Mga pag-alsa sa Tunisia at Ehipto: Ang pinakamabisang pakikiisa ay makauring pakikibaka

Bersyon na maaaring i-printSend by email

Nasa ibaba ang salin sa tagalog ng
pahayag ng seksyon ng Internasyunal na Komunistang Tunguhin sa
Britanya hinggil sa kasalukuyang dumadaluyong na mga pag-aalsang masa
sa Hilagang Aprika at Gitnang Silangan.

Ang burges na media at ang iba't-ibang
paksyon ng Kaliwa ay nagtatambol na ito ay isang 'rebolusyon', na ito
ay mga kilusan para sa demokrasya. Ang naghaharing uri sa Pilipinas
sa pangunguna ng rehimen ni Benigno "Noynoy" Aquino ay
ipagmayabang na naman ang "People Power Revolution" noong 1986
kung saan naluklok ang kanyang ina na si Corazon Aquino at
ihalintulad ang nangyayari ngayon sa Ehipto sa 'Edsa 1986
Revolution'.

Tunay ngang malakas ang impluwensya ng
demokratikong mistipikasyon sa mga pangyayari ngayon sa Tunisia at
Ehipto laluna't ang mga rehimen doon ay diktadura at kurakot gaya ng
naranasan ng mga Pilipinong manggagawa noong panahon ng diktadurang
Marcos. At narito ang peligro na mauwi sa pagkatalo ang mga kilusan
doon ngayon.

Subalit sa likod ng ingay ng burges na
demokrasya ay nakikita naman sa ibaba, bagamat mahina pa, ang isang
proletaryong kilusan para sa isang tunay na pagbabago sa bulok na
lipunan. Isang kilusan na pinangunahan ng mga militanteng manggagawa
sa mga bansang ito.

Sa panig ng Pilipinas, matagal ng
nalasap ng masang Pilipino ang bangis ng mga demokratikong rehimen na
pumalit sa diktadurang Marcos, bagay na hindi malimutan ng mga
nagsuusring elemento at grupo sa Pilipinas. Ang diktadura at
demokratikong porma ng paghari ng uring burges ay walang kaibahan sa
esensya.

Hindi pa naglaho sa alaala ng mga
nagsusuring pwersa sa Pilipinas ang bangis ng estado mula sa panahon
ni Corazon Aquino hanggang sa panahon ni Gloria Arroyo, at maging sa
kasalukuyang paghahari ng paksyong Aquino na tinaguriang isang
'popular' na pangulo. Ang mga ito ay lumitaw matapos ang isang
'rebolusyon para sa demokrasya' noong 1986.

Ngayong buwan ng Pebrero ay lalakas na
naman ang mistipikasyon ng "People Power" sa 1986 lalupa't ang
anak ni Corazon Aquino ang nasa Malakanyang. At tiyak tutulong ang
rehimeng Aquino sa pangkalahatang kampanya ngayon ng internasyunal na
burgesya sa pangunaguna ng imperyalistang Amerika sa panawagang
"ibalik ang demokrasya" sa Hilagang Aprika at Gitnang Silangan.

Kaalinsabay nito ay dadagdag sa ingay
ng naghaharing uri ang lahat ng paksyon ng Kaliwa sa Pilipinas para
palakasin pa ang mistipikasyon sa burges na demokrasya sa pamamagitan
ng kanilang bangkarotang linya na 'dalawang-yugtong rebolusyon',
gerilya-ismo, parliyamentarismo at repormismo.

Kaya nararapat lamang na lalupang
magsuri ang mga rebolusyonaryong elemento sa Pilipinas sa mga
pangyayari ngayon sa mundo, sa mga naglalagablab na mga pakikibaka ng
mamamayan laban sa bulok na kaayusan. At mula sa pagsusuring ito ay
pag-isipan ng malalim ang mistipikasyon ng demokrasya, ang
bangkarotang linya na "dadaan muna sa demokratikong rebolusyon"
ang pakikibaka ng mga atrasadong bansa gaya ng sa Pilipinas, Hilagang
Aprika at Gitnang Silangan bago pa ang sosyalista-proletaryong
rebolusyon.

Ang pakikiisa ng manggagawang Pilipino
sa pakikibaka sa Ehipto ay hindi makikita sa pagsuporta sa
mistipikasyon ng demokrasya na siyang ninanais ng naghaharing uri sa
Ehipto at ng mga imperyalistang kapangyarihan sa pangunguna ng
imperyalistang Amerika kundi sa makauring pakikibaka laban sa
kapitalistang gobyerno ni Noynoy Aquino at sa lahat ng paksyon ng
burgesya sa Pilipinas.

INTERNASYONALISMO

Pebrero
11, 2011

---------------------------------------------------

Ang kulog sa Tunisia
at Ehipto ay umalingaw-ngaw sa Algeria, Libya, Morocco, Gaza, Jordan,
Syria, Iraq, Bahrain at Yemen. Anumang bandila ang dinadala ng mga
demonstrador, ang ugat ng lahat ng mga protestang ito ay ang
pandaigdigang krisis ng kapitalismo at ang direktang epekto nito:
kawalan ng trabaho, pagtaas ng presyo ng bilihin, panggigipit, at ang
panunupil at korupsyon ng mga gobyernong namahala sa brutal na mga
atake sa istandard ng pamumuhay. Sa madaling sabi, ang mga ito ay
katulad ang pinagmulan sa pag-alsa ng mga kabataang Griyego laban sa
panunupil ng polisya sa 2008, sa pakikibaka laban sa 'reporma' sa
pensyon sa Pransya, sa rebelyon ng mga estudyante sa Italya at
Britanya, at sa mga welga ng manggagawa mula sa Bangladesh at Tsina
at mula sa Espanya hanggang sa USA.

Ang determinasyon,
katapangan, at pakikiisang pinakita sa mga lansangan sa Tunis, Cairo,
Alexandria at marami pang syudad ay tunay na inspirasyon. Ang mga
masang nagbarikada sa Tahrir Square sa Cairo o kahalintulad na
pampublikong mga lugar ay nagtulong-tulong para may makain sila,
nilabanan ang mga atake ng mga goons ng maka-rehimen at polisya,
nanawagan sa mga sundalo na makiisa sa kanila, inalagaan ang mga
sugatan, hayagang itinakwil ang sektaryang dibisyon sa pagitan ng
Muslim at Kristyano, sa pagitan ng mga relihiyoso at sekular. Sa mga
komunidad bumuo sila ng mga komite para ipagtanggol ang kanilang
ari-arian mula sa mga magnanakaw na minamanipula ng polisya.
Libu-libo ang nagwelga ng ilang araw at maging linggo na nagparami pa
sa bilang ng mga demonstrador.

Naharap sa multo ng
malawakang pag-alsa, sa bangungot ng posibilidad na paglawak sa buong
'mundo ng Arabo' at maging lagpas pa, ang naghaharing uri sa buong
mundo ay tumutugon gamit ang kanyang pinakamaasahang dalawang
sandata: panunupil at mistipikasyon. Sa Tunisia, marami ang binaril
sa lansangan, pero ngayon dineklara ng naghaharing uri ang simula ng
transisyon tungong demokrasya; sa Ehipto, pinagsasalitan ng rehimeng
Mubarak ang pamamalo, pamamaril, pag-tear gas at paghahabol sa mga
nagprotesta at pahayag ng malabong mga pangako. Sa Gaza, inaresto ng
Hamas ang mga demonstrador na nagpakita ng pakikiisa sa mga pag-aalsa
sa Tunisia at Ehipto; sa West Bank pinagbawal ng PLO ang "walang
pahintulot na pagtitipon" na nanawagan ng suporta sa mga pag-aalsa;
at sa Iraq pinaputukan ng rehimen na binuo ng 'mapagpalayang' US at
Britanyaang mga protesta laban sa kawalan ng trabaho at kakulangan ng
pagkain. Sa Algeria, matapos mapigilan ang inisyal na pag-aalsa,
gumawa ng mga konsesyon na nag-legalisa sa malalamyang porma ng
protesta; sa Jordan binuwag ng Hari ang kanyang gobyerno.

Sa internasyunal na
antas, pinagsasalitan din ng naghaharing uri ang kanyang lenggwahe:
ang iilan - laluna ng kanan, at syempre ang mga naghahari sa
Israel - hayagang sumuporta sa rehimeng Mubarak bilang tanging
balwarte laban sa pag-agaw ng mga Islamista. Pero ang susing mensahe
ay binigay ni Obama: matapos ang inisyal na pag-aalinlangan, ang
mensahe ay kailangang bumaba si Mubarak at bumaba agad. Ang
'transisyon tungong demokrasya' ay isinusulong bilang tanging daan
para sa mga naghihirap na masa sa Hilagang Aprika at Gitnang
Silangan.

Ang mga peligrong
kinakaharap ng kilusan

Naharap sa dalawang
peligro ang kilusang masa na nakasentro sa Ehipto. Ang una ay ang
diwa ng pag-aalsa ay malunod sa dugo. Tila ang inisyal na pagtatangka
ng rehimeng Mubarak na iligtas ang sarili sa pamamagitan ng paggamit
ng kamay na bakal ay napahina: una, umatras ang polisya sa lansangan
sa harap ng malawakang mga demonstrasyon, at ang pagpakawala ng mga
goons na maka-Mubarak sa nagdaang linggo ay nabigo na pahinain ang
determinasyon ng mga demonstrador na magpatuloy. Sa naturang mga
komprontasyon pinakita ng hukbo ang kanyang sarili bilang 'nyutral',
minsan ay parang kampi sa mga anti-Mubarak na pagtitipon at
pinagtanggol sila mula sa mga atake ng mga maka-rehimen. Walang duda
na marami sa mga sundalo ay sumisimpatiya sa mga protesta at hindi
handa na barilin ang mga masa na nasa lansangan; ang ilan sa kanila
ay lumayas na sa hukbo. Sa mga opisyal ng hukbo, tiyak may mga
paksyon na nais ng bumaba si Mubarak ngayon. Pero ang hukbo ng
kapitalistang estado ay hindi nyutral. Ang kanyang 'proteksyon' sa
Tahrir Square ay isa ring porma ng pagkontrol, isang malawak na
kulungan; at kung mapilitan, tiyak gagamitin ang hukbo laban sa
pinagsamantalahang populasyon, liban lang kung magtagumpay ang masa
na makuha ang suporta ng ordinaryong sundalo at epektibong mabuwag
ang hukbo bilang organisadong bahagi ng kapangyarihan ng estado.

Pero narito ang
pangalawang malaking peligro na kinakaharap ng kilusan: ang peligro
ng malawak na ilusyon sa demokrasya. Ang paniniwala na ang estado,
matapos ang ilang reporma, ay magawang magsilbi sa sambayanan; ang
paniniwala na ‘lahat ng mga taga Ehipto', liban sa iilang kurakot
na indibidwal, ay magkatulad ang batayang interes. Ang paniniwala na
nyutral ang hukbo. Ang paniniwala na ang malubhang kahirapang
dinaranas ng mayorya ng populasyon ay mapangingibawan kung merong
buhay na parliyamento at mawala na ang arbitraryong paghari ni Ben
Ali o Mubarak.

Ang mga ilusyong
ito, na araw-araw sinasabi ng mga demonstrador sa kanilang sariling
pananalita at mga istrimer, ay nagpapahina sa tunay na kilusan para
sa kalayaan, na susulong lamang bilang kilusan ng uring manggagawa na
lumalaban para sa kanyang sariling interes, na iba mula sa ibang
panlipunang istrata, at higit sa lahat salungat sa interes ng
burgesya at ng kanyang mga partido at paksyon. Ang hindi mabilang na
mga ekspresyon ng pakikiisa at pag-oorganisa sa sarili na nakita
natin sa ngayon ay repleksyon ng tunay na proletaryong elemento sa
kasalukuyang panlipunang mga pag-aalsa; at, tulad ng sinabi ng
maraming nagprotesta, umaasa sila ng bago at mas makataong lipunan.
Pero itong bago at mas magandang lipunan ay hindi mabuo sa
pamamagitan ng parliyamentaryong eleksyon, sa pagluklok kay el
Baradei o ng Muslim Brotherhood o ng kahit anong paksyon ng burgesya
bilang ulo ng estado. Ang mga paksyong ito na malamang malagay sa
kapangyarihan dahil sa lakas ng ilusyon ng masa, ay hindi
mag-alinlangang gagamit ng panunupil laban sa masa kalaunan.

Maraming nagsasabi
ng ‘rebolusyon' sa Tunisia at Ehipto, kapwa mula sa pangunahing
media at dulong-kaliwa. Pero ang tanging rebolusyon na may katuturan
ngayon ay ang proletaryong rebolusyon, dahil nasa yugto na tayo kung
saan ang kapitalismo, demokratiko o diktadura, ay walang maibigay sa
sangkatauhan. Ang rebolusyong ito ay magtagumpay lamang sa
internasyunal na antas, lagpasan ang lahat ng pambansang hangganan at
ibagsak ang lahat ng estado ng mga bansa. Ang mga makauring
pakikibaka at pangmasang pag-aalsa ngayon ay unang hakbang tungo sa
rebolusyong ito, pero naharap sila sa lahat ng tipo ng balakid; at
para maabot ang layunin ng rebolusyon, malalimang pagbabago sa
pampulitikang organisasyon at kamulatan ng milyun-milyong tao ang
dapat maganap.

Ang sitwasyon sa
Ehipto ay sumada ng istorikong sitwasyon na kinaharap ng sangkauhan
sa pangkalahatan. Nasa terminal na pagbulusok ang kapitalismo. Walang
anumang maibigay ang naghaharing uri na perspektiba para sa
kinabukasan ng mundo; pero hindi pa mulat ang pinagsamantalahang uri
sa kanyang sariling kapangyarihan, sa kanyang sariling programa para
sa pagbabago sa lipunan. Ang ultimong peligro ay kung ang
temporaryong pagkapatas ay mauwi sa "mutwal na pagkawasak ng
naglalabanang mga uri", na sinabi ng Manipesto ng Komunista -
patungo sa kaguluhan at pagkawasak. Pero makita lamang ng uring
manggagawa, ng proletaryado, ang kanyang tunay na kapangyarihan sa
pamamagitan ng tunay na mga pakikibaka, at ito ang dahilan kung bakit
ang nangyayari ngayon sa Hilagang Aprika at Gitnang Silangan, sa
kabila ng kanyang mga kahinaan at ilusyon na humaharang nito, ay
tunay na tanglaw sa mga manggagawa sa buong mundo.

At higit sa lahat
ito ay panawagan sa mga proletaryado sa abanteng mga bansa, na
nagsimula ng bumalik sa daan ng paglaban, na gawin ang susunod na
hakbang, ipakita ang kanilang praktikal na pakikiisa sa mga masa ng
‘ikatlong daigdig' sa pamamagitan ng pagpalawak sa kanilang
sariling paglaban sa panggigipit at kahirapan, at sa paggawa nito ay
malantad ang lahat ng kasinungalingan ng kapitalistang kalayaan at
demokrasya, na matagal na nilang masaklap na naranasan.

WR,
5/2/11