Submitted by Internasyonalismo on
Sa Pilipinas napakalakas pa rin ang impluwensya ng Kanan at Kaliwa ng burgesya sa kaisipan ng malawak na masang manggagawa. Ito ay sa kabila na ang uri ay marami ng katanungan at pagdududa sa mga paraan at solusyon na inihapag ng mga “lider” nila mula sa mga organisasyon at partido ng Kanan at Kaliwa. Katunayan, ang malaking dahilan ng demoralisasyon ng karamihan sa pakikibaka ay dahil palpak at walang makabuluhang tagumpay na naranasan ang masang nakibaka sa kumpas ng kanilang mga “kinatawan” sa unyon, organisasyong masa at loob ng gobyerno.
Subalit dahil ang kamulatan ay galing mismo sa pakikibaka ng uri, nagluwal ito ng mga nagsusuring elemento sa hanay mismo ng mga nakibaka; mga elementong naging kritikal sa praktika ng kanilang organisasyon at naghahanap ng mga kasagutan sa maraming tanong; mga kasagutan na makita lamang sa kasaysayan ng pakikibaka ng sariling uri sa mahigit 200 taon. Mga kasagutan na pilit tinatago at inilihis ng mga umaangking “abanteng destakamento” at “kinatawan” ng uri.
Ang kasalukuyang pandaigdigang kapitalismo ay wala ng maibigay sa sangkatauhan na magandang kinabukasan maliban sa mga digmaan, ibayong kahirapan at pagkasira ng kalikasan. Hindi na ito mareporma pa para pagsilbihin sa kapakanan ng masang anakpawis. Nasa yugto na tayo ngayon na posible at kailangan ng ibagsak ang kapitalismo at ang estado kung nais natin na may magandang kinabukasan pa ang mga susunod na henerasyon ng tao.
Nasa ibaba ang pahayag (polyeto) ng Internasyunal na Komunistang Tunguhin (IKT) sa inihasik na repormismo ng TUC sa Britanya. Ang linya ng TUC ay sa batayan walang kaibahan sa linya ng iba’t-ibang paksyon ng Kaliwa sa Pilipinas at iba pang panig ng mundo: “maari pang repormahin ang kapitalismo”; “pwede pang gamitin ang kapitalistang estado at parliyamento para isulong ang rebolusyon.”
Internasyonalismo
------------------------------------------
Rali ng TUC[2] Oktubre 2012
Ayon sa polyeto ng TUC ‘Kinabukasan na Gagana’[3], para sa partido ng Paggawa (Labour party), para kay François Hollande ng Pransya, sa buong ‘kaliwa’, ang kasalukuyang krisis sa ekonomiya ay kagagawan ng mga bangkero at hindi kailangang mangyari; pero muli, ang utang ay hindi masama at maari itong ganitin para palaguin ang ekonomiya mula sa resesyon.
Gusto namin sagutin ang mga ideyang ito, hindi mula sa konserbatibong punto-de-bista, kundi mula sa rebolusyonaryong pananaw.
“Paglago” ay problema, hindi solusyon
Ayon sa TUC, ang sagot sa kasalukuyang resesyon at ang kaakibat na paghigpit-sinturon ay palaguin ang ekonomiya.
Pero ang ‘paglago’ ng lipunang ito (ibig sabihin ang buong pandaigdigang ekonomiya, hindi lang Britanya) ay nagkahulugang akumulasyon ng kapital, paghahanap ng tubo. At ang paglagong ito ang ugat ng krisis.
- Ang kapitalistang paglago ay nagkahulugan ng mas maraming makina, maliit na paggawa. Pero dahil ang buhay na paggawa lang ang lumilikha ng labis na halaga, hindi maiwasang ang akumulasyon ay magbunga ng pagbaba ng tantos ng tubo
- Ang kapitalistang paglago ay nagkahulugan ng paglaki ng produksyon lampas sa kapasidad ng merkado, na nalimitahan ng malaliit na kapasidad bumili ng malaking mayoriya sa atin. Ang akumulasyon ay nauuwi sa sobrang produksyon at depresyon.
Ang krisis ng kapitalismo ay produkto ng kanyang sariling mga kontradiksyon, na nanatili pa rin kahit walang bonus ang mga bangkero at lahat ng mga bilyonaryo ay nagbabayad ng buhis.
Nagsalita din ang TUC na mamuhunan sa ‘berdeng ekonomiya’, pero ang kapitalistang ekonomiya ay hindi maging berde. Ang mabangis na bangayan sa pagitan ng mga kompanya at bansa ay nagkahulugan na kung hindi todo ang pagpapalago mo, dudurugin ka ng kompetisyon.
Hinggil sa ideya na “walang peligro” sa mga bansang lubog sa utang, hindi lang nito minaliit ang napakataas, imposibleng mabayaran ang utang na pabigat sa pandaigdigang ekonomiya, pero binalewala ang katotohanan na sa loob ng maraming dekada ngayon, tinuturukan ng kapitalismo ang sarili ng utang para hindi tuluyang bumagsak. Ang nangyari sa 2008 ay yugto kung saan ang medisina ng utang ay naging lason dahil sa sobrang gamit.
Ang Paggawa (Labour Party) at TUC ay hindi natin kakampi
Naabot na ng kapitalismo ang kanyang istorikal na kataposan. Sa pagpapatupad nito ng mabangis na paghigpit-sinturon, mas lalo nitong pinakipot ang merkado at pinalala ang resesyon. Yan ang totoo sa polyeto ng TUC. Pero sumunod ito sa linya ni Obama at ‘kaliwa’, at nagtangkang solusyunan ang krisis sa pamamagitan ng pag-imprinta ng pera at mas malaking utang. Magbukas ito ng mas malaking krisis sa utang habang papalaki ang presyur ng inplasyon.
Kung sakaling may milagro at ‘lalago’ muli ang kapitalismo mas lalaki ang banta nito sa natural na kapaligiran na siyang sandigan ng atin mismong pag-iral. At ang lumalaking kapitalistang kompetisyon hindi lang dahilan ng polusyon ng mundo, pinabilis nito ang pagkaroon ng digmaan sa pagitan ng mga kapitalistang paksyon at bansa.
Saan man ito babaling, naharap ang kapitalismo sa krisis at pagwasak-sa-sarili. At ‘kanan’ o ‘kaliwa’ man ang mangasiwa, mapanatili lamang ng kapitalismo ang kanyang lumiliit na tubo sa pamamagitan ng mga atake sa istandard ng pamumuhay ng mga taong siya mismong lumikha ng yaman – ang uring manggagawa – sa kawalan ng trabaho, kontraktwalisasyon, pagpako ng sahod, pagbawas ng pensyon at panlipunang mga benepisyo, kawalan ng bahay, at marami pa.
Halos isang daang taon na ang nakalipas, ng naharap sila sa pagpili sa pagitan ng pagsuporta sa kapitalistang pandaigdigang digmaan at pagtatanggol sa interes ng mga manggagawa, ang mga Partido ng Paggawa at TUC ng mundo pinili ang kampo ng kapitalismo at digmaan. Ng ang uring manggagawa ng Rusya, Alemanya at iba pang lugar ay nagtangkang ilunsad ang rebolusyon laban sa barbarismo, ang mga Partido ng Paggawa at mga TUC ng mundo ay pinili ang kampo ng kontra-rebolusyon. Nanatili sila sa kampong yun hanggang ngayon, at kaya hindi natin sila pwedeng pagkatiwalaan ng tapat na kasagutan sa kasalukuyang krisis ng sistema.
Naharap sa mga polisiyang paghigpit-sinturon ng naghaharing uri, kailangang lumaban ang uring manggagawa. Hindi ito maaring manahimik at hintayin na huhupa ang bagyo. Pero para epektibo ang paglaban hindi natin maaring gamitin ang luma, hindi na angkop na mga institusyon na pumusturang kaibigan natin pero sa katunayan ay binubuhay ang ating mga kaaway. Kailangan natin ang mga porma ng organisasyon na pagkaisahin tayo lagpas sa dibisyon ng ating mga trabaho at unyon, kung saan maari tayong magdebate kung ano ang pinaka-epektibong paraan ng pakikibaka at ang ating pangkalahatang layunin sa paglaban; kung saan makabuo tayo at maipatupad ang mga kapasyahan, kung saan maipakita natin ang ating tunay na kapangyarihan. Ang kilusan ng ‘Indignados’ sa Espanya o katulad na pag-alsa sa Gresya at sa Gitnang Silangan ay nasisilip natin ano ang mangyari kung libu-libong pinagsamantalahan – mga estudyante, walang trabaho, kontraktwal na manggagawa - ay magtipon sa lansangan, nagsisikap makontrol ang buhay ng lipunan, at kinilala na bahagi sila ng pandaigdigang pakikibaka. Pero ang mga kilusang ito ay aangat lamang sa bagong antas kung ang mga nagtatrabahong manggagawa ay aktibong lalahok sa pamamagitan ng pagtangan sa hamon na pinakita ng mga kilusang ito: pag-oorganisa sa sarili sa mga asembliya; paglawak ng paglaban lagpas sa mga pambansang hangganan; isang pakikibaka na hindi lang laban sa ganito o ganoong aspeto ng kapitalismo, kundi laban sa kapitalismo bilang sistema, laban sa sahurang paggawa at produksyon para sa tubo.
Binabalewala ng mga ‘realistikong’ politiko ng kaliwa ang rebolusyon bilang utopya. Subalit ang mga utopyan ay mga taong naniwala na ang kapitalismo ay maisalba pa, mareporma o mapaunlad. Hindi lang posible ang rebolusyon: ito ay kailangan para magkaroon ng kinabukasan ang sangkatauhan.
Internasyunal na Komunistang Tunguhin
[1] Ang artikulong ito ay isang polyeto para sa distribusyon sa TUC rali ngayong Oktubre 20.
[2] TUC – Trade Union Congress
[3] ‘The Future That Works’. Ito ang polyeto ng TUC para sa rali nito ngayong Oktubre 20 sa London.