Pagtaas ng presyo ng langis: kaya bang pigilan ng gobyerno?

Bersyon na maaaring i-printSend by email
Ilang beses na bang tumaas ang presyo ng langis mula noong 1973? Hindi lang nakakapagod na bilangin kung ilan na kundi nakakainis at manggagalaiti tayo sa galit.

Ano ba ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis? Kahit
batang nasa elementarya ay alam na kung tataas ang presyo ng langis ay magsi-taasan
din ang mga presyo ng iba’t-ibang bilihin dahil ayon sa mga negosyante,
“direkta at indirekta ay ginagamitan ito ng langis”.

Alam din ng mga konsumador na sa atin ipinapasa ng mga
negosyante ang pagtaas ng presyo ng bilihin – tayong mga manggagawa at
mala-manggagawa sa kanayunan at kalungsuran. Syempre manggalaiti din sa galit
ang maliit na mga negosyante dahil hindi na sila makaungos sa mabagsik na
kompetisyon ng kapitalismo. Maiinis din ang mga nasa panggitnang uri dahil
dagdag gastos sa kanilang mga sasakyan. Sa madaling sabi, malaking mayoriya ng
populasyon ang nahihirapan. Subalit, ang mas nahihirapan ay ang masang
anakpawis ng lipunan.

Bakit tumaas ang
presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan?

Una sa lahat, dapat maintindihan na ang mundo ngayon ay
kontrolado ng uring kapitalista kung saan ang laging ninanais ay magkamal ng
tubo. Pangalawa, lahat ng mga gobyerno sa daigdig ay kontrolado ng at
nagsisilbi para sa mapagsamantalang mga uri.

Mula pa noong 1973 ay patuloy na ang pagtaas ng presyo ng
langis sa pandaigdigang pamilihan. Ang mga “pagbaba” ng presyo ay nilamon
lamang ng ilang dekadang pagtaas ng presyo nito.

Mula pa noong huling bahagi ng 1960s ay nasa permanenteng
krisis na ang pandaigdigang kapitalismo. Ang pagtaas ng presyo ng langis sa
kasalukuyan ay epekto lamang ng tumitinding krisis ng sistema at hindi simpleng
dahil sa pagiging ganid ng uring kapitalista sa tubo.

Dahil sa krisis ay mas lalong humina ang kapitalistang
produksyon na siyang sentral na pinagkukunan ng tubo ng mga kapitalista.
Sapagkat mahirapan ng makakuha ng tubo sa produksyon ay nagkasya na lamang ang
mapagsamantalang uri sa ispekulasyon. Ito ang isa sa mga dahilan ng pagtaas ng
presyo ng langis. Ang pangingibabaw ng ispekulatibong ekonomiya ay
manipestasyon ng malubhang krisis ng sistema.

Ikalawang dahilan ay ang kaguluhan ngayon sa Gitnang
Silangan. Kaguluhan na hindi kagagawan ng masang anakpawis kundi kagagawan ng
inter-imperyalistang digmaan at intra-paksyunal na bangayan ng mga pambansang
burgesya na may kanya-kanyang among imperyalistang kapangyarihan.

Ikatlong dahilan ay ang pandaigdigang krisis sa utang na
sumabog noong 2006-07. Ang lumalaking utang ng kapitalistang mundo mula pa noong 1970s ang mayor na dahilan ng inplasyon o pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Samakatuwid, ang dahilan ng pagtaas ng presyo ng langis ay
ang wala ng solusyon na krisis ng pandaigdigang kapitalismo na nagsimulang
sumabog noong huling bahagi ng 1960s.

Totoo ba na ang Oil
Deregulation Law ang dahilan ng walang humpay na pagtaas ng presyo ng langis sa
Pilipinas?

Naniwala ang karamihan na ang Oil Deregulation Law ng 1998
ang dahilan kung bakit patuloy na tumataas ang presyo ng langis. Sabi nila,
dahil daw binitawan ng gobyerno ang kontrol o regulasyon sa presyo ay tumaas
ang presyo ng produktong petrolyo.

Pero bakit hindi nakaligtas ang Pilipinas sa krisis ng
langis noong 1973 kung saan kontrolado o kaya regulado ng diktadurang Marcos
ang presyo ng langis sa kabila na pag-aari ng estado ang Petron at dadaan sa
kapasyahan ng gobyerno ang pagtakda ng presyo? Bakit hindi napigilan ng
panghihimasok ng gobyerno sa pagtakda ng presyo ang pagtaas ng presyo ng langis
noong 1979 at 1997 bago ang deregulasyon noong 1998?

Ang deregulasyon noong 
1990s ay paraan ng mga gobyerno upang ipasa sa buong lipunan ang krisis na
pinapasan ng una mula pa noong 1930s. Ang panghihimasok o kontrol ng pamahalaan sa ekonomiya ay tinatawag na keynesianismo sa Kanluran at
stalinistang totalitaryanismo sa Silangan. Subalit kung nabigo ang keynesianismo at stalinismo na pigilan ang krisis noon, nabigo din ang deregulasyon na pigilan ang pagsabog ng krisis noong 2007 na mas lalong lumala ngayon.

Pag-aari man ng estado ang mga industriya – Keynesianismo o
Stalinismo/Maoismo  – o “luwagan” man ng
estado ang kontrol dito – deregulasyon – hindi nito mahadlangan ang pagtaas ng
presyo ng langis at iba pang bilihin dahil hindi
ang  pamamahala sa kapitalistang
ekonomiya ang problema kundi ang mga panloob na kontradiksyon mismo ng
kapitalismo
na nagbunga ng laganap na ispekulasyon sa ekonomiya, mataas na inplasyon at mabangis na kompetisyon para sa tubo sa pagitan ng mga makapangyarihang kapitalistang gobyerno. Sa madaling sabi, ang KAPITALISMO mismo ang problema.

Ano ang dapat gawin?

Aasa ba tayo sa gobyerno at sa
mga batas nito?

Maraming nagsasabi sa hanay ng
Kaliwa na ang solusyon sa krisis ay bumalik sa Keynesianismo o
Stalinismo/Maoismo. Pero ito ay malaking kasinungalingan! Hindi napigilan ng
Keynesianismo at Stalinismo ang pagsabog ng krisis noong 1920s-1930s na siyang
dahilan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Hindi rin nito napigilan ang pagsambulat
ng panibagong krisis noong 1960s-1980s kahit pa sa anyo ng mga diktadurang
pamamahala o kaya nasa pamumuno ng Kaliwa ang gobyerno.

Hindi na maaring gamitin ng
burgesya ang mga paraang ginamit niya sa nakaraan – kontrol ng estado - na
napatunayanng mas lalupang nagdiin sa sistema sa krisis. Katunayan, ng
tangkaing isalba ng mga estado ang mga nabangkarotang bangko at korporasyon, ito
na mismo ang nabangkarota ngayon – Greece, Spain, Portugal.

Kahit ano pang mga batas ang gawin
ng gobyerno, hindi na nito mapigilan ang daluyong ng rumaragsang krisis ng
sistema dahil ang unos ay ang mismong pundasyon ng ekonomiya.

Aasa ba tayo sa mga politiko ito
man ay nasa administrasyon o oposisyon?

Ilang dekada ng nagpalit-palit sa
pwesto ang iba’t-ibang paksyon ng mga politiko at nangakong isalba ang bansa sa
krisis kung sila ang nasa pwesto? Ilang taon na mula ng pumasok ang mga
“progresibo” sa kongreso at nagsabi sa hirap na mamamayan na “kami ang boses
ninyo sa bulwagan ng mga buwaya”? Ano ang nangyari? Wala tayong maasahan sa mga
politiko, ito man ay nasa adminsitrasyon, ‘oposisyon’ o nag-aastang ‘progresibo’
sa loob ng kongreso.

Sapat na ba ang isang araw na mga
protesta?

Tama lamang na lumabas tayo sa
lansangan at ipakita ang ating pagtutol sa mga atake ng kapitalismo sa ating
kabuhayan. Tama lamang na sumama tayo sa mga rali, demonstrasyon at welga.

Pero ilang beses na ba tayong
lumabas sa kalsada sa pamumuno ng mga unyon at partido ng Kaliwa mula ng tumaas
ang presyo ng langis? Bakit walang nangyari?

Hindi sapat ang isang araw na
malakihang rali at demonstrasyon. Hindi na uubra na “kurutin” lamang sa singit
ang gobyerno. Kailangan na ang matinding dagok sa gobyerno hindi para
mahimasmasan ito kundi para tuluyan na itong malugmok. Ilang beses ng ginawa ng
mga unyon at “progresibong” organisasyon ang mga pagkilos upang “kurutin”
lamang sa singit ang gobyerno pero walang epekto.

Ang kailangan ay ilang araw na
sunod-sunod na mga malalaking rali at demonstrasyon sa pambansang saklaw. Ang
kailangan ay mga malawakang welga ng manggagawa laban sa mga atake ng gobyerno
at kapitalista. Ang kailangan ay suwayin ng masang anakpawis ang mga batas ng
gobyerno na pumipigil upang maging epektibo ang ating pakikibaka. Ito ang
pinakita sa atin ng ating mgakapatid na  manggagawa at maralita sa Tunisia, Egypt,
Greece, at Spain.

Pero mangyari lamang ito kung tayo
mismong mga manggagawa at maralita ang magpasya sa ating laban.

Tayong mga manggagawa at maralita
mismo ang magpasya!

Kung nais nating may mangyari pabor
sa ating mga anakpawis, tayo mismo ang magpasya sa ating laban. Tayo mismo ang
magbuo ng mga organo ng pakikibaka at magplano paano dadalhin ang laban. Huwag
nating ibigay ang pagpapasya  sa mga
umaangking mga “lider” at “representante” natin na nakikipaglampungan sa mga
politiko at kapitalista para lamang manalo sa eleksyon o para makaipon ng pera para palakihin ang gerilyang hukbo sa kanayunan.

Pinakita ng mga kapatid nating
manggagawa sa Greece, Spain, France, Great Britain at USA kung paano hawakan sa
ating sariling mga kamay ang pakikibaka. Ito ay ang pagbuo ng mga asembliya,
gawing buhay ang mga talakayan at diskusyon at ihalal ang ating mga delegado sa
mga  asembliyang ito. Totoong hindi ito
sapat dahil kailangan pa natin ang mas malawak, mas marami at tuloy-tuloy na
mga pakikibaka para labanan ang mga atake ng kapital; kailangan nating magkaisa
sa pandaigdigang saklaw laluna sa mga kapatid nating manggagawa sa Uropa. Higit
sa lahat kailangan nating buuin ang kumpyansa sa ating sariling lakas at
pagkakaisa.

Wala ng maibigay kahit anumang
makabuluhang reporma ang gobyerno para sa atin. Para mapigilan ang pagtaas ng presyo ng langis at iba pang bilihin kailangan nating ibagsak ang gobyerno at ang bulok na sistema at itayo ang isang lipunan para sa masang anakpawis…ang lipunang sosyalismo.

Ang emansipasyon ng uring manggagawa ay nasa kamay mismo ng masang manggagawa! 

Internasyonalismo

Marso 15, 2012

Contact us: [email protected]