Pinakita ng mga estudyante ang pangangailangan ng malawak na pagkakaisa sa pakikibaka

Bersyon na maaaring i-printSend by email

Pinakita ng mga kabataan-estudyante ang tanging
porma ng pakikibaka para maibagsak ang bulok na kapitalistang sistema –
malawakang pagkakaisa sa pakikibaka.

Nang mag-walk-out ang daan-daang mga estudyante sa
kani-kanilang mga eskwelahan sa Metro Manila para iprotesta ang
lingguhang pagtaas ng presyo ng langis, ito ay senyales na unti-unti ng
namulat ang mga kabataan sa mga nangyayari sa lipunan, partikular sa
walang puknat na atake ng kapital sa pamumuhay ng uring manggagawa.
Pinakita din nito ang pakikiisa nila sa kanilang uri sa hinaharap – ang
uring manggagawa.

Nauna na itong pinakita ng mga estudyanteng Pranses
noong 2006 ng maglunsad sila ng malawakang mga pambansang pagkilos at
welga upang labanan ang CPE (Contrat Première Embauche), isang tipo ng
kontraktwalisasyon para sa kabataang manggagawa ng gobyernong Villepin.

Gayong sa usapin ng makauring oryentasyon at lawak
ng partsipasyon ay malayung-malayo pa ang pakikibaka ng mga estudyanteng
Pilipino kumpara sa pakikibaka ng mga estudyanteng Pranses, makikita
naman natin ang diwa ng paghahanap ng malawakang pagkakaisa at pagdadala
sa makauring kahilingan ng uri nila sa hinaharap.

Ang diwang ito ay ang pagkakaisa ng mga estudyante
sa iba’t-ibang kolehiyo at unibersidad para sa iisang pakikibaka –
tutulan ang pagtaas ng presyo ng langis at para itaas ang sahod ng mga
manggagawa.

Narito ang aral na dapat muling panghawakan ng mga
Pilipinong manggagawa (na ginagawa na nila noong mga dekada 70 at 80) –
ang malawakang pagkakaisa ng mga manggagawa sa iba’t-ibang pabrika para
sa iisang laban.

Pakikibaka ng estudyante: Hindi sapat

Hindi ang kilusang estudyante ang makapagbabago ng
lipunan. Maraming beses na itong napatunayan ng kasaysayan. Hindi sila
maaring manguna o kaya ay maging mapagpasyang pwersa para sa pagbabagong
panlipunan. Subalit hindi rin sila simpleng kilusang pampropaganda
lamang. Ang malaking bilang ng masang estudyante ay bahagi ng uring
manggagawa – sila mismo ay nagtatrabaho na habang nag-aaral pa o kaya ay
ang mga magulang nila ay mga manggagawa.

Ang uring manggagawa ang may angking lakas at
kapangyarihan upang baguhin ang bulok na kapitalistang lipunan. Ang
uring ito lamang ay may angking lakas upang pigilan ang sunod-sunod na
atake ng uring kapitalista at ng estado nito.

Sa abanteng kapitalistang mga bansa, pinangunahan ng
uring manggagawa ang mga pakikibaka laban sa tumitinding krisis ng
pandaigdigang kapitalismo. Pero hindi lamang sa mga abanteng bansa
nangyayari ito; maging sa mga atrasadong bansa tulad ng Bangladesh ay
malawakang nagwelga ang mga manggagawa para ipagtanggol ang kanilang
pamumuhay at trabaho.

Pagkakaisa ng masang estudytante sa kanilang
kauri at mga magulang na manggagawa

Para magkaroon ng tunay na lakas ang
kabataan-estudyante kailangang makipagkaisa ito sa kanilang mga magulang
na manggagawa. Magkaroon lamang ng makapangyarihang lakas ang mga
kilusang protesta laban sa atake ng estado at ng naaagnas na sistema
kung magkaroon ng malawakang nagkakaisang pagkilos ang mga manggagawa sa
iba’t-ibang pabrika. Ang tunay na kinatatakutan ng kapitalistang estado
ay kung lalabas sa kalsada ang libu-libong manggagawa mula sa
iba’t-ibang pabrika at iba’t-ibang lugar ng bansa para labanan ang atake
ng kapital.

Isang malaking ambag ng kilusang estudyante kung
magkaroon sila ng isang malawak na kilusan para puntahan sa mga pabrika,
kausapin at kumbinsihin ang kanilang mga magulang na manggagawa na
ipakita ang lakas ng pagkakaisa nito sa lansangan laban sa pamahalaan at
sa krisis ng kapitalismo.

Ang paglulunsad ng mga diskusyon sa loob at labas ng
pabrika na dadaluhan ng mga estudyante at manggagawa ay magandang
simula para sa isang malawakang pagkilos na pangunahan ng uring
manggagawa. Gamit ang makapangyarihang sandata ng uri – welga –
temporaryong nitong mapigilan ang mga atake ng kapital. At gamit ang
sandatang ito, maaring ituloy-tuloy ito ng uri hanggang maibagsak ang
burges na estado.

Mga asembliya: Organisasyon sa pakikibaka

Sa pamamagitan ng mga asembliya ng mga estudyante sa
Pransya ay napalakas nila ang kanilang pagkakaisa. Sa mga asembliya
nag-uusap, nagdiskusyon at nagdesisyon sila para sa pakikibaka. Sa
kanilang mga asembliya ay dumalo ang mga manggagawa. At sa mga asembliya
din ng mga manggagawa ay dumalo ang mga estudyante.

Hindi ang mga unyon ng manggagawa o “pangmasang”
organisasyon ng mga estudyante na hawak ng Kanan at Kaliwa ng burgesya
ang organo ng pakikibaka kundi ang awtonomos na mga asembliya ng lahat
ng estudyante at manggagawa. Ito lamang ang tanging organisasyon para
ma-realisa at titibay ang malawak na makauring pagkakaisa at pakikibaka.

Ang mga asembliya ng estudyante ang tunay na
ekspresyon ng pagkakaisa at malawakang partisipasyon sa kilusang
protesta ng masang estudyante mismo. Ito din ang porma ng organisasyon
sa pakikibaka ng uring manggagawa. Napatunayan na sa kasaysayan at
karanasan magmula noong 1905 na ang mga asembliya ang ekspresyon ng
pagkakaisa at tiwala ng uri sa kanilang sariling lakas. 

Mapagmatyag sa pananabotahe ng iba’t-ibang
paksyon ng burgesya

Dapat maging mapagmatyag ang mga estudyante sa mga
maniobra ng iba’t-ibang paksyon ng burgesya para pahinain ang pagkakaisa
at ihiwalay ito sa kilusang manggagawa sa layuning ilihis ang
pakikibaka palayo sa pagdurog sa kapitalistang estado.

Ang nais ng uring kapitalista ay mapako lamang ang
pakikibaka sa usapin ng anti-Gloria at pro-Gloria at maitago na ang
sistema mismo ang dapat wasakin. Iwasan dapat ng mga estudyante na ang
usapin sa krisis ng kapitalismo ay iikot lamang sa usaping pro-GMA at
anti-GMA dahil ang katotohanan ay administrasyon man o burges na
oposisyon, Kanan o Kaliwa man ng burgesya ay walang kapasidad na bigyang
solusyon ang krisis ngayon. Katunayan, komon ang interes ng lahat ng
mga paksyon ng naghaharing uri (oposisyon at administarsyon) na
ipagtanggol ang naghihingalong pambansang kapitalismo. Ang rehimen ni
Hugo Chavez sa Venezuela (ang pinakasikat at pinaka-popular na
representante ng Kaliwa sa Central at Latin America) ang magandang
halimbawa sa kainutilan ng Kaliwa na resolbahin ang krisis ng pambansang
kapitalismo sa Venezuela na bunga ng pandaigdigang krisis ng sistema. 

Pinakamsahol pa ay kung gagamitin lamang ng Kaliwa
at burges na oposisyon ang mga protesta ng kabataan-estudyante para
lamang sa SONA ni Gloria ngayong Hulyo 28. At pagkatapos ng SONA ay
balik na naman sa “normal” ang mga kolehiyo at unibersidad pati na ang
mga pabrika. Ang ganitong iskema ng mga pagkilos sa pamumuno ng Kaliwa
ay nagpakita lamang sa banggardismo nito at sa pagtingin na ang kilusang
masa ay magiging militante lamang sa ilalim ng iskemado at sekretong
plano ng mga lider ng Kaliwa at burges na oposisyon. 

Ang burges na estado mismo at ang lahat ng paksyon
ng burgesya ang kailangang maging target ng pakikibaka at hindi lamang
ang naghaharing paksyong Arroyo. Ang pakikibaka sa pagtaas ng sahod ay
makakamit lamang sa pamamagitan ng malawakang pagkakaisa ng mga
manggagawa sa iba’t-ibang pabrika at malawakang pakikibaka sa lansangan
laluna ang pangmasang welga. Ganun pa man, sa ilalim ng kapitalismo ang
sahod ay mabilis na bumababa kaysa tumataas dahil sa panahon ng
paghihingalo ng sistema, ang uring manggagawa ang aapakan ng kapital
para makasinghap ng kakaunting hangin. Kaya, para maiwasan ang
repormistang direksyon sa pakikibaka, dapat lalawak ang pakikibaka at
itaas ito hanggang sa usapin ng pag-agaw sa kapangyarihang pampulitika
ng uring manggagawa mismo sa pamamagitan ng kanilang mga asembliya at
konseho. 

Ang kilusang estudyante at manggagawa ay kailangang
magtulungan subalit dapat hiwalay at independyente sa anumang paksyon ng
burgesya. Dahil sa panahon na mabuslo ito sa taktika ng Kaliwa na
pakikipag-isang prente sa isang paksyon ng naghaharing uri, ito man ay
transitional government o coalition government, ang pakikibaka ay tiyak
na mauuwi sa muling paghawak ng isang paksyon ng naghaharing uri sa
kapangyarihan gaya ng nangyari noong 1986 at 2001. Kung lalakas at
lalawak ang pagkilos ng mga manggagawa sa lansangan, hindi
mag-aalinlangan ang burgesya na palitan ang paksyong Arroyo ng isang
“popular” na paksyon para mabuhusan ng tubig ang militansya ng uri at
mapreserba ang bulok na sistema.  

Dapat mapagmatyag ang mga estudyante sa mga
organisasyon ng Kanan at Kaliwa na walang interes kundi kontrolin ang
kilusan para sa kani-kanilang mga layunin na walang iba kundi
ipagtanggol ang pambansang kapitalismo at itali lamang ang usapin sa
paksyunal na labanan ng naghaharing uri.

Hindi solusyon ang pagkonsolida sa pambansang
kapitalismo dahil sa panahon ngayon na nasa permanenteng krisis ang
pandaigdigang sistema, imposible ng “uunlad” pa ang anumang pambansang
kapital na hindi maghihirap ang uring anakpawis. At dahil dito, ito ay
hindi tunay na kaunlaran kundi lalupang paglala ng krisis ng
pandaigdigang kapitalismo. Hindi rin makapagpalakas sa militanteng
kilusang manggagawa ang pakikipag-alyansa (direkta man o indirekta) sa
isang paksyon ng naghaharing uri; bagkus ay hihina pa ang kilusan dahil
dito.

Ang lumalakas na interbensyon ng kapitalistang
estado para subukang isalba ang krisis ng pambansang kapitalismo
(“subsidyo sa mahihirap”, pakikialam ng Bangko Sentral sa krisis sa
pinansya, pagtatangkang kunin ng estado ang MERALCO at maging ang
Sulpicio Lines, at iba pang hakbangin para maipakita na tanging estado
na lang ang tanging masandalan laban sa krisis) ay lalupang lilikha ng
panibagong krisis at kahirapan dahil ang estado mismo ay lubog sa utang
at umaasa lamang sa buhis na pinipiga nito sa naghihirap na mamamayan.
Hindi na rin makaasa ang estado sa Pilipinas na tutulungan ng
imperyalistang USA dahil sa kanila mismo nagsimula ang mitsa ng
panibagong pandaigdigang krisis ngayon.

Ang ibang mga karibal na imperyalistang bansa ng
Amerika gaya ng China, Japan at European Union ay hindi rin maaring
asahan ng Pilipinas dahil ang mga ito mismo ay malubhang apektado sa
krisis ng Amerika. Kaya ang pangunahing “solusyon” ng kapitalistang
estado sa Pilipinas ay lalupang pigain sa pagsasamantala ang Pilipinong
masang anakpawis. 

Ang tanging solusyon ay durugin ang kapitalismo at
ang burges na estado sa pamamagitan ng isang rebolusyon ng mga
manggagawa sa buong mundo dahil wala ng magandang kinabukasan pa ang mga
kabataan sa ilalim ng kapitalistang sistema hawak man ng Kanan o Kaliwa
ng burgesya ang gobyerno.

Ang tanging layunin ng pakikibaka ngayon ay ibagsak
ang kapitalismo at hindi repormahin ito. Ang kagyat na layunin sa
pakikibaka ay mapalawak ito sa iba’t-ibang pabrika at panig ng
Pilipinas. Sa ganitong paraan lamang muling makasabay ang manggagawang
Pilipino sa lumalakas na kilusang manggagawa ngayon sa buong mundo.

Kung matali ang mga protesta ng kabataan-estudyante
sa isang sektoral na kilusan (mga protesta na “purong” estudyante o
“suportahan” lamang ng uring manggagawa o sa ilalim ng isang
multi-sektoral na kilusan dala-dala ang mga repormistang kahilingan)
malaki ang posibilidad na mauuwi lamang ito sa panandalian at kagyat na
aktibismo na ang bunga ay hindi makatulong para manumbalik mismo ang
militansya at pagkakaisa ng uring manggagawa gaya noong 1970s at maagang
bahagi ng 1980s.