Manipesto ng Ika-9 na Kongreso ng IKT - 1991

Printer-friendly version

* Sinulat ang manipestong ito sa 1991. Ang prinsipyo ng paglathala nito, at ang kanyang laman, ay dinesisyonan ng ika-9 na Kongreso ng IKT sa Hulyo, 1991. Tingnan sa International Review no. 67.

Komunistang rebolusyon o pagkawasak ng sangkatauhan

Patay na ang komunismo! Mga manggagawa, wala nang dahilan pa na sikaping ibagsak ang kapitalismo, tinalo ng sistemang ito ang kanyang mortal na kaaway. Ito ang walang kataposang pabalik-balik na sinasabi ng burgesya, mula ng bumagsak ang bloke sa Silangan. Ngayon na duguan at maruming nagkawatak-watak na ang Stalinismo, ang burgesya ay muling naghain ng pinakamalaking kasinungalingan sa kasaysayan: na ang komunismo ay ang Stalinismo, ang kanyang mortal na kaaway at isa sa pinaka barbarikong porma ng pagsasamantala. Ang naghaharing uri sa bawat bansa ay namumursigeng kumbinsihin ang kanilang pinagsamantalahan na walang kabuluhan ang kanilang pakikibaka na baguhin ang mundo. "Kailangang makontento na tayo sa mga nakuha natin, dahil wala nang iba pa. At kung maibagsak ang kapit6alismo, ang lipunan na papalit dito ay lubhang napakasama pa." Mula 1989, ang nakakahiyang pagbagsak pareho ng Stalinismo, at sa bloke na dominado nito, ay ipinakilala bilang "napakalaking tagumpay para sa Demokrasya at Kapayapaan". Inaasahang magbigay ito ng mapayapa at masaganang "bagong pandaigdigang kaayusan" kung saan sa wakas ang "mga karapatang pantao" ay mabigyang halaga.

Halos hindi pa natapos ang magagaling na pananalita,  pinakawalan ng mga sinasabing dakila at "sibilisadong" mga bansa, sa Enero 1990, ang isang nakakatakot na gera sa Gitnang Silangan, na inilibing ang daang libong mga biktima ng napakaraming mga bomba, ginawang malawak na dagat ng mga guho at bangkay ang Iraq, "pinarusahan" ang populasyon na para sana sa mga lider na siyang nagsasamantala at nanunupil sa naturang populasyon.

Ngayon ang naghaharing uri ay sumumpa sa harap ng bibliya na "tapos na ito ngayon". "Kinakailangan ang digmaang ito", sinabihan tayo, "para masiguro na wala nang susunod; para masiguro na respetuhin ang 'Internasyunal na batas' , bubuksan nito ang daan para sa nagkakaisang daigdig, kung saan ang mga alitan ay mapayapang maaayos sa ilalim ng pangangasiwa ng 'internasyunal na komunidad', ng 'United Nations' o mga katulad."

Nanatiling paralisado ang pandaigdigang proletaryado sa harap ng mga ganitong kaguluhan, at sa ganitong malalaking alon ng kabangisan at kasinungalingan. Nagkahulugan ba ito na ang naghaharing uri ay naangkin na ang siguradong tagumpay? Lubusan na ba itong nakaalpas sa mga kontradiksyon na sumisira sa kanyang sistema mula sa simula, at laluna sa huling mga dekada? Naitaboy na ba nito ang multo ng komunistang rebolusyon na gumugulo sa kanya sa loob ng mahigit isang siglo? Ito ang nais ipaniwala sa mga pinagsamantalahan. Pero huwag magpalinlang. Ang "bagong" daigdig na inialok ng naghaharing uri ay mas masahol pa, hindi mas mabuti, kaysa nangyari noon. Ni nagsalita na ang uring manggagawa sa kanyang huling paalam. Kahit na temporaryo itong napatahimik, may lakas pa ito para tapusin ang kapitalismo at ang kabangisan na resulta nito. Higit pa noon, ang paglaban ng manggagawa ang tanging pag-asa ng sangkatauhan para makalaya sa kadena ng kahirapan, digmaan, at lahat ng iba pang kalamidad na nangyayari. Iyan ang kailangang sabihin ng mga rebolusyonaryo sa kanyang uri. Ito ang paksa ng aming manipesto.

Ang Stalinismo ay hindi anak ng rebolusyon kundi personipikasyon ng kontra-rebolusyon

Naharap sa nakasusuklam na kampanyang propaganda ng burgesya, ang unang responsibilidad ng mga rebolusyonaryo ay ibalik ang katotohanan, at muling sabihin sa proletaryado ano ang tunay na nangyari noon, at magaganap, na komunistang rebolusyon na sa ksalukuyan ay inaakusahan sa lahat ng kapighatian ng sangkatauhan, kailangang tuligsain nila ang napakaraming kasinungalingan na tinatawag na "komunista" yaong mga Stalinistang rehimen na nagingibabaw sa kalahati ng mundo ng ilang dekada, at ipakita na ang mga rehimeng ito ay hindi, kahit bastardong anak ng proletaryong rebolusyon, kundi ang kanyang tagahukay-ng-libingan.

Sa simula ng ika-20 siglo, sa panahon at pagkatapos ng Unang Digmaan, ang proletaryado ay lumaban ng mala-higanteng pakikibaka na muntik ng dumurog sa kapitalismo. Sa 1917, pinabagsak ng rebolusyon ang burges na kapangyarihan sa Rusya. Sa pagitan ng 1918 at 1923 sa Alemanya, paulit-ulit itong nakibaka sa parehong layunin. Ang rebolusyonaryong alon na ito ay kumalat sa buong mundo, kung saan may umiiral na maunlad na uring manggagawa, mula sa Italya hanggang sa Canada, mula Hungarya hanggang sa China. Ito ang sagot ng pandaigdigang proletaryado sa pagpasok ng kapitalismo sa dekadenteng yugto, at laluna sa unang ekpresyon ng panahong ito: Unang Digmaang Pandaigdig. Wala ng ibang kapansin-pansin na konpirmasyon sa nakita na ng mga rebolusyonaryo simula kalahati ng ika-19 siglo: ipinahayag ng Manipesto ng Komunista sa 1848, sa wakas dumating na ang oras ng paghuhusga ng proletaryado sa kapitalismo, sa sistema ng produksyon na wala ng kapasidad na tiyakin ang kaunlaran ng sangkatauhan.

Ang pagkatalo ng uring manggagawa at ang kapitalistang kontra-rebolusyon

Subalit pinatunayan ng burgesya na may kapasidad siyang pigilan ang malakas na kilusang manggagawa. Napangibawan ang malaking takot na pinukaw ng kanyang sariling nalalapit na pagbagsak, ang nagharing uri ay gumanti tulad ng isang nasukol na daga, pinadala ang lahat ng kanyang pwersa sa gera at walang pag-alinlangang gumawa ng mga pinakamasahol na krimen.

Parang madyik, hininto ng nagharing uri ang imperyalistang awayan na siyang dahilan ng apat na taong digmaan, para magkakaisang prente na harapin ang rebolusyon. Tinalo nito ang nag-alsang masang manggagawa sa pamamagitan ng katusuhan at panunupil, mga kasinungalingan at masaker. Hinarangan ang rebolusyonaryong Rusya, inihatid ang milyung tao sa gutom, na syempre sinisi niya sa rebolusyon mismo. Sa pamamagitan ng pagbibigay ng napakalaking suporta, kapwa sa tao at armas, sa Puting hukbo ng bumagsak na Tsarismo, nagbunsod ito ng nakakikilabot na digmaang sibil, na nag-iwan ng milyun-milyong patay at nawasak ang ekonomiya. Sa larangang ito ng pagkaguho, nabukod dahil sa pagkatalo ng pandaigdigang rebolusyon at nawasak dahil sa pakikipaglaban at gutom, kahit nagtagumpay ito sa pagtalo sa hukbo ng kontra-rebolusyon, hindi napangalagaan ng manggagawang Ruso ang paghawak sa kapangyarihan na nakuha nito sa Oktubre 1917. Lalupa ang "pagtayo ng sosyalismo". Natalo ang mga manggagawa sa ibang bansa, laluna sa mga malalaking sentro ng industriya sa Kanlurang Uropa at Hilagang Amerika. Kaya natalo din sila sa Rusya.

Sa Rusya, ang pandaigdigang tagumpay ng kontra-rebolusyon ay nagkahugis, hindi sa pagbagsak ng estado na lumitaw pagkapos ng rebolusyon, kundi sa panghihina ng estado. Dahil nanatiling nahawakan ng burgesya ang kapangyarihan sa pandaigdigang antas, ang bansa ay hindi napalaya sa kapitalismo, at dahil dito ang estado ang nagiging bagong porma ng naghaharing uri, at nangasiwa sa pambansang kapital at sa pagsasamantala sa uring manggagawa. Ang Partidong Bolshevik na tumindig bilang taliba sa rebolusyong 1917 ay nanghihina rin, lalupang nasanib sa estado. Sa loob ng Partido, ang pinakamatitinong rebolusyonaryong mandirigma ay patuloy na inalisan ng responsibilidad, tinanggal, tinapon, binilanggo at sa huli ay pinatay ng buong suson ng mga karerista at burukrata, na nakitang si Stalin ang kanilang pinakamagaling na representante, at ang dahilan ng pag-iral ay hindi na ang pagtatanggol sa mga interes ng uring manggagawa, kundi ang kabaliktaran na pagpapatupad ng kasuklam-suklam na diktadura sa uring manggagawa, ng mga kasinungalingan at panunupil, para mapreserba at makonsolida ang bagong porma ng kapitalismo na itinayo sa Rusya.

Ang ibang mga partido "Komunista" sa Internasyunal ay tumungo sa parehong daan. Ang pagkatalo ng pandaigdigang rebolusyon at nagbunga ng pagkawasak ng hanay ng uring manggagawa ay nagpalala sa pag-unlad ng oportunismo sa loob ng mga partidong ito, sa ibang salita, sa patakaran na nagsakripisyo sa mga rebolusyonaryong prinsipyo at istorikong perspektiba sa kilusang manggagawa tungo sa maling akala na panandaliang "mga tagumpay". Ang ebolusyong ito sa loob ng mga partido Komunista ay nagpahintulot sa paglitaw ng mga elementong mas iniisip ang posisyon sa loob ng makinarya ng burges na lipunan, sa Parlyamento o sa lokal na pamahalaan, kaysa pakikipaglaban sa tabi ng uring manggagawa para sa kanyang mga interes. Ang mga partidong ito ay nahawa ng oportunistang sakit at nahulog sa kontrol ng mga burukratikong karerista. Sa ilalim ng panggigipit ng estadong Ruso, na gumamit ng mga kasinungalingan at pananakot para itaguyod ang mga burukratikong ito sa kanilang liderato, ang unang ginawa ng mga partido Komunista ay pinatalsik ang lahat na nanatiling naniniwala sa rebolusyonaryong adhikain at pagkatapos nagtraydor sa proletaryado at tumungo sa kampo ng burgesya. Tulad ng kontrolado ng Stalinistang partidong Bolshevik, naging taliba sila ng kontra-rebolusyon sa kani-kanilang mga bansa. Mas magaling nilang nagampanan ang kanilang pagkukunwari bilang kinatawan ng mga partido ng komunistang rebolusyon, at mga tagapagmana ng Pulang Oktubre. Gaya ng pagsuot ni Stalin sa pinakamagarang damit ng prestihiyo ni Lenin para konsolidahin ang kanyang kapangyarihan sa nanghihinang partidong Bolshevik at pagtanggal sa pinaka-sinsirong mga militante na tapat sa adhikain ng uring manggagawa, ganun din ang mga Stalinistang partido sa pag-agaw sa prestihiyo ng rebolusyong Ruso at sa mga mandirigmang Bolshevik sa harap ng mga mata ng manggagawa sa daigdig, mas nakabubuti sa pagsabotahe sa pakikibaka ng manggagawa.

Ang pagkilala sa Stalinismo na komunismo ay walang duda ang pinakamalaking kasinungalingan sa kasaysayan. Sa realidad, ang Stalinismo ay ang pinakamasamang kaaway ng komunismo, ang kanyang talagang kabaliktaran.

Ang komunismo ay tanging internasyunalista lamang. Ang stalinismo ay tagumpay ng sobinismo

Mula sa simula, ang internasyunalismo, ang pandaigdigang pagkakaisa ng uring manggagawa, ang unang prinsipyo ng komunistang teorya. "Manggagawa sa lahat ng mga bansa, magkaisa!" ang kataga ng Manipesto ng Komunista na sinulat nila Marx at Engels, ang dalawang tagapagtatag ng komunistang teorya. Sinabi din ng Manipesto: "Ang mga manggagawa ay walang bansa." At kung ang internasyunalistang prinsipyo ay napakahalaga sa kilusang manggagawa, hindi ito dahil sa parehong mga utopyan na ideya ng pekeng propeta, kundi dahil ang proletaryong rebolusyon, na tanging tatapos sa kapitalistang pagsasamantala, at sa lahat ng mga porma ng pagsasamantala sa tao sa tao, ay mangyayari lamang sa internasyunal na saklaw.

Si Engels ay mariin ng nagsabi ng ideyang ito sa 1847: "Ang komunistang rebolusyon (...) ay hindi purong pambansang rebolusyon; mangyari ito ng sabay-sabay sa lahat ng sibilisadong mga bansa (...) Magbibigay din ito ng konsiderableng impluwensya sa lahat ng ibang mga bansa, at makabibilis sa direksyon ng kanilang pag-unlad. Isa itong unibersal na rebolusyon; kaya unibersal ang kanyang tereyn" (Engels, Mga Prinsipyo ng Komunismo).

Matigas na ipinagtanggol ng mga Bolsheviks ang parehong prinsipyo sa panahon ng rebolusyon sa Rusya: "Ang rebolusyong Ruso ay isa lamang destakamento ng pandaigdigang sosyalistang hukbo, at ang tagumpay at panalo ng rebolusyon na ipinatupad natin ay nakasalalay sa pagkilos ng hukbong ito. Ito ang katotohanan na huwag nating kalimutan (...) Ang proletaryadong Ruso ay mulat sa kanyang pagkabukod, at malinaw na nakakita na ang rekisito at pundamental na batayan sa kanyang sariling tagumpay ay ang nagkakaisang interbensyon ng mga manggagawa sa buong mundo" (Report Delivered at a Moscow Gubernia Conference of Factory Committees, July 23, 1918).

Ito ang dahilan kung bakit ang ideya na ibinigay ni Stalin sa 1925, matapos mamatay si Lenin, sa "pagtatayo ng sosyalismo sa isang bansa" ay walang iba kundi ang kahiya-hiyang pagtraydor sa mga pinakabatayang prinsipyo ng kilusang manggagawa. Nang ang mga Bolsheviks, kasama ang lahat ng mga rebolusyonaryo, ay nakipaglaban para sa internasyunalismo, laluna sa panahon ng Unang Digmaang Pandaigdig na tiyak na napahinto, salamat sa pagkilos ng mga manggagawa sa Alemanya at Rusya, si Stalin naman at ang kanyang mga kakutsaba ay ginawa ang mga sarili na tagapagsalita para sa lubusang nakakasuklam na nasyunalismo.

Sa Rusya, ilalim sa pagkukunwaring ipagtanggol ang "sosyalistang amangbayan", ang lumang sobinistang propaganda na nagsilbi sa puting hukbo sa kanilang pakikidigma laban sa proletaryong rebolusyon sa nakaraang ilang taon ay muling binuhay. Sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ipinagmalaki ni Stalin ang pagsali ng kanyang bansa sa imperyalistang masaker, at sa 20 milyong Sobyet na namatay para sa "tagumpay ng amangbayan". Sa ibang mga bansa, ang mga Stalinistang partido ay masunuring pinaghalo ang pambansang awit sa Internationale, ang unibersal na awit ng proletaryado, at ang pulang watawat, na sa mahigit isang siglo ay naging bandila ng pakikibaka ng manggagawa, lumitaw katabi ng mga makabayang watawat na binitbit ng kapolisan at mga sundalo habang minasaker nila ang mga manggagawa. At sa sobinistang istirya na mahigpit na kumupkop sa okupadong mga bansa ng Alemanya sa kataposan ng digmaan, ang mga Stalinistang partido umako din ng lugar ng pagmayabang, at pinangunahan ang pagpatay, bilang mga "traydor sa bayan", yaong sumubok ipagtanggol ang mga internasyunalistang prinsipyo.

Nasyunalismo laban sa internasyunalismo: narito ang ebidensya na ang Stalinismo ay walang kinalaman sa komunismo. Pero hindi lang iyan.

Ang komunismo ay abolisyon ng pagsasamantala sa pamamagitan ng diktadura ng proletaryado. Ang stalinismo ay diktadura sa proletaryado para manatili ang kanyang pagsasamantala

Maitayo lamang ang komunismo sa pamamagitan ng diktadura ng proletaryado, sa ibang salita, sa pamamagitan ng makauring kapangyarihan ng mga sahurang manggagawa sa buong lipunan. Ipinatupad ng uring manggagawa ang kapangyarihan sa pamamagitan ng mga konseho ng manggagawa, ibig sabihin sa pamamagitan ng malayang pangmasang pulong ng mga manggagawa na may responsibilidad na hawakan ang lahat ng mga esensyal na desisyon tungkol sa pagpapatakbo sa lipunan, at nagpapatupad ng permanenteng kontrol sa mga binigyan nito ng mga tungkulin ng koordinasyon at sentralisasyon. Ito ang mga prinsipyo ng "kapangyarihang sobyet" ("sobyet" ay Rusyan sa "konseho") na tinayo sa Rusya sa 1917. Ang Stalinismo ay absolutong kabaliktaran ng ganung rehimen. Ang tanging diktadura ilalim sa Stalinismo ay hindi ng proletaryado, kundi sa proletaryado, para sa kapakanan ng maliit na minorya ng mga burukrata, batay sa paninindak, pulis, espiya, concentration camps, at masaker sa kahit sinong manggagawa na sumubok tutulan ito, tulad ng nakita natin sa Hungarya sa 1956, o sa Poland sa l970 at  1981.

Panghuli, ang komunismo ay nagkahulugan ng kataposan ng pagsasamantala ng tao sa tao, ang kataposan ng pagkahati-hati ng lipunan sa may prebilihiyo at pinagsamantalahang mga uri. Ilalim sa Stalinismo, patuloy na pinagsamantalahan ang mga manggagawa. Ang kanilang dugo, pawis at luha ay walang ibang pinagsilbihan kundi ang patuloy na kasayahan ng mga lider ng Partido sa kanilang mga prebilihiyo: ang kanilang maluhong mga pribadong bahay, habang ang mga manggagawa ay nagsiksikan sa sirang mga apartment, ang kanilang mga ispesyal na mga shop ay walang kulang habang pumipila ang mga manggagawa ng ilang oras sa walang laman na mga shop ng estado. Dagdag pa, ang produksyon sa komunistang lipunan ay may oryentasyong para sa satispaksyon ng pangangailangan ng tao: ang dating USSR at mga bansang gaya niyon ay nagbigay ng magandang ehemplo ng "komunismo" sa pamamagitan ng paglalaan sa mas magandang bahagi ng kanilang produksyon, kaysa opisyal na mga kapitalistang bansa, sa pinaka-sopistikado at nakamamatay na mga armas.

Lahat ng mga rehimen na naghari sa ilang dekada sa ngalan ng uring manggagawa, sa komunismo o sosyalismo, ay nagbunyag sa lahat ng esensyal na mga katangian ng kapitalismo. At ito, ang saktong dahilan na sila talaga ay buong-buong kapitalista, kahit na ito ay marupok na porma ng kapitalismo, kahit na ang "pribadong" burgesya na kilala natin sa Kanluran ay pinalitan ng burgesya ng estado, at kahit na ang unibersal na tendensya tungong kapitalismo ng estado na nakaapekto sa lahat ng mga kapitalistang bansa mula ng ang sistema ay pumasok sa kanyang dekadenteng yugto, ay nagkahugis sa ilalim ng mga rehimeng ito sa kanyang pinaka-karikatura at abnormal na mga porma.

"Demokrasya": kakutsaba ni Stalin

Ang rehimen na umagaw ng kapangyarihan sa Rusya matapos matalo ang rebolusyong Oktubre hindi lang ibang anyo ng kapitalismo, kundi tagapanguna ng kontra-rebolusyon, at ito ang dahilan bakit tinanggap na bukas ang kamay ng parehong naghaharing uri na noong mga nakaraang taon lamang ay mabangis na nakipadigma laban sa Sobyet. Sa 1934, tinaggap ang USSR bilang myembro ng "Liga ng mga Bansa" (ang sinundan ng UN), na inilarawan ng mga rebolusyonaryo gaya ni Lenin na "lungga ng mga magnanakaw" nang itatag ito. Ito ang hudyat na si Stalin ay naging "kagalang-galang" sa mga mata ng internasyunal na naghaharing uri na tumuligsa sa mga Bolsheviks sa 1917 bilang pangkat ng mga uhaw sa dugo. Kinilala ng mga imperyalistang tulisan si Stalin na isa sa kanila. Pagkatapos niyon, ang mga rebolusyonaryong tumutol sa pag-abante ng Stalinismo ang nakaranas ng panunupil ng buong internasyunal na burgesya. Si Trotsky[1], ang isa sa mga pangunahing lider sa 1917, ay naging "hindi kanais-nais na dayuhan" sa buong mundo. Matapos pwersahing palayasin sa USSR sa 1929, pinatalsik siya sa isang bansa mula sa isa pa, laging minanmanan pulisya. Ang burgesya sa Kanluran ay napatunayan lang na labis na nagagalak na banggitin muli ang lahat na nakayayamot na paninirang-puri ng mga Stalinista. Nang, sa 1936, sinimulan ni Stalin ang pag-organisa ng "paglilitis sa Mosow", at ang mga kasamahan ni Lenin na lumitaw sa paglilitis, na nasiraan ng loob dahil sa tortyur, ay inakusahan ang mga sarili sa pinaka-karumaldumal na krimen at nagmakaawa pa na ipataw ang "pambabalang parusa", ang burgesya sa buong mundo ay nagpahiwatig na "kung may usok may apoy". Sa kanilang pakipagsabwatan nagawa ni Stalin ang kanyang kasumpa-sumpang mga krimen, at napatay niya sa kanyang mga bilangguan at concentration camps ang ilampung libong mga komunista, at mahigit sa sampung milyon na manggagawa at magsasaka. At ang pinakamasigasig na kasabwat ni Stalin ay ang "mga demokrata", at laluna ang mga sosyal-demokrata: ang parehong mga tao na ngayon ay tumuligsa sa mga krimen ni Stalin sa pinakamarahas na paraan at nilagay ang mga sarili sa unahan bilang mga modelo ng kabanalan.

Ni ang pakigsabwatan ng "mga demokrasya" kay Stalin, na maingat nilang tinatago ngayon, ang tanging krimen nila. Sa realidad, ang demokratikong naghaharing uri ay sa bawat bahagi, kasing bihasa sa kalupitan sa katapat niyang mga Stalinista o pasista

Ang "demokrasya" ay ipokritong maskara ng madugong diktadura ng burgesya.

Laging tinuligsa ng mga rebolusyonaryo ang kasinungalingan ng "demokrasya" sa burges na lipunan. Ang pormang ito ng pamahalaan kung saan ang kapangyarihan ayon sa batas ay nasa "mamamayan", sa realidad ay walang iba kundi instrumento ng kapangyarihan ng burgesya sa pinagsamantalahang mga uri.

Ipinakilala ng burges na demokrasya ang kanyang sarili mula sa simula sa pamamagitan ng kanyang maruming gawain. Ang bantog na demokrasyang Amerikano ni Washington, Jefferson at mga kasamahan na pinakilalang modelo para sundin ng iba, ay nanindigan sa pang-aalipin hanggang 1864. At ng inalis ang pang-aalipin, dahil napatunayan na mas bentaha ang pagsasamantala sa uring manggagawa kaysa pagsasamantala sa mga alipin, ang isa pang huwaran ng demokrasya - ang Britanya na sinusuportahan ang Konpederato ng mga nang-aaliping estado sa Digmaang Sibil. Sa kabilang banda, ang Republikang Pranses - tagapagmana ng rebolusyon sa 1789 at sa "deklarasyon ng mga karapatan ng tao" - ipinakilala ang sarili sa pamamagitan ng pagdurog sa Komyun ng Paris sa 1871: sa isang linggo, mahigit sampung libong mga manggagawa ang pinatay ng republikanong hukbo.

Pero ang mga ito ay laro lamang ng mga bata kaagapay ang mga krimen ng mga "demokratikong" rehimen sa siglo.

Ang mga krimen ng burges na demokrasya sa ika-20 siglo

Sa kalakhan, ang Unang Digmaang Pandaigdig ay away sa pagitan ng mga ganap na "demokratikong" gobyerno, sa masigasig na suporta ng halos lahat ng mga "sosyalistang" partido: nag-iwan ito ng 20 milyon patay. Ang parehong mga gobyerno, kakutsaba ang mga "sosyalista", o nasa kapangyarihan na, madugong dinurog ang unang rebolusyonaryong alon na nagpahinto sa unang Digmaang Pandaigdig. Sa Berlin sa 1919, sa pagsinungaling na nagtangkang tumakas, ang freikorps sa ilalim ng komand ng "sosyalistang" si Noske ay pinatay ang pangunahing mga lider ng rebolusyon: si Karl Liebknecht, na may tama ng bala sa likod ng kanyang ulo, at si Rosa Luxemburg, binugbog hanggang mamatay gamit ang manggo ng riple. Sa kabilang banda, nag-atas ang sosyal-demokratikong gobyerno na pagpapatayin ang libu-libong manggagawa, sa tulong ng 16,000 machine-guns na madaliang pinabalik sa Alemanya ng nanalong hukbong Pranses sa 1918. Ang parehong mga "demokrasya", sa pangunguna ng Britanya at Amerika, ang nagbigay ng solidong suporta sa Tsaristang hukbo, na nagsisikap ibalik ang pinakaatrasado at mabangis na rehimen, para labanan ang rebolusyonaryong proletaryado sa Rusya.

Ni ang panahon ng digmaan ay nagpatawad sa mga krimen ng banal na "demokrasya". Yumabong ang mga masaker sa mga kolonya, at ang demokratikong Britanya ang nagpasinaya sa 1925, isang uri ng kabangisan na nagkondena kay Saddam Hussein: ang paggamit ng lasong gas laban sa mga Kurds. Subalit pinakita ng mga demokrata ang tunay nilang kakayahan sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nagbalatkayong krusada laban sa diktadura at sa paninindak ng Nazismo.

Nang matapos ang gera, lumaganap ang propaganda ng Alyado sa mga "digmaang krimen" ng Alemanya. Napakahirap nito: ang diktadura ng Nazi polis at mga kampo ng panlilipol ay kasinghalaga kay Stalin. Parehong sinubukan ang lalim ng kabangisan sa ilalim ng dekadenteng kapitalismo. Ang rehimeng Nazi ay "demokratikong" nailagay sa kapangyarihan, sa pamamagitan ng parlyamento, ng Alemang burgesya na siyang naglagay sa mga sosyal-demokrata sa kapangyarihan noong una para durugin ang rebolusyon ng manggagawa. Ang totoong anak ng kontra-rebolusyon ay pinakawalan sa proletaryado sampung taon bago naging simbolo ang Nazismo, laluna sa masaker ng anim na milyong Hudyo, gaya ng kayang gawin ng naghaharing uri kung naramdaman nitong may banta sa kanyang sarili. Ang mga responsable sa mga krimen ng Nazi ay nilitis sa Nuremburg: ang iilan ay pinatay. Pero walang paglilitis kina Churchill, Roosevelt at Truman, o kahit sino sa militar ng Alyado, na siyang responsable sa sistematikong pambobomba sa mga lungsod ng Alemanya, at laluna sa mga distrito ng uring manggagawa, na may ilampung libong sibilyan na napatay. Walang paglilitis dahil nanalo sila - para ibigay ang kautusang bombahin ang Dresden sa ika-13 at ika-14 ng Pebrero 1945, ginawang napakalaking impyerno ang lungsod na sa loob ng ilang oras ay pumatay ng 200,000 tao, ay kahit sa katotohanan na naipanalo na ang gera, at alam nila na ang lungsod ay walang instalasyong militar at naging sentro ng tagoan ng mga takas at sugatan sa digmaan. Walang paglilitis sa mga "demokratang" Amerikano na sa Agosto 1945, na una at tanging panahon sa kasaysayan, gumamit ng bomba atomika laban sa mga lungsod ng Hiroshima at Nagasaki, na unang pumatay ng 75,000 at saka 40,000 sa loob lamang ng ilang segundo, at pagkatapos ay dagdag pa na libu-libong nagdurusa sa panahon at pagkatapos niyon. Ang parehong mga "demokrata", Churchill, Roosevelt at mga kasamahan, na lubusang nakaalam sa nangyayari sa mga kampo ng kamatayan ng Nazi, ay walang ginawa para tulungan ang mga Hudyo, nang diretsahan pang tumanggi sa lahat ng mga suhestyon ng gobyernong Aleman na palayain ang daan-daang libo sa kanila. Sa  pagungutyang pagpaliwanag ng mga "makataong" ito na ang pagkuha at pagkanlong ng lahat ng mga Hudyong ito ay hadlang sa pakikidigma.

Ang mga krimen ng "demokrasya" matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig

Ang mga nanalo sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay hindi nag-atubili kahit isang sandali na gamitin ang parehong pamamaraan ng mga Nazi na tinuligsa nito, sa ilalim ng bandila ng moralidad, kalayaan, at karapatan ng sariling pagpapasya ng bayan. Ang malakihang panunupil laban sa sibilyang populasyon ay hindi monopolyo ng mga akusado sa Nuremburg: ginawa din ito sa mga gerang kolonyal at neo-kolonyal ng mga "sinilangan ng demokratikong" kapangyarihan tulad ng USA, ang tanglaw ng "malayang daigdig", o Pransya, ang "sinilangan ng mga karapatan ng tao". Sa ika-8 ng Mayo 1945, ang araw mismo na sumurender ang gobyernong Aleman, ang koalisyong Pranses ng mga demokratang kristyano, "sosyalista", at "komunista" ay pinatay ang 20,000 tao sa pambobomba sa Algeryan na mga lungsod ng Constantine at Sétif, kung saan isang bahagi ng populasyon ay halos hindi naniwala sa mabuting salita ng gobyerno hinggil sa "pambansang paglaya". Dalawang taon pagkatapos, ang parehong gobyerno ginawa ulit ito sa Madagascar, nag-iwan ng 80,000 patay. Hinggil sa tortyur na ginamit ng Gestapo, at ang mga "pagkawala" na ngayon ay pinatupad ng mga "goons" sa Argentina at Chile, ang pamahalaang Pranses ay gumamit din sa parehong pamamaraan ng ilang taon sa Algeria at Indochina, hanggang sa punto na maraming sundalo at pulis ang nagbitiw dahil sa pagkamuhi. Sa panahon ng 1950s, ang Britanya na "ina ng mga parlyamento" naglunsad ng digmaan laban sa pag-alsa ng magsasakang Mau-Mau sa Kenya gamit ang lahat ng mga sopistikadong armas ng modernong estado, nag-iwan ng 30,000 patay. Ang alaala ng nakasusuklam na pagpatay ng hukbong Amerikano sa Byetnam ay sariwa pa: ang mga baryo ay sinunog ng napalm, pinagbabaril ang mga magsasaka mula sa mga helicopters, ang paglipol ng buong populasyon ng My Lai: iyan ang mga bantog na gawain ng mga tsampyon "demokrasya".

Sa huling pagsusuri, walang pundamental na kaibahan sa pagitan ng demokrasya at iba pang porma ng burges na gobyerno. Natutunan na nito lahat kung ang pag-uusapan ay ang panunupil sa pinagsamantalahan, masaker sa buong populasyon, tortyur sa kanyang mga kaaway, at pagsinungaling sa kanilang pinagharian. At narito ang kanyang talagang superyoridad sa hayag na diktadura. Ang Stalinismo at pasismo ay sistematikong nagsinungaling, pero pinaunlad pa ito ng demokrasya: gumawa ito ng parehong mga krimen, napakalawak ang nagsinungaling nito, subalit lahat ay sa ngalan ng Kabutihan, Batas, at mga Karapatan ng Tao, nag-organisa ng "pagpuna" sa sariling mga aksyon sa pamamagitan ng "responsableng" mga tao, sa ibang salita sa kanilang sariling pinakamagaling na tagapagtanggol. Ang demokrasya ay walang iba kundi maliit na dahon na ikinubli sa pinagsamantalahan ang duguan at walang awang diktadura ng burgesya.

Ito ang dahilan bakit napakadelikado ang demokrasya para sa uring manggagawa. Ito ang dahilan bakit ang mga manggagawa ay hindi magpadala sa diumano "tagumpay ng demokrasya sa komunismo", o sa inihayag na inakalang "bagong pandaigdigang kaayusan".

Higit kailanman, barbarismong militar ang tanging  "perspektiba" na maibigay ng kapitalismo

Muling pinakita ng Digmaan sa Gulpo sa pagitan ng Iraq at ng "koalisyon" na pinamunuan ng Amerika, kung ano ang halaga ng kapuri-puring "demokratikong" pananalita. Muli nating nakita ang ginawa ng kahanga-hangang "sibilisadong" mga bansa: ilang daang libong patay sa Iraq; ang paggamit ng lubhang nakamamatay at mabangis na mga armas, tulad ng 7-toneladang mga bomba, o fuel-air combustion bombs na umiinis sa kanilang mga biktima na mas "mahusay" kaysa gas na ginamit ni Saddam Hussein. Nakita natin gaano ka kahanga-hanga ang "abante", "demokratikong" mga bansa sa pagdala ng gutom at epidemya sa mga nakaligtas sa pamamagitan ng sistematikong pagsira sa lahat ng klaseng sibilyan na mga target: mga bodega ng butil, paktorya ng pagkain, sewage treatment plants at patubig, at ospital. Nakita natin - pagkatapos ng lahat - ang walang kataposang propaganda sa "dalisay na gera", na tuloy-tuloy na ibinalita ng masunuring media, sa realidad ay nagsilbi lamang para itago ang digmaan na sa bawat kaliit-liitang bahagi ay "marumi" tulad ng iba: ilampung libong sundalo ay nalibing ng buhay sa kanilang mga trintsera, "carpet bombing" na hindi natamaan ang target tatlong beses sa apat, pero gumawa ng kakila-kilabot na pangangatay sa populasyon sa paligid, ang pagpatay ng 800 tao sa civilian air-raid shelter sa Baghdad, ang maramihang masaker sa tumatakas na mga sundalo, o kahit mga sibilyan, tulad ng sa daan ng Kuwait-Basra sa huling mga araw ng digmaan. Nakita natin ang hindi kapani-paniwalang pangungutya ng "demokratikong" burgesya, na hinayaang katayin ni Saddam Hussein ang parehong populasyong Kurdish na inanyayahan nilang mag-alsa sa ilalim ng liderato ng "sarili" nilang makabayang pangkat; nakita natin ang naghaharing uri na palawitin ang lalim ng pagkukunwari matapos ang masaker, nang mag-organisa sila ng "makataong pagtulong".

Ang mga kasinungalingan ng naghaharing uri

Pinakita din sa Digmaan sa Gulpo na ang mga magaling na pananalita ng mga demokratikong pamahalaan hinggil sa "kalayaan sa pamamahayag" at ang "karapatan na makaalam" ay kasinungalingan. Sa buong digmaan, iisa lamang ang katotohanan: ang katotohanan ng estado. Ang tanging mga larawan ay yaong binigay ng himpilang militar. Ang sinasabing "kalayaan sa pamamahayag" ay nakita sa kanyang tunay na kulay: isang ipokritong pagkukunwari. Sa sandaling bumagsak ang unang bomba, nagbukas ito, sa lahat ng media at sa anumang rehimeng totalitaryan, sa maingat at mala-aliping pagsunod sa mga utos ng gobyerno. Muli;, pinakita ng demokrasya ang kanyang tunay na mukha: instrumento ng hindi nahahating diktadura ng naghaharing uri sa pinagsamantalahan. At sa lahat ng maruming kasinungalingan kung saan tayo ay nilubog, ang gantimpala ay napunta sa nagpalabas ng patayang ito bilang "digmaan para sa kapayapaan", nakalaan sa pagbuo, ng nawawala, na isang "payapa at masaganang bagong pandaigdigang kaayusan".

Bihirang ang naghaharing uri ay hayagang magpakita ng kasinungalingan. Sa bawat paglunsad ng dekadenteng kapitalismo ng imperyalistang masaker, inaawitan nila tayo ng parehong awit. Ang Unang Digmaang Pandaigdig, sa kanyang 20 milyon na patay, ang inakalang "digmaan para tapusin ang digmaan". Ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig dumating pagkatapos ng dalawampung taon, at mas nakapopoot: 50 milyon ang patay. Sa panahong ito, pinalabas ng mga nanalo na ito ay "siguradong tagumpay ng sibilisasyon": mula noon, isang walang kataposang pisi ng mga digmaan na pumatay ng pinakamarami, huwag ng banggitin ang lahat ng mga namatay bilang direktang resulta ng gera, kagutuman at epidemya.

Kailangang hindi mahulog sa bitag na ito ang uring manggagawa: walang kataposan ang digmaan sa ilalim ng kapitalismo. Hindi ito usapin ng "mabuti" o "masamang" mga patakaran ng gobyerno, ni sa "kaalaman" o "kabaliwan" ng mga lider ng estado. Ang buong kapitalistang sistema ay nakabatay sa kompetisyon ng iba't-ibang sangay ng kapital, at ang digmaan ay hindi mahiwalay na bahagi nito. Ang siguradong pagbagsak ng bangkarotang ekonomiya ng sistema ay tutungo lang sa lumalaking alitan sa pagitan ng kanyang iba't-ibang mga sektor, kung saan ang digmaan sa kalakal ng mga bansa ay hindi mapigilang mapupunta sa tunay na digmaan. Hindi dapat magkamali: ang pang-ekonomiyang mga dahilan na nasa likod ng dalawang pandaigdigang digmaan ay hindi nawawala. Kabaliktaran, higit sa nakaraan ang kapitalistang ekonomiya ay nasa nakakahilakbot na kagipitan. Natapos na ang panahon ng sistemang ito; kailangan na itong ibagsak, tulad ng mga lipunang sinundan nito: pyudalismo, at sistemang alipin. Ang kaligtasan ng sistemang ito ay lubusan ng kahangalan para sa lipunan ng sangkatauhan, isang kahangalan tulad ng imperyalistang gera mismo, na ginamit ang lahat ng yaman ng syensya at paggawa ng tao, hindi para sa kapakanan ng sangkatauhan, kundi ang kabaliktaran na sirain ang kayamanan, magtambak ng mga guho at mga bangkay. At huwag nilang sabihin sa atin na ang pagbagsak ng imperyong Ruso at ang paglaho ng pagkahati ng mundo sa pagitan ng dalawang magkaaway na bloke ay nagkahulugan ng kataposan na ng digmaan. Totoo, walang duda na walang bagong pandaigdigang digmaan sa dalawang malalaking kapangyarihan at ng kanilang mga alyado. Pero ang kataposan ng mga bloke ay hindi tumapos sa mga kontradiksyon ng kapitalismo. Nananatili ang krisis. Ang nawala ay ang disiplina ng mga malalaking makapangyarihan na pinataw nila sa kanilang mga nasasakupan. At dahil ang alitan ng mga bansa ay lalo lamang titindi dahil sa hindi mapigilang paglala ng krisis, ang tanging perspektiba sa ating harapan ay siguradong hindi ang "bagong pandaigdigang kaayusan" kundi mas nakasisirang "pandaigdigang kaguluhan".

Ang kinabukasan ng kapitalismo: higit pang mabangis na digmaan

Ang katapusan ng dalawang bloke ay nagkahulugan din ng katapusan sa kahit anumang pagpigil ng bawat bansa sa kanilang pansariling imperyalistang mga interes. Ang batas ay "maging numero uno, at ang pinakamasama ay nasa kahuli-hulihant", dahil ang bawat pambansang burgesya ay gagamitin ang lahat ng posibleng paraan - at paraang militar sa partikular - para proteksyunan ang pansariling interes sa kapinsalaan ng kanyang mga karibal, at ipaglaban kahit hindi napakahalagang merkado, ang maliit na kapiraso ng impluwensya at kapangyarihan. Sa realidad, ang maibigay na kinabukasan ng kapitalismo sa sangkatauhan ay ang pinakamalaking kaguluhan na hindi pa nakikita sa kasaysayan. At nang ang pinakamakapangyarihan sa mundo ay nagbalak na kunin ang papel na "pulis ng mundo" para sa "preserbasyon ng kaayusan", ang lahat na magagawa nito ay pakawalan ang higit pang kaguluhan at pagdanak ng dugo, tulad ng nakita natin sa Gitnang Silangan sa simula ng 1991. Ang krusada ng US laban sa Iraq ay ginawa sa ngalan ng "Internasyunal na Batas" at "Kaayusan ng Mundo". Ito ay naging pampahirap na espedisyon, kung saan ang pinaka-makapangyarihang mambubutang - ang Estados Unidos - ay pinakitang papatay ito para sundin ang batas, ang batas ng Mafia, laban sa maliit na mga mambubutang tulad ni Saddam Hussein. Ang tanging kaibahan ay ang Mafiosi ay nagpapatayan sa isa't-isa, at sa maliit na bilang, habang ang mga estadista ay pinapatay una sa lahat ang populasyon na pinagharian ng kanyang mga kaaway, at malawakan. Hinggil sa "bagong kaayusan ng mundo", nakita natin paano ito "inalagaan" simula ng Gera sa Gulpo. Sa Gitnang Silangan, ang gera ay nagdulot ng bagong kaguluhan, tulad ng mga pag-alsa ng Shi'ite at Kurdish na nagbanta sa istabilidad ng buong rehiyon, sa Turkey, Iran, Syria at timog USSR, banta na maiwasan lamang sa pamamagitan ng maramihang masaker ng mga populasyong ito. Sa ibang bahagi ng mundo, hindi huminto sa paglaki ang kaguluhan, gaya sa kontinente ng Aprika, na nalulunod tungo sa etnikong mga labanan at masaker, huwag ng banggitin ang kagutuman at epidemya na hindi maiwasang resulta ng mga ito. Hindi pinatawad ng kaguluhan ang Uropa mismo. Ang Yugoslavia ay duguang nagkawatak-watak na bumabagsak. Ang alaala ng Sobyet ay nasa kanyang naghihirap na paghihingalo, kalakip ang isang kudeta na kasinghalaga ng banana republic, ang sesesyon ng halos lahat ng mga myembrong estado nito, ang pagsabog ng nasyunalismo na nagbantang maulit ang sitwasyon sa Yugoslav sa kontinental na lawak, higit sa lahat, ilampung libong nuclear warheads na nanganganib mahulog sa mga kamay ng pinaka-iresponsableng representante ng burgesya, kundi man sa lokal na mafia.

Panghuli, ang iba't-ibang kapangyarihan sa dating bloke ng Kanluran ay nagsimulang paghiwa-hiwalayin ang mga sarili. Kaya nakikita natin ang burgesyang Aleman, kasama ang kanyang kakutsabang Austriyan, pinaypayan ang apoy sa Yugoslavia sa pamamagitan ng pagtulong sa mga separatistang Slovene at Croat, habang ang ibang mga burgesya sa Kanluran ay nagsisikap pigilan ang pagkadurog ng bansa. Sa pagbagsak ng USSR at sa kanyang kapangyarihang militar, ang mga alyado noon ay hindi na kailangang magtulong-tulong. Ang kanilang imperyalistang tunggalian, ang kanilang kasabikang makahanap ng pinakamaliit na pang-ekonomiya, pampulitika at pang-militar na masasakop, ay hahantong lamang sa papalaking labu-labong labanan ng lahat. At ito ang dahilan kung bakit ang Amerika ay hinampas ng pagkawasak ang Iraq. Ang huli ay hindi lang ang target. Ang pagpakita ng napakalaking kapangyarihang militar ng Amerika, ang nakapandiring paggamit ng napakasopistikado at pumapatay na mga armas, ay hindi lang nakaukol sa Iraq, o para sa iba pang mahihinang mga bansa na maaring maengganyong sumunod sa kanya. Ang "mensahe" ng Amerika ay saligang para sa kanyang sariling mga "alyado", ma para man sa mga nahatak niya sa digmaan (tulad ng Pransya, Italya, o Espanya halimbawa), o para sa pinilit niyang balikatin ang gastusin (Alemanya, Hapon): babala, sa lahat na nag-iisip na tutulan ang "bagong kaayusan ng mundo" at tutulan ang kasalukuyang balanse ng pwersa, sa ibang salita tutulan ang pangingibabaw ng nangungunang kapangyarihan sa mundo.

At makikita ang mundo bilang isang napakalaking labu-labong labanan ng lahat, kung saan sa likod ng mga magagaling na pananalita hinggil sa "pandaigdigang kaayusan", internasyunal na "kapayapaan" at "kooperasyon", "pagkakaisa" at "hustisya" para sa pinakamahihirap, ang bawat bansa sa totoo lang ay para sa kanyang sarili; kung saan ang tumitinding imperyalistang tunggalian ay makikita hindi lang sa pang-ekonomiyang kompetisyon, kundi sa digmaan. Sa harap ng ganitong madugong kaguluhan, na lalo pang lalala, ang pagsuporta sa "bagong pandaigdigang kaayusan" ay walang ibang kahulugan kundi ang lumalaking paggamit ng mabangis na kapangyarihang militar, mas maraming masakaer na kagagawan ng mga malalaking imperyalistang kapangyarihan, sa pangunguna ng USA, ang tanglaw ng "demokrasya", at pulis ng daigdig.

Lahat ng kaguluhang ito na nakikita natin sa ating paligid, mga digmaan, mga bansang nalublob sa madugong internal na labanan, mga walang katapusang masaker na mabangis at kahangalan, ay nagpapaliwanag na ang mundo ay pumasok sa isang bagong istorikal na yugto na dominado ng walang katulad na mga kombulsyon. Nais tayong papaniwalain ng "demokratikong" burgesya na ang biglang pagbagsak ng mga Stalinistang rehimen ay tanging kagagawan lamang ng katiyakan ng pagiging bangkarota ng kanilang sistema, ng kanilang ekonomiya. Muli silang nagsinungaling. Totoo na ang Stalinistang tipo ng kapitalismo ng estado ay partikular na alangan, marupok, at may kakulangan sa pagharap sa pandaigdigang pang-ekonomiyang krisis. Pero itong napakalaking makasaysayang pangyayari, ang pagsabog ng buong imperyalistang bloke sa loob ng ilang linggo sa panahon ng taglagas sa 1989, at ngayon ang kaparehong biglang dislokasyon sa dating lider ng bloke, ang USSR, na sa nakaraang dalawang taon ay siyang pangalawang imperyalistang kapangyarihan, naglalantad sa lawak ng kabulukan, hindi lang sa mga Stalinistang rehimen, kundi pati na rin at higit sa lahat sa buong kapitalistang sistema.

Pagkabulok: ang huling yugto ng dekadenteng kapitalismo

Ang pagbulusok pababa ng kapitalismo, simula ng pagpasok ng ika-20 siglo, ang pinaka-lunus-lunos na yugto ng kasaysayan ng sangkatauhan. Hindi pa nakakita ang lipunan ng sangkatauhan ng masaker na kasinglawak kaysa nagdaang dalawang Pandaigdigang Digmaan. Walang kasinglawak na ginamit ang syentipikong pag-unlad para sa paninira, kamatayan, at paghihirap ng sangkatauhan. Wala pang katulad na ang naipon na kayamanan ay magkaagapay, sa katunayan ay gumawa, ng kagutuman at pagdurusa gaya ng sa mga bansa sa Ikatlong Daigdig sa nagdaang ilang dekada. Subalit parang hindi pa nasukat ng sangkatauhan ang kalaliman. Ang pagbulusok pababa ng kapitalismo ay nagkahulugang ang sistema ay nasa kanyang paghihingalo, pero ang paghihingalong ito ay may kasaysayan: ngayon, naaabot na natin ang kanyang huling yugto, ang yugto ng pangkalahatang pagkabulok. Naaagnas ang lipunan ng tao sa kanyang kinatatayuan.

Mula ng matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nagawa ng kapitalismo na itulak ang napakabangis at napakasakim na mga ekspresyon ng kanyang pagbulusok-pababa sa mga di-maunlad na mga bansa. Ngayon, ang parehong mga ekspresyon ay umuusbong mismo sa pusod ng mga abanteng bansa. Ang walang-katotohanang mga alitang inter-etniko, kung saan buong populasyon ay nagpapatayan dahil sa kaibahan ng relihiyon, lenggwahe o kahit sa alamat ay sa loob ng ilang taon ay parang nasa Ikatlong Daigdig lang: sa India, Aprika, o sa Gitnang Silangan. Ngayon ay nagwala na ito sa Yugoslavia, ilang daang kilometro lamang ang layo mula sa industriyalisadong pusod ng Austriya at Hilagang Italya. At walang sinumang sabihan tayo na ang mga makabayang kilusan sa Yugoslavia, o sa dating imperyo ng Rusya, ay kumakatawan sa "huling kahilingan para sa kalayaan", o para sa pagtatayo ng isang "progresibong" pambansang estado, na malaya mula sa kadena na humahadlang sa kanyang pag-unlad. Totoo na sa panahon ng nakaraang siglo, ang ilang mga pambansang pakikibaka ay may progresibong katangian para buksan ang daan tungo sa posibleng pormasyon ng mga teritoryal na entidad, na mapangibabawan ang partikular na mga harang na iniwan ng pyudal na rehimen. Ito ang nangyari, sa partikular, sa mga kilusan na nagbuo sa mga pambansang estado ng Italya at Alemanya. Pero simula ng pagpasok ng siglo nang ang kapitalismo ay nasa kanyang dekadenteng yugto na, ang mga pakikibaka para sa "pambansang kalayaan" ay nawalan na ng progresibong katangian, at simpleng naging mga kolateral sa away ng mga malalaking kapangyarihan at imperyalistang bloke. Ngayon, kahit katulad ng mga pambansang kilusan sa mga Balkan o Sentral na Uropa na palihim na pinapaypayan ng iba't-ibang kapangyarihan, sa batayang mga ito ay kagunggungan: ngayong naabot ng ekonomiya ang walang katulad na antas ng internasyunalisasyon, at ang burgesya sa abanteng mga bansa ay nagsisikap kahit hindi nagtagumpay na buuin ang mas malawak na balangkas sa pangangasiwa ng ekonomiya kaysa sa antas nasyon (halimbawa ang EEC), ang dislokasyon ng mga estado na lumitaw matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig tungo sa isang kawan ng mga maliliit na estado ay lubusang paglihis, kahit sa pananaw ng kapitalistang mga interes. Tungkol naman sa mga populasyon ng mga rehiyong ito, ang kanilang kinabukasan ay hindi maging mas mabuti kaysa noon, kundi masahol pa: lumalaking pang-ekonomiyang kaguluhan, pagkasakop sa panatiko at rasista na mga diktador, awayan at organisadong pagpangpatay sa pagitan ng mga komunidad na sama-samang nanirahan ng ilang henerasyon, at higit sa lahat ang kalunus-lunos na pagkahati sa iba't-ibang paksyon ng uring manggagawa. Higit pang kahirapan, panunupil, paninindak, at ang pagkadurog ng makauring pagkakaisa ng proletaryado laban sa mga mapagsamantala: ito ang kahulugan ng nasyunalismo ngayon. At ang pagsabog ng nasyunalismo ngayon ay talagang patunay na ang dekadenteng kapitalismo ay humakbang tungo sa pagkaagnas.

Pero ang makabayang kahibangan na nagwala sa maraming bahagi ng Uropa ay hindi lang hudyat na ang abanteng mga bansa ay nahulog sa magkatulad na kabangisan na itinulak ng kapitalismo sa kanyang paligid.

Umabot ang barbarismo sa pusod ng kapital

Para maniwala ang mga manggagawa sa mas maunlad na mga bansa na walang dahilan para sila mag-alsa, pumunta ang media sa mga iskwater sa Bogotá o sa mga kalye ng Maynila para mag-ulat ng prostitusyon ng kabataan at kriminalidad. Ngayon, dose-anyos na kabataan sa pinakamayamang bansa sa mundo, sa New York, Los Angeles o Washington, ay nagbebenta ng laman, o papatay para sa ilang gramo ng droga. Ang mga walang matirhan sa Amerika ay umabot sa ilang daang libo: maabot lang ng pagbato mula sa Wall Street, ang mataas na templo ng pandaigdigang pinansya, ang masa ng tao na natutulog sa karton sa kalye, tulad ng nangyari sa Calcutta. Ang korupsyon at pabrikasyon na nakalagay sa batas na dati-rati ay mga lider lang sa "Ikatlong Daigdig" ang bihasa. Ngayon, bihira nang matapos ang isang buwan na walang bagong iskandalong nagbunyag sa pangulimbat at pandaraya ng buong pampulitikang makinarya sa "abanteng" mga bansa: paulit-ulit na pagbitiw ng mga ministro sa gobyerno ng Hapon, kung saan ang paghahanap ng isang "presentableng" politiko ay naging totoong "Mission Impossible"; ang malawakang partisipasyon ng CIA sa kalakal ng droga; ang pagpasok ng Mafia sa pinakamataas na antas sa estado ng Italya; ang mga deputado ng parlyamentong Pranses binoto ang mga sarili para hindi mabilanggo sa pamamagitan ng isang pangkalahatang amnestiya. Kahit sa Switzerland, isang bansa na maalamat ang kanyang integridad, isang hukom at ministro ng pulis ay napatunayang maysala sa paggamit ng pera-mula-sa-droga. Ang korupsyon ay laging bahagi na ng lipunang burges, subalit ngayon umabot na ito sa pinakalubhang pagkabulok at pagbulusok-pababa.

Katunayan, lahat ng buhay panlipunan ay parang lubusan ng nagkawatak-watak, nalublob sa kahibangan, karumihan, at kawalang pag-asa. Ang buong lipunan ng sangkatauhan, sa bawat kontinente, ay lalupang tumagas ang barbarismo sa bawat butas.

Tumitindi ang kagutuman sa Ikatlong Daigdig, at di magtatagal ay makaabot na sa dating tinawag na "sosyalistang" mga bansa, habang sa Kanlurang Uropa at Hilagang Amerika sinisira ang mga naipong pagkain, at ang mga magsasaka ay binayaran para magsaka ng maliit na lupa o pinagmulta kung aani ng higit pa sa kotang binigay sa kanila. Sa Latin Amerika, ang nakamamatay na sakit tulad ng kolera, na dati ay napawi na, ay bumalik at umabot sa antas ng epidemya. Sa buong daigdig, mga baha at lindol ay pumatay ng ilampung libo, kahit pa umiiral ang mga paraan para maitayo ang mga dike at bahay na makapigil sa naturang kalamidad. Ganun pa man, hindi maaring akusahan ang "kapalaran" o "kalikasan" na nagtulak sa naturang mga insidente tulad ng sa Chernobyl kung saan sa 1986 sumabog ang isang nuclear power station na pumatay ng daan-daan (kundiman libu-libo) ka tao at nahawa ang buong rehiyon, o sa mas maunlad na mga bansa, na siyang dahilan ng malaking mortal na kalamidad sa malalaking syudad: 60 patay sa istasyon ng tren sa Paris, higit sa 31 ang patay sa sunog sa Kings Cross Underground sa London. Napatunayan din ng sistema na wala itong kapasidad para pigilan ang pagkasira ng kapaligiran, acid rain, nuclear at ibang polusyon, ang greenhouse effect, o ang paglawak ng disyerto, lahat ng ito ay banta sa kaligtasan ng sangkatauhan mismo.

Sa kabilang banda, pinailalim tayo sa permanenteng hamak na kalagayan ng buhay panlipunan: ang krimen at karahasan ay lumalaki kahit saan, habang ang adiksyon sa droga ay lalong lumala laluna sa henerasyon ng kabataan, mga senyales ng pagkawatak-watak, pagkabukod, at kawalan ng pag-asa na sumakop sa buong lipunan.

Tunguhin ng kapitalismo na sirain ang sangkatauhan

Kung naabot na ng lipunan ang antas ng pagkawatak-watak, kung ang kawalan ng pag-asa ang dominanteng damdamin sa loob nito, ito ay dahil ang kapitalismo higit kailanman ay absolutong wala ng kapasidad na mag-alok sa sangkatauhan ng kahit anumang kinabukasan. Sa mahigit 20 taon, ang sistema ay nagdurusa ng napakalala at hindi na masolusyonan na krisis sa kanyang ekonomiya. Sa panahon ng 1930s, ang krisis ay tumungo sa pandaigdigang digmaan. Hindi ito ang "solusyon" sa krisis, pero dahil ang uring manggagawa ay nagdusa pa sa teribleng pagkatalo sa kanyang kasaysayan, hindi nito napigilan ang burgesya mula sa pag-organisa sa lahat ng pang-ekonomiya at pampulitikang lakas ng lipunan para sa imperyalistang masaker. Ngayon, ang posibilidad na ito ay hindi na bukas sa kapitalismo. Ang unang mga senyales sa krisis, sa kataposan ng 1960s, ay kagyat na nagtulak ng kontra-atake mula sa internasyunal na uring manggagawa: ang welga ng 9 milyong mga manggagawa sa panahon ng Mayo 1968 sa Pransya, ang "mainit na Mayo" sa 1969 sa Italya, ang pag-alsa ng mga manggagawa sa Argentina sa Cordoba sa panahon ng parehong taon, ang malakihang welga sa Poland sa rehiyong Baltic sa parehong panahon, ang welga ng mga minero sa Britanya sa panahon ng 1972 at 1974, at marami pang mahalagang mga pakikibaka sa ibang mga bansa. Ito ang patunay na nakaalpas na ang uring manggagawa sa kontra-rebolusyon, na ito ay may kapasidad, sa pamamagitan ng kanyang pagtangging tanggapin ang kahirapang hiningi ng burgesya, na hadlangan ang panibagong Pandaigdigang Digmaan: mga manggagawa na tumangging isakripisyo ang kanilang kabuhayan sa pambansang ekonomiya ay hindi rin handa na isakripisyon ang kanilang buhay sa pambansang estado. Pero kahit napigilan ng proletaryado ang pagputok ng panibagong imperyalistang patayan, hindi rin nito naisulong ang kanyang sariling perspektiba: ibagsak ang kapitalismo, at itayo ang lipunang komunista. Bilang resulta, hindi nito mapigilang maramdaman ang lumalaking epekto ng dekadenteng kapitalismo. Pero hindi tumigil ang kasaysayan sa panahon ng temporaryong harang ng pandaigdigang sitwasyon. Sa loob ng 20 taon, ang lipunan ay patuloy na nagdusa sa akumulasyon ng lahat ng katangian ng pagbulusok-pababa, na pinalala pa ng lumalalim na krisis na napatunayang lubusan ng hindi mahanapan ng solusyon ng naghaharing uri. Ang makayanan lamang ng huli ay ang pang-araw-araw na paglaban, na walang maasahang tagumpay, tungo sa hindi mapigilang pagbagsak ng kapitalistang moda ng produksyon. Walang kakayahang magbigay ng kahit napakaliit na paraan (kahit ang paraan ng pagpapatiwakal, tulad ng Pandaigdigang Digmaan), ang kapitalismo ay nahulog sa mas lalong malalim na sitwasyon ng abanteng panlipunang pagkaagnas at pangkalahatang kawalan ng pag-asa.

At itong kawalan ng pag-asa ay lalaki pa habang pinakita ng mundo na wala ng paraan para makaligtas ang sangkatauahan. Wala ng mga ilusyon pa! kung hindi natin maibagsak ang kapitalismo, ang kapitalismo, kahit walang bagong pandaigdigang digmaan, ang sisira sa sangkatauhan, sa pamamagitan ng maiipong mga lokalisadong digmaan, epidemya, pagkasira ng kapaligiran, kagutuman, at iba pang "natural" na kalamidad.

Komunistang rebolusyon ang tanging pag-asa ng sangkatauhan

Mga manggagawa! Ang prediksyon ng mga rebolusyonaryo sa nakaraang siglo ay nakikita na ngayon. "Sosyalismo o Barbarismo" ang kanilang sinabi. Sa kawalan ng pandaigdigang rebolusyon ng proletaryado, naging pangkalahatan na ang barbarismo ngayon at banta sa kaligtasan ng sangkatauhan mismo. Higit kailanman, ang tanging pag-asa para sa kinabukasan ay ang pagbagsak ng kapitalistang sistema, at ang pagbuo ng bagong panlipunang mga relasyon na malaya mula sa mga kontradiksyon na sumasakal sa lipunan.

Kung ang kapitalismo ay nalublob sa walang solusyon na pang-ekonomiyang krisis na naging batayan ng kanyang mga kombulsyon ngayon, kung hinatulan nito ang masang sangkatauhan sa kahirapan at kagutuman habang hindi naman ito makahanap ng merkado para sa kanyang produksyon at nagsasara ng mga paktorya, iniwanan ang mga lupang hindi nabubungkal, at nagtanggal ng mga manggagawa, dahil ang kapitalismo ay gumagawa, hindi para ibigay ang pangangailangan, kundi magbenta para sa tubo. Sagad na ang merkado ngayon, hindi dahil sagad na ang pangangailangan ng lipunan kundi dahil wala itong kapasidad na bilhin ang mga produktong nagawa, at ang kapasidad na ito ay hindi maibigay ng kapitalismo kung hindi ito maglaho: ang isang kapitalismo na magbigay sa mga komsumante ng pera para bilhin ang ginawa nito, sa ibang salita ibigay ang kanyang produkto, ay hindi na kapitalismo. At ang utang na sobrang inabuso ng ilang taon ay hindi makapagbago ng anupaman: sa pamamagitan ng pagpalawak ng utang, ginawa lamang nitong mas mabuway. Ang ideolohikal na kampanya ng burgesya ngayon ay umaawit ng mga papuri sa merkado, na inakalang lumutas sa lahat ng mga problema ng pandaigdigang ekonomiya. Ang samang pandaraya! Dahil ang kapitalismo ay nakabatay sa produksyon ng kalakal, sa halaga para sa palitan at hindi sa gamit, na ang kanyang ekonomiya ay nalublob sa walang kataposang malalim na bangin. Ang kabiguan ng Stalinistang ekonomiya hindi sa pagpawi niya sa kapitalismo at merkado, kundi ang subukang malawakang dayain ang mga batas nito, na hindi ito winawakasan. Ang tanging paraan na madaig ang krisis ng kapitalismo ay hindi ang "pagparami ng kapitalismo" o "bawasan ang kapitalismo", ni repormahin ang sistema. Dapat itakwil ang mga batas na namahala nito, at ibagsak mismo ang kapitalismo.

Tanging ang proletaryado ang may kapasidad na tapusin ang kapitalismo

Ang proletaryado lamang ang may kapasidad sa pagpabagsak. Ito lang ang uri sa lipunan na may totoong interes na atakehin ang mga ugat ng kapitalismo, na atakehin ang produksyon ng kalakal na siyang pusod ng krisis ng sistema. Dahil tiyak na nasa merkado, ang dominasyon ng kalakal sa kapitalistang produksyon, na siyang pusod ng sariling pagsasamantala ng proletaryado. Ang kaibahan ng uring manggagawa sa ibang mga kategorya ng mga prodyuser gaya ng magsasaka at artisano, ay inagawan ito ng mga kagamitan sa produksyon. Para mabuhay, napilitan itong ibenta ang lakas-paggawa sa mga may-ari ng mga kagamitan sa produksyon: mga kapitalista, pribado o estado. Pinagsamantalahan ang mga manggagawa sa ilalim ng kapitalismo dahil ang lakas-paggawa ay naging kalakal mismo, ang pinaka-mahalaga sa lahat ng kalakal. Kaya sa pakikibaka ng proletaryado laban sa kapitalistang pagsasamantala, dala nito ang pagpawi sa sahurang paggawa at sa pagpawi sa lahat ng porma ng kalakal. Dagdag pa, ang uring ito ang gumawa sa napakalaking mayorya ng panlipunang yaman. Ginawa ito sa kolektibong paraan, sa balangkas ng organisadong paggawa na pinaunlad mismo ng kapitalismo. Pero hindi pinaunlad ng kapitalismo ang sosyalisadong produksyon, na pinaunlad niya sa kapinsalaan ng maliitang-indibidwal na produksyon, tungo sa kanyang lohikal na kongklusyon. Ito ang isa sa mga esensyal na mga kontradiksyon ng kapitalismo: sa ilalim ng kanyang paghari, naging pandaigdigan ang produksyon, pero ang mga kagamitan sa produksyon ay nanatiling nakakalat sa mga kamay ng maraming may-ari, ma pribado man o estado, na siyang nagbebenta at bumibili sa mga kalakal na nagawa. Ang abolisyon ng merkado ay nagkahulugan sa abolisyon ng lahat ng mga kapitalista, ang lipunan na ang kolektibong hahawak sa lahat ng kagamitan ng produksyon. At ang tungkuling ito ay magagawa lamang ng uri na kolektibong nagpaanadar sa mga kagamitan sa produksyon, pero inagawan ng kahit anong pagmay-ari sa kanila.

Ang ideyang ito ay hindi bago: sa mahigit 150 taon, ito ang bandila ng pakikibaka ng manggagawa laban sa pagsasamantala "Ang kalayaan ng uring manggagawa ay tungkulin mismo ng mga manggagawa": ito ang sentral na islogan sa programa ng Internasyunal na Asosasyon ng Manggagawa, ng Unang Internasyunal, itinatag sa 1864. Mula noon, inulit ito ng iba pang mga Internasyunal: ang Sosyalistang Internasyunal na itinatag sa 1889, at sa Komunistang Internasyunal na itinayo sa 1919 sa gitna ng rebolusyonaryong alon, at pinatay ng Stalinismo sa 1924. Ngayon, ang mga kampanya ng burgesya ay nagsisikap na papaniwalain tayo na ito ay Utopya lamang, at mapanganib dahil ito diumano ang responsable sa mga kilabot ng Stalinismo. Pero wala tayong maasahan sa burgesya at sa kanyang alipining media kundi mga kasinungalingan. Sa realidad, ang ipinahayag ng kilusang manggagawa  mula ng siya'y isinilang ay nanatiling balido ngayon. Habang binago nito ang kanyang sarili, hindi nadurog ng kapitalismo ang uring manggagawa, gaya ng sinasabi ng mga bayarang sosyolohista. Ang sistemang ito ay patuloy na nabubuhay sa pagsasamantala ng sahurang-paggawa - ito ang kanyang kaluluwa mismo. At ang uri ng sahurang-manggagawa, nagtrabaho man sila sa mga paktorya o sa mga opisina, sa mga eskwelahan o ospital, patuloy na nag-iisang tagadala ng kinabukasan ng sangkatauhan.

Ang paging kagyat ng komunistang rebolusyon ng proletaryado ay makita sa lawak ng kampanya ng burgesya hinggil sa "katapusan ng komunismo" o "kamatayan ng marxismo", sa ibang salita ang rebolusyonaryong teorya ng proletaryado. Kung totoong wala ng takot ang burgesya sa pinagsamantalahan, kung talagang naniwala ito na ang uring manggagawa ay wala ng puwang sa istorikal na entablado, dapat hindi na ito nag-aksaya ng malaking enerhiya para kumbinsihin ang mga manggagawa na wala silang maasahan sa rebolusyon, o hawaan ng damdamin ng kainutilan.

Ang mga kahirapan ngayon ay hindi nakatalo sa proletaryado: ang mga manggagawa ay may lakas pa para ibagsak ang kapitalismo

Totoo na napahina ang uring manggagawa sa napakalaking kampanya na nakabatay sa mga pangyayari sa nagdaang dalawang taon: ang pagsabog ng "sosyalistang" bloke, ang pagbagsak ng Stalinistang rehimen sa USSR, ang pagkawasak ng bansa na saksi sa proletaryong rebolusyon 75 taon na ang nakaraan. Ang Stalinismo ang tagapanguna ng kontra-rebolusyon ng burgesya; ang kanyang kamatayan ay nagbigay ng huling paglilingkod sa nagharing uri sa pamamagitan ng pagbalot sa uring manggagawa ng mabahong amoy ng kanyang bangkay, sa panahon na nakaharap na nito ang lahat na iba pang kahirapan sa naaagnas na kapitalismo. Ngayon, maraming manggagawa naging biktima ng mga kampanya ng burgesya, at iniwan ang anumang pag-asa na balang araw mabago ang mundo at maglaho ang kapitalistang pagsasamantala. Sa mga bansa ng dating bloke sa Silangan, kung saan ang mga manggagawa ay nagdusa ng lubos sa pinaka-masamang porma ng kontra-rebolusyon, wala silang lakas na tutulan kahit ang pinaka-antigong mga ilusyon ng burgesya: laban sa "proletaryong internasyunalismo" ng Stalismo, na ginamit bilang takip sa kanyang sariling imperyalismo, nalunod sila sa makabayang isterya; bilang reaksyon sa ateismong pinangaral ng Stalinista tumalon sila sa kandungan ng simbahan. Pero hindi ito ang mapagpasyang sektor ng proletryado sa daigdig. Nasa abanteng mga bansa sa Kanluran na ang pinaka-abanteng mga batalyon ng pandaigdigang manggagawa nanirahan, nagtrabaho, at nakibaka. At ang praksyong ito ng proletaryado ay hindi natalo. Kahit nakranas ito ng disoryentasyon sa ksalukuyang kampanya ng propaganda, hindi ito nagpailalim sa bandila ng burgesya, makabayan man o demokratiko. Sa panahon sa Digmaan sa Gulpo, gumamit lamang ang burgesya ng mga propesyunal na sundalo: ito ang patunay ang pamimilit magsundalo (kung umiiral pa ito), o sa ibang salita mga manggagawang naka-uniporme, ay hindi handa na ibigay ang kanilang mga buhay para depensahan ang "internasyunal na batas" o "demokrasya". At para sa uring manggagawa, ang digmaang ito ay malinaw na nagpakita ano ang kahulugan ng demokrasya at ang kanyang mga kasinungalingan hinggil sa "bagong kaayusan sa daigdig". Palaki ng palaki, iniiwanan na ng mga manggagawa ang dakilang demokratikong elektoral na mga seremonyas. Ganun din sa mga unyon, ang instrumento ng estado ng burgesya para kontrolin ang pinagsamantalahan at pagsabotahe sa kanilang pakikibaka. Ang patuloy na paglala sa pang-ekonomiyang krisis ang pagwawalis sa mga ilusyon ng "superyoridad" ng kapitalistang ekonomiya, at kasabay nito ay mag-obliga sa proletaryado na tahakin ang daan sa lalupang mga nagkakaisang pakikibaka. Ito ang daan na tinahak ng uri mula sa katapusan ng 6Os, at laluna sa panahon ng kalagitnaan ng 80s, kahit na ang mga pangyayari sa nakaraang dalawang taon ay pansamantalang nalihis ito. Ang naghaharing uri, na may pagluwag sa dibdib, ay nagmamadaling nagsabi na patay na ang marxistang teorya. Pero hindi pa patay ang marxismo: kabaliktaran. Ang kasalukuyang paglala ng krisis, na siya lang ang makakinita at makapagpaliwanag, nagpamalas na ito ay buhay at kumikilos. Ang kanyang kalakasan ay lalaki sa pagbangon ng kilusang manggagawa.

Sa pagsisikap ng uring manggagawa na mapaunlad ang kanyang pakikibaka at kamulatan, ang pinakaabanteng mga elemento ng uri, ang totoong mga komunista, ay may napakahalagang bahagi. Sa kasalukuyan, gaya ng sa nakaraan, "sa iba't-ibang yugto ng pakikibaka sa pagitan ng proletaryado at burgesya" ang tungkulin ng mga komunista ay "ilagay sa unahan at ipagtanggol ang komon na mga interes ng buong proletaryado, na walang anumang konsiderasyon sa nasyunalidad", at laging katawanin "ang mga interes ng kilusan sa pangkabuuan" (Manipesto ng Komunista).

Kaya, kahit malaking risgo at bigat ng kasalukuyang sitwasyon, sa harap ng unos ng mga kasinungalingan ng burgesya, at para epektibong makaambag sa pagpapataas ng proletaryong kamulatan at pagpapaunlad ng kanyang pakikibaka, nasa kasalukuyang mahinang rebolusyonaryong pwersa na alpasan ang kanilang lumang pagkahati-hati at lahat ng sektaryanismo, at buksan sa kanilang mga sarili ang pangkapatid na debate na magbigay-daan sa klaripikasyon ng kanilang pagsusuri, at magkaroon ng malaking papel, at mas solidong kanlungan sa pagtatanggol ng mga komunistang posisyon sa loob ng proletaryado.

Kung ang proletaryado ay nangangailangan ng pagkakasia para sa kanyang pakikibaka, ang parehong diwa, na makuha lamang sa kaliwanagan, ay kailangang mangibabaw sa lahat ng kanyang mga pwersa na nasa unahan: ang mga komunista.

Mga manggagawa!

Wala pa sa kasaysayan ang ganitong risgo. Ngayon lang nahaharap ang isang panlipunang uri gaya ng proletaryado sa ganito kalaking responsibilidad. Kung hindi makayanan ng uri ang ganitong reponsibilidad, ito na ang katapusan ng sibilisasyon, at maging ng sangkatauhan mismo. Milyong taon ng kaunlaran, paggawa, at kaisipan, ay lubusan ng maglaho. Dalawang daang taon ng proletaryong pakikibaka, milyn-milyong manggagawang bayani, lahat ay masasayang. Para pigilan ang kriminal na maniobra ng burgesya, para mahubaran ang maskara ng kasinungalingan, at para mapaunlad ang inyong mga pakikibaka tungo sa daan ng pandaigdigang komunistang rebolusyon, para mawala ang paghari ng pangangailangan, at makamit, sa wakas, ang panahon ng kalayaan,

Mga manggagawa sa lahat ng bansa, magkaisa!



[1] Mahalagang hindi malito kay Trotsky sa iba't-ibang klase ng pampulitikang organisasyon na ngayon ay nagsasabing "Trotskyista'. Si Trotsky ay isang dakilang rebolusyonaryo, kahit na ang kanyang pagtutol sa Stalinismo ay namantsahan ng kanyang mga pampulitikang kamalian, at mga konsesyon sa Stalinismo gaya ng ideya na may mga "tagumpay" pa sa USSR na dapat "ipagtanggol" ng mga manggagawa, ang mga tunguhing nagpatuloy, mula ng pinatay si Trotsky' ng isang Stalinistang ahente sa 1941, at Ikalawang Digmaang Pandaigdig, na tawagin ang kanilang mga sarili na mga "Trotskyista" ay tiyak ng iniwan ang uring manggagawa: sa pamamagitang ng pangungumbinsi sa mga manggagawa na patayin ang isa't-isa sa panahon ng imperyalistang digmaan, tinulungan nila si Stalin at ang buong burgesya sa kampo ng kaaway. Tingan ang artikulong '1940: Trotsky, assassinated as a symbol of the working class' sa International Review 103, 4th Quarter 2000.

Site information: