Ulat sa imperyalistang tunggalian (Nobyembre 2017)

Bersyon na maaaring i-print

Ang ulat na aming nalathala sa ibaba ay sinumite at tinalakay sa isang internasyunal na pulong ng IKT noong Nobyembre 2017, sa layuning makuha ang mga pangunahing tendensya sa ebolusyon ng imperyalistang tunggalian. Para magawa ito, ito ay ibinatay mismo sa nakaraang mga teksto at ulat ng organisasyon na may malalim na pagsusuri sa mga tendensyang ito, i.e. ang tekstong pang-oryentasyon na ‘Militarismo at Pagkabulok’ sa 1991 (inilathala sa International Review 64) at ang ulat sa ika-20 Internasyunal na Kongreso (inilathala sa IR 152, 2013).

Mula ng sinulat ang huling ulat, may serye na ng mga mayor na kaganapan sa paglala ng imperyalistang tunggalian sa Gitnang Silangan: una, ang direktang armadong pagpasok ng Turkey sa Syria noong 20 Enero, para harapin ang mga tropang Kurdish na nakabase sa rehiyon ng Afrin sa hilagang Syria. Ang interbensyong ito, na may tahimik na pagsang-ayon ng Rusya, ay may mabigat na komprontasyong militar sa hinaharap, partikular sa Amerika, kung saan sa rehiyong ito ay alyado ng pwersang Kurdish ng YPG, at nagpahiwatig ng importanteng dibisyon sa loob ng NATO, kung saan parehong myembro ang Turkey at Amerika. Pagkatapos may pambobombang militar ang Amerika sa Syria (na suportado ng Britanya at Pransya), na target ang pinaghinalaang mga lugar ng pagawaan ng armas kemikal, at nagmarka ng malinaw na pagtaas ng tunggalian sa pagitan ng Amerika at Rusya. Dagdag pa, kamakailan lang ay nakita natin ang pag-urong ni Trump sa kasunduang programang nukleyar ng Iran, na tumungo sa pagtalas ng tunggalian sa pagitan ng Israel at Iran at sa mas malalang pandaigdigang de-istabilisasyon, dahil ang desisyon ng Amerika ay kinondena ng mayoriya ng mga bansa. Lahat ng ito ay nagpakita ng peligro ng hindi makontrol na paglawak ng tunggalian sa Gitnang Silangan (tingnan ang aming artikulo), at nagpakita na ang kapitalismo ay mas lalo pang naging banta sa sangkatauhan.

Sa nagdaang apat na taon, ang imperyalistang tunggalian ay dumaan sa mga mayor na paglala: ang digmaan sa Syria at pakikipaglaban sa IS, ang interbensyon ng Rusya sa Ukraine, ang krisis ng bakwit at mga teroristang atake sa Uropa, Brexit at presyur ng populismo, eleksyon ni Trump sa Amerika at ang mga akusasyon ng pakikialam ng Rusya sa kanyang kampanya sa eleksyon (“Russiagate”), ang tunggalian sa pagitan ng Amerika at Tsina sa probokasyon ng Hilagang Korea, ang oposisyon sa pagitan ng Saudi Arabia at Iran (kabilang na ang tensyon sa Qatar), ang bigong kudeta laban kay Erdogan at ang sumunod na panunupil sa Turkey, ang tunggalian sa awtonomiyang Kurdish, ang paglakas ng nasyunalismo sa Catalonia, at marami pa. Kaya importante na tasahin ng IB ang saklaw kung saan ang mga kaganapang ito ay umaayon sa pangkalahatang pagsusuri sa kasalukuyang yugto, at kung anong bagong mga oryentasyon ang pinakita ng mga ito?

Para magawa ito, importante, tulad ng tamang paliwanag mula pa sa simula ng 1991 ng tekstong pang-oryentasyon “Militarismo at pagkabulok”, na gamitin ang paraan na angkop para maunawaan ang isang sitwasyon na walang alinsunuran:

“Taliwas sa Bordigistang tendensya, hindi kinikilala ng IKT ang marxismo na isang "hindi nagbabagong doktrina", kundi isang buhay na kaisipan na pinauunlad ng bawat mahalagang istorikal na kaganapan. Ang naturang mga kaganapanan ay maaring magkumpirma sa balangkas at pagsusuri na ginawa dati, at kaya dapat suportahan ang mga ito, o pagdidiin sa katotohanan na ang ilan ay lipas na , at ang pagsisikap para sa repleksyon ay kailangan para mapalawak ang aplikasyon sa mga iskema na balido sa nakaraan pero nalagpasan na sa mga pangyayari, o gumawa ng bago na sumasakop sa bagong realidad.

Ang mga rebolusyonaryong organisasyon at militante ay may ispisipiko at pundamental na responsibilidad na gawin ang pagsisikap ng repleksyon, na laging paabante, tulad ng ginawa ng mga nasundan natin gaya nila Lenin, Rosa, Bilan, ang Kaliwang Komunistang Pranses, at iba pa, na may parehong pag-iingat at kapangahasan:

  • na lagi at matatag na nakabatay sa mga batayang natamo ng marxismo, 
  • sinusuri ang realidad na walang tabing, at pinauunlad ang kaisipan na “walang anumang ostrasismo" (Bilan). 

Sa partikular, naharap sa naturang mga istorikal na pangyayari, mahalaga na ang mga rebolusyonaryo ay may kapasidad na kilalanin ang kaibahan sa pagitan mga pagsusuri na lipas na at sa mga nanatiling balido, para maiwasan ang dobleng bitag: kung hindi man sumuko sa esklerosis, ay “itapon ang bata sa tubig”

Ang pagsapraktika ng paraang ito, na ipinataw ng kasalukuyang realidad, ang batayan ng aming kapasidad na suriin ang pundamental na ebolusyon ng imperyalistang tunggalian sa nagdaang 26 taon.

Sa perspektibang ito, ang kasalukuyang ulat ay nagpanukala na sikapin nating maintindihan ang kasalukuyang kaganapan sa tatlong antas, para mai-lugar ang kahalagahan nila sa loob ng balangkas ng ating pagsusuri:

  • Hanggang saan sila umaayon sa balangkas ng pagsusuri na ginawa matapos ang pagkawasak ng bloke sa silangan? Pinaalalahanan natin ang ating mga sarili sa mga pangunahing pinipihitan ng pagsusuri sa tekstong pang-oryentasyon na militarismo at pagkabulok (IR 64, unang kwarto ng 1991)
  • Hanggang saan na sinunod nila ang mga mayor na tendensya ng imperyalistang tunggalian sa pandaigdigang saklaw, na inilarawan ng ulat ng ika-20 internasyunal na kongreso (IR 152, ikalawang kwarto ng 2013)?
  • Ano ang mga signipikanteng pagbabago ng imperyalistang tunggalian ngayon?

Ang oryentasyon ng 1991 OT

Inihapag ng teksto ang balangkas ng pagsusuri para maintindihan ang usapin ng imperyalismo at militarismo sa panahon ng pagkabulok. Iginiit nito ang dalawang pundamental na oryentasyon sa katangian ng imperyalismo sa kasalukuyang yugto:

Ang paglaho ng mga bloke ay hindi kinukwestyon ang realidad ng imperyalismo at militarismo

Kabaliktaran, mas naging barbariko sila at magulo: “Ang pagkabuo ng mga imperyalistang bloke ay hindi pinagmulan ng militarismo at imperyalismo. Ang kabaliktaran ang totoo: ang pormasyon ng mga bloke ay malalang resulta lamang (kung saan sa ilang pagkakataon ay pinalala ang mga dahilan), isang ekspresyon (at hindi lang ito), ng pagbulusok ng dekadenteng kapitalismo sa militarismo at digmaan…ang paglaho ng mga bloke ay nagbukas lang ng pintuan sa mas malalang barbariko, nagkaligaw, at magulong porma ng imperyalismo”.

Partikular itong nakita sa sukdulang imperyalistang ganid at pagdami ng mga tensyon at tunggalian: “Ang kaibahan sa yugto na katatapos lang ay ang mga tungaliang ito at antagonismo, na dati kontrolado at ginamit ng dalawang malaking imperyalistang bloke; ay nasa harap na ngayon, dahil sa pagkawala ng disiplinang ipinataw ng pag-iral ng mga bloke, ang mga tunggaliang ito ay nasa peligro na maging mas marahas at mas marami, syempre sa partikular, sa mga sona na pinakamahina ang proletaryado”

Kahalintulad, nakikita natin ang paglala ng “bawat tao para sa kanyang sarili” at ng kanilang resulta, ang pagtangkang kontrolin ang kaguluhan, na parehong mga salik na nagpapalala sa barbarismong militar: “ang kaguluhan na nagbabanta sa mayor na maunlad na mga bansa at ng kanilang mga inter-relasyon.….. naharap sa tendensya patungong pangkalahatang kaguluhan na ispisipiko sa pagkabulok at pinabibilis ng pagkawasak ng bloke sa Silangan, walang ibang paraan ang kapitalismo para tangkaing makontrol ang ibat-ibang mga sangkap, kundi ipataw ang pwersang militar. Sa puntong ito, ang mga paraan na ginagamit nito para tangkaing makontrol ang lumalalang madugong sitwasyon ng kaguluhan ay mga salik mismo para mas lumala ang barbarismong militar kung saan bumulusok ang kapitalismo”.

Sentral na giniit ng OT ang katotohanan na may istorikal na tendensya tungong bawat tao para sa kanyang sarili, tungo sa paghina ng kontrol ng Amerika sa mundo, partikular sa kanyang mga dating alyado. At may pagtatangka sa kanyang panig na gamitin ang pwersang militar, kung saan napakalaki ang kanyang superyoridad, para manatili ang kanyang kalagayan at ipataw ang kanyang kontrol sa mga dating alyado.

Wala sa agenda ang muling pagtayo ng mga bloke

Ang tumataas na barbariko at magulong katangian ng imperyalismo sa panahon ng pagkabulok ay mayor na balakid para sa muling pagbuo ng mga bloke: “ang pagtindi ng huli (militarismo at imperyalismo) sa kasalukuyang yugto ng buhay ng kapitalismo ay kakatuwang mayor na hadlang sa muling pagtayo ng isang bagong sistema ng mga bloke bilang kapalit sa naglaho na…. Ang katotohanan mismo na ang pwersang militar ay naging  - tulad ng kinumpirma ng tunggalian sa Gulpo – isang pinakamahalagang na salik sa anumang pagtatangka ng abanteng mga bansa na limitahan ang pandaigdigang kaguluhan ay konsiderableng harang para sa tendensyang ito…ang muling pagbuo ng bagong pares na imperyalistang bloke ay hindi lang imposible sa susunod na maraming taon, kundi malamang hindi na mangyayari”.

Ang Amerika ang tanging kapangyarihan na pwedeng maging pulis pandaigdigan. Ang tanging ibang posibleng maging lider ng isang bloke ay Alemanya at Hapon: “ang mundo ay parang rambulan, kung saan ang tunguhing ‘bawat tao para sa kanyang sarili’  ay lubusang gumagana, at kung saan ang mga alyansa ay malayong may istabilidad na katangian ng mga imperyalistang bloke, pero dominante ng kagyat na pangangailangan. Isang mundo ng madugong kaguluhan, kung saan ang pulis na Amerika ay magtangkang manatili ang minimum na kaayusan sa pamamagitan ng pagtaas ng paggamit ng malawakan at brutal na pwersang militar”.

Sa kabilang banda, ang USSR ay hindi na muling babangon bilang karibal: “Samakatuwid, halimbawa, hindi na usapin na ang ulo ng bloke na wasak na -  ang USSR – ay hindi na mabawi pa ang posisyong ito”.

Muli ang pagsusuri ay nanatiling tama: matapos ang 25 taon sa panahon ng pagkabulok, nanatiling walang perspektiba para sa muling pagbuo ng mga bloke.

Bilang kongklusyon, ang balangkas at ang dalawang pangunahing pinipihitan na nilapag ng OT ay sa pangkalahatan nakumpirma at malinaw na nanatiling balido.

Subalit, dagdag na repleksyon ang kailangan sa ilang mga elemento na pagsusuri

Ang papel ng Amerika bilang nag-iisang pulis ng daigdig ay malaki ang pagbabago sa nagdaang 25 taon: isa ito sa mga susing usapin na dapat palalimin ng ulat na ito. Ganun pa man, naghapag ang OT ng oryentasyon na naging mas kongkreto kaysa mga prediksyon natin noong 1991: ang katotohanan ay ang mga aksyon mismo ng Amerika ay magbunga ng dagdag na kaguluhan. Maliwanag na pinakita ito ng paglala ng terorismo ngayon, na sa pangkalahatan ay resulta ng polisiya ng Amerika sa Iraq, at segundaryo sa interbensyon ng Pransya-Britanya sa Libya.

Masasabi rin natin ngayon na pinapalaki ng analisis ang potensyal na papel ng Hapon at maging ng Alemanya. Nagawa ng Hapon na itayo ang kanyang armas at may awtonomiya sa ilang sektor, pero hindi ito maihahambing sa tendensya tungo sa pormasyon ng mga bloke dahil pumapailalim ang Hapon sa proteksyon ng Amerika na naharap sa banta ng Hilagang Korea at higit sa lahat mula sa Tsina. Nanatili ang potensyal ng Alemanya na walang seryosong pagpapalakas sa nagdaang 25 taon. Mas nakakuha ng bigat ang Alemanya, ito ay may pangunahin at maging namumunong papel sa Uropa, pero sa antas militar ay nanatili itong dwende, kahit pa (hindi tulad ng Hapon) may mga tropa itong lumahok sa maraming “mandato” ng UN. Kabaliktaran, ang yugto ay nakitaan ng paglitaw ng Tsina bilang bagong kapangyarihan, ang papel na masyadong minamaliit natin sa nakaraan.

Panghuli para sa Rusya, sa batayan nanatiling tama ang pagsusuri, sa punto na ang kanyang posisyon bilang lider ng bloke sa 1945 ay isang “aksidente” ng kasaysayan. Pero ang prediksyon na “sa kabila ng kanyang malaking arsenal ng armas, ang USSR ay hindi na muling magkaroon ng mayor na papel sa internasyunal na entablado” at ito ay “babalik sa kanyang third-rate na posisyon” ay hindi talaga nakumpirma: hindi talaga naging pandaigdigang karibal ng Amerika ang Rusya pero hindi balewala ang kanyang papel bilang isang “manggugulo”, na tipikal sa pagkabulok, na sa pamamagitan ng kanyang mga alyansa at interbensyong militar ay nagpatindi sa kaguluhan sa buong daigdig (at may mga tagumpay ito tulad ng sa Ukraine at Syria, pinatibay ang kanyang posisyon vis-a-vis Turkey at Iran at napaunlad ang kooperasyon sa Tsina). Malinaw na minamaliit natin ang mga mapagkukunan ng isang imperyalismo na nasandal na sa pader, handang ipagtanggol ang sariling interes ano man ang mangyari.

Ang analisis ng ulat ng ika-20 Kongreso ng IKT (2013)

Nakabatay mismo sa balangkas ng tumitinding barbariko at magulong imperyalismo at lumalaking hindi pagkakasundo ng polisiya ng Amerika, na mas lalo pang magpatindi ng barbarismong militar (pinipihitan ng ulat ng ika-19 kongreso[1]), naglapag ang ulat ng apat na oryentasyon sa paglala ng imperyalistang bangayan na nagkongkreto ng pinipihitan ng 91 OT:

 - Paglala ng bawat tao para sa kanyang sarili, partikular na pinakita ng pagdami ng mga imperyalistang ambisyon. Kongreto itong pinakita ng:

  • (a) ang peligro ng mga komprontasyong militar at paglaki ng instabilidad ng mga estado sa Gitnang Silangan: hindi katulad ng unang digmaan sa Gulpo ng 91, na pinainit ng Amerika at inilunsad ng internasyunal na koalisyon sa kanyang liderato, pinaigting nito ang kagimbal-gimbal na paglawak ng kaguluhan;
  • b) ang paglakas ng Tsina at pagtindi ng tensyon sa Malayong Silangan. Ang analisis ng ulat ay parsyal na itinuwid ang pagmamaliit sa papel ng Tsina sa ating dating pagsusuri. Subalit, sa kabila ng impresibong ekonomikong paglawak, lumalaking kapangyarihang militar at mas lumalaking presensya sa imperyalistang tunggalian, iginiit ng ulat na ang Tsina ay walang industriyal at teknolohikal na kapasidad na igiit ang sarili bilang ulo ng isang bloke at maging pandaigdigang karibal ng Amerika.

 - Ang lumalaking hindi pagkakasundo sa mga patakaran ng Amerika bilang pandaigdigang pulis, sa partikular sa Afghanistan at Iraq, ay nauwi sa lalupang pagkahulog sa barbarismong militar “Ang malinaw na kabiguan ng interbensyon sa Iraq at Afghanistan ay nagpahina sa pandaigdigang liderato ng Amerika. Kahit pa ang burgesyang Amerikano sa ilalim ni Obama ay pinili ang patakarang kontroladong pag-atras mula sa Iraq at Afghanistan, at nagawang bawasan ang epekto ng mapanirang mga polisiya ni Bush, hindi nito nabaliktad ang tendensya at nagbunga ito ng lalupang pagbulusok sa barbarismong militar. Ang pagpatay kay Bin-Laden ay pagtatangka ng Amerika na tugunan ang pag-atras ng kanyang liderato at paggiit ng kanyang absolutong superyoridad sa militar at teknolohiya. Subalit, ang aksyon na ito ay hindi kinukwestron ang patuloy na tendensya ng pag-atras”.

 - Ang tendensya tungo sa pagsabog ng paglawak ng sona ng permanenteng instabilidad at kaguluhan: “sa lahat ng bahagi ng mundo, mula sa Afghanistan hanggang sa Aprika, sa punto na ilang burges na nagsusuri, tulad nila Jacques Attali ng Pransya, ay hayagang nagsasalita ng Somalisasyon’ ng mundo

 - Ang krisis sa eurozone (ang PIGS – Portugal, Ireland, Greece and Spain) ay nagpatingkad ng tensyon sa pagitan ng mga estado sa Uropa at tendensyang sentripugal sa EU “Sa sa kabilang banda, ang krisis at ang marahas na mga hakbanging ipinataw ay nagtutulak tungong pagkawasak ng EU at ang pagtakwil sa ideya na kontrolin ng isang partikular na bansa, i.e. tumutulak patungong bawat tao para sa kanyang sarili. Radikal na tutol ang UK sa panukalang mga hakbangin ng sentralisasyon at sa mga bansa ng Timog Uropa ay lumalaki ang nasyunalismong anti-Aleman. Ang pwersang sentripugal ay maaring tumungo sa tendensyang pagkawasak ng mga estado, sa pamamagitan ng awtonomisasyon ng mga rehiyon tulad ng Catalonia, Hilagang Italya, Flanders o Scotland….Kaya ang presyur ng krisis, sa pamamagitan ng komplikadong inter-aksyon ng mga pwersang sentripetal at sentripugal, ay nagpatingkad sa proseso tungo sa pagkawasak ng EU at nagpalala ng tensyon sa pagitan ng mga estado”.

Ang apat na mayor na oryentasyon ng ulat ay nanatiling balido. Malinaw na pinakita nila na ang tensyon sa pagitan ng tulak patungong bawat tao para sa kanyang sarili at ang mga pagsisikap na kontrolin ang kaguluhan, na iginiit ng 91 OT, ay patungo sa mas malalang kaguluhan at pagsabog ng sitwasyon.

 Ang pangkalahatang paglala ng instabilidad sa imperyalistang tunggalian

Mula ng ulat ng 2013, kinumpirma ng mga kaganapan ang pagbulusok tungong mas magulong inter-imperyalistang bangayan. Pero higit sa lahat, ang sitwasyon ay markado ng mataas na irasyunal at pabago-bagong katangian, na nakaugnay sa populistang presyur, sa partikular sa katotohanan na ang pangunahing kapangyarihan ng mundo ay ngayon pinamunuan ng isang populistang pangulo kung saan ang mga reaksyon ay sukdulang pabago-bago. Lumalaki ang maiksing pamamahala ng burgesya at malakas na pabago-bago na ang resulta mula dito ay higit sa lahat ang mga katangian ng patakaran ng Amerika bilang pulis, pero nakita rin ito sa mga polisiya ng ibang imperyalistang kapangyarihan, ang paglala ng mga bangayan sa mundo, at ang paglaki ng tensyon sa Uropa.

Ang paghina ng kapangyarihan ng Amerika at ang pampulitikang krisis ng burgesyang Amerikano

Ang pag-upo ni Donald Trump sa kapangyarihan, na lumalangoy sa populistang alon, ay may tatlong pangunahing epekto:

Ang unang epekto ay ang pabago-bagong mga desisyon at hindi pagkakaugnayan ng patakarang panlabas ng Amerika. Ang mga aksyon ng populistang presidente at ng kanyang administrasyon, tulad ng pagkondena sa mga tratadong transpacific at transatlantic, sa kasunduang pangklima, pagkwestyon sa NATO at tratadong nukleyar sa Iran, buong suporta sa Saudi Arabia, ang paladigma na Hilagang Korea o ang tensyon sa Tsina, ay nagpahina sa mga batayan ng internasyunal na mga polisiya at kasunduan na pinagtanggol ng mga ibat-ibang administrasyon ng Amerika. Ang kanyang pabago-bagong mga desisyon, banta at ala-sugarol na pagkilos ay may epekto ng paghina ng tiwala sa Amerika bilang alyado: ang mga pagliko, pagkukunwari at biglaang pagbago ng posisyon ni Trump hindi lang nagmukhang katawa-tawa ang Amerika kundi pabawas ng pabawas ang mga bansa na may tiwala sa Amerika.

At kahit ang burgesyang Amerikano sa ilalim ni Obama, sa pagpatupad ng kontroladong pag-atras sa Iraq at Afghanistan, ay nagawang paliitin ang epekto ng mapanirang mga polisiya ni Bush, hindi nito nagawang pigilan ang tendensya ng pagbulusok-pababa ng nag-iisang makapangyarihan, at ang hindi pagkakasundo ng polisiya ng Amerika ay mas pinabilis ng mga aksyon ng administrasyong Trump. Sa G20 halata ang pagkahiwalay ng Amerika sa pagbabago ng klima at digmaang pangkalakalan. Dagdag pa, ang panghimasok ng Rusya sa Syria para iligtas si Assad ay nagpaatras sa Amerika at nagpapalakas sa impluwensya ng Rusya sa Gitnang Silangan, partikular sa Turkey at Iran, samantala hindi nagawa ng Amerika na limitahan ang pag-abante ng Tsina mula sa istatus na tagalabas sa 90s tungo sa pagiging seryosong karibal bilang tsampyon ng globalisasyon.

Ang peligro ng de-istabilisasyon ng pandaigdigang sitwasyon at dumaraming ng imperyalistang tunggalian ay walang kasinglakas ngayon, tulad ng nakita natin sa Hilagang Korea o Iran: ang polisiya ng Amerika ay higit sa nakaraan ay direktang salik sa paglala ng kaguluhan sa pandaigdigang saklaw.

Ang pangalawang epekto ng pag-upo ni Trump sa kapangyarihan ay ang pagbukas ng mayor na pampulitikang krisis sa loob ng burgesyang Amerikano. Ang patuloy na pangangailangan na kontrolin ang pabago-bagong mga desisyon ng presidente pero higit sa lahat ang duda sa pagkapanalo ni Tump ay pangunahin dahil sa suporta ng Rusya (“Russiagate”), isang tanawin na hindi katanggap-tanggap sa burgesyang Amerikano, nagpahiwatig ng partikular na maselang pampulitikang sitwasyon sa loob ng burgesyang Amerikano at kahirapan na kontrolin ang larong pampulitika.

Ang patuloy na labanan para “kontrolin” ang presidente ay maraming antas: ang presyur mula sa Partidong Republican (ang bigong boto para tanggalin ang Obamacare), oposisyon sa plano ni Trump ng kanyang sariling mga ministro (ang ministro ng Hustisya na si Jeff Sessions na ayaw magbitiw o ang mga ministro ng patakarang panlabas at depensa na “bumabago” sa mga proposal ni Trump), ang labanan para kontrolin ang istap ng White House ng mga “heneral” (McMaster, Mattis). Pero lahat ng ito ay hindi laging makontrol ang lahat, kung saan noong Setyembre ay nakipagsundo si Trump sa mga Democrat sa mariing pagtutol ng Republican na taasan ang limitasyon sa utang.

Ano man ang pakikitungo sa Rusya (kung saan may debate sa loob ng burgesyang Amerikano, na makikita natin)), ang mga akusasyon na nakikialam ang Rusya sa kampanyang presidensyal ni Trump noong eleksyon at si Trump ay may koneksyon sa mafiang Ruso ay napaka-seryoso, dahil nagkahulugan ito na sa unang pagkakataon isang presidente ng Amerika ay napili dahil sa suporta ng mga Ruso, na hindi katanggap-tanggap sa interes ng burgesyang Amerikano. Kung makumpirma ng imbestigasyon ang mga akusasyon, tutungo ito sa proseso ng pagpapatalsik kay Trump.

Ang huling epekto sa pag-upo ni Trump sa kapangyarihan ay ang paglala ng tensyon sa mga opsyon ng imperyalismong Amerika. Ang usapin ng koneksyon sa Rusya ay pokus rin sa bangayan ng klan sa loob ng burgesyang Amerikano. Dahil ang pangunahing karibal ngayon ay Tsina, ang paglalapitan ba sa dating lider ng karibal na bloke at importanteng kapangyarihang militar ay katanggap-tanggap sa burgesyang Amerikano para kontrolin ang kaguluhan, terorismo at tulak mula sa Tsina? Magawa ba ng Amerika na tumulong para muling lalakas ang kanyang karibal noong Cold War at tanggapin ang negosasyon sa kanya sa ilang mga lugar? Posible ba nitong makontrol ang ambisyon ng Tsina at bigwas na rin laban sa Alemanya? Sa loob ng administrasyong Trump, maraming pabor sa naturang paglalapitan, tulad nila Tillerson ng dayuhang patakaran at Ross ng kalakalan, kabilang na ang manugang ng presidente na si Kushner. Subalit, signipikanteng bahagi ng burgesyang Amerikano (partikular sa loob ng militar, ang sekretong pangserbisyo at Partidong Democrat) ay parang hindi handa na magbigay ng konsesyon sa kasalukuyang antas. Sa kontekstong ito, ang imbestigasyon ng Russiagate, na nagpahiwatig ng posibilidad na ang presidente ng Amerika ay ma-manipula at ma-blackmail ng eksternal na kaaway, ay sinamantala ng mga paksyong ito para ang anumang paglalapitan sa Rusya ay hindi tatanggapin.

Ang krisis ng Amerika bilang pulis ay ibayong nagtulak tungong bawat tao para sa kanyang sarili sa ibang imperyalistang kapangyarihan at ang pabago-bagong relasyon sa pagitan nila

Ang proteksyunistang oryentasyon ni Trump at ang pag-alis ng Amerika sa maraming internasyunal na kasunduan ay nagtulak sa ibat-ibang kapangyarihan, laluna sa Uropa at Asya, na palakasin ang kanilang relasyon -- na hindi sa ngayon isinantabi ng tuluyan ang Amerika – at ipakita ang kanilang kagustuhan na maging malaya mula sa Amerika at ipagtanggol ang kanilang sariling interes. Malinaw na nakita ito sa kolaborasyon ng Alemanya at Tsina panahon ng huling G20 sa Hamburg, at ang kolaborasyong ito sa pagitan ng mga bansa sa Uropa at Asya ay nakita rin sa kumperensya ng pagbabago ng klima sa Bonn na naglalayong i-kongkreto ang mga layunin na nabuo sa kumperensya sa Paris.

Ang pag-alis ng Amerika ay mas nagpalala sa tendensyang bawat tao para sa kanyang sarili sa hanay ng ibang malaking makapangyarihan: pinakita na namin ang agresibong tindig ng Rusya para magkaroon ito ng pundasyon sa padaigdigang imperyalistang larangan (Ukraine, Syria). Hinggil sa Tsina, sa nagdaang ulat nanatiling minamaliit namin (a) ang mabilis na ekonomikong modernisasyon at (b) ang panloob na pampulitikang istabilidad ng Tsina, na tila mas pinalakas pa sa ilalim ni Xi. Sa kasalukuyan itinulak ng Tsina ang sarili bilang tagapagtanggol ng globalisasyon sa harap ng proteksyunismo ng Amerika at bilang poste ng pandaigdigang istabilidad na kabaliktaran sa hindi istableng mga polisiya ng Amerika, habang nagpapaunlad ng estratehiyang militar na naglalayong palakasin ang kanyang presensyang militar labas ng Tsina (Karagatan sa Timog Tsina).

Itong paglala ng bawat tao para sa kanyang sarili ay maaring sumabay sa pagtayo ng mga sirskumstansyal na mga alyansa (Tsina at Alemanya para sa G20, ang alyansa ng Pransya-Alemanya para palakasin ang kooperasyong militar sa Uropa, Tsina at Rusya kaugnay sa Iran), pero ang mga ito ay patuloy na nagbago-bago at hindi batayan para sa paglitaw ng tunay na mga bloke. Ikonsidera natin sa ganitong antas ang halimbawa ng alyansa sa pagitan ng Tsina at Rusya. Ang dalawang kapangyarihan ay may komon na interes, halimbawa kaugnay sa relasyon ng Amerika sa Syria at Iran, o sa Malayong Silangan (Hilagang Korea) kaugnay ng Amerika at Hapon. Naglunsad din sila ng magkasamang mga maniobrang militar sa parehong mga rehiyon. Naging mayor na tagasuplay ng enerhiya ang Rusya sa Tsina, kaya nabawasan ang pag-asa nito sa Kanluran, samantalang ang Tsina ay may malaking puhunan sa Siberia at nagsuplay sa Rusya ng malaking halaga ng mga pangkonsumong kalakal. Subalit, ayaw ng Rusya na maging tagasunod sa isang makapangyarihang kapitbahay kung saan umaasa na ito ng malaki. Dagdag pa, magkaribal rin ang dalawang bansa sa sentral Asya, Timog-Silangang Asya at peninsula sa India: ang proyektong “New Silk Road” ay direktang salungat sa interes ng Rusya, habang pinalakas ng Rusya ang kanyang ugnayan sa India, ang pangunahing karibal ng Tsina sa Asya (kasama ang Hapon). Panghuli, ang paglalapitan sa pagitan ng Tsina at EU at sa Alemanya sa partikular ay kumakatawan ng nakamamatay na banta sa Rusya kung saan pipigain siya ng Tsina at Alemanya.

Ang ekstensyon ng sona ng digmaan, instabilidad at kaguluhan

Naharap sa pagsabog ng bawat tao para sa kanyang sarili, ang mga pagsisikap na “pigilang maghiwa-hiwalay ang ibat-ibang bahagi ng katawan” ay nagiging mas lalupang mahirap, habang ang instabilidad ng imperyalistang bangayan ay pabago-bago at lumalawak ang mga lugar ng tunggalian.

Ang pagkatalo ng Islamikong Estado ay hindi makabawas sa instabilidad at kaguluhan: komprontasyon sa pagitan ng milisyang Kurdish at hukbong Turkish sa Syria, sa pagitan ng mga yunit Kurdish at hukbong Iraqi at maka-Iranian na milisyang Shia sa Kirkuk sa Iraq ay nagbukas ng bagong madugong digmaan sa rehiyon. Ang posisyon ng Turkey, na may susing papel sa rehiyon, ay parehong sentral sa ebolusyon ng tensyon at puno ng peligro para sa istabilidad mismo ng bansa. May mahalagang imperyalistang ambisyon ang Turkey sa rehiyon, hindi lang sa Syria at Iraq, kundi sa lahat ng bansang muslim, mula Bosnia hanggang Qatar at Turkmenistan hanggang Ehipto, at naglalaro ng kanyang imperyalistang baraha: sa kabilang banda, ang kanyang katayuan bilang myembro ng NATO ay hindi istable, dahil sa kanyang masikip na relasyon sa Amerika at mayoriya sa mga bansa sa Kanlurang Uropa na myembro ng NATO, at saka ang tensyon kaugnay sa mga bakwit at ang kanyang mahirap na relasyon sa Gresya; sa kabilang banda, patungo na ito ngayon sa paglalapitan sa Rusya at maging sa Iran, na direktang imperyalistang karibal sa Gitnang Silangan, habang sumasalungat sa Saudi Arabia (pagtutol na alisin ang tropa sa Qatar). Samantala, lumala ang tunggalian para sa kapangyarihan sa loob ng bansa, dahil sa tumitinding gawaing diktador ni Erdogan at ang pagbangon ng gerilyang kilusang Kurdish. Sa ganitong antas, ang hindi pagpayag ng Amerika na ma-extradite si Gülen at sinuportahan pa, inarmasan at sinanay ang milisyang Kurdish sa Iraq ng Amerika, ay mabigat na banta para mas lumala ang kaguluhan mismo sa loob ng Turkey.

Ang pabago-bago ng ilang pokus ng tensyon ay mas litaw sa kaso ng Hilagang Korea. Subalit habang ang ugat ng tunggaliang ito ay ang lumalalang tagong komprontasyon sa pagitang ng Tsina at Amerika, ilang mga elemento ang may impluwensya na mas mataas ang posibilidad na hindi tiyak ang resulta:

  • Ang ideolohiya na kinukubkob na kuta ng Hilagang Korea, ang absolutong prayoridad na armas nukleyar laban sa hindi mapigilang atake ng Amerikano at Hapones, nagpahiwatig ng mataas na antas ng kawalang tiwala sa mga “kaibigang” Intsik at Ruso (at ito ay nakabase sa ilang karanasan ng mga partisanong Koreano noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig) at ibig sabihin ay limitado ang kontrol ng Tsina sa Hilagang Korea;
  • Ang ala-sugarol na kilos ni Trump, nagbabanta ng ganap na pagwasak sa Hilagang Korea, ay lalupang nagpahina sa kanyang kredibilidad. Sa isang banda ito ay makapagpabilis ng muling pag-aarmas ng Hapon (inanunsyo na ni primero ministro Abe); pero sa kabilang banda, ang hindi balanseng armas nukleyar sa pagitan ng Amerika at Hilagang Korea (ibang sitwasyon mula sa “balanse ng teror” sa pagitang ng Amerika at USSR noong Cold War) at ang sopistikasyon ng “limitadong” armas nukleyar, ay hindi nakabawas sa banta na solong gamitin ng Amerika, na isang kalitatibong hakbang sa pagbulusok tungong barbarismo.

Sa madaling sabi, ang sona ng digmaan, pagkabulok ng mga estado at kaguluhan ay mas lumalawak pa, mula sa Ukraine hanggang sa Hilagang Sudan, mula sa Nigeria hanggang sa Gitnang Silangan, mula Yemen hanggang sa Afghanistan, mula Syria hanggang sa Burma at Thailand. Dapat rin idiin natin ang paglawak ng sona ng kaguluhan sa Latin Amerika: ang lumalalang politikal at ekonomikong de-istabilisasyon sa Venezuela, ang pulitikal at ekonomikong kaguluhan sa Brazil, ang de-istabilisasyon sa Mexico na mas lalala pa kung ipatupad ang proteksyunistang polisiya ni Trump sa naturang bansa. Sa lahat ng ito ay kailangang idagdag ang paglawak ng terorismo, ang kanyang presensya sa araw-araw na realidad sa Uropa, sa Amerika, atbp. Ang kaguluhan na kumakalat sa buong mundo ay nagkahulugan na paliit ng paliit ang posibilidad para sa rekonstruksyon (ganito rin ang pagtingin para sa Bosnia o Kosovo), tulad ng nakitang kabiguan sa patakarang rekonstruksyon at muling pagtayo ng mga istruktura ng estado sa Afghanistan.

Ang paglala ng tensyon sa Uropa

Ang salik na ito, potensyal na nasa ulat ng ika-20 Kongreso, ay pinatingkad sa ispektakular na paraan sa nagdaang ilang taon. Dahil sa Brexit, pumasok ang EU sa sona ng malalakas na kaguluhan, sa ilalim ng palusot na proteksyon sa mamamayan laban sa terorismo, tumaas ng malaki ang badyet ng militar at pulis sa Kanlurang Uropa at laluna sa Silangang Uropa.

Sa ilalim ng presyur ng mga ekonomikong polisiya, sa krisis ng bakwit, mga teroristang atake at higit sa lahat ang tagumpay ng mga populistang kilusan sa eleksyon, dumarami ang mga bali sa loob ng Uropa at tumitindi ang mga antagonismo: ekonomikong presyur ng EU sa Gresya at Italya, ang resulta ng reperendum sa Brexit, ang presyur ng populismo sa mga polisiya sa Uropa (Holland, Alemanya) at tagumpay sa mga bansa sa Silangang Uropa (Poland, Hungary at kamakailan lang sa Republika ng Czech), panloob na tensyon sa Espanya dahil sa “krisis sa Catalonia”. Isang gradwal na pagtiwalag sa EU, halimbawa via “maraming pagpabilis sa Uropa”, na kasalukuyang tinataguyod ng alyansang Pransya-Alemanya, ay magluwal ng matinding intensipikasyon ng imperyalistang tunggalian sa Uropa.

Ang relasyon sa pagitan ng populismo (laban sa mga “elitista” at ng kanilang mga ideyang globalista, cosmopolitan, at para sa proteksyunismo) at nasyunalismo ay pinatingkad sa talumpati ni Trump sa UN nitong Setyembre: ang nasyunalismo ay nagsilbing internasyunal na interes: kung ang bawat bansa ay iisipin una ang sarili, aayusin ng mga bagay ang sarili para sa mundo. Pinapalala nito ang pagsamba sa bawat tao para sa kanyang sarili (“Una ang Amerika” ni Trump) na malakas ang impluwensya sa tunggalian sa Catalonia. Sa likod ng krisis sa euro at sa marahas na paghigpit-sinturon na dumating sa kanyang lamay, nakikita natin ang dramatikong inter-aksyon sa pagitan ng populismo at nasyunalismo: sa isang banda isang bahagi ng panggitna at maliit na burgesya sa Catalonia na “ayaw ng magbayad para sa Espanya”, o ang mga probokasyon ng koalisyong Catalista ng Puigdemont na dominado ng kaliwa at naharap na mawalan ng kredibilidad sa kapangyarihan; sa panig ng mga “Espagnolista”, ang makabayang reaksyon ng primerong ministro ng Espanya na si Rajoy na naharap sa krisis ng Partido Popular, na masyadong nalugmok sa katiwalian.

Ang militarismo at digmaan ay pundamental na bahagi na ng buhay ng kapitalismo mula ng pumasok ito sa yugto ng pagbulusok-pababa…  kung ang militarismo, imperyalismo, at digmaan ay bahagi na ng yugto ng pagbulusok-pababa, ito ay dahil ang huli ay tumugma sa katotohanan na ang mga kapitalistang relasyon ng produksyon ay hadlang na sa pag-unlad ng mga produktibong pwersa: ang absolutong irasyunal na katangian, sa antas ng ekonomiyang pandaigdigan, sa gastos ng militar at digmaan ay ekspresyon lang ng patuloy na pag-iral ng pagkaligaw ng mga relasyon sa produksyon na ito”. (“Militarismo at pagkabulok”). Ang antas ng imperyalistang kaguluhan at barbarismong militar ngayon, na mas malala pa kaysa 25 taon na ang nagdaan, ay napakalinaw na ekspresyon ng pagiging lipas na ng sistema at ang pangangailangan na ibagsak ito.

 

 

[1] Ang ulat na ito ay hindi inilathala sa aming pahayagan. Subalit, maaring tingnan ng mambabasa ang seksyon sa imperyalistang tensyon mula sa resolusyon sa internasyunal na sitwasyon na inaprubahan ng Kongreso.