1929 - 2008 Ang kapitalismo ay isang bangkarotang sistema - Pero posible ang ibang mundo: komunismo!

Bersyon na maaaring i-printSend by email

Ang mga politiko at ekonomista ay naubusan na ng mga
salitang naglalarawan sa bigat ng sitwasyon: "nasa hangganan ng kailaliman", "Isang
Pearl Harbor sa ekonomiya" "Isang rumaragasang tsunami" "Ang 9/11 sa pinansya"[1]... kulang
na lang ang Titanic.

Ano ba talaga ang nangyari? Nahaharap sa napipintong unos sa ekonomiya, marami ang nakababahalang
katanungan. Papasok na ba tayo sa panibagong pagbagsak gaya ng sa 1929? Paanong
nangyari ito?
Ano ang gagawin natin para maipagtanggol ang
ating sarili? At anong uri ng mundo ang tinitirhan natin?

Tungo sa brutal na pagbulusok-pababa
ng ating kabuhayan

Walang anumang
ilusyon sa puntong ito. Sa pandaigdigang saklaw, sa darating na mga buwan, masaksihan
ng sangkatauhan ang nakakapangilabot na pagbagsak ng kanyang kabuhayan. Sa
kanyang pinakahuling ulat, sinabi ng International Monetary Fund na mula ngayon
hanggang sa maagang bahagi ng 2009, 50 mga bansa ang papasok sa nakakatakot na
listahan ng mga bansang matamaan ng delubyo ng gutom. Ilan sa kanila ay ang
maraming bansa sa Africa, Latin America, Caribbean
at maging sa Asya. Sa Ethiopia, halimbawa, 12 milyong tao ang opisyal na
nasa sitwasyong namamatay na sa gutom. Sa India at China, itong mga tinaguriang bagong
kapitalistang Eldorados, daan-daang milyong manggagawa ang matatamaan ng bangis
ng kahirapan. Sa USA at Uropa, malaking bahagi ng populasyon
ang nahaharap sa di-matiis na kahirapan.

Lahat ng mga
sektor ay apektado. Sa mga opisina, bangko, paktorya, ospital, hi-tech na mga
sektor, industriya ng sasakyan, mga edipisyo o distribusyon, milyun-milyong
mawalan ng trabaho ang nagbabanta. Tatama na ang tanggalan! Mula pagpasok ng 2008 at sa USA lamang,
halos isang milyong manggagawa ang sinipa sa lansangan. At simula pa lamang ito.
Ang sunod-sunod na tanggalan ay nagkahulugan na lalong mahirap para sa mga
pamilya ng manggagawa na magkaroon ng sariling bahay, kumain at pangalagaan ang
kalusugan. Nagkahulugan din ito na para sa mga kabataan ngayon walang maibigay
na kinabukasan ang kapitalismo sa kanila.

Ang mga
nagsisinungaling sa atin noon ay nagsisinungaling pa rin sa atin ngayon!

Ang
kagimbal-gimbal na perspektibang ito ay hindi na itinatago ng mga lider ng
kapitalistang mundo, ng mga pulitiko at manunulat na nagsisilbi sa naghaharing
uri. Paano nila nagawa ito? Ilan sa pinakamalaking mga bangko ng mundo ay nalugi;
nasagip lamang sila salamat sa daan-daang bilyong dolyar, pounds at euros na
binigay ng mga bangko sentral, i.e. ng estado. Para sa mga stock markets ng Amerika,
Asya at Uropa, ay walang hanggang pagbulusok-pababa: nalugi sila ng 25 bilyong
dolyares magmula Enero 2008, o katumbas ng dalawang taong total na produksyon
ng USA. Lahat ng ito ay
nagpakita ng tunay na pagkataranta ng naghaharing uri sa buong mundo. Kung
bumagsak ang mga stock markets ngayon, ito ay hindi lang dahil sa
nakakapangilabot na sitwasyong kinakaharap ng mga bangko, ito ay dahil din sa
nakakahilong pagbagsak ng tubo na inaasahan ng mga kapitalista mula sa
malawakang pagbaba ng ekonomiya, isang alon na pagkalugi ng mga empresa, isang
resesyon na mas malala kaysa nakita natin sa nagdaang 40 taon.

Ang pangunahing
mga lider sa daigdig, Bush, Merkel, Brown, Sarkozy, Hu Jintao, ay
nagtipun-tipon sa serye ng mga pulong at ‘summits' (G4,G7,G8,G16,G40) para
tangkaing limitahan ang pagkasira, para pigilan ang pinakamalalang mangyari. Isang
panibagong summit ang pinaghandaan sa kalagitnaan ng Nobyembre, na tinitingnan
ng iba bilang daan sa ‘panibagong pagpupundar ng kapitalismo'. Ang tanging
bagay na kahalintulad sa pagkabalisa ng mga politiko ng estado ay ang ingay ng
mga eksperto sa mga TV, radyo at pahayagan...ang krisis ang numero unong estorya
ng midya.

Bakit napakaingay?

Katunayan, habang
hindi na maitago ng burgesya ang nakakapinsalang kalagayan ng ekonomiya, sinubukan
nitong papaniwalain tayo na hindi ito usapin na kukwestyonin ang kapitalistang
sistema mismo, na ito ay usapin ng paglaban sa ‘pang-aabuso' at ‘pagmamalabis'.
Ito ay pagkakamali ng mga ispekulador! Ito ay pagkakamali ng ganid na mga
kapitalista! Ito ay kamalian ng mga insentibo sa pagbubuhis! Ito ay pagkakamali
ng ‘neo-liberalismo'!

Para malunok natin ang alamat na ito, lahat ng
propesyonal na mga manggagantso ay pinakilos. Silang mga ‘eksperto' na
nagsasabi sa atin noon na malusog ang ekonomiya, na matatag ang mga bangko...ngayon
ay nasa TV at naghasik ng panibagong kasinungalingan. Sila na noon nagsasabi sa
atin na ang ‘neo-liberalismo' ANG solusyon, na dapat huwag manghimasok ang estado
sa ekonomiya, ngayon ay nanawagan sa mga gobyerno na lalupang manghimasok.

Ibayong
panghihimasok ng estado at ibayong ‘moralidad', at maging maayos ang
kapitalismo! Ito ang malaking kasinungalingan na nais nilang ibenta sa atin!

Mapangibabawan ba ng kapitalismo ang kanyang krisis?

Ang
totoo hindi nagsimula sa tag-init ng 2007 ang krisis na naminsala sa
pandaigdigang kapitalismo ngayon, sa pagsabog ng bula sa pabahay sa US. Sa
mahigit 40 taon sunod-sunod ang resesyon: 1967, 1974, 1981,1991,2001. Sa loob
ng ilang dekada naging isang permanenteng sakit ang kawalan ng trabaho, at ang
mga pinagsamantalahan ay nagdurusa sa mga atake sa istandard ng kanilang pamumuhay.
Bakit?

Dahil
ang kapitalismo ay isang sistema na gumagawa ng produkto hindi para sa pangangailangan
ng tao kundi para sa merkado at tubo. Napakaraming hindi naibigay na
pangangailangan pero hindi mabibili: sa ibang salita, ang malawak na mayorya ng
populasyon ay walang kapasidad na bilhin ang mga kalakal na nagawa. Kung nasa
krisis ang kapitalismo, kung daan-daang milyong tao, at sa malao't madali
bilyun-bilyon, ang inihagis sa hindi matiis na kahirapan at gutom, hindi dahil
hindi sapat ang ginagawang produkto ng sistema kundi dahil lumilikha ito ng mas
maraming kalakal kaysa kaya nitong maibenta. Sa bawat panahon na nasadlak ang
burgesya sa ganitong problema ang solusyon nito ay malawakang pagpapautang at
paglikha ng artipisyal na merkado. Kaya ang mga ‘rekoberi' ay laging humahantong
sa madilim na bukas, dahil sa huli lahat ng mga utang ay dapat mabayaran, ang
mga utang ay lalong lumala. Ito mismo ang nangyayari ngayon. Lahat ng
‘kamangha-manghang pag-unlad' sa nagdaang ilang taon ay lubusang nakabatay sa
utang. Ang pandaigdigang
ekonomiya ay nabubuhay sa utang, at ngayon na kailangan itong bayaran, ang
lahat ay bumagsak tulad ng baraha. Ang kasalukuyang kombulsyon ng kapitalistang
ekonomiya ay hindi resulta ng ‘maling pamamahala' ng pampulitikang mga lider, ng
ispekulasyon ng mga ‘mamumuhunan' o ng iresponsableng aktitud ng mga bangkero. Ang
mga taong ito ay walang ibang ginawa kundi ilapat ang mga batas ng kapitalismo
at ang mga batas na ito mismo ang nagdala sa sistema tungo sa kanyang
pagkawasak. Kaya ang bilyun-bilyong nilagak ng mga estado at ng kanilang mga
bangko sentral sa pamilihan ay walang saysay. Lalupa itong nagpalala! Pinalalaki
lamang nito ang utang, tulad ng pagtatangkang patayin ang apoy sa pamamagitan
ng pagbuhos ng gasolina. Pinakita lamang ng burgesya ang pagiging inuil at
desperasyon sa mga hakbanging ginagawa nito. Sa malao't madali lahat ng
kanilang pagliligtas (bail-out) ay mabibigo. Walang totoong rekoberi ang
posible sa kapitalistang ekonomiya. Walang polisiya, ng Kanan man o ng Kaliwa, ang
makapagsalba sa kapitalismo dahil ang sakit ng sistemang ito ay napakalubha at
wala ng lunas.

Pagkakaisa at makauring pakikibaka laban sa lumalawak
na kahirapan!

Kahit saan
nakikita natin ang pagkukumpara sa pagbagsak sa 1929 at sa Napakalaking
Depresyon sa 1930s. Tandang-tanda pa natin ang mga imahe ng panahong iyon: walang
kataposang linya ng mga manggagawang walang trabaho, mga lugawan para sa
mahihirap, nagsarahang mga empresa kahit saan. Subalit pareho ba ang sitwasyon
ngayon? Ang sagot ay HINDI. Mas malala ngayon, kahit pa ang kapitalismo, na
natuto mula sa karanasan, ay nagawang iwasan ang mabangis na pagbagsak, salamat
sa panghihimasok ng estado at mas magandang internasyunal na koordinasyon.

Pero mayroong
susing pagkakaiba. Ang teribleng depresyon sa 30s ay humantong sa Ikalawang
Pandaigdigang Digmaan. Ang kasalukuyang krisis ba ay magtatapos sa Ikatlong
Digmaang Pandaigdig? Ang daan tungo sa digmaan ay ang tanging sagot ng burgesya
sa kanyang hindi mapangingibawan na krisis. At ang tanging pwersa na makapigil
nito ay ang kanyang mortal na kaaway, ang internasyunal na uring manggagawa. Sa
1930s, ang pandaigdigang uring manggagawa ay terible ang pagkatalo matapos
mabukod ang rebolusyong 1917 sa Rusya at pinayagan nito ang sarili na mahatak
sa panibagong imperyalistang masaker. Subalit magmula sa mga mayor na
pakikibaka na nagsimula sa 1968, ang uring manggagawa ngayon ay hindi handa na
magbuhis ng dugo para sa mapagsamantalang uri. Sa nagdaang 40 taon dumaan ito
sa maraming masasakit na pagkatalo pero nanatili itong nakatayo; at sa buong
mundo, laluna magmula 2003, lumalakas ang paglaban nito. Ang kasalukuyang
krisis ng kapitalismo ay nagkahulugan ng kahindik-hindik na pagdurusa ng
daan-daang milyong manggagawa, hindi lang sa di-maunlad na mga bansa kundi sa
mga mauunlad din - kawalan ng trabaho, kahirapan, kahit gutom, pero magtutulak
din ito ng kilusan ng pagtutol mula sa mga pinagsamantalahan.

Absolutong
kailangan ang mga pakikibakang ito para limitahan ang pang-ekonomiyang atake ng
burgesya, para pigilan sila na itulak tayo sa absolutong kahirapan. Pero malinaw na hindi nila
mapigilan ang kapitalismo sa lalupang pagkalunod sa krisis. Kaya ang pakikibaka
ng uring manggagawa ay tumutugon sa iba pang pangangailangan, na mas mahalaga. Pinauunlad
nito ang kolektibong lakas ng mga pinagsamantalahan, ng kanilang pagkakaisa, ng
kanilang pagbuklod-buklod, ng kanilang kamulatan sa tanging alternatiba na
makapagbigay ng kinabukasan sa sangkatauhan: ang ibagsak ang kapitalistang
sistema at pagpalit dito ng isang lipunan na gumagalaw sa ganap na ibang
batayan. Isang lipunan na hindi na nakabatay sa pagsasamantala at tubo, sa
produksyon para sa merkado, kundi sa produksyon para sa pangangailangan ng tao;
isang lipunan na ini-organisa mismo ng mga gumagawa ng produkto at hindi ng
prebilihiyadong minorya. Sa madaling sabi, isang komunistang lipunan.

Sa loob
ng walong dekada, lahat ng sektor ng burgesya, kapwa ng Kanan at Kaliwa, ay
nagtutulungan para ipresenta na ang mga rehimen ng Silangang Uropa at Tsina ay ‘komunista',
subalit sila ay walang iba kundi partikular na barbarikong porma ng kapitalismo
ng estado. Ito ay usapin ng pagkumbinsi sa mga pinagsamantalahan na walang
silbi ang pangangarap ng ibang mundo, na walang ibang sistema maliban sa
kapitalismo. Pero ngayon na malinaw na pinatunayan ng kapitalismo ang kanyang
istorikal na pagkabangkarota, kailangang ang oryentasyon ng mga pakikibaka ng
uring manggagawa ay ang perspektiba ng komunistang lipunan.

Nahaharap
sa mga atake ng kapitalismo na nasa kataposan ng kanyang pagbulusok-pababa; para
tapusin ang pagsasamantala, kahirapan, at barbarismo ng kapitalistang digmaan:

Mabuhay ang mga pakikibaka ng pandaigdigang uring
manggagawa!

Manggagawa sa buong mundo, magkaisa!

Internasyunal na Komunistang Tunguhin

Oktubre 25, 2008

www.internationalism.org


[1] Sa pagkasunod-sunod: Paul Krugman (ang huling nanalong Nobel Prize
sa ekonomiya); Warren Buffet (isang Amerikanong mamumuhunan, sa palayaw na ang ‘oracle
of Omaha', isang bilyonaryo mula sa maliit na lungsod ng Nebraska na lubhang
nirerespeto sa daigdig ng pinansya); Jacques Attali (tagapayo sa ekonomiya ng
presidente ng Pransya na si Nicolas Sarkozy) at Laurence Parisot (presidente ng
asosasyon ng mga kapitalistang Pranses)

AttachmentSize
PDF icon Tl_crisis_leaflet.pdf1 byte