MAOISMO: IDEOLOHIYA NG DESPERADONG PETI-BURGES

Bersyon na maaaring i-printSend by email

Ilang beses na naming sinagot batay sa marxistang
paraan at laman ang mga pang-iinsulto at walang laman na pang-aatake ng
mga maoista sa aming blog. Malinaw ito sa mga marxistang mambabasa at
maging sa mga nag-aaral ng marxismo.

Sa kabila ng pang-iinsulto at peti-burges na tipo
ng pakikipagdebate ng mga maoista ay binigyang-laya naming sila na
maka-post sa blog namin sa kadahilanan na isa sa mga prinsipyo namin ay
ang praternal na diskusyon at pakikipagdebate para sa teoretikal na
kalinawan. Ibig sabihin, ang blog namin ay hindi lamang para sa mga
katulad naming ang paninindigan o sa mga sumusuporta sa amin kundi para
sa lahat ng mga elementong nagnanais ng panlipunang pagbabago. Ganun pa
man, nakiusap kami sa mga nais mag-post sa aming blog na huwag tularan
ang peti-burges na pakikipagdiskusyon ng mga maoista. 

Sa kabila ng katotohanan na ang maoismo (at
Maoism-thirdworldism) ay napatunayan na sa kasaysayan (sa teorya at
praktika) na hindi kabilang sa kampo ng marxismo kundi nasa kampo ng
Kaliwa ng kapital, marami pa rin sa mga kabataan laluna ang galing sa
peti-burges na uri ang naniniwala dito dahil sa kanyang nakabibighaning
“nasyunalismo”, “pagmamahal sa bayan” at sa kanyang sagad-saring
pagkamuhi sa bansang Estados Unidos.

Sa anong kondisyon lumitaw ang maoismo?

Ang maoismo ay lumitaw bilang “rurok” ng
“marxismo-leninismo” ng kumalas ang China mula sa kontrol ng
imperyalista at Stalinistang USSR noong 1960s. Itinulak ang bangayan na
ito ng panibagong pagputok ng krisis ng pandaigdigang kapitalismo
matapos ang post-WW 2 reconstruction boom. 

Dahil sa panibagong pandaigdigang krisis na sinagot
ng pandaigdigang malawakang kilusang welga ng mga manggagawa sa buong
mundo sa sinimulan sa Pransya noong 1968, nagkukumahog ang bawat
kapitalistang mga bansa na maghanap ng solusyon sa krisis – patindihin
ang mga digmaan sa ngalan ng nasyunalismo at kompetisyon sa mas
kumikipot na pandaigdigang pamilihan.

Dahil ang imperyalistang USSR ay kailangang
patindihin ang kontrol at pagsasamantala sa kanyang mga tutang rehimen
sa Eastern Europe at sa China, pumalag ang China at maging ang
Yugoslavia sa ilalim ni Tito. Pero mas determinado ang China sa ilalim
ni Mao dahil sa mas matindi ang kahayukan nito na maging imperyalistang
bansa din.

Ito ang katangian ngayon ng lahat ng mga bansa sa
panahon ng dekadenteng kapitalismo magmula 1914: lahat ng mga bansa
(maliit o malaki, mahina o malakas, atrsado o abante) ay may tendensya
at katangiang imperyalista. Lahat sila ay nagnanais na makontrol o
maungusan ang ibang mga bansa para isalba ang kani-kanilang pambansang
kapital sa rumaragasang permanenteng krisis ng sistema. Ang imperyalismo
ay hindi lamang polisiya ng isa o ilang mga bansa; ito ay polisiya ng
lahat ng mga kapitalistang bansa.

At nakahanap nga ang China ng paraan: gawing
“unibersal” na teorya ang digmaang bayan kung saan ang linyang militar
na ginamit ni Mao sa panahon ng digmaang Tsino-Hapon sa WW 2 ay ginawang
“prinsipyo” at “pandaigdigang estratehiya” ng “marxismo-leninismo sa
panahon ng imperyalismo”.

Kaya mula sa isang simpleng estratehiyang militar,
ang estratehiyang “sakupin ang kalungsuran mula sa kanayunan” ay naging
“teorya ng ikatlong daigdig” na pinangunahan ni Lin Biao, ang isa sa mga
ultra-kaliwa na disipulo ni Mao. Ang linya ng “teorya ng ikatlong
daigdig” ay: durugin ang unang daigdig mula sa ikatlong daigdig. Ibig
sabihin, paalon-alon na mag-alsa ang mga “mamamayan ng ikatlong daigdig
laban sa imperyalismo” sa pamamagitan ng mga “digmaan ng pambansang
pagpapalaya”.

Nasyunalismo ang “shabu” ng mga maoista na binibigay
sa uring manggagawa at mahihirap na mamamayan sa ikatlong daigdig.
Ganito ka desperado ang mga peti-burges na naiipit sa krisis ng
kapitalismo.

Maoism-Thirdwordism: rurok ng desperasyon ng mga
maoista

Ng bumagsak ang imperyalistang USSR at pumasok sa
yugto ng pagkaagnas ang pandaigdigang dekadenteng kapitalismo, ganap ng
bumagsak ang ideolohiyang nasyunalismo at ang akit ng digmaan sa
pambansang pagpapalaya.

Ang desperadong mga elementong maoista ay naghahanap
na naman ng “bagong” teorya ng maoismo para muling moldehin ang
kanilang bangkarotang ideolohiya. At eureka! nakita nga nila: wala ng
uring manggagawa sa 1st world maliban sa mga immigrants galing sa 3rd
world. Ang mga manggagawa diumano sa malalaking imperyalistang mga bansa
ay naging burgesya na at kaaway na ng mga manggagawa sa 3rd world!

Ito ang rurok na naabot ng kahibangan (na
pinagmayabang nilang “syensa”) ng mga maoista na kumakapit ngayon sa
ideolohiyang Maoism-thirdworldism. Sa totoo lang, di naman sila ang
orihinal ng pananaw na ito ng thirdworldism kundi si Professor Marcuse,
isang burges na guro noong 1960s na nagsasabing nasanib na ang uring
manggagawa sa burgesya kaya ang pag-asa ng rebolusyon ay nasa mga
mamamayan na ng 3rd world.  

Ni katiting na hibo, ang maoismo ay hindi nakabatay
sa makauring tunggalian at sa marxismo kundi sa burges na nasyunalismo.
Ang nasyunalismo ng malalaking imperyalistang mga bansa ay tinumbasan
lamang ng nasyunalismo ng malilit na mga bansa.

Paano ba ito isinakongkreto ng mga maoista?

Una, kinilala nilang alyado o kaibigan ang lahat ng
mga bansa at grupo na lumalaban sa USA. Hindi nakabatay sa makauring
paninindigan, alyado at kaibigan ng mga maoista ang mga pambansang
burgesya at “maliliit” na imperyalista na anti-US. Kaya nga dapat
hamunin ang mga maoista sa Pilipinas kung ano ang paninindigan nila sa
imperyalistang Iran at Jordan, sa mga tuta nitong Iraqi resistance,
Hizbollah at Hamas; ano ang paninindigan ng maoismo sa anti-US na si
Saddam Hussien (na binitay na ng US); ano ang paninindigan nila sa
grupong Al-Qaeda ni Osama Bin Laden at maging sa ginagawa ngayon ng
North Korea. 

Hindi usapin ng uri at makauring paninindigan, kahit
sino at kahit anong grupo basta laban sa Amerika, para sa maoismo sila
ay alyado at kaibigan ng “rebolusyon”.

Pangalawa, kaaway ng mga maoista ang mga manggagawa
sa 1st world dahil hindi nila ito kinikilala na kabilang sa uri. Kaya
hinihikayat nila ang mga manggagawa sa 3rd world kabilang na ang
immigrant workers na hindi kilalaning kapatid sa uri ang mga manggagawa
sa 1st world kundi kaaway! Ang marxistang paninindigan na “Manggagawa sa
buong mundo, Magkaisa!” ay pinalitan nila ng isang
kontra-rebolusyonaryo at mapanghating panawagan: manggagawa sa ikatlong
daigdig, labanan ang mga manggagawa sa unang daigdig!

Ito ang malinaw na halimbawa kung paanong ang
maoismo ay anti-marxismo at kontra-rebolusyonaryo. Itutulak lamang ng
maoismo sa pagkatalo ang komunistang rebolusyon ng mga manggagawa sa
buong daigdig!

Ang maoismo at ang Ultra-kanan na mga peti-burges sa
Kanluran at Gitnang Silangan

Dahil hindi nakabatay sa marxismo at makauring
tunggalian, walang kaibahan ang maoismo sa mga ultra-kanan na
organisasyon sa Kanluran at Gitnang Silangan.

Para sa mga panatikong islamista sa Gitnang
Silangan, lahat ng mga Amerikano ay kaaway. Lahat ng mga Amerikano ay
nagsasamantala sa yaman ng Gitnang Silangan kaya naghihirap ang mga
mamamayan doon. Ang labis na pagkamuhi sa mga Amerikano ay kabaliktaran
naman ang pananaw sa mga kapitalistang muslim. Para sa mga panatikong
islamista, kasama sa pakikibaka ang mga kapitalistang muslim! Ganito din
ang linya ng panatiko at bandidong Abu Sayyaf at maging ng MILF at
MNLF.

May pagkakaiba ba ito sa praktika ng mga maoista?
WALA. Habang nanggalaiti sila sa galit sa mga manggagawa sa Kanluran,
abalang-abala naman sila sa pakikipag-alyado sa burges na oposisyon sa
3rd world. Habang kaaway ang turing nila sa mga kapatid na manggagawa sa
1st world kaibigan naman nila ang isang paksyon ng burgesya na malinaw
na nagsasamantala sa mga manggagawa sa kani-kanilang mga bansa! Ito ang
mukha ng maoismo!

Ano ba ang kaibahan ng pananaw ng mga maoista sa
ultra-kanan sa Kanluran. WALA at magkatulad pa nga ang layunin – hatiin
at pag-awayin ang mga manggagawa sa 3rd at 1st worlds — subalit nasa
magkabilang dulo lamang. Habang ang mga maoista ay nagtatanim ng galit
sa mga manggagawa sa 3rd world laban sa kanilang mga kapatid sa 1st
world, ang mga ultra-kanan naman sa Kanluran ay nagtatanim ng galit sa
mga manggagawa sa 1st world laban sa mga kapatid nito sa 3rd world.

Kung ang linya ng mga maoista ay kakutsaba ang mga
manggagawa sa 1st world sa kani-kanilang mga imperyalistang bansa sa
pagsasamantala sa 3rd world, ang linya naman ng ultra-kanan sa Kanluran
ay ang mga immigrant workers mula sa 3rd world ang dahilan kung bakit
walang trabaho at naghihirap ang mga manggagawa sa 1st world. 

Ang hindi alam ng mga peti-burges na ito ay ang
uring manggagawa sa buong mundo ay mga immigrants. Ang uring manggagawa
ayon sa kanilang kasaysayan ay galing sa uring magsasaka na pinahirapan
ng pyudalismo at pumunta sa kalungsuran upang alipinin ng mga
kapitalista. Malaking mayorya ng mga manggagawa sa 1st world kung
baybayin ang kanilang kasaysayan mula 1600s ay galing sa iba’t-ibang mga
bansa na kontrolado ng bumabagsak na pyudal na sistema. Ang mga ninuno
ng mga manggagawa ngayon sa 1st world ay mga immigrants!

Ignorante ang mga maoista sa batas ng kapitalismo
kung saan ang uring manggagawa, saang bansa man siya ay
pinagsamantalahan ng kapital sa pamamagitan ng pagkuha ng labis na
halaga mula sa kanyang lakas-paggawa. Ito ang kalagayan ng lahat ng mga
manggagawa sa 3rd world o 1st world man. Lahat ng manggagawa sa buong
mundo ay pinahirapan, inaapi at pinagsasamantalahan ng uring kapitalista
– lokal man o dayuhan. Kaya pare-pareha ang isyu at problema ng mga
manggagawa, iisa lamang ang kanilang kaaway saang bansa man siya
nakatira – ang kapitalismo.

Subalit bulag na ang mga maoista sa pag-aaral ng
kasaysayan at pagkawing nito sa kasalukuyan. Ganun din ang ultra-kanan
sa Kanluran. Ayaw man direktang tanggapin ng mga maoist-thirdworldist,
katulad sila ng ultra-kanan: naghahasik ng racism at panghahati sa uring
manggagawa.

Dahil sa baluktot at kontra-rebolusyonaryong
katangian ng maoismo, standing ovation ang palakpak nito sa bawat
Amerikanong namamatay sa suicide bombings ng mga panatikong islamista
habang hindi man lang natin nababasa sa kanilang mga pahayag ang pagpuri
sa mga welga ng mga manggagawa sa Kanluran para ipagtanggol ang
kanilang kabuhayan.

Tanging ang mga desperadong peti-burges na lamang
ngayon na labis ang pagkamuhi sa imperyalismo (na baluktot ang
pagkaunawa nito) pero hindi sa kapitalismo ang yayakap pa sa maoismo.