Walang malayang bansa sa panahon ng dekadenteng kapitalismo

Bersyon na maaaring i-printSend by email

Nanawagan ang
rehimeng Arroyo na ipagdiwang ang anibersaryo ng araw ng “kalayaan”
ngayong Hunyo 12 habang tinuligsa naman ito ng Kaliwang paksyon ng
burgesya dahil hanggang ngayon “hindi malaya” ang Pilipinas mula sa
kontrol ng mga dayuhan partikular ng imperyalistang Amerika.

Magkatunggali
man ang dalawang paksyon ng burgesya sa Pilipinas sa usapin kung malaya
o hindi ang bansa, nagkakaisa naman sila na posible pang lalaya ang
isang bansa sa panahon ng imperyalismo. Katunayan, ayon sa Kaliwa, ito
ang “sentral na usapin sa anti-imperyalistang pakikibaka”.

Nagmula
sa baluktot at kontra-rebolusyonaryong pag-unawa sa katangian ng
imperyalismo kaya walang pag-aalinlangan ang iba’t-ibang grupo ng Kaliwa
na suportahan ang lahat ng mga kilusan na lumalaban sa imperyalistang
Amerika sa kabila ng katotohanan na ang mga kilusang ito (gaya ng Hamas,
Hizbollah at Iraqi Resistance) ay suportado din ng ibang mga
imperyalistang kapangyarihan na karibal ng Estados Unidos gaya ng Iran,
Syria, China, Venezuela at Cuba. Ang ilan sa Kaliwa ay naniniwala pa nga
na isang “rebolusyonaryo” at “progresibo” ang panatiko at
pundamentalistang grupo ni Bin Laden dahil ito ay sagad-saring
anti-Amerika!

Habang
ang nagharing paksyon ay nagsasabing nakamit na ng bansa ang kalayaan
noong 1946 ang kabilang paksyon naman ay nagsasabing hindi pa malaya ang
Pilipinas hanggang ngayon kaya patuloy itong naghihirap at atrasado.

Pambansang
kalayaan: Panawagan ng burgesya laban sa pyudalismo

Batay
sa makauring pagsusuri, ang pambansang kasarinlan ay kahilingan ng
burgesya para wasakin ang pyudal na kaayusan. Kailangan ng uring
kapitalista para sa kanyang pampulitikang paghari ang isang depinidong
teritoryo na paghati-hatian nila sa pandaigdigang saklaw. Mahalaga ito
para sa malayang kalakalan at kompetisyon ng bawat paksyon ng burgesya.

Kaya
sa 18 at 19 siglo, ang makabayang adhikain ay pinangunahan ng bagong
sibol na uring mapagsamantala na nagdadala ng bago at progresibong moda
ng produksyon – kapitalismo. Ang panawagang pagtatayo ng bansa sa mga
siglong nabanggit ang buod para makabig ng burgesya ang iba pang mga uri
gaya ng magsasaka at peti-burgesya laban sa pyudalismo. Sa ilalim ng
mga islogang “pagkapantay-pantay, kapatiran at kalayaan” nagtagumpay ang
mga burges na rebolusyon noon.

Dahil
progresibo at nasa pasulong na yugto pa ang kapitalismo sa 18 at 19
siglo, naging pampabilis ng pag-unlad ng produktibong mga pwersa ang
pagtatayo ng mga bansa gaya ng Amerika at Alemanya. Sa madaling sabi,
ang makabayang adhikain noon ay progresibo para sa pagsulong ng lipunan.
Kaya sinusuportahan ito ng uring proletaryado sa kabila ng katotohanan
na hindi ito ang kanilang makauri at istorikal na interes.

Sa
pagpasok ng 20 siglo kung saan ganap ng nasakop ng kapitalismo ang
buong daigdig at nabuo at nasagad na ang pandaigdigang pamilihan,
nagbago na ang katangian ng kapitalismo: umabot na ito sa rurok ng
kanyang pag-unlad bilang moda ng produksyon at nasa bukang-liwayway na
ng kanyang pagbulusok-pababa. Hindi na progresibo ang kapital kundi
ganap ng naging reaksyonaryo at bangkarota na. Ibayong kahirapan at
pagkasira ng mundo ang tanging maibibigay nito.

Sa
dekadenteng kapitalismo: “Pambansang kalayaan” ilusyon na lang at
kontra-rebolusyonaryo ang katangian

Sa
kasalukuyang panahon ng permanenteng krisis ng pandaigdigang
kapitalismo kung saan ganap ng nagapos sa kapitalistang relasyon ang
lahat ng mga bansa, ang usapin ng “malayang” bansa ay isa na lang
ilusyon at ginawang instrumento ng naghaharing uri para panatilihing
buhay ang naaagnas na sistema. Sa ngalan ng nasyunalismo at pagtatanggol
sa inangbayan nangyari ang karumal-dumal na mga digmaan na pumapatay ng
daang milyong mamamayan.


Sa
panahon ng dekadenteng kapitalismo — kung saan ang pananatili ng isang
bansa ay nakasandig sa kanyang pagsasamantala sa ibang mga bansa; sa
ilalim ng tumitinding kompetisyon sa ilalim ng sagad na pandaigdigang
pamilihan, ang mahihina ay aapakan ng malalakas, ang mahihina ay
kokontrolin ng mas makapangyarihan, at higit sa lahat, ang bawat
pambansang kapital ay nagpapaligsahan na maungusan ang mga karibal nito
sa kompetisyon sa pandaigdigang pamilihan – isang panlilinlang ang
malayang bansa at pagkapantay-pantay ng mga bansa.


Subalit
dahil hindi syentipiko at marxista ang paninindigan ng Kaliwa laluna ng
mga maoista, naniniwala ito na kung “mapalaya” ang Pilipinas sa mga
kuko ng imperyalistang Kano, uunlad ang pambansang kapital ng bansa at
matutupad ang pangarap ng burgesyang Pilipino na “this nation can be
great again!
”.


Ang
aktwal na resulta ng kasaysayan ng “napalayang” mga bansa magmula 1914
ang patunay na isang panlilinlang at bitag ang usapin ng pambansang
kalayaan dahil ang mga bansang ito ay naging tuta o sunud-sunuran din sa
mas makapangyarihang imperyalista na karibal ng pinatalsik nila sa
kanilang mga bansa. Halimbawa nito: Pinatalsik ng China ang
imperyalistang Amerika sa 1949 subalit hinawakan naman sila ng
imperyalistang USSR; kumawala ito sa pangil ng USSR subalit bumalik din
sa kandungan ng Amerika sa 1970s. Ngayon, isang nag-aambisyong
imperyalistang kapangyarihan na ang China. Pinatalsik ng Vietnam ang mga
Kano noong 1975 subalit magmula dekada 1990 bumalik ulit ito sa
“mapagkaibigang” relasyon sa Amerika. Isang anti-imperyalistang Kano ang
bansang Venezuela sa ilalim ni Hugo Chavez pero kumukuha ito ng
“pampulitikang gabay” sa Cuba at nagsisikap makontrol ang buong Central
at Latin America kakutsaba ito.


Ang
pinakahuling modelo ng “tagumpay” ng pambansang pagpapalaya ay ang
Nepal na kontrolado na ngayon ng mga maoista at naibagsak na nila ang
pagharing monarkiya. Subalit lingid sa kaalaman ng marami, nakasandal
ang mahinang Nepal sa malakas na imperyalistang China. Ginamit ng huli
ang una laban sa kanyang karibal na imperyalistang India. Hindi tiyak
kung hanggang kalian manatili sa kapangyarihan ng paksyon ng mga
maoista. Pero ang tiyak, hindi uunlad ang Nepal bilang bansa sa ilalim
ng dekadenteng kapitalistang kaayusan. Hindi maglalaho sa Nepal ang
pagsasamantala, bagkus lalo pa itong lalala.


Ang
“pambansang kilusan” at nasyunalismo ngayon ay hindi na laban sa pyudal
na kaayusan dahil sa kataposan ng 19 siglo ay nawasak na sa
pangkalahatan ang pyudal na paghari. Sa halip, ang mga ito ay
pananggalang ng isang paksyon ng burgesya para makabig nito ang buong
populasyon laban sa karibal na paksyon kung saan ang kanilang
kompetisyon ay umabot na sa kompetisyon at labanang militar at digmaan.


Hindi
makaligtas ang Pilipinas sa istorikal na batas ng dekadenteng
kapitalismo. Matapos mapatalsik ang imperyalistang Kano, tiyak mamimili
na lang ang burgesyang Pilipino kung alin sa mga karibal na
imperyalistang kapangyarihan magpatuta ito – China? Russia? Germany?


Tanging
ang proletryong rebolusyon lamang ang daan papunta sa tunay na
pag-unlad hindi ng bansa kundi ng lipunan mismo; hindi ng isang uri
lamang kundi ng buong sangkatauhan sa isang komunistang lipunan na
walang mga uri.


Sa
ngayon, ang “pakikibaka para sa pambansang kalayaan” at ang
pag-iilusyon na may kalayaan sa ilalim ng kapitalistang kaayusan ay mga
hadlang para sa pagsulong ng isang pandaigdigang kilusan para sa isang
tunay na malayang sangkatauhan at lipunan.


Hindi
“pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya” ang nagdadala ng
makauring interes ng uring manggagawa o kahit man lang daan papunta
doon kundi ang internasyunal na rebolusyon ng proletaryado para sa
komunismo.


Ang
tunay na anti-imperyalistang linya ay ang linya laban sa kapitalismo
(lokal man o dayuhan, pambansang kapitalista man o dayuhan ). Ang
linyang ito ay komunistang rebolusyon wala ng iba pa.