uusap sa kanilang kalagayan hanggang sa paglulunsad ng mga asembliya na dinaluhan kapwa ng mga regular at di-regular na manggagawa. At ang pinakamahalaga sa lahat: ang paglunsad ng mga sama-samang pagkilos na nilalabanan ang maka-kapitalistang batas ng estado - "iligal" na welga o wildcat strikes. Ginawa ito ng mga manggagawa sa Giardini del Sole. May "iligal" din na work stoppage ang mga manggagawa sa Cebu Mactan Export Processing Zone para obligahing makipag-usap ang management.
Ang yumayabong na independyenteng pagkilos ng mga kapatid na manggagawa sa Uropa ay naipunla na sa Pilipinas - asembliya ng manggagawa at paglunsad ng mga pakikibaka labas sa kontrol ng unyonismo. Subalit dahil ang mga ito ay binhi pa lamang, nariyan ang peligro na makubabawan ng unyonismo at repormismo. At ito nga ang nangyari sa Giardini del Sole kaya natalo ang mga manggagawa. Natalo man ang Giardini del Sole, may positibong aral na mahahalaw dito: determinadong pagkakaisa, pagsuway sa maka-kapitalistang batas at ang pangangailangan ng paglawak ng pakikibaka.
Ang militansyang ito ng manggagawang Pilipino ay pinangunahan at ginagawa ng bagong henerasyon ng uri: bahagi ng uri na walang karanasan at hindi demoralisado sa pananabotahe ng unyonismo magmula 1970s. Karamihan sa kanila ay mga kabataan. Mga kabataang manggagawa din ang nangunguna sa ibang bansa laluna sa Uropa magmula 2003 (anti-CPE sa France sa 2006 at malawakang protesta sa Greece magmula 2008).
Ang mga militanteng paglabang ito at ang pagsisikap ng manggagawa na hawakan ang kanilang laban sa sariling mga kamay sa pamamagitan ng mga asembliya ay isa ng malaking tagumpay gaano man kaliit na bahagi ng uri ang gumagawa nito sa ngayon at sa kabila ng pagkaranas ng temporaryong kabiguan dahil sa kahinaan. Tandaan natin na sa Pilipinas ay napakalakas pa ang kaisipang sa "pamamagitan lamang ng unyonismo" maipakita ng uring manggagawa ang kanyang pagkakaisa laban sa bulok na kaayusan. At ang maliit at mahina pa na bahaging ito ng uri ang magtuturo ng tamang daan tungo sa rebolusyonaryong pakikibaka sa buong uring manggagawa.
Kabaliktaran naman ang pinakita ng mga unyon at ng kanilang mga lider. Sa harap ng atake ng kapitalista sa Cebu Keppel Shipyard, pasuko ang tunguhin ng unyon at "negosasyon" ang tanging daan para "resolbahin" ang pagbabawas ng sahod at tanggalan sa mga manggagawa. Ganun din ang ginagawa ng unyon sa Cebu Visayan Electric Cooperative (VECO), isang kompanya ng elektrisidad. Ang KMU, na diumano "pinaka-militanteng" sentrong unyon sa bansa ay inutil sa pagtatanggol kahit sa daan-daang membro nito na tinanggal sa trabaho o nabawasan ang sahod.
Ang mga beteranong lider-unyonista ang salamin ng bagong henerasyon paanong ang unyonismo ay ganap ng integrado sa kapitalistang estado sa panahon ng dekadenteng kapitalismo. Dahil bilanggo sa collective bargaining agreement (CBA) at sa batas ng estado, dito umiikot ang "paglaban" ng unyon. Muli, napatunayan na walang interes ang mga unyon na palawakin ang pakikibaka at abutin ang mas maraming mga manggagawa sa ibang pabrika para kumbinsihin sa nagkakaisang pakikibaka laban sa kapital at estado.
Mapagmatyag sa mga maniobra ng unyon at Kaliwa
Dahil malaki pa rin ang posibilidad na makontrol ng unyonismo at Kaliwa ang militanteng paglaban ng uri, ito mismo ang magtuturo sa bagong henerasyon ng manggagawang Pilipino kung paano at bakit ang unyonismo at Kaliwa ay tulad din ng Kanan - kaaway ng buong uring manggagawa.
Ang paglakas mismo ng internasyunal na kilusang manggagawa at ng kanilang pakikibaka labas sa kontrol ng unyonismo ang pataba na magbibigay sustansya sa rebolusyonaryong binhi na naipunla ng bagong henerasyon ng manggagawa sa Pilipinas.
Sa kabilang banda, kailangan ng mga abanteng manggagawa ang mga diskusyon at teoretikal na klaripikasyon para malalim na maunawaan ang katangian ng kapitalismo, ng kanyang kasalukuyang krisis, ng katotohanan na wala ng maibigay na magandang kinabukasan ang bulok na sistema at ang tanging nalalabing alternatibo ay wasakin ito at ang estadong nagtatanggol dito. Sa pamamagitan nito, malinaw na maunawaan nila na makamit lamang ang tagumpay ng pang-ekonomiyang pakikibaka kung matransporma ito sa isang matagumpay na pampulitikang pakikibaka.
Sa pamamagitan lamang ng malalimang diskusyon makita at maunawaan ng masa ng uri na sa ilalim ng nagihingalong sistema ang pakikibaka ay magbubunga ng pagkakaisa at ang pagkakaisa ay mangyayari lamang sa panahon ng pakikibaka. Ang mga asembliya at pulong-masa ay itinatayo at gumagana sa panahon na lumalaban ang manggagawa. Ang rebolusyonaryong katangian ng uri ay lilitaw at uunlad sa panahon ng mga labanan. Ang organisasyon ng uri ay organisasyon ng pakikibaka. At sentral na tungkulin ng mga komunista na paunlarin ang rebolusyonaryong katangian ng uring manggagawa para mawasak nito ang kapitalismo at maitayo ang komunismo.
Salungat dito ang konsepto ng unyonismo (hawak man ito ng Kanan o Kaliwa ng burgesya) kung bakit sila "nag-oorganisa" sa masang manggagawa. Ang tanging layunin nito ay ikulong ang uri sa balangkas ng batas ng estado at sa mga "pakikibaka" para sa pagtatanggol sa pambansang kapitalismo at kapitalistang gobyerno.
Papel ng rebolusyonaryong minorya
Hindi pa humihinto ang pananalasa ng kapital sa kalagayan ng pamumuhay ng proletaryado. Mas titindi pa ito sa hinaharap dahil nagsisimula pa lang lumaganap ang epekto ng nakamamatay na krisis ng pandaigdigang kapitalismo. Ang mga aral ng militanteng pakikibaka ng bagong henerasyon ng manggagawa sa buong mundo ang magsilbing tanglaw para itansporma ang mga depensibang laban tungo sa opensiba na dudurog sa naaagnas na panlipunang kaayusan.
Tungkulin ng mga minoryang rebolusyonaryo sa Pilipinas na gawin ang lahat sa abot ng kanilang makakaya na pabilisin ang rebolusyonaryong proseso na organisahin ng uri ang kanilang sarili, hawakan nila sa kanilang mga kamay ang pagpapasya sa kanilang pakikibaka at palawakin ang laban sa mas maraming pabrika hindi lang sa antas syudad at pambansa kundi hanggang sa internasyunal na saklaw. Para sa marxismo, ang internasyunal na proletaryado (kung saan bahagi lamang ang manggagawang Pilipino) ang may istorikal na misyon para wakasan ang mapagsamantalang kaayusan. Ang mga ito ang susi para uunlad ang depensibang pakikibaka papunta sa rebolusyonaryong opensiba laban sa bulok na sistema.
Pagkakaisa ng lahat ng manggagawa at paglawak ng pakikibaka ang dalawang makapangyarihang sandata para magtagumpay ang uri sa kanyang pakikibaka. Ito ang pinakita ng bagong henerasyon ng proletaryado sa buong mundo.