1. Ano ang Komunismo?

Imposibleng masagot ang tanong na ito ng tumpak. Unang-unang na, ang panggigipit ng burges na ideolohiya ang nagpahirap na obhetibong isalarawan ang lipunan sa hinaharap. Ang layunin ng burges na ideolohiya ay ipakita na walang hanggan ang kapitalismo. Tinagpas-tagpas at sinira ng presyur ng burges na ideolohiya ang lahat ng pagsisikap na isalarawan ang komunismo at proletaryong rebolusyon.

Kaya para sa maraming manggagawa ang komunismo ay ang ‘paraiso' ng kapitalismo ng estado at militarisasyon sa paggawa na nakikita sa Rusya, Tsina, Cuba, at iba pang diumano ‘sosyalistang' mga bansa. Subalit dagdag pa, ang katangian mismo ng komunismo ang dahilan kung bakit imposible ang ditalyado o tumpak na deskripsyon.

"Katunayan, para sa amin ang komunismo ay hindi isang KALAGAYAN NG MGA BAGAY na itatayo, isang IDEYAL kung saan aangkop ang realidad mismo. Tinatawag namin ang komunismo na isang TUNAY na kilusan na wawasak sa kasalukuyang kalagayan ng mga bagay." (Marx; German Ideology)

Ano ang ibig sabihin nito? Simple itong nagkahulugan na ang komunistang lipunan ay hindi abstraktong layunin na iniluwal mula sa imahinasyon ng iilang ‘mulat' na tao. Hindi ito abstraktong ‘perpektong' ideyal. Kabaliktaran sa pananaw ni Hegel (pilosopong Aleman sa maagang bahagi ng 19 siglo na pinagbatayan ng diyalektikal na pamamaraan ni Marx), ang kasaysayan ay hindi progresibong realisasyon ng Ideya (ang Ideya ng tao, o ang Ideya ng komunismo.) Ang komunismo ay hindi kagagawan ng ispiritu, isang pantasya na naging layunin ng sangkatauhan. Ang komunistang lipunan ay isang makasaysayang panahon: totoo, makatao at obhetibo. Lumitaw ito mula sa mga kontradiksyong nasa loob ng lipunan at bilang kinakailangang resulta sa pag-unlad ng naturang lipunan.

Subalit, maaring mapigilan ang komunismo. Bagama't produkto ito ng tunay at obhetibong mga kondisyon, sa pag-unlad ng ekonomiko at panlipunang mga kontradiksyon sa loob ng kapitalismo, ang komunistang lipunan higit sa lahat ay ang praktikal, likha ng kolektibong mulat na sangkatauhan. Sa unang pagkakataon ng kasaysayan ang panlipunang uri ang siyang kokontrol ng kanyang kapalaran. Pero magagawa lamang niya ito sa organisado at mulat na paraan. Kaya ang komunismo ay hindi isang intelektwal na ‘proyekto', ni bulag at mekanikal na hindi mapigilan. Ang komunismo ay bunga ng mulat at progresibong transpormasyon sa lumang mundo ng komunidad ng tao, matapos ang marahas na pagwasak sa dating mga relasyong panlipunan.

Kaya, ang suhetibo at obhetibong mga kondisyon na nangasiwa sa tunay na kilusang ito tungo sa komunismo ay produkto ng mga kondisyong umiiral ngayon. Kung posible na ang komunismo sa istorikal na sitwasyon, ang realisasyon ng posibilidad na ito ay nakasasalay sa suhetibong pag-unlad, sa pag-unlad ng kamulatan ng kasalukuyang panahon. Ito ay dahil, tulad ng komunismo, ang rebolusyon mismo ay kailangang isang mulat na pampulitikang pagkilos, kung saan ang tagumpay ay nakasalalay sa antas ng organisasyon at kamulatang nakamit ng proletaryado. Sa batayang ito ang komunidad ng tao ay maging realidad, at hindi lang simpleng isang obhetibong posibilidad.

Kaya, kahit alam natin na imposibleng ipinta ang ditalyadong larawan ng komunistang lipunan, tingin namin mahalaga na ilatag ang pangunahing mga aspeto ng komunistang rebolusyon, at ang ultimong layunin ng rebolusyong ito.

Dahil ang komunistang rebolusyon ay isang kilusan na mulat sa sarili, ang mga katangian ng bagong mga panlipunang relasyon na inilatag ng komunismo ang mismong nagdetermina ng pag-unlad ng makauring kamulatan at organisasyon ng proletaryado. Babalikan natin ang dalawang pundamental na usaping ito sa susunod na mga tsapter.

Ang kalikasan ng komunismo

Dahil ang komunismo ay hindi utopya, o isang abstraktong ideyal, ang ugat niya ay mula sa sinundang lipunan. Ang posibilidad ng at obhetibong mga kondisyon para sa komunismo ay nagmula kapwa sa internal na mga kontradiksyon ng kapitalismo, at sa pampulitikang kapasidad ng rebolusyonaryong uri na ibagsak ang kapitalistang lipunan. Kapwa nasa antas ng pag-unlad ng produktibong pwersa at sa kalikasan ng panlipunang relasyon na nasa proletaryado ang mga sustansya para lumago ang lipunan sa hinaharap. Kung hahantong lamang ang produktibong pwersa sa isang depinidong pag-unlad, kung saan wala ng posibilidad pa na uunlad ang naunang lipunan, dahil sa pag-unlad ng mga kontradiksyon sa pagitan ng kapitalistang mga relasyon ng produksyon at sa ibayong pag-unlad ng produktibong pwersa, ang komunismo at proletaryong rebolusyon ay isa ng obhetibong pangangailangan.

Sa pagkontrol ng lipunan sa lahat ng kagamitan sa produksyon ng lipunan "nagiging posible, nagiging isang istorikong pangangailangan, kung umiiral na ang materyal na kondisyon para mangyari ito. Tulad ng ibang panlipunang pagsulong, nagiging praktikal hindi sa pag-unawa na ang pag-iral ng mga uri ay salungat sa mga ideyal ng hustsisya at pagkapantay-pantay, atbp, ni sa pamamagitan ng simpleng determinasyon na wasakin ang mga uri, kundi sa pamamagitan ng depinidong bagong pang-ekonomiyang mga kondisyon." (Engels, Anti-Duhring, 1894)

Malinaw na pinakita ng bagong mga obhetinong kondisyon na ito na ang tanging panlipunang relasyon na magbigay-daan sa progresibong pag-unlad ng mga produktibong pwersa, na tutugon sa kasalukuyang pangangailangan ng sangkatauhan, ay yaong wawasak sa kaibahan ng kapital at paggawa; na wawasak sa kapital at sistemang sahuran, produksyon ng kalakal, at lahat ng pambansa at makauring pagkahati-hati.

Maari nating ipahayag ang sumusnod:

  • Ang komunismo ay lipunan na walang mga uri, walang pagsasamantala ng tao sa kanyang kapwa, at walang anumang indibidwal o kolektibong pag-aari. Ang tanging posibleng dulo ng sosyalisasyon ng produksyon ng kapitalismo ay panlipunang pag-aari, ng buong lipunan, sa mga kagamitan ng produksyon. Tanging sa pagwasak ng makauring mga prebilihiyo at indibidwal na pag-aari ang makaresolba sa umiiral na mga kontradiksyon sa pagitan ng panlipunang katangian ng produksyon at sa kapitalistang kalikasan ng panlipunang mga relasyon.
  • Ang panlipunang pag-aari na ito ng lahat ng produktibong pwersa at sa mga kagamitan ng produksyon ay tanging ang proletaryado lamang ang makagagawa: isang pinagsamantalahang uri, na walang pang-ekonomiyang pag-aari, at kumikilos bilang isang produktibong kolektibidad.
  • Kaya ang komunistang lipunan ay nakabatay sa pagpawi ng kasalatan at sa produksyon ng pangangailangan ng sangkatauhan. Ang komunismo ay lipunan ng kasaganaan, na magbibigay satispaksyon sa lahat ng iba't-ibang pangangailangan ng sangkatauhan. Ang antas ng pag-unlad ng produktibong pwersa, ng syensya ng tao, teknolohiya at kaalaman, ang magbigay-daan sa emansipasyon ng tao mula sa dominasyon ng bulag na ekonomikong mga pwersa.

Sa unang pagkakataon sa kasaysayan, ang sangkatauhan, sa pamamagitan ng mulat na pagkontrol sa mga kondisyon na nagdetermina ng kanilang sariling buhay at reproduksyon, ay dadaan "mula sa paghari ng pangangailangan tungo sa paghari ng kalayaan."

Ang produksyong ito para sa pangangailangan ng tao, ang kalayaan ng sangkatauhan, ay ma-realisa lamang sa pandaigdigang saklaw, at sa pamamagitan ng rebolusyon sa lahat ng aspeto ng pang-ekonomiya at buhay panlipunan. Kaya, wawasakin ng komunismo ang batas ng halaga. Ang komunistang produksyon, sosyalisado at planado sa lahat ng antas ng lahat ng tao, ay eksklusibong nakabatay sa produksyon ng halaga-sa-gamit, kung saan ang kanyang sosyalisado at direktang distribusyon ay walang palitan, pamilihan, at pera.

- Mula sa lipunan ng pagsasamantala ng tao sa kanyang kapwa, sa ekonomiyang kompetisyon at ekonomikong anarkiya, at sa mga tunggalian at kompetisyon sa pagitan ng mga indibidwal at uri, sa ilalim ng komunismo ang sangkatauhan ay nasa isang lipunan na dominado ng komunidad ng tao.

Sa komunidad na ito lahat ng mga porma ng pampulitikang kapangyarihan (mga gobyerno, estado, polis...), na nagmimintina ng dominasyon ng isang uri sa iba, ay maglalaho kasabay ng pagsasamantala at pagkakahati sa mga uri. Ang pag-iral ng mga gobyerno, sa lahat ng paraan na sumusupil sa sangkatauhan at sa pagkamalikhain ng tao, ay magbigay-daan sa simpleng pangangasiwa ng mga bagay, tungo sa "asosasyon ng mga malayang prodyuser".

Ang mga katangiang ito ng komunismo ay minimum na punto na maaring ibalangkas. Lagpas dito (tandaan ang sinasabi natin sa itaas) anumang dagdag na deskripsyon ay limitado sa pangkalahatang pagsalarawan. Dagdag pa, sa maiksing deskrispyon na ito hindi pinaksa ang bunga ng bagong mga relasyon ng tao. Ni ang mga implikasyon sa pagpawi sa pagkahati-hati at pagbukod-bukod sa loob ng lipunan, sa pagitan ng tao ...

Ganun pa man, pinakita ng pangkalahatang balangkas na ito ang napakalaking pagkakaiba na naghiwalay sa mundo sa hinaharap mula sa kapitalistang lipunan at sa nagdaang mga lipunan.

Isang lipunan na walang pagsasamantala! Kung saan nabubuhay tayo batay sa ating pangangailangan at kagustuhan! Kung saan walang pagkakaiba sa pagitan ng intelektwal at manwal na paggawa! Kung saan ang kalayaan ay higit pa sa kalayaan na ibenta ang lakas-paggawa!... Imposible!

Kahit hindi pa natin maunawaan ang anumang ditalye sa napakalaking pag-igpaw na gagawin ng sangkatauhan, isang bagay ang malinaw: wala pa sa kasaysayan ng tao na mayroong ganitong kinakailangang kalitatibong pag-igpaw.

Dalawa ang mahalagang talas ng pahayag na ito. Dahil malinaw na ang ganitong igpaw ay magagawa lamang ng isang uri na ganap na mulat sa kanyang istorikal na misyon. Pero ang uri na may kapasidad na maabot ang ganitong antas ng kamulatan, ang uring manggagawa, ay ang uri mismo na nakaranas ng pinakamsahol na pagkakait, ng pinakamarahas na pagsasamantala, at sa walang humpay na panggihipit ng burges na ideolohiya.

Kaya ang lahat ng kalidad ng komunismo, na siyang dahilan na mas mataas ang antas nito kaysa lahat na nagdaang mga lipunan, ay nakasalalay mismo sa kahinaan, sa pagkakait, at sa di-makataong pag-iral ng proletaryado. Dahil "ang buong di-makataong sosyal na pag-iral ay nasa kondisyon ng pag-iral ng proletaryado sa konsentradong porma", ang uring manggagawa ay "hindi mapalaya ang sarili na hindi sinusupil ang lahat ng di-makataong aspeto ng kasalukuyang lipunan na konsentrado sa kanyang sariling kalagayan." (Marx, Engels The Holy Family 1844). Ang posisyon ng proletaryado bilang pinagsamantalahang uri ang pipilit sa kanya na palayain ang buong lipunan, na itayo ang isang lipunan na walang mga uri o pagsasamantala.

  • Ang proletaryado, na pinagkaitan ng lahat ng pang-ekonomiyang kapangyarihan sa loob ng lipunan, pinagsamantalahan sa produksyon, ay aasa lamang sa sarili para sa kanyang sariling emansipasyon. Malabanan lamang niya ang kapitalismo sa kanyang sariling pagkakaisa at sa kanyang sariling kamulatan: dalawang sandata na siya mismong katangian ng lipunan sa hinaharap.
  • Subalit ang katotohanang ito ay nagkahulugan din na ang proletaryong oposisyon sa burges na lipunan ay napakahina at mabuway. Dahil walang pang-ekonomiyang prebilihiyo na maging batayan sa kanyang pakikipaglaban sa burges na lipunan, napakabulnerable ng proletaryado sa palagiang panggigipit ng burges na ideolohiya, na ang layunin ay ilayo ang proletaryado sa daan ng kanyang huling pakikibaka para sa emansipasyon.

ITO ANG DAHILAN KUNG BAKIT ANG DAAN TUNGO SA KOMUNISMO AY MAARING MAPIGILAN. ANG KOMUNISMO AY BUNGA NG MATAAS AT MASAKLAP NA PAKIKIBAKA. ITO ANG DAHILAN KUNG BAKIT, sa kabila ng ekstra-ordinaryong rebolusyonaryong potensyal ng proletaryado, na walang mawawala kundi ang kanyang kadena, at may mundo na dapat ipagwagi, WALANG ABSOLUTONG GARANTIYA SA TAGUMPAY NG REBOLUSYON, NI MAYROONG DETERMINISTIKONG BISYON PARA SA KANYANG PAG-UNLAD. PERO KUNG HINDI MAKAMIT ANG BAGONG ISTORIKAL NA PANAHONG ITO, ANG SANGAKATAUHAN AY MAHUHULOG SA WALANG KATULAD NA BARBARISMO, MALAMANG SA KANYANG TULUYANG PAGKAWASAK.

Kaya ang daan tungong komunismo, ang makauring pakikibaka, ay serye ng mga tagumpay at kabiguan; ng mga pag-atras na sinundan ng panibagong mga pagsulong. Nagkakahugis ito sa porma ng tensyon sa pagitan ng determinasyon at kamulatan, sa patuloy na pagtatasa at pagpuna sa sarili.

Ang komunistang rebolusyon

 "Ang burges na mga rebolusyon, tulad ng sa 18 siglo, ay madaling nagtagumpay. Matindi ang dramatikong epekto ng bawat isa; ang tao at mga bagay ay tila kumikinang na mga diamante at ang bawat araw ay napakasigla. Pero panandalian lamang sila; hindi nagtagal ay umabot sila sa dulo, at ang lipunan ay dumaan sa mataas na yugto ng paghihinagpis hanggang malungkot nitong hinalaw ang mga nalasap na bagyo at pagkapagod. Ang proletaryong rebolusyon sa kabilang banda, tulad ng sa 19 siglo, ay patuloy na dumadaan sa pagpuna sa sarili, at sa pabalik-balik na kaguluhan sa kanilang sariling daan. Bumalik sila sa nagawa na nila dati para simulan muli ang tungkulin; sa pagbibigay atensyon sa ditalye, itinakwil nila ang pagkukulang, kahinaan at sirang mga aspeto ng kanilang unang mga pagtatangka; tila naigupo nila ang kanilang mga kaaway subalit nakikita lamang nila na bumabangon sila na may panibagong lakas, mas malaki kaysa dati; balik-balik silang lumiit sa harap ng napakalaki nilang mga layunin, hanggang nalikha ang sitwasyon kung saan imposible na ang anumang pag-atras, at ang kondisyon mismo ay sumisigaw: Hic Rhodus, hic salta! Narito ang rosas, sumayaw ka dito!" (Marx, The 18th Brumaire of Louis Bonaparte, 1852).

Sa batayan ng walang kataposang pagkilos na ito at palagiang pagpuna sa sarili, ang proletaryong rebolusyon ay tumahak sa liku-likong daan tungo sa komunismo. Katunayan,

- Ang komunistang rebolusyon ay hindi dulo ng ekonomikong proseso, kundi simpleng kondisyon sa antas pulitika para sa pang-ekonomiya at panlipunang transpormasyon. Ito ang unang hakbang para sa buong proseso ng transpormasyon sa lumang lipunan. Sa nakaraan, ang pang-ekonomiyang kapangyarihan ng isang uri at ang kanyang kapasidad na magpataw ng bagong sistema sa panlipunang relasyon ay magkatulad. Ang bagong panlipunang istruktura, na nagdadala ng panlipunang progreso at pinataw sa lipunan sa pamamagitan ng pwersa o pangungumbinsi, ay nabigyan ng katwiran sa partikular na pang-ekonomiyang interes ng rebolusyonaryong uri. Para mailarawan ito, sapat ng balikan paanong winasak ng burgesya ang pyudal na lipunan.

Mula sa 15 at 16 siglo, ang bantog na mga burges na pamilya, partikular sa Timog Uropa, ay mga panginoon sa negosyo at komersyo. Sa mga rota ng komersyo sa lupa at dagat, walang tigil na umagos ang mga bakal, tela at pampalasa... Dagat ng ginto ang umapaw sa mga lungsod, sa kabila ng mga bagong rota na nag-ugnay sa mga bagong sentro ng komersyo. Namulaklak ang mga arte, syensya, panitikan, at mga ideya. Dumami ang mga syentipiko at teknikal na diskubre, tulad ng mga industriyal na syudad. Hindi nagtagal napaunlad ni Copernicus ang kanyang teorya sa paggalaw ng kalawakan. Naganap ang ekstra-ordinaryong pagsulong sa antas ng pag-unawa ng tao: kahit saan lumitaw ang pangangailangan ng bilis at katiyakan, ganun din sa pinansya at komersyo tulad ng industriyal na produksyon. Isang panlipunang uri ang nasa proseso na ibagsak ang lipunan at sakupin ang mundo. Hawak nito ang isang esensyal na pwersa: ang kapangyarihan ng pinansya at kwarta. Hindi direktang hinahamon ang pampulitikang kapangyarihan, na nanatiling nasa kamay pa ng pyudal na aristokrasya, pinataw ng burgesya ang kanyang sariling mga batas sa lipunan.

"Ang pakikibaka ng burgesya laban sa pyudal na nobilidad ay pakikibaka ng lungsod laban sa kanayunan, industriya laban sa pag-aari ng lupa ,ekonomiya ng kwarta laban sa natural na ekonomiya;at ang mapagpasyang sandata ng burgesya sa ganitong pakikibaka ay ang kanyang pang-ekonomiyang kapangyarihan, na patuloy na lumalaki dahil sa pag-unlad ng industriya, una kasanayang yari sa kamay, at pagkatapos, sa huling bahagi, umuunlad tungo sa manupaktura, sa pamamagitan ng paglawak ng komersyo. Sa buong panahon ng pakikibakang ito, ang pampulitikang pwersa ay nasa nobilidad ..." (amin ang pagdidiin) (Engels, Anti-Duhring)

Para sa transisyon mula sa kapitalismo tungo sa komunismo, sa abolisyon ng lahat ng porma ng pagsasamantala, walang ganitong ekonomiyang kapangyarihan ang proletaryado. Wala itong pera, pag-aari o industriyal na kapangyarihan na tutulong sa kanyang pakikibaka. Walang ekonomiyang kapangyarihan na maaring wawasak sa kapangyarihan ng kapitalismo, at sa gradwal na transisyon tungo sa komunismo. Anong materyal na kapangyarihan ang makukuha ng proletaryado sa pamamagitan ng pag-aari ng mga kagamitan ng paggawa, makina, o kahit ang buong paktorya, sa loob ng pangkalahatang balangkas ng dominasyon ng kapitalistang panlipunang relasyon? Ang ideya ng pag-aari ng proletaryado o kahit parsyal na pag-aari sa mga kagamitan ng produksyon o bunga ng produksyon sa loob ng kapitalistang balangkas ay isang obhetibong imposibilidad, isang bitag, isang mistipikasyon. Tanging ang marahas, pandaigdigang rebolusyon ang makapagbigay ng batayan para sa kolektibong pag-aari sa mga kagamitan at bunga ng produksyon.

Dahil ang proletaryado ay hindi nakabatay sa anumang partikular na pang-ekonomiyang interes, o anumang porma ng pag-aari, hindi ito magtatayo ng panibagong mapagsamantalang lipunan. Ito ang huling pinagsamantalahang uri sa kasaysayan, na "walang mawawala kundi ang kanyang kadena", na ang proletaryado ay obhetibong kumikilos tungo sa konstruksyon ng isang lipunan na walang mga uri, isang lipunan na walang pagsasamantala. Manatiling pinagsamantalahang uri ang proletaryado pagkatapos ng rebolusyon, pagkatapos maagaw ang kapangyarihan. Sa pagitan ng pag-agaw ng kapangyarihan - ang instalasyon ng diktadura ng proletaryado - at komunismo, isang yugto ng transisyon ang kinakailangan. Sa panahong ito maobliga ang proletaryado na gawing pangkalahatan ang kanyang sariling kondisyon sa buong lipunan, sa pamamagitan ng integrasyon ng ibang panlipunang mga uri at istrata sa produktibong paggawa. Kung wala ang panlipunang transpormasyon na ito, kung wala ang progresibong pagpawi sa mga uri, mananatiling pinagsamantalahang uri ang proletaryado (gumawa ng labis na halaga para sa parasitikal na konsumsyon ng ibang panlipunang istrata) kahit pagkatapos ng pandaigdigang pampulitikang rebolusyon.

Kadalasan lumitaw ang mga tanong kaugnay ng komunistang rebolusyon: "walang pruweba na sa sandaling maagaw na ang kapangyarihan hindi (para gumanti) nito pagsamantalahan ang ibang uri: tingnan ano ang nangyari sa Rusya!" ... o "nakakasama ang kapangyarihan kahit sa mga taong may pinakamabuting intensyon" atbp. Ang mga tanong mismo ay nagtraydor sa kanilang maling pangangatwiran.

Nakabatay sila sa kawalan ng kapasidad na intindihin ang kalikasan ng proletaryado kapwa bilang pinagsamantalahan at rebolusyonaryong uri. Nakaligtaan nila na:

  • ang kawalan ng anumang materyal na batayan ng ekonomiyang kapangyarihan ng uring manggagawa, na siyang tanging posibleng batayan ng makauring pang-aapi.
  • ang pangangailangan at obhetibong posibilidad ng lipunang walang mga uri bilang tanging posibleng batayan para sa patuloy na pag-unlad ng mga produktibong pwersa.

Dahil nakaligtaan ang mga ito napakadaling maniwala sa ganitong mga sabi-sabi, kung saan ang katotohanan ay ang mga ito ay mahinang pamalit, isang pangangatwiran para panatilihin ang kapitalistang panlipunang relasyon. Ang isang kakitiran, isang katangian ng burges na ideolohiya, ay hindi makakita na matapos ang rebolusyon, isang seksyon ng uring manggagawa na magsimulang pagsamantalahan ang iba (malinaw na kahibangan na iisipin na ang buong uring manggagawa ang magsamantala sa sarili), ito ay tanda ng pag-atras ng rebolusyon, i.e., ang muling paglitaw ng kapitalismo. Ang "mapagsamantalang mga manggagawa" ay magiging, sa tunay at obhetibo na punto, mga representatnte ng burgesya (hindi ng isang bagong uri). Napagpaliban lamang ang rebolusyon at ang pagwasak ng kapitalismo.

Ang tagumpay ng pandaigdigang komunistang rebolusyon mismo, kung gayon ay hindi mapagpasya, ni isang absolutong garantiya sa tagumpay ng komunismo. Sa panahon ng yugto ng transisyon, ang pag-atras pabalik tungo sa kapitalistang lipunan ay posible pa rin. Napakalaking pagsisikap ang kailanganin ng proletaryado, sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng kanyang sariling kamulatan at pagkakaisa, para labanan ang posibilidad ng naturang pag-atras.

Kaya limitado lamang ang mga sandatang maaring gamitin ng proletaryado sa kanyang pakikibaka. Una sa lahat, malinaw na ang proletaryong rebolusyon at ang diktadura ng proletaryado ay hindi mapahintulutan ang anumang labi ng dating burges na kapangyarihan. Kabaliktaran, ang naturang mga labi ay dapat progresibong mabuwag at mawasak sa panahon ng transisyon. Sa nakaraan hindi kailangan ang ganitong mabilisang pagwasak sa lumang mga institusyon.

Naglalaman ang burges na rebolusyon ng pagwasak sa maraming hindi-kapitalistang panlipunang mga istruktura, kabilang na ang moda ng kaisipan at kaugalian ... pero hindi ang pundamental na batayan ng hindi-kapitalistang lipunan, ang pagsasamantala ng tao sa kanyang kapwa, at ang makinarya para mapalakas ang ganitong pagsasamantala. Ang palakol ng inkwisisyon ay pinalitan ng ‘demokratikong' talim ng pugutan-ng-ulo. Ang ating mga bagong panginoon, habang ‘pinalaya' ang pinagsamantalahang uri sa hinaharap mula sa pyudal na pang-aalipin, ay madaling nakibagay sa ‘hindi opensibang' mga aspeto ng lumang rehimen, gaya ng mapanupil na makinarya ng pyudal na estado. Kinupkop lamang nila ang makinaryang ito para umangkop sa modernong pangangailangan. Ang polis, burukrata, inkwisistor ay nagpalit ng uniporme. Mga nag-iisip, titser, pilosopo ay nagpalit ng doktrina. Sa ilang mga kaso, gaya ng Alemanya at Rusya sa simula ng 20 siglo, ang kapangyarihang pang-ekonomiya ng burges ay magkatabing umiral sa magsasakang mga aristokrata, panginoong may-lupa, imperyal na mga opisyales at burukrata, nobilidad, prinsesa, at mga emperador, atbp.

Dahil ito ay simpleng kaso ng pagpapalit ng mapanupil na lipunan ng isa pa, nagagamit ng burgesya ang dating mapanupil na mga istruktura ng pyudal na kapangyarihan, na mahalaga din sa pagpanatili ng burges na pang-ekonomiyang kapangyarihan.

Hindi ito posible sa proletaryado, kung saan ang posisyon bilang dominanteng uri ay possible lamang sa batayan ng pagdurog sa bawat aspeto ng burges na estado. Pinakita ng karanasan ng Komuna ng Paris na hindi simpleng agawin ng proletaryado ang umiiral na estado, kundi kailangang wasakin ito mula sa taas hanggang sa ibaba.

Kaya kailangang gumawa ng mga sandata ang proletaryado at panlipunang pagbabago na angkop mismo sa kalikasan ng komunistang lipunan. Ang moda ng organisasyon ng proletaryado, organisado bilang rebolusyonaryong uri, ay kailangang umangkop sa panlipunang rebolusyon at sa bagong porma ng lipunan na pangunahan ng proletaryado.

"Ang pag-aangkop na ito ay dagdag na pinakita sa katangian para ito maisagawa. Maisagawa lamang ito sa pamamagitan ng pagkakaisa, kung saan sa kalikasan mismo ng proletaraydo ay dapat pandaigdigan, at sa pamamagitan ng rebolusyon kung saan, sa isang banda ang kapangyarihan ng naunang moda ng produksyon at panlipunang organisasyon ay naibagsak at, sa kabilang banda, ang umuunlad na unibersal na katangian at enerhiya ng proletaryado kung wala ito hindi maisakatuparan ang rebolusyon at dagdag pa, itinakwil ng proletaryado ang mga bagay mula sa kanyang nakaraang posisyon sa lipunan na nakadikit pa rin sa kanya." Marx, German Ideology, amin ang pagdidiin).

Ang kolektibong organisasyon ng uring manggagawa, makauring pagkakaisa, ang paglago ng rebolusyonaryong kamulatan, malinaw na pananaw at walang pagod na pagkilos, ang mapanlikhang partisipasyon ng buong uring manggagawa sa napakalaking mga tungkulin sa hinaharap, lahat ng ito ay matabang lupa ng rebolusyon, ng pag-agaw ng kapangyarihan at ng komunismo.

Ang rebolusyon ng pandaigdigang proletaryado, liban sa pagiging kolektibo at marahas na proseso, ay higit sa lahat nakasalalay sa pag-unlad ng makauring kamulatan.

Sa nakaraan mas malaki ang papel ng obhetibong kondisyon sa panlipunang pagbabago kaysa determinasyon at kamulatan ng tao. Ang pagpalit-palit ng mga moda ng produksyon ay nangyayari sa isang antas sa "ibabaw ng ulo" ng tao, at panlipunang mga uri. Pinangingibawan ng pagiging atrasado ng produktibong pwersa, ang rebolusyonaryong uri ay napilitang sumuko sa realidad na parang awtonomus, misteryoso at hindi nagbabago. Ang istorikal na mga pwersa ay parang isang natural na pwersa: bulag, marahas, arbitraryo, at hindi makontrol.

"Ang komunismo ay kaiba sa lahat ng nagdaang mga kilusan nito sa punto na winawasak nito ang batayan ng lahat ng naunang mga relasyon ng produksyon at pakikipag-ugnayan, at sa unang pagkakataon ay mulat na tinitingnan ang lahat ng natural na batayan bilang kagagawan ng tao, hinubaran sila ng kanilang natural na katangian at pinailalim sila sa kapangyarihan ng nagkakaisang mga indibidwal." (Marx, German Ideology, amin ang pagdidiin).

Kaya pinahayag natin sa itaas, ang komunismo at pag-unlad tungo sa komunismo, i.e., rebolusyon, ay bahagi ng magkatulad na proseso, at nagpahayag ng magkatulad na mga problema. Ang bawat partikular na yugto ng kilusang ito (mga yugto na hindi makonsiderang hiwalay sa bawat isa) ay naglalaman na ng mga katangian ng ultimong layunin. Sa puntong ito, kung ang komunismo ay nagkahulugan ng mulat na organisasyon ng produksyon para sa pangangailangan ng tao, ang panlipunang transpormasyon at rebolusyon bago ang komunismo ay mulat na pagkilos mismo. Kailangang maunawaan ng proletaryado ang realidad na walang pagdududa, dahil ito ang unang uri na totoong may kapasidad na magawa ito.

Ang rebolusyonaryong mga uri sa nakaraan ay nakibaka para sa panlipunang kaayusan na progresibo kumpara sa naunang panlipunang sistema, pero nakabatay pa rin sa panibagong porma ng pagsasamantala. Ang kamulatan na nakuha ng mga uring ito ay isa lamang mistipikadong kamulatan, dahil tinatago nito o binigyang katwiran ang pagsasamantala. Subalit ang proletaryong pakikibaka ay hindi tutungo sa panibagong porma ng pagsasamantala, kundi sa emansipasyon ng lipunan mula sa lahat ng porma ng pagsasamantala. Sa puntong ito, ang makauring kamulatan ng proletaryado ay ang unang makaintindi sa panlipunang realidad sa tunay na syentipikong paraan.

Tiyak, ang pag-unlad ng makauring kamulatan ng manggagawa ay hindi kompletong proseso; lalunang hindi ‘ispontanyong' produkto ng unang mga pakikibaka ng uring manggagawa. Dahan-dahan itong umuunlad sa ilalim ng presyur ng materyal na sirkumstansya at ng istorikal na karanasan ng uri, isang tuloy-tuloy na proseso ng paglago at pagpapayaman. Ganun pa man:

  • Kung tama na ang pag-unlad ng makauring kamulatan ay hindi aabot sa antas ng ‘perpeksyon', hindi ito nagkahulugan na mangyayari ang rebolusyon na walang rebolusyonaryong makauring kamulatan. Ni ang ispontanyonismo o boluntarismo ang batayan ng rebolusyon.
  • Ang pag-agaw ng proletaryado sa kapangyarihan ay nangangailangan na ang uri ay ganap na maging mulat sa kanyang ‘istorikal na misyon'. Imposibleng makuha ang kantidad ng kinakailangang kamulatan. Ganun pa man, kailangang tutugma ito sa mga pangangailangan ng rebolusyon at komunismo. Dagdag pa, ang pag-unlad ng makauring kamulatan ay isang kolektibong proseso lamang. Ang pag-unlad na ito ay produkto ng pagsasalubong ng iba't-ibang salik, na lumitaw mula sa obhetibong kondisyon at suhetibong kapasidad ng uri. Ang usaping ito ang talakayin natin ngayon.