1929 - 2008 Ang kapitalismo ay isang bangkarotang sistema - Pero posible ang ibang mundo: komunismo!

Printer-friendly version
AttachmentSize
PDF icon Tl_crisis_leaflet.pdf0 bytes

Ang mga politiko at ekonomista ay naubusan na ng mga salitang naglalarawan sa bigat ng sitwasyon: "nasa hangganan ng kailaliman", "Isang Pearl Harbor sa ekonomiya" "Isang rumaragasang tsunami" "Ang 9/11 sa pinansya"[1]... kulang na lang ang Titanic.

Ano ba talaga ang nangyari? Nahaharap sa napipintong unos sa ekonomiya, marami ang nakababahalang katanungan. Papasok na ba tayo sa panibagong pagbagsak gaya ng sa 1929? Paanong nangyari ito? Ano ang gagawin natin para maipagtanggol ang ating sarili? At anong uri ng mundo ang tinitirhan natin?

Tungo sa brutal na pagbulusok-pababa ng ating kabuhayan

Walang anumang ilusyon sa puntong ito. Sa pandaigdigang saklaw, sa darating na mga buwan, masaksihan ng sangkatauhan ang nakakapangilabot na pagbagsak ng kanyang kabuhayan. Sa kanyang pinakahuling ulat, sinabi ng International Monetary Fund na mula ngayon hanggang sa maagang bahagi ng 2009, 50 mga bansa ang papasok sa nakakatakot na listahan ng mga bansang matamaan ng delubyo ng gutom. Ilan sa kanila ay ang maraming bansa sa Africa, Latin America, Caribbean at maging sa Asya. Sa Ethiopia, halimbawa, 12 milyong tao ang opisyal na nasa sitwasyong namamatay na sa gutom. Sa India at China, itong mga tinaguriang bagong kapitalistang Eldorados, daan-daang milyong manggagawa ang matatamaan ng bangis ng kahirapan. Sa USA at Uropa, malaking bahagi ng populasyon ang nahaharap sa di-matiis na kahirapan.

Lahat ng mga sektor ay apektado. Sa mga opisina, bangko, paktorya, ospital, hi-tech na mga sektor, industriya ng sasakyan, mga edipisyo o distribusyon, milyun-milyong mawalan ng trabaho ang nagbabanta. Tatama na ang tanggalan! Mula pagpasok ng 2008 at sa USA lamang, halos isang milyong manggagawa ang sinipa sa lansangan. At simula pa lamang ito. Ang sunod-sunod na tanggalan ay nagkahulugan na lalong mahirap para sa mga pamilya ng manggagawa na magkaroon ng sariling bahay, kumain at pangalagaan ang kalusugan. Nagkahulugan din ito na para sa mga kabataan ngayon walang maibigay na kinabukasan ang kapitalismo sa kanila.

Ang mga nagsisinungaling sa atin noon ay nagsisinungaling pa rin sa atin ngayon!

Ang kagimbal-gimbal na perspektibang ito ay hindi na itinatago ng mga lider ng kapitalistang mundo, ng mga pulitiko at manunulat na nagsisilbi sa naghaharing uri. Paano nila nagawa ito? Ilan sa pinakamalaking mga bangko ng mundo ay nalugi; nasagip lamang sila salamat sa daan-daang bilyong dolyar, pounds at euros na binigay ng mga bangko sentral, i.e. ng estado. Para sa mga stock markets ng Amerika, Asya at Uropa, ay walang hanggang pagbulusok-pababa: nalugi sila ng 25 bilyong dolyares magmula Enero 2008, o katumbas ng dalawang taong total na produksyon ng USA. Lahat ng ito ay nagpakita ng tunay na pagkataranta ng naghaharing uri sa buong mundo. Kung bumagsak ang mga stock markets ngayon, ito ay hindi lang dahil sa nakakapangilabot na sitwasyong kinakaharap ng mga bangko, ito ay dahil din sa nakakahilong pagbagsak ng tubo na inaasahan ng mga kapitalista mula sa malawakang pagbaba ng ekonomiya, isang alon na pagkalugi ng mga empresa, isang resesyon na mas malala kaysa nakita natin sa nagdaang 40 taon.

Ang pangunahing mga lider sa daigdig, Bush, Merkel, Brown, Sarkozy, Hu Jintao, ay nagtipun-tipon sa serye ng mga pulong at ‘summits' (G4,G7,G8,G16,G40) para tangkaing limitahan ang pagkasira, para pigilan ang pinakamalalang mangyari. Isang panibagong summit ang pinaghandaan sa kalagitnaan ng Nobyembre, na tinitingnan ng iba bilang daan sa ‘panibagong pagpupundar ng kapitalismo'. Ang tanging bagay na kahalintulad sa pagkabalisa ng mga politiko ng estado ay ang ingay ng mga eksperto sa mga TV, radyo at pahayagan...ang krisis ang numero unong estorya ng midya.

Bakit napakaingay?

Katunayan, habang hindi na maitago ng burgesya ang nakakapinsalang kalagayan ng ekonomiya, sinubukan nitong papaniwalain tayo na hindi ito usapin na kukwestyonin ang kapitalistang sistema mismo, na ito ay usapin ng paglaban sa ‘pang-aabuso' at ‘pagmamalabis'. Ito ay pagkakamali ng mga ispekulador! Ito ay pagkakamali ng ganid na mga kapitalista! Ito ay kamalian ng mga insentibo sa pagbubuhis! Ito ay pagkakamali ng ‘neo-liberalismo'!

Para malunok natin ang alamat na ito, lahat ng propesyonal na mga manggagantso ay pinakilos. Silang mga ‘eksperto' na nagsasabi sa atin noon na malusog ang ekonomiya, na matatag ang mga bangko...ngayon ay nasa TV at naghasik ng panibagong kasinungalingan. Sila na noon nagsasabi sa atin na ang ‘neo-liberalismo' ANG solusyon, na dapat huwag manghimasok ang estado sa ekonomiya, ngayon ay nanawagan sa mga gobyerno na lalupang manghimasok.

Ibayong panghihimasok ng estado at ibayong ‘moralidad', at maging maayos ang kapitalismo! Ito ang malaking kasinungalingan na nais nilang ibenta sa atin!

Mapangibabawan ba ng kapitalismo ang kanyang krisis?

Ang totoo hindi nagsimula sa tag-init ng 2007 ang krisis na naminsala sa pandaigdigang kapitalismo ngayon, sa pagsabog ng bula sa pabahay sa US. Sa mahigit 40 taon sunod-sunod ang resesyon: 1967, 1974, 1981,1991,2001. Sa loob ng ilang dekada naging isang permanenteng sakit ang kawalan ng trabaho, at ang mga pinagsamantalahan ay nagdurusa sa mga atake sa istandard ng kanilang pamumuhay. Bakit?

Dahil ang kapitalismo ay isang sistema na gumagawa ng produkto hindi para sa pangangailangan ng tao kundi para sa merkado at tubo. Napakaraming hindi naibigay na pangangailangan pero hindi mabibili: sa ibang salita, ang malawak na mayorya ng populasyon ay walang kapasidad na bilhin ang mga kalakal na nagawa. Kung nasa krisis ang kapitalismo, kung daan-daang milyong tao, at sa malao't madali bilyun-bilyon, ang inihagis sa hindi matiis na kahirapan at gutom, hindi dahil hindi sapat ang ginagawang produkto ng sistema kundi dahil lumilikha ito ng mas maraming kalakal kaysa kaya nitong maibenta. Sa bawat panahon na nasadlak ang burgesya sa ganitong problema ang solusyon nito ay malawakang pagpapautang at paglikha ng artipisyal na merkado. Kaya ang mga ‘rekoberi' ay laging humahantong sa madilim na bukas, dahil sa huli lahat ng mga utang ay dapat mabayaran, ang mga utang ay lalong lumala. Ito mismo ang nangyayari ngayon. Lahat ng ‘kamangha-manghang pag-unlad' sa nagdaang ilang taon ay lubusang nakabatay sa utang. Ang pandaigdigang ekonomiya ay nabubuhay sa utang, at ngayon na kailangan itong bayaran, ang lahat ay bumagsak tulad ng baraha. Ang kasalukuyang kombulsyon ng kapitalistang ekonomiya ay hindi resulta ng ‘maling pamamahala' ng pampulitikang mga lider, ng ispekulasyon ng mga ‘mamumuhunan' o ng iresponsableng aktitud ng mga bangkero. Ang mga taong ito ay walang ibang ginawa kundi ilapat ang mga batas ng kapitalismo at ang mga batas na ito mismo ang nagdala sa sistema tungo sa kanyang pagkawasak. Kaya ang bilyun-bilyong nilagak ng mga estado at ng kanilang mga bangko sentral sa pamilihan ay walang saysay. Lalupa itong nagpalala! Pinalalaki lamang nito ang utang, tulad ng pagtatangkang patayin ang apoy sa pamamagitan ng pagbuhos ng gasolina. Pinakita lamang ng burgesya ang pagiging inuil at desperasyon sa mga hakbanging ginagawa nito. Sa malao't madali lahat ng kanilang pagliligtas (bail-out) ay mabibigo. Walang totoong rekoberi ang posible sa kapitalistang ekonomiya. Walang polisiya, ng Kanan man o ng Kaliwa, ang makapagsalba sa kapitalismo dahil ang sakit ng sistemang ito ay napakalubha at wala ng lunas.

Pagkakaisa at makauring pakikibaka laban sa lumalawak na kahirapan!

Kahit saan nakikita natin ang pagkukumpara sa pagbagsak sa 1929 at sa Napakalaking Depresyon sa 1930s. Tandang-tanda pa natin ang mga imahe ng panahong iyon: walang kataposang linya ng mga manggagawang walang trabaho, mga lugawan para sa mahihirap, nagsarahang mga empresa kahit saan. Subalit pareho ba ang sitwasyon ngayon? Ang sagot ay HINDI. Mas malala ngayon, kahit pa ang kapitalismo, na natuto mula sa karanasan, ay nagawang iwasan ang mabangis na pagbagsak, salamat sa panghihimasok ng estado at mas magandang internasyunal na koordinasyon.

Pero mayroong susing pagkakaiba. Ang teribleng depresyon sa 30s ay humantong sa Ikalawang Pandaigdigang Digmaan. Ang kasalukuyang krisis ba ay magtatapos sa Ikatlong Digmaang Pandaigdig? Ang daan tungo sa digmaan ay ang tanging sagot ng burgesya sa kanyang hindi mapangingibawan na krisis. At ang tanging pwersa na makapigil nito ay ang kanyang mortal na kaaway, ang internasyunal na uring manggagawa. Sa 1930s, ang pandaigdigang uring manggagawa ay terible ang pagkatalo matapos mabukod ang rebolusyong 1917 sa Rusya at pinayagan nito ang sarili na mahatak sa panibagong imperyalistang masaker. Subalit magmula sa mga mayor na pakikibaka na nagsimula sa 1968, ang uring manggagawa ngayon ay hindi handa na magbuhis ng dugo para sa mapagsamantalang uri. Sa nagdaang 40 taon dumaan ito sa maraming masasakit na pagkatalo pero nanatili itong nakatayo; at sa buong mundo, laluna magmula 2003, lumalakas ang paglaban nito. Ang kasalukuyang krisis ng kapitalismo ay nagkahulugan ng kahindik-hindik na pagdurusa ng daan-daang milyong manggagawa, hindi lang sa di-maunlad na mga bansa kundi sa mga mauunlad din - kawalan ng trabaho, kahirapan, kahit gutom, pero magtutulak din ito ng kilusan ng pagtutol mula sa mga pinagsamantalahan.

Absolutong kailangan ang mga pakikibakang ito para limitahan ang pang-ekonomiyang atake ng burgesya, para pigilan sila na itulak tayo sa absolutong kahirapan. Pero malinaw na hindi nila mapigilan ang kapitalismo sa lalupang pagkalunod sa krisis. Kaya ang pakikibaka ng uring manggagawa ay tumutugon sa iba pang pangangailangan, na mas mahalaga. Pinauunlad nito ang kolektibong lakas ng mga pinagsamantalahan, ng kanilang pagkakaisa, ng kanilang pagbuklod-buklod, ng kanilang kamulatan sa tanging alternatiba na makapagbigay ng kinabukasan sa sangkatauhan: ang ibagsak ang kapitalistang sistema at pagpalit dito ng isang lipunan na gumagalaw sa ganap na ibang batayan. Isang lipunan na hindi na nakabatay sa pagsasamantala at tubo, sa produksyon para sa merkado, kundi sa produksyon para sa pangangailangan ng tao; isang lipunan na ini-organisa mismo ng mga gumagawa ng produkto at hindi ng prebilihiyadong minorya. Sa madaling sabi, isang komunistang lipunan.

Sa loob ng walong dekada, lahat ng sektor ng burgesya, kapwa ng Kanan at Kaliwa, ay nagtutulungan para ipresenta na ang mga rehimen ng Silangang Uropa at Tsina ay ‘komunista', subalit sila ay walang iba kundi partikular na barbarikong porma ng kapitalismo ng estado. Ito ay usapin ng pagkumbinsi sa mga pinagsamantalahan na walang silbi ang pangangarap ng ibang mundo, na walang ibang sistema maliban sa kapitalismo. Pero ngayon na malinaw na pinatunayan ng kapitalismo ang kanyang istorikal na pagkabangkarota, kailangang ang oryentasyon ng mga pakikibaka ng uring manggagawa ay ang perspektiba ng komunistang lipunan.

Nahaharap sa mga atake ng kapitalismo na nasa kataposan ng kanyang pagbulusok-pababa; para tapusin ang pagsasamantala, kahirapan, at barbarismo ng kapitalistang digmaan:

Mabuhay ang mga pakikibaka ng pandaigdigang uring manggagawa!

Manggagawa sa buong mundo, magkaisa!

Internasyunal na Komunistang Tunguhin

Oktubre 25, 2008

www.internationalism.org


[1] Sa pagkasunod-sunod: Paul Krugman (ang huling nanalong Nobel Prize sa ekonomiya); Warren Buffet (isang Amerikanong mamumuhunan, sa palayaw na ang ‘oracle of Omaha', isang bilyonaryo mula sa maliit na lungsod ng Nebraska na lubhang nirerespeto sa daigdig ng pinansya); Jacques Attali (tagapayo sa ekonomiya ng presidente ng Pransya na si Nicolas Sarkozy) at Laurence Parisot (presidente ng asosasyon ng mga kapitalistang Pranses)