Teror, Terorismo at Makauring Karahasan

P.sdfootnote-western { margin-bottom: 0.14in; font-family: "Times New Roman",sans-serif; font-size: 12pt; }P.sdfootnote-cjk { margin-bottom: 0.14in; font-family: "Times New Roman"; font-size: 12pt; }P.sdfootnote-ctl { margin-bottom: 0.14in; font-size: 12pt; }H4 { margin-top: 0.07in; margin-bottom: 0.07in; direction: ltr; color: rgb(0, 0, 10); widows: 2; orphans: 2; page-break-after: auto; }H4.western { font-family: "Times New Roman",sans-serif; }H4.cjk { font-family: "Times New Roman"; }H4.ctl { }H1 { margin-top: 0.07in; margin-bottom: 0.07in; direction: ltr; color: rgb(0, 0, 10); widows: 2; orphans: 2; page-break-after: auto; }H1.western { font-family: "Times New Roman",sans-serif; }H1.cjk { font-family: "Times New Roman"; font-size: 24pt; }H1.ctl { font-size: 24pt; }P { margin-bottom: 0.08in; direction: ltr; color: rgb(0, 0, 10); widows: 2; orphans: 2; }P.western { font-family: "Times New Roman",sans-serif; font-size: 12pt; }P.cjk { font-family: "Times New Roman"; font-size: 12pt; }P.ctl { font-size: 12pt; }A:link { color: rgb(0, 0, 255); }A.sdfootnoteanc { font-size: 57%; }

Ang nasa ibaba ay salin mula sa English. Sa tingin namin, napapanahon na muling basahin at aralin ang tekstong ‘Teror, Terorismo at Makauring Karahasan’ para maunawaan ng mga nagsusuring elemento sa Pilipinas na ang terorismo at armadong pakikibaka laban sa umiiral na naghaharing paksyon ng mapagsamantalang uri na may kontrol sa estado ay hindi ekspresyon o bahagi ng rebolusyonaryong pakikibaka ng proletaryado. Partikular sa Pilipinas1, ilang dekada ng naranasan ng manggagawa at mamamayan ang terorismo ng iba’t-ibang armadong grupo sa anyo man ng pambobomba o gerilyang pakikidigma. Nitong huli lang ay nilusob ng grupong Moro National Liberation Front (MNLF) ang Zamboanga City noong Setyembre 9, 2013 kung saan maraming buhay ng inosenteng mamamayan ang nasawi at milyones na ari-arian ang nasira.2 Habang ang maoistang CPP-NPA-NDF naman ay halos 50 taon ng naglunsad ng gerilyang digmaan laban sa naghaharing paksyon ng uring kapitalista para itayo ang isang ‘bagong tipo’ ng kapitalismo: kapitalismo ng estado na kontrolado ng maoistang partido. At sa gerilyang digma ng maoismo ay lagi itong nakikipag-alyansa sa burges na oposisyon.3 Ang karahasan o paghawak ng armas laban sa gobyerno ay nakaka-engganyo laluna sa kabataang mataas ang ideyalismo. Subalit kailangan nating unawain bilang mga komunista at elementong nagnanais ng panlipunang pagbabago at hustisya na hindi lahat ng karahasan at armadong paglaban ay para sa layuning minimithi ng sangkatauhan: paglaho ng pang-aapi at pagsasamantala sa lipunan. Karamihan sa mga ideyalistang kabataan at maka-Kaliwang organisasyon ay pinagtanggol ang terorismo ng mga grupo o estadong “anti-imperyalista” habang mariin naman ang pagkondena sa terorismo ng mga imperyalista ng Kanluran. Sa ganitong konteksto natin tamang masuri kung ang gerilyang pakikidigma ba at pambobomba ng mga organisasyong nagsasabing sila ay “para sa kalayaan at demokrasya”, “para sa sosyalismo” o “laban sa imperyalismo” ay totoo bang ang layunin ay panlipunang pagbabago o binihisan lamang ang bulok na kapitalismo ng bagong damit? Hindi teror at terorismo ang rebolusyonaryong karahasan ng proletaryado para ibagsak ang kapitalismo. Pero kailangan natin ang teoretikal na klaripikasyon sa kaibahan ng makauring karahasan mula sa teror at terorismo. Ang orihinal na teksto sa wikang English ay mababasa dito: http://en.internationalism.org/ir/014_terror.html  Internasyonalismo, Oktubre 2013

 

---------------------------------------- 

INTRODUKSYON

Ang malakas na kampanya ng burgesya sa Uropa laban sa terorismo (ang pangyayaring Schleyer sa Alemanya, ang pangyayaring Moro sa Italya), na mga dahon para itago ang malawakang pagkokonsolida ng teror ng estadong burges, ay siyang dahilan para pag-ukulan ng mayor na pansin ng mga rebolusyonaryo ang problema ng karahasan, teror at terorismo. Ang mga usaping ito ay hindi bago sa mga komunista: sa ilang dekada ay tinuligsa nila ang barbarikong paraan na ginamit ng burgesya para manatili ang kapangyarihan sa lipunan, ang karumal-dumal na karahasan na ginawa kahit ng pinaka-demokratikong mga rehimen laban sa pinakamaliit na banta sa umiiral na kaayusan. Malinaw na ang kasalukuyang kampanya ay hindi talaga laban sa iilang desperadong mga elemento mula sa naaagnas na peti-burgesya, kundi sa uring manggagawa, kung saan ang marahas na pag-alsa nito ang siyang tanging tunay na banta sa kapitalismo.

Ang papel ng mga rebolusyonaryo ay tuligsain ang esensya ng mga kampanyang ito, at ipakita ang kahungkagan ng maka-kaliwang grupo, halimbawa ng ilang Trotskyista, na nag-aksaya ng panahon sa pagkondena sa Red Brigades dahil kinondena nila ang Moro ‘na walang sapat na ebidensya’ at ‘walang pagsang-ayon sa uring manggagawa’. Pero habang tinuligsa ang terorismo ng burgesya at pinagtibay ang pangangailangan ng uring manggagawa na gumamit ng karahasan para ibagsak ang kapitalismo, dapat partikular na malinaw sa mga rebolusyonaryo ang sumusunod:

  • Ang tunay na kahulugan ng terorismo;

  • Sa porma ng karahasan ng uring manggagawa na gagamitin nito sa kanyang pakikibaka laban sa burgesya.

At kailangan idiin na maging sa mga organisasyon na nagtatanggol ng makauring posisyon, maraming maling pananaw, na tinitingnan ang karahasan, teror at terorismo na magkasing-kahulugan, at kinilala na:

  • Mayroong ‘terorismo ng manggagawa’;

  • Laban sa puting teror ng burgesya, dapat mayroong sariling ‘rebolusyonaryong teror’ ang uring manggagawa, na halos kapareha ng teror ng burgesya.

Ang Bordigistang International Communist Party (Programme Communiste) ang malamang may pinakamalinaw interpretasyon ng ganitong kalituhan. Halimbawa: “Ang mga Marchais at Pelikans ay itinakwil lamang ang mga rebolusyonaryong aspeto ng Stalinismo — ang isang partido, diktadura, teror na na namana mula sa proletaryong rebolusyon ...” (Programme Communiste, no. 76, p.87)

Kaya, para sa organisasyong ito, ang teror, kahit ginamit ng Stalinismo, ay sa batayan rebolusyonaryo, at mayroong kapareho ang paraan ng proletaryong rebolusyon at pinakamasamang kontra-rebolusyon na ipinataw sa uring manggagawa.

Dagdag pa, sa panahon ng kaganapang Baader, tila pinakita ng ICP na ang teroristang aksyon ni Baader at mga kasamahan nito ang anyo ng karahasan ng uring manggagawa sa hinaharap, sa kabila ng mga reserbasyon sa negatibong epekto ng naturang mga aksyon. Kaya sa Le Proletaire, no.254 mababasa natin: “Sa diwang ito ay masigasig nating sinusunod sila Andreas Baader at kanyang mga kasama na lumahok sa kilusang ito, ang kilusan na dahan-dahan nag-iipon ng pagkamulat ng proletaryado”, at dagdag pa: “Nakilala ng proletaryong pakikibaka ang iba pang mga martir ...”

Panghuli, ang ideya ng ‘terorismo ng manggagawa’ maliwanag na lumitaw sa mga sipi tulad ng: “Sa pagsusuma, para maging rebolusyonaryo, hindi sapat na tuligsain ang karahasan at teror ng burges na estado — dapat tingnan na ang karahasan at terorismo bilang mahalagang sandata sa emansipasyon ng proletaryado.” (Le Proletaire, no. 253)

Laban sa mga ganitong tipo ng kalituhan, ang sumusunod na teksto ay pagtatangkang lagpasan ang mga depininasyon ng diksyunaryo at pang-aabuso ng lenggwaheng aksidenteng nagawa ng ilang mga rebolusyonaryo sa nakaraan, at ipakita ang kaibahan ng makauring laman sa pagitan ng teror, terorismo at karahasan, higit sa lahat ang karahasan ng uring manggagawa na gagamitin para palayain ang sarili.

MAKAURING KARAHASAN AT PASIPISMO

Ang pagkilala sa makauring tunggalian ay tahasang pagtanggap na ang karahasan ang isa sa naturalesa, pundamental na mga aspeto ng makauring pakikibaka. Ang pag-iral ng mga uri ay nagkahulugan na ang lipunan ay nahati sa mga antagonistikong interes, hindi maayos na mga tunggalian. Binuo ang mga uri sa batayan ng mga antagonismong ito. Ang panlipunang relasyon ng mga uri ay kinakailangang mga relasyon ng oposisyon at antagonismo, i.e. ng pakikibaka.

Ang pagtindig ng salungat dito, ang pagtindig na mapangibabawan ang sitwasyon sa pamamagitan ng kabutihan, sa pamamagitan ng kolaborasyon at pagkakaisa ng mga uri, ay pagtakwil sa realidad. Ito ay ganap na utopyan.

Hindi nakapagtataka kung pinapalaganap ng mapagsamantalang uri ang ganitong mga ilusyon. ‘Natural’ na kumbinsido sila na walang ibang lipunan, walang mas magandang lipunan, ang iiral maliban sa kanilang pinaghaharian. Ang absoluto, at bulag na konbiksyong ito ay diniktahan ng kanilang mga interes at prebilihiyo. Ang kanilang makauring interes at prebilihiyo ay nakabatay sa tipo ng lipunan na kanilang pinaghaharian; may interes sila sa pangungumbinsi sa mga pinagsamantalahan, inaaping mga uri na itakwil nila ang pakikibaka, tanggapin ang umiiral na kaayusan, tanggapin ang ‘istorikal na mga batas’ na diumano ay absoluto. Ang mga naghaharing uri ay parehong obhetibong limitado at walang kapasidad na unawain ang dinamismo ng makauring pakikibaka (ng inaaping mga uri) at suhetibong interesado na sumuko sa pakikibaka ang inaaping mga uri, sa pagdurog sa determinasyon ng inaaping mga uri sa pamamagitan ng lahat ng tipo ng mga mistipikasyon.

Pero hindi lang ang naghaharing uri ang may ganitong aktitud sa pakikibaka. Ilang mga tendensya ang naniwala na posibleng maiwasan ang makauring pakikibaka sa pamamagitan ng pakiusap sa katalinuhan at pang-unawa ng mga mabubuting tao, para likhain ang mapayapa, praternal at pantay-pantay na lipunan. Ito ang kaso, halimbawa, sa mga Utopyan sa simula ng kapitalismo. Salungat sa burgesya at sa kanyang mga ideolohiya, ang mga Utopyan ay walang interes na lagpasan ang makauring pakikibaka para manatili ang mga prebilihiyo ng naghaharing uri. Kung nilagpasan man nila ang makauring pakikibaka ito ay dahil hindi nila naunawaan ang istorikong dahilan ng pag-iral ng mga uri. Kaya musmos pa sila para maunawaan ang realidad, realidad na kasama ang makauring pakikibaka, ang pakikibaka ng proletaryado sa burgesya. Habang ito ay ekspresyon ng hindi maiwasang pagkahuli ng kamulatan sa obhetibidad, ito ay produkto ng teoretikal na klaripikasyon ng uri, sa pagsisikap ng uri na maging mulat. Ito ang dahilan kaya kinilala sila na mga ninuno ng sosyalistang kilusan, isang hakbang pasulong ng kilusan na naghahanap ng syentipiko at istorikal na pundasyon sa marxismo.

Hindi naman ito ang kaso sa mga kilusang makatao at pasipista na umusbong magmula ikalawang hati noong nakaraang siglo at binalewala ang makauring pakikibaka. Wala itong kontribusyon sa emansipasyon ng sangkatauhan. Sila ay simpleng ekspresyon lamang ng saray ng peti-burgesya na istorikal na lipas na at inutil, at umiiral pa sa modernong lipunan, naipit sa pagitan ng labanan ng proletaryado at burgesya. Ang kanilang lagpas sa mga uri, multi-uri at kontra-makauring pakikibaka na ideolohiya ay pagdalamhati ng isang lipas na uri na walang kinabukasan sa kapitalismo ni sa lipunan na itatayo ng proletaryado: sosyalismo. Nakakalungkot at nakakatawa, target para sa mga ilusyon, hadlang lamang sila sa pag-unlad at determinasyon ng proletaryado; at sa naturang dahilan magagamit, at kadalasan ginagamit, ng kapitalismo, kung saan gagamitin ang lahat para maging sandata ng mistipikasyon.

Ang pag-iral ng mga uri, ng makauring pakikibaka, ay nangangailangan ng makauring karahasan. Ang mga inutil at manlilinlang lamang (tulad ng mga Sosyal-Demokrata) ang tutol dito. Sa pangkalahatan, ang karahasan ay bahagi ng buhay at kabilang sa kanyang kabuuang ebolusyon. Anumang aksyon ay may kasamang isang antas ng karahasan. Ang pagkilos mismo ay produkto ng karahasan dahil ito ay bunga ng walang humpay na pagbasag sa istabilidad, mula sa banggaan ng magkasalungat na mga pwersa. Umiiral ito sa unang mga grupo ng tao, at hindi kailangang makita sa hayag at pisikal na karahasan. Ang karahasan ay lahat na may imposisyon, pamimilit, balanse ng pwersa, mga banta. Ang karahasan ay nagkahulugan ng pisikal o sikolohikal na agresyon; agresyon laban sa ibang tao, pero umiiral din ito kung ang isang takdang sitwasyon o disisyon ay pinipilit sa pamamagitan ng pagpataw ng mga paraan ng naturang agresyon, kahit pa kung ang mga paraang ito ay hindi aktwal na ginamit. Subalit habang ang karahasan sa anumang porma ay umiiral kasabay ng paggalaw o buhay, ang pagkahati ng lipunan sa mga uri ang lumikha sa karahasan bilang prinsipal na pundasyon ng panlipunang mga relasyon, na inabot ang pinaka-malalim na resulta sa kapitalismo.

Lahat ng sistema ng makauring pagsasamantala ay nakabatay sa kapangyarihan ng karahasan, isang lumalaking karahasan na naging pangunahing salik para manatili ang buong lipunan. Kung wala ito ang lipunan ay kagyat na babagsak. Isang kinakailangang produkto ng pagsasamantala ng isang uri sa isa pa, ang karahasan, organisado, konsentrado at na-institusyonalisa sa kanyang pinakamataas na porma sa estado, ang naging pundamental na diyalektikal na kondisyon sa pag-iral ng mapagsamantalang lipunan. Laban sa madugo at kriminal na karahasan ng mapagsamantalang uri, ang mga pinagsamantalahan at inaaping uri ay kailangang maghapag ng sariling karahasan para lumaya. Ang makiusap sa ‘makataong’ damdamin ng mga mapagsamantala, tulad ng mga relihiyoso ala Tolstoy o Gandhi, o mga nagbalatkayong sosyalista, ay paniniwala sa mga milagro; ito ay pakiusap na ang mga lobo ay titigil na sa pagiging lobo at maging karnero; ito ay pakiusap sa uring kapitalista na titigil na sa pagiging uring kapitalista at itransporma ang sarili sa pagiging uring manggagawa.

Ang karahasan ng mapagsamantalang uri ay natural na bahagi ng kanyang katangian at mapigilan lamang sa pamamagitan ng rebolusyonaryong karahasan ng inaaping mga uri. Ang pag-unawa dito, makita ito, mapaghandaan ito, organisahin ito, ay hindi lang mapagpasyang kondisyon para sa tagumpay ng inaaping mga uri, kundi titiyakin din nito na ang tagumpay ay mas maliit ang pagdurusa. Sinuman na may duda o pag-alinlangan ay hindi rebolusyonaryo.

ANG KARAHASAN NG MAPAGSAMANTALA AT NAGHAHARING URI: TEROR

Nakita natin na hindi maaring walang karahasan ang pagsasamantala; na ang dalawa ay organikong hindi mapaghiwalay. Sa kabila na maaring may karahasan sa labas ng mapagsamantalang mga relasyon, maipatupad lamang ang pagsasamantala sa pamamagitan ng karahasan. Sila ay parang baga at hangin sa isa’t-isa – hindi maka-kilos ang baga kung walang hangin.

Tulad ng galaw ng kapitalismo sa kanyang imperyalistang yugto, ang kombinasyon ng karahasan at pagsasamantala ay nagkaroon ng partikular at bagong kalidad. Hindi na ito aksidente o segundaryong katotohanan: ang kanyang presensya ay permanente sa bawat antas ng buhay ng lipunan. Pinasok nito ang lahat ng mga relasyon, sinisid ang lahat ng butas ng panlipunang organismo, kapwa sa pangkalahatang antas at personal na antas. Nagsimula sa pagsasamantala at pangangailangan ng dominasyon sa uring lumilikha, ipinataw ng karahasan ang kanyang sarili sa lahat ng mga relasyon sa pagitan ng mga uri at saray sa lipunan: sa pagitan ng industriyalisadong mga bansa; sa pagitan ng mga paksyon ng naghaharing uri; sa pagitan ng lalaki at babae; sa pagitan ng mga magulang at mga anak; sa pagitan ng mga guro at mga estudyante; sa pagitan ng mga indibidwal; sa pagitan ng mga namuno at pinamunuan. Ito ay naging espesyalisado, may istruktura, organisado, konsentrado sa isang hiwalay na entidad: ang estado, na may permanenteng hukbo, polisya, mga batas, tagapatupad at taga-tortyur; at ang entidad na ito ay nasa ibabaw ng lipunan at nangingibabaw dito.

Para matiyak ang pagsasamantala ng tao sa tao, ang karahasan ang pinaka-mahalagang aktibidad ng lipunan, kung saan palaki ng palaki ang inilaan mula sa ekonomiya at kulturang mga rekurso. Ang karahasan ay itinaas sa istatus ng kulto, arte, syensya. Isang syensya hindi lang sa arte ng militar, sa teknik ng mga sandata, kundi sa lahat ng usapin at sa lahat ng antas, sa organisasyon ng mga kampo ng konsentrasyon at gas chambers, sa arte ng mabilisan at malawakang pagpatay sa buong populasyon, sa paglikha ng mga unibersidad ng sikolohikal at syentipikong tortyur, kung saan maraming kwalipikadong taga-tortyur ay nakakuha ng mga diploma at isinapraktika ang kanilang kaalaman. Ito ang lipunan na hindi lang “maputik na pawis at dugo mula sa bawat butas”, ayon kay Marx, kundi hindi na mabuhay o makahinga sa labas ng paligid na nilason ng mga ataol, kamatayan, pagkasira, masaker, pagdurusa at tortyur. Sa naturang lipunan, ang karahasan ay umabot na sa kanyang tuktok at nagbago sa kalidad – ito ay naging teror.

Kung unawain lamang ang karahasan sa pangkalahatang termino, na walang konsiderasyon sa kongkretong mga kondisyon, istorikal na yugto, at mga uri na nagpatupad ng karahasan, ay walang naunawaan sa kanyang tunay na laman, kung ano ang nagbigay dito ng partikular at ispisipikong kalidad sa mga lipunang mapagsamantala, at bakit mayroong pundamental na modipikasyon ng karahasan tungo sa teror, na hindi simpleng sabihing tingnan sa usapin ng kantidad (tulad ng kalakal, ang kantitatibong kaibahan lamang ang kinilala sa pagitan ng luma at kapitalismo at hindi ang pundamental na kalitatibong kaibahan sa pagitan ng dalawang moda ng produksyon).

Habang umuunlad ang pagkahati ng lipunan sa antagonistikong mga uri, ang karahasan sa kamay ng naghaharing uri ay lalupang nagkaroon ng bagong katangian: teror. Ang teror ay hindi bahagi ng rebolusyonaryong uri sa panahon na nagtagumpay na ang rebolusyon. Ito ay artipisyal, purong pormal na pananaw na sinasamba ang teror bilang pinakamataas4 na rebolusyonaryong aksyon. Sa ganitong pananaw nauwi ito sa: mas malakas ang teror, mas malalim at mas radikal ang rebolusyon. Pero ganap na itong iniwan ng kasaysayan. Ginamit at pinerpekto ng burgesya ang teror mula ng lumitaw ito, hindi lang sa panahon ng kanyang mga rebolusyon (c.f. 1848 at ang Komyun ng Paris), kundi ang teror ng burgesya ay umabot na sa kanyang rurok nang ang kapitalismo ay pumasok na sa kanyang dekadenteng yugto. Ang teror ay hindi ekpresyon ng rebolusyonaryong katangian at aktibidad ng burgesya sa panahon ng kanyang mga rebolusyon, sa kabila na may ilang ispektakular na ekspresyon ito sa burges na rebolusyon. Mas ekspresyon ito sa kanyang katangian bilang mapagsamantalang uri kung saan, tulad ng ibang mapagsamantalang mga uri, ay nakabatay lamang ang paghari sa teror. Ang mga rebolusyon na tumiyak ng paglipat mula sa isang mapagsamantalang lipunan tungo sa isa pa ay hindi ninuno ng teror; simple lamang itong inilipat mula sa isang mapagsamantalang uri tungo sa isa pa. Hindi pa dahil gusto nitong ibagsak ang lumang naghaharing uri na pinerpekto at pinagtibay ng burgesya ang kanyang teror, kundi pangunahin para tiyakin ang kanyang dominasyon sa lipunan sa kabuuan at sa uring manggagawa sa partikular. Ang teror sa burges na rebolusyon ay hindi kataposan kundi pagpapatuloy, dahil ang bagong lipunan ay pagpapatuloy sa mga lipunang nagsasamantala sa tao sa kanyang kapwa tao. Ang karahasan ng mga burges na rebolusyon ay hindi kataposan ng pang-aapi kundi pagpapatuloy ng pang-aapi. Kaya magkahugis lamang ito sa porma ng teror.

Sa pagsusuma, ang teror ay karahasan na ispisipiko lamang sa mapagsamantalang mga uri, na maglaho lamang kung gugustuhin nila. Ang kanyang mga ispisipikong katangian ay:

1.    organikong nakaugnay sa pagsasamantala at ginamit para ipataw ito.

2.    aksyon ng prebilihiyadong uri.

3.    aksyon ng minoriyang uri sa lipunan.

4.    aksyon ng isang espesyalisadong entidad, mahigpit na pinili, sarado sa kanyang sarili, at ayaw magpakontrol sa lipunan.

5.    walang kataposang pinarami at pinerpekto, pinalawak sa lahat ng antas, sa lahat ng panlipunang mga relasyon.

6.    walang ibang raison d’etre maliban sa pagpapailalim at pagdurog sa komunidad ng tao.

7.    pagpapaunlad ng galit at karahasan sa pagitan ng panlipunang mga grupo: nasyunalismo, sobinismo, rasismo at iba pang kabaliwan.

8.    pagpapaunlad ng egoismo, agresibong sadismo, kalupitan; araw-araw na walang kataposang digmaan ng isa laban sa lahat na nagtulak sa buong lipunan sa sitwasyon ng teror.

ANG TERORISMO NG URI AT SARAY NG PETI-BURGESYA

Ang mga uring peti-burges (magsasaka, artisano, maliit na negosyante, propesyunal, intelektwal) ay hindi mga pundamental na uri sa lipunan. Wala silang maihapag na partikular na moda ng produksyon o panlipunang proyekto. Hindi sila mga istorikong uri sa marxistang pananaw. Sila ang pinahati na mga saray sa lipunan. Bagamat ang mas mataas na saray ay kumukuha ng kita mula sa pagsasamantala sa paggawa ng iba at kaya kabilang sa prebiliyado, sila, sa pangkalahatan, ay napailalim sa dominasyon ng uring kapitalista, na nagpataw ng kanyang mga batas sa kanila at nang-aapi sa kanila. Wala silang kinabukasan bilang mga uri. Sa kanilang mas mataas na saray, ang maksimum na mangyari ay indibidwal sila na makapasok sa uring kapitalista. Sa kanilang mababang saray, nasa bingit sila na mawalan ng ‘independyenteng’ pag-aari sa mga kagamitan ng produksyon at magiging proletaryado. Ang malaking mayoriya na nasa panggitnang saray ay nasa bingit na madurog sa ekonomiya at pulitika ng uring kapitalista. Ang kanilang pampulitikang aktitud ay dinidiktahan ng balanse ng pwersa ng dalawang pundamental na uri ng lipunan: ang burgesya at proletaryado. Ang kanilang walang pag-asang paglaban sa mga batas ng kapital ang nagtulak sa kanila na hawakan ang palasuko, pasibo na aktitud. Ang kanilang ideolohiya ay indibidwalistang ‘kunin ang maaring kunin’; sa kolektibo gumagawa sila ng lahat ng walang kwentang pagdalamhati sa paghahanap ng miserableng konsolasyon, sa katawa-tawa at inutil na makatao at pasipistang mga sermon.

Durog, walang kinabukasan, bilanggo sa pang-araw-araw na hanapbuhay, nakakaawang kahinaan, sila ay desperadong target ng lahat ng klase ng mistipikasyon, mula sa pinaka-pasipista (relihiyoso, naghuhubad, kontra-karahasan, kontra-bomba atomika, kontra-nukleyar, hippies, ekolohista) hanggang sa pinaka-hayok sa dugo (Black Hundreds, pogromists, racists, Ku Klux Klan, pasista, gangsters at lahat ng klaseng mersenaryo). Pangunahin sa huli, sa mga hayok sa dugo, na nakakita sila ng ilusyonadong dignidad. Ito ang kabayanihan ng mga duwag, ang katapangan ng mga nagpapataw, ang kalulwalhatian ng mga nakakaawang mahihina. Matapos silang gawin ng kapital na nasa kalunos-lunos na kondisyon, nakakita ang kapitalismo sa mga saray na ito ng bukal na marerekrut para sa mga bayani ng kanyang teror.

Bagamat sa takbo ng kasaysayan ay mayroong mga pagsabog ng karahasan at galit mula sa mga uring ito, ang mga pagsabog na ito ay nanatiling kalat-kalat at hindi lumagpas sa mga pag-aalsa, dahil wala silang perspektiba maliban sa pagkadurog. Sa kapitalismo ang mga uring ito ay ganap ng nawalan ng kalayaan at nagsilbi na lang bilang pambala ng kanyon sa mga komprontasyon sa pagitan ng mga paksyon ng naghaharing uri, kapwa sa loob at labas ng mga bansa5. Sa panahon ng mga rebolusyonaryong krisis at ilang paborableng mga sirkumstansya, ang malakas na diskontento ng isang bahagi ng mga uring ito ay maaring magsilbi bilang pwersa na sumusuporta sa proletaryong pakikibaka.

Ang hindi mapigilang proseso ng paghihikahos at proletaryanisasyon ng mababang saray ng mga uring ito ay masyadong mahirap at masaklap na daang tinatahak at nagluwal ng isang partikular na matinding tendensya ng pag-aalsa. Ang pagiging palaban ng mga elementong ito, laluna ang nagmula sa mga artisano at sa naghirap na intelektwal ay nakabatay sa mas desperadong kondisyon ng buhay kaysa makauring pakikibaka ng proletaryado, kung saan nahirapan silang sumama. Ang katangian ng saray na ito sa batayan ay ang kanilang indibidwalismo, kapusukan, pag-aalinlangan at demoralisasyon. Ang kanilang mga aksyon ay mas naglalayon ng ispektakular na pagpapakamatay kaysa anumang partikular na layunin. Nawalan ng dating posisyon sa lipunan, nawalan ng kinabukasan, nabuhay sila sa kasalukuyang kahirapan at nangangalit na pag-alsa laban sa kahirapan; sa pagmamadali na naramdaman bilang pagmamadali. Sa kabila ng pakikisalamuha sa uring manggagawa at sa kanyang istorikal na hinaharap makakuha sila ng inspirasyon sa kanyang mga ideya sa baluktot na paraan, minsan ito ay tumungo sa antas ng pantasya at panaginip. Ang kanilang pananaw sa realidad ay purong aksidental lamang.

Ang pampulitikang mga ekspresyon ng ganitong tendensya ay nagkahugis sa ibat-ibang labis na porma, mula sa indibidwal na mga aksyon hanggang sa ibat-ibang klase ng mga sekta; mga saradong konspiraturyal na mga grupong nagpaplano ng kudeta, ‘kapuri-puring mga aksyon’ at terorismo.

Ang pagkakaisa ng lahat ng kaibahang ito ay ang kanilang kakulangan ng unawa sa obhetibo, istorikal na determinismo sa likod ng kilusan ng makauring pakikibaka at sa istorikong tauhan ng modernong lipunan, ang tanging pwersa na may kapasidad para sa transpormasyon ng lipunan, ang proletaryado.

Ang pagpupumilit ng mga ekspresyon ng tendensyang ito ay dahil sa permanenteng proseso ng proletaryanisasyong nangyayari sa buong kasaysayan ng kapitalismo. Ang kanilang mga tipo at pagkakaiba ay produkto ng lokal at walang katiyakang sitwasyon. Ang panlipunang penomenon na ito ay laging kasama ng istorikal na pormasyon ng proletaryado at nahalo sa ibat-ibang antas ng kilusang manggagawa, kung saan ang panlipunang tendensyang ito ay umaangkat ng mga ideya at aktitud na banyaga sa uri. Partikular na totoo ito sa kaso ng terorismo.

Kailangang igiit natin ang esensyal na puntong ito at hindi papayag sa anumang kalabuan. Totoo na ang simula ng pormasyon ng uri, ang tendensya ng proletaryado na organisahin ang sarili ay hindi pa nadiskubre ang kanyang pinaka-angkop na mga porma, at ginagamit ng uri ang konspiratoryal na porma ng organisasyon – ang sekretong mga asosasyon na minana sa burges na rebolusyon. Pero hindi nito nabago ang makauring katangian ng mga pormang ito ng organisasyon at ang kanilang kakulangan para sa bagong laman – ang makauring pakikibaka ng proletaryado. Napakabilis na humiwalay ang proletaryado mula sa mga pormang ito ng organisasyon at pamamaraan ng aksyon, at tahasang itinakwil ang mga ito.

Katulad ng ang proseso ng teoretikal na elaborasyon ay hindi maiwasang dumaan sa yugto ng utopyan, ganun din ang pormasyon ng mga pampulitikang organisasyon ng uri na dumaan sa yugto ng konspiratoryal na mga sekta. Pero hindi dapat gawing banal ang pangangailangan dito at malito sa kaibahan ng mga yugto ng kilusan. Dapat nating malaman ang ibat-ibang yugto ng kilusan at ang mga porma na iniluwal nito.

Katulad na ang utopyang sosyalismo sa isang takdang panahon ng uri ay natransporma mula sa pagiging dakila, positibong kontribusyon ay naging hadlang na sa patuloy na pag-unlad ng kilusan, ganun din ang konspiratoryal na mga sekta na naging negatibong palatandaan, bumabaog sa pag-unlad ng kilusan.

Ang tendensya na kumakatawan sa masaklap na daan ng proletaryanisasyon ay hindi na maaring makapagbigay kahit maliit na kontribusyon sa maunlad na makauring kilusan. Hindi lang nagtataguyod ng sekta at konspiratoryal na paraan ang tendensyang ito, na mas lalupang lumalayo sa tunay na kilusan, tulad ng isang babaeng nasa menopos; itinulak sila ng mga ideya at paraang ito sa sukdulan – sa isang antas ng karikatura – ang dulo nito ay ang adbokasiya ng terorismo.

Ang terorismo ay hindi simpleng aksyon ng teror. Ang sabihin ito ay pabayaan na ang diskusyon ay matali sa purong antas ng terminolohiya. Ang nais naming ipakita ay ang panlipunang kahulugan at mga pagkakaiba na nasa likod ng mga terminong ito. Ang teror ay sistema ng dominasyon, organisado, permanente, nagmula sa mga mapagsamantalang uri. Ang terorismo sa kabilang banda ay isang reaksyon ng inaaping mga uri na walang kinabukasan, laban sa teror ng naghaharing uri. Ang mga ito ay panandaliang reaksyon, na walang pagpapatuloy, mga aksyon ng paghihiganti na walang kinabukasan.

Nakita natin ang gumagalaw na deskripsyon ng ganitong klase ng kilusan sa Panait Istrati at ng kanyang Haidoucs sa istorikal na konteksto ng Rumania sa pagtatapos ng nakaraang siglo. Nakita natin ito sa terorismo ng mga Narodniks at, lumitaw sa ibang paraan, sa mga anarkista at ng Bonnot gang. Myroon pa rin silang batayang katangian – ang paghihiganti ng mga inutil. Wala silang ipinahayag na bago, kundi ang desperadong ekspresyon ng kataposan – ang kanilang sariling kataposan.

Ang terorismo, ang inutil na reaksyon ng isang inutil, ay hindi matalo ang teror ng naghaharing uri. Ito ay niknik na kumakagat sa elepante. Sa kabilang banda, kadalasan ang terorismo ay sinamantala ng estado para bigyang katuwiran at patibayin ang kanyang sariling teror.

Kailangang ganap nating tuligsain ang kathang-isip na ang terorismo ay nagsisilbi, o maaring magsilbi, bilang mitsa para sa proletaryong pakikibaka. Kakaiba na makitang umaasa ang uri na may istorikong kinabukasan na ang magbibigay ng kanyang pakikibaka ay ang uring walang kinabukasan.

Absolutong kakatuwa ang sabihin na ang terorismo ng pinaka-radikal na saray ng peti-burgesya ay makatulong para basagin ang demokratikong mistipikasyon ng uring manggagawa. Na mawasak nito ang mistipikasyon ng burges na legalidad. Na maturuan nito ang uring manggagawa na hindi maiwasan ang karahasan. Walang araw na mahahalaw ang proletaryado mula sa radikal na terorismo maliban sa paglayo mula ditto at itakwil ito, dahil ang karahasan ng terorismo ay pundamental na nasa tereyn ng burgesya. Ang unawa na ang karahasan ay kailangan at hindi maaring mawala ay kukunin ng proletaryado mula sa kanyang sariling pag-iral; sa kanyang sariling pakikibaka; sa kanyang sariling karanasan; sa kanyang sariling pakikipaglaban sa naghaharing uri. Ito ang makauring karahasan, na iba ang katangian at laman, sa porma at paraan, mula sa terorismo ng peti-burgesya at sa teror ng naghaharing uri.

Malinaw na sa pangkalahatan ang uring manggagawa ay nakikipagkaisa at sumisimpatiya – hindi sa terorismo na kinondena nito bilang isang ideolohiya, isang paraan, at isang moda ng organisasyon – kundi sa mga elementong nahatak tungo sa terorismo. Ito ay sa mga dahilang:

1. ang mga elementong nahatak sa terorismo ay nag-alsa laban sa umiiral na teror ng umiiral na kaayusan na nais wasakin ng proletaryado mula sa itaas hanggang sa baba.

2. tulad ng uring manggagawa, ang mga elementong nabighani sa terorismo ay biktima ng malupit na pagsasamantala at pang-aapi ng uring kapitalista at ng kanyang estado, ang mortal na kaaway ng proletaryado. Ang tanging paraan na maipakita ng proletaryado ang kanilang pakikiisa sa mga biktimang ito ay ang pagsisikap na maligtas sila mula sa mga berdugo ng teror ng estado, at sa pagtatangkang hatakin sila palayo mula sa nakamamatay na pagkakabukuhan ng terorismo.

ANG MAKAURING KARAHASAN NG PROLETARYADO

Hindi na dapat bigyang diin natin dito ang panganagailangan ng karahasan sa makauring pakikibaka ng proletaryado. Ito ay pagsipa sa bukas na mga pintuan dahil mula pa noong Equals of Babeuf, ay pinakita na ito sa teorya at praktika. Nagsasayang lamang ng panahon ang paulit-ulit, na tila bagong tuklas, na ang lahat ng mga uri ay gagamit ng karahasan, kabilang na ang proletaryado. Sa paglimita ng inyong sarili sa mga katotohanang ito – na halos pangkaraniwan na lang – ang inyong kongklusyon ay walang lamang ekwasyon: “Ang karahasan ay katumbas ng karahasan”. Ginawa ninyong simplistiko at balintuna ang kahulugan sa pagitan ng karahasan ng kapital at karahasan ng proletaryado, at nabalewala ang esensyal na kaibahan: ang una ay mapang-api at ang ikalawa ay mapagpalaya.

Ang paulit-ulit at paliguligoy na pagsabing ang “karahasan ay katumbas ng karahasan”; ang patuloy na pagpapakita na ang lahat ng mga uri ay gumagamit ng karahasan; ang patuloy na pagpapakita na ang karahasan ay sa esensya pareho lang, ay matalinong nakikita ang pagkapareho sa pagitan ng nag-oopera ng caesarean para mailuwal na buhay ang sanggol at ang aksyon ng pagpatay sa kanyang biktima sa pamamagitan ng pagsaksak sa kanyang tiyan, sa simpleng dahilan na pareho silang gumagamit ng parehong instrumento – kutsilyo – sa parehong target na bagay – ang tiyan – at dahil maliwanag na ang dalawa ay gumagamit ng parehong teknika sa pagbukas ng tiyan.

Ang pinaka-importanteng bagay ay hindi ang sigaw ng sigaw, “Karahasan, karahasan”6, kundi ang bigyang-diin ang kaibahan. Ipakita sa pinakamalinaw na possible, bakit at paanong ang karahasan ng proletaryado ay iba mula sa teror at terorismo ng ibang mga uri.

Hindi natin pinag-iba ang teror at makauring karahasan para sa terminolohikal na mga rason, o dahil gusto nating biglang baguhin ang salitang ‘terror’, o dahil sa pagkamaselan. Ginawa natin ito para malinaw na makita ang kaibahan ng makauring katangian, porma at laman sa likod ng mga salitang ito. Ang bokabularyo ay laging nahuhuli sa katotohanan at ang kakulangan sa pag-iba-iba sa mga salita ay kadalasan tanda ng kakaulangan ng paliwanag na pwedeng mas lalupang magpalabo. Halimbawa, mayroong salitang ‘sosyal demokrata’ na hindi magkabagay sa rebolusyonaryong esensya – komunistang layunin – ng pampulitikang organisasyon ng proletaryado. Ganun din sa salitang ‘teror’. Minsan makikita ninyo sa sosyalistang literatura, maging sa mga klasiko, na nakapako sa mga salitang ‘rebolusyonaryo’ at ‘proletaryado’. Kailangan nating bantayan ang mga pang-aabuso sa literal na sipi na hindi inilagay sa konteksto o walang pagtingin sa mga sirkumstansya na sinulat sila at laban sa sumulat. Binabago nito ang tunay na mga ideya ng kanilang mga may-akda. Dapat bigyang diin na sa karamihang kaso ang mga sumulat, habang ginagamit ang salitang teror, ay nag-iingat talaga na ipakita ang batayang kaibahan sa pagitan ng proletaryado at burgesya, sa pagitan ng Komyun ng Paris at Versailles, sa pagitan ng rebolusyon at kontra-rebolusyon sa digmaang-sibil sa Rusya. Kung sa tingin natin napapanahon na pag-ibahin ang dalawang terminong ito, ito ay para tanggalin ang hindi malinaw na mga punto – kalabuan na tinitingnan lamang ang kaibahan sa kantidad at antas, hindi ang makauring kaibahan. At kung istrikto sa usapin ng pagbabago ng kantidad, para sa mga marxista na gumagamit ng diyalektikal na paraan, patungo ito sa pagbabago sa kalidad.

Sa pagtakwil sa teror para sa makauring karahasan ng proletaryo, layunin natin na hindi lang ipahayag ang ating makauring pagtutol sa tunay na laman ng pagsasamantala at pang-aapi na nakabatay sa teror, kundi para iwaksi ang palakasuista at ipokritong mga ditalye hinggil sa ‘ang layunin ay nagbibigay katuwiran sa mga paraan’.

Yaong lubos ang pagtatanggol sa teror, yaong mga Calvinista ng rebolusyon – ang mga Bordigista, ay hinahamak ang usapin ng mga porma ng organisasyon, ang mga paraan. Para sa kanila tanging ang ‘layunin’ lamang ang umiiral at lahat ng mga porma at paraan ay maaring gamitin para makamit ang layunin. “Ang rebolusyon ay usapin ng laman”, walang kataposang paulit-ulit. Maliban lang, syempre, sa teror. Dito malinaw sila: “Walang rebolusyon kung walang teror. Hindi ka rebolusyonaryo kung hindi ka papatay ng bata.” Dito ang teror, na kinilalang paraan, ay naging aboslutong rekisito, isang kategorikal na hindi maiwasan sa rebolusyon at sa kanyang laman. Bakit may eksepsyon? Maari din tayong magtanong ng kabaliktaran. Kung ang mga usapin ng mga paraan at porma ng organisasyon ay walang halaga sa proletaryong rebolusyon, bakit hindi ang rebolusyon ay ilunsad sa pamamagitan ng monarkikal o parliyamentaryong porma?

Ang katotohanan ay ang tangkaing paghiwalayin ang porma at laman, paraan at layunin, ay isang kabalintuanan. Sa realidad, ang porma at laman ay tunay na magkaugnay. Ang layunin ay hindi makamit ng kahit anumang paraan. Nangangailangan ito ng ispisipikong paraan. Ang isang takdang paraan ay aplikable lamang sa isang takdang layunin. Anumang ibang pagtingin ay mauuwi lamang sa tila totoo pero mapanlinlang na mga ispekulasyon.

Ang pagtakwil natin sa teror bilang moda ng pag-iral ng karahasan ng proletaryado, ay hindi dahil sa moral na kadahilanan, kundi ang teror, bilang nilalalaman at paraan, ay sa kanyang katangian ay salungat sa mga layunin ng proletaryado. Naniwala ba talaga ang mga Calvinista ng rebolusyon, makumbinsi ba talaga nila tayo, na maaring gamitin ng proletaryado ang mga kampo ng konsentrasyon, ang sistematikong eksterminasyon ng buong populasyon, ang pagtayo ng maraming gas chambers, kabilang na ang syentipikong perpekto katulad ng kay Hitler? Ang pagpatay ba ng lahi ay kabilang sa ‘Programa’ ng ‘Calvinistang Daan sa Sosyalismo’?

Tandaan lamang natin ang mga punto hinggil sa mga pangunaing katangian ng nilalaman at paraan ng teror para makita ang malaking kaibahan sa pagitan ng terror at ng proletaryado:

1.    “Bilang organikong nakaugnay sa pagsasamantala at ginagamit para sapilitang ipataw ito”. Ang proletaryado ay pinagsamantalahang uri at nakibaka para mapawi ang pagsasamantala ng tao sa tao.

2.    “Bilang aksyon ng prebilihiyadong uri”. Ang proletarayado ay walang mga prebilihiyo at nakibaka para sa abolisyon ng lahat ng prebilihiyo.

3.    “Bilang aksyon ng minoriyang uri ng lipunan”. Kinakatawan ng proletaryado ang pinakamalaking mayoriya ng lipunan. Ang ilan ay tinitingnan ito na ekspresyon ng aming ‘hindi na maituwid na pagkahilig sa demokratikong prinsipyo’, ang prinsipyo ng mayoriya at minoriya, pero sila ang nahumaling sa problemang ito – at dagdag pa, para sa kanila, ang aksyon ng minoriya na ginamit ng mayoriya para manindak ay saligan ng rebolusyonaryong katotohanan. Hindi maitayo ang sosyalismo kung hindi ito nakabatay sa istorikal na posibilidad at hindi bumabagay sa mga pundamental na interes at kagustuhan ng malaking mayoriya ng lipunan. Ito ang isa sa mga susing argumento ni Lenin sa Estado at Rebolusyon, at ganun din kay Marx ng sinabi niya na hindi mapalaya ng proletaryado ang sarili kung hindi niya mapalaya ang buong sangkatauhan.

4.    “Bilang aksyon ng espesyalisadong entidad”. Nakasulat sa badila ng proletaryado ang pagwasa sa permanenteng hukbo at pulisya, at ang pangkalahatang pag-arms sa mamamayan; higit sa lahat ang lahat ng manggagawa. “...na umiiwas sa kontrol ng lipunan”. Bilang layunin, itinakwil ng proletaryado ang lahat ng espesyalisasyon, at dahil imposible ito sa kagyat, igigiit ng uri na ang mga espesyalista ay lubusang kontrolado ng lipunan.

5.    “Walang kataposan na paramihin at gawing perpekto ang sarili...”. Layunin ng proletaryado na itigil ang lahat ng ito at simulan ito agad matapos maagaw ang kapangyarihan.

6.    “Bilang walang dahilan maliban sa ipailalim at wasakin ang komunidad ng tao”. Ang layunin ng proletaryado ay lubusang salungat dito. Ang kanyang dahilan ay emansipasyon ng lipunan ng tao.

7.    “Pagpapaunlad ng damdaming galit at marahas sa pagitan ng mga panlipunang grupo; nasyunalismo, sobinismo, rasismo, at iba pang kahalimawan”. Susupilin ng proletaryado itong mga hindi na dapat iiral pa sa kasaysayan, na naging mga halimaw at hadlang sa mapayapang pagkakaisa ng sangkatauhan.

8. “Pagpapaunlad ng damdamin at aktitud ng egoismo, sadistang pamimilit, mapaghiganti; ang walan kataposang araw-araw na digmaan ng isa laban sa lahat...”. Pauunlarin ng proletaryado ang bagong damdamin - pakikiisa, kolekibong buhay, pagkakapatiran, ‘lahat para sa isa at isa para sa lahat’, ang malayang asosasyon ng mga lumilikha, sosyalisadong produksyon at paggamit. At habang ang teror ay “...sinaksak ang buong lipunan ng teror”, mananawagan ang proletaryado sa lahat ng inisyatiba at pagkamalikhain, para sa pangkalahatang kalagayan ng kasigasigan ay mahawakan nila ang kanilang buhay sa kanilang sariling mga kamay.

Ang makauring karahasan ng proletaryado ay hindi teror dahil ang kanyang pag-iral ay para pawiin ang teror. Ang kilalanin sila na pareho lang ay naglalaro lamang sa mga salita. Ang kamay ng mamamatay-tao na may hawak ng kutsilyo ay hindi katulad sa isang tao na pinipigilan ang pagpatay. Hindi maaring gawain ng proletaryado ang organisadong pagpatay ng marami, pagpatay, tortyur, Paghukom tulad sa Moscow, bilang mga paraan para makamit ang sosyalismo. Ang mga paraang ito ay para lamang sa kapitalismo, dahil bahagi sila ng kapitalismo, angkop sila sa kanyang mga layunin at mayroon itong pangkalahatang pangalan ng TEROR.

Terorismo man bago ang rebolusyon o teror pagkatapos ng rebolusyon ay hindi maaring maging sandata ng proletaryado sa kanyang pakikibaka para palayain ang sangkatauhan.

M.C.

1 Dapat ilinaw na ang terorismo at armadong pakikibaka, sa anyo ng gerilyang pakikidigma sa kalungsuran man o kanayunan ay hindi lang partikular sa Pilipinas; at hindi lang din kagagawan ng maka-Kaliwang organisasyon tulad ng maoistang kilusan kundi maging ng mga maka-Kanang organisasyon (neo-Nazis/Pasista at panatikong islamistang organisasyon).

2Sa ibang bansa naman ay nangyari din nitong huli ang pambobomba sa Boston, USA noong Abril 15, 2013 at pagkubkob ng mga islamistang panatiko sa isang Mall sa Nairobi, Kenya noong Setyembre 21, 2013.

3Noong panahon ng diktadurang Marcos ang maoistang kilusan ay nakikipag-alyansa sa paksyon nila Corazon ‘Cory’ Aquino-Salvador ‘Doy’ Laurel. Noong panahon ng pagpapatalsik kay Joseph Estrada ay nakipag-alyansa sila kay dating Bise-Presidente Gloria Arroyo. Noong eleksyong presidensyal sa 2010 ay nakipag-alyansa sila sa Partido Nacionalista at sa milyonaryong kapitalistang pulitiko na si Manny Villar. Nitong 2013 eleksyon ay nakipag-alyansa na naman sila sa paksyon ni senador Ramon ‘Bong’ Revilla na isang tapat na alyado ng paksyong Arroyo at may planong tatakbong presidente sa 2016 at nadawit sa multi-bilyon na pork barrel scam.

4 Wala itong kaibahan sa dogmatikong pananaw ng mga maoista na ang gerilyang pakikidigma ang “pinakamataas” na porma ng pakikibaka at komitment ng isang rebolusyonaryo sa atrasadong mga bansa tulad ng Pilipinas. Ang “armadong pakikibaka” ng mga maoista ay isang “pulang terror” laban diumano sa “putting terror” ng estado. Subalit, ng sila na ang nakaupo sa tuktok ng estado, nagpapatuloy ang “pulang terror” laban na mismo sa uring manggagawa at mamamayan na tumututol sa estado.

5Isang malinaw na halimbawa ay ang mga gerilyang pakikidigma na kapwa ginamit ng magkaaway na paksyon ng mga imperyalistang kapangyarihan gamit ang mga linyang “demokrasya, pambansang kalayaan at sosyalismo”. Maging ang arnadong maoistang kilusan na umaangkin na “pinaka-radikal” sa buong kampo ng Kaliwa ay walang kahiya-hiyang nagpagamit sa mga malalaking burges na partido at pulitiko sa ilalim ng stalinistang taktika ng “bloke ng apat na uri” at “pakikipag-isang prente”. Kaugnay nito, walang kahiya-hiyang hayagan ang suporta ng mga radikal na peti-burges sa mga bansa at estado na lantarang anti-manggagawa at anti-komunismo dahil lamang sa rason na ang mga bansa at estadong ito (tulad ng Iran, Libya, Syria) ay “lumalaban” sa imperyalismong USA.

6Ang makitid na unawa na ang rebolusyon ay armadong pakikibaka ng isang espesyal na grupo ay walang kaibahan sa kakitiran ng karahasan = karahasan.