Submitted by Internasyonalismo on
Welga: Epektibong sandata ng uring manggagawa
Ang welga ay epektibong sandata ng proletaryado laban sa pang-aapi at pagsasamantala ng kapitalismo. Hindi ito ‘huling sandata' matapos magamit ang iba pang ‘legal' na porma ng pagkilos.
Mula pa noong 19 siglo hanggang ngayon ang sandatang ito ay nanatiling epektibo para mapaatras ang atake ng kapital sa kabuhayan ng manggagawa. Mula noon hanggang ngayon ang epektibong welga ay yaong hindi sumusunod sa anti-welgang batas ng gobyerno. Ang kaibahan lang ng welga ngayon ay kailangan na itong malawakan at hindi paisa-isa. Ang paisa-isang welga ay angkop lamang sa panahon na sumusulong pa ang sistema pero hindi na sa panahon na nasa permanenteng krisis na ito. Tayo ngayon ay nasa panahon na nasa permanenteng krisis na ang kapitalismo.
Pero ayon sa PALEA ang welga ay ‘last recourse' ng manggagawa. Hindi lang ang unyon ng PALEA ang may ganitong pananaw kundi halos lahat ng mga unyon kabilang na ang KMU. Bahagi ng pananaw na ‘last recourse' ay ang pagsunod sa proseso ng batas nge stado para makapagwelga.
Kaya naman ang epektibong welga noong Setyembre 27 ay masasabing huli na kaysa ‘premature'.
Ang legalismo at repormismo ng KMU[1] at PALEA[2] sa pakikibaka laban sa kontraktwalisasyon
Sinabayan ng KMU ang laban ng manggagawa ng PAL ng intra-unyong kompetisyon. Pagkatapos pumutok ang welga ng manggagawa ng PAL noong Setyembre 27 ay sunod-sunod agad ang pampublikong pahayag ng KMU laban sa liderato ng PALEA na kontrolado ng kanyang katunggaling Partido ng Manggagawa (PM).
Malinaw na ang nasa likod ng kritisismo ng KMU, bagamat ilan dito ay balido, ay nakabatay sa sektaryanismo at pansariling interes na maagaw ang liderato ng PALEA. Ang layunin ng KMU ay patalsikin ng mga unyonista ang kanilang kasalukuyang liderato at palitan ng mga lider na membro ng KMU o kaya alyado nila.
Ang mayor na pagkakamali ng PALEA ay ang pangunahing pag-asa nito sa estado at legal na pakikibaka. Ang pahayag ng liderato ng PALEA noong Oktubre 2 ay nanindigan pa rin ito sa legalismo at repormismo:
PAL workers willing to return to ease disruptions
By Nancy C. Carvajal, Philip C. Tubeza
Philippine Daily Inquirer
3:21 am | Sunday, October 2nd, 2011
"We will go back to work while waiting for the Supreme Court to rule that outsourcing is illegal," Bong Palad, Palea secretary general, told the Philippine Daily Inquirer. "If the court declares otherwise, then we will abide by the law and comply with the third employee agreement." (amin ang pagdidiin).
...."PAL does not have to choose between saving the jobs of 2,600 Palea members and the remaining 5,000 employees since it is not in danger of bankruptcy," Rivera said.(amin ang pagdidiin).
Walang pag-alinlangang susundin ng PALEA ang desisyon ng Korte Suprema, ang isa sa pinakamatibay na haligi ng estadong kapitalismo sa bansa. Sa ikalawang sipi naman, malinaw na tatangapin pala ng unyon ang outsourcing kung nasa peligro ng pagkalugi ang PAL. Ang mga pahayag na ito ay taliwas sa rebolusyonaryong linya ng uring manggagawa sa buong mundo ngayon hinggil sa krisis ng kapitalismo: HINDI KAMI MAGSAKRIPISYO PARA ISALBA ANG KAPITALISMO MULA SA KANYANG KRISIS!
Ipokrito ang kritisismo ng KMU dahil legalista din ang linya nito.Binanatan nito ang Setyembre 27 welga ng PALEA dahil bulnerable na matanggal sa trabaho ang mga lumahok. Ang ibig sabihin dahil "iligal" ang welga. Giniit ng KMU na dapat sa Oktubre 1 ang welga. Kahit anong araw ilunsad ang epektibong welga tiyak ideklarang iligal ito ng gobyerno. Masahol pa, nais ng KMU na ipaalam muna sa "publiko" (management ng PAL at gobyerno) kung kailan iputok ang welga. Nalantad dito ang pananabotaheng taktika ng KMU sa usaping welga at ang legalista nitong pamamaraan: BAGO MAGWELGA ANG MANGGAGAWA TIYAKIN MUNA NITO NA NAKAHANDA ANG URING KAPITALISTA AT ESTADO!
Tuloy-tuloy at palawakin ang welga laban sa kontraktwalisasyon![3]
Parehong ayaw banggitin at nais itago ng KMU at PALEA na ang epektibong solusyon para malabanan ang kontraktwalisasyon ay suwayin ang anti-welgang mga batas ng estado sa pamamagitan ng panawagan at paghahanda para sa isang malawakang welga na lalahukan hindi lang ng mga manggagawa ng PAL. Ang KMU ay walang interes na maglunsad ng simpatiyang welga bilang suporta sa manggagawa ng PAL, ganun din ang Partido ng Manggagawa at iba pang mga sentrong unyon at pederasyon na nagpahayag ng "suporta" sa laban.
Bakit? Dahil kapwa takot ang KMU at PALEA na labagin ang anti-manggagawang batas ng estado.
Sa pamumuno ng PALEA, isang araw lang nangyari ang welga kung saan epektibong naparalisa nito ang operasyon ng kapitalista. Ang sumunod na mga pagkilos ay simpleng protesta na lang at wala ng epekto sa operasyon ng PAL, maliban sa puntong nasa adjustment stage ang PAL management sa pagpapakilos ng kanyang pumalit na contractual workers na wala pang kasanayan at kaalaman sa operasyon. Pero hindi rin ito magtatagal at maka-adjust din ang kapitalista laluna kung hindi totohanin ng PALEA na magwelga ulit. At pinakamasaklpa pa ay todo tanggi ang PALEA na ang inilunsad nila noong Setyembre 27 ay isang welga dahil takot ito sa kasong iligalidad ng welga.
Ang puna ng KMU sa PALEA ay pangunahing nakabatay na "makasuhan at matanggal ang mga manggagawa at may bagyo."
Kailan ba hindi risgo na makasuhan, mabilanggo, mawalan ng trabaho o mapatay ang mga manggagawang lumalaban sa pagsasamantala at pang-aapi ng uring kapitalista at gobyerno? Kailan ba ang welga hindi "nakakadisturbo" sa isang bahagi ng populasyon? Anong araw ba na hindi ideklara ng gobyerno na iligal ang isang epektibong welga? Ano naman ang kaugnayan ng bagyo sa welga? Dahil ba nakansela ang maraming flights sa panahon ng bagyo? Kahit walang welga kung may malakas na bagyo tiyak kanselado ang mga flights![4]
Ang tunggalian ng uri ay laging risgo para sa uring manggagawa, sa kanyang kabuhayan at buhay mismo dahil ang kalaban nito ay naghaharing uri at gobyerno. Ang epektibong welga ay laging "iligal" at "kriminal" para sa kapitalistang estado.
Dahil sa sektaryanismo at matinding adhikaing maagaw ang liderato ng PALEA ay hindi napansin ng KMU ang nagkabuhol-buhol niyang argumento at nalantad lamang ang kanyang repormismo at legalismo katulad ng kanyang katunggaling Partido ng Mangggwa.
May pag-asa bang manalo ang pakikibaka ng mga manggagawa ng PAL laban sa tanggalan at kontraktwalisasyon?
Sa kasalukuyang krisis ng pandaigdigang kapitalismo ang tanging epektibong paraan ng paglaban sa mga atake ng kapital ay malawakang welga na lalahukan ng mas maraming manggagawa sa iba't-ibang pabrika hindi lang sa pambansang saklaw kundi laluna sa pandaigdigang saklaw.
Kung makumbinsi ng mga manggagawa ng PAL ang ibang mga mangggagawa sa ibang mga pabrika na maglunsad ng mga simpatiyang welga laban sa kontraktwalisasyon malaki ang posibilidad na mapaatras nito ang plano ng uring kapitalista at estado. Kung maging isang tunay na pambansang kilusang manggagawa ang pakikibaka laban sa kontraktwalisasyon na yayanig sa pang-ekonomiya at pampulitikang pundasyon ng sistema malaki ang tsansang mag-alinlangan ang gobyerno at PAL management na tanggalin ang 2,600 regular na manggagawa at magkaroon ng postibong epekto sa pakikibaka laban sa polisiyang kontraktwalisasyon.
Sa kasalukuyan ay walang pinakitang interes ang liderato ng mga unyon na nagpahayag ng "suporta" sa laban ng mga manggagawa ng PAL, ito man ay hawak ng TUCP, KMU, PM, BMP o APL na maglunsad ng malawakang welga at suwayin ang anti-manggagawang batas ng gobyerno[5]. Kailangang hawakan mismo ng mga manggagawa ng PAL ang pagpapasya para maabot at makumbinsi ang ibang mga manggagawa at hindi aasa sa atas mula sa kanilang mga legalista at repormistang lider ng unyon.[6]
Kung walang mga simpatiyang welga, mangibabaw ang materyal na mga kondisyon ng repormismo at legalismo, na posibleng hahantong sa demoralisasyon at kabiguan.
Ang usapin ng "iligalidad" ng welga ay epektibong mahadlangan ng malawakang welga. May karanasan ang manggagawang Pilipino sa mga "iligal" pero malawakang welga noong panahon ng batas militar ng diktadurang Marcos. Mula din 2006 ay laganap ang mga "iligal" at malawakang welga sa iba't-ibang panig ng mundo laluna sa Spain, Greece, UK, France, at Middle East partikular sa Egypt.
Kailangan lamang muling balikan ng manggagawang Pilipino ang magiting na kasaysayan ng pakikibaka ng internasyunal na uring manggagawa para manumbalik ang tiwala at kumpyansa nito sa sariling pagkakaisa at lakas. Sa pagbabalik-aral sa karanasan ng uri mahalagang porma ng organisasyon ang mga asembliya at demokratikong talakayan na lalahukan ng mas maraming manggagawa kung saan sila mismo ang magpapatakbo.
Manggagawa ng buong mundo, magkaisa!
M3, Oktubre 4, 2011
[1] Kilusang Mayo Uno
[2] Philippine Airlines Employess Association
[3] Maari din ang kombinasyon ng mga pormang okupasyon na laganap ngayon sa buong mundo. Doon mismo sa mga piketline idaos ang mga okupasyon na lalahukan ng iba't-ibang naghihirap na sektor ng lipunan, at higit sa lahat gawin ang okupasyon bilang arena ng mga diskusyon at talakayan. Sa ganitong paraan inisyal na malagyan ng proletaryong tatak ang okupasyon at hindi maging simpleng multi-sektoral na repormistang pagtitipon.
[4]" KMU said PAL workers are in a better position to hold a strike today than they were last September 27, when they launched protest actions that paralyzed the flag carrier's operations."
...""The result: workers were denied a better position for holding a strike against the massive layoff and PAL's contractualization via outsourcing scheme. Workers who joined the protests were made vulnerable to retrenchment, non-payment of retirement benefits, and criminal charges - thereby spreading fear among other workers," he added."
...""To make matters worse, the Palea leadership decided to hold the protest without prior notice to the public and amidst a raging typhoon, thereby alienating the public whose support is crucial to the fight's success," Ustarez said."
(https://kilusangmayouno.org/news/2011/10/no-strike-amidst-illegal-lockou...)
[5] Kung sakaling mangyari ang simpatiyang welga sa pamumuno ng mga unyon mas malamang sa antas pamrpopaganda lamang ito - isang araw lang - gaya ng nakasanayan na na taktika ng kaliwa na "national day of protest". Sa pamumuno ng unyon titiyakin nito na hindi masyadong mayanig ang ekonomiya ng kapitalismo dahil dito rin nakasasalay ang buhay ng unyonismo.
[6] Sa karanasan ng mga kapatid na manggagawa sa Poland 1980-81 at Miners' strike sa Britanya noong kalagitnaan ng 1980s, nagkaroon ng mga delegasyon at flying pickets ang mga welgista upang puntahan at hikayatin ang ang ibang mga manggagawa sa ibang mga pabrika. Maaring magbuo din ng teams ang mga manggagawa ng PAL at sila mismo ang direktang mangumbinsi sa ibang mga manggagawa na dumaranas ng hirap ng kontraktwalisasyon.